Advertisements

“Ang Paghihiwalay,” ni Marceline Desbordes-Valmore

Salin ng tulang “Les Séparés” ni Marceline Desbordes-Valmore ng France.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Paghihiwalay

Huwag sumulat—Malungkot ako’t ibig yumao.
Lungting tag-araw kung malayo ka’y labis ang dilim.
Ang maabot ka’y di kayang gawin nitong kamay ko;
Pusong sugatan ay waring sapol hanggang ilibing.
Huwag sumulat!

Huwag sumulat—Matuto nawa tayong mamatay.
Sarili’t Diyos ay tanungin mo kung mahal kita!
Ang lumayo ka’t sabihing tapat na ako’y mahal
Ay tila langit kahit ang langit ay di makita.
Huwag sumulat!

Huwag sumulat—Ang iyong anyo ay nasa isip;
Nasa gunita ang iyong tinig na tumatawag!
Sariwang batis na di mainom ay isadibdib;
Sulat-kamay mo’y salitang tulad ng anyong tatak.
Huwag sumulat!

Huwag sumulat kung titik nito’y ayaw makita
Ang iyong tinig ay tagos hanggang sa aking puso;
Nakikita ko ang lipad nito sa ngiti’t damá,
Waring halik mo’y sa aking dibdib ay nakisuyo.
Huwag sumulat!

Marceline Desbordes-Valmore

Marceline Desbordes-Valmore

Advertisements

“Talaksan ng mga Salita,” ni Muhammad Haji Salleh

Salin ng “selonggok kata-kata,” ni Muhammad Haji Salleh ng Malaysia.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Talaksan ng mga salita

isang araw
na tulad ng mahabang panata,
sa edad na pasan ko ang pagkamaramdamin,
ay natagpuan ko ang talaksan ng mga salita.
at mula sa mga kumpol nito’y
tinipon ko ang mga titik at bumuo ng daigdig.
kusa kong iniangkop ang tinig sa tunog,
nalungkot kapag natukso,
at tumawa kapag may pighati.

ito ang sangkalawakan
na kinulayan sa supot ng pakahulugan
may mukha ng usapan at puso ng salita
na kinalap lahat mula sa mga batis ng panahon
tigmak sa mga awit ng mga makata
o nasadlak sa buhanginan ng kasaysayan.

upang makalikha ng mga wika ng daigdig
ay isinasaayos ko ang mga ito
at pinalalaya ang pahiwatig ng karanasan.
gaya ng lambat na inihagis ng mangingisda
ay sinasaklaw ko ang malawak na puwang
at ang isdang may laksang pakahulugan.

“Sumapit ang araw nang ako’y nalungkot,” ni Dante Alighieri

Sumapit ang araw nang ako’y nalungkot

salin ng “Un dì venne a me Melanconia,” ni Dante Alighieri ng Republika Italyana.

salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika Filipinas.

. . . . . . . . . . . . . . . . .     Sa ika-9 ng Hunyo 1290

Sumapit ang araw nang ako’y nalungkot
At sabi ng Lungkot, “Sasamahan kita.”
Wari ko’y pumasok ang pait at kirot
Sa aking kanlungan upang makiisa.

At suminghal ako, “Magsilayas kayo!”
At sumagot sila nang paligoy-ligoy,
At kung mangatwiran ay tila Griyego.
Tahimik ang Irog na dumating noon,

Suot niya’y itim, kay-rikit na damit.
Ang sumbrerong itim ay nakip sa buhok
At luha’y dumaloy sa pisnging namurok.

Ano ba ang sanhi’t masikip ang loob?
At tumugon siya, “Pighati’y dinibdib
Dahil ang mahal ta’y yumao palangit.”

Sandaang Ulit na Kawalan, ni Jaroslav Seifert

salin ng “A Hundred Times Nothing,” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Sandaang Ulit na Kawalan

Marahil ay mababaliw muli ako
sa iyong ngiti
. . . . .at sa aking unan ay lalapag na balahibo
ang pag-ibig ng kasintahan at pighati ng ina,
na malimit magkapiling.

Marahil ay mababaliw muli ako
sa himig ng klarín
at  ang buhok ko’y mag-aamoy pulbura
habang naglalakad gaya ng inihulog sa buwan.

Marahil ay mababaliw muli ako
sa isang halik:
. . . . .gaya ng apoy sa bantulot na lampara
magsisimula akong mangatal
habang sumasayad ito sa balát.

Ngunit iyan ay tanging simoy sa aking labì,
at wala mang saysay ay sisikaping
habol-habulin ang guniguning laylayan
ng malantik na bestidong kumakampay.

