Advertisements

Sanlibo’t Isang Gabi ng Aliw

Salin ng Tales from A Thousand and One Nights.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Pambungad

May nagsalaysay—ngunit ang Allah ang tanging marunong at nakaaalam sa lahat—na noong unang panahon ay namuhay sa mga lupain ng India at China ang hari ng Sassanid na nanguna sa malalaking hubok at may napakaraming kortesano, tagasunod, at alipin. Nag-iwan siya ng magkapatid na lalaki—na kapuwa nakilala sa kanilang husay sa pangangabayo—lalo ang nakatatanda, na nagmana sa kaharian ng kaniyang ama at pinamahalaan yaon nang makatarungan at kaya minahal siya ng kaniyang nasasakupan. Tinawag siyang Haring Shariyar. Ang kaniyang nakababatang kapatid ay pinangalanang Shahzaman at naging hari ng Samarkand.

Nagpatuloy na namahala sa kani-kaniyang kaharian ang magkapatid, at makalipas ang dalawampung taon ay nadama ni Haring Shariyar na mangulila sa kaniyang nakababatang kapatid. Inutusan niya ang kaniyang Vizir na magtungo sa Samarkand at imbitahin sa kaniyang korte si Shahzaman.

Mabilis na naghanda ang Vizir sa kaniyang misyon at naglakbay nang maraming araw at gabi palagos sa mga disyerto at kagubatan hanggang makarating sa lungsod ni Shahzaman, at tinanggap naman ang kaniyang pagdating. Ipinaabot ng sugo ang pagbati ni Haring Shahriyar, at ipinabatid kay Shahzaman ang hiling ng kaniyang panginoon na makita siya. Labis na natuwa si Haring Shahzaman na madalaw ang kaniyang kapatid. Naghanda siya na lisanin ang kaniyang kaharian, at ipinabunsod ang mga tent, kamelyo, múlo, alipin, at alalay. Pagkaraan ay itinalaga niya ang kaniyang Vizir bilang diputado, sakâ lumisan pakaharian ng kaniyang kuya.

Nagkataon naman na noong hatinggabi ay náalaála niya ang handog  na naiwan niya sa palasyo. Nagbalik doon si Shahzaman nang walang pasabi, at pagkapasok sa kaniyang mga pribadong silid ay natagpuan ang kaniyang asawang nakahiga sa sopa at nasa bisig ng isang aliping Itim. Nagdilim ang paningin ni Shahzaman, at naisip: ‘Kung ito ay nagaganap nang halos hindi pa ako nakalalabas sa aking lungsod, ano pa ang gagawin ng taksil na babaeng ito kapag ay ako nasa malayo?’ Binunot niya ang kaniyang espada at pinaslang ang dalawang nakahiga sa sopa. Mabilis niyang hinarap ang kaniyang mga alalay, nag-utos para sa kaniyang pag-alis, at naglakbay hanggang marating ang kabisera ng kapatid.

Nalugod si Shahriyar sa balitang paparating na ang kaniyang kapatid, at lumabas para harapin siya. Niyakap niya ang bisita at tinanggap sa nagpipistang lungsod. Ngunit habang abala si Shahriyar na aliwin ang kaniyang kapatid, si Shahzaman— na bagabag sa pagtataksil ng asawa—ay maputla at nanlulumo. Naramdaman ni Shahriyar ang pighati ng kapatid at hindi na umimik, at inisip na baká nababagabag lámang si Shahzaman sa mga pangyayari sa sariling kaharian. “Makalipas ang ilang araw, winika ni Shahriyar sa kapatid: ‘Napansin kong maputla ka’t balisâ.’ Sumagot si Shahzaman: ‘Nababagabag ako’t mabigat ang loob.’ Ngunit hindi niya ibinunyag ang pagtataksil ng asawa. Pagkaraan ay inimbitahan ni Shahriyar ang kaniyang kapatid mangaso, umasa na ang gayong gawain ay makapapawi ng lungkot. Tumanggi si Shahzaman, at mag-isang nangaso si Shahriyar.

