Advertisements

Silid

Sumapit ang sandali na mapagmaramot ang panahon, at ang espasyo ay sinusukat kada metro na magtatadhana ng ginhawang tinutumbasan ng pribilehiyo at salapi. Naiimbento ang dingding at ang partisyong kundi kurtina ay karton; at minamahalaga ang ilaw, tubig, at bintana na pawang ekstensiyon ng aliwalas. Mananaginip ka marahil ng silid, gaya ng kawikaan, na kapag pinasok ay magbubunyag ng sanlibo’t isang silid. Buksan ang pinto sa silid at maaaring makatuklas ng bighani ng salamin sa pader, kisame, at sahig. Masdan ang sarili sa salamin, at ang salamin ay mauunawaan mong silid pa rin na nagtatala ng mga hulagway, tunog, at testura ng mga panauhin. Magtungo sa ibang silid at baka makatuklas ng bakas, mantsa o halimuyak, o kaya’y lihim na kalansay o naiwang salawal o nakaligtaang selfon, ngunit anuman ang bumunyag ay ipagpalagay na karagdagang karanasan. Mapagtitiyagaan ang masisikip na silid na gaya ng bartolina, kapag kapos sa salapi at nagmamadali. Mapanghihinayangan ang maluluwag na silid, kapag nag-iisa’t malayo ang tinatanaw. Marami pang banyaga’t pansamantalang silid na maaaring pasukin mo, may bagyo ma’t may dilim, hanggang sumapit ka sa aking silid upang tanungin ko ng sukdulang tanong na hindi kayang ipaloob sa alinmang silid, at ang tugon mo ay hindi kailanman maisisilid sa gaya ng mga salitang ito.

“Silid,” tulang tuluyan © ni Roberto T. Añonuevo, 10 Enero 2013.
Advertisements

Engkuwentro, ni Alex Skovron

salin ng tulang tuluyan ni Alex Skovron.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang panahong iyon, ani Turgenev, na ang pagsisisi ay gaya ng pag-asa, at ang pag-asa ay gaya ng pagsisisi, at pumanaw ang kabataan bagaman hindi pa sumasapit sa pagkatigulang. At mailap sa atin ang mga pakahulugan, nakadapo sa likod ng ilusyon ng salamin, at kumakawala ang mga katwiran, at ang mukha ay naghuhunos na katwiran, at ang katwiran ay basta makapangatwiran. Higit sa paliwanag ang ilang bagay, na ang sinisikap nating mahalukay ang siya nating ibig kalimutan, at kalimutan ang pinaghihirapan nating tandaan. Pagsapit sa mga lalawigan, anung gaan ang pag-akyat sa talampas sa lilim ng makukutim na ulap, anung gandang salungatin ang nilimbag na bangin ng maingay na kapatagan. Ngunit ang lungsod ng gunita ay nakatimo sa likod ng hulagway ng langit—tulad ng dambuhalang sasakyang biglang iniladlad pababa, padausdos sa kahanga-hangang kisame sa likod ng bakood, na ang gilid na ilalim ay tampok ang nakapangangalisag na hubog at sirkito—upang uyamin tayo sa walang hanggang ringal, o tawagin tayo sa paglalakbay na walang balikan. Ngunit kapag tayong nakinig ay hindi banyaga ang musika; kilala nito tayo hanggang kaloob-looban. Magpapaikot-ikot tayo, magsisisi at mag-aasam, makikibaka upang upang tuklasin ang solidong bahagi sa pagitan ng ilog at batuhan. Kapag muli tayong tumingala, maglalaho ang monolito. Kakalmutin natin ang himpapawid para humanap ng dahilan at magpapalit-palit ng kahulugan. Sasambahin natin ito, at tatawaging Maykapal. O pipiliing pumagitna, gaya ng winika ni Montale, sa pag-unawa ng wala at labis; ang lalawigan ng makata o nating lahat.

Pulo ng mga Kaluluwa, oleo sa kambas, pintura ni Arnold Boecklin, 1883.

Pulo ng mga Kaluluwa, oleo sa kambas, pintura ni Arnold Boecklin, 1883. Dominyo ng publiko.

Balanghagan

Isla de Santa Cruz

Isla de Santa Cruz. Kuha ni Bobby Añonuevo. Mayo 2012.

