Advertisements

“Kaaway ng Kamatayan,” ni Salvatore Quasimodo

salin ng “Nemica della morte” ni Salvatore Quasimodo ng Italy.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Kaaway ng Kamatayan
[Nemica della morte]

Hindi mo na sana hiniklat
Ang iyong hulagway na hango
Mula sa amin, mula sa daigdig,
Na bahagi ng kagandahan.
Ano ang magagawa namin,
Kaming kaaway ng kamatayang
Naninikluhod sa rosas mong paanan
At sa lila mong dibdib?
Wala ni salita o piraso ng pangwakas
Na araw, isang Hindi sa mga bagay
Ng daigdig, ang Hindi sa aming
Mapusyaw na talâ ng sangkatauhan.
Ang malamlam na buwan
Sa tag-araw at ang hinihilang angkla’y
Tinangay ang iyong pangarap,
Tubigan, karimlan, hindi ang abuhing
Guniguni bagkus mga katotohanan,
Na pinigtas mula sa isipan
Na biglang nagpasiya sa oras
At lahat ng darating na kasamaan.
Ngayon, nakabilanggo ka
Sa likod ng mabibigat na pintuan,
O, Kaaway ng kamatayan.

Sino ang tumatangis?
Kinitil mo ang hininga
Ng kagandahan, pinilas siya,
Sinugatan nang nakamamatay,
At ni walang luhang pumatak
Para sa kaniyang malamig
Na aninong lumulukob sa amin.
Nawasak na pag-iisa,
At nabigong kariktan.
Sumenyas ka sa dilim,
Itinatak ang ngalan sa simoy,
At ang iyong Hindi sa lahat
Ng nagkukulumpon dito
O sa ibayo ng bugso ng hangin.
Batid ko kung ano ang hinahanap
Mo sa iyong bagong bestido.
Nauunawaan ko ang hindi sinagot
Na tanong. Hindi para sa iyo,
o sa amin, ang tugon.
Ay, mga bulaklak at lumot,
Ay, kaaway ng kamatayan!

para kay Rossana Sironi

Advertisements

“Ang Pakikipagsapalaran ng Pawikan,” ni Russell Edson

Ang Pakikipagsapalaran ng Pawikan

ni Russell Edson

Salin ng “The Adventures of a Turtle” ni Russell Edson ng United States of America.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Pasan ng pawikan ang kaniyang bahay. Siya ay kapuwa bahay at tao ng bahay.

Ngunit ang totoo, sa ilalim ng talukab ay ang maliit na silid na ang tunay na pawikan, na nakasuot ng kalsonsilyo, ay nakaupo sa munting mesa. Sa isang sulok ng silid ay serye ng mga panikwas na nakasungaw sa mga puwang sa sahig, gaya ng mga kontrol ng isang mekanikang pála. Sa pamamagitan nito’y napakikilos ng pawikan ang mga paa ng kaniyang tahanan.

Malimit na nakaupo ang pawikan sa padahilig na kisame ng silid-pagong at nagbabasá ng mga katalogo sa munting mesa na tinirikan ng may sinding kandila. Itinukod niya ang isang siko, at pagkaraan ang kabilang siko. Nagdekuwatro siya, at pagkaraan ay pinagpalit ang pagkakapatong ng mga hita. Napahikab siya, at isinapo sa kaniyang noo ang mga bisig at humimbing.

Kapag nararamdaman niyang pinupulot ng isang bata ang kaniyang bahay ay mabilis niyang papatayin ang ilaw ng kandila at tatakbo sa mga panikwas na kontrol, sakâ pagagalawin ang mga paa ng kaniyang bahay at sisikaping tumakas.

