Advertisements

Erap versus Manny versus Noynoy

Umiinit ang bakbakan sa kampanya, ngunit nananatiling ligtas sa pangunang puwesto si Noynoy Aquino alinsunod sa sarbey ng pambansang halalan. Sinisikap ng kampo ni Manny Villar na alisin sa ekwasyon si Gibo Teodoro, upang ang bakbakan ay maging Aquino vs. Villar. Ang pagkalas ni Prospero Nograles sa koalisyong Lakas-Kampi-CMD ay hindi na bago. Matagal na itong inaasahan, dahil si Teodoro (at si Edu Manzano) ay halatang isinangkalan lamang upang pagkaraan ay isulong ng mga kakampi ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo ang kandidatura ni Villar.

Kung mawala man si Gibo sa karera, ang higit na makikinabang ay si Noynoy at hindi si Manny, dahil lumilitaw na sadyang totoo ang paratang na “Villarroyo” na ang ibig sabihin ay tuta, kung hindi man manok, ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo si Villar. Gayunman, hindi magwawagi si Villar hangga’t bigo siyang makopo ang baseng maralitang tagalungsod at taganayon na pawang tumatangkilik magpahangga ngayon kay Erap Estrada. Ang laban ay hindi Aquino vs. Villar, dahil ilalampaso ni Aquino si Villar kung walang komputerisadong dayaan sa halalan. Ang laban na inaabangan, lalo sa mga pook maralita, ay Villar vs. Estrada.

Dehado, ‘ika nga, sa sabong si Erap, samantalang liyamado si Manny. Kumbaga sa mga manok, taglay ni Manny ang siyentipikong pagkondisyon bukod sa mahuhusay ang tagapag-alaga sa propaganda. Si Erap naman ay tahimik lamang, ngunit masipag na kumakahig sa mga estratehikong pook ng maralitang tagalungsod at taganayon upang muling magpapakilala sa madla. Sa pagtakbo ni Erap, nabibiyak ang hanay ng mga maralitang tagalungsod at taganayon na nagdadalawang-isip kung susuporta ba o tatalikod kay Manny. Sa panig naman ni Noynoy, nakamit niya ang tangkilik ng pambansang Alyansa ng mga Maralitang Tagalungsod, at ang linyadong boto ng mga kasapi nito ang inaasahang maghahatid ng tagumpay sa kaniya sa Mayo.

Kailangan ni Villar na magpaulan ng salapi sa mga pook maralita upang magwagi sa halalan. Ito ang tanging paraan niya kung nais magwagi. Nagaganap tuwing halalan noon pa mang panahon ng kopong-kopong ang pamimili ng boto, at sa darating na halalan sa Mayo, ang tanging makapamimili ng boto ay ang kandidatong masalapi, gaya ni Villar. Ngunit ngayon pa lamang ay lumilikha na si Erap ng ibang taktika sa pangangampanya, na lihis sa magagastos na anunsiyo sa radyo, diyaryo, at telebisyon, o kaya’y pamimili ng boto. Ang taktika ni Erap ay sumuong sa mga lungsod at munisipalidad at metropolis na laksa ang mga maralita; at sa pamamagitan ng personal na pag-iikot ay inilalapit ang sarili sa taumbayan.

Isang taktika ito na personal, subalit epektibo. At ang paglapit ni Erap sa taumbayan ay hindi matutumbasan ng mga komersiyal o jingle sa radyo at telebisyon. Ginagamit ni Erap ang matalik na komunikasyon sa mga tao sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila. At paghingi ng suporta habang nagsasalita sa wika ng karaniwang tao.

Hindi ito kayang gawin ni Villar kung hindi magsasama ng mga artista, modelo, mang-aawit, at atleta. Lalangawin ang kampanya ni Villar, at kailangan ang hakot mula sa mga lokal na opisyal para mapuno ang kaniyang rali. Kahit sa mismong Tondo ay pagdududahan si Villar, dahil sa aking palagay ay hindi talaga siya nakapag-iikot sa mga pook maralita at umaasa lamang sa mga sinasabi ng kaniyang mga kapanalig na opisyal. Mahirap iboto ang isang kandidato kung hindi nakikita na umiikot sa iba’t ibang pook, liblib man o malapit. Ito ang natutuhan ni Erap noon, at muli niyang isinasagawa kahit ngayon.

Wala nang pagtatalo na ang uring panlipunang nasa A at B ay pumapanig kay Noynoy. Ang mga blokeng C, D, at E ang may malalaking populasyon. Dito magaganap ang bakbakan, dahil kayang tabunan ng mga botanteng nasa D at E ang bilang ng mga botanteng nasa hanay ng uring A, B, C. Ang taktika ni Erap na kumbinsihin ang mga nasa hanay ng uring D at E ay hindi lamang pagpapakilala na siya’y para sa masa. Ito ay matalisik na estratehiya, at estratehiyang subok ng panahong ginawa noon ni Ramon Magsaysay.

Sabihin nang dehado si Erap ngunit ginampanan na niya ang gayong papel kahit sa kaniyang mga pelikula, at sa tunay na buhay ay nabilanggo, inalisan ng dangal, at hiniya sa sukdulang pakahulugan. Mas matagal ang pagdurusa ng pamilya Aquino noong panahon ng Batas Militar, at animo’y mahabang pelikula ang sakripisyo ng mga kalahok.

