Advertisements

“Ang Pakikipagsapalaran ng Pawikan,” ni Russell Edson

Ang Pakikipagsapalaran ng Pawikan

ni Russell Edson

Salin ng “The Adventures of a Turtle” ni Russell Edson ng United States of America.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Pasan ng pawikan ang kaniyang bahay. Siya ay kapuwa bahay at tao ng bahay.

Ngunit ang totoo, sa ilalim ng talukab ay ang maliit na silid na ang tunay na pawikan, na nakasuot ng kalsonsilyo, ay nakaupo sa munting mesa. Sa isang sulok ng silid ay serye ng mga panikwas na nakasungaw sa mga puwang sa sahig, gaya ng mga kontrol ng isang mekanikang pála. Sa pamamagitan nito’y napakikilos ng pawikan ang mga paa ng kaniyang tahanan.

Malimit na nakaupo ang pawikan sa padahilig na kisame ng silid-pagong at nagbabasá ng mga katalogo sa munting mesa na tinirikan ng may sinding kandila. Itinukod niya ang isang siko, at pagkaraan ang kabilang siko. Nagdekuwatro siya, at pagkaraan ay pinagpalit ang pagkakapatong ng mga hita. Napahikab siya, at isinapo sa kaniyang noo ang mga bisig at humimbing.

Kapag nararamdaman niyang pinupulot ng isang bata ang kaniyang bahay ay mabilis niyang papatayin ang ilaw ng kandila at tatakbo sa mga panikwas na kontrol, sakâ pagagalawin ang mga paa ng kaniyang bahay at sisikaping tumakas.

Kapag hindi siya makatakas ay pauurungin niya ang hita at itatago ang tinaguriang ulo at maghihintay. Batid niyang walang ingat ang mga bata, at darating ang oras na malaya niyang maililipat ang kaniyang bahay sa kung saang kubling pook, at doon ay muli niyang sisindihan ang kandila, ilalabas ang mga katalogo, at babasahin hanggang siya’y maghikab. Pagdaka’y pasubsob niyang itatago ang kaniyang ulo sa kaniyang mga bisig at matutulog. . . . At iyon ay hanggang may ibang batang pupulot sa kaniyang tahanan. . . .

Advertisements

“Kahuyan, Isang Prosang Soneto,” ni Ralph Waldo Emerson

Salin ng “Woods, a prose sonnet” (1839) ni Ralph Waldo Emerson.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Kahuyan, Isang Prosang Soneto

Kay dunong ninyo, O sinaunang kahuyan! Higit na marunong sa tao!  Sinumang bumagtas sa inyong landas o pumaloob sa inyong kasukalang ni walang bagnos, ay nauunawa ang parehong kalugod-lugod na aral, maging siya man ay paslit na bata o huklubang edad sandaan. Sumasapit siya may tagumpay man o kabiguan, at mulang isang panahon tungong ibang panahon. Habambuhay na mga karayom sa pinong tumatayog at bumubuwal, ang mga belyota sa roble, ang mga arseng namumulá sa taglagas, at sa lahat ng sandali sa buong taon ang pino sa lupain at ang ubod pirola at ugat sa ilalim ng talampakan. Ang tinaguriang suwerte at tinatawag na Panahon ng mga tao—lingid ang mga ito sa iyo. Walang wika ang tao upang ilarawan ang isang sandali ng iyong walang hanggahang búhay. Ito ang hiling ko sa iyo, o sagradong Kahuyan, na kapag itinuro sa akin ang anumang dapat bigkasin, ituro din sa akin ang himig kung paano ko wiwikain iyon. Itulot sa akin ang sarili mong himig, gaya ng simoy o ulan o batis o mga ibon; dahil ang mga awit ng tao ay tumatanda kapag malimit ulitin, ngunit ang taglay mo, bagaman narinig na ng kung sinong tao sa loob ng pitumpung taon, ay walang pagkakahawig, bagkus ay laging bago, tulad nitong panahon, o pagmamahal.

Ralph Waldo Emerson

Ralph Waldo Emerson

Ulan sa Taglagas, ni Raif Khudairi

salin ng “Autumn Rain” ni Raif Khudairi (Arif Karkhi Abukhudairi Mahmoud) ng Ehipto.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ulan sa Taglagas

Gabi na. Umuulan sa labás, at waring pumapatak ang mga bituin. Tulad ng ulan, ang iyong gunita’y pumapatak sa aking kalooban. Kumusta na, mahal? Matagal nang panahong naghiwalay tayo habang umuulan noong isang gabi ng taglagas. Umuulan ba sa inyong pook, gaya sa amin? Pumapatak ba ang aking gunita sa kalooban mo, gaya ng ulan? Gabi na, at umuulan ngayong taglagas sa labás ng bahay. Pumapatak ang ulan gaya ng mga bituin sa kailaliman ng gabi. At ang iyong gunita’y lumuluha gaya sa tag-ulan.

