Mga Ibong Mandaragit at prehuwisyo sa panitikang Filipino

Kahanga-hanga ang artikulo ni Connie Veneracion sa pahayagang Manila Standard Today (“The Birds of prey and Batjay,” 29 Abril 2008), at muling inihayag niya ang kaniyang prehuwisyo laban sa kapuwa panitikan at wikang Filipino nang walang pangingimi sa angking katangahan. May kaugnayan ang kaniyang artikulo hinggil sa nobelang Mga Ibong Mandaragit (1969) ni Amado V. Hernandez, at aniya’y hindi madaling arukin.

Umaangal si Veneracion na hirap na hirap daw maunawaan ng kaniyang anak ang nobela. Nagtuwang pa umano si Veneracion at ang kaniyang mister sa pagbasa ng nobela ngunit nabigo sila dahil sa “mabibigat” na salitang inilahok ni Hernandez sa akda nito, kaya nakapagbitiw pa ng malulutong na mura ang magkabiyak. Idinagdag pa ni Veneracion ang kaniyang pananaw at panukala hinggil sa paggamit ng mga “salitang magagaan” na mabilis na makapaghahatid ng mensahe sa mambabasa.

Ang totoo’y mahirap lamang ang nobela ni Hernandez sa mga tao na walang tiyagang magbasa sa Filipino, at sa mga tao na laging nauulapan ng prehuwisyo ang isip laban sa panitikang Filipino. Madali lamang basahin ang nobela ni Hernandez, kung tutuusin, at malaki ang iniungos nito sa Tagalog halimbawa nina Lope K. Santos at Valeriano Hernandez Peña. Kung baga sa pelikula, ang nobela ni Hernandez ay hindi purong drama, bagkus nalalahukan din ng kaunting libog, katatawanan, bakbakan, at iba pang usapang makukulay. Ngunit higit pa rito, taglay ng nobela ang masinop na paglinang ng mga tauhan, ang pagtatagni-tagni ng mga kapana-panabik na pangyayari, at ang malalim na imahinasyon sa pagpapasalikop ng kathang-isip at realidad o ng mito at kasaysayan.

Ang Mga Ibong Mandaragit ay umiinog sa buhay at pakikipagsapalaran ni Mando (na dating si Andoy) na dating tauhan ng pamilya Montero. Lumahok siya sa digmaan laban sa mapanakop na Hapones, at nakilala pagdaka si Tata Matyas, na nakababatid na may katotohanan umano ang kayamanang itinapon ni Padre Florentino sa dagat, at siyang nakapaloob sa nobelang El filibusterismo ni Jose Rizal. Mahihimok si Mando na hanapin ang kayamanan, at nang masisid niya ito’y ginamit pagkaraan sa pagtataguyod ng peryodikong Kampilan at sa pagtatayo ng Freedom University, na tinaguriang “pandayan at palihan ng mga kabataang makabansa.” Nakipagtulungan si Mando kay Dr. Sabio, na makabayang intelektuwal at edukador, upang baguhin ang sistema sa lipunang pinamumugaran ng mga bulok na propitaryo, politiko, relihiyoso, at hukom. Sa pagwawakas ng nobela, mahihiwatigan ang pananagumpay ni Mando at ni Magat (na dating punong gerilya) sa pagbubuo ng maláy na pamayanan ng mga magsasakang handang igiit ang kanilang karapatan sa mapaniil na pamilyang Montero.

Ang “ibong mandaragit” sa nobela ni Hernandez ay hindi na ang dating de-kahong banyagang mananakop, gaya ng Espanyol, Hapones, at Amerikano. Naghunos iyon sa katauhan ng mga politiko at kakutsaba nilang pawang Filipino na pinaghaharian ang mga dukha, mangmang, at mahina. Sinasala din sa akda ang diyalohikong ugnayan ng mga puwersa, uri, at kabuhayan sa lipunan—sa pamamagitan ng masining na usapan o diwain ng mga tauhan—at  naghahain ng mga posibilidad sa kapalaran ng sosyalistang pangangasiwa, kung hindi man pamunuan.

Nahihirapan lamang sa pagbasa ang gaya ni Veneracion dahil halatang hindi siya nagbabasa ng panitikang Filipino; o sadyang ayaw niyang magbasa ng mga akdang Filipino, kahit pa magmagarang mahusay siyang magsulat o magsalita sa Filipino. Dahil kung nagbabasa nga siya, ang diskurso ng Ingles ay hindi niya ipipilit sa diskurso ng Filipino. Magkaiba ang polo na pinagmumulan ng dalawang wika. Dagdag pa rito’y magkaiba rin ang kasaysayan ng panitikang Filipino at ng Ingles, at hindi makatwirang laging gamitin sa pagsusuri ang lente ng Ingles o banyagang panitikan sa pag-aaral ng panitikang Filipino.