Pighati ng Taglagas, ni Heinrich Böll

Salin ng ““Einsamkeit im Herbst” [Autumn Loneliness] ni Heinrich Böll ng Alemanya.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Hindi ko alam kung gaano kami katagal nakatayo sa kanto. Ramdam ko ang pananabik na hindi nararapat. Taglagas na ngayon, at bawat sandaling huminto ang trambiya sa kanto’y humahangos ang mga tao papalapit sa amin, kumakaluskos ang mga paa sa mga tuyong dahon, at taglay ng kanilang mga hakbang ang tuwa, ang tuwa ng mga tao na papauwi sa kanilang tahanan.

Nakatayo kami roon nang matagal. May liwanag pa nang walang ano-ano’y huminto kami nang walang imik, na tila ba nagbabantay sa lumalalim na pighati ng taglagas, ang pakiramdan na ipinamamalas ng duklay ng mga punongkahoy habang nalalagas ang mga dahon nito.

Walang ibang dahilan para sa gayong tagpo, ngunit tuwing bumabatingting sa kanto ang trambiya at ang mga tao’y humahagibis sa abenida tungo sa amin, at ang trambiya’y umaandar habang tumutunog ang batingting—nakukumbinsi ako na may kung sinong darating, may kung sinong nakakakilala sa amin, na magtatanong sa amin upang samahan siya, na ang mga hakbang pauwi ay mahahatak ang mga pagód naming hakbang upang sumabay sa indayog ng kaniyang pananabik.

Ang mga unang dumating ay lumakad nang nag-iisa at mabibilis ang hakbang; pagkaraan ay sumapit ang mga pangkat, na may dalawahan o tatluhang tao na masisiglang nag-uusap, at ang pangwakas ay paunti-unting labas ng mga pagál na tao na dumaan sa harap namin at may mabibigat na pasanin bago naghiwa-hiwalay sa mga bahay na magkakabukod doon sa mga hardin at abenida.

Iyon ang patuloy na pananabik na bumighani sa akin, dahil pagkaraang dumaan ang huling tao ay magkakaroon ng maikling yugto ng katahimikan bago muli naming marinig ang tunog na ping-ping sa malayo mula sa paparating na trambiya sa naunang himpilan—na gumagaralgal at umiingit patungo sa kanto.

Tumindig kami sa lilim ng mga sanga ng punong sáuko na umaabot sa kabilang kalye at lumalampas sa bakod ng napabayaang hardin. Naninigas sa pagkabagabag, ang kaniyang mukha ay pumaling sa direksiyon ng mga tao na papalapit at nagpapakaluskos ng mga dahon—ang mukha, na walang imik at walang tinag, ay umagapay sa akin sa loob ng dalawang buwan, na aking naibigan, at kinayamutan, sa loob ng dalawang buwan. . . .

Noong sandaling dumating ang apat na trambiya, ang pagkabagabag at pananabik ay waring napakainam habang nakatayo kami sa patuloy na lumalalim na kalungkutan ng takipsilim, sa banayad, pambihirang halumigmig ng taglagas; subalit biglang pumukaw sa akin na walang sinumang tao ang darating upang hanapin ako. . . .

“Aalis na ako,” sambit ko sa paos na tinig, dahil napakatagal ko nang nakatayo na wari bang nagkaugat na ako sa ilalim ng kung anong latiang malukong na nakatakdang puminid nang marahan at buong lakas sa ibabaw ko.

“Humayo ka,” aniya nang hindi man lamang sumulyap sa akin, at sa unang pagkakataon sa loob ng dalawang buwan ay nakaligtaan niyang idagdag: “Sasama ako sa iyo.”

Naningkit ang kaniyang mga mata; at walang tinag na ipinako niya ang titig na matigas at metaliko sa abenidang walang tao at tanging ilang piraso ng dahon ang marahang umaalimpuyo sa lupa.

O sige na, naisip ko, at sa sandaling iyon ay may kung anong tumibok sa akin, may kung anong kumawala, at naramdaman ko ang mukhang bumigay, at lumalim ang mararagsang linya sa paligid ng aking bibig. Tila ba ang panloob na tensiyon ko ay binigkis nang mahigpit at ngayon ay inilarga na gaya ng bigwas: lumarga ang tali sa loob ko nang kisapmata, at walang iniwan kundi ang hungkag, malamlam na pighati na naroon sa loob ng dalawang buwan. Nang sandaling iyon ay tumimo sa akin: nakatayo siya rito para maghintay ng kung anong tiyak na bagay; ito ang lugar, itong kanto ng kalye na nalililiman ng mga sanga ng punong sáuko, ang layon ng kaniyang mapagpunyaging pagtakas, sa isang paglalakbay na tumagal nang dalawang buwan, samantalang para sa akin ay isa lamang iyong karaniwang kanto, isa sa kung ilang libo.

Minasdan ko siya nang matagal, na magagawa ko nang walang abala, yamang winakasan niyang pansinin ako. Marahil ay naisip niyang nakaalis na ako. Sa kaniyang mapagmasid na sulyap ay may kung anong namumuong poot, samantalang ang kaniyang mababaw na paghinga ay yumanig sa kaniya na parang pambungad sa isang pagsabog. . . .