Kapag hindi siya makatakas ay pauurungin niya ang hita at itatago ang tinaguriang ulo at maghihintay. Batid niyang walang ingat ang mga bata, at darating ang oras na malaya niyang maililipat ang kaniyang bahay sa kung saang kubling pook, at doon ay muli niyang sisindihan ang kandila, ilalabas ang mga katalogo, at babasahin hanggang siya’y maghikab. Pagdaka’y pasubsob niyang itatago ang kaniyang ulo sa kaniyang mga bisig at matutulog. . . . At iyon ay hanggang may ibang batang pupulot sa kaniyang tahanan. . . .

“Ang Sugat,” ni Adonis (Ali Ahmad Said Esber)

Ang Sugat

Salin ng tulang “The Wound” ni Adonis (Ali Ahmad Said Esber), batay sa salin sa Ingles ni Khaled Mattawa.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

1.
Ang mga dahong nahihimbing sa lilim ng simoy
ang barko ng mga sugat,
at ang mga panahong gumuho’t tumabon sa isa’t isa
ang kadakilaan ng sugat,
at ang mga punongkahoy na umaahon sa mga pilik
ang lawa ng sugat.
Ang sugat ay matatagpuan sa mga tulay
na nagpapahabà ng libingan,
at ang pagtitiis ay umiiral nang walang katapusan
sa pagitan ng mga pasig ng ating pag-ibig at pagyao.
Ang sugat ay isang senyas,
at ang sugat ay isa ring salupungan.

2.
Sa wikang sinakal ng mga kumakalembang na batingaw,
inihahandog ko ang tinig ng sugat.
Sa bato na nagmumula sa malayo
sa tuyot na daigdig na nadudurog na alabok
sa panahong isinasakay sa mga lumalangitngit na trineo,
sinisindihan ko ang siga ng sugat.
At kapag nagliliyab sa loob ng aking damit ang kasaysayan,
at kapag tumubò ang mga asul na kuko sa aking mga aklat,
sisigaw ako sa sandaling iyon,
“Sino ka? Sino ang nagpadpad sa iyo
sa aking básal na lupain?”
At sa loob ng aking aklat at sa aking básal na lupain
ay tititig ako sa pares ng matang nabuo mula sa alabok.
Narinig kong nagwika ang kung sinong tao,
“Ako ang sugat na isinilang,
at lumalagô gaya ng paglagô ng iyong kasaysayan!”

3.
Tinagurian kitang ulap,
ang sugat ng lumilisang kalapati.
Tinagurian kitang aklat at panulat
at dito’y sinisimulan ko ang diyalogo
sa panig mo at ng sinaunang dilà
sa pulô ng mga aklat
sa arkipelago ng sinaunang taglagas.
At dito’y nagtuturò ako ng mga salita
sa hangin at sa mga palma,
O sugat ng lumilisang kalapati!

4.
Kung mayroon akong pantalan sa lupain
ng mga pangarap at salamin, kung may barko ako,
kung may mga labî ako ng lungsod
sa lupain ng mga bata at nangagsisitangis,
naisatitik ko sana ang lahat ng ito para sa sugat,
isang awit na gaya ng sibat
na tumatagos sa mga punongkahoy, bato, at langit,
sinlamyos ng tubig
na hindi mapipigil, at nakayayanig, gaya ng paglupig.

5.
Ulanin ang aming disyerto
O daigdig na pinalamutian ng pangarap at pag-asam.
Bumuhos, at gulantangin kami, kami, ang mga palma ng sugat,
hiklatin ang mga sanga mula sa mga punongkahoy ng sinumang ibig
ang pananahimik ng sugat, na nakahiga nang gising,
at nakatitig sa malalantik na pilik at malalambot na palad.

Daigdig na pinalamutian ng pangarap at pag-asam
daigdig na nahuhulog sa aking kilay
tulad ng hagupit na nagbabakás ng isang sugat,
huwag nang lumapit pa—ang sugat ay lalong matalik—
Huwag akong tuksuhin, dahil ang sugat ay higit na marikit.
Lumipad sa mga nakaraang kaharian
ang mahika ng iyong paningin—
ang sugat ay naglandas palampas doon,
lumagpas at ni hindi nag-iwan ng isang layag
upang mang-akit ng kaligtasan, at hindi nag-iwan
ng kahit isang pulô.