Pinuri ni Veneracion ang nobeletang The Old Man and the Sea ni Ernest Hemingway, at itinambis pa pagkaraan sa nobela ni Hernandez. Ang totoo’y hindi maihahambing ang nasabing akda ni Hemingway sa nobela ni Hernandez, dahil intelektuwal at makabayan ang pagdulog ni Hernandez kompara sa baryotikong mangingisda-kontra-sa-higanteng-marlin ni Hemingway. Kung babasahin ni Veneracion ang salin sa Filipino ni Jesus Manuel Santiago sa naturang akda ni Hemingway, matatauhan marahil ang butihing abogada sa elegansiya at lalim ng Filipino, bukod sa maiisip na higit na maganda ang salin kaysa orihinal na akda sa Ingles.

Ang panukalang “mga salitang magagaan” ni Veneracion ay sintomas ng kaniyang antas ng panlasa sa panitikan. May mga panitikang sadyang magagaan, ngunit ang gayong “gaan” ay ikinukubli lamang ang masalimuot na loob at diwa ng akda. Ang “gaan” sa panitikan ay matatagpuan hindi lamang sa paglalahok ng mga ngangayunin at balbal na salitang gaya ng sa mga akda ni Batjay (Jay David) o ni Jun Cruz Reyes. May kaugnayan din iyon sa antas ng diskurso ng mambabasa sa diskursong taglay ng manunulat. Mahirap lamang basahin ang isang akda kung ang mambabasa ay walang tiyagang arukin ang mga pahiwatig at pagpapakahulugan ng mga salita, at kung sadyang tiwalag siya sa mga tayutay at sayusay o ugat at kaligiran ng kaniyang binabasa.

Salita ang bumubuhay sa mga manunulat at sa kanilang mga akda. Ang pagpapakadalubhasa sa paggamit ng wika ang instrumento ng mga manunulat upang makalikha ng mga dakilang akda. Bakit dapat mangimi kung malalim ang bokabularyo ng isang nobela o tula? Kinakailangan bang laging ibaba ng manunulat ang kaniyang pamantayan upang umabot sa mababang pamantayan ng mga mambabasang ang totoo’y wala naman? Hindi ba nakalulugod na magbasa ng mga akdang lampas sa mga de-kahong banghay at pormula, at makapagpapataas sa pagtingin sa pagkatao o pagkabansa?

Kung talagang binasa ni Veneracion ang nobela ni Hernandez, nasagap sana niya ang matalim na obserbasyon ng kritikong si E. San Juan Jr. sa epilogo ng nobela:

One last word: It is indeed an anomaly that this epilogue to a novel whose single, concentrated aim is to define the possibilities of freedom for a Filipino is written in the language of a former colonizer. Languages have each their own myths, history, and ideological orientation. And English is no exception. English, given its present decline and obsolescence in the nation, can never really express the native psyche, the Filipino experience in its place and time, as sincerely and effectively as (F)ilipino, except perhaps by dental and negation. One may suggest that nothing of any value can be gained except through denial and renunciation; but what value for human communication and communion can there be in falsehood or deception? I submit that this novel introduces itself on its terms as a work of art possessing in its form and texture a host of manifold implications that immediately transcend the realm of art. Mga Ibong Mandaragit is the first Filipino novel that has succeeded in giving us the true, disturbing image of ourselves and our experience.

Walang kakayahan ang gaya ni Veneracion na ipakahulugan ang panitikan para sa mga Filipino. Bagaman malaya niyang gamitin ang wikang nais niyang gamitin, at sa pakiwari niya’y madaling mauunawaan ng madla, hindi naman nangangahulugan iyon na dapat na nating ipinid ang pinto sa mga panitikang hahamon sa ating mambabasa para mag-isip at magsuri nang malalim. Kung hanggang mabababaw na panitikan lamang ang ating babasahin ay mananatili tayo sa gayong antas: mababaw. Walang mawawala sa pagbabasa ng mga dakilang panitikan—malalim man ang bokabularyo nito o hindi—kundi ang ating taglay na katangahan.

Hindi maibubukod ang wika sa mga dakilang panitikan. At mamamatay lamang ang ating wikang Filipino kung susundin natin ang payo at prehuwisyo ng mga demagogo na ang wikang Filipino ay laan lamang sa mga panitikang mabababaw at madaling maarok, kung hindi man tsismis, kabalbalan, at kuro-kurong walang batayan.

Kaugnay na Akda
Prehuwisyo at Kamangmangan

6 thoughts on “Mga Ibong Mandaragit at prehuwisyo sa panitikang Filipino

  1. Kulang na po talaga siguro ang kasanayan natin sa wikang Filipino kaya mahirap na maintindihan ang mga nobela ni Hernandez…. Paano ba naman e bihira na ang tunay na pagtangkilik sa ating katutubong salita. Sa mga palabas sa TV sa Pilipinas ngayon e palasak ang English o Taglish. Nakakasuya na minsan lalo na at alam mong ito ang “cool” at “in” sa mga kabataan. Ako nga, hindi na halos makabigkas ng pangungusap na walang halong isa, dalawa o tatlong salitang English!