Ang Ibong Asul, ni Rubén Darío

Salin ng “El pájaro azul” ni Rubén Darío, sagisag ni Félix Rubén García Sarmiento, mula sa Nicaragua.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Nakalulugod at nakahihindik na teatro ang Paris. Kabilang sa mga nasa loob ng Café Plombier ang mga butihin at desididong kabataan—mga pintor, eskultor, manunulat, makata—na ang bawat isa’y ibig matamo ang sinaunang lungtiang lawrel! Wala nang kaibig-ibig pa sa pobreng si Garcin, na laging malungkutin at tomador ng ahénho, ang mapangaraping walang pagkalasing, at hindi maipagkakamaling bohemyo at magaling na improbisador.

Sa gusgusing silid ng aming maliligayang pagtitipon ay inililihim ng yeso ang mga guhit at linya ng mga darating na Delacroix, berso, at saknungang isinulat sa makakapal, malalalim na titik ng aming minamahal na “Ibong Asul.”

Ang pobreng si Garcín ang ibong asul. Alam mo ba kung bakit siya tinawag nang gayon? Bininyagan namin siya sa gayong pangalan.

Hindi namin basta kapritso iyon. Taglay ng mahusay na binata ang malamlam na titig. Nang usisain namin siya kung bakit siya tahimik samantalang lahat kami’y naghahalakhakan nang hangal, siya na nakatitig nang maningning paitaas ay sumagot nang may ngiting mapait.  .  .  .

“Mga kasama, ipinababatid ko sa inyong may ibong asul ako sa utak, at kung gayon.  .  .  .”

*  *  *

Sumapit ang panahong nakahiligan niyang magliwaliw sa párang pagsapit ng tagsibol. Pinalusog ng simoy ng gubat ang kaniyang bagà, wika nga ng makata.

Sa kaniyang mga eskursiyon ay dala niya ang mga tangkay ng biyoleta at ang makakapal na kuwaderno ng mga madrigal, na sinulat sa kaluskos ng mga dahon at sa ilalim ng malawak, maaliwalas na langit. Ang mga biyoleta’y para kay Niní, ang kaniyang kapitbahay, ang dalagang sariwa at mamulá-mulá ang kariktan, at bughaw ang mga mata.

Ang mga tula’y para sa amin. At babasahin namin iyon nang malakas, at papalakpak. Labis ang papuri namin kay Garcin. Isa siyang henyong nakatakdang tumanyag. Sasapit ang panahon.  Lumipad nang mataas, o ibong asul! Bravo! Mabuhay! Mabuhay! Tumagay pa ng maraming ahénho!

*  *  *

Ang mga prinsipyo ni Garcin:

Sa mga bulaklak, maririkit ang kampánula.
Sa mamahaling bato, natatangi ang sapiro.
Sa kalawakan, ang langit at ang pag-ibig ay nasa balintataw ni Niní.
At inulit ng makata: Higit na matimbang ang kabaliwan kung ihahambing sa katangahan.

May sandaling malungkutin si Garcín kaysa nakagawian.

Binagtas niya ang mga lansangan; sinipat niya nang kay-lamig ang mararangyang karwahe, ang mga elegante, ang naggagandahang babae. Napangiti siya nang mapagawi sa harap ng eskaparate ng alahero; ngunit nang sumapit siya sa tindahan ng mga aklat, hindi niya naiwasang mainggit sa maluluhong edisyon, at mapakunot, at pumaling ng tingin sa langit saka bumuntong-hininga nang malalim. Hahangos siya nang sabik at marubdob sa kapihan at hahanapin kami, at hihingi ng isang baso ng ahenho saka magwiwika:

“Oo, sa hawla ng aking utak ay nakabilanggo ang ibong asul na naghahangad ng kalayaan . . . .”

*  *  *

May ilang naniniwala sa pagkasira ng bait.

Isang alyenista ang nakasagap ng balita at ipinalagay na kaso iyon ng natatanging pagkabaliw sa isang bagay. Walang iniiwang pagdududa ang mga pag-aaral niyang patolohiko.

Walang pasubaling nawasak ang katinuan ni Garcín.