Ang Sikmura ng Paris, ni Émile Zola

Ang Sikmurà ng París (Le Ventre de Paris)

nobela ni Émile Zola.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Unang Kabanata

Sa napakatahimik na abenidang walang katao-tao, ang mga kariton ay umandar tungong Paris, at ang ritmo ng langitngit ng mga gulong ay umaalingawngaw laban sa harapan ng mga nahihimbing na bahay sa magkabilang panig ng kalsada, sa likod ng madilim na hubog ng mga olmo. Nagtagpo ang karitong hitik sa repolyo at ang isa pang punô ng gisantes sa Tulay ng Neully na may walong karitong karga ang mga karot at nabo mula sa Naterre; lumakad ang mga kabayo ayon sa nais ng mga ito, at lalong bumagal nang sumapit sa daang paahón. Ang mga karitonero, na nakadapa sa kama ng mga gulay, ay naidlip habang tangan ang renda at ang kanilang abrigo, na may guhit ng itim at pilak sa kanilang likuran. Panaka-nakang natatanglawan ng gasera ang mga dulo ng bota, ang bughaw na manggas ng blusón , o ang taluktok ng gora, sa gitna nitong malawak na kalipunan ng mga gulay—tumpok ng mga pulang karot, tumpok ng mga puting nabo, at ang mayamang imbakan ng mga gisantes at repolyo. Sa kahabaan ng kalsada, at sa mga kanugnog na kalsada, sa harap at sa likod, ang malayong garalgal ng mga kariton ay nagpapahiwatig ng kahawig na dalúlong na naglalakbay sa gabi, na pinahihimbing ang madilim na lungsod sa tunog ng ibinibiyaheng pagkain.

Si Baltazar, ang bundat na kabayo ni Ginang François, ang nanguna sa prusisyon. Lumakad ito nang tutulog-tulog, pumipilantik ang mga tainga, hanggang nang marating ang Kalye Longchamp ay bumatak at biglang huminto. Bumundol ang mga kabayo sa mga karitong nasa harap, at huminto ang prusisyon sa gitna ng kalantog ng metal at pagmumura ng mga kutserong nayanig at naalimpungatan. Si Ginang François, na paupông nakasandal sa tablang naglalamán ng mga gulay, ay lumingon, ngunit ni hindi makaaninag ng anuman sa makulimlim na munting parisukat na lampara sa kaniyang kaliwa, na tumatanglaw nang bahagya sa isa sa mga tablang kumikinang ni Baltazar.

“Sige na, matandang dalaga, umandar na tayo!” sigaw ng isa sa mga lalaki, na bumangon nang paluhod sa mga nabo[i].  “Baká may gagong lasing na naman diyan.”

Si Ginang François, gayunman, ay dumungaw nang paliyad, at sa ibaba sa gawing kanan, ay nasilayan ang maitim na hulagway na nakadapa sa daan, at halos na ilalim ng ilong ng kabayo.

“Gusto mo bang sagasàan namin ang kung sino?” aniya, at lumundag sa lupa.

Nakadapâ nang nakadipá sa maalikabok na daan ang lalaki. Waring mahaba siya at simpayat ng kalaykay; kataka-takang hindi siya nayapakan at binalian ni Baltazar. Inakala ni Ginang François na patáy na ang lalaki; yumuko siya at kinuha ang isang kamay nito, at nabatid na mainit-init pa ito.

“Kaawa-awa!” bulong niya.

Di-mapakali ang mga kutsero.

“Hayo na!” malát na sabi ng lalaking nakaluhod sa mga nabo. “Lasing lang ang baklang iyan! Itulak mo sa kanal.”