Nang umupo si Shahzaman sa isa sa mga bintana na katatanawan ng hardin ng Hari, nakita niyang nagbukás ang pinto ng palasyo, at naglandas ang may dalawampung babaeng alipin at dalawampung Negro. Naroon sa gitna nila ang reynang napakaganda ng kaniyang kuya. Dumako sila sa puwente, at naghubad lahat, sakâ umupo sa damuhan. Sumigaw ang kabiyak ng Hari: ‘Mass’ood, lumabas ka!’ at pagdaka’y lumitaw ang isang aliping Itim, at kinubabaw siya matapos siyang sibasibin ng yakap at halik. Gayundin ang ginawa ng mga Negro sa mga aliping babae, at nagpakasaya silang lahat hanggang gumabi.

Nang masilayan ni Shahzaman ang tagpo’y naisip niya: ‘Kay Allah, ang aking kamalasan ay nakapagaan kung ihahambing dito!’ Hindi na siya nalungkot pa, at kumain at uminom matapos ang mahabang pangingilin.

Nang magbalik si Shahriyar mula sa pangangaso ay nagulat siyang makita ang kapatid na napanumbalik ang kasiyahan at sigla. ‘Ano ang nangyari, kapatid,’ tanong ni Shahriyar, ‘at nang huli kitang makita’y namumutla ka’t namimighati, samantalang ngayon ay maayos ang anyo mo’t panatag?’

‘Hinggil sa aking pamimighati,’ tugon ni Shahzama, ‘ay masasabi ko ang dahilan, ngunit hindi ko maibubunyag ang ugat ng aking nabagong kondisyon. Alam mong matapos kong matanggap ang iyong paanyaya ay naghanda ako at nilisan ang aking lungsod; subalit nakaligtaan ko ang perlas na handog ko sa iyo, at nagbalik ako sa palasyo. Doon sa aking sopa ay nakita ko ang aking asawang nakahiga’t yapak ng aliping itim. Kapuwa ko sila pinatay at pagkaraan ay nagtungo sa kaharian mo nang madilim ang isip at masukal ang loob.’

Nang marinig ang gayong pananalita, hinimok ni Shahriyar ang kapatid na isalaysay ang karugtong na pangyayari. At ikinuwento ni Shahzama sa kaniya ang lahat ng kaniyang nasilayan sa hardin ng Hari noong araw na iyon.

Nagulantang ngunit bahagyang nagduda si Shahriyar at nagwika: ‘Hindi ako maniniwala hangga’t hindi nakikita ng aking mga mata.’

‘Ihayag mo,’ wika ni Shahzama, ‘na ibig mong mangaso muli. Magtago ka rito sa piling ko, at masasaksihan mo ang aking nasilayan.’

Pagkaraan nito’y inihayag ni Shahriyar ang kaniyang mithing bumunsod para sa bagong paglalakbay. Lumisan ang mga hukbo palabas ng lungsod nang tangay ang mga tent, at sinundan sila ng hari. At makaraang humimpil siya nang matagal-tagal sa kampo ay iniutos niya sa kaniyang mga alipin na walang sinumang makapapasok sa tent ng Hari. Nagbalatkayo siya at nagbalik nang hindi namamalayan sa palasyo, at doon ang kaniyang kapatid ay naghihintay. Kapuwa sila umupo sa isa sa mga bintana na tanaw ang hardin; at makalipas ang ilang sandali’y lumitaw ang Reyna at ang kaniyang mga babae na pawang kasama ang mga aliping itim, at kumilos ayon sa pagkakalarawan ni Shahriyar.

Halos mabaliw sa nakita, winika ni Shahriyar sa kaniyang kapatid: ‘Iwaksi natin ang ating maharlikang kalagayan at maglibot sa daigdig hanggang matagpuan ang isa pang hari na may gayong kasiraang puri.’

Sumang-ayon si Shahzaman sa panukala, at lihim silang umalis at nagbiyahe nang maraming araw at gabi hanggang sumapit sila sa párang na malapit sa baybay. Nagpaginhawa sila sa bukál at umupo sa lilim ng punongkahoy.