Samantala, si Manny ay amoy salapi na mapaghihinalaang tusong negosyante, na alanganing mula sa dating dukhang uri. Si Manny ang dating politikong kakutsaba ni Arroyo at uring masalapi para patalsikin sa poder si Erap noong nanunungkulan itong pangulo. Pahamig nang pahamig si Villar, lalo kung sa usapin ng pabahay at sari-saring negosyo, at kung ito ay pagpapamalas ng sipag at tiyaga, sipag at tiyaga ito na may lihim na pakana at nakabalatkayong kasakiman. Sa paghaharap nina Erap at Manny, ang labanan nila ay uungkat ng mga dating tunggaliang pampolitika, at pag-angkin sa teritoryo ng Tondo.

Kaya dapat mangamba si Manny kay Erap. At kung mananatiling banta si Erap sa pagwawagi ni Manny, inaasahan kong dudungisan muli si Erap sa pamamagitan ng maiitim na propaganda, na ang sukdulan marahil ay pagpatay sa kaniya sa malikhaing paraan, upang ganap na mawala sa ekwasyon. Sa oras na sumadsad sa sarbey si Erap, at usigin ng masang mamboboto, doon lamang makokopo ni Manny ang botong dating tinamo ni Erap. Ngunit imbes na bumagsak sa sarbey ay lalong tumataas ang rating ni Erap sa mga sarbey. Nangangahulugan ito na maraming tao ang hindi pa ganap na nakapagpapasiya kung sino ang iboboto nila sa halalan. At buháy ang pag-asa ni Erap.

Makupad man ang kampanya ni Erap ay nagpapamalas ng sipag at tatag. At sa dakong huli, posibleng mailaglag niya si Manny, at ang bakbakan ay mauwi sa Noynoy vs. Erap. Ang magpapabagsak kay Erap ay hindi si Noynoy; ang magpapabagsak kay Erap ay ang dating makulay na rekord niya sa serbisyo publiko. At sa wakas, gustuhin man o hindi ng mga kalaban, hinuhulaan kong magwawagi si Noynoy sa halalan dahil sa katiwalian o kaya’y kapabayaan ng kaniyang mahihigpit na kalaban sa politika. At matatalo lamang si Noynoy kung mapawawalang-bisa ang eleksiyon, sa ngalan man ng elektronikong hokus-pokus o masinop na dagdag-bawas na lampas sa apat na panig ng presinto.

Bagong yugto ito na dapat abangan. At hindi na lamang simpleng tunggalian ng mga uri, bagkus pagharap nang personal at tapat sa buong sambayanan.

Advertisements

Kampanya at Kahirapan

Pinakamalupit na panahon ang Abril, kung hihiramin ang dila ni T.S. Eliot, at idaragdag kong isinisilang nito ang mga bulaklak ng kampanya mula sa tigang na lupain ng propaganda, samantalang dinidiligan ng salapi mula sa bulsa ng mga politiko.

Ipinangangako ni Manny Villar na “tatapusin” ang kahirapan ng mga Filipino, sa pamamagitan umano ng sipag at tiyaga. Maganda mang pakinggan ang gayong islogan, lihis naman ang lohika nito at ang “kahirapan” ay hindi nailulugar ang konteksto, ni hindi naipaliliwanag nang maigi kung bakit nananatiling mahirap ang mga Filipino. Simplistiko ang pagtanaw ni Villar sa kahirapan; at ang kahirapan ay nagiging romantisado ang pagtanaw, gaya ng pagligo sa dagat ng basura.

Isa pang hindi naipaliliwanag ni Villar ay ang mismong “kahirapan.” Sa unang malas ay tinutukoy nito ang kadahupan sa antas ng materyal na pangkabuhayan. Malulutas umano ang kahirapan kung may sipag at tiyaga ang tao. Gayunman, hindi ipinaliliwanag ni Villar ang mga pamamaraan at estratehiya kung paano lulutasin ang gayong problema. Para kay Villar, kung migranteng manggagawa ka na napariwa sa ibayong dagat, ang solusyon ay bigyan ka ng salapi at kaugnay na tulong para makabalik sa bansa. Hindi siya magpapanukala ng paglikha ng negosyo sa loob ng Filipinas; at malabo rin ang kaniyang programa kung paano makatitindig sa sariling mga paa ang bansa para hindi patuloy na umasa sa padalang dolyar ng mga nandarayuhang manggagawa’t propesyonal.

Walang malinaw na plataporma de gobyerno ang Partido Nacionalista, at taliwas ito sa mga komersiyal ni Villar na humahalukay sa damdamin imbes na isip ng mga manonood o tagapakanig. Kahit sa usapin ng panlipunang pabahay ay walang programa si Villar, maliban na lamang sa ilang pagkakataong namimigay siya ng bahay at lupa sa palabas ni Willie Revillame.

