Filipinas ng Makabagong Panahon

Mainit magpahanggang ngayon ang panukalang paggamit ng “Filipinas” bilang opisyal at pangkalahatang tawag sa bansa, at may panukalang patayin ang “Pilipinas” at “Philippines”. Maraming umiismid, kung hindi man umaangal, na higit umanong dapat pagkaabalahan ang iba pang problemang panlipunan, gaya ng pagtugon sa kahirapan at gutom. Isang katawa-tawa pa, sabi nila, na baguhin ang nakagisnan ng mga Filipino.

Ang pagpili ng pangalan ay sumasalamin sa pangkalahatang kamalayan ng mga mamamayan; at kahit sabihing simple ang pagpapalit ng titik \P\ tungong \F\ ay maaaring umabot iyon sa pagsasaharaya ng kabansaan ng makabagong panahon, gaya ng panukala ni Tagapangulong Komisyoner Virgilio S. Almario at ng mga kasama niyang komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino. Isang rebeldeng panukala ang pagpapanumbalik sa Filipinas, at ang implikasyon nito ay higit na madarama ng mga kasalukuyang manunulat, editor, at kahit ng madlang mambabasa.

Inihayag kamakailan ng pitong propesor ng Unibersidad ng Pilipinas — na kinabibilangan nina Dr. Rosario Torres-Yu, Dr. Teresita G. Maceda, Dr. Maria Bernadette L. Abrera, Dr. Adrian P. Lee, Dr. Ramon G. Guillermo, Dr. Pamela C. Constantino, at Dr. Jovy M. Peregrino —  na “malinaw na paglabag sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas ang paggamit sa mungkahing ‘Filipinas’ kapag ito’y ipinatupad.” Idinagdag pa nila na “matagal nang kinikilalang Pilipinas ang opisyal na pangalan ng bansa,” at nasa legal na dokumento gaya ng pasaporte, selyo, at pera.

Hindi ito totoo; at walang paglabag sa kasalukuyang konstitusyon kung gamitin man ang Filipinas, gaya ng paggamit ng pangalang “Embajada de la Republica de Filipinas” sa Argentina, Chile, Espanya, Mexico, Olanda, Peru, at iba pa. Higit na naunang gamitin ang salitang “Filipinas” kaysa “Pilipinas,” at ang orihinal na paggamit dito’y mauugat pa sa Konstitusyong Malolos noong 1899. Saad nga sa Título XIV — De la Observancia y Juramento Constitucional y de los Idiomas, Artículo 93:

El empleo de las lenguas usadas en Filipinas es potestativo. No puede regularse sino por la ley y solamente para los actos de la autoridad pública y los asuntos judiciales. Para estos actos se usará por ahora la lengua castellana.

Ang paggamit umano ng mga wikang sinasalita ay hindi magiging sapilitan sa Filipinas. Hindi ito maisasabatas maliban sa bisa ng batas, at sa mga gawain ng publikong awtoridad at panghukuman. Sa gayong pagkakataon, ang wikang Espanyol ay pansamantalang gagamitin. Kaya paanong makapapasok ang Pilipinas sa dominyo ng kapangyarihan nang panahong iyon?

Kung babalikan ang higit na nauna ngunit probisyonal na Konstitusyong Biak na Bato ng 1897, malinaw na nakasaad sa Artikulo VIII, na “Ang Tagalog ang magiging opisyal na wika ng Republika” [El tagalog será la lengua oficial de la República]. Ngunit binanggit sa pamagat ng Konstitusyon ang Filipinas: Constitución Provisional de la Republica de Filipinas, at ginamit kahit sa salin sa Tagalog sa kauna-unahang pagkakataon ang Republika de Filipinas.

Ginamit ang salitang Filipinas mula sa tula ni Jose Palma, at siyang pinagbatayan ng pambansang awit, hanggang sa mga batas at regulasyon. Mula noon, ang Filipinas ay hindi na lamang isang pangalan bagkus tatak ng kalakal, pabrika, kapisanan, kasarian, kahusayan, kalayaan, at kabansaan. Sabihin mang ang Filipinas ang pangmaramihang anyo ng Filipina, alinsunod sa gramatika ng Espanyol, at ang Filipina ay naghunos na pang-uri ng republika, ang Filipinas ay walang pasubaling ang pangngalan at pangalan na ginamit, tinanggap, at pinalaganap makaraang magtagumpay ang himagsikan ng mga mamamayan laban sa Espanya. Tumanyag lamang ang Pilipinas makaraang isaad sa Artikulo IX, Seksiyon 2 ng Konstitusyong 1943 sa ilalim ni Pang. Jose P. Laurel ang sumusunod:

The government shall take steps toward the development and propagation of Tagalog as the national language.

