Science fiction at Panitikang Tagalog

Kathang agham (science fiction) ang nauuso ngayong uri ng kuwento at nobelang kinakagat ng kabataan. Ang nasabing uri ng akda ay hindi totoong pinasimulan ng ilang kabataang manunulat sa Unibersidad ng Pilipinas o Ateneo de Manila University. May pinag-ugatan iyon sa Tagalog, at ugat na marapat lingunin ng sinumang nagtatangkang pumalaot sa gayong pagkatha.

Maaaring magsimula sa koridong Ibong Adarna na ang awit ng mahiwagang ibon ay kayang makapagpagaling ng sakit na pisikal. May ipot din ang Adarna na kapag sumayad sa sinumang tao ay nagiging bato ito. At mapanunumbalik lamang ang dating anyo ng tao kapag binuhusan ito ng mahiwagang tubig na mula sa ermitanyong nag-aangkin ng lihim na karunungang gaya ng siyentipiko.

Lilipas ang mahabang panahon bago maghunos ang uri ng kathang agham sa Filipinas. Nang malathala ang Doktor Satan ni Mateo Cruz Cornelio noong 1945, hahatak sa mga mambabasa ang bagong uri ng katha. Ito ang kathang hango sa daigdig ng agham, ang agham na bagaman hinaluan ng guniguni ay halos maging kapani-paniwala sa mga tao na naghahanap ng lunas sa kanilang sakit at kahinaan.

Umiinog ang Doktor Satan sa buhay ni Dr. Alberto Estrella. Binagabag si Alberto ng pangyayaring ang kaniyang ina ay dinapuan ng malubhang sakit, at kailangan niyang tumuklas ng bagong gamot na makapagpapagaling sa ina. Nagsaliksik nang nagsaliksik ang doktor. Hanggang isang araw, napanumbalik ni Alberto ang buhay ng Rusong si Igor na nagpatiwakal, kaya lalong lumakas ang kutob ng naturang doktor na nakamit niya ang gamot na magbibigay ng inmortalidad sa sinumang tao.

Tinungga ni Alberto ang gamot na kaniyang inimbento, ngunit sa kasamaang-palad ay nakaranas siya ng di-inaasahang epekto. Naghunos ang kaniyang pagkatao na animo’y satanas na may mabalasik na kalooban. Dumating ang sandaling pinatay ni Alberto ang kaniyang kasintahan dahil sa hindi mapigil na panloob na puwersa. Naghasik ng lagim si Alberto hanggang mapatay ito ng kaniyang kapatid na si Pepe na isa ring alagad ng batas. Samantala, gumaling mula sa pagkakasakit ang ina ni Alberto matapos inumin ang gamot na ibinigay ng kaniyang anak.

Madaling sabihin na naanggihan si Cornelio ng mga akdang gaya ng Frankenstein  (1818; 1831) ni Mary Wollstonecraft Shelley o kaya ng Dr. Jekyll and Mr. Hyde (1886) ni Robert Louis Stevenson, gaya ng haka ng kritikong si Soledad S. Reyes. Ngunit ang akda ni Cornelio ay hindi sadyang panggagagad, dahil ang pagnanais na humanap ng gamot sa sakit ng tao ay hindi lamang esklusibo at nagmumula sa kanluran bagkus malaganap na tema sa mga alamat at mito dito sa Asya.

Kung babalikan naman ang mga pangyayari noong dekada 1930-1940, lilitaw ang mga pambihirang tuklas sa larangan ng agham. Kabilang dito ang tuklas ni Ernest O. Lawrence hinggil sa pagpapangkat ng mga dugo ng tao; ang bakunang pinaunlad ni Max Theiler laban sa yellow fever; at ang saliksik ni Otto Warburg ukol sa enzyme. Mulang biyolohiya hanggang kemistri, mulang pisika hanggang medisina, napakaraming tuklas na ang pinakarurok ay ang pagkakaimbento ng bomba atomikang pupuksa sa laksa-laksang tao sa Nagasaki at Hiroshima. Ang panahon nang sulatin ni Cornelio ang kaniyang nobela’y panahon ng lagim, at hindi kataka-taka kung maghanap ang tao ng mga bagay na lulunas sa sakit o bagabag nito.

Hindi nagwawakas sa nobela ni Cornelio ang mga kathang agham. Noong 1959, ilalathala sa magasing Aliwan ang nobelang Ang Puso ni Matilde ni Nemesio E. Caravana. Naiiba sa lahat ang akdang ito ni Caravana dahil sumusugal ito nang malaki sa paksang hindi lubos maisip ng masa.