Si Villar ang nangangako ng pabahay sa mga maralita. Ngunit saan niya kukunin ang pondo rito? Kung isasaalang-alang na may malaking kakulangan sa pambansang badyet ngayong 2010, ang badyet sa pabahay ay mananatili sa antas o maaaring bumagsak pa mula sa kasalukuyang estado nito, depende sa komposisyon ng kongreso. May dalawang paraan na posibleng ikatwiran si Villar: una, ang pagbebenta ng mga ari-arian ng pamahalaan na ang kita o tubo ay ilalaan sa pabahay; at ikalawa, ang mangutang sa mga institusyong pananalapi sa loob man o labas ng Filipinas. Ang kakatwa’y ginawa na ito dati ng kasalukuyang administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo. Ngunit halos ambon lamang na maituturing ang biyayang natamo ng mga maralitang tagalungsod kung isasaalang-alang ang alokasyon ng pamahalaan sa panlipunang pabahay para sa maralita.

Anuman ang piliin ni Villar sa nasabing dalawang paraan ng pagtustos sa pabahay, ang kaniyang mga kompanya ang pinakamalapit na makikinabang sa mga transaksiyon, dahil maaari nilang mahamig ang mga kontrata at pautang ng gobyerno.

Madali ang mangako, wika nga, ngunit mahirap isakatuparan iyon. Ang pangangako ni Villar na tatapusin ang kahirapan ay nagtuturing sa kahirapan na animo’y isang halimaw na maaaring paslangin sa pamamagitan ng espada at agimat. Hindi naipapakilala ang kahirapan sa mahahalagang larang, gaya ng ekonomiya, edukasyon, batasan, turismo, kapayapaan at seguridad, likas-yaman, enerhiya, likas-kayang pag-unlad, populasyon, at iba pa. Kung paimbabaw ang pagpapakilala ni Villar sa kahirapan, maaasahan din na paimbabaw at reaksiyonaryo ang mga panukalang tugon niya upang lutasin ito.

Hindi ipaliliwanag ni Villar ang kahirapan alinsunod sa tunggalian ng mga uri at kasarian, at patunay ang kaniyang mga kandidatong senador na pinaghalo-halong personalidad mulang dulong kanan hanggang dulong kaliwa—na isang pampolitikang taktika para makalikom ng boto imbes na lutasin ang problema ng isang sektor. At lalong hindi niya ipaliliwanag ang kahirapan kung sino ang mayhawak ng aparato ng produksiyon, at kung ano ang magaganap kung mananatiling nasa kamay ng iilang tao o korporasyon ang kinabukasan ng Filipinas.

Ang pakikipisan ng mga kandidatong senador na iba-iba ang kulay sa partido ni Villar ay isang estratehiyang may kaugnayan sa pangangalap ng pondo at pagsakay sa pambansang makinarya sa kampanya. Kaya walang maririnig na batikos kay Villar mula sa dulong kaliwa dahil animo’y may kautusan ang partido na sumakay na lamang sa alon ng kampanya para manalo ang mga manok nito, at isinusulong na mga party list. Itinatampok ni Villar ang kampanya ng isang koronel ngunit ang totoo’y hindi ang pagwawagi ng naturang kawal ang mahalaga; higit na mahalaga na makilala si Villar sa hanay ng mga sundalo at pulis na makapagbibigay ng solidong boto para sa mapipiling kandidato.

Kaugnay ng pangangalap ng boto mula sa mga rehiyon ang pagdadala kay Bongbong Marcos. Nakinabang nang mas malaki si Villar kaysa kay Marcos dahil malaking populasyon ang hilagang panig ng Filipinas, bukod sa maaasahan ang boto ng mga Ilokano sa ibayong dagat. Ngunit maaaring ilaglag ni Villar si Marcos pagsapit ng Metro Cebu o Metro Davao o Metro Manila, at pasusubalian na lamang ito sa mismong araw ng halalan kung mababasa sa mga polyeto ang pangalan ni Marcos sa listahan ng Partido Nacionalista. Abala rin si Villar na hakutin ang mga lokal na opisyal na dating kapanalig ng administrasyon; subalit ang gayong paghakot ay walang kaugnayan sa linya ng plataporma de gobyerno ng Nacionalista bagkus nasa antas lamang pagpapatatag ng makinarya sa antas ng pamahalaang lokal.

Si Villar din ang pinakamagaling mangako, at handa siyang sumang-ayon sa mga kasunduan sa iba’t ibang sektor, gaya ng sa mga manggagawa, militar, simbahan, kababaihan, mass media, negosyante, at maralitang tagalungsod. Ang ganitong tindig ay nananatiling nasa antas ng pangako lamang; kinakailangang suriin nang maigi ang mga negosasyon sa panig ng mga sektor, at kung realistiko nga ang mga kahilingan at pag-abot sa gayong kahilingan. Pinakamalaki ang impluwensiya ni Villar sa mass media, dahil ang mga mamamahayag ay maaaring masilaw sa ipinangangako niyang ginhawa at layaw na matutustusan lamang ng walang kamatayang balon ng salapi o pabuya.