Maya-maya’y dumaluyong ang dagat at lumitaw mula sa kailaliman ang itim na haliging halos umabot sa ulap. Sa labis na sindak ay umakyat sila sa punongkahoy. Nang makarating sa pinakatuktok  ay nakita nila ang jinnee na napakalaki, na may putong na baul sa kaniyang ulo. Nagtampisaw ang jinnee sa baybay at pagdaka’y lumakad palapit sa punongkahoy na lumililim sa magkapatid. Pagkaraan, nang makaupo sa lilim ng punongkahoy na lumililim sa magkapatid, ay binuksan niya ang baul, kinuha mula roon ang isang kahon, na binuksan din niya; at mula sa kahon ay umahon ang isang magandang binibini na singningning ng araw.

‘Birhen at kapuri-puring dilag, na aking tinangay sa iyong gabi ng kasal,’ sabi ng jinnee, ‘iidlip muna ako.’ Inihilig niya ang ulo sa kandungan ng dilag, at mabilis nakatulog.

Biglang tumingala ang babae at natanaw ang dalawang Hari na nasa tuktok ng puno. Marahan niyang iniangat ang ulo ng jinnee at ipinatong yaon sa lupa, saka sumenyas sa dalawa na waring nagsasabing, ‘Bumaba na kayo, at huwag matakot sa jinnee.’

Nagmakaawa ang dalawang Hari na hayaan silang magtago sa kung saan ligtas, ngunit tumugon ang dilag: ‘Kung hindi kayo bababâ ay gigisingin ko ang jinnee, at marahas niya kayong papatayin!’

Bumabâ ang magkapatid sa labis na takot, at biglang winika ng babae: ‘Tusukin ninyo ako ng inyong mga patalim.’

Napaurong sina Shahriyar at Shahzaman. Ngunit galit na inulit ng dilag: ‘Kung hindi ninyo susundin ang aking utos ay gigisingin ko ang jinnee.’

Dahil sa takot sa maaaring mangyari, pumayag ang magkapatid na halinhinan siyang kantutin.

Nang manatili sila hangga’t ibig ng dilag ay bumunot ito ng malaking kalupi mula sa kaniyang bulsa, at hinugot doon ang siyamnapu’t walong singsing na tinuhog ng isang bagting. ‘Ang mga may-ari nito,’ halakhak ng babae, ‘ay kinalugdan ako sa ilalim ng sungay ng hunghang na jinnee na ito. Kung gayon, ibigay ninyo sa akin ang inyong mga singsing.’

Ibinigay ng magkapatid ang kani-kaniyang singsing.

‘Ang jinnee na ito,’ dagdag ng dilag, ‘ay tinangay ako sa gabi ng aking kasal at ibinilanggo pagkaraan sa kahon na ipinaloob niya sa baul. Ikinandado niya ang baul sa pamamagitan ng pitong susi at inilagak yaon sa pusod ng humahalihaw na dagat. Ngunit hindi niya alam kung gaano katuso ang mga babae.’

Napahangà ang dalawang Hari sa kaniyang kuwento, at winika sa isa’t isa: ‘Kung ang ganitong bagay ay nangyayari sa makapangyarihang jinnee, ang aming kamalasan ay sadyang napakagaan.’ At nagbalik sila sa lungsod.

Nang sandaling makapasok sa palasyo, ipinabitay agad ni Haring Shariyar ang kaniyang asawa, kapiling ang mga babae at aliping itim. Pagkaraan ay ginawa niyang kaugalian na kumuha ng birheng pakakasalan para makasaping sa gabi, at patayin ito pagsapit ng umaga. Ipinagpatuloy niya ang ganitong gawi sa loob ng tatlong taon, hanggang umangal ang mga tao, na ang ilan ay tumakas palabas ng bansa kasáma ang kanilang mga anak na dalaga.

Dumating ang araw nang maglibot sa lungsod ang Vizir para maghanap ng birhen na laan sa Hari ngunit wala siyang matagpuan. Dahil takot magalit ang Hari, nagbalik siya sa bahay nang mabigat ang loob.

May dalawang dalaga ang Vizir. Ang nakatatanda ay tinawag na Shahrazad, at ang nakababata’y si Dunyazad. Taglay ni Shahrazad ang maraming tagumpay, at bihasa sa karunungan ng mga makata at alamat ng mga sinaunang hari.