Isang araw, tumanggap siya mula sa kaniyang ama—na matagal nang naninirahan sa Normandiya, at isang komersiyente ng mga damit—ng isang liham na nagsasaad ng humigit-kumulang sa ganitong paraan:

“Alam ko ang kinalolokohan mo sa Paris. Kapag nagpatuloy ka sa ganiyang paraan, wala kang matatanggap sa akin ni isang kusing. Hakutin mo na ang mga aklat sa aking almasén, at matapos mong sunugin ang mga manuskrito ng iyong kahangalan, batugan, ay saka kita bibigyan ng salapi.”

Ang liham ay binása sa Café Plombier.

“Aalis ka na ba?”

“Hindi ka aalis?”

“Tinatanggap mo?”

“Nililibak mo?”

“Bravo, Garcín! Pinunit niya ang liham, inihagis sa bintana ang damit, at biglaang bumigkas ng ilang taludtod, na sa aking pagkakatanda ay ganito:

Kung ako’y batugan, huwag pong pumukol
Ng paghanga’t puri sa taglay ng utak:
Nasa aking hawla at siyap nang siyap
Ang ibig lumayang isang ibong asul.

Magmula noon ay nagbago ang katauhan ni Garcín. Siya’y naging masatsat, naligo sa kaluguran, bumili ng bagong lebita, at tumula sa tatluhang taludtod, na pinamagatan niyang “Ang Ibong Asul.”

Bawat gabi’y may natutuklasan kaming bago sa kaniyang tula. At iyon ay dakila, matayog, at buwáng.

Naroon ang masanting na langit, ang sariwang nayon, na waring sumasambulat mula sa mahika ng pinsel ni Corot; ang mga mukha ng paslit na sumusungaw sa mga bulaklak, ang malalaking matang luhaan ni Niní; bukod pa ang mabuting Diyos na isinugo, at pinalipad nang pinalipad, ang ibong asul habang hindi batid kung paano at kailan iyon namugad sa loob ng utak ng makata, at doon nakulong. Kapag umawit ang ibon, at ibig lumipad, ibubuka nito ang mga pakpak at papagaspas sa loob ng bungo, at ipapako ng makata ang paningin sa langit, ikukunot ang noo, tutungga ng ahenho na binantuan ng kaunting tubig, at hihithitin ang binilot na papel ng sigarilyo. Heto ang tula.

*  *  *

Umuwi isang gabi si Garcín na halakhak nang halakhak ngunit napakalungkot.

Ang magandang babae na kaniyang kapitbahay ay inihatid sa sementeryo.

Balita! Balita! Huling awit ng aking tula. Yumao na si Niní. Halina, tagsibol, at wala na si Niní! Sinupin ang mga biyoleta sa parang. Ngayon ay umiiral na lamang itong epilogo ng tula. Ni walang lakas ng loob ang mga editor na basahin ang aking mga tula. Ibasura na lamang ninyo agad ang mga ito. Lumalakad ang panahon. Ang epilogo ay pinamagatang “Kung paanong umimbulog sa asul na langit ang ibong asul.”

*  *  *

Ganap nang tagsibol! Namumulaklak ang mga punongkahoy, at mala-rosas ang ulap sa madaling-araw at hapon; ang banayad na simoy ay pinalalawiswis ang mga dahon, at hinihipan sa natatanging sipol ang mga sintas ng sombrero. Hindi na nagtungo sa párang si Garcín.

Doon sa Café Plombier siya nagtutungo, suot ang bagong damit, at namumutla habang taglay ang malamlam na ngiti.

“Mga kaibigan, yakapin ako! Yakapin ninyo ako nang mahigpit! Batiin ako ng paalam nang buong puso at buong kaluluwa .  .  . Lumipad na ang Ibong Asul. . . .

Humagulgol ang kawawang si Garcín, at niyakap namin siya nang mahigpit, at kinamayan nang todo, bago tuluyang lumisan.

At winika namin: Si Garcin, ang alibughang anak na hinanap ang kaniyang ama, ang matandang Normando. “Paalam, mga musa; paalam, at maraming salamat! Nagpasiya ang ating makata na isukat ang mga damit! Hoy! Isang tagay para kay Garcín!

Namumutla, takót, at malungkot, ang mga parokyano ng Café Plombier, na dating sanáy sa ingay ng maliit at gusgusing silid, ay naroon sa tirahan ni Garcín. Nakahiga siya sa kama, duguan ang kumot, at butás ang bungo sa tama ng punglo. Sumambulat sa unan ang mga piraso ng utak. Anung lagim!

Makaraang humupa ang aming pagkagitla, at makidalamhati sa bangkay ng aming kaibigan, natuklasan naming nasa kaniya ang bantog na tula. Sa pangwakas na pahina ay nakasulat ang ganitong mga salita:

“Ngayon, sa kalagitnaan ng tagsibol, ay hinayaan kong bukás ang hawla ng ibong asul.”