Sumusulong ang Siyudad de Zamboanga, dumarami ang wika sa pangangalakal, at hindi ito maikakaila ng pagdagsa ng mga turista sa paliparan o pantalan kahit hindi pista. Maliit ngunit siksik, ang heograpiya sa wari mo’y laberinto ng mga habing Yakan kung hindi man lalang-banig ng Sama o Badyaw. Makikitid ang lansangan at magagara ang plasa, ang paglalakad sa saliw ng awiting Chabacano ay malaya mong isiping paglalakad ni Rizal o pagsalakay ni Pershing, ngunit mananatiling panatag gaya ng Masjid Salahuddin at bukás na bukás, gaya ng tanikala ng mga paaralang may angking pasensiya o toleransiya. Kung magawi man sa Paseo del Mar at tumoma pagsapit ng takipsilim ay aasaming makatapak muli sa mamula-mulang bahura ng Isla de Santa Cruz habang sumisikat ang araw kinabukasan. Bago lumunsad ay maaaring mapukaw ang pansin ng Fort Pilar, saka mo magugunita na ang mga kanyon at pananampalataya ay gaya ng digmang nagsisilang ng kapatiran, at nagtitipon sa mga tao na may kani-kaniyang panalanging ang katuparan ay nasa pagkatunaw ng isang bungkos ng kandila.

“Balanghágan,” ni Roberto T. Añonuevo, 20 Mayo 2012.
Habing Yakan.

Habing Yakan. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.

Banig ng Badjaw.

Banig ng Badyaw. Kuha ni Bobby Añonuevo. Mayo 2012.

Paseo del Mar.

Paseo del Mar. Kuha ni Bobby Añonuevo. Mayo 2012.

Dapithapon

Dapithapon

Huminto at lumampas ang mga sasakyan,
tumambay at humakbang ang mga anino,
ngunit ikaw ay hindi nasilayan sa kanto.

Larawan ng wala, ikaw ang mga paglalakbay.
Mauunawaan ka ng pulis sa ilalim ng tulay
at lulundo ang tulay sa pangako ng mga ilog.

Sapagkat ikaw ay mainipin gaya ng panahon,
habulin ng tanaw ay ano’t ni hindi mapigil,
pigilin ang hulagway ay batang nagmamaktol.

Huminto at humakbang ang mga anino,
tumambay at lumampas ang mga sasakyan,
at ako, di gaya mo, ay mananatili sa ibayo.

“Dapithapon,” ni Roberto T. Añonuevo © 25 Enero 2012.

Ang Tula

Nakaligtaan, at sabihin nang naiwaglit ko ang tula, at para itong maleta na natabunan ng libo-libong maleta, bag, at kargada sa kung saang lupalop. Hindi ko maipagpatuloy ang biyahe, sapagkat ang isang maleta ay makapagtataglay ng epiko ng pakikipagsapalaran o kaya’y walang katumbas na yaman, at binabagabag ako ng panghihinayang sa naglahong minamahal.

Hinahanap ko ang aking tula at hindi ko matagpuan.

Nagtanong-tanong ako sa bawat makasalubong, at isinalaysay ang aking pagpapabaya, hanggang isang araw ay makilala ang pilay na lalaking palaboy at ituro niya ang bodega na maaaring nagtatago niyon. Bagaman may pag-aalinlangan ay pumunta ako sa sinabing kalye at numero ng lugar. Sumapit ako nang maghahatinggabi, at nang tumimbre sa pader ay sumalubong ang matandang babae. “Ano ang kailangan mo, iho?” usisa niya.

Isinalaysay ko ang pagkawala ng aking tula, na nakasilid sa plastik, at nagbaka-sakaling doon sa bodega ng matanda napadpad.

Napangiti ang babae, at dumukot sa bulsa ng kaniyang gulanit na palda. “Ito ba ang hinahanap mo?” sabay pakita ng naninilaw na larawan ng dalagang matikas, nakangiti, at may asul na titig.

Imbes na tumugon ay pumikit ako at bumuka ang aking bibig, at mula sa aking lalamunan ay umahon ang mga kataga na parang libo-libong maleta, bag, at kargadang may tatak at pangalan na pawang iniluluwal sa mga paliparan at pantalan. Tumakas sa aking pilik at talukap ang luha, at sumisigaw sa aking pilipisan na hindi ko na kaya pang tumula. Napatungo ako at humagulgol.

Walang ano-ano’y may tumapik sa aking balikat, at pag-angat ko ng ulo’y bumungad sa aking harap ang babaeng nasa larawan, at bumibigkas ng mga talinghaga na hindi kailanman, aniya, kahit minsan, naghunos na banyaga.

