Baguio ng mga Manunulat

Mahalumigmig sa Camp John Hay nang magtungo ang mga piling manunulat at sumailalim sa mahigpit na palihang ibinunsod ng Institute of Creative Writing noong 6-13 Abril 2008 kaugnay ng Sentenyal ng Unibersidad sa Pilipinas. Gayunman, umaasó ang talakayan, gaya ng kapeng barako na bagong hango sa lutuan.

Kabilang sa mga kalahok, ayon sa paalpabetong pagkakasunod-sunod, ay sina Roberto T. Añonuevo, Abdon Balde Jr., Rica Bolipata-Santos, Ian Rosales Casocot, Frank Cimatu, Allan Derain, Ana Maria Katigbak, Luis Katigbak, Rodolfo Lana Jr., Nicolas B. Pichay, Tara F.T. Sering, at Vincenz Serrano. Walang itulak-kabigin sa pangkat na ito, at ang maituturing na pinakamahuhusay na manunulat sa kanilang piniling lárang, gaya ng dula, kuwento, nobela, sanaysay, at tula.

Tutumbasan ang nasabing pangkat ng mga batikang panelistang gaya nina Gémino H. Abad, Virgilio S. Almario, Jose Dalisay Jr., Cristina Pantoja Hidalgo, Bienvenido Lumbera, V.E. Carmelo D. Nadera, Charlson L. Ong, at Jun Cruz Reyes. Inimbitahan naman si Karina Bolasco ng Anvil Publishing Inc. upang magbigay ng kaniyang kaalaman hinggil sa mga aklat na kinakagat sa merkado.

Mataas ang inaasahan ng mga panelista sa mga fellow. Kabilang dito ang kadalubhasaan sa anyo at nilalaman ng akda; ang taas ng ambisyon ng likha at kung paano iyon isinulat; ang kahusayan sa paggamit ng wika; ang talas ng diwain sa akda; at ang pagtatangkang mag-ambag sa pagbuo ng kabansaan sa pamamagitan ng malikhaing paraan.

Inilahad ng mga kalahok ang kani-kaniyang proyekto, at lumitaw sa talakayan ang dalawang mahalagang aspekto. Una, may ganap na kontrol ang manunulat sa kaniyang akda, at maihahalimbawa ang mga kuwento, nobela, at tulang isinaaklat. At ikalawa, may mga bagay na nakaaapekto sa akda, gaya sa dulang panteatro at pampelikula, na ang piyesa’y malimit pakialaman ng direktor, prodyuser, at artista. Sa ibang pagkakataon, ang akda’y maaaring maapektuhan ng kung ano ang hinihingi ng pabliser o tagapagbenta ng libro. Sinipat din sa talakayan ang papel ng makabagong teknolohiya at pangyayari, gaya sa cyberspace, at kung ano ang mga posibleng epekto nito sa dating sakop ng panitikang pasulat at de-papel, lalo sa proyekto ng mga manunulat.

Pinag-usapan din ang aspekto ng pag-abot sa malawak na mambabasa, kung hindi man manonood. Hindi umano makatatagal ang manunulat sa kaniyang pedestal, at kailangan niyang kausapin ang kaniyang mambabasa sa higit na malinaw subalit masining na paraan alinsunod sa wikang nagkakaunawaan ang magkabilang panig. Sa naturang pananaw, ipinapalagay na nakauungos ang diskurso ng manunulat kaysa pangkalahatang mambabasa kaya kinakailangang hatakin ng manunulat ang mga mambabasa upang makasabay sa diskurso.

Ang kahusayan sa pagsusulat ay hindi rin nangangahulugang dapat mabigat palagi ang akda, mapawika man o mapadiwa. Kahit ang matatayog na diwain ay mapagagaan, alinsunod sa kombinasyon ng mga salita at paraan ng pagsasabi. Idiniin ni Virgilio Almario na mabilis na namamatay ang wika at ang pinakaepektibong paraan upang mapanatili ang pag-iral nito ay gamitin sa panitikan. Ang pagtataya ay masisilayan sa ginagawa nina Frank Cimatu at Bobby Añonuevo, na lumilihis sa nauusong ngangayunin at balbal na wika ng midya.

Nang pag-usapan ang pagpapalathala at pagbebenta ng aklat, mataas ang bentaha ng koleksiyon ng mga kuwento o kaya’y serye ng nobela o nobeleta, ani Karina Bolasco. Ito ang puwang na mapagkakakitaan ng mga manunulat. Samantala’y madilim ang tagpo sa gaya ng tula at dula, na pawang may kahirapan ang pagbebenta ng mga aklat maliban na lamang sa ilang sitwasyong nakalikha ang awtor—gaya nina Ricky Lee, Boy Noriega, at Rene O. Villanueva—ng masusugid na tagasubaybay na handang maglabas ng salapi. Iba  ang sitwasyon sa panig ng dulang pantelebisyon o pampelikula na ang manunulat ay malaki ang pagkakataong kumita kapag nagkahalo ang talento, tumpak na panahon, at oportunidad.