Malaya si Villar na mangakong “tatapusin” ang kahirapan. Ngunit dapat tandaan niyang ang kahirapan ay hindi linear. Hindi pelikula o nobela ang kahirapan na may simula, gitna, sukdulan, at wakas. Ang kahirapan ay parang C-5 na lumilihis ng landas sa dati nitong inaasahang lunan, at sumusuot kung saan-saan, at nadaragdagan nang nadaragdagan ang bayarin sa paglipas ng panahon, bagaman maaaring walang tiyak na hanggahan. Ang kahirapan ay mananatili hangga’t hindi nauugat ang malalaking problema, gaya ng korupsiyon at panloloko sa taumbayan; at walang programadong pagkilos ang mga mayhawak ng kapangyarihan at kayamanan.

Ang kahirapan ay walang kisapmatang solusyon, bagkus malulutas lamang ng sama-samang pagkilos at pakikilahok ng taumbayan. Kung walang kakayahan si Villar na hulihin ang guniguni ng taumbayan, at bigkisin ang iba’t ibang sektor ng lipunan, kung isasaalang-alang ang partidong kaniyang pinagmulan, ang kaniyang pangangako na “tatapusin” ang kahirapan ay isang pagbabalatkayo at pansamantala lamang. At pagbabalatkayo na sa malao’t madali ay matutunugan ng mga mamamayang hindi na makatitiis at magsisimulang maghimagsik sa matatamis na pahayag ng kagalang-galang na politikong gaya ni Senador Manny Villar.

C-5 at Tiyaga

Habang umiinit ang kampanya, umiinit din ang ulo ng mga senador, at may kinalaman dito ang imbestigasyon hinggil sa proyektong C-5 na kinasasangkutan ng butihing Sen. Manny Villar.

Sa unang malas ay mabigat na usapin ng korupsiyon ang isyu. Inilihis umano ang pagawaing bayan sa mga subdibisyong pag-aari ni Villar, at ito ang pinagkakitaan ng bilyong piso ng kaniyang mga korporasyon. Doble umano ang isiningit na lahok sa panukalang badyet ng senado hinggil sa proyekto;  at labis ang presyong ipinatong hinggil dito. Nagkaroon ng pagdinig sa senado ngunit hindi dumalo si Villar, at ikinatwirang pampolitikang sirkus lamang iyon, dahil ang mga imbestigador ay pawang tumatakbong kandidato sa pambansang halalan. Sa kabilang dako, isa umanong pambabastos iyon ng senador sa kagalang-galang na institusyon, dahil nakasalalay doon ang dangal ng buong senado lalo’t mabigat na usapin ang pangungurakot sa kabang-yaman ng bansa.

Ang pinagtatalunan ngayon ay kung dapat kilalanin ang ulat ng Komite ng Etika sa senado. Binigyan ng sapat na panahon ng komite ang panig ni Villar para maghain ng kontra-ebidensiya, saksi, at iba pang kaugnay na detalye ngunit walang nangyari. Ni hindi sinipot ni Villar ang komite, na isang taktika upang maipamalas niya na wala siyang kasalanan at walang awtoridad ang komite na litisin ang gayong kaso. Lumitaw pa ang isyu na sinuhulan umano ni Villar si Sen. Juan Ponce Enrile, ngunit kahit ang ganitong paratang ay nangangailangan ng matibay na ebidensiya, na ang tanging susuhay lamang ay ang integridad ng pangulo ng senado at pinuno ng Komite ng Etika. Sa tono ni Enrile, libong kaso na aniya ang naipanalo niya sa korte, at alam na niya, kahit sa galaw ng katawan, kung ano ang ipinahihiwatig ng kaniyang kausap.

Na sinusuhulan siya para manahimik.

Sa kabilang dako’y may punto rin si Villar. Ang pagkilala sa awtoridad ng Komite upang litisin siya sa paratang na isinampa ni Sen. Jamby Madrigal ay isang anyo ng pagkilala sa kadalisayan ng layon ng mga kasapi ng lupon. Na kaduda-duda. Kalahati ng senado ay kandidato sa halalan, at tumatakbong senador kung hindi man pangulo o ikalawang pangulo, at hindi mapapalis ang agam-agam ng mabahong paglilitis para sumikat sa madla ang isang kandidato. Ang paglilitis ay napataon pa sa panahon ng kampanya, at ang anumang pagdinig ay maaasahang mababahiran ng pamomolitika. Ang pagbabatuhan ng putik at makukulay na taguri noong nakalipas na araw ay senyales na hindi kayang panatilihin ng senado sa linya ng matwid na lohika ang usapan.

Hindi magtutugma ang mga argumento ng magkatunggaling panig dahil ang panig ni Enrile ay para sa pagpapanatili ng dangal ng institusyong kinabibilangan ng mga mambabatas, at ang ulat ng komite ay pormalidad ng awtoridad ng nasabing institusyon. Ngunit sa panig ni Villar, kahit ang simpleng Komite ng Etika ay maaaring kasangkapanin sa pampolitikang hakbang upang pabagsakin ang kalaban. Batid ito ni Villar, dahil siya ang pinuno noon ng Mababang Kapulungan at pinangunahan ang pagpapatalsik sa poder kay Pang. Joseph Ejercito Estrada. Ang pagkakaiba lamang, masyadong iginalang ni Estrada ang esensiya ng batas; samantalang kay Villar, ang batas ay malalabag ng mambabatas kung nais niyang manatili pa sa kapangyarihan.

