Advertisements

“Kambal Siyam,” ni Mao Zedong

Kambal Siyam
[采桑子·重阳/ Chong Yang]

Salin ng tula ni Mao Zedong, People’s Republic of China.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Mabilis tumanda ang tao di tulad ng Mundo;
Laging nagbabalik ang kambal na siyam ng taon.
Ngayon pang may kambal na siyam ang biglang sumibol,
Bulaklak na dilaw sa pook ng digma’y kay-bango.

Mabagsik ang hihip ng hanging taglagas paglipas
Ng taon, di tulad ng dingal na mulang tagsibol
Subalit  hihigtan kahit pa ang mismong tagsibol.
Masdan ang niyebe sa dagat at langit, kay-lawak!

Advertisements

Paggawa at Puhunan, ni Charles Simic

salin ng tulang “Labor and Capital”  ng makatang lawreado Charles Simic.
salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

PAGGAWA AT PUHUNAN

Ang kalambutan ng kama ng motel
Na ating pinagtatalikan ay nagpapamalas
Sa akin sa pambihirang pamamaraan
Ng superyoridad ng kapitalismo.

Doon sa pabrika ng kutson, nawari ko,
Ay masaya ang mga empleado ngayon.
Linggo na at kumakayod sila nang libre,
Gaya natin, nang labis-labis sa oras.

Gayunman, kung paano mo ibinubuka
Ang mga hita’t iniaabot sa akin ang kamay
Ay nagpapagunita sa akin ng Rebolusyon,
Mapupulang watawat, sumasalakay na madla.

May isang aakyat sa isang kahon ng sabon
Habang nilalamon ng apoy ang palasyo,
At ang kitang-kitang matandang prinsipe
Ay hahakbang pa-hukay mula sa balkonahe.

“Ang mga Dukha” ni Roberto Sosa

salin ng “Los Pobres” ni Roberto Sosa mula sa orihinal na Espanyol
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG MGA DUKHA

Napakarami ng dukha
kaya naman imposibleng
makalimutan sila.

Matitiyak
na tinatanaw nila
sa bawat liwayway
ang laksang gusali
na ibig nilang panahanan
ng kanilang mga anak.

Maaari nilang
pasanin sa balikat
ang kabaong ng bituin.
Kaya nilang wasakin
ang himpapawid
sa anyo ng nabuburyong
na kawan ng mga ibon,
at takpan ang buong
sinag ng araw.

Ngunit dahil di-malay
sa taglay na kayamanan,
labas-masok sila
sa mga salamin ng dugo,
at lumalakad nang marahan
at marahang namamatay.

Kaya naman imposibleng
makalimutan sila.

Kawan ng mga Ibon

Larawan mula sa US National Oceanic and Atmospheric Administration. Mula sa artsibo ng gimp-savvy.com.

Reaksiyonaryong Tula ni Tomas F. Agulto

Bahagi ng mahabang kasaysayan ng panitikang Filipinas ang paggamit sa tula bilang propaganda—kung hindi man programa—upang isulong ang ideolohiya ng isang kilusan o politika ng isang tao. Ang tula ay maaaring sipatin na bahagi lamang ng simulaing pampolitika, at yamang higit na makiling sa politika, ay hindi maaasahan dito ang mataas na uri ng estetika na posibleng hinihingi sa, o ipinapataw ng, sining. Ang estetikang maaasahan sa tula ay estetikang pampolitika, na sinisipat ang tula alinsunod sa linyang isinusulong ng partido imbes na malikhaing pagdulog na labas-sa-kumbensiyong indibiwalidad. Ang higit na mahalaga ay ang resultang pampolitikang mahuhugot sa tula, kung paniniwalaan ang partisanong makata, at ang tula ay nananatiling kasangkapan lamang gaya ng ibang materyal na bagay.

Ngunit ang tula ay higit sa kasangkapang pampolitika lamang. Ang tula ay maaaring magtaglay ng iba pang silbing higit sa kayang ibigay ng materyal na bagay, at kabilang dito ang kasiyahan, kaluwagan, at kabukasan ng isip na pawang makapagpapataas ng pagkatao. Ang tula, bagaman kayang magbunyag ng tunggalian ng mga uri at magpasimula ng himagsikan, ay makapagpapamalas din ng mga halagahang taliwas sa tunggalian o himagsikan, na kahit hindi makalulutas ng suliranin ng daigdig ay makapagbubukas ng pang-unawa at kalooban ng karaniwang tao. Ano ang ibig sabihin nito? Hindi maikakahon ang tula sa isang taguri lamang, gaya ng ibig ng ilang Marxista kuno. Ang pagtula ay hindi rin maikakahon sa dalawahang panig, na ang isang banda ay mabuti at puti samantalang ang kabilang banda ay masama at itim. At ang pagkasangkapan sa tula ay hindi monopolyo ng aktibistang makata, o dating aktibistang makata. Maihahalimbawa ang tulang “Huwag na po kayong tutula tungkol sa amin” (2009) ni Tomas F. Agulto:

Huwag na po kayong tutula tungkol sa amin

1 Huwag na po kayong tutula tungkol sa amin
2 Wala po kayong utang na loob sa masa
3 Gawin lamang ninyo ang inyong trabaho nang mahusay
4 Pagkat ginagawa namin ang aming trabaho nang walang alinlangan.