Bagaman walang binanggit na opisyal na wika ang Konstitusyong 1943, ang pagpapaunlad at pagpapalaganap ng Tagalog  bilang wikang pambansa ay kaugnay ng pagsikil sa hiram na titik \f\ ng Espanyol, at paghalili rito ng \p\, upang mapadali ang pagbigkas, pagsulat, at pag-angkin ng mga mamamayan.

Ang kauna-unahang selyo makaraang magwagi ang mga maghihimagsik ay tinawag na Correos Filipinas at may tatak pa ng Gobierno Revolucionario Filipinas noong 1899. Ang kauna-unahang pisong pilak na pinanday noong 1897 at ginamit sa buong kapuluan hanggang noong 1904, at may busto ni Alfonso XIII, ay may nakaukit na mga salitang Islas Filipinas. Ang pinakamatandang bangko sa bansa ay ang Banco de las Islas Filipinas na kilala ngayon bilang Bank of Philippine Islands (BPI). Ngunit ang kauna-unahang pasaporte sa ilalim ng Commonwealth of the Philippines ay nasa wikang Ingles, at nanaig mula noon ang taguring Philippines sanhi ng kampanya ng Estados Unidos bukod sa pagsunod sa Artikulo 1 ng Konstitusyong 1935.

Ayon sa Artikulo XIV, Seksiyon 3 ng Konstitusyong 1935,

The Congress shall take steps toward the development and adoption of a common national language based on one of the existing native languages. Until otherwise provided by law, English and Spanish shall continue as official languages.

Magiging makapangyarihan ang taguring Philippines sa tulong ng Estados Unidos, ngunit mananatili ang Filipinas bilang opisyal na katumbas sa Espanyol, kaya paanong susulpot ang Pilipinas kaagad-agad, gayong pagkaraan pa lamang ng 1940 maipalalaganap ang balarila at diksiyonaryo ng wikang pambansa? Mula sa pelikula ay isisilang ang La Mujer Filipina (1927) na itinaguyod ni Jose Nepumuceno. Pagsapit ng 1958 hanggang dekada 1960 ay mauuso ang mga pelikulang hibong Hollywood, ngunit sisilang din ang pangalan ng Pilipinas, alinsunod sa kautusan mula sa Kagawaran ng Edukasyon na gamitin ang “Pilipino” sa lahat ng paaralan. Ang nasabing kautusan, na nilagdaan ni Kalihim Jose E. Romero noong 1959, ang magtatakda ng taguri sa pambansang wika:

Pursuant to the objective that inspired the President’s proclamation, and in order to impress upon the National Language the indelible character of our nationhood, the term PILIPINO  shall henceforth be used in referring to that language.

Sa kautusan ni Kalihim Romero ay natural na sumunod ang Pilipinas sa Pilipino, alinsunod na rin sa naturang palabaybayan. Ang kautusan ni Kalihim Romero ang magiging batayan ng katumbas na salin sa sariling wika, ayon sa Artikulo XV, Seksiyon 3 (1) ng Konstitusyong 1973, na nagsasaad:

This Constitution shall be officially promulgated in English and Pilipino, and translated into each dialect spoken by over fifty thousand people, and into Spanish and Arabic. In case of conflict, the English text shall prevail.

Ang Filipino sa bisa ng Konstitusyong 1973, ayon kay Andrew Gonzalez, ay maituturing na kathang-isip na batas [legal fiction] upang maging katanggap-tanggap sa iba’t ibang delegadong kabilang sa kumbensiyong konstitusyonal. Saad nga sa Artikulo XV, Seksiyon 3 (2) at (3) ng naturang konstitusyon:

(2) The Batasang Pambansa shall take steps towards the development and formal adoption of a common national language to be known as Filipino.