Kaya usaping pampolitika rin kahit ang pagpuna ng Komite ni Enrile kay Villar. Ang nasabing komite ay umatang ng tungkulin ng isang hukuman, na ang mga ebidensiya at saksing iniharap ni Madrigal ay tinanggap ng lupon nang walang kasalungat na tugon mula kay Villar. Ibig sabihin, isahang panig lamang ang narinig. Hindi narinig si Villar na ipagtanggol ang kaniyang sarili, dahil minabuti niyang kilalanin ang kapangyarihan ng midya na ipamansag ang katotohanan at “hulihin ang puso at isip ng publiko.” Higit na nakabuti sana kung hinamon ni Villar ang kaniyang mga katunggali na magsampa ng kaso sa tumpak na hukuman, imbes na gawing hukuman ang senado.

Mawawalang-saysay ang ulat ng Komite ni Enrile, maliban na lamang kung may kapangyarihan ang naturang lupon na magpataw ng mabigat na parusa na ikayayanig ni Villar. Subalit kung magaganap ito, lalong magiging martir sa mata ng madla ni Villar, ang dating dukhang umangat sa negosyo at naging politiko, na ngayong nagtatangkang maging pangulo ng Filipinas ay nakaamba naman ang tabak ng kamatayan. Isa lamang ang matututuhan sa kaso ni Villar: dalhin sa tumpak na korte ang kaso. Kung kinakailangang sagutin ni Villar ang kaniyang kaso, ang kasong iyon ay dapat nililitis ng mga tao na may pambihirang integridad at talino, at walang lihim na adyendang gaya ng kulay ng partido. Kinakailangan din ang tiyaga sa paglilitis, at pasensiyang hihigit sa karaniwang gawi ng tao.

Paliko-liko man ang C-5, wika nga, ay sa korte pa rin ang tuloy. At ito ang sasagutin ng butihing Sen. Manny Villar, magwagi man o mabigo siya sa pambansang halalan sa darating na Mayo.

Ang Manggagawa bilang Bayani sa katha ni Juan L. Arsciwals

Pagtataksil sa simulain ng kilusang manggagawa ang umaalingawngaw sa mala-nobelang kathang Isa pang Bayani. . . (1915) ni Juan L. Arsciwals. Ngunit huwag akalaing hanggang doon lamang ang saklaw ng katha. Nakapahiyas nang pailalim sa obra ni Arsciwals ang sosyalistang pananaw sa pinakapayak nitong anyo, at humuhula ng napipintong himagsikang pumapabor sa uring manggagawa.

Ibinaba ng mga namumuhunan ang upa sa paggawa ng vitola, kaya umangal ang mga manggagawa sa pabrika ng tabako. (Tumutukoy ang “vitola” sa uri ng anyo ng tabako o sigaro, na maihahalimbawa ang robusto at corona.) Nagpulong ang unyon hinggil sa marapat nilang maging tugon, at napagkaisahang makipagnegosasyon sa pangasiwaan. Nagmatigas ang mga namumuhunan, kaya nagkaisa pagkaraan ang mga manggagawa na magwelga sa pamumuno nina Gervacio, Mauro, at Pablo.

Nangamba ang mga namumuhunan sa magiging epekto ng pag-aaklas, at kinausap nito nang palihim si Pablo para bumaligtad kapalit ng pabuyang salapi. Pumayag naman si Pablo dahil sa hirap ng buhay, at naging tulay upang hikayatin din si Gervacio at ilang kasamang manggagawa. Nabiyak ang hanay ng unyon nang magkaisa sina Pablo at Gervacio, kasama ang ilang eskirol, na pumanig sa mga namumuhunan. Ngunit nabigo ang dalawa na himukin si si Mauro. Nanindigan si Mauro at pinanatili ang dangal.

Isang araw, nasalubong ni Mauro ang mga manggagawang bumaligtad, na ang iba’y nasiraan ng loob sa ipinaglalaban. Ipinaliwanag ni Mauro ang posisyon at ibinunyag ang pagbaliktad ng mga kasama sa simulain, subalit sumalungat sina Gervacio at Pablo. Nagkaasaran, at tinangkang saksakin ni Gervacio si Mauro. Tinamaan sa bisig si Mauro ngunit naibalik ang saksak sa katunggali. Si Pablo naman ay sinaksak din ng isang di-kilalang tao.

Nagkaroon ng labo-labo, at dumating ang mga pulis at dinampot si Mauro. Isinakdal at pagkaraan ay nahatulan ng hukuman si Mauro na makulong nang siyam na buwan at isang araw. Nagpatuloy ang bulok na sistema sa pagawaan ng tabako, at lalong ibinaba ng mga namumuhunan ang upa sa paggawa ng vitola. Ipinagbawal ang pagbubuo ng unyon sa pabrika, at waring pahiwatig iyon sa katumpakan ng ipinaglalaban ni Mauro.

