“Ang Maginoong Asintado,” ni Charles Baudelaire

salin ng “Le galant tireur” ni Charles Baudelaire.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang Maginoong Asintado

Habang tinatahak ng karwahe ang kahuyan ay iniutos niya sa kutsero na huminto sa kapitbahayan ng pinagsasanayang barilan, at winikang ibig niyang magpaputok nang ilang ulit para lustayin ang oras. Hindi ba ang pagpatay ng halimaw na Oras ang pinakakaraniwan at lehitimong gawain ng tao?—Magilas siyang nag-abot ng kamay sa kaniyang mahal, marikit, at kasuklam-suklam na esposa; ang mahiwagang babae na utang niya ang maraming kaluguran, ang maraming sákit, at marahil ang malaking bahagi ng kaniyang pagkapantas.

Ilang bála ang lumihis sa binalak na sapulin, isa sa mga ito ang umimbulog palangit, at habang ang kaakit-akit na nilalang ay humahalakhak nang lugod na lugod, nang-uuyam sa walang latóy na bana, pumaling nang brusko sa kaniya ang lalaki sakâ nagwikang, “Masdan ang manyika doon sa malayo, sa gawing kanan, na ang tungki ng ilong ay nakaturo paitaas, at may anyong maangas. Aking anghel, iisipin ko na lámang na siya ay ikaw!”

Pumikit siya at kinalabit ang gatilyo. Halos mapugot  ang ulo ng manyika.

Pagkaraan, yumukod siya sa harap ng kaniyang mahal, marikit, at kasumpa-sumpang esposa, ang kaniyang di-maiiwasan at kaawa-awang musa, hinagkan nang may paggalang ang kamay nito, at nagwika, “Ay, aking anghel, maraming salamat at ikaw ang nagpagaling sa akin!”

Advertisements

“Pangarap sa loob ng isang pangarap,” ni Edgar Allan Poe

Salin ng “A Dream within a Dream” (1850), ni Edgar Allan Poe ng United States of America.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Pangarap sa Loob ng Isang Pangarap

Idampi sa kilay ang halik na ito!
Sa aking paglayo ngayon sa piling mo,
Ay hayaan akong mangako sa iyo—
Di ka nagkamali, ikaw na nagsabing
Pangarap ang aking araw sa pagkasi;
Kung ang pag-asa’y ganap na nalusaw
Sa isang magdamag o sa isang araw
May pangitain man o kahit na wala
Katumbas na nga ba ng walang bahagya?
Lahat na ng ating makita’t matatap
Ay pangarap lámang sa ubod pangarap.

Nakatindig ako dito sa pasigan
Ang atungal alon ay tagos sa lamán
At kuyom ng palad ang gintong buhangin
Na kahit kaunti’y may kung anong lagim
Sa aking daliri na nasok sa lalim
Habang lumbay ako at natak ang luha.
Diyos ko,  ano ba’t hindi maunawa
Ang aking kinuyom at taglay ng palad?
Di ba masasagip ang butil sa dagat?
Ang lahat bang ito’y sadyang malikmata,
Pangarap sa loob ng pangarap, sinta?

Edgar Allan Poe

Edgar Allan Poe

“Sumapit ang araw nang ako’y nalungkot,” ni Dante Alighieri

Sumapit ang araw nang ako’y nalungkot

salin ng “Un dì venne a me Melanconia,” ni Dante Alighieri ng Republika Italyana.

salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika Filipinas.

. . . . . . . . . . . . . . . . .     Sa ika-9 ng Hunyo 1290

Sumapit ang araw nang ako’y nalungkot
At sabi ng Lungkot, “Sasamahan kita.”
Wari ko’y pumasok ang pait at kirot
Sa aking kanlungan upang makiisa.