Ang “Matilde” na tinutukoy ay hindi tao bagkus babaeng buldog. Si Matilde ang matapat na aso ni Dr. Lino Romasanta. Ang nobela ay pumapaksa sa transplantasyon ng puso ng isang aso sa katawan ni Angela, ang kasintahan ni Lino. Ginahasa si Angela ni Dr. Razul, at pagkaraan ay nasiraan ng bait, saka inatake sa puso. Isinumpa ni Lino na bubuhayin ang kaniyang katipan, at pakakasalan. Dahil matinik na siruhano, tinistis ni Lino ang puso ni Angela at pinalitan ng puso ni Matilde. Nabuhay si Angela, subalit nagpapabago-bago ang kaniyang asal, na kung minsan ay sa tao at kung minsan ay sinusumpong na mabangis na aso. Dito nagsimula ang pagpapanday kay Lino bilang matapat na asawa at alagad ng medisina.

Kung babalikan ang kasaysayan, naganap ang unang matagumpay na operasyon na ginawa sa puso ng aso noong 1914, at mababanggit si Dr. Alexis Carrel. Samantala, ang unang transplantasyon ng puso ng tao ay isasagawa ni Dr. Christiaan N. Barnard noong 1967 sa Groote Schuur Hospital, Cape Town, South Africa. Nangangahulugan ito na nahulaan na ni Caravana ang posibilidad ng transplantasyon ng puso ng tao; gayunman, ang kaniyang nobela ay pumapaksa sa paglilipat ng puso ng buldog sa katawan ng tao.

Kinakailangang tuklasin muli ng bagong henerasyon ng mga kabataan ang akdang ito ni Caravana. Pulido ang wika ni Caravana, at bukod dito’y pambihira ang kaniyang paglinang sa mga tauhan upang maging kapani-paniwala. Ginamit din ng awtor ang paglalatag ng mga kapana-panabik na tagpo, at kahanga-hanga ang pukol ng mga salita ng mga tauhan na kumbaga sa pelikula’y makapagil-hininga. Heto ang isang halimbawa makaraan ang seremonya ng kasal nina Lino at Angela:

Hindi matingkala ang kagalakang nag-uumapaw sa puso ni Dr. Romasanta nang matapos na kasal. Masigla at halos pasagsag na inilabas niya ng simbahan ang kanyang magandang asawa.

Gayunman, nang sila’y magkasama na sa awto ay hindi pa rin lubusang mapawi sa isipan ni Lino ang pag-aalaala. Baka sumpungin ng pagkaaso si Angela. Hindi nakaila kay Angela ang pag-iisip ni Lino.

—Bakit ba tila may inaalala ka?—pansin ni Angela.
—A, walang anuman,—pakli ng manggagamot. —Naisip ko lamang na tutuksuhin tayo ng ating mga kaibigan.
—Maano kung manukso sila,—ani Angela.—Bakit, ikahihiya mo ba ako kaninuman?
—Hindi sa ikahihiya. Ang totoo’y ikinararangal kita, Angela. Para sa akin ay ikaw na ang lahat: ang langit, kaligayahan at lahat-lahat na!

Gayon na lamang ang pagbabatian nang dumating na ang bagong kasal sa tahanan ng lalaki. Gaya ng sinabi ni Lino, gayon na lamang ang panunukso sa kanila ng mga dinatnan.

At dumating ang oras ng salu-salo. Sabay-sabay na nagsiluksok ang lahat sa isang mahabang mesa. May biruan at may tawanan. Madalas nilang pasaringan ng biro ang mga bagong kasal. Nguni’t napuna ni Dr. Romasanta na walang imik si Angela. Napansin din niyang nananalim ang mga mata nitong nakatitig sa buto ng hita ng litson.

Kinabahan si Lino. Sinapantaha niyang hindi malayong sumpungin si Angela. Nakita niyang gumalaw-galaw ang mga labi nitong walang iniwan sa asong si Matilde. (Ika-21 labas, Ang Puso ni Matilde ni Nemesio E. Caravana, Aliwan, 7 Oktubre 1959).

Makabubuting magbalik sa nakalipas na panitikan bago maghayag ng kung ano-anong kabaguhan kuno sa panitikang Ingles o Filipino dito sa Filipinas. Ang paglingon sa nakaraan ay pagharap din sa maaliwalas na bukas ng ating pambansang panitikan.

1 thoughts on “Science fiction at Panitikang Tagalog

  1. Pingback: Kathang Agham at Panitikang Tagalog | The New Worlds Alliance

Mag-iwan ng puna

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.