Ngunit dumilat ang lalaki. Tumitig siya nang walang tinag kay Ginang François. Naisip ng dilag na langô nga ang lalaki.

“Hindi ka makapagtatagal dito,” aniya, “o kung hindi’y masasagaan ka.  Saan ka ba papunta?

“Hindi ko alam,” malát sa saad ng lalaki. Pagdaka, idinagdag niya nang may pagsisikap at di-makaling titig: “Patungo ako ng Paris. Nawalan ako ng malay, at iyon ang huli kong natatandaan.”

Higit na luminaw ang tingin ng babae sa lalaki. Mukhang kaawa-awa ang lalaki, na nakaitim na abrigo at pantalon, na numinipis sa tastas, at halos maaninag na ang kaniyang butuhang binti at hita. Ang kaniyang itim na sombrerong tela, na hinaltak pababa sa noo sa pangambang makilala siya, ay nagbubunyag ng dalawang matang mala-kape, na kumikislap nang banayad sa kaniyang pagal na mukha. Naisip ni Ginang François na napakapayat nito para maglasing pa.

“Saang panig ka ng Paris papunta?” ani Ginang.

Hindi agad tumugon ang lalaki. Waring nakabalisa sa kaniya ang pagtatanong. Mukha siyang nag-isip, at bantulot na tumugon:

“Doon sa mga palengke.”

Tumindig nang pasuray ang lalaki, at tila sabik na ipagpatuloy ang paglalakbay. Ngunit humapay siya at napahawak sa isa sa mga tatangnan ng kariton.

“Pagod ka ba?” usisa ng babae.

“Oo, pagod na pagod,” sagot ng lalaki.

“Pagdaka’y biglang tumaas ang kaniyang tinig, at waring naiinis. Itinulak niya ang lalaki, saka sinabing:

“Sumakay ka na sa kariton. Nagsasayáng tayo ng oras. Patungo ako sa mga palengke. Ibababâ kita sa bagsakan ng mga gulay.”

Itinulak ng babae ang lalaki na tila bantulot at halos mapasubsob sa mga nabo at karot.

“Sige na, huwag mo na kaming patagalin,” sigaw ng babae. “Huwag mo na akong buwisitin Hindi ba sinabi kong papunta kami sa mga palengke? Matulog ka muna. Gigisingin kita kapag sumapit na tayo roon.”

Umakyat pabalik sa kariton ang babae at umupo nang patagilid, at sumandal sa tabla, habang tangan ang renda ni Baltazar. Inaantok na umusad ang kabayo, na pinapipilantik ang mga tainga. Sumunod ang iba pang kariton, at ipinagpatuloy ng dalúlong ang mabagal na paglalakbay papaloob sa karimlan, habang ang maindayog na langitngit ng mga gulong ay umalingawngaw muli laban sa harapan ng mga bahay, at ang mga karitonero, na nababalot ng kanilang abrigo, ay napaidlip muli. Ang lalaking tumawag kay Ginang François ay humiga, at bumulong:

“Para bang wala na tayong mabuting magagawa kundi magsakay ng mga lasing na makasalubong! Napakabait mo!”

Umandar ang mga kariton, na ang mga kabayo’y nakatungó, at marahang umusad ayon sa nais ng mga ito. Nakadapâ ang estranghero, na ang mga hita’y tumakip sa mga nabo na pumunô sa likuran ng kariton at ang kaniyang mukha’y pasubsob sa tumpok ng mga karot. Mahigpit siyang humawak sa kama ng mga gulay kahit pagod, sa takot na tumilapon kapag nalubak ang kariton, at ang kaniyang mga mata’y pumakò sa dalawang linya ng mga lamparang de-gaas, na ang sinag na humahaba’y nagsasanib sa malayo, sa piling ng iba pang ilaw sa tuktok ng dalisdis. Sumampay sa panganorin ang makapal na ulap, na ipinamamalas kung saan nahihimlay ang Paris sa makinang na usok ng lahat ng apoy. (I T U T U L O Y. . . .)