Ipinamalas sa kathang ito ang lunggating sosyalismo para sa mga Filipinong manggagawa. Sa pananaw na ito, ang mga kumakayod sa trabaho ay dapat pantay-pantay na magkamit ng karampatang salapi at benepisyo alinsunod sa bunga ng kanilang kolektibong pagpapagal. Mahihiwatigan ito sa pukol ng pananalita ni Mauro, nang kausapin niya ang mga manggagawa:

Karapatan natin sa haráp ng sino man, na ang pagpapagod at pawis na pinupuhunan natin ay tumbasán ng sapát na kaupahán; at ang karapatang itó, kailan ma’t ibig na bawasan, ay matwid naman natin ang tumutol hanggang maaari at ipagtanggol hangga’t maaabót ng kaya . . . sukdang ikamatay.

Ang ganitong tindig ni Mauro ay taliwas sa posisyon ng mga namumuhunan, na walang iniisip kundi magkamal ng tubo. Imbes na pakinggan ang mga manggagawa ay uuyamin at pagtatawanan pa, at sa di-iilang pagkakataon ay lolokohin at susuhulan upang mapanatili ang kapangyarihan, yaman, at kalakaran sa lipunan.

Ipinahihiwatig din sa katha kung paano natitiwalag ang manggagawa sa kaniyang ginagawa—na nagbubunga ng higit na kahirapan, kamangmangan, at kawalang-katarungan. Ang pagkatiwalag ng manggagawa sa dalisay na kalooban ay may kaugnayan sa proseso ng kaniyang trabaho sa tabakeriya. Nagiging bagay ang trabaho na lumalayo sa tao, at ang bagay na ito ang siyang kinakasangkapan ng mga namumuhunan upang manatiling busabos ang mga anakpawis.

Sa pananaw ng mga negosyante, ang mahalaga ay kumita ng salapi kahit ang kapalit ay pagkabusabos ng mga manggagawa. Gagawin nila ang lahat, gaya ng panunuhol, upang makapangalap ng mga eskirol at pabaligtarin ang posisyon ng mga pinuno ng unyon. At sa oras na magwagi sila ay ibabalik ang dating sistema, sisipain ang mga sungayang kawani, ibababâ ang sahod ng mga obrero, at bubuo ng mga patakarang kontra-manggagawa, gaya ng pagbabawal sa pagtatayo ng unyon.

Kung sisipatin naman sa Marxistang pananaw, natitiwalag ang mga tabakero sa kani-kaniyang sarili dahil ang trabaho nila sa pabrika ay nagkakait sa kanila ng pamumuhay na makatao, samantalang bumabansot sa kanilang isip, loob, at pangarap na tamuhin ang maalwang búkas. Mawawakasan lamang ang ganitong pagkatiwalag kung magkakaisa ang mga obrero na labanan ang mga namumuhunan sa pamamagitan ng kolektibong protesta at pag-aaklas. Kailangang mabawi nila ang kapangyarihan, at magaganap lamang ito sa takdang panahong ganap na maláy na ang mga manggagawa.

Ang paggawa ang tanging may halaga, kung paniniwalaan si Marx. Hindi umano kumakatawan ang puhunan sa pinagsanib na puwersa ng lakas-paggawa. Umiiral lamang ang puhunan dahil sa mabalasik na pangangamkam, gaya ng matutunghayan sa karanasan ng mga tabakerong kabilang sa unyon. Ang pagtutol ng mga namumuhunan na bigyan ng sapat na sahod at karapatan ang mga manggagawa ang magtutulak at magbibigay-katwiran sa mga manggagawang gaya ni Mauro na maghasik ng paghihimagsik, na ang isang manipestasyon ay marubdob na welga o pag-aaklas. Ang ganitong pangyayari ay “hindi mapipigilang lumitaw sa angkop na panahon ng kasaysayan.”

Ngunit mabibigo si Mauro.

Mabibigo si Mauro at ang unyong manggagawa dahil hindi pa hinog ang panahon, ayon na rin sa pagwawakas ng salaysay na isinakataga ni Serafina, ang esposa ni Mauro. Hindi pa ganap na nahuhubog ang kamalayan ng mga manggagawa tungo sa progresibong pagkilos, at maaaring mangailangan “ng maraming kristo” para sa kapakanan ng uring manggagawa. Ano ang ibig sabihin nito? Ang pagiging manunubos ay hindi dapat iatas lamang sa balikat ng isang tao, bagkus sa lahat ng mamamayan. Ang kabayanihan ay dapat taglayin ng kolektibong puwersa ng mga manggagawa upang makamit nito ang pinapangarap na pangmalawakang himagsikan, na magbubunga ng bagong lipunan at makapagpapanumbalik sa nawalang pagkatao ng gaya ni Mauro.

Sanggunian:

Arsciwals, Juan L. Isa pang Bayani… Tondo, Maynila: Imprenta y Libreria ni P. Sayo Vda. de Soriano, 1915.

Hunyango sa Bato

Buwaya, kuha ni Beth Añonuevo

Buwaya, kuha ni Beth Añonuevo

Paglalakbay, pakikikipagsapalaran, at paghuhunos ng inhinyerong nangangarap maging manunulat ang pinapaksa ng Hunyango sa Bato (2004) ni Abdon M. Balde Jr. Maluwag ang sipat ng pangunahing tauhan, at sa kaniyang pananaw ay mauungkat ang mga kontrobersiyal, at malimit maanomalya, na pagawaing-bayan at multi-milyong proyektong pang-inhinyeriya. Kabilang sa binanggit ang pamosong pagguho ng Ruby Tower sa Binondo, ang pagkatibag ng imbakang minahan sa Mindoro, ang kahindik-hindik na pagtatayo ng Film Center, ang pagpapasemento ng mga daan mulang Pampanga at Cotabato hanggang paliparan sa Nepal at Indonesia at iba pang negosasyon sa pagawaing-bayan sa Asya.