5 Huwag nyo [sic] po kaming pagtatakpan ng ilong
6 Hindi po namin ikahihiya ang ligamgam ng putik
7 Basta sigurado ang sirkulasyon ng bigas
8 At sibuyas, bawang, paminta sa buong bansa.
9 Basta laging may masarap kayong pulutan at ihaw-ihaw
10 Basta hindi kakalawangin at laging full tank ang kotse nyo araw-araw.

11 Sumusuot kaming parang mga alupihan sa ilalim ng lupa
12 Pikit-mata po kaming nakikiraan sa mga bitak sa bato ng lindol
13 Upang matiyak ang variety ng mga alahas sa inyong tenga at daliri
14 Upang sari-sari ang inyong mapagpipilian sa Ongpin
15 O sa Ayala Alabang.

16 Kahit dinadaan na lamang namin sa tulog ang hapunan
17 Tiyak na may darating na bigas at mais sa pamilihan
18 Hindi kami makapandadaya sa kalidad ng mais at bigas,
19 Kung kulang man ang timbang ng mga sako sa tindahan
20 Hindi na namin iyan kasalanan.
21 Wala pong natitira sa amin anuman.

21 Hindi ninyo kami maakusahan ng pandaraya o katamaran.

22 Hinahabol namin sa palaisdaan ang [mga] bangos at alimango
23 Sinisisid namin sa look ang mga kabibi, sea urchin at maliputo
24 Tambakol galunggong bariles dilis tandipil at abo-abo
25 Kung dumating sa inyong pinggan ang isda at bilasa
26 At makati na sa dila, hindi na po namin yan kasalanan.

27 Hindi ninyo kami maakusahan ng pandaraya o katamaran.

28 Sinusupil namin ang kati, inis at himagsik sa mga pabrika
29 Nagbubuwis kami ng daliri o kung minsa’y buong kamay sa imprenta
30 Nagkakaulser, nagkakaTB at kataka-taka
31 Kung bakit maraming niluluslusan gayong ice-tubig
32 Lang naman ang madalas na laman ng tiyan.

33 Hindi ninyo kami maaakusahan ng pandaraya o katamaran.

34 Hindi po ito pangungunsensya,
35 Hindi po kami umaasang kayo’y meron pa—
36 At hinding hindi rin ito pagbabanta.
37 Nagsasalita lang kami nang tahas, walang ligoy
38 Nagsasalita po kami tungkol sa mga bagay
39 Na aming nararanasan walang labis walang kulang.

40 Hinding hindi po kami makikipagtalo sa inyo nang basta-basta

41 Basta huwag na lang po kaming istorbohin sa bukid
42 Igalang po ninyo ang aming mabigat na pag-aantok
43 Saan man kami mahilata at abutan ng tulog
44 Hayaan ninyo kaming magpahinga.
45 Hayaan po ninyo kaming mapahinga.

46 Huwag ninyo kaming istorbohin sa pagpapahingalay
47 Nakangangawit din po kasi ang maghapong
48 Paghahasa ng itak at sundang.

49 Huwag na po kayong tutula tungkol sa amin.

Naglustay ng 388 salita sa loob ng 49 taludtod ang buong tula, kung tula mang matatawag ang nasabing akda. Payak lamang ang ibig ihatid nito: Huwag daw tulaan ng kung sinong makatang mahihinuhang burges ang pamumuhay ng mga anakpawis. Sasapit sa ganitong kabatiran kapag ibinukod ang dalawang panig. Una, ang panig ng personang nagsasalita na pabor umano sa mga dukhang mangingisda, magsasaka, at manggagawa. At ikalawa, ang panig ng kausap ng persona, na mahihinuhang negosyante, o kung sinong mayhawak ng kapangyarihan o kayamanan ng lipunan, at siyang isinasatinig ng makatang burges.

Kung uuriin nang maigi, ang winiwika ng persona ay tanging ang makatang nagmula sa uring anakpawis ang kayang tumula ng buhay ng mga anakpawis. Ang sinumang tutula hinggil sa anakpawis ngunit nagmula sa uring burges at naghaharing uri ay mabibigo, at maaaring maghatid lamang ng mga balighong interes na maaaring kinakatawan ng interes ng burgesya at naghaharing uri. Ang ganitong linya ng pag-iisip ay hindi na bago, at mahuhugot sa mga akda ni Jan Mukarovsky, at nagpapahiwatig lamang na ang kadakilaan ng isang likhang sining ay nakabatay sa halaga o pagpapahalaga na ipinapataw ng isang salinlahi tungo sa susunod pang salinlahi. Para sa anakpawistang persona, ang pagpapahalaga sa tula ay magiging makatotohanan lamang kung mula sa uring anakpawis, sakali’t ang uring anakpawis na ito ang maging dominanteng uri sa agos ng kasaysayan.

