Advertisements

“Awit ng Pag-asa,” ni Rubén Darío

salin ng “Canto de Esperanza” ni Rubén Darío ng Nicaragua.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Awit ng Pag-asa

Dinungisan ng kawan ng uwak ang asul na langit.
Ang dantaon nilang hininga’y ano’t salot ang hatid.
Nagpapatayan ang mga tao’t bigo’t poot na umalis.

Isinilang na ba ang apokaliptikong Anti-Kristo?
Lumitaw ang mga babala’t pangitain sa mundo;
ang pagbabalik ni Kristo ay kaganapang totoo.

Ang lupain ay hitik sa malalalim na hapdi at kirot.
Ang dugong bughaw na nag-iisip at nalulungkot
ay tumatangis, na pupunit sa pusong kay lambot.

Mga berdugo ng mithi ang nagpaparusa sa bayan,
isinilid ang sangkatauhan sa yungib na malamlam,
upang tugisin at lurayin ng mga aso ng digmaan.

Panginoong Hesukristo, ano’t kay tagal dumating
ng palad mong may sinag na sa halimaw ay kikitil,
at ng mga banderang wumawagayway sa ningning?

Bumangon agad at sagipin kami nang anong tamis
kaming mga gutóm, namimighati, o sira ang bait
at naglandas nang bulag sa liwayway na sumapit.

Halina, aming Poon, para sa iyong kadakilaan.
Halina’t dalhin ang ngatal na bituin at pagkagunaw
at ihain ang katarungan at pag-ibig sa iyong paanan.

Paraanin ang kay lagim na kabayong lalamon sa talà!
Patunugin ang natatanging pakakak na tumatamà!
Puso ko’y munting titis sa insensaryo mong  likha.

Advertisements

“Ang Paghihiwalay,” ni Marceline Desbordes-Valmore

Salin ng tulang “Les Séparés” ni Marceline Desbordes-Valmore ng France.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Paghihiwalay

Huwag sumulat—Malungkot ako’t ibig yumao.
Lungting tag-araw kung malayo ka’y labis ang dilim.
Ang maabot ka’y di kayang gawin nitong kamay ko;
Pusong sugatan ay waring sapol hanggang ilibing.
Huwag sumulat!

Huwag sumulat—Matuto nawa tayong mamatay.
Sarili’t Diyos ay tanungin mo kung mahal kita!
Ang lumayo ka’t sabihing tapat na ako’y mahal
Ay tila langit kahit ang langit ay di makita.
Huwag sumulat!

Huwag sumulat—Ang iyong anyo ay nasa isip;
Nasa gunita ang iyong tinig na tumatawag!
Sariwang batis na di mainom ay isadibdib;
Sulat-kamay mo’y salitang tulad ng anyong tatak.
Huwag sumulat!

Huwag sumulat kung titik nito’y ayaw makita
Ang iyong tinig ay tagos hanggang sa aking puso;
Nakikita ko ang lipad nito sa ngiti’t damá,
Waring halik mo’y sa aking dibdib ay nakisuyo.
Huwag sumulat!

Marceline Desbordes-Valmore

Marceline Desbordes-Valmore

“Testamento ng Makata,” ni Angkarn Kanlayanapong

Salin ng tula ni Angkarn Kanlayanapong ng Thailand, at batay sa salin sa Ingles na “The Poet’s Testament” nina Sulak Sivaraksha at Hiram Woodward.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Testamento ng Makata

Ibinalabal ko ang kalangitan
Upang pawiin ang lamig
At naghapunan ng sinag-tala
Na kahalili ng kanin.
Kumalat ang hamog sa ilalim ng langit
Upang tighawin ang aking uhaw,
At umagos ang aking mga tula
Upang salubungin ang liwayway
Hanggang sa huling panahon.

Ang aking puso, na inihayin sa libingan,
Ay nagtamo ng gahum na taliwas
Sa kamunduhan; ang kaluluwa’y
Lumipad tungo sa lupain ng pangarap
Sa malayong panig ng kalawakan.
Hinanap nito ang dibinidad sa Langit
At tinangay padaigdig
Upang panatagin ang buhangin at damo,
Ibalik ang ligaya’t ibalik ang kapayapaan.

Ang layon ng paghabi ko ng mga tula
Ay iligtas ang angking kaluluwa,
Na ngayon ay nakahimlay sa agos
At daloy ng panahon.
Bagaman ang búhay na ito, na maikli,
Ay magugugol sa tumpak na oras,
Ang mga pahayag ng puso, na kumikinang
at dibino, ang mangingibabaw.

