Advertisements

Give Up Tomorrow

Napapanahong mapanood ng mga estudyante at guro ang dokumentaryong pelikulang Give up Tomorrow (2011) nina Michael Collins at Marty Syjuco. Inilalantad ng dokumentaryo, sa pananaw at kritika ng mapanuring lente, ang mapait na kapalarang sinapit ni Francisco Juan Larrañaga (alyas “Paco”) at ng anim na iba pang akusado makaraang madawit sa pagdukot at pagpatay sa magkapatid na Marijoy at Jacqueline Chiong isang gabing maunos noong 1997.

Si Larrañaga ang naging mukha ng iba pang naparusahan; at madaranas niya ang mala-karnabal na paglilitis; ang prehuwisyo at sensasyonalismo sa pamamahayag at opinyon ng publiko; ang malahayop na pamumuhay sa loob ng bilangguan; at ang mahatulan nang dalawang ulit na habambuhay na pagkakapiit. Hanggang lumabas ang kaniyang usapin tungo sa pandaigdigang antas, at manghimasok ang mga kilalang internasyonal na organisasyong nakikisangkot sa karapatang-pantao, saka mapansin at makialam ang gobyerno ng Espanya, at sa pamamagitan ng Hari nito ay nailipat si Larrañaga—na kambal ang pagkamamamayan—sa Espanya upang doon gugulin ang natitirang panahon sa hatol na pagkakabilanggo.

Ang kredito ay maipapataw sa mahusay na editing ng mga pinaghalo-halong hulagway ng balita, retrato, pelikula, interbiyu, paniniktik, papeles, at iba pang bagay—at kung paano paano ang mga ito napagdugtong-dugtong sa limitadong oras ay dapat hangaan. Ang mahigpit na editing ay tinumbasan ng pambihirang pagsipat sa isang anggulo: ang anggulo ni Larrañaga. Hindi inilihim ni Syjuco na kamag-anak niya si Larrañaga (asawa ng kaniyang kapatid ang nakatatandang kapatid ni Paco); ngunit kahit ang ganitong pangyayari’y hindi makapagpapapusyaw sa katotohanang isinisiwalat ng pelikula. Mula sa paningin ni Larrañaga ay unti-unting ilalahad ang pasikot-sikot na daan tungo sa paghahanap ng katarungan at pagpapanatili ng katinuan.

Maaaring ipalagay na kasiraan ng Filipinas ang bulok na sistema ng hukuman at pulisya, gayunman ay mapanlahat ang ganitong kuro-kuro sapagkat hindi maaaring kumatawan ang kaso ni Paco sa iba pang bilanggo. Ang totoo’y umuurirat ang pelikula sa umanidad ng isang kabataang ipagpalagay nang pilyo at laki-sa-layaw ay hindi karapat-dapat na mabilanggo dahil isinabit lamang siya ng pulisya, at kinondena nang walang taros sa hapag ng publikong opinyon. Nilitis hindi lamang si Paco bagkus maging ang kaniyang ang pribilehiyadong angkan, at ito ang isang naging pabigat upang lumayo ang simpatya sa kaniya ng taumbayan. Isang anyo rin ng paglilitis ang pelikula sa panig ng pamilya Chiong—partikular kay Thelma Chiong na ina ng magkapatid na pinatay. Si Thelma ay ipinamalas sa dokumentaryo na may koneksiyon sa Malacañang sa pamamagitan ng kaniyang kapatid; at walang takot na lumalapit sa huwes at kawani ng hukuman, at siyang maipapalagay na pag-impluwensiya sa magiging kiling ng hatol. Ngunit ang masaklap, si Thelma rin ang bukás na nakikipag-ugnayan kay Davidson Valiente Rusia, ang pinagtiwalaang saksi ng estado, at ibinibilang sa isa sa mga gumahasa at pumatay sa magkapatid.

