Advertisements

“Tagpô ng Págnanása,” ni James McAuley

Salin ng “Landscape of Lust,” ni James McAuley  ng Commonwealth of Australia.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika Filipinas.

Tagpô ng Págnanása

May sariling bayan itong pagnanasa
Na hinihimlayan nitong magsing-irog
Ang lungtiang súsong-buról na úmásang
Mahipò ng bughaw at sukdulang ulop
At ang pinilipit na sangang katawan
Ay gaya ng ngiting lakas na tinaglay.

Naghunos halakhak ang tahás na gúlat
Sanhi’y alkimiya ng likás na batis,
Habang kumukulog sa gitna ng dagat;
Batotoy sa bato na kapit na kapit
Ang mga katawan nating magkasumping
Hindi nangangamba’t walang pinapansin.

Ang labis na lugod ay biglang lulusong,
Pagdaka’y aáhong kaylamyos ng ngitî
Upang muling hagkan ang labÌ at utóng.
Kay Vega’y sumimoy ang munting balanì
Dahil nakatabi ang bagting ni Lira
Saká inaawit ang bawal na kanta.

Sa silid ng nayon, na dukhâ ang anyo,
Itinirik wari ang bulawang tukod
Tulad ni Apollo sa tabi ng pintô
Tayo ang gagawa ng bahay at bakod
May kalyuhing palad na sanáy sa búhay
Bubungkalin natin ang pintíg ng lináng.

Advertisements

Tatlong Tula ni C.P. Cavafy

Tatlong tula ni C.P. Cavafy (K.P. Kavafis)
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Pagnanasà

Gaya ng maririkit na lawas ng yumao na hindi tumanda,
at ibinilanggo, nang luhaan, sa mariringal na mawsoleo,
may mga rosas sa ulo at may mga hasmin sa mga paa—
ganyan ang mga pagnanasa, na lumipas nang walang
kaganapan; wala ni isa man sa kanilang nakalasap
ng magdamag na kaluguran, o maningning na liwayway.

Mga Tinig

Mga huwaran at minamahal na tinig
ng mga namatay, o ng mga tao
na naglaho sa atin gaya ng mga patay.

Kinakausap minsan tayo nila sa panaginip;
at naririnig minsan ang mga ito sa isip.

Sasapit ang sandaling pababalikin nito
ang unang panulaan ng ating buhay—
gaya ng musikang nauupos sa malayong gabi.

Unang Antas

Nagreklamo isang araw si Ewmenes
kay Teokritus:
“Dalawang taon na ang nakalilipas
nang ako’y magtangkang magsulat ngunit
isang idilyo lamang ang aking natapos.
Isang tula lamang ang aking naisulat.
Ay, sadyang napakatayog, wari ko,
at napakatarik ng hagdan ng Panulaan;
at sa unang antas na kinatatayuan ko,
ang abang gaya ko ay hindi makaaakyat.”
“Ang ganyang pananalita,” ani Teokritus,
“ay baluktot at mapanyurak.
Kahit nasa unang hakbang ka pa lamang,
dapat na matuwa at magmalaki.
Hindi madali ang pagsapit mo rito,
na pambihirang tagumpay na malayo
sa matatamo ng karaniwang mga tao.
Upang makarating sa unang bahagdan,
kailangan mo munang maging mamamayan
sa lungsod ng mga isip.
At sa lungsod na iyon ay napakahigpit
at bibihira ang nagiging mamamayan.
Matutunghayan sa agora ang mga Mambabatas
na hindi maiisahan ng mga oportunista.
Ang pagsapit dito ay hindi napakagaan;
ang nakamit mo ay labis na kadakilaan.”

Soledad, ni Angela Manalang Gloria

salin ng tula ni Angela Manalang Gloria.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

SOLEDAD

Isang sakrilehiyo, sigaw ng mga kapitbahay,
Kung paano niya binasag ang bawat liníb
Upang papasukin ang suwail. Hindi nila maarok
Kung paanong ang babaeng hinubog ng dangal
At nakasilid sa kristal na pangarap ay iwinaksi
Ang kapita-pitagang panahon, o kung bakit
Tinalikdan ang buhay na hitik sa alak at tinapay
Para sa sandaling kabaliwan sa piling ng lalaki.
Hindi naupos ang alingawngaw ng eskandalo.

Ngunit walang nakakutob sa kariktang matatamo
Ng katedral ng kaniyang kaluluwa na pinaliliyab
Ng pagnanasa ng binata, o iniwan siya ng lalaking
Nakasilid sa awreola ng apoy . . .
Nang walang makita kundi ang mga aguhang sunog,
Isinumpa ng bayan ang dalagang umibig nang lubos
At nabatid ang kaniyang langit sa pusod ng dilim.

La Source or Die Quelle (1868) ni Gustave Courbet.

La Source or Die Quelle (1868), oleo sa kambas ni Gustave Courbet

Awit at Pag-ibig ni Mahmud Kianush

Mga tula ni Mahmud Kianush
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

MANANATILI ANG AWIT

Humuni ng matarling na awit ang ibon
na nakadapo sa tangkay ng rosas,
at inilatag ang sigaw ng kaluguran
sa lawas ng hungkag na katahimikan.

