“Tagpô ng Págnanása,” ni James McAuley

Salin ng “Landscape of Lust,” ni James McAuley  ng Commonwealth of Australia.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika Filipinas.

Tagpô ng Págnanása

May sariling bayan itong pagnanasa
Na hinihimlayan nitong magsing-irog
Ang lungtiang súsong-buról na úmásang
Mahipò ng bughaw at sukdulang ulop
At ang pinilipit na sangang katawan
Ay gaya ng ngiting lakas na tinaglay.

Naghunos halakhak ang tahás na gúlat
Sanhi’y alkimiya ng likás na batis,
Habang kumukulog sa gitna ng dagat;
Batotoy sa bato na kapit na kapit
Ang mga katawan nating magkasumping
Hindi nangangamba’t walang pinapansin.

Ang labis na lugod ay biglang lulusong,
Pagdaka’y aáhong kaylamyos ng ngitî
Upang muling hagkan ang labÌ at utóng.
Kay Vega’y sumimoy ang munting balanì
Dahil nakatabi ang bagting ni Lira
Saká inaawit ang bawal na kanta.

Sa silid ng nayon, na dukhâ ang anyo,
Itinirik wari ang bulawang tukod
Tulad ni Apollo sa tabi ng pintô
Tayo ang gagawa ng bahay at bakod
May kalyuhing palad na sanáy sa búhay
Bubungkalin natin ang pintíg ng lináng.

Advertisements

Katawan, Tandaan . . . , ni C.P. Cavafy

Tula sa wikang Griyego ni C.P. Cavafy (K.P. Kavafis)
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Katawan, Tandaan . . .

Katawan, tandaan hindi lamang kung gaano ka minahal,
hindi lamang ang mga kama na iyong hinigaan,
bagkus maging ang mga pagnanasa
na kuminang nang lantay sa iyong paningin,
at nangatal sa tinig—at ang ilang pagkakataong
humadlang upang biguin ang gayong kaganapan.
Ngayong ang lahat ng ito ay pawang lumipas na,
waring ipinaubaya mo rin ang sarili
sa gayong mga pananasa—kung paanong kumislap yaon,
kung natatandaan mo, sa mga matang tumitig sa iyo,
at kumatal sa tinig, para sa iyo, tandaan mo, katawan!

Babaeng hubad, guhit ni Guy Rose, oleo, 71.12 x 38.1 cm. Dominyo ng publiko.

Babaeng hubad, guhit ni Guy Rose, oleo, 71.12 x 38.1 cm. Dominyo ng publiko.

Aralin sa Dyip

Sumibad ang dyip sa daan. Sumibad ang sarikulay na dyip na sakay ang sampung pasahero sa walang hanggahang daan. Ang daan ay kalyehon at haywey sa loob ng parisukat sa loob ng bilog, at ang bilog ay isang tuldok sa puso. Ang sampung pasahero ay sampung identidad na iisa ang katawan, ngunit kung ito ang itinitibok ng puso ay walang makaaalam. Iisang katawan at sandaang kalooban. Kung paano mo nauwaan ang mga pasahero ay pag-unawa sa dyip na umaandar o nakahinto.  Samantala’y parang bandila ang mga kulay, iba ang nakapahid sa balát at iba ang balát sa ilalim ng bálat. Itatanong mo kung dyip nga ba iyan o banderitas sa pista at halalan. Sumibad at huminto ang dyip. Naglaho ang mga kalye, at walang kanto ng kanan o kaliwa. Saan daan ka sumibad? Kung ako ang tsuper mo’y isasakay kita tungo sa kalawakan ng itim. Ngunit hindi ako tsuper, bagkus malaya mong isiping batas na itatakda ni Newton o Galileo.

[“Aralin sa Dyip,” tulang tuluyan © ni Roberto T. Añonuevo, 26 Nobyembre 2012]

Anne Hathaway

salin ng tula sa Ingles ni Carol Ann Duffy.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang kama na ibig natin ay umiikot na mundo
ng mga gubat, kastilyo, sulô, burol, dagat
na pagsisisiran ng mga perlas. Mga bulalakaw
ang salita ng aking irog pabulusok sa daigdig
gaya ng mga halik sa labing ito; banayad
na ritmo ang katawan ko sa katawan niya,
alingawngaw ngayon, saka asonansiya;
ang hipo niya’y pandiwang sumasayaw sa gitna
ng pangngalan. May mga gabing napanaginip
ko na sinulatan niya ako’t ang higaan ay pahina
sa ilalim ng kamay ng manunulat. Umiindak
ang romansa at drama sa haplos, samyo, lasa.
Sa ibang kama, na pinakamalambot, nakatulog
ang aming mga panauhin, na nagpapatalbog
ng kanilang prosa. Ang buháy, galák na mahal ko
ay hinawakan ko sa ulunang ataul ng aking biyuda
habang hinawakan naman ng irog ang palad ko
doon sa pangalawa sa pinakamalambot na kama.

Langit at Lihim ni Carlos Drummond de Andrade

salin ng dalawang tula ni Carlos Drummond de Andrade.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Pighati sa Langit

May oras ng pighati sa langit.
Matinding oras na sakop ng duda ang mga kaluluwa.
Bakit ko nilikha ang mundo? naisip ng Diyos,
At ang mga sagot: Hindi ko alam.
Sumalungat sa kaniya ang mga anghel.
Nangalagas ang kanilang balahibo.

Lahat ng ipotesis: grasya, eternidad, pag-ibig
ay bumabagsak. Pawang balahibo lamang iyan.

Isa pang balahibo at mawawasak ang langit.
Napakatahimik, ni walang kaluskos na nagsasabi
ng sandali sa pagitan ng lahat at wala.
Ibig sabihin, ang kalungkutan ng Bathala.