At suminghal ako, “Magsilayas kayo!”
At sumagot sila nang paligoy-ligoy,
At kung mangatwiran ay tila Griyego.
Tahimik ang Irog na dumating noon,

Suot niya’y itim, kay-rikit na damit.
Ang sumbrerong itim ay nakip sa buhok
At luha’y dumaloy sa pisnging namurok.

Ano ba ang sanhi’t masikip ang loob?
At tumugon siya, “Pighati’y dinibdib
Dahil ang mahal ta’y yumao palangit.”

Tula XX: Maisusulat ko ngayong gabi, ni Pablo Neruda

salin ng “Poema XX: Puedo Escribir,” ni Pablo Neruda mula sa Chile.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Tula XX: Maisusulat ko ngayong gabi

Maisusulat ko ang higit na malulumbay na tula ngayong gabi.

Isulat, halimbawa, na “Hitik sa mga talà ang magdamag
at kumakatal sa malayo ang mga bituing bughaw.”

Umaalimpuyo ang panggabing hangin sa langit at umaawit.

Maisusulat ko ang higit na malulumbay na tula ngayong gabi.
Mahal ko siya, at may sandaling minahal niya ako.

Sa mga gabing ganito’y ikinulong ko sa siya sa aking yakap.
At hinagkan nang paulit-ulit sa lilim ng walang hanggang langit.

Minahal niya ako, at kung minsan ay minahal ko rin siya.
Sino ang hindi mabibihag ng kaniyang mariringal na titig?

Maisusulat ko ang higit na malulumbay na tula ngayong gabi.
Isiping wala na siya sa akin. Damhing naglaho siya sa aking piling.

Dinggin ang gabing malawak, ang pinakamalawak na gabing wala siya.
At papatak ang tula sa aking kaluluwa, tulad ng hamog sa pastulan.

Ikaw

Ikaw ang aking simula at wakas ng pantig
Ikaw ang pintig ng simula hanggang wakas
Ikaw ang wakas ng pintig ng aking simula
Ikaw ang simula ng aking wakas na pintig
Dahil ikaw ang pantig ng aking pintig
Dahil ikaw ang pintig ng aking pantig
Ikaw na wakas at simula ng mga pangalan
Ay siyang simula at wakas na minamahal.

“Ikaw,” tula © ni Roberto T. Añonuevo, 16 Disyembre 2011.

Kung nais ninyong makita ang munting presentasyon ng mga imahen ng tulang ito, mangyaring pindutin ang kawing na ito https://youtu.be/uq6TZg5lSRo

Sa Bintana, ni Carl Sandburg

Salin ng tulang “At a Window” ni Carl Sandburg.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Sa Bintana

Itulot sa akin ang gutom,
O mga bathala na nakaupo at nag-uutos
Sa daigdig.
Itulot sa akin ang gutom, kirot, kasalatán,
Ibilibid ako sa kahihiyan at kabiguan;
Mula sa inyong mga ginto’t tanyag na pinto’y
Ibigay sa akin ang sukdol, nakapanlulumong gutom!

Ngunit iwan sa akin ang kaunting pagmamahal,
Ang tinig na magwiwika pagsapit ng takipsilim,
Ang kamay na hahaplos kapag madilim ang silid
At babasag sa mahahabang pangungulila.
Sa dapithapon, na ang mga hulagway
Ay pinalalabo ang paglubog ng araw,
Isang munting lagalag, kanluraning bituin
Ang lumitaw mula sa nagbabanyuhay na dilim.
Hayaan akong lumapit sa bintana,
Tanawin mula roon ang araw, ang anyubog ng hapon,
At hintayin at alamin ang pagbabalik
Ng aking munting minamahal.

Ang Babaeng Minamahal ko, ni Hafez

salin ng tula ng makatang Iranian na si Hafez (Khwāja Šamsu d-Dīn Muḥammad Hāfez-e Šīrāzī).
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa saling Ingles ni Daniel Ladinsky.