(3) Until otherwise provided by law, English and Pilipino shall be the official languages.

Hindi makatotohanan kung gayon ang pahayag ng mga butihing propesor ng UP na pawang sumasalungat sa paggamit ng “Filipinas,” at ang pananaw nila ay masasabing naroon pa rin sa yugto ng Pilipino. Ang Konstitusyong 1973 ay pinawalang bisa ng Konstitusyong 1987, Artikulo XIV, Seksiyon 6, na nagsasaad na,

The national language of the Philippines is Filipino. As it evolves, it shall be further developed and enriched on the basis of existing Philippine and other languages.

Ang Filipino ng Konstitusyong 1987 ay lumampas na sa Pilipino ng Konstitusyong 1973, habang kumikilala sa pag-iral nitong Filipino bilang lingguwa prangka, at ang pagtatangkang lumikha ng makabagong ortograpiya ay masisilayan noong 1978 at 1985 sa pamamagitan ng mga konsultasyon at forum na ginawa ng LWP at pagkaraan ng KWF. Lumikha rin ng mga bukod na konsultasyon ang mga batikang manunulat, akademiko, editor, atbp na pawang pinamunuan ni Almario atbp upang mabuo ang higit na abanseng ortograpiya.

Ginagamit na ang Filipinas noon pa man, ngunit unti-unting mababago lamang ito dahil sa masugid na kampanya ng pagtataguyod ng ortograpiyang nakabase sa Tagalog, at yamang ang Tagalog ay tinumbasan ng \p\ ang lahat ng \f\ (bukod pa ang lahat ng \v\ na pinalitan ng \b\) na mula sa salitang Espanyol at siyang inangkin sa Tagalog at pagkaraan sa Pilipino, hindi kataka-takang mapasama sa kampanya ang Filipinas at Pilipinas.

Bilang halimbawa ang sumusunod: café (kape), certificado  (sertipikado), defecto (depekto), defensa (depensa), deficit (depisit), definición (depinisyon), definido (depinido), fabrica  (pabrika), falda (palda), falso (palso), fanatico   (panatiko), fantastico   (pantastiko), farol  (parol), farola  (parola), fatalidad  (patalidad), febrero (Pebrero), fecha (petsa) feria (perya), filosofia (pilosopiya), frances  (Pranses), fundar  (pundar),  grifo  (gripo), Filipinas  (Pilipinas). Kung susuyurin ang Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles (1972) ni Jose Villa Panganiban, ang Tagalog-English Dictionary ni Leo James English (1986), at Vicassan’s Pilipino-English Dictionary (1978) ni Vito C. Santos, ang lahat ng \f\ na mula sa mga salitang Espanyol na hiniram ay pinalitan ng \p\ pagsapit sa Pilipino. Ni walang lahok kahit isa sa titik \f\ sa naturang mga diksiyonaryo. Heto pa ang mabigat: Kung babalikan ang Diksyunaryo ng Wikang Filipino (1989) na inilathala ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) ay walang lahok din ni isang salita sa titik \f\, sapagkat wala pa noong \f\ sa korpus ng Filipino. Sa ganitong pangyayari, paanong makapananaig ang Filipinas? Bakit kinakailangang isaad ang isang salita sa pamagat pa mismo ng diksiyonaryo, gayong ang naturang salita ay hindi naman matatagpuang lahok sa loob ng diksiyonaryo? Isang anomalya ito na marahil ay pinuna kahit ng yumaong Senador Blas F. Ople.

Pinatay ang Filipinas (at lalong walang Filipino) sa mga diksiyonaryo at tesawro noong panahon ng Pilipino, kahit pa noong isinasalin ng LWP ang Konstitusyong 1987. Ang Filipino ng LWP at ng unang yugto ng KWF ay ibinatay nang malaki sa ABAKADANG Tagalog, ngunit ganap na magbabago sa UP Diksiyonaryong Filipino (2010) ni Virgilio S. Almario atbp pagkaraang pandayin nang ilang ulit ang makabagong ortograpiyang Filipino, alinsunod sa itinatadhana ng Konstitusyong 1987.