Nagmamadali ang ganitong pagbasa, at kailangan pang balikan ang tula. Sa unang unang saknong, nagpapayo ang pangmaramihang persona na huwag na daw tulaan ang mga anakpawis dahil “walang utang na loob sa masa” ang kanilang tiyak na kausap na makata. Gawin lamang daw ng makata [na burges] nang mahusay ang trabaho, dahil may trabaho din ang mga anakpawis. Ngunit ano ba ang trabaho ng makata? Hindi ba tumula? Ang pagtula nang matino ang pangunahing dapat asahan sa sinumang makata, at kung hindi bilib dito ang maramihang personang nagkukunwang anakpawis na tumutula rin, ang ganitong pagdududa ay dapat alamin pa nang malalim. Kung babalikan ang mga akdang Marxista, ang tula—o sabihin nang panitikan at sining—ay mula sa esperang pang-ideolohiya ngunit hindi kasintahas ng matatagpuan sa mga sistemang panrelihiyon, pambatas, o pampilosopiya. Maiisip dito na mababago lamang ang kamalayan ng taumbayan kung makikilahok ang uring anakpawis sa diskursong pampolitikang mailalahok sa tula; at hindi solusyon ang pagsasabing “huwag nang tumula ang mga makatang burges at elitista.”

Ang pagsasabing “huwag na kayong tumula hinggil sa amin” ay pasibong tugon sa diskursong inilalatag ng “naghaharing uri ng mga makata.” Wala itong inilalaang alternatibong hakbang na magbibigay ng katwiran sa himagsikang pangkaisipan at pang-estetika na pawang ibig salungatin ng anakpawistang persona. Kung ang estetikang silbi ng tula ay hindi maipapaliwanag kahit sa relatibong paraan sa panig ng anakpawistang persona, ang estetikang silbi ng tula ay mananatili lamang sa dati nitong lunan at mabibigong lumago para “para pagsilbihan ang masa.”

Sa ikalawang saknong, may pasaring ang persona hinggil sa prehuwisyo ng makatang burges laban sa mga anakpawis. Uulitin ang pasaring bilang retorikang pamamaraan sa mga taludtod 21, 27, at 33. Ngunit hindi ipinakilala nang maigi kung sino ang pinasasaringan. Upang maging kapani-paniwala kung may prehuwisyo mang ginagawa ang tiyak na kausap ng persona, ang tao na ito ay dapat ibunyag nang maipamalas ang diyalektikong ugnayan ng mga kaisipan at uring nagbabanggaan. Ngunit nabigong ipamalas yaon sa tula, at ang inilahad ay ang sawing kapalaran ng magsasaka, minero, tagalimbag, at mangingisda. Ang ganitong taktika ay matataguriang “epektong paawa” na nagtatangkang maging kalunos-lunos ang anyo o kalagayan ng uring anakpawis, sukdang maging romantisado, at ang sinumang kasalungat nitong uri ay magiging kontrabida. Laos na ang ganitong uri ng pagdulog sa tula, at kakatwang hindi nakapag-ambag kahit sa progresibong pakikibaka ng mga anakpawis.

Ang pahayag ng maramihang persona na “Hindi ninyo kami maaakusahan ng pandaraya o katamaran” ay pagpapahiwatig na nag-aakusa nga ng ganito ang kanilang kausap. Ngunit may ganito ba talagang akusasyon ang kausap ng persona? Wala, dahil hindi matibay na naipamalas sa tula kung sino ang tarantadong kausap ng persona at kung bakit nag-aakusa sila nang gayon. Ang pahayag ng persona ay maaaring sipatin na nagmumula sa baliw—na nakaririnig ng kung ano-anong tinig—at animo’y pinarurusahan ng guniguning makata na walang isinusulong o ipinagmamatwid kundi ang interes lamang ng uring burgesya at elitista. Payak lamang ang ibig ipaunawa ng tula: Na ang uring pinagmulan ng anakpawistang persona ang nagtatakda ng kamalayan nito at siyang mahuhugot din sa linyang isinusulong ni Karl Marx. Wala umanong magagawa kundi maghimagsik. Sa tula ni Agulto ang kondisyon ng paghihimagsik ay mababaw ang pagkakalugar sa agos ng kasaysayan, at ang konteksto ng anakpawistang persona ay nabigong maitampok ni maipahiwatig sa tula.