Ang maganda sa talakayan ay nabigyan ng pagkakataon ang mga manunulat na ipakilala ang kanilang binubuong aklat o proyekto. Bukod dito’y nailabas din nila ang kani-kaniyang itinatagong pananaw ukol sa estetika at poetika, na pawang kaugnay ng kanilang paglago bilang manunulat. Malaking tulong sa talakayan ang pagbibigay ng mungkahi mula sa mga nakatatandang manunulat o kritiko at siyang tutumbasan ng matatalim na obserbasyon at tugon ng mga kalahok. Ang proyekto, kung gayon, ay lumalampas sa teksto bagkus umaabot hanggang sa buong pagkatao ng manunulat.

Maaaring sina Tara Sering, Luis Katigbak, Rica Bolipata-Santos, at Ian Casocot ang bagong mukha ng katha sa Ingles, samantalang sina Jun Balde at Allan Derain ang maghahawan ng landas sa kasalukuyang yugto ng katha sa Filipino. Nagbabanta sina Tara at Jun na maglabas na mahigit 500 pahinang nobela; nakakasa na ang maiikling kuwento ni Luis para sa bagong koleksiyon; at pakasaysayan naman ang pagdulog nina Rica at Ian sa pagbuo ng mga personalidad mulang Zambales hanggang Dumaguete.

Matitiyak na paghaharian ni Jun Lana ang pelikula at telebisyon, hindi lamang bilang premyadong mandudula o iskriprayter, bagkus bilang batikang direktor. Na kay Jun ang sensibilidad ng matinik na manunulat na maalam sa nakaraan at ang lakas ng loob na lumihis na nakagisnan. Aasahan din ang malaking papel ni Nick Pichay sa teatro at sining-pagtatanghal upang mapanumbalik ang halina nito sa kasalukuyang manonood na pihikan ang panlasa.

Samantala’y pambato sina Vinz Serrano at Mookie Katigbak sa panulaang Ingles, habang tahimik lamang sina Frank Cimatu at Bobby Añonuevo na pawang nagbabantang magsilang ng mga aklat ng tula sa Filipino—na maipagyayabang hindi lamang sa Filipinas bagkus maging sa iba pang panig ng daigdig. Ipinamalas ng apat na makata na hindi lamang sila marunong sumulat ng tula. Matinik din silang sumuri at bumuo ng teorya ng pagbasa sa tula na dapat mabatid ng iba pang kritiko o guro.

Pambihira ang talakayan sa Baguio dahil sumapit na sa pagkatigulang ang mga kalahok. Matatalim ang pukol ng mga diwain, ngunit kataka-takang ni wala man lamang nagsaksakan, nagmurahan, o nagbatuhan ng silya. Mapapansin ang paggalang sa isa’t isa, at walang may hangin sa ulo. At gaya ng winika ni Tara, kalmante man ang pangkat ng mga kumag sa palihan, maaasahan naman na lilikha sila ng nakayayanig na bagyo pagsapit sa larangan ng panitikan ngayon at sa mga darating na araw. 

2 thoughts on “Baguio ng mga Manunulat

  1. hello po ako ay isang simpleng maybahay lamang gusto ko po sanang humingi ng gabay sa lahat ng kabataang manunulat sa baguio sa aking adhikain na isulat ang kaganapang nangyayari sa ating mundo dahil ito ay isang malaking historya na hindi makaklimutan na dapat ay maitala sa isang libro para kung sakaling mawala man ang mga social media ay mabasa pa din ng mga susunod na henerasyon
    ako po ay walang sapat na kaalaman sa pagsulat ng isang libro o bilang manunulat
    ang aking panaglan ay si maria cristina cano
    ang akin pong numero ay 0915-504-0584

    Like

    • Maraming salamat, Maria, at napadalaw ka rito sa blog ko. Kung nais mong humusay sa pagsusulat ay kailangang magbuhos ka ng panahon sa pagbabasa ng matitinong aklat— na maaari mong maging patnubay o halimbawa sa pagsusulat. Kailangan ding subaybayan mo ang trend ng pagsusulat, at makabubuti kung lilingon ka sa ugat ng pagsusulat sa iyong bayan. Sinumang tao ay nagtataglay ng kaniyang kuwento, na kung maisasatitik nang maayos ay mahalagang ambag sa pambansang gunita. Hinihikayat kitang magsulat, at kung babalikan mo ang mga paskil ko rito sa Alimbukad, mababatid mong maraming magandang halimbawa ang naririto, de-kalibre at pandaigdig ang uri, ngunit nakasulat o isinalin sa Filipino.

      Like

Mag-iwan ng puna

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.