Ang kaduda-dudang personalidad ni Rusia ay walang pasubaling ginigiba sa dokumentaryo. Ito ay sapagkat si Rusia ang tanging direktang magdidiin kay Paco na isa sa mga pangunahing gumawa ng krimen; samantalang ang iba pang saksi na ipinirisinta sa paglilitis ay nagsabi lamang na nakita nila si Paco (at si Josman Aznar) sa Cebu at kausap ang magkapatid na Chiong noong gabing maganap ang krimen. Si Rusia na isa umanong adik at tambay ay ipinirisinta sa korte na guwapo, malinis at mapagtitiwalaan, at ang pagpapapogi niya ay dahil sa tulong at reimbensiyon ni Thelma Chiong. Ang tanong ni Mimi Larrañaga (kapatid ni Paco) kung bakit ganito ang asal ng isang ina ay balido; sapagkat ang tunay na inang may malasakit sa kaniyang dalawang anak ay isusumpa ang sinumang pumatay at lumuray sa kanilang pagkatao, kasama na ang kakutsabang gaya ni Rusia.

Kung susuriing maigi, ang dokumentaryo nina Collins at Syjuco ay tandisang sumasalungat sa pasiya ng Korte Suprema sa kasong G.R. Nos. 138874-75 na pinagtibay ni Punong Mahistrado Hilario G. Davide Jr at iba pa. Una, hindi mapagtitiwalaan si Rusia. Ikalawa, nagkamali ang korte nang tanggihan ang alibay o palusot ni Paco na siya ay nasa Maynila at wala sa Cebu nang maganap ang krimen. Ikatlo, may nilabag na karapatang-pantao ang korte nang tanggihan nito ang ibang testimonya ng ibang saksi na panig kay Paco. At ikaapat, ang bangkay na natagpuan sa Carcar, Cebu ay hindi labi ni Marijoy. Sa ganitong presentasyon ay matatasa kung nagtagumpay ang dokumentaryo at mapapaniwala nang lubos ang mga manonood.

Ipagpalagay nang tunggalian ito ng dalawang pamilya upang makamit ang hustisya at katotohanan, at ang mga aktor ay may dugong Espanyol sa isang panig, at may dugong Tsino sa kabilang panig. Ang saksi ay may dugong Amerikano; samantalang ang huwes sa kaso ay isang Filipino, bukod sa mga Filipino rin ang iba pang nasasakdal, at Filipinong sambayanan ang tagasubaybay mulang paglilitis  hanggang paghatol. Kinagat ang gayong pangyayari sa pahagayan, radyo, at telebisyon sapagkat ang paggahasa at pagpatay ay may kaugnayan sa konsepto ng “puri” at “dangal” sa mga Filipino. Idagdag pa rito ang pangyayaring ang mga nagaganap na karumal-dumal na krimen ay iniuugnay sa impunidad ng alta sosyedad—na ang pagkalahi’y mahaba ang kasaysayan ng pang-aapi sa mga karaniwang mamamayan. Nabuksan din sa kaso ang isa pang anggulo: ang ilegal na droga ng sindikato, at kung ano ang kaugnayan nito sa buhay ni G. Chiong ay mananatiling nakabitin magpahangga ngayon.

Nakapanghihinayang na winasak ng krimen ang dalawang pamilya at pinarupok ang mga institusyon ng pamahalaan. Si Hukom Martin Ocampo ay umani ng kapuwa paghanga at paglibak; at ang mga abogado ng depensa ay kaniyang ipinakulong dahil sa pag-uyam sa korte (na bulaklak ng dila para sa di-patas na paglilitis). Bagaman isinaalang-alang ni Ocampo ang panig ni Larrañaga at iba pa at ang panig ng pamilya Chiong sa kaniyang hatol, isang palaisipan pa rin kung bakit hindi pinayagan ng huwes ang pagsusuri sa DNA ng mga bangkay at pagtestigo ng mga eksperto sa pagsusuri ng mga labi ng bangkay, gaya ni Prof. Jerome Bailen, at kung bakit hindi pinayagan ang pagtestigo ng 35 kaibigan, kaklase, at kakilala ni Larrañaga upang patunayang nasa Maynila si Paco at wala sa Cebu nang maganap ang krimen. Hindi rin matiyak kung ang dalawang bangkay ay mga anak nga ni Thelma Chiong, dahil sa pagkawasak ng mukha. May posibilidad na ang isa sa dalawang bangkay ay hindi ang sinuman sa magkapatid na Chiong; at kung gayon, ang hatol kay Larrañaga at iba pa ay mananatiling kuwestiyonable magpahangga ngayon. Ang pagpapatiwakal ni Ocampo ay nag-iiwan ng mga tanong sa posibilidad na pinatay ba siya o hindi; at kung totoo nga siyang nagbaril ng sarili ay lalong nabaon sa limot ang katotohanan.