Binanggit sa taludtod 34 na hindi raw pangungunsiyensiya iyon ng persona sa makatang burges. Nagsasalita lamang daw ang persona nang tahas at batay sa karanasan “nang walang labis at walang kulang.” Ngunit hindi ito totoo. Ang pagsasalita ng persona ay hitik sa ligoy, at ang mga pasaring ay lihis na lihis sa pinatutungkulan. Ang persona—na nagtatangkang kumatawan sa uring manggagawa, magsasaka, mangingisda, minero, at dukha—ay nabigong maitampok sa kapani-paniwalang pamamaraan ang buhay ng anakpawis na inapi o kinawawa ng makatang burges sa mahabang panahon. Ang akusasyon ng “pandaraya at katamaran” ay isang meme na ipinalalaganap ng mga telenobela at sinaunang kuwentong komiks, at kung ito man ay gagamitin sa tula ay dapat higit na mabalasik at matindi na kayang rumindi sa sensibilidad ng mambabasa o makatang burges na pinatutungkulan. Kaya ang pahayag na “huwag ninyo kaming tulaan” ay sampal na bumabalik sa persona at hindi sa pinatutungkulang makatang burges.

Ang problema sa akda ni Agulto ay hindi naibukod ang “makatang burges” sa “uring burgesya” o “naghaharing uri” na patuloy na naghahasik ng pang-aapi at pandurusta sa mga anakpawis upang manatiling anakpawis ito sa habang panahon at manaig lamang ang naghaharing interes. Kung ang makatang burges ay siyang may kontrol sa produksiyon ng materyal na bagay sa lipunan, kabilang na ang panitikan, ito ang dapat linawin sa tula. Paano natitiwalag ang persona sa mga makatang burges? At paanong ang mga makatang burges ay nakapaghahari sa lipunan kahit sa puntong pagbilog sa kamalayan ng taumbayan? Hindi ito sinagot sa tula. Ang makatang burges ba ay “nang-iistorbo sa bukid” o baka naman ang tinutukoy ay “panginoong maylupa” lamang? Bagaman sinasabi ng persona na hindi ito “nagbabanta” sa tiyak na kausap ay mahihinuhang gayon ang ibig nitong ihayag, lalo kung sasapit sa mga taludtod 47–48 na hinggil sa maghapong “paghahasa ng itak at sundang” na pahiwatig ng pag-iisip ng madugong krimen.

Maitatanong: Para saan ang maghapong paghahasa ng itak at sundang? Para sa pahiwatig ng anakpawistang himagsikang mala-milenaryo? Sayang ang ganitong pagtatangka, dahil marupok at mababaw ang pagsusuri ng persona hinggil sa mga pangyayaring pampolitika, pangkabuhayan, at pangkultura sa lipunan. Kung may himagsikan mang ibig ang persona, ito ay dapat nakatuon sa pagbasag sa mga kumbensiyonal na pananaw ng pagiging anakpawistang makata, at anakpawistang kaligiran sa lipunan. Maaaring basagin din ng persona ang kumbensiyonal na pananaw ng makatang burges, ngunit ang masaklap, ang mga isinaad na hulagway patungkol sa makatang burges ay lumang-luma at pinagkakitaan na noon pa mang dekada 1970–1980 ng mga aktibistang makata.

Kung babalikan ang tesis ng tula, de-kahon ang pananaw na “hindi kayang tulaan ng mga makatang burges” ang buhay ng mga anakpawis. Kung ang pagtula ay ituturing na malikhaing pagsisinungaling—na ang realidad ng anakpawis ay naitatanghal sa ibang antas ng realidad, anyo, at pamamaraang di-kumbensiyonal—ang tesis ni Agulto ay mapabubulaanan. Kung ang pagtula ay pagsasaharaya ng buong lipunan, ang lipunang ito ay hindi lamang bubuuin ng anakpawis bagkus ng iba pang uri. May prehuwisyo lamang ang persona ng tula, at maaaring ito rin ang pananaw ni Agulto, na ang mga anakpawis ay matutulaan lamang ng mga makatang anakpawis, at ang pagtulang ito ay mahihinuhang nasa pagdulog na realistang panlipunan lamang. Posibleng may nakikitang ibang anggulo ang tinaguriang “makatang burges,” at ang anggulong ito ay maaaring nabigong maisahinaganap ng mga makatang anakpawis na linyado kung mag-isip at tumula.

Sa dulo, mahihinuhang ang pagrerebelde ng personang nagsasalita sa tula ay nakabatay sa sukal ng damdamin, imbes na sa matatag na lohika, at maaaring sanhi ng prehuwisyo rin ng nasabing persona laban sa ipinapalagay nitong “makatang burges.” Kung ipagpapalagay na ekstensiyon ni Agulto ang persona ng tula, si Agulto ay nagbabalatkayong anakpawistang makata, dahil nabigo niyang lagumin ang mahabang kasaysayan ng uring anakpawis at ang makulay nitong pakikibaka sa lipunan. “Huwag na kayong tutula tungkol sa amin” ang pamagat ng tula, at ang pamagat na ito ay marahil nagpapayo rin sa makatang Agulto na suriin ang kaniyang sariling akda na maaaring hindi na tumutugma sa kalagayan ng uring manggagawa, mangingisda, at magsasaka na pawang mga dukha at nagsusulong ng himagsikang pangkaisipan at pangkalooban. Ang pagtula ay nangangailangan ng natatanging kasanayan, sigasig, sensibilidad, at talino, at ang mga ito ang hinihingi kahit sa premyadong makata na gaya ni Tomas F. Agulto.