Hunyango sa Bato (2004), ni Abdon M. Balde Jr

Hunyango sa Bato (2004), ni Abdon M. Balde Jr

Nagbabago ng kulay ang pangunahing tauhang di-pinangalanan, at ang paghuhunos na ito ay alinsunod sa pakahulugan niya ng paglikha ng balatkayo upang matanaw ang daigdig sa lilim ng karimlan. Matututuhan niya ito bilang tagamasid sa isang matandang malimit sumaksi sa mga kaso sa hukuman doon sa Bikol, at tataglayin hanggang sa pagkuha ng kursong inhinyeriya imbes na panitikan, alinsunod sa dikta ng ama. Gagagarin ng kabataan ang matanda sa mga pagkukuwento nito, at ito ang simula ng pagtatanim ng hilig sa pagsasalaysay na hitik sa siste at detalye, habang ikinukubli ang mga pailalim na puna sa kapuwa at lipunan.

Masisilab ang tauhan nang magsimulang maging inhinyero at kumuha ng proyekto mulang pagtitibag ng bato sa Rizal hanggang pagpapatag ng daan sa Zambales. Ang mga tauhang masasalubong niya ang uugit nang malalim sa kaniyang pagkatao hanggang pumalaot sa pandaigdigang larang.

Habang lumalaon, ang pangunahing tauhan ay kakainin ng sarili niyang anino bilang inhinyero. Malalasap niya ang lahat ng pighati at sarap, at sa pamamagitan ng paggamit ng isa pang tauhang babaeng kausap, ay ilalantad ang kabulukan ng paligid. Ang kabulukang ito ang magsisimulang gumapang sa katauhan ng inhinyero, upang sa bandang huli’y ibunyag sa mga peryodista ang mga lutaang ginagawa sa mga proyektong pagawaing-bayan ng pamahalaan at siyang tinutustusan ng salapi mula sa mga dambuhalang dayuhang institusyon. Ito marahil ang paglilinis ng tauhan, upang hindi kainin nang ganap ng bulok na sistema. Ngunit bitin ang salaysay, at maaaring nakahanda ang nobela para sa kasunod na pakikipagsapalaran.

Ang inhinyerong naging manunulat bilang tagapagsalaysay ay kahanga-hangang bahagi ng nobela. Nagsasalimbay ang mga salaysay na mapagkakamalang kumpisal na nagkukunwang sanaysay, at ang mga nakapahilis na talata ang magbubukod sa isa pang salaysay sa panig ng lalaking tagapagsalaysay na kausap ang mahihinuhang kasintahan o asawa niya. Habang lumalaon, paliit nang paliit ang nagiging puwang ng usapan ng magkabiyak, ngunit ang babae ang magpapagunita sa lalaki sa lunggati nitong maging mahusay na kuwentista.

Ang totoo’y hindi naman isinaad sa nobela kung paano maging mahusay na manunulat. Walang mababanggit sa nobela kung paano nagpakadalubhasa sa sining ang inhinyerong mapangarapin. Ang higit na mahalaga ay ang pagpapamalay na ang kadalubhasaang dapat taglayin ng sinumang manunulat ay nasa masinop na pagmamasid sa kaligiran. Ang anumang nasagap sa daigdig ang magiging mahalagang sangkap ng kuwento at magkakatalo na lamang kung paano isasalaysay ang gayong kalalim na pagmamasid. Ibig sabihin, mananagot ang mangangatha hindi sa katumpakan ng kaniyang datos, kundi kung gaano kahusay niyang napangatawanan ang kaniyang kasiningan sa pagkatha.

Maraming ibinubunyag ang nobelang Hunyango sa Bato, na kahit ngayon ay mainit na tinatalakay sa senado. Posibleng malikhaing tsismis lamang ang alingasngas sa mga pagawaing-bayan, ngunit anuman ito ay matagumpay na nailahok ng awtor sa kaniyang akda.

Ang pangunahing tauhang inhinyero ay masasabing matagumpay na nakapanaig sa kaniyang kaligiran dahil marunong siyang sumabay sa agos, wika nga. Ang pagsabay na ito ay pagkilala sa dambuhalang estruktura o sistema na pinaaandar ng mga tao na kabilang sa mayhawak ng salapi o kapangyarihang siyang kumokontrol sa lipunan. Naging bahagi siya bilang empleado sa gayong sistema, na bumabayad ng salapi upang magamit ang talino at lakas ng mga manggagawa. Maaaring pagkaraan ng ilang taon ay magiging bahagi ng burukrasya ang naturang inhinyero, ngunit hindi niya malalabanan ang sistema alinsunod sa patakaran nito bagkus alinsunod lamang sa abot ng kaniyang kakayahan, katusuhan, at kalakasan. Nakatakdang kainin ng bulok na sistema ang inhinyero, at maaaring ang solusyon upang makaligtas siya sa pagkatiwalag sa lipunan at sarili ay sa paraang lisanin ang kaniyang nakasanayang burges na pamumuhay bilang inhinyero at maghunos sa ganap na mangangatha.