Napansin ni Shahrazad ang pagkabalisa ng kaniyang ama, at tinanong ito kung ano ang bumabagabag sa kaniyang loob. Inilahad ng Vizir ang kaniyang kalagayan sa dalaga, at tumugon ang babae: ‘Ipakasal ako sa Hari: mamamatay ako at magiging ransom para sa mga dalagang Muslim, o kaya’y mabubuhay at magiging sanhi ng kanilang paglaya.’

Mataos siyang nanikluhod laban sa gayong panganib; ngunit nakapagpasiya na si Shahrzad, at hindi susuko sa amuki ng kaniyang ama.

‘Iwasan,’ sabi ng Vizir, ‘na sapitin ang kapalaran ng asno sa pabula.’

Advertisements

Ang Manggagawa bilang Bayani sa katha ni Juan L. Arsciwals

Pagtataksil sa simulain ng kilusang manggagawa ang umaalingawngaw sa mala-nobelang kathang Isa pang Bayani. . . (1915) ni Juan L. Arsciwals. Ngunit huwag akalaing hanggang doon lamang ang saklaw ng katha. Nakapahiyas nang pailalim sa obra ni Arsciwals ang sosyalistang pananaw sa pinakapayak nitong anyo, at humuhula ng napipintong himagsikang pumapabor sa uring manggagawa.

Ibinaba ng mga namumuhunan ang upa sa paggawa ng vitola, kaya umangal ang mga manggagawa sa pabrika ng tabako. (Tumutukoy ang “vitola” sa uri ng anyo ng tabako o sigaro, na maihahalimbawa ang robusto at corona.) Nagpulong ang unyon hinggil sa marapat nilang maging tugon, at napagkaisahang makipagnegosasyon sa pangasiwaan. Nagmatigas ang mga namumuhunan, kaya nagkaisa pagkaraan ang mga manggagawa na magwelga sa pamumuno nina Gervacio, Mauro, at Pablo.

Nangamba ang mga namumuhunan sa magiging epekto ng pag-aaklas, at kinausap nito nang palihim si Pablo para bumaligtad kapalit ng pabuyang salapi. Pumayag naman si Pablo dahil sa hirap ng buhay, at naging tulay upang hikayatin din si Gervacio at ilang kasamang manggagawa. Nabiyak ang hanay ng unyon nang magkaisa sina Pablo at Gervacio, kasama ang ilang eskirol, na pumanig sa mga namumuhunan. Ngunit nabigo ang dalawa na himukin si si Mauro. Nanindigan si Mauro at pinanatili ang dangal.

Isang araw, nasalubong ni Mauro ang mga manggagawang bumaligtad, na ang iba’y nasiraan ng loob sa ipinaglalaban. Ipinaliwanag ni Mauro ang posisyon at ibinunyag ang pagbaliktad ng mga kasama sa simulain, subalit sumalungat sina Gervacio at Pablo. Nagkaasaran, at tinangkang saksakin ni Gervacio si Mauro. Tinamaan sa bisig si Mauro ngunit naibalik ang saksak sa katunggali. Si Pablo naman ay sinaksak din ng isang di-kilalang tao.

Nagkaroon ng labo-labo, at dumating ang mga pulis at dinampot si Mauro. Isinakdal at pagkaraan ay nahatulan ng hukuman si Mauro na makulong nang siyam na buwan at isang araw. Nagpatuloy ang bulok na sistema sa pagawaan ng tabako, at lalong ibinaba ng mga namumuhunan ang upa sa paggawa ng vitola. Ipinagbawal ang pagbubuo ng unyon sa pabrika, at waring pahiwatig iyon sa katumpakan ng ipinaglalaban ni Mauro.

Ipinamalas sa kathang ito ang lunggating sosyalismo para sa mga Filipinong manggagawa. Sa pananaw na ito, ang mga kumakayod sa trabaho ay dapat pantay-pantay na magkamit ng karampatang salapi at benepisyo alinsunod sa bunga ng kanilang kolektibong pagpapagal. Mahihiwatigan ito sa pukol ng pananalita ni Mauro, nang kausapin niya ang mga manggagawa:

Karapatan natin sa haráp ng sino man, na ang pagpapagod at pawis na pinupuhunan natin ay tumbasán ng sapát na kaupahán; at ang karapatang itó, kailan ma’t ibig na bawasan, ay matwid naman natin ang tumutol hanggang maaari at ipagtanggol hangga’t maaabót ng kaya . . . sukdang ikamatay.