Naglaho ang rosas,
ni walang iniwang bakás ng kulay
o kaya’y halimuyak.
Ngunit nang maglaho ang ibon,
nanatili sa paligid ang angking awit.

LARO NG PAG-IBIG

Inihanda ng bulaklak ang taglay
nitong bango at makulay na hapag,
at tumindig nang nakatungo
habang pinupupog ng bubuyog.

Ito marahil ang Pag-ibig:
sa larong nakalulugod sa sarili
ay nilalasing siya nang labis
ng mga kopita ng sinag at hamog.

SA HAPAG NG SIMOY

Isang huklubang lalaking nakukuba
ay humiling sa kaniyang tungkod
ng karagdagang buhay;
at ang isang kabataang sakay
ng kabayong humagibis sa yabang
ay naghihintay sa daigdig
para sa kaniyang pakikipagtagisan.
Ngayon,

sa alimbukay ng alikabok,

ang mga mata’y nagdilim
sa panghihinayang.
Ngayon,

sa hapag ng hangin,

ang daigdig ay naghihintay
sa pagbaba ng bagong panauhin.

DALISAY

Ikaw ang pabukad na Rosas
na may kabigha-bighaning kulay,
at nakalalasing na halimuyak.
Nakasisiya ka sa aking paningin,
at kumikinang sa iyong kataga
ang mga hamog at liwanag.

Bagaman maikli ang iyong panahon,
magpakasaya,

dahil may puso ka

na walang bahid ng mga pagnanasa.

Mga Kabayo

Mga Kabayo, mula sa artsibo ng fithfath.com. Dominyo ng publiko.

Sampánaw ng mga Pandama ni C.P. Cavafy

salin ng “Το Σύνταγμα της Hδονής” ni C.P. Cavafy, batay sa saling Ingles ni Manuel Savidis
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

SAMPÁNAW NG MGA PANDAMA

Huwag magwika ng kasalanan, huwag magwika ng pananagutan. Kapag nagparada ang Sampánaw ng mga Pandama, sa saliw ng musika at wagayway ng mga watawat; kapag nangatal at nayanig ang mga pandama, tanging hangal at balasubas na tao ang sisikaping lumayo, at hindi tatanggapin ang mabuting simulain, na nagmamartsa tungo sa pagsakop ng kaluguran at kalibugan.

Lahat ng batas ng moralidad—na mababaw inunawa at isinagawa—ay walang saysay at hindi magkakabisa kahit sandali, kapag ang Sampánaw ng mga Pandama ay nagparada, sa saliw ng musika at wagayway ng mga watawat.

Huwag hayaan ang anumang malabong birtud na pigilin ka. Huwag maniwalang binibigkis ka ng anumang obligasyon. Tungkulin mo ang magparaya, ang palaging magparaya sa mga Pagnanasa, ang mga perpektong nilalang ng mga perpektong diyos. Tungkulin mong sumanib, gaya ng matapat na kawal, na taglay ang payak na puso, kapag ang Sampánaw ng mga Pandama ay nagparada, sa saliw ng musika at wagayway ng mga watawat.

Huwag ibilanggo ang sarili sa tahanan, at iligaw ang sarili sa mga teorya ng katarungan, na may prehuwisyo ng pabuya at kimkim ng di-perpektong lipunan. Huwag sabihing, Katumbas iyan ng aking pagpapagal, at ganito ang dapat kong matamo. Katulad ng pamana ang buhay; at wala kang ginawa upang kamtin iyon nang may katumbas na bayad, kaya gayundin dapat ang Kalugurang Sensuwal. Huwag ipinid ang sarili sa tahanan; bagkus hayaang bukás ang mga bintana, bukás na bukás, upang marinig ang unang tunog ng paglalandas ng mga kawal, kapag ang Sampánaw ng mga Pandama ay sumapit, sa saliw ng musika at wagayway ng mga watawat.

Huwag magpalinlang sa mga lapastangan, na nagwiwikang mapanganib bukod sa mahirap ang serbisyo. Ang serbisyo ng kalugurang sensuwal ay palaging kasiya-siya. Papagurin ka nito, at papagurin nang may nakalalasing na kaluwalhatian. At pangwakas, kapag gumulapay ka sa lansangan, kainggit-inggit ang iyong mabuting kapalaran. Kapag dumaan sa kalye ang karo ng iyong bangkay, ang mga Anyo na humubog ng mga pagnanasa mo ay magpapaulan ng mga liryo at puting rosas sa rabaw ng iyong ataul; papasanin ka sa balikat ng mga kabataang bathala ng Olimpo, saka ililibing sa Himlayan ng Huwaran, na ang mga mawsoleo ng panulaan ay kumikislap sa sukdulang kaputian.

Yakap (1890), guhit ni Raphaël Collin

Yakap (1890), guhit ni Raphaël Collin. Dominyo ng publiko, at hinango sa artsibo ng zorger.com