PAHABOL:  Para sa kaalaman ng lahat, ang kritika sa tulang “Huwag na po kayong tutula tungkol sa amin” ni Tomas F. Agulto ay hindi simpleng sagot sa banat ni Agulto sa aking tulang “Lawa ng Wala.” Hindi iyon “ganting-salakay” sa tula ni Agulto, kahit si Agulto ang unang umulos at nag-ingay upang magpapansin. Walang ginawang masusing kritika si Agulto sa aking tula, at ano kung gayon ang dapat sagutin? Kayang ipagtanggol ng aking tula ang sarili nito, at hindi gaya ng tula ni Agulto. Ang tula ni Agulto ay binigkas niya sa Kongreso ng UMPIL (Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas) nang may halong pang-uuyam at paglibak sa naturang organisasyon, at sa aking palagay ay dapat inuurirat nang maigi. Mababatid sa naturang akda ni Agulto kung karapat-dapat siyang bigyan ng parangal bilang makata, o kung dapat isumpa sa pagsulat “ng walang kawawaan.”

Gotikong Lagim sa Tula ni Romulo A. Sandoval

Isa sa mga itinatangi kong makata si Romulo A. Sandoval, at ito ay may kinalaman sa sinop niyang tumula at sa maalamat niyang karera bilang matapat na tagapagsulong ng simulain ng kilusang lihim. Manipis lamang ang kaniyang pangwakas na aklat, ang Kanta sa Gabi (1997), ngunit ang aklat na ito ay nagtataglay ng pambihirang testamento ng pananalig, pagbubulay, at pagsusuri sa lipunang nais na baguhin sa rebolusyonaryong paraan ng pagtula.

Ngunit gaya ng dapat asahan, hindi malulutas ng tula ang problema ng lipunan, kahit gamitin ang tula bilang kasangkapan sa himagsikan.

Binubuksan ni Mulong, palayaw ni Sandoval, ang tula sa ibang anggulong karaniwang di-inaasahan ng publiko. Ang kaniyang sensibilidad at kaisipan ay hindi bumababa sa antas na abot lamang ng masa; at lalong hindi rin umaastang mataas, upang hatakin ang masa tungo sa matayog na luklukan. Inilulugar ni Mulong ang kaniyang tula bilang malikhaing sining, at ang sining na ito, anuman ang magiging epekto o datíng sa bumabasang masa, ang magpapalaya sa kamangmangan, prehuwisyo, at pananahimik.

May binubuksang lagim si Mulong sa kaniyang koleksiyon, at isa na rito ang mala-gotikong lagim na ipinamamalas ng “Ang Ginoo, sa Gitna ng Pagkaagnas” (1980).

Ang Ginoo, sa Gitna ng Pagkaagnas

Lumalangitngit ang alpombrang kalansay,
pasan ang pataw ng kanyang mga yabag,
yao’t dito, umaalingawngaw,
sa mga bulwaga’t pasilyong itinirik
ng laksang ngiping nilagas.
Sa balikat ng Ginoo,
banayad na lumalapag
ang pilak na ibon, sulasok ng mga lamang inuka,
payagpag ng dolyar na laging umaaligid sa kanyang ulunan;
at ang kamay niyang itim, pinagkukumahog,
ay nagkakandarapa sa paglagda sa mga papeles
na tumitiyak sa pagdanak,
sa makina at araro, ng granateng plema.
Maya’t maya, inaalpasan niya ang batalyon ng pangil
na binihasa sa pag-amoy, pagsagpang
sa mga gusgusing buto.

Nginangatngat ng ipis
ang nakakuwadrong ngiti sa kanyang Ginang;
sa antigong estatwa ng Santo Niño,
sa isang sulok,
may dagang kumakabkab.

Humuhulas sa luha, nanlalagkit,
ang mga nilulumot na pader
sa kanyang bastiyon;
susisimsim siya ng ubas,
kasalit ng kanyang mga ngisi,
habang kumikiwal ang isang uod
papalabas ng kanyang bungo.
Sa tumpok ng hamon sa mesa,
lumilimlim ang mga bangaw, nangingitlog.

Samantala, sa mga kalawanging bintana
ay sinasalpok ng hangin
ang angaw na ungol, pawisan, yapos ng kugon;
sa mga eskaparate’t aparador sa kuwartong inaamag,
ang amerikana’t barong-tagalog ay nangangalisag.