Kaya kahit noong deliberasyon sa Komisyong Kontitusyonal noong 1986, nabanggit ni Gregorio Tingson na nagulat siya nang minsang magpadala ng liham sa kaniyang esposa mulang Larnaka, Cyprus tungong Philippines. Wala umanong Philippines, sabi ng post master ng Larnaka, at hindi nito naisahinagap ang Filipinas. Binanggit din ni Tingson na binabaybay na “Pilipinas” ang pangalan ng bansa, ngunit isinusulat minsan na “Filipinas” kaya marami umanong turista at bisita ang nalilito. Itinanong din niya sa kapulungan kung ang Bureau of Posts ay awtorisadong baguhin ang opisyal na pangalang Philippines tungong Pilipinas.

Sumagot si Wilfrido Villacorta na ang “Pilipinas” ay opisyal ding pangalan ng bansa. Ngunit hindi naisaalang-alang ni Villacorta ang istoriko at lingguwistikong pinagbatayan ng Pilipinas, at kung bakit hindi Filipinas. Ang wikang ginamit sa Konstitusyong 1973 ay Pilipino, na labis ang kiling sa Tagalog. Nang ipromulga ang Konstitusyong 1973, malinaw na ang taguring Pilipinas ay batay sa konserbatibong Pilipino. Kaya tumpak lamang na mabahala si Tingson nang wikain niyang “wala akong alam na opisyal na batas na pinagtibay ng Kongreso na opisyal na tawagin sa ibang pangalan ang bansa maliban sa Philippines.” Mapapansin kung gayon na lumilingon si Tingson sa Konstitusyong 1935, at hindi lamang sa Konstitusyong 1973.

Sumabat pagkaraan si Jose Luis Gascon at sinabing, “The Pilipino translation of Philippines is Pilipinas.” Walang paliwanag si Gascon sa kaniyang pahayag, at mahihinuhang sumusunod lamang siya sa pahayag na “Pilipino” ni Kalihim Romero noong 1959. Sinabi lamang niyang katumbas ng Philippines ang Pilipinas, subalit nabigong ipaunawa nang malalim at makatwiran kung bakit hindi dapat gamitin ang Filipinas. Hindi rin malay si Gascon sa dating ortograpiyang ibinatay sa Tagalog at pumatay sa titik \f\.  Hirit pa ni Gascon:

On the query of Commissioner Tingson whether there was any official act of changing the name Philippines to “Pilipinas” Commissioner (Adolfo S.) Azcuna told me that the 1973 Constitution had a Filipino translation of the Republic of the Philippines which was promulgated, and that is “Republika ng Pilipinas.” So it has been officially promulgated; therefore it does not need any congressional act.

Mapapansin sa siniping transkripsiyon na ang gamit ng “Pilipino” at “Filipino” bilang mga wika ay nagbago kahit sa mga bigkas ni Gascon. Ang unang gamit niya na Pilipino ay mahihinuhang mula sa lumang ortograpiyang Tagalog at namayaning Pilipino alinsunod sa kautusan ni Kalihim Romero noon at siyang sinundan ng Konstitusyong 1973; samantalang ang ikalawang gamit na Filipino ay para sa mithing abanseng wika ng bansa, at siyang iiral sa Konstitusyong 1987. Ang “Filipino translation” na winika ni Gascon at patungkol sa “Pilipinas” ay mapasusubalian kung gayon. Ang binanggit ni Gascon na salin ay Pilipino at hindi Filipino, bukod sa walang opisyal na imprimatur mula sa Surian ng Wikang Pambansa na naging LWP at ngayon ay tinatawag na Komisyon sa Wikang Filipino.

Ang LWP noong panahong iyon ay nakakiling sa “Pilipino” samantalang pangarap pa lamang ang wikang “Filipino.” At kahit ang LWP noong panahong iyon ay walang opisyal na tindig hinggil sa Filipinas, Pilipinas, at Philippines, ngunit gumagamit ng “Pilipinas” alinsunod sa ABAKADANG Tagalog, bukod sa napakakonserbatibo kung hindi man atrasado ang diksiyonaryo nito sawikang Filipino.” At bagaman ipinromulga ang Konstitusyong 1973, ang promulgasyon ng salin ay batay sa Pilipino ni Kalihim Romero. Hindi kataka-taka kung gayon na ang salin sa “Filipino” ng Konstitusyong 1987 ay hindi Filipino sa pinakamataas nitong pamantayan, bagkus nanatiling Pilipino, lalo kung isasaalang-alang na malaki ang inilundag ng makabagong ortograpiyang Filipino, alinsunod sa itinatadhana ng batas.