Hayaan mong ang katawan ay sunugin
Sa krematoryo nito— ang mga tulang nilikha
nang may tatag at tamis ay hindi matutunaw.
Saanmang daigdig muling isilang ang kaluluwa
Ay may pagbaha ng mariringal at banal
Na bahaghari, na may kislap ng kristal
At ningning na mamahaling bató.

Ang kawalang-tinag ay nagpapasiklab ng lugod
Sa mga salitang isinatitik,
Gaya ng mahalagang buhos ng ulan ng Langit
Na pumapawi sa init ng paligid.
Kaytamis samyuin ang búhay na ito. Ang kasunod
Ay may mga repleksiyon ng katamisan nito.

Handa kong iwaksi ang aking búhay
At talikdan nang lubos,
Ang tanging ibig ko’y mahahalagang bagay,
Ang kumikislap at ang bago.
Tiyak na ang panulaan ang pinakabanal
Na sining sa lahat, isang anyo ng mahika,
Na hinugot mula sa mamahaling kahoy,
At nahulog mula sa kalangitan.

Ang mga Titán, ni Friedrich Hölderlin

Salin ng “Die Titanen” ni Friedrich Hölderlin mula sa Germany.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas, at nang may pagsasaalang-alang sa bersiyong Ingles nina Maxine Chernoff at Paul Hoover.

Ang mga Titán

Hindi pa panahon.
Hindi pa sila nakagapos.
At ang mga walang pakialam ay malamig
Hinggil sa usaping pang-anito.
Hayaang tuklasin nila ang palaisipan
Ng Orakulo. Samantala’y magaan kong
Iisipin ang yumao habang may mga pagdiriwang.
Noong sinaunang panahon, nangamatay
Ang mga heneral at magandang babae
At makata. Ngayon naman ay mga tao.
Ngunit nag-iisa ako’t

. . . . . . . . . . habang naglalayag sa karagatan
Ay tinatanong ng mababangong pulô
Kung nasaan na sila.

Dahil may kung anong taglay silang nananatili
Sa isinulat at sa alamat.
Maraming ibinubunyag ang bathala.
Mahabang panahong hinubog ng mga ulap
Ang nagaganap sa ibaba,
At ang sagradong gubat, malusog gaya ng anito,
Ay ibinaon nang malalim ang mga ugat.
Malagablab nang lubos ang yaman ng daigdig.
Wala tayong awit na makayayanig
upang palayain ang ating kaluluwa.
Uubusin nito ang sarili
Dahil ang makalangit na apoy ay hindi
Makatitiis ng pagkakabilanggo.
Kinalulugdan gayunman ng mga tao
Ang bangkete, at sa pagdiriwang
Ay kumikislap na perlas sa leeg
Ng babae ang kanilang mga mata.

Ang mga laro ng digmaan
. . . . . . . . . . At ang landas pahardin
Ay gunita ng kalampag ng mga bakbakan;
Ang mga humuhugong na sandata
Ng mga bayaning ninuno ay nakapatong
Nang panatag sa dibdib ng mga bata.
Ngunit umaalunignig ang mga bubuyog
Sa paligid ko, at kung saan humuhukay
Ang magbubukid ay doon umaawit
Ang mga ibon laban sa liwanag. Maraming
Tumutulong sa langit. Nakikita ang mga ito
Ng makata. Mabuting sumandig
Sa iba. Dahil walang makatitiis mabuhay
Nang mag-isa.

Dahil kapag ang abalang araw
Ang magsimulang magliyab,
At ang makalangit na hamog ay kumislap
Sa kadena, na maghahatid
Ng kidlat mula sa bukang-liwayway
Tungo sa sariling pinagmulan, kahit
ang mga mortal ay madarama
ang kadakilaan nito.
Kayâ sila nagtatayo ng mga tahanan,
At ang mga palihan ay labis na aligagâ,
At ang mga barko’y naglalayag nang pasalunga
Sa mga alon, at ang mga lalaki’y
Nakikipagbatian habang nakikipagkamay;
At iyon ang katanggap-tanggap sa daigdig,
At may katwiran kung bakit tayo nakatitig
Sa sahig.