*  *  *

Ay, Garcín, ilan pang tao ang nagtataglay sa kanilang utak ng ganiyang sakít!

Oyayi ng Taglagas, ni Jules Laforgue

salin ng “Berceuse d’automne,” ni Jules Laforgue.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Taglagas na, taglagas, at sila’y nasa tabi ng sigâ ng tsimenea. Paalam, makapangyarihang araw, lungting mga dahon, langit na bughaw! Humahampas sa bintana ang ulan, at ang simoy ay tumataghoy nang paos sa monotonong awit.  O bihisan ng Abril, ang kasiyahan ng búhay, paalam! Tanging sa paglapit sa apoy maririnig ang  tikatik ng ulan, at kung minsan sa paghawi ng kortina, upang silipin kung ang langit ay may bahid ng abo, kung ang kalye ay malimit hitik sa mumunting sanaw. At mapapasalampak sila, samantalang unti-unting nababato ang isa sa kanila.  O desperadong hangin sa malawak na kahuyan, na ang dilawang mga dahon ay umaalimpuyo sa makutim na ipuipo habang kapiling ang mga liham ng pag-ibig at layak ng pugad, tangayin ang maririkit na araw sa iyong mahahabang bugso, ang taglamig ay walang hanggan, at ang lahat ng bagay ay nagwakas na, nagwakas.

Pakiramdam ng Pagiging Guro, ni Indries Shah

Salin ng “How it Feels to be a Teacher” ni Indries Shah mula sa India.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Itinampok ang pagkaguro sa kathang Nurbakshi sa ganitong paraan:

“Ang guro ay tila dalubhasang artesano sa isang bayan na ang mga tao’y hangad ang likhang-sining ngunit pinapangarap na isagawa iyon sa gitna ng dilim. Siya ay parang agila sa loob ng hawla, na pinagkaitang lumipad at makatanaw, ngunit inuupahan ng mga tambay para sa kalugurang biswal. Siya ay waring leon sa malalim na hukay, na pinapainan ng mga mangmang at hinahangaan ng mga tao na mahilig magsuot ng kalawanging abrigo. Kaparis siya ng langgam, na nakaimbento ng bahay, at nangangarap na mahihimok niya ang tao na tularan siya. Para siyang uwak, at nagpapamalas sa tao kung paano ililibing ang kaniyang mga yumao, habang nakamasid ang tao at nagugulumihanan, yamang batid niyang kaya niyang matuto subalit hindi isinasahinagap kung ano ang dapat matutuhan mula sa ginagawa ng uwak.

“Lahat ng Mago ay dapat matuto kung paano isasalin sa sinuman ang taglay na karunungan. Ngunit magagawa lamang nila iyon kung ang mag-aaral ay bukás matuto ng kung anong dapat pag-aralan, at kung paano siya dapat matuto. Ang paraan ng pagkatuto ang unang dapat niyang ituro. Hindi ka estudyante hangga’t hindi ka handang mag-aral ng paraan ng pagkatuto. At kung ang guro mo’y pinapayuhan kang matuto sa pamamagitan ng mga salita, o gawa, o kaya’y sa paghuhurno ng tinapay, ay iyan ang iyong paraan.”

Blood Moon

Nakasisilaw ang ginintuang buwan dito sa Sagada, at habang nakatanaw ako sa terasa ng Yoghurt House, ang humahabol sa aking guniguni ay bus sa Halsema. Tinatakpan ng ulop ang kabundukan, na parang binuksang pabrika ng yelo, at ang landas ay dambuhalang ahas na gumagapang nang lasing. Nakasakay ang iyong kaluluwa sa aking balikat; at kahit ako tumutungga ng tsaang gubat, ang nagugunita ko’y mga taludtod ni Marne Kilates hinggil sa kadena at kadensa ng mga liryo. Ang iyong labi ay isa ring liryong bumubukad sa madaling araw, at ang hininga’y halumigmig ng bakod ng mga pino mula sa hilaga. Iyan ang kumukurot sa aking guniguni, at paniniwalaan kahit nagretiro na akong tumula. Hahalakhak ka—doon sa silid ng mga anino— at magbabalik ang alingawngaw mula sa lambak. Maniniwala na akong gusgusing siste ang lamig na tumatagos sa buto, ngunit kung ang tinig mo’y panggabing huni, kusa akong maglalagos sa mga yungib—at handang mabasâ ang mga paa sa saluysoy ng kailaliman.

 “Blood Moon,” ni Roberto T. Añonuevo © 18 Abril 2014.