Kahit sinong magulang ay maghihimagsik kapag pinagsamantalahan at pinatay ang kanilang mga anak. Ngunit ang paghihimagsik na pulos galit at prehuwisyo ay hindi makatutulong upang mapiga ang katotohanan. Sa ganitong pangyayari, kahit ang mag-asawang Chiong ay dapat iniimbestigahan, at kung totoo ngang may kaugnayan si G. Chiong sa kaso ng droga, ayon sa dokumentaryo, ito ay dapat inuusisa. Si Larrañaga ay waring isinakrisyo upang ilihim ang isang grandeng tagpo at sindikato; at kung titimbangin ang mga paramdam o pahiwatig ng mga hulagway at usapan sa dokumentaryo ay hindi malayong mapagdudahan kahit ang mismong motibo ni Thelma Chiong. Dahil kahit sinong magulang ay dapat isumpa kahit ang mga kakutsaba, at si Rusia ay mahimalang tumanggap pa ng ilang pabuya mula kay Thelma.

Ang kaso ni Larrañaga na umabot sa internasyonal na antas ay kahanga-hanga. Bagaman nakakuha siya ng simpatya sa pandaigdigang opinyon, hindi ito natumbasan ng karampatang pagtugon sa hanay mismo ng karaniwang Filipino. Ito marahil ay sa pangyayaring negatibo ang pagtanaw kay Larrañaga sa loob ng Filipinas, at ang pagtalikod niya sa pagiging mamamayang Filipino ay isang anyo ng pagtakas, kaya kinakailangan niya ang tulong ng iba pang bansa upang yugyugin kung hindi man baligtarin ang publikong opinyon nang maitanghal sa ibang anggulo ang kaniyang kaso at maisaayos ang talaro ng katarungan.

Ang pangwakas na interbiyu kay Thelma na hitik sa panlilibak at pang-uuyam, habang siya’y tumatawa o nakangisi, ay isang nakahihindik na tagpo sa dokumentaryo. (Pinayagang ilipat si Larrañaga sa Espanya sa bisa ng kasunduan ng palitan ng mga bilanggo.) Ang himig ng pagganti para tumbasan ang pang-aapi ay hindi nalulutas ang ugat ng suliranin, at ito ang marahil hindi pa kayang tanggapin ni Thelma Chiong at ng kaniyang mga kaanak. Napipinid nang mahigpit ang utak at puso, at pagkaraan, ang nagdurusa ay ang mga Filipino na naging aktibong saksi sa gayong mala-telenobelang paglilitis—ang paglilitis na mag-uuungkat lalo ng talamak na sugat sa pagtatamo ng katarungan, samantalang nagbibigay ng hamon para isapuso ang marahil ay napakailap na pag-asa.

Advertisements

Paglilitis

PAGLILITIS

Lumakad siya sa hardin ng mga patalim; umulan ng mga sibat at lason sa kung anong dahilan. At siya’y nagpatuloy, at hinarap ang kamatayan. Naligalig ang daigdig, ngunit siya’y nanatiling walang tinag, at higit na nanariwa, gaya ng ilahas na dapo na yumayapos sa sanga ng huklubang mabúlo.

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 24 Mayo 2010.

Paglakad sa tubig, ni Ivan Aivazovskiy (1817-1900)

Paglakad sa tubig, ni Ivan Aivazovskiy (1817-1900)

C-5 at Tiyaga

Habang umiinit ang kampanya, umiinit din ang ulo ng mga senador, at may kinalaman dito ang imbestigasyon hinggil sa proyektong C-5 na kinasasangkutan ng butihing Sen. Manny Villar.

Sa unang malas ay mabigat na usapin ng korupsiyon ang isyu. Inilihis umano ang pagawaing bayan sa mga subdibisyong pag-aari ni Villar, at ito ang pinagkakitaan ng bilyong piso ng kaniyang mga korporasyon. Doble umano ang isiningit na lahok sa panukalang badyet ng senado hinggil sa proyekto;  at labis ang presyong ipinatong hinggil dito. Nagkaroon ng pagdinig sa senado ngunit hindi dumalo si Villar, at ikinatwirang pampolitikang sirkus lamang iyon, dahil ang mga imbestigador ay pawang tumatakbong kandidato sa pambansang halalan. Sa kabilang dako, isa umanong pambabastos iyon ng senador sa kagalang-galang na institusyon, dahil nakasalalay doon ang dangal ng buong senado lalo’t mabigat na usapin ang pangungurakot sa kabang-yaman ng bansa.