[i] Itinumbas sa “turnip” ng Ingles ang “nabo” na hango sa Espanyol.

“Ang Paghihiwalay,” ni Marceline Desbordes-Valmore

Salin ng tulang “Les Séparés” ni Marceline Desbordes-Valmore ng France.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Paghihiwalay

Huwag sumulat—Malungkot ako’t ibig yumao.
Lungting tag-araw kung malayo ka’y labis ang dilim.
Ang maabot ka’y di kayang gawin nitong kamay ko;
Pusong sugatan ay waring sapol hanggang ilibing.
Huwag sumulat!

Huwag sumulat—Matuto nawa tayong mamatay.
Sarili’t Diyos ay tanungin mo kung mahal kita!
Ang lumayo ka’t sabihing tapat na ako’y mahal
Ay tila langit kahit ang langit ay di makita.
Huwag sumulat!

Huwag sumulat—Ang iyong anyo ay nasa isip;
Nasa gunita ang iyong tinig na tumatawag!
Sariwang batis na di mainom ay isadibdib;
Sulat-kamay mo’y salitang tulad ng anyong tatak.
Huwag sumulat!

Huwag sumulat kung titik nito’y ayaw makita
Ang iyong tinig ay tagos hanggang sa aking puso;
Nakikita ko ang lipad nito sa ngiti’t damá,
Waring halik mo’y sa aking dibdib ay nakisuyo.
Huwag sumulat!

Marceline Desbordes-Valmore

Marceline Desbordes-Valmore

“Tula mula sa Bilangguan,” ni Mohammed al-Ajami

salin ng “Poem from a Prison Cell” ni Mohammed al-Ajami ng Qatar.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Tula mula sa Bilangguan

Mohammed al-Ajami

Ang isipan ko ba o ang aking loob ang naglaho
sa inyo, o lupaing Arabe, ang baláy ng aking mga kaaway?
Kung binihag ninyo ang aming isip sa batas at katwiran
kung iginalang ninyo ang aming kuro-kuro,
marahil ay kikipilin ninyo rin ang aking puso
Sino ako? Huwag itanong ang mga araw ukol sa akin—
Ako’y walang silbi kundi maging bilanggo
sa isang nakabukod na selda
Ito ang aking bansa, ang pandarahas ang tanging
umaagaw ng aming mga karapatan
Dito, ang kamangmangan ang nagtatadhana
ng aming mga paniniwala
Dito, ang taumbayan ay walang tinig, at hindi
maisatitik ang wika ng panunuligsa
Bayan ko, kung ang kaliwanagan ay humihingi
ng patawad, hindi ako hihinto sa paghingi ng tawad
Sabihin sa inyong mga anak, sa silangan at kanluran,
—at patuloy na sabihin sa kanila, hanggang
ang mga ibon ay awitin yaon sa mga sanga—
na ang mga mamamayang walang kuro-kuro
ay tila kawan ng mga hayop na nauuhaw
ngunit walang kamalay-malay sa karatig na oasis
Ipaglaban ang inyong mga pananalig: ito ang paraan
kung paano sumakay ng kabayo at humawak ng sandata
laban sa pinunong ang hangad ay mang-api
at hinuhubog ang inyong katahimikan
sa ngalan at katwiran ng kawalang-katarungan
Sabihin sa kanila, na ako, suwail, masigasig
ay walang kaparis sa aking tagumpay at kabiguan
Maaaring dinungisan ng panahon ang aking dangal
ngunit hindi madali para sa panahon na itali ako
Panginoon ng mga dukha, sino kayo kung ihahambing
sa mga kaharian ng taumbayan ng Ibn Ad
sa Iram, na lungsod ng mga haligi,
na winika ng Maykapal sa kaniyang Paghuhukom?
Hindi ka naging matapat, mapagbalatkayong propeta
bagaman ikaw, gaya ni Hesus, ay nagsalita sa sabsaban
Sinugatan mo ang katotohanan, at ang aking magiting
na pagsunod ay yumao, at nagdamit ng itiman
Paanong aasahan ang pagsunod
kung sumisigaw ka ng kawalang-katarungan?
Kung susundin ka namin, ano ang mangyayari
sa aming prinsipyo?
Kung kami’y magdarasal, sino ang aming pagdarasalan?
Sa Diyos, o sa mga alagad ng Diyos?