Ngunit nakasasagap ka
Sa ibang paraan.
Dahil itinatadhana ng panukatang
Umiral ang kagaspangan
Upang mabatid ang kadalisayan.

Subalit kapag sumapit sa lupa
Ang unang sanhi
Upang magkaroon ito ng búhay,
Iniisip ng mga tao na ang makalangit
Ay bumaba sa kailaliman ng mga patay
At biglang sumaisip sa Maykapal
Ang walang hanggahang kahungkagan.
Hindi ako ang dapat magwika
Na ang mga bathala ay pahina nang pahina
Habang sila ay sumasapit sa pag-iral.
Ngunit kapag nagkagayon
. . . . . . . At naglaho
Gaya ng mga buhok ng ama, upang

. . . . .  Ang ibon ng kalangitan
Ay maipabatid ito sa kaniya. Kagila-gilalas
Sa pagkapoot, at iyon ang mahalaga.

Tula XX: Maisusulat ko ngayong gabi, ni Pablo Neruda

salin ng “Poema XX: Puedo Escribir,” ni Pablo Neruda mula sa Chile.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Tula XX: Maisusulat ko ngayong gabi

Maisusulat ko ang higit na malulumbay na tula ngayong gabi.

Isulat, halimbawa, na “Hitik sa mga talà ang magdamag
at kumakatal sa malayo ang mga bituing bughaw.”

Umaalimpuyo ang panggabing hangin sa langit at umaawit.

Maisusulat ko ang higit na malulumbay na tula ngayong gabi.
Mahal ko siya, at may sandaling minahal niya ako.

Sa mga gabing ganito’y ikinulong ko sa siya sa aking yakap.
At hinagkan nang paulit-ulit sa lilim ng walang hanggang langit.

Minahal niya ako, at kung minsan ay minahal ko rin siya.
Sino ang hindi mabibihag ng kaniyang mariringal na titig?

Maisusulat ko ang higit na malulumbay na tula ngayong gabi.
Isiping wala na siya sa akin. Damhing naglaho siya sa aking piling.

Dinggin ang gabing malawak, ang pinakamalawak na gabing wala siya.
At papatak ang tula sa aking kaluluwa, tulad ng hamog sa pastulan.

Para sa mga Tirano ng Daigdig, ni Abo Al Qassim

Salin ng tulang “To the tyrants of the world” na sinulat sa wikang Arabe ni Abo Al Qassim Al Shabbi mula sa Tunisia.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Para sa mga Tirano ng Daigdig

Kayong mga tiranong mapang-api
Kayong mapagmahal sa karimlan
Kayong mga kaaway ng búhay
Inuyam ninyo ang mga walang malay na sugatan
at tigmak ng kanilang dugo ang inyong palad
Naglalakad kayo habang winawasak ang halina
ng pag-iral ng bawat nilalang at lumalago
ang uhay ng pighati sa mga bukid nila’t bayan
Huwag mabulag sa bukál, sa maaliwalas na langit,
sa sinag ng umaga
sapagkat ang dagim, ang kidlat-kulog-dagudog
ay sasapit sa inyo mula sa panginorin
Mag-ingat sapagkat may apoy sa ilalim ng abo
na magpapasupling ng mga tinik
at magpapahinog ng mga sugat
Pinugot ninyo ang mga ulo ng ibang tao
at pinitas ang mga bulaklak ng pag-asa
saka diniligan ng dugo at luha ang lupain
hanggang sukdulan itong malangô
Tatangayin kayo ng agos ng duguang ilog
at palalagablabin ng nag-aapoy ng bagyó.

Walang Bituin, ni Vicente Aleixandre

Salin ng “No Estrella,” ni Vicente Aleixandre mula sa Espanya.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Walang Bituin

Sino ang nagsabing ang katawan
na hinubog ng mga halik ay kumikislap
nang sukdol gaya ng buntala
ng kaligayahan? O aking bituin,
bumaba ka! Ang iyo nawang liwanag
ay maging lamán, maging lawas, dito
sa ibabaw ng damuhan. Maangkin
nawa kita sa wakas, pumipitlag sa uway,
talâng bumulusok nang wagas sa lupa,
at nang dahil sa aking pagmamahal
ay isasakripisyo ang iyong dugo’t liwanag.
Hindi, huwag, o aking paraluman!
Dito, mapagkumbaba’t masasalat
na naghihintay sa iyo ang lupain!
Dito, isang lalaki ang umiibig sa iyo.