Ang pinagtatalunan ngayon ay kung dapat kilalanin ang ulat ng Komite ng Etika sa senado. Binigyan ng sapat na panahon ng komite ang panig ni Villar para maghain ng kontra-ebidensiya, saksi, at iba pang kaugnay na detalye ngunit walang nangyari. Ni hindi sinipot ni Villar ang komite, na isang taktika upang maipamalas niya na wala siyang kasalanan at walang awtoridad ang komite na litisin ang gayong kaso. Lumitaw pa ang isyu na sinuhulan umano ni Villar si Sen. Juan Ponce Enrile, ngunit kahit ang ganitong paratang ay nangangailangan ng matibay na ebidensiya, na ang tanging susuhay lamang ay ang integridad ng pangulo ng senado at pinuno ng Komite ng Etika. Sa tono ni Enrile, libong kaso na aniya ang naipanalo niya sa korte, at alam na niya, kahit sa galaw ng katawan, kung ano ang ipinahihiwatig ng kaniyang kausap.

Na sinusuhulan siya para manahimik.

Sa kabilang dako’y may punto rin si Villar. Ang pagkilala sa awtoridad ng Komite upang litisin siya sa paratang na isinampa ni Sen. Jamby Madrigal ay isang anyo ng pagkilala sa kadalisayan ng layon ng mga kasapi ng lupon. Na kaduda-duda. Kalahati ng senado ay kandidato sa halalan, at tumatakbong senador kung hindi man pangulo o ikalawang pangulo, at hindi mapapalis ang agam-agam ng mabahong paglilitis para sumikat sa madla ang isang kandidato. Ang paglilitis ay napataon pa sa panahon ng kampanya, at ang anumang pagdinig ay maaasahang mababahiran ng pamomolitika. Ang pagbabatuhan ng putik at makukulay na taguri noong nakalipas na araw ay senyales na hindi kayang panatilihin ng senado sa linya ng matwid na lohika ang usapan.

Hindi magtutugma ang mga argumento ng magkatunggaling panig dahil ang panig ni Enrile ay para sa pagpapanatili ng dangal ng institusyong kinabibilangan ng mga mambabatas, at ang ulat ng komite ay pormalidad ng awtoridad ng nasabing institusyon. Ngunit sa panig ni Villar, kahit ang simpleng Komite ng Etika ay maaaring kasangkapanin sa pampolitikang hakbang upang pabagsakin ang kalaban. Batid ito ni Villar, dahil siya ang pinuno noon ng Mababang Kapulungan at pinangunahan ang pagpapatalsik sa poder kay Pang. Joseph Ejercito Estrada. Ang pagkakaiba lamang, masyadong iginalang ni Estrada ang esensiya ng batas; samantalang kay Villar, ang batas ay malalabag ng mambabatas kung nais niyang manatili pa sa kapangyarihan.

Kaya usaping pampolitika rin kahit ang pagpuna ng Komite ni Enrile kay Villar. Ang nasabing komite ay umatang ng tungkulin ng isang hukuman, na ang mga ebidensiya at saksing iniharap ni Madrigal ay tinanggap ng lupon nang walang kasalungat na tugon mula kay Villar. Ibig sabihin, isahang panig lamang ang narinig. Hindi narinig si Villar na ipagtanggol ang kaniyang sarili, dahil minabuti niyang kilalanin ang kapangyarihan ng midya na ipamansag ang katotohanan at “hulihin ang puso at isip ng publiko.” Higit na nakabuti sana kung hinamon ni Villar ang kaniyang mga katunggali na magsampa ng kaso sa tumpak na hukuman, imbes na gawing hukuman ang senado.

Mawawalang-saysay ang ulat ng Komite ni Enrile, maliban na lamang kung may kapangyarihan ang naturang lupon na magpataw ng mabigat na parusa na ikayayanig ni Villar. Subalit kung magaganap ito, lalong magiging martir sa mata ng madla ni Villar, ang dating dukhang umangat sa negosyo at naging politiko, na ngayong nagtatangkang maging pangulo ng Filipinas ay nakaamba naman ang tabak ng kamatayan. Isa lamang ang matututuhan sa kaso ni Villar: dalhin sa tumpak na korte ang kaso. Kung kinakailangang sagutin ni Villar ang kaniyang kaso, ang kasong iyon ay dapat nililitis ng mga tao na may pambihirang integridad at talino, at walang lihim na adyendang gaya ng kulay ng partido. Kinakailangan din ang tiyaga sa paglilitis, at pasensiyang hihigit sa karaniwang gawi ng tao.