    Hindi ko pa nababasa ang “Mga Ibong Mandaragit” pero natapos ko na ang “Luha ng Buhaya.” Nagustuhan ko naman ang nobela. Sa palagay ko’y wala kay Hernandez ang problema.

    http://milkcashcow.wordpress.com

    Like

  2. sumasang-ayon ako sa artikulong ito… nabasa ko ang kanyang blog ukol dito…

    ang lahat ay may karapatang maging manunulat/ blogger at lumikha ng sariling blog ngunit hindi lahat ay puwedeng maging kritiko ng panitikan… nakakatuwa ang kanyang saloobin tungkol sa nobela. Hindi mo puwedeng ihanay ang gawa ng isang Amado V. Hernandez sa mga sampay bakod na manunulat na parang kabute na sumulpot lamang. Tungkol sa antas ng wika, alamin muna ng mambabasa o kritiko kung kailan naisulat ang isang akda kaya ang mga salita ay hindi madaling arukin…. napakasimple lang ngunit nagiging kumplikado sa mga di maalam …

    Like

  3. Pingback: She Didn’t Get Amado Hernandez – PinoyPress — Philippines news, opinion, blogs.

  4. Malinaw na di nga makakapagtiyagang basahin ng sinuman ang akdang ‘Mga Ibong Mandaragit’ ni Amado Hernandez kung nahirati lamang sa pagbabasa ng wikang dayuhang gaya ng Inglis na namamalasak sa ating bansa matagal nang panahon ang nakararaan at lalo na magpahanggang ngayon. Nakakapanghinayang na wala yatang nakakaisip sa pamahalaan na gawing takdang aralin ng mga kabataan sa high school at college ang nobelang ito ni Hernandez na tunay na nakakapagmulat sa mga suliraning pambayan.
    Kasalukuyan pa akong nakikipagbuno sa nobelang ito at pakiwari ko tunay na ang akdang ito ni Hernandez ay ipagmamakapuri ng lahing Filipino. Ito’y puwede nang ihanay sa mga klasikong babasahing Inglis at ng iba pang dayuhang wika.
    Nakakalungkot talaga na ang ating mga manunulat sa sariling wika ay nakakaligtaan at napapabayaan ng pagtangkilik ng pamahalaan at ng madla na sa paglipas ng panahon ay malawak na ang guwang wari kaya’t di na nauunawaan at napapahalagahan.
    Ang pananaw nga ng tulad ng kay Connie Veneracion ay tanda lamang ng kanyang pagkatiwalag sa wikang sarili at pagkahirati niya sa wikang banyaga kaya’t di na niya maintindihan ang akdang sosyo-politiko ni Hernandez na, kahit ito’y isang fiction, ay tunay talagang sumasalamin sa buhay-bansa ng Filipino noong ang bansa ay sinakop ng Hapon at ng pagkatapos ng digma. Ang mga isyu ng malawakang kahirapan at katiwalian noon na mababasa sa nobela ni Hernandez ay dinaranas pa ng kalakhang bahagi ng mamamayan at wari’y lalong naglubha sa panahon ngayon.

    Like

  5. sang-ayon din ako dito.
    Hindi masamang maging mahusay sa Ingles o sa iba pang wika pero sana ay ganoon din ang effort natin pagdating sa wikang Filipino.
    Kalabisan na bang magkaroon din ng diksyunaryong tagalog ang mga edukadang magulang na tulad ni Veneracion? Sa tingin ko kasi, masyado niyang minaliit ang wikang Filipino kaya akala niya ay kayang-kaya na nilang ituro sa anak nila ang assignment nito hinggil sa Ibong Mandaragit dahil isa din naman siyang edukadang tao.
    Nahihirapan din siguro siyang maarok ang ganitong mga akda dahil baka tiwalag ito sa kanyang sariling karanasan.
    Ang mga tulad ni Veneracion ay kabilang sa mga dayuhan o turista sa sariling bayan, nagsasalita siya bilang isang hiwalay na entidad at hindi bilang kabilang ng mga mamamayan sa bansang ito.

    Like

  6. Salamat po sa inyong pagsusuri!

    Ako man po ay ay kulang na kulang pa sa kasanayan sa wikang Pilipino, kaya’t laging nagbabasa dito ng inyong mga akda. 🙂 Sa ganang akin, madaling bumili ng diksyunaryo at gawin itong sanggunian, pero ang tanong: may bukas bang isipan ang mambabasa? Sumasang-ayon po ako na nakasalalay sa karakter ng mambabasa ang maaarok niya mula sa bawat salitang nalimbag sa pahina.

    Natutuwa ako sa mga gumagamit ng mga malalalim at mayayayamang salita sa Pilipino lalo na’t maayos nilang naihahayag sa pamamagitan ng mga ito ang kanilang hangarin. Hindi lamang ako nasisiyahan kundi nadaragdagan pa ang aking kaalaman.

    Salamat po sa isang makabuluhang akda. 🙂

    ruth

    Like

Mag-iwan ng puna

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.