Ang ganitong tindig ni Mauro ay taliwas sa posisyon ng mga namumuhunan, na walang iniisip kundi magkamal ng tubo. Imbes na pakinggan ang mga manggagawa ay uuyamin at pagtatawanan pa, at sa di-iilang pagkakataon ay lolokohin at susuhulan upang mapanatili ang kapangyarihan, yaman, at kalakaran sa lipunan.

Ipinahihiwatig din sa katha kung paano natitiwalag ang manggagawa sa kaniyang ginagawa—na nagbubunga ng higit na kahirapan, kamangmangan, at kawalang-katarungan. Ang pagkatiwalag ng manggagawa sa dalisay na kalooban ay may kaugnayan sa proseso ng kaniyang trabaho sa tabakeriya. Nagiging bagay ang trabaho na lumalayo sa tao, at ang bagay na ito ang siyang kinakasangkapan ng mga namumuhunan upang manatiling busabos ang mga anakpawis.

Sa pananaw ng mga negosyante, ang mahalaga ay kumita ng salapi kahit ang kapalit ay pagkabusabos ng mga manggagawa. Gagawin nila ang lahat, gaya ng panunuhol, upang makapangalap ng mga eskirol at pabaligtarin ang posisyon ng mga pinuno ng unyon. At sa oras na magwagi sila ay ibabalik ang dating sistema, sisipain ang mga sungayang kawani, ibababâ ang sahod ng mga obrero, at bubuo ng mga patakarang kontra-manggagawa, gaya ng pagbabawal sa pagtatayo ng unyon.

Kung sisipatin naman sa Marxistang pananaw, natitiwalag ang mga tabakero sa kani-kaniyang sarili dahil ang trabaho nila sa pabrika ay nagkakait sa kanila ng pamumuhay na makatao, samantalang bumabansot sa kanilang isip, loob, at pangarap na tamuhin ang maalwang búkas. Mawawakasan lamang ang ganitong pagkatiwalag kung magkakaisa ang mga obrero na labanan ang mga namumuhunan sa pamamagitan ng kolektibong protesta at pag-aaklas. Kailangang mabawi nila ang kapangyarihan, at magaganap lamang ito sa takdang panahong ganap na maláy na ang mga manggagawa.

Ang paggawa ang tanging may halaga, kung paniniwalaan si Marx. Hindi umano kumakatawan ang puhunan sa pinagsanib na puwersa ng lakas-paggawa. Umiiral lamang ang puhunan dahil sa mabalasik na pangangamkam, gaya ng matutunghayan sa karanasan ng mga tabakerong kabilang sa unyon. Ang pagtutol ng mga namumuhunan na bigyan ng sapat na sahod at karapatan ang mga manggagawa ang magtutulak at magbibigay-katwiran sa mga manggagawang gaya ni Mauro na maghasik ng paghihimagsik, na ang isang manipestasyon ay marubdob na welga o pag-aaklas. Ang ganitong pangyayari ay “hindi mapipigilang lumitaw sa angkop na panahon ng kasaysayan.”

Ngunit mabibigo si Mauro.

Mabibigo si Mauro at ang unyong manggagawa dahil hindi pa hinog ang panahon, ayon na rin sa pagwawakas ng salaysay na isinakataga ni Serafina, ang esposa ni Mauro. Hindi pa ganap na nahuhubog ang kamalayan ng mga manggagawa tungo sa progresibong pagkilos, at maaaring mangailangan “ng maraming kristo” para sa kapakanan ng uring manggagawa. Ano ang ibig sabihin nito? Ang pagiging manunubos ay hindi dapat iatas lamang sa balikat ng isang tao, bagkus sa lahat ng mamamayan. Ang kabayanihan ay dapat taglayin ng kolektibong puwersa ng mga manggagawa upang makamit nito ang pinapangarap na pangmalawakang himagsikan, na magbubunga ng bagong lipunan at makapagpapanumbalik sa nawalang pagkatao ng gaya ni Mauro.