Elizabeth Taylor, Liza Todd, at Mike Todd. Kuha ni Tony Frissell, 1957.

Elizabeth Taylor, Liza Todd, at Mike Todd. Kuha ni Tony Frissell, 1957.

Talinghaga ng Pag-ibig, ni Nizar Qabbani

salin ng tatlong tula ni Nizar Qabbani.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Kapag umibig ako

Kapag umibig ako
wari ko’y hari ako ng panahon.
Taglay ko ang mundo at lahat ng lalang nito
at sakay ng kabayo pahagibis sa araw.

Kapag umibig ako
naghuhunos akong agos ng liwanag
na ni hindi matalos ng paningin;
at ang mga tula sa aking kuwaderno’y
mistulang bukirin ng palumpong at opyo.

Kapag umibig ako
sumisirit ang tubig sa aking mga daliri
sumisibol ang mga damo sa aking dila
at kung umibig
ay nagiging panahon sa labas ng panahon.

Kapag umibig ako sa babae,
lahat ng punongkahoy
ay tumatakbong nakayapak palapit sa akin. . . .

Kapag inibig kita

Kapag inibig kita
sumisibol ang bagong wika, lumilitaw
ang bagong lungsod, at natutuklas ang mga bagong bansa.
Masasamyo ang oras gaya ng mga opyo,
tumutubo ang trigo sa mga pahina ng mga aklat,
lumilipad ang mga ibon mula sa mga mata mong hatid
ang biyaya ng pukyot,
naglalandas ang karabana sa mga suso mong taglay
ang yerbang Indio,
nahuhulog ang mga mangga sa palibot, nagliliyab
ang mga gubat, at lumalagabog ang mga tambol Nubian.

Kapag inibig kita, mapapawi sa mga suso mo ang kahihiyan
at maghuhunos kidlat, kulog, espada, at unos ng buhangin.
Kapag inibig kita, maalab na babangon at mag-aaklas
ang mga Arabeng lungsod laban sa dantaong panunupil
at sa mga panahon
ng paghihiganti laban sa mga batas ng tribu.
At ako, kapag umibig sa iyo,
ay magmamartsa laban sa kapangitan,
laban sa mga hari ng asin,
laban sa institusyonalisasyon ng disyerto.
At patuloy kitang iibigin hanggang bumaha sa buong daigdig;
Patuloy kitang iibigin hanggang sumapit ang baha sa daigdig.

Paghahambing sa Pag-ibig

Hindi ako kagaya ng iba mong mangingibig, binibini.
Kapag may nagbigay sa iyo ng ulap,
bibigyan kita ng ulan.
Kapag binigyan ka niya ng parola,
ibibigay ko sa iyo ang buwan.
Kapag binigyan ka niya ng sanga,
ibibigay ko naman ang mga punongkahoy.
At kapag binigyan ka niya ng barko,
ibibigay ko sa iyo ang pambihirang paglalakbay.

Mga Bakwet, ni Randall Jarrell

salin ng tulang “The Refugees” ni Randall Jarrell.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Walang bakanteng upuan sa gusgusing tren.
Nakalupasay ang batang may punit na maskara
Sa basura ng wasak na silid. Maringal ba ang kanilang
kapanatagan? May mukha at búhay silang gaya mo.
Ano ang taglay nila para pumayag magkasiya sa ganito?
Kumikislap ang tuyong dugo sa rabaw ng maskara
Ng paslit na kahapon ay nag-iiwi ng bayang
Higit na katanggap-tanggap kaysa sa lugar na ito.
Siyanga? Buong magdamag ay tahimik na naglandas
Ang tren pabasura. Bakante ang mga mukha.
Wala ba ni isa sa kanilang nakabatid na maringal
Ang katumbas nito? Paano nila nagawa? Ibinigay
Nila ang anumang kanilang pag-aari.
Dito, hungkag ang lahat ng kalupi.
At ano ang makasasapat sa mariringal na luha
At hiling ng paslit kung hindi ang tagpong ito?
Itakip ang nakapapawi, nakahihindik na maskara
Sa mga araw at mukha at buhay na pawang nilustay?
Ano ang kanilang búhay kung hindi paglalakbay
Sa bakanteng kasiyahan ng kamatayan? At ang suot
Nilang mga maskara ngayong gabi sa pamamagitan
Ng kanilang basura’y pagsasanay na pumanaw.
Sadyang maringal na basahin sa kanilang mga mukha:
Ano ang aming taglay na ayaw naming ipagpalit dito?