Ikaw

Ikaw ang aking simula at wakas ng pantig
Ikaw ang pintig ng simula hanggang wakas
Ikaw ang wakas ng pintig ng aking simula
Ikaw ang simula ng aking wakas na pintig
Dahil ikaw ang pantig ng aking pintig
Dahil ikaw ang pintig ng aking pantig
Ikaw na wakas at simula ng mga pangalan
Ay siyang simula at wakas na minamahal.

“Ikaw,” tula © ni Roberto T. Añonuevo, 16 Disyembre 2011.

Kung nais ninyong makita ang munting presentasyon ng mga imahen ng tulang ito, mangyaring pindutin ang kawing na ito https://youtu.be/uq6TZg5lSRo

Advertisements

Panahon at Bilanggong Ibon, ni Maya Angelou

salin ng tatlong tula ni Maya Angelou.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

PANAHONG LUMILIPAS

Madaling-araw ang balát mo
At ang akin ay takipsilim.

Ipinipinta ng isa ang simula
ng tiyak na pagwawakas.

At ang kabila, ang wakas
ng tiyak na pagsisimula.

ANGAS

Iabot sa akin ang iyong kamay

Paraanin ako
upang mamunò at sumunod
sa iyo
nang higit sa poot ng panulaan.

Hayaan ang ibang makamit
ang katahimikan
ng nakauunawang mga salita
at pag-ibig ng pagkawala
ng pagmamahal.

Para sa akin,
Iabot mo ang iyong kamay.

BILANGGONG IBON

Lumundag ang malayang ibon
sa likod ng simoy
at lumutang pabulusok
hanggang magwakas ang agos
at ibinilad ang mga pakpak
sa bulawang sinag ng araw
at naghamong aangkinin ang langit.

Ngunit ang ibon na nagbabantay
sa loob ng masikip na kulungan
ay bihirang makakita sa pagitan
ng mga rehas ng poot
pinutol ang kaniyang mga bagwis
at itinali ang mga paa
kaya binubuksan ang lalamunan
upang umawit.

Umaawit ang bilanggong ibon
nang may nakatatakot na pangangatal
ng mga bagay na nalilingid
ngunit umaasam ng katahimikan
at maririnig ang himig nito
sa malalayong buról
dahil ang bilanggong ibon
ay umaawit ng kalayaan.

Iniisip ng malayang ibon ang ibang dayaray
at matimtimang habagat sa umuungol na kahuyan
at naghihintay ang matatabang bulate sa damuhang
matitingkad at magwawaring kaniya ang kaitasaan.

Ngunit nakatayo ang bilanggong ibon sa libingan
ng mga pangarap, humihiyaw ang kaniyang anino
sa pagkabangungot, pinutol ang kaniyang bagwis,
at may tali ang mga paa kaya binubuksan niya
ang lalamunan upang umawit.

Umaawit ang bilanggong ibon
nang may nakatatakot na pangangatal
ng mga bagay na nalilingid
ngunit umaasam ng katahimikan
at maririnig ang himig nito
sa malalayong buról
dahil ang bilanggong ibon
ay umaawit ng kalayaan.

Simula at mga tula ng paglaya, ni Ibrahim Nasrallah

Salin ng mga tula ni Ibrahim Nasrallah, batay sa bersiyong Ingles nina Ibrahim Muhawi, Omnia Amin at Rick London.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

TULIRO

Noong unang panahon,
ani mga kabayo, kailangan namin ng kapatagan
ani mga agila, kailangan namin ng mga bundok
ani mga ulupong, kailangan namin ng mga lungga
ngunit nanatiling tuliro itong sangkatauhan.

MGA ARAW

Sa unang araw,
pinigil ko ang kamay nang buksan ang kabaong
kaya binigyan nila ako ng pumpon ng bulaklak
Sa ikalawang araw,
pinigil ko ang kamay nang mag-alay ng bulaklak
kaya ipinadala nila sa akin ang isang kabaong
Sa ikatlong araw, sumigaw ako nang ubos-lakas,
Gusto ko pang mabuhay!
kaya pinadalhan nila ako ng isang pumapatay.

MGA MAKATA

Sa marikit at malayong lungsod
doon sa bakurang hitik sa mga damo
umaawit ang lahat ng bagay
at lahat ng nilalang ay sumasayaw.
Hilingin mo, aniya, na maisayaw
ang Palestinang iyan.
Nahiya ako.
Aniya’y kung mabibigo ang mga makata
ay walang matatamo ang daigdig na ito.

KUMPISAL

Oo,
ang bahay ay libingan na may pinto at bintana,
ang silid-tulugan ay kalahating lambong,
at ang higaan ay kalahating ataul.
Ikaw, babae, at wala nang iba pa,
ang tanging makapagpapabago ng tagpo.

KAMUSMUSAN

Tatlong munting pangarap
ay ulilang naglandas sa gabi,
naghahanap ng tahanan
nang sandaling ang mga bala’y
dinudurog ang puso ng bata.

MGA SIMULA

Kapag ang lahat ng ibon sa mundo’y sama-samang pumagaspas
bilang isang lawas, kapag ang mga bukál at batis ng kabundukan
ay natipon sa maalikabok na palad,
kapag tumakbo ang tao’t sumunod sa kaniya ang mga punò
at kubling kinabukasan,
kapag naging payak ang daigdig
at makasasampa ako sa mesa sa opisina ng arawang balitaan
at mabibigkas ang pag-ibig sa maririkit na saradong bintana,
sa magaganda at masasamang pinturang nakadikit sa dingding,
kapag malaya akong makapag-iiwan ng halik sa pisngi mo
sa harap ng publiko,
kapag makababalik ako nang kasama ka sa hatinggabi
nang walang rumorondang pulis na yuyurak sa ating katawan
para magsiyasat ng ikukumpisal,
kapag malaya tayong makatatakbo sa mga lansangan
nang walang sumisigaw na nababaliw lamang tayo,
kapag ako’y makaaawit
at makakasusunong  sa payong ng isang estranghero,
at kung siya naman ay makahahati sa aking pan-de-unan,
kapag malaya ka nang makabibigkas ng Mahal kita
nang walang takot sa kamatayan o pagkakabilanggo,
at mabubuksan ko ang bintana pagsapit ng umaga
nang hindi patatahimikin ng isang punglo,
kapag káya ko nang lumaki at tumanda
at ang mga punongkahoy ay idaragdag sa iyong kasuotan,
at mabibilang natin ang mga patak ng ulan sa ating mga mukha,
at makaaawit at makapagmamahal nang malayo sa mga sandata,
pananalakay, ligalig, at pagdakip—
isang bagong daigdig ang magsisimula,
isang bagong Inang Bayan ang tiyak na maihahanda.
Ngunit ngayon, ihahayag natin ang bagong simula sa ating pagpanaw,
isang simula ng sukdulang pagmamahal.