Kung ipinromulga man ang “Pilipinas” bilang katumbas ng “Philippines” sa Konstitusyong 1987, ang naturang salita ay hindi “Filipino” bagkus “Pilipino” na umiral noong Konstitusyong 1973, at siyang ikinalito ni Gascon na sumunod sa opinyon ni Azcuna. Lumabas lamang ang maipapalagay na salin na ipinalimbag ng LWP limang taon pagkaraang ihayag ang Konstitusyong 1987 na dapat sanang kasabay inihayag ng bersiyong Ingles sa naganap na plebisito; at kung ito man ang sinasabing “Filipino” ay hindi nasuri ng Kongreso noong 1991, o ni kaya’y ng Komisyong Konstitusyonal noong 1986.

Walang nagkakaisang tindig ang mga komisyoner ng Komisyong Konstitusyonal ng 1986 hinggil sa Philippines, Pilipinas, at Filipinas, at kung ipagpapalagay na nauna ang bersiyong Ingles, at Ingles ang wika ng diskusyon sa Komisyong Konstitusyonal, ang Philippines ang maituturing na tangi’t pangunahing opisyal na pangalan ng bansa at hindi Pilipinas. Kung gayon, ang mga mamamayan ay dapat tinatawag na Philippinean para maging konsistent sa ortograpiya, imbes na Filipino o Pilipino. Pinagtibay din dapat ng mga Komisyoner ng KWF noong 1992-1993 ang bersiyon sa “Filipino” na lumitaw noong 1991, ngunit walang naganap na gayon sapagkat nananatili pa rin ang naturang komisyon sa yugto ng nakaiwanan-sa-panahong Pilipino.

Ang taguring Pilipinas ay malaki ang pagkakataong maituwid tungo sa Filipinas, lalo kung iisiping wala namang batas ang nagsasabing isa lamang ang opisyal na pangalan ng bansa (na dating ginawa noong panahon ng Komonwelt). Namayani ang Philippines sapagkat ang mga batas at kautusang binalangkas ng Kongreso, bukod pa ang mga kapasiyahan ng Korte Suprema, na pawang umiiral sa buong kapuluan ay karaniwang nakasulat sa Ingles, at siyang nagbubukod sa pamahalaan sa dapat sanang pagsilbihan nitong pangkalahatang mamamayan. Nailulugar sa ganitong pagkakataon ang katumbas na salin sa Filipino sa mababang antas, at pinanaig na batayan ang tekstong Ingles. Kung ipagpapalagay na may dalawang opisyal na wika ang bansa, Filipino at Ingles, ang Konstitusyong 1987 ay dapat nasa parehong wika at ang pambansang wikang Filipino ang siyang dapat makapanaig imbes na bersiyong Ingles. Ngunit sa punto ng praktikalidad, ani Francisco Rodrigo, yamang ang mga talakayan ng komisyong konstitusyonal ng 1986 ay nasa Ingles, kung sakali’t may lumitaw na tanong sa hinaharap, ang mga interpretasyon batay sa Ingles ang higit na matimbang kompara sa tekstong nasa Filipino. Hmmm.

Pinag-uusapan din dapat ang tumpak na ispeling ng pangalan, upang maging konsistent ang tawag. Halimbawa, Filipino ang katumbas ng tao, wika, at konsepto, na ipapares sa Filipinas batay sa istoriko, huridiko at lingguwistikong pagdulog. O maaari din itong maging Pilipino na itutumbas sa tao, wika, at konsepto, upang umangkop sa Pilipinas. Maitatanong din kung bakit hanggang ngayon ay pumapayag ang mga Filipino na magkaiba ang tawag sa bansa nila alinsunod sa paggamit ng dalawang opisyal na wika. Sa ganitong mungkahi, kinakailangang susugan ang Saligang Batas 1987.