Nakahihindik ang bukanang saknong ng tula, at mahihiwatigan dito ang kalansay na maaaring tumutukoy sa ginoo at siya ring nangingibabaw sa mga pinatay na tao. Ang paglalarawan sa Ginoo ang maselang bahagi ng tula, at iuugnay dito ang deskripsiyon sa maringal bagaman nakakikilabot na sinaunang kaharian. Ang Ginoo ay hindi ang karaniwang Drakula o bangkay na bumangon sa kung saang libingan. Ang Ginoo ang tumitiyak ng pagkamal ng salapi ng “makina” (pabrika)  at “araro” (bukirin). Mahihiwatigan dito na kontrolado ng Ginoo ang ekonomikong produksiyon sa lipunang pulos bangkay, at siya ang magtatakda kung sino ang karapat-dapat umiiral at manaig.

Ang nakakatakot sa tula’y isinasalpok ng hangin ang ungol papaloob sa bintana ng palasyo ng Ginoo. Maaaring senyales ito ng paghihimagsik ng mga namatay; o kung hindi’y pahiwatig ng malawakang henosidyo. Ang matalinghagang ungol ng mga patay ay waring nagdudulot ng takot at sindak sa mga kasuotan ng Ginoo. Samantala, posibleng hindi natatakot ang Ginoo, dahil kung siya ang ultimong kamatayan, ang ungol ng mga nasawi ay katanggap-tanggap at lalong magpapalakas sa kaniya upang manatiling mananakop ng mga kaluluwang nakapailalim sa bisa ng kaniyang bagsik at kalupitan. Mahihiwatigan na inaasahan ng Ginoo ang mga ungol at hinagpis ng mga nasawing tao. Ang anumang titis ng buhay ang maaaring kasalungat ng Ginoo; at ang búhay, sa anumang anyo nito, ang maghuhudyat ng pagwawakas sa kalagayang ligtas ng naghaharing Ginoo.

Ang Ginoo sa tula ay mahihiwatigang gumagagad, sa pauyam na paraan, sa dating istoryang malalagim, at maaaring nakasagap kina Edgar Allan Poe, Charles Baudelaire, Arthur Rimbaud, at Peter Will. Ginamit lamang ni Mulong ang anggulo ng malamlam at gotikong tagpo na maaaring si Satanas o si Kamatayan, ngunit ang presentasyon ng kaniyang paglalahad ay sumasalok sa usapin ng mga manggagawa at magbubukid na pawang zombie. Kung babalikan ang isa pang tula ni Mulong, na pinamagatang “Lamay” (1979), ang rimarim at sindak sa ordinaryong paglalamay sa bangkay ay nakakargahan ng pambihirang pahiwatig dahil ang mga naglalamay ay pawang dukha at gutom na gutom:

Lamay

Sa barumbarong na kinukuyumos
ng itim na hangin,
isang sunog na katawan,
halos inagnas ng kumukulong kemikal,
ang pinaglalamayan ng mga granateng mukha.
Wala mang mumong nakatatalilis
sa silo ng mga yayat na daliri,
barumbarong iyon na ayaw talikdan ang mga daga at ipis;
at ngayon, sapagkat luksa,
nagsasayaw ang mapuputlang dila
sa punebre ng kape at tinapay.

Isang karaniwang sakuna sa pabrika,
at ang dalamhati ay di na maibalisbis ng luha:
amarilyong pinanawan na ng sangsang,
higit na mapusyaw kaysa ningas
ng kandilang kumikisay.
Sa bawat tikom na abuhing bibig,
bumubukadkad ang mga nagdurugong ngiti,
at tumitina, unti-unti, sa burak ng gabi.

Ang tagpo ng lamay na lunan para makaraos sa gutom ang mga dukha ay pabalintunang lumilibak sa istoryang Drakula, asuwang, at mangkukulam. Ang bangkay ay hindi babangon upang mangagat at sumipsip ng dugo ng sinumang birhen. Sa nasabing tagpo, ang mahihirap ay nakararaos ng gutom sa kape at tinapay mula sa abuloy sa bangkay; ang mga barumbarong ay tahanan din ng ipis at daga; at kahit ang simpleng ngiti ay nagpaparumi sa gabi. Sa realistang pagdulog, ang anumang pagkilos ng mga tao ay magtatakda ng kanilang kapalaran. Ngunit sa tula ni Mulong, ang bangkay—na maaaring manggagawang naaksidente sa pabrika at nabuhusan ng kumukulong kemikal—ay hindi lamang bangungot sa mga naiwang kaanak o kaibigan. Bangungot din ang karukhaan ng kaniyang mga naulila sa iba pang mamamayang nakasaksi, at bumabasag sa kanta o katahimikan ng magdamag.