Kung matatandaan lamang niya, buntong-hininga ko sa sarili, na bigyan ako ng isa sa dalawang sigarilyo at bahaginan ako ng tinapay. Natatakot akong magtanong, dahil papahinto muli ang trambiya sa kanto. Pagdaka’y nakita ko, kahit sandali, ang una at ang pangwakas na ngiti na sumilay sa kaniyang mukha bago siya humangos papalapit nang may impit na hagulgol. Mula sa kulumpon ng mga tao, na ang ilan sa kanila’y hinawi niya, narinig ko ang pagkabigla ng babaeng bumasag sa kalungkutan ng taglagas ng gabi, at may kung anong anino ang lumukob sa nagitlang kahungkagan ng puso, dahil ngayon ay alam kong kailangan kong lumisan nang mag-isa, na kailangan kong tanggapin ang pagkawala ng sigarilyo at tinapay at ng dalawang buwan na pinagsaluhang panganib at gutom. . . .

Bumalikwas ako, at idinawdaw ang mga pagod na paa sa ginintuang alon ng mga tuyong dahon at pagkaraan ay lumakad palabas ng bayan, at patungo muli kung saan. Ang kasariwaan ng umaalimbukad na liwanag ay hinaluan ng maanghang na simoy ng nasusunog na dahon ng patatas, ang amoy ng kabataan at pag-asam. Walang bituin ang langit at pumusyaw ang kulay. Tanging ang nakangising mukha ng buwan ang nakabitin sa panginorin, tinatanaw ako nang may pang-uuyam, habang nilalandas ang bigat ng karimlan, tungo sa kung saan. . . .

Mga Salita, ni Erich Fried

salin ng “Worte” ni Erich Fried mula sa Austria
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas

Mga Salita

Kapag napagod ang aking mga salita at nahubdan ng mga pantig
at nagsimulang tipahin ng sariling makinilya ang mumunting mali,
kapag nais kong humimbing at ayaw nang mamulat sa pighating
nagaganap sa daigdig at sa mga bagay na di maiiwasan araw-araw,

biglang magsisimula kung saan ang salita at banayad na hihimig
at walang ano-ano’y magbibihis ang mabababaw na kuro-kuro
at maghahanap ng iba pang kurong nabibilaukan sa kung anong
hindi malunok at ngayon ay nagmamasid sa paligid, at hahawakan
saka aalalayan ang mababaw na kuro at magsasabing: Halika

at pagdaka’y lilipad ang ilang pagod na salita
at ang ilang mali ang pagkakatipa’y pagtatawanan ang sarili
kapiling man ang buong diwa o walang kuwentang haka
mula sa atay ng London doon sa karagatan at kapatagan
at kabundukan, paulit-ulit at lampas sa parehong pook

At kapag bumaba ka sa hagdan ng iyong hardin nang umaga
at huminto at pansinin at masdan ito nang marubdob
matutunghayan ang mga salitang namamahinga
o pumapagaspas o giniginaw o kung minsan ay wala sa lugar
subalit tunay na nagagalak kapag kapiling ka nila.

Langit at Lihim ni Carlos Drummond de Andrade

salin ng dalawang tula ni Carlos Drummond de Andrade.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Pighati sa Langit

May oras ng pighati sa langit.
Matinding oras na sakop ng duda ang mga kaluluwa.
Bakit ko nilikha ang mundo? naisip ng Diyos,
At ang mga sagot: Hindi ko alam.
Sumalungat sa kaniya ang mga anghel.
Nangalagas ang kanilang balahibo.

Lahat ng ipotesis: grasya, eternidad, pag-ibig
ay bumabagsak. Pawang balahibo lamang iyan.

Isa pang balahibo at mawawasak ang langit.
Napakatahimik, ni walang kaluskos na nagsasabi
ng sandali sa pagitan ng lahat at wala.
Ibig sabihin, ang kalungkutan ng Bathala.

Lihim

Mabibigo kang ihayag ang panulaan.
Manatiling walang tinag sa iyong sulok.
Huwag umibig.

Nauulinig ko na may barilan
Na abot ng ating mga katawan.
Himagsikan ba iyon o pagmamahal?
Huwag umimik.

Lahat ay posible, ako lamang ang imposible.
Umaapaw sa mga isda ang dagat
Na parang naglalakad lamang sa lansangan.
Huwag magwika.

Ipagpalagay na ang anghel ng lagablab
ay sumaklaw sa mukha ng daigdig
at ang mga isinakripisyong tao
ay humiling ng kapatawaran.
Huwag magmakaawa.

Lilith, pintura ni John Collier.

Lilith, pintura ni John Collier. Dominyo ng publiko.