Sanggunian:

Arsciwals, Juan L. Isa pang Bayani… Tondo, Maynila: Imprenta y Libreria ni P. Sayo Vda. de Soriano, 1915.

Preso sa katha nina Benjamin P. Pascual at Benigno R. Juan

Maselang paksa ang buhay ng preso, kaya ginagamit itong materyal sa paglikha ng kuwento, tula, dula, pelikula, sayaw, awit, eskultura, pintura, at iba pang anyo ng sining. Maihahalimbawa ang mga akdang pampanitikan nina Benigno Ramos, Iñigo Ed. Regalado, Amado V. Hernandez, at Teo S. Buhain hanggang kina Wilfrido Pa. Virtusio, Benjamin P. Pascual, Benigno R. Juan, at Lualhati Bautista. Mahaba ang listahan, ngunit nagkakatalo sa pagkasangkapan sa tauhan, at sa paggamit ng pananaw ng tauhan upang maibunyag ang ugat ng krimen, ang konsepto ng katarungan, at ang salimuot ng banghay o lunan.

Magandang balikan ang kuwento ni Pascual na “Di Mo Masilip ang Langit” (1981) at itambis sa “Piitan” (1975?) ni Juan. Ang tauhang nagsasalaysay sa naturang mga kuwento ay isang preso, at sa pamamagitan ng monologo ay masinop na ilalarawan sa kani-kaniyang kausap ang pangyayari kung bakit siya nabilanggo. Magkaiba ang pananaw ng dalawang tagapagsalaysay na tauhan, ngunit ang pinakaubod ng kuwento ay ang pag-urirat sa esensiya ng kalayaan sa loob at labas ng piitan.

LANGIT, kuha ni Beth Añonuevo

LANGIT, kuha ni Beth Añonuevo

Sa “Di Mo Masilip ang Langit,” ang preso—na kausap ang kaniyang kakosa—ay isang dating piyon na kabilang sa gumawa ng malaking ospital at pagkaraan ay susunugin iyon dahil nang manganak ang kaniyang misis at dalhin sa naturang ospital ay pinabayaan naman ng mga nars ang sanggol na mahulog sa sahig at mamatay. Ang panununog ng piyon ay udyok ng paghihimagsik sa di-patas na pagdalo sa mga dukhang nangangailangan. Higit pa rito, mamahalin ng piyon ang kaniyang trabaho ngunit kapag tapos na ang proyekto’y tila layak na isasantabi ng maykaya’t maykapangyarihan ang mga manggagawang nagpawis.

Taliwas naman ito sa preso sa kathang “Piitan” ni Juan, na kausap ang isang baguhang peryodista na ituturing niyang sariling anak. Punong kahero ng malaking kumpanya ang pangunahing tauhang nabilanggo dahil sa paglustay ng salapi ng kaniyang opisina. Ikinuwento ng tauhan kung gaano kaluho ang kaniyang asawa at apat na anak, bukod sa pagkakalulong niya sa bisyo at layaw ng katawan. Sa labis na pagmamahal ng tauhan sa kaniyang pamilya ay gagawin niya ang lahat, kahit pa mangurakot sa pondo ng kompanya. Higit kung gayon ang pagpapahalaga ng tauhan sa usaping pampamilya kaysa usaping panghanapbuhay.

Sa kuwento ni Pascual, ang tinig ng tauhan ay mahihinuhang mula sa lumpen, at mahahalata ito sa tabas ng kaniyang pananalitang kolokyal. Tinig ng propesyonal naman ang tauhan ni Juan, at mahahalata ito sa maingat na pukol ng mga salitang nahahaluan ng Ingles. Kung nasa gitnang uring panlipunan ang tauhan ni Juan, nasa mababang uri ang kay Pascual. Iskuwater ang piyon, samantalang may sariling bahay ang kay Juan.