Paliko-liko man ang C-5, wika nga, ay sa korte pa rin ang tuloy. At ito ang sasagutin ng butihing Sen. Manny Villar, magwagi man o mabigo siya sa pambansang halalan sa darating na Mayo.

Filipino at ang Wika ng Hukuman

Hinuhulaan kong pagkaraan ng 22–23 Oktubre 2008, magbabago ang pagtingin ng Korte Suprema sa paggamit ng wikang Filipino sa mga hukuman. Idaraos sa naturang petsa ang palihan at seminar sa Bulacan State University ukol sa paggamit ng Filipino sa mga paglilitis at pagdinig ng mga kaso, upang mapabilis ang pagbibigay ng katarungan sa mga Filipino.  Inaasahang magpupukol ng matatalim na mungkahi ang mga eksperto sa wikang Filipino, nang magabayan ang mga kalahok kung paano gagamitin nang epektibo ang naturang wika.

Kasalukuyang binubuo ngayon ng mga dalubhasa sa batas na kabilang sa Philippine Judicial Academy (PhilJA) ang kurikulum para sanayin ang mga hukom, piskal, abogado, at kawani ng korte sa paggamit ng Filipino. Ang nasabing kurikulum, kung maipatutupad, ay inaasahang makatutulong sa hukuman para mapabilis ang kapuwa paglilitis at paghahatol sa mga kaso, sa kapakinabangan ng mga akusado at tagapagsakdal.

Matagal nang isyu sa Filipinas ang wika sa hukuman. Dati, ginagamit ang Espanyol para sa kapakinabangan ng mga Espanyol, alinsunod sa patakaran ng Royal Audiencia. Nang dumating ang mga Amerikano’y ginamit ang Ingles at iniluklok ang mga mahistradong Amerikano, kasama ang Punong Mahistradong Filipino, para isulong at mapanatili ng Estados Unidos ang kolonyal na patakaran sa Filipinas. Ang ating Korte Suprema, na itinatag noong 1901, ay malinaw na may ugat sa pananakop at patakarang pampolitika ng Amerika na nakapag-ambag upang matiwalag ang taumbayan sa mga hukuman nito. Nakapagtatakang ngayong siglo 21 pa lamang nagsisimula sa ating bayan ang seryosong pag-aaral sa paggamit ng sariling wika at diskurso ng mga Filipino doon sa mga hukuman, at lumilingon sa uri ng paghahatid ng katarungang alinsunod sa sinaunang sistemang pampolitikang gaya ng barangay, bayan, ili, at banwa.

Sa unang malas ay maliit na bagay lamang ang wika sa hukuman. Ngunit kung susuriin nang maigi’y ang wika ang kasangkapan upang makapag-isip nang matalim ang mga Filipino, at magagamit nila iyon upang maihayag ang niloloob nang di-alintana ang gramatika at palaugnayan ng dayuhang wika. Kailangang mailapit ng hukuman ang wika sa taumbayan, dahil ang taumbayan ang pinagsisilbihan dapat ng hukuman. Ang hukumang iba ang wika sa wika ng taumbayan ay di-maglalaon at papabor lamang sa mga hukom, piskal, abogado, at kawani ng hukuman na pawang nakaiintindi sa wika ng pangkat na ito. Na hindi dapat magkagayon. Hindi dapat ikubli ng hukuman sa makukulay na jargon ang mga paglilitis at pasiya nito, dahil nakasalalay ang buhay at kinabukasan ng mga tao sa anumang magiging hatol ng hukuman.