Nakapanghihinayang lamang at maraming nakalusot na tipograpikong mali sa teksto ni Balde. Halatang minadali ang produksiyon ng aklat, at nawa’y maituwid ang mga ito sa susunod na edisyon upang makita nang lubos ang Hunyango sa Bato.

Breaking News: Ricardo Nolasco, sinibak sa Komisyon sa Wikang Filipino

Nakahinga nang maluwag ang mga empleado ng Komisyon sa Wikang Filipino nang suspindihin ng Commission on Audit si Ricardo Ma. Duran Nolasco bilang pansamantalang punong komisyoner ng KWF noong 27 Oktubre 2008. Si Nolasco ang kontrobersiyal na puno ng KWF na nagsusulong ng patakarang multilingguwal ng pamahalaan, kahit labag sa Konstitusyon, at tandisang minamaliit ang Filipino bilang wikang pambansa.

Paso na ang secondment ni Nolasco simula noong 1 Abril 2008, ayon sa ulat ng COA, ngunit patuloy pa rin itong nanunungkulan nang ilegal sa KWF. Sa gayong kahabang panahon, ang lahat ng kaniyang pinirmahang tseke, kasunduan, at iba pang papeles ay walang bisa, at nahaharap ngayon si Nolasco sa kasong misrepresentasyon at korupsiyon bilang opisyal ng pamahalaan.

Ang secondment ay pahintulot na hinihingi ng isang ahensiya sa iba pang ahensiya o sangay ng pamahalaan upang hiramin ang empleado nito sa isang takdang panahon. Si Nolasco ay propesor sa lingguwistika sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, at ipinahiram lamang sa KWF. Hanggang sa sinusulat ito, wala pa umanong aksiyon ang mga full-time komisyoner ng KWF na bigyan ng secondment si Nolasco.

Sa liham ni Nolasco sa AOM Bilang 2008-013, lumiban siya nang walang bayad sa UP Diliman sa kaniyang secondment sa KWF. Ngunit wala umanong maipakitang papeles si Nolasco ukol sa naturang pagliban. Nang pumaso ang kaniyang secondment, patuloy pa rin siyang nanungkulan nang lingid sa kaalaman ng mga empleado ng KWF. Nang magtanong ang Alimbukad sa mga taga-UP Diliman, napag-alamang si Nolasco ay nagturo pa nang overload sa UP at ito ay malinaw na paglabag sa itinatakda ng batas dahil kabilang ito sa tinataguriang dobleng pasuweldo ng pamahalaan.

Ayon sa CSC Memorandum Circular No. 15, s. 1999, at siyang sinipi ng COA, “Ang ipinahiram (seconded) na empleado ay liliban nang walang bayad mula sa kaniyang pinagmulang ahensiya sa loob ng panahon ng kaniyang pagpapahiram. . . .” Sinipi rin ng COA ang CSC MC No. 15, se. 1999 na nagsasaad na “Ang ipinahiram na empleado ay hindi dapat hayaang pumasok sa tatanggap na ahensiya nang mas maaga sa petsa ng paglagda ng Memorandum ng Kasunduan.” Idinagdag ng naturang kautusan na anumang paglabag sa mga probisyon ng Memorandum ng Kasunduan ay “magiging dahilan upang ihinto ito nang walang prehuwisyo sa pagsasampa ng kasong pandisiplina sa sinumang tao na responsable sa gayong paglabag.”

Lahat ng suweldo at alawans na natanggap ni Nolasco bilang pansamantalang punong komisyoner ng KWF ay suspendido mulang 1 Abril 2008 hanggang kasalukuyan hangga’t hindi siya nakapagsusumite ng bagong papeles ukol sa secondment sa Tanggapan ng Auditor. Ibig sabihin, kailangang ibalik ni Nolasco ang lahat ng kaniyang kinita mula sa KWF sa loob ng siniping panahon.

Hindi lamang ito ang sakit ng ulo ni Nolasco. Ayon sa mga impormante ng Alimbukad na nasa loob ng KWF, si Nolasco ay maraming papeles na hindi pa niya nali-liquidate, at may kaugnayan umano ito sa kaniyang mga proyekto at paglalakbay na hindi pa nakukumpirma kung naganap nga o hindi.

Ipinagbabawal nang pumasok sa KWF si Nolasco, at napabalitang nagsasaayos siya ng kaniyang papeles sa UP Diliman. Ibig umanong ipamigay na lamang ng Kagawaran ng Lingguwistika si Nolasco sa alinmang ahensiyang ibig siyang tanggapin, huwag lamang makabalik pa sa naturang kagawaran.

Ang ulat ng COA ay nilagdaan ni Columba L. Arnoco, ang puno ng pangkat audit; at ni Samuel C. Sison, State Auditor V mula sa Opisina ng Pangulo, Pangkat Audit.

Si Joe Lad Santos, na dating peryodista, pabliser, at manunulat sa komiks at pelikula, ang itinalaga ng Malacañang na maging Officer in Charge ng KWF.