Inihayag pa ng mga propesor ng UP na “walang legal na batayan at paglabag sa Konstitusyon ang palitan ang Pilipinas” at gawing Filipinas. Walang katotohanan ang gayong pahayag. Nakasaad sa Artikulo XVI, Seksiyon 2, ng Konstitusyong 1987 na,

The Congress may, by law, adopt a new name for the country, a national anthem, or a national seal, which shall all be truly reflective and symbolic of the ideals, history, and traditions of the people. Such law shall take effect only upon its ratification by the people in a national referendum.

Ang pangalang Philippines, gaya ng Filipinas, ay hitik sa mga pahiwatig ng kolonyalismo. Gayunman, ang Filipinas, gaya ng taguring Filipino, ay umigpaw na mula sa makitid na pagpapakahulugan ng mga Espanyol at lumawak upang kumatawan sa modernong konsepto at malayang bansa. Ang Filipino, na dating minimithing yumabong at linangin, ay sumapit na sa mataas at abanseng antas bilang mamamayan, wika, at konsepto, at hindi na maaaring maikulong pa sa limitadong Pilipinas.  Ang Filipinas ay hindi na lamang pelikula ni Joel Lamangan, o kaya’y patutsada sa mga babaeng nagbibili ng aliw.

Kaya hindi nakapagtataka kung lumitaw ang sumusunod: Filipinas Palm Oil Processing Incorporated; Filipinas Palm Oil; Bagellia Filipinas; Filipinas Alfa Company, Incorporated; Filipinas Synthetic Fiber Corporation; Filipinas Polypropelene Manufacturing Corporation; Compania de Filipinas; Digital Equipment Filipinas Incorporated; Funeraria Filipinas Incorporated; Filipinas Fair Trade Ventures; Compania General de Tabacos de Filipinas; Filipinas Aquaculture Corporation; Filipinas Agri-Planters Supply;  Filipinas Dravo Corporation; Avia Filipinas International Incorporated; Filipinas Orient Airways Incorporated; Corporacion de Padres Dominicos de Filipinas; Filipinas Heritage Library; Filipinas Thermo King Incorporated; Filipinas Consolidated Sales; Islas Filipinas Food Products, Incorporated; Freyssinet Filipinas; Filipinas Multi-Line Corporation; Filipinas Systems Incorporated; Filipinas Consultants and Management Corporation; Tri-S Filipinas Incorporated; Filipinas Global Multiservices; Filipinas Mills; Filipinas Soda, at marami pang iba.

Nagkamali ang mga propesor ng UP nang sabihin nilang walang lingguwistikong batayan ang pagbabago mulang Pilipinas tungong Filipinas. Kung walang lingguwistikong batayan ay bakit patuloy na sumisibol ang Filipinas sa larangang pandaigdig at elektroniko? Ang mismong ortograpiyang Filipino ang magiging pandayan upang mapalinaw kung ano ang itatawag sa ating bansa. Ang Filipinas ay hindi lamang isang idea; at hindi newtral na salita na binabago lamang ang isang titik alinsunod sa arbitraryong nais ng mga komisyoner. Ginagawa iyon upang patuloy na mahubog ang makabagong kamalayan, na ang iniisip ay siyang binibigkas, at ang binibigkas ay siyang isinasabuhay. Nagmumungkahi rin ang Filipinas na tawagin ang bansa sa isang pangalan lamang—imbes na tatlo—na siyang magbubunsod ng pagkakaisa ng mga Filipino anumang lipi, relihiyon, at kapisanan ang kanilang kinabibilangan.

Nakalulungkot na kahit ang banggit ng mga butihing propesor ng UP hinggil sa kasaysayan ay saliwa. Filipinas ang ginamit nina Emilio Aguinaldo at Andres Bonifacio, ngunit pagsapit kay Bonifacio ay higit niyang itatampok ang Katagalugan, ang Inang Bayan na sumasaklaw ang pakahulugan sa buong bansa, upang maitangi ang diskurso ng Tagalog laban sa mga Espanyol na inaalagaan ng Inang Kuhila at Inang Sukaban [Madre España]. Hindi rin inilugar si Jose Corazon de Jesus, nang gamitin niya bilang makata ang Pilipinas sa kaniyang mga tula. Ang lunduyan ni Batute, palayaw ni De Jesus, ay ang pangarap na maging Tagalog ang wikang pambansa; at papanaigin kahit ang paraan ng panghihiram at pag-angkin ng mga salitang banyaga na makapagpapalago sa Tagalog. Kaya hindi kataka-taka kung isulong man niya ang Pilipinas; at kung ginamit man niya ang Pilipinas ay dahil maalam din siya sa Espanyol.