Malaking tipid din ang paggamit ng Filipino sa hukuman dahil hindi na kinakailangang isalin pa sa Ingles ang mga salitaan, at diretso na ang pagtatala. Mababatid din ng mga tao kung paano magtanggol ang mga abogado, kung paano humatol ang hukom, at kung paano humawak ng kaso ang piskal. Ang mga halimbawang ginawa nina Hukom Jose de la Rama at Cezar Peralejo (ret.) sa paggamit ng Filipino sa mga pagdinig at pagsulat ng hatol ang dapat kilalanin ng sambayanan. Nagbigay ng mabuting halimbawa ang dalawang hukom kung paano mapalalapit sa puso ng madla ang hukuman, at kung paano ipauunawa ang batas sa diskurso ng karaniwang mamamayan.

Si retiradong hukom Peralejo—ang lolo ng artistang si Rica Peralejo—ay marami nang batas at kautusan ng hukumang isinalin sa Filipino mula sa Ingles. Ang kaniyang mga aklat ay ginagawang sanggunian ngayon hindi lamang ng mga nag-aaral ng batas bagkus ng karaniwang Filipino. Kung hindi ako nagkakamali’y nagsalin din si Hukom De la Rama ng mahahalagang kapasiyahan ng Korte Suprema at isinaaklat din kamakailan, bago nagbitiw sa tungkulin si Punong Mahistrado Artemio Panganiban. Mababanggit din ang Mga Teorya ng Batas: Ang Pananaw ng Klasikong Etika at Agham Panlipunan (2002) ni Emmanuel Q. Fernando, at siyang ginagawang sangguniang aklat ngayon sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Kung matutuloy ang pagsasa-Filipino ng hukuman, ang administrasyon ni Punong Mahistrado Reynato Puno ang nakikita kong magiging isa sa mga makasaysayang administrasyon ng mga hukuman sa buong Filipinas.

Nais kong balikan ang sinulat na Ulat-Memorandum (1955) ni Ambrosio Padilla—ang Prokurador Heneral noon—para kay Pang. Ramon Magsaysay ukol sa Asyenda San Pedro Tunasan. Pulido ang wika ni Padilla, at napakalinaw ng mga paghahayag hinggil sa kaso ng Asyenda Tunasan. Ang nasabing kaso ay may kaugnayan sa ipinagbiling 850 ektaryang lupain ng Colegio de San Jose sa pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng Pangasiwaang Pambansa sa Pagpapatao at Pagbabagong-tatag (NARRA). Maaapektuhan sa naturang bentahan ang mga residenteng kaanib sa kapisanang “Oras Na!” (na tinawag ding “Yapak” o “Anak ng Bayan”) na pinamumunuan ni Ciriaco Almansor, na nagsampa ng kaso sa hukuman upang linawin kung sino ang nagmamay-ari ng lupain. Ang ulat ni Padilla ay nilagom ang mga paglilitis at hatol ng iba’t ibang antas ng hukuman, at nilinaw na tunay na pagmamay-ari ng Colegio de San Jose ang Asyenda San Pedro Tunasan.

Binanggit ko ang Ulat-Memorandum ni Prokurador Heneral Padilla dahil magandang halimbawa iyon na mapagsusumundan ng iba pang opisyales ng pamahalaan. Ipinakita ni Padilla na ang ulat ay dapat hindi lamang nauuwaan ng pangulo, bagkus nauunawaan din ng mga taong sangkot sa kaso sa wikang matalik sa kanilang puso. Sa naturang lagay, ang wika ng pangulo ay dapat umaayon din sa wika ng mga Filipino, at ang wikang iyon ay hindi kailanman magiging Ingles. Ang halimbawa ni Padilla ang dapat masundan at muling pag-igtingin sa panahong ito.

Katarungan

TALON, kuha ni Beth Añonuevo

TALON, kuha ni Beth Añonuevo

“Hindi palusot ang kawalang-muwang sa batas,” sabi ng Dakilang Hukom, “upang labagin ang mga batas.” Ang problema’y isinulat ang mga batas sa tubig. At ang wika ng batas ay sadyang likido, at may gramatikang kabesado lamang ng gaya ng kompanyerong balyena, pating, at buwaya. Kaya huwag ipagtaka ang krimen at ang parusa. Tandaan: Ang sinumang baguntaong manalamin sa sapa ay tutuklawin ng makamandag na kariktan. Ang sinumang tagalupang lumusong sa tubig ay iaahon nang kalansay. At ang sinumang tarikáng uminom ng tubig ay malalason at malalapnos ang lalamunan at kaloob-looban, dahil ang tubig ay para lamang sa mga anito’t Maykapal.

(10 Oktubre 2004)