May hibo ng pagtataksil sa kuwento ni Juan, at ipapamalas ito ng pagtataksil ng asawang babae na nakiapid kay Dell na kasamahan sa opisina ng pangunahing tauhan. Ngunit matapat naman ang asawa ng preso sa kuwento ni Pascual, at kahit nakulong ang dating piyon ay paulit-ulit itong dadalawin ng babae upang ipadama ang pagmamahal. Samantala, makakalimutan ng pamilya ang preso sa kuwento ni Juan, at ang dating mapagmahal na ama ay sisipating parang ilahás na hayop ng sariling asawa at mga anak.

Ang korupsiyon at prehuwisyo sa kuwento ni Pascual ay mula sa mga nakaririwasa, at ito ang sasalungatin ng panguhing tauhan. Samantala, ang korupsiyon at prehuwisyo sa kuwento ni Juan ay magmumula mismo sa pangunahing tauhang nasilaw sa salapi at sumandig sa baluktot na pananaw ng mapagpalayaw na pagmamahal.

Kapansin-pansin din na ang pagdulog ng isang reporter sa preso sa katha ni Juan ay tila propesyonal at malamig ang trato, kung ihahambing sa pagdulog ng kapuwa bilanggo sa kuwento ni Juan na tila kadugo kung hindi man matalik na kaibigan.

Pinakamahalaga ang wakas ng dalawang kuwento. Sa “Piitan,” ayaw nang lumabas sa bilangguan ang tauhan dahil wala na siyang pamilya at mukhang ihaharap sa lipunan. Madilim naman ang “Di Mo Masilip ang Langit,” dahil wala nang pag-asa ang preso at naniniwalang pinabayaan na siya ng Maykapal. Ngunit nais lumaya ang preso sa kuwento ni Pascual mula sa pisikal na bilangguan para itindig muli ang buhay kasama ang kaniyang misis. Taliwas ito sa kuwento ni Juan na ang bilangguan ay nasa puso mismo ng persona, at kahit lumaya pa ang naturang bilanggo ay mananatili siyang nakakulong sa madilim na nakaraan.

Parehong mahusay sumulat sina Benjamin P. Pascual at Benigno R. Juan, ngunit nagkakaiba lamang ang kani-kaniyang pagdulog sa katha, at sa paggamit ng tauhan o lunan. Dapat pag-aralang muli ng mga estudyante at guro ang mga kuwento at nobela ng dalawang mangangatha, nang tuluyang lumaya ang panitikang Filipino mula sa piitan ng prehuwisyo at pandurusta.

Dalawang babae, dalawang pag-ibig, ayon kay Genoveva Edroza Matute

Maraming kuwentong naisulat si Genoveva Edroza-Matute, at sabihin nang marami rin ang sablay o mabuwáy, ngunit ang ilan sa matatagumpay niyang kuwento ay nalathala noong 1948-1949, may 60 taon na ang nakalilipas, ang panahon ng kaniyang kasibulan. Ang panahon ng pagsibol ni Matute ay kaugnay ng nagbabagong anyo ng lipunang Filipino, na dumanas ng digma at nagbihis ng liberal na pananaw na hatid ng Amerikanisasyon, samantalang nagsisikap ang mga manunulat na Filipino noon na maitakda ang wikang pambansa at ang mataas na pamantayan sa pagsulat ng katha.

Sa “Ang Kuwento ni ‘Mabuti'” (1948), inilarawan sa punto de bista ng isang mag-aaral ang katauhan ng kaniyang gurong kung tawagin ay si “Mabuti” dahil sa nakagawian nitong simulan ang bawat pangungusap sa katagang “mabuti” tuwing magtuturo sa klase sa elementarya. Ngunit taliwas sa dapat asahan, ang tagapagsalaysay ay hindi muslak na bata, bagkus batang naghunos ang kamalayan upang maunawaan ang inililihim ng kaniyang gurong ang bana’y may ibang pamilya. Ang nasabing lalaki’y ibinurol sa ibang bahay nang mamatay, at mahihinuhang ang guro ay kabit ng naturang lalaki. Ang parikala ng kuwento’y ang taguring “mabuti” ay lumalampas na sa dating pagtanaw na “mabuting babae,” dahil ang babae na bagaman ulirang guro ay nagkakamali rin, at nalilinlang, at nadudungisan.