ANG BABAENG MINAMAHAL KO

Dahil ang Babaeng minamahal ko ay nabubuhay
Sa  kaloob-looban mo,

Lumalapit ako sa katawan mo sa anyo ng mga salita
Hangga’t makakaya ko—

At iniisip kita sa lahat ng oras, mahal kong peregrina.

Dahil ang tao na iniibig ko ay sumasama sa iyo
Saan ka man magtungo,
Si Hafez ay palaging nasa tabi mo.

Kung uupo ka sa tabi ko, manlalakbay,
Ikaw na may busilak na sinag mula sa maraming
Bato-balani,

Mapipigil ng labi ko ang humangos sa iyo at dampian
Ang namumula mong pisngi,

Ngunit ang aking mga mata’y mabibigong ikubli
Ang kabigha-bighaning katotohanan kung sino
Ka nga ba talaga.

Ang Maganda na aking sinasamba
Ay nagtirik ng kaniyang Maharlikang Silungan
Sa loob mo,

Kaya malimit kong idirikit ang aking puso
Nang matalik sa iyong kaluluwa
Hangga’t aking makakaya.

Gabi at Tanikala ni Ahmad Shamlu

Dalawang tula ng makatang Iranian na si Ahmad Shamlu
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

SA GABI

Sa gabi,
kapag ang pinilakang buwan ay nagpapalawà ng malawak na lupain,
ibinubukad ko ang mga layag ng guniguni sa landas ng hangin.

Sa gabi,
kapag tahimik na tahimik ang mga pasyok sa malalalim na sanaw,
malugod kong sinasambit ang matibay na pag-asa sa lilim ng araw.

Sa gabi,
kapag ang mga awit ay inaawit nang walang kapag-a-pag-asa,
hihintayin ko mula sa malayo ang nakapapasong sinag ng umaga
na humahalik sa mga bubungan ng kapitbahay.

Sa gabi,
kapag namumuo ang pighati sa gitna ng malalamig na hardin,
pinakikinggan ko ang pag-ubo ng kamatayan sa ungol-kalansing
ng aking nakatanikala’t sugatang mga kamay.

WALANG LABASAN

Inamoy nila ang iyong bibig
upang alamin kung nakapagwika ka
ng mga salita ng pag-ibig sa sinuman.
Sinamyo nila ang iyong puso.

Gayon kakatwa ang panahon, aking mahal . . .

At pinarusahan nila ang pagmamahal
sa mga salupungan
sa pamamagitan ng mga paghagupit.

Kailangan nating ikubli ang pag-ibig sa maiitim na damit.

Sa ganitong balighong wakas, sa masaklap na pangangatal,
pinanatili nila ang kanilang apoy
sa pamamagitan ng pagsunog sa ating mga awit at tula.
Huwag ibingit sa panganib ang iyong buhay sa pag-iisip!

Gayon kakatwa ang panahon, aking mahal . . .

Kumakatok sila sa iyong pinto kung hatinggabi
upang basagin ang iyong lampara.

Kailangan nating itago ang liwanag sa maiitim na damit.

Tingnan! Rumoronda ang mga matadero sa mga lansangan
habang tangan ang mga duguang karit at patalim.

Gayon kakatwa ang panahon, aking mahal . . .

Tinatagpas nila ang ang mga ngiti mula sa mga labi,
hinihiwa nila ang mga awit na galing sa mga lalamunan.
Kailangan nating ilihim ang damdamin sa maiitim na damit.

Iniihaw nila ang mga dilang-pipit
sa lagablab ng mga hasmin at lila.

Gayon kakatwa ang panahon, aking mahal . . .

Lango sa kaniyang tagumpay,
ang masibang demonyo ay pumasok nang walang abog
sa ating pagdiriwang ng paglalamay.

Kailangang ikubli natin ang salita sa maiitim na damit.

Ahmad Shamlu, hango ang larawan mula sa Rendaan

Ahmad Shamlu, hango ang larawan mula sa Rendaan