Lihim

Mabibigo kang ihayag ang panulaan.
Manatiling walang tinag sa iyong sulok.
Huwag umibig.

Nauulinig ko na may barilan
Na abot ng ating mga katawan.
Himagsikan ba iyon o pagmamahal?
Huwag umimik.

Lahat ay posible, ako lamang ang imposible.
Umaapaw sa mga isda ang dagat
Na parang naglalakad lamang sa lansangan.
Huwag magwika.

Ipagpalagay na ang anghel ng lagablab
ay sumaklaw sa mukha ng daigdig
at ang mga isinakripisyong tao
ay humiling ng kapatawaran.
Huwag magmakaawa.

Lilith, pintura ni John Collier.

Lilith, pintura ni John Collier. Dominyo ng publiko.

Mga Apotegma at Payo, ni Colette Inez

salin ng “Apothegms and Counsels” ni Colette Inez
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

MGA APOTEGMA AT PAYO

Kapag may nagwikang napakapandak o napakaliit mo,
sabihing di nunusok sa karton ang diyamanteng aspile.

Kapag may nagwikang napakalapad ng lawas mo,
sabihing ikaw ay Amazon na ganap na nakalarga.

Kapag may nagwikang malalaki ang suso mo,
sabihing binili mo iyon sa Kathmandu
at nang isukat ay madilim ang mga silid.

Sabihing ang gisantes ay hinahangad sa Prague
kapag may nagwikang maliliit ang utong mo.

Ano ang timbang mo sa araw o kaya’y sa buwan?

Tone-tonelada kung sa araw.
Libra-libra kung sa buwan.
Ginagawa kang magaan ng pagmamahal.

Kapag may nagsabing napakalayo mo,
ikatwiran ang Epektong Doppler,
na isinusulat mo ang kasaysayan ng liwanag
para sa mga anak ni Pythagoras.

Lagalag at Katawan, ni Alissa Leigh

salin ng mga tula Alissa Leigh.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

LAGALAGIYA

Sa simula, lumitaw ang salitang, kumilos;
saka ang plano at ang mga dahilan,
na hindi ko lubos na matandaan.
Tanging natatandaan ko ang mga damit
na ibinigay sa amin para sa paglalakbay,
at ang pangwakas, ang pagkain
nang tahimik na aming pinagsaluhan.
Nilisan namin nang magaan ang pook,
gaya ng aming pagdating, maraming
taon na ang nakalilipas.

Sa tanglaw ng lagay ng kamuslakang
pinagsampayan ng mapuputing sapin
upang matuyong tila ulap sa paraiso;
mula sa ewkaliptong-simoy ng lupain,
isang pulang bahay na may bakurang
humahapay sa nananaginip na mga burol,
dinambong ng mga rakun, ikinahon ng liryo,
gaya ng mga trumpeta ng mga arkanghel,

lumisan kami: paloob sa kasaysayan, ilog
na bumabagal dahil maraming pasikot-sikot,
isang nayon ng mga paboreal na sandaan
ang mata; munting kubol sa mga bukirin,
na may kalang bakal, dambana sa taglamig;
isang dapugang pinaitim ng panahon,
maseselang buto ng mga langay-langayang
nanigas sa anyo na animo’y lumilipad.

Nang patugtugin ni ama ang trombon niya
sa atiko, humagikgik ang mga paslit
sa kalye. Pagsapit ng dapithapon, nagtipon
ang mga baka sa tarangkahan, aanga-anga
at hinihintay ang anak ng magsasaka.
Sa bahay, pinapantig ng mga bata
ang mga pandiwa, tinutuklas ang mga salik,
gumuguhit ng mga dayagram ng puso ng tao.

Pagsapit ng gabi, ang bilugang hapag-kainan
na may lamparang Olandes ay tinatawag
ang mga makata, manlalaro, magdarambong
para tumagay ng jenever. Marahang aangat
ang insenso ng mga tsismis na magpapaitim
sa mga dingding. Sa labas, ang mga kabayo
ay kakahig sa karimlan, sisingasing ng yelong
tila balahibo. Magsusumamo kami sa hiwatig
ng gagamba, daga, at hayop na naglulungga.

Lumiliit ang aming mga salita at numinipis
gaya ng mga buto, at umuungol ang aming
mga kumpas dahil sa panlalamig. Tinuruan
kami ng walang-bait na daigdig ng tubig,
kahoy, at bato kung kailan dapat sumuko.
Kapag panahon na para muling lumisan,
kami ay apat na estrangherong kumakaway
sa bawat isa, sa paraan at kilos na marahan,
sa kabila ng nakatutulig na lawak ng karagatan.

KATAWAN

Mapa ng sindak at lugod,
marubdob na sampan, maalab na kongresong
hitik sa mga argumento ng mga kemikal,

silid ng Alingawngaw para sa panatikong sigaw
ng sutil na salinlahi, lahat ng kakatwang lingid
na pinagtubuan ng balbas ng kamatayan,
laberinto ng mithi, palaruan ng silakbo,

pabrikang pinapasukan ng tahimik na hukbo
ng pagkaagnas, pilosopo-payasong nagtotorotot
sa bawat epipanya.

Pinaliguan ng mabagsik na nars ng umaga,
inihatid sa ward ng dapithapon,
pinakain, nagpasalamat, sa malinamnam
na sabaw ng takipsilim.

Binasa ang paiba-ibang baraha ng panaginip,
binuksan ang salansanan ng insomnia,
ninakaw ang dalawang-katiting na pag-idlip.

Naiwala ang ngalan sa mga banyagang yakap,
lumikha ng pasaporte sa bansa ng kayumian,
nagmuwestra gaya ng bata sa anumang nais nito,
halumigmig sa salaming binughan ng hininga.