Maiisip na ang tagapagsalaysay sa kuwento ni Matute ay isang tao na nagbabalik sa kaniyang kabataan, at ang kaniyang paggunita ay walang bahid ng panunumbat, paghuhusga, at prehuwisyo. Ngunit ang nasabing tao rin ay masasabing hindi karaniwan, at posibleng babae rin, dahil tanggap niya ang katauhan ni Mabuti, at bukás ang isip sa komplikasyon ng mga relasyong pampamilya. Ang maganda sa kuwento’y iniiwan sa mambabasa kung ano ang magiging epekto ng pagkakatuklas sa buhay ng guro, at ang parikala’y ang guro na nagtuturo ay naging tulay mismo upang maituro sa mambabasa ang lihim at dilim na kaniyang nadarama.

Ngunit may isa pang kuwento si Aling Bebang, ang palayaw ni Matute, na dapat pag-ukulan ng pansin ng iba pang mahilig sa panitikan. Iyon ay walang iba kundi ang “Isang Araw sa Kawalang-Hanggan” (1949). Sa nasabing kuwento, si Gilda na hinubog sa tradisyonal na paraan ng kaniyang magulang ay ibig kumawala sa maka-lalaking pagkakahon ni Joven, na kaniyang kasintahang sumáma at nakipagtanan kay Rita. Nais ni Joven ang rikit at landi ng isang babaeng liberal ang pag-iisip, at bukás sa pakikipagtalik, gaya ni Rita at siyang ayaw ni Gilda. Ngunit si Gilda noon ay may pangarap na makatapos ng pag-aaral at umangat ang kabuhayan, at ipinagpaliban muna ang tawag ng laman. Dumating ang sandaling nagkaroon ng malubhang sakit si Joven, at nagdalawang-isip si Gilda kung dapat pa niyang dalawin ang dating kasintahan. Nagwakas ang kuwento na lumabas si Gilda sa silid ng ospital, luhaan, subalit nagpapahiwatig ng paghuhunos ng sarili tungo sa bagong katauhang kumakawala sa makitid na pagtanaw ng mahinang si Joven.

Payak lamang ang kuwentong ito ngunit higit na matagumpay kaysa sa kuwento hinggil sa guro. Pulido ang taktika ng paglalarawan sa tagpo sa ospital; sa pagkabiyak ng kalooban ni Gilda hinggil sa kaniyang propesyon; sa pananaw sa sinaunang kaugalian; at sa pagtanaw sa konsepto ng pagiging liberal sa pakikipagkarát sa lalaking minamahal. Ang higit na maganda’y ang pambungad na talata ng kuwento hinggil sa “kalamigan” ni Gilda sa pakikipagrelasyon ay winakasan ng isa pang naiibang “kalamigan” ng loob sa dulo ng kuwento, subalit nasa higit na mataas na antas na ang talinghaga o pahiwatig. Ang “kalamigan” ay hindi nangangahulugan ng pagkakait sa sarili ng ligaya o kaya’y pakikipagbalikan sa dating kasintahan. Bagkus ang nasabing “kalamigan” ay pagwawakas sa baluktot at sinaunang pananaw na sentimental na pagpapakamatay sa lalaking minamahal, kahit ang lalaking iyon ay tarantado sa sukdulang pakahulugan. Ang paglayo ni Gilda kung gayon kay Joven ay simula ng pagkakatuklas niya ng kapangyarihan bilang babae. Ang babaeng hindi magpapailalim sa kapangyarihan ng lalaki, ang babaeng may kakayahang humanap ng bagong kaligayahang hindi impotente o marupok na gaya ni Joven. Ang babaeng handang magmahal ng kaniyang sarili sa matuwid na paraan nang hindi isinasakpisyo ang dangal o pangalan. Ang gayong tiwala sa sarili ay lihis sa nakamihasnang iyaking babae na dating pinaniniwalaan sa lipunan.

Balita ko’y mahina na ang katawan ni Aling Bebang dulot ng katandaan o sakit, at siguro’y makabubuti kung madalaw siya sa kaniyang tahanan. Panahon na upang muli siyang parangalan bago tuluyang mamaalam sa mundong ito, dahil ano man ang bigat ng kaniyang pagkukulang ay tiyak kong hihigtan ng kaniyang matapat na pag-ibig sa ating sariling wika at panitikan.