Ang Kambal na Nobela ni Lazaro Francisco

Nakalulugod ang balitang itatanghal ngayong taon na Pambansang Alagad ng Sining si Lazaro Francisco (1898–1980), ang isa sa mga dakilang nobelistang Tagalog ng kaniyang panahon. Taliwas sa inaakala ng iba, ang mga nobela ni Francisco ay magagaan ang rendisyon, at káyang maunawaan ng mga estudyante sa hay-iskul o kolehiyo. Ginamit na behikulo ni Francisco ang mga magasing komersiyal, gaya ng Liwayway at Alitaptap, sa paghahatid ng mga napapanahong paksa na kung minsan ay yumayanig sa paniniwala ng madla. Ang kaniyang mga akda’y walang pangingimi kung tumalakay sa usapin ng pakikisamá at repormang agraryo, gaya ng Ama (1929); ng pagtatangi sa saliwang panunulisan at makabansang pakikidigma, gaya ng Maganda pa ang Daigdig (1955); ng pagliliwanag sa kapangyarihan ng negosyo at nagkakaisang lakas-paggawa, gaya ng Daluyong (1962); ng pananalig sa pag-ibig at pagtanggap ng malalagim na tadhana, gaya ng Sugat ng Alaala (1949) at iba pa.

MAGANDA PA ANG DAIGDIGMaaksiyon kumbaga sa pelikula ang mga nobela ni Francisco, ngunit nabubudburan yaon ng pag-iibigan, gaya ng dating gerilyang si Lino at gurong si Luring sa Maganda pa ang Daigdig (1955). Tungkol ang nobela sa paghahanap ng ama sa kaniyang nawalay na anak na si Ernesto, makaraang pumanaw ang esposang ginahasa ng mga sundalong Hapones. Nakilala ni Loreto (Luring) Sanchez si Lino nang ipagtanggol nito ang dalaga laban sa masasamang loob. Si Luring ang magpapatibok muli ng puso ni Lino, at siya ring mag-aalaga sa anak niyang si Ernesto. Makakaharap ni Lino si Kumander Hantik na hihikayatin siyang sumapi sa Huk (Hukbalahap) upang pabagsakin ang mga panginoong maylupang nagpapairal ng bulok na sistemang agraryo. Tumanggi si Lino, at maghahasik ng alternatibong pagbabago sa payo ni Pari Amando. Hindi magtatagal sa pag-iisa si Lino, dahil pagbibintangan siyang pumatay ng isang lalaki nang magtrabaho noon siya sa piyer. Mabibilanggo siya, subalit makatatakas kapiling ang ibang bilanggo, magtatayo ng sariling armadong pangkat, at magtatago sa lupaing sakop ni ni Don Tito na bantog na panginoong maylupa. Ipagtatanggol ng pangkat ni Lino ang mga inaping magsasaka, hanggang sumapit ang sandaling magbakbakan ang kaniyang pangkat at pangkat ni Kumander Hantik. Susuko sa awtoridad si Lino sa dulo ng nobela.

DaluyongAng naturang nobela’y dinugtungan ng Daluyong (1962), na sinimulan sa pagkakalaya ni Lino sa bilangguan makaraang mapawalang-sala ng hukuman, at mag-isang maglilinang ng bukid na ibinigay sa kaniya ni Pari Amando. Ngunit hindi magtatagal ang gayong masayang tagpo dahil mababatid ni Don Tito na ang patubig ay daraan sa lupain ni Lino at iyon ang makaaapekto nang malaki sa kaniyang mga bukirin. Hihimukin ni Don Tito na maging bakero si Lino at mangalaga sa mga lupain niya ngunit tatanggi si Lino. Ang anak ni Don Tito na si Benigno Sityar ang magtatangkang mamuno sa bayan ng mga magsasaka. Magkakasagupa ang mga armadong hukbo ni Benong at ni Lino, magwawagi ang pangkat ni Lino ngunit masasawi naman si Loreto Sanchez sa dulo ng nobela. Ang daluyong sa nobela ay ang mahihinuhang di-mapipigilang armadong pag-aaklas ng mga magsasaka laban sa mapanupil na sistemang agraryong pumapabor sa mga panginoong maylupa. Ang daluyong ay mahihitiwagan din na sanhi ng mga problemang panlipunang gaya ng prostitusyon, maruming pamumulitika, pang-aagaw ng lupain, panggagahasa at pagpatay, at di-makatarungang negosyo.

Mahihiwatigan ang transpormasyon ng pagkatao ni Lino sa dalawang nobela. Kung sa unang nobela’y napilitang pumanig si Lino at maging bakero ni Don Tito, sa ikalawang nobela’y iwawaksi niya nang ganap ang pakikipagkutsaba sa panginoong maylupa at magsisikap na makamit ang kalayaan sa mapanupil na sistemang agraryo. Ngunit hindi magagawa iyon nang mag-isa ni Lino. Hindi rin sapat ang tulong nina Pari Amando, Luring, at Koronel Roda. Kinakailangan ni Lino ang tulong ng iba pang magsasaka at malawak na lipunan upang mabago ang baluktot na sistemang agraryo.