Walang puwang ang birtud kapag may pang-aapi
walang puwang ang bisyo sa landas ng katarungan
Sinumang nagkasala at nanlinlang ng taumbayan
ay hindi magagawang patnubayan sila
Kung walang pagkiling ang kasaysayan, sasabihin nito
kung paano mo hinanap ang kadakilaan sa poot
Humayo at maging miserable, bagaman tayo
ay hindi kailanman naging magkaaway
Iniiwasan ko ang poot, at sinasalungat lámang
ang karapat-dapat maging mga kaaway
Kung tatanungin ako makalipas ang masayang araw
sa okasyong nararapat ang mga salita ng pagmamalaki,
gugunitain ko ang kasaysayan, at magwiwika:
Noong bilanggo ako sa sariling bansa
nang itinanikala mo ang aking mga galang-galangan
kasaysayan ang nagbigay ng lakas at kumpiyansa
sa akin
Ang mga nakahihiyang tanikalang ito
ay kapangyarihan sa aking mga kamay, hindi gahum
para sa kanilang nangibabaw sa akin
Marahang ginigising ako ng mga pinto at bantay
tuwing nakakatulog ako nang napakatagal
Hindi mithi bagkus tákot
ang nagtutulak sa aking itanong ito, ang pangamba
na ang aking mga kaaway ay makita ang aking kahinaan
kapag ako’y humimbing .  .  .
bagaman hindi ko na batid
kung nakapinid ang aking paningin,
habang ako’y nananatiling gising na gising.

“Kahuyan, Isang Prosang Soneto,” ni Ralph Waldo Emerson

Salin ng “Woods, a prose sonnet” (1839) ni Ralph Waldo Emerson.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Kahuyan, Isang Prosang Soneto

Kay dunong ninyo, O sinaunang kahuyan! Higit na marunong sa tao!  Sinumang bumagtas sa inyong landas o pumaloob sa inyong kasukalang ni walang bagnos, ay nauunawa ang parehong kalugod-lugod na aral, maging siya man ay paslit na bata o huklubang edad sandaan. Sumasapit siya may tagumpay man o kabiguan, at mulang isang panahon tungong ibang panahon. Habambuhay na mga karayom sa pinong tumatayog at bumubuwal, ang mga belyota sa roble, ang mga arseng namumulá sa taglagas, at sa lahat ng sandali sa buong taon ang pino sa lupain at ang ubod pirola at ugat sa ilalim ng talampakan. Ang tinaguriang suwerte at tinatawag na Panahon ng mga tao—lingid ang mga ito sa iyo. Walang wika ang tao upang ilarawan ang isang sandali ng iyong walang hanggahang búhay. Ito ang hiling ko sa iyo, o sagradong Kahuyan, na kapag itinuro sa akin ang anumang dapat bigkasin, ituro din sa akin ang himig kung paano ko wiwikain iyon. Itulot sa akin ang sarili mong himig, gaya ng simoy o ulan o batis o mga ibon; dahil ang mga awit ng tao ay tumatanda kapag malimit ulitin, ngunit ang taglay mo, bagaman narinig na ng kung sinong tao sa loob ng pitumpung taon, ay walang pagkakahawig, bagkus ay laging bago, tulad nitong panahon, o pagmamahal.

Ralph Waldo Emerson

Ralph Waldo Emerson