Ang mga paksang tinalakay noon ni Francisco ay kakatwang nagbabalik ngayon sa ating piling. Pinaslang kamakailan ang isa sa mga pinuno ng mga magsasakang taga-Sumilao, Bukidnon at dating nagmartsa tungo sa Maynila, samantalang pinagtatalunan ang pagpapalawig sa batas hinggil sa repormang agraryo. Nagpapatunay lamang ito na hindi pa nagwawakas ang mga baluktot na patakarang sumasagka sa paglago ng mga magsasaka, at waring lalong umiilap ang paghahanap ng katarungan sa Filipinas. Makabubuti kung gayon na balikan ang mga nobela ni Lazaro Francisco, at alamin mula roon kung tumpak o hindi ang mga pagsusuri niya sa agos ng kasaysayan. Ipagugunita ng kaniyang mga nobela na ang paghahanap ng katarungan ng mga magsasaka ay hindi kathang-isip lamang, bagkus tunay at tumitibok—na marapat pakinggan ng mga awtoridad nang makamit ang kapayapaan at kaunlaran ng lahat ng mamamayan.

Aklasang Bayan sa EDSA

May ilang mito na marapat ituwid sa Aklasang Bayan sa EDSA (EDSA People Power). At kabilang dito ang paniniwalang hanggang pag-aaklas ng mga armadong kawal lamang ng pamahalaan ang magpapakiling ng timbangan sa panig ng nag-aaklas. Noong 1986, makikita sa mga mata ni Kalihim ng Tanggulang Pambansa Juan Ponce Enrile ang sindak at pagkabalisa habang katabi ang armadong si Col. Gringo Honasan, samantalang magaling magkubli sa pamamagitan ng tabako at propaganda si Hen. Fidel Ramos. Marahil batid ng dalawang lider na mapupulbos sila sakali’t sumalakay sa magkabilang kampo sa EDSA ang tropa ng pamahalaan, at kung hindi dahil sa maagap na panawagan sa radyo ni Jaime Cardinal Sin, at pagpipigil ni Pang. Ferdinand Marcos kay Hen. Fabian Ver, ay magwawakas sa madugong bakbakan ang lahat.

Pambihira ang sindak ni Enrile, at mahahalata iyon kahit sa mga alalay at kaway ni Corazon Aquino. Si Cory ay alanganing tagapagbuklod ng oposisyon, hilaw kumbaga sa sinaing, na higit na deboto kaysa pinunong aakay sa kaniyang tagasunod, at hindi siya makatatakas sa kaniyang uring panlipunang pinagmulan na muling magpapasigla sa oligarkiya. Ang pakikialam ng Estados Unidos ang isa pang nagpabilis ng pagbaba ni Marcos sa poder, at sapilitang itatakas siya at ang kaniyang pamilya upang idestiyero sa Hawai’i.

Maraming nasayang sa kauna-unahang Aklasang Bayan sa EDSA, at ang manipestasyon ay mababanaagan kahit sa administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo. Ang tunay na suporta ng taumbayan sa pamahalaan ay napabawa ng pagbabawal na magkatipon-tipon at magprotesta sa mga inaakalang maling patakaran ng pamahalaan. Ang pag-aaklas ay makukulayan ng mga bayarang tagasigaw at hakot. Nahigop ng pamahalaan ang halina ng mga dating organisadong pangkat na nakikipaglaban alinsunod sa prinsipyo, ideolohiya, at lunggati para sa makabagong Filipinas. Nabibili kahit ang pabor, tangkilik, o promosyon sa sandatahang lakas at iba pang sangay ng pamahalaan. Matutumbasan ng halaga kahit ang opinyon ng mga komentarista at mamamahayag. Magagamit ang puwersa ng negosyo upang ibagsak ang kalaban. At sa kawalan ng pag-asa ay nanaisin ng iba na mangibang-bayan upang doon magtrabaho at mamuhay nang malayo sa alaala ng pagtataksil.

Ang aklasang bayan ay dapat gunitain nang may pagtutuwid sa mali, at pagpapanumbalik sa ginhawang marapat matamo ng lahat.

Ang pagdiriwang ng Aklasang Bayan sa EDSA ay dapat wakasan ang pagbubunyi sa mga personalidad, mulang Enrile at Ramos hanggang Aquino at Sin hanggang kawal at madreng pamposter. Ang aklasan ay hindi magaganap kung wala ang sakripisyo ng taumbayan, na nagmula sa kung saan-saang uri o pook at nagsikap na magtungo sa EDSA upang pigilin ang madugong digmaang sibil. Ang aklasan ay may kaugnayan sa sama-samang bayanihan, na handang magtindig ng bagong pamunuan at palitan ang bulok na pamahalaan. Umiinog ito sa matapat at bukas-loob na pakikipagkapuwa, na idaraan ang lahat sa pakikipag-usap na magiging alternatibo sa dahas at pagpatay. Ang aklasang bayan ay pagbubuo ng lunggati para sa bayan, at upang maisakatuparan ang gayong lunggati ay kakailanganin ang bagong sibol na pamunuan na may bisyon at handang sumangguni at pumailalim sa taumbayan para sa ikagagaling ng Filipinas nating mahal.