Mababaw ang pahayag ng mga propesor ng UP na sumasalungat sa Filipinas. Inaasahan ko ang higit na masigasig at marubdob na pananaliksik upang ibuwal ang pagtataguyod ng Filipinas at panatilihin ang namamayaning Pilipinas at Philippines. Nakayayamot din ang mga interbiyu sa mga karaniwang mamamayan sa midya, sapagkat ang debate ay dapat nasa antas na intelektuwal at hindi basta pagpupukol lamang ng mga walang batayang kuro-kuro, komentaryo o putik. Panahon na upang buksan ang Filipinas. At inaasahan ko ito kahit sa munting talakayan sa hapag ng Pangulo ng Republika ng Filipinas.

(“Filipinas ng Makabagong Panahon,” ni Roberto T. Añonuevo, 18 Hulyo 2013.)

Advertisements

Pag-ibig sa Tinubuang Bayan

Ano ang katangiang taglay nina Andres Bonifacio, Osama Bin Laden, Ho Chi Minh, at Mao Zedong? Lahat sila ay marunong tumula, at ginamit ang tula bilang kasangkapan sa paghahasik ng himagsikan.  Sa kanilang mga kamay, ang tula ay hindi lamang nakalaan para kaluguran ng makata o kritiko, bagkus nakatuon para sa malawak na mambabasa na kayang umarok sa mga lantad na pahiwatig ng akda.

Ipinapalagay dito na isinasaalang-alang ng makata ang kaniyang mga mambabasa; at bilang tagapaghatid ng mensahe’y batid ang antas ng diskurso at konsepto ng kaniyang lipunan. Gayunman, hindi ibig sabihin nito na ang makata ay susunod lamang sa agos ng lipunan o isusulat ang nais marinig ng taumbayan. Ang makata ay maaaring pagsimulan ng siklab ng diwa, at ang siklab na ito ay maaaring lumaking lagablab na makagigising sa madla upang baguhin ang nakagawian nitong pananaw ukol sa buhay, kaligiran, at pakikipagkapuwa. Masasabing rebelde ang makata, at ang rebeldeng ito, na humawak man ng armas, ay higit na magiging makapangyarihan kung matalas at masinop gumamit ng salita.

Mahalaga sa makata ang pag-alam sa mga dalumat [i.e., konsepto] ng kaniyang lipunan. Ang mga dalumat na ito, gaya ng “kalayaan,” “pag-ibig,” “alipin,” at “puri,” ay maipapaloob niya sa kaniyang mga akda sa pamamagitan ng paggamit ng mga larawan, usapan, tauhan, at salaysay. Mahirap ang gayon lalo kung hindi maalam sa tula o katha ang manunulat. Ngunit sa oras na makamit niya ang kadalubhasaan sa wika, ang anumang malalalim na diwain ay mapagagaan, at maihahatid niya sa madla sa pinakapayak na paraan ang anumang mabigat na paksa. Maihahalimbawa ang tulang “Pag-ibig sa Tinubuang Bayan” ni Andres Bonifacio na mahahalatang naanggihan ng pagtula ni Francisco Balagtas Baltazar.

Pag-ibig sa Tinubuang Bayan
ni Andres Bonifacio

Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
sa pagkadalisay at pagkadakila
gaya ng pag-ibig sa sariling[*] lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.

Ulit-ulitin mang basahin ng isip
at isa-isahing talastasing pilit
ang salita’t buhay na limbag at titik
ng sangkatauhan ito’y namamasid.

Banal na pag-ibig! Pag ikaw ang nukal
sa tapat na puso ng sino’t alinman,
imbit taong gubat, maralita’t mangmang
nagiging dakila at iginagalang.

Pagpupuring lubos ang nagiging hangad
sa bayan ng taong may dangal na ingat;
umawit, tumula, kumatha’t sumulat,
kalakhan din nila’y isinisiwalat.

Walang mahalagang hindi inihandog
ng pusong mahal sa Bayang nagkupkop,
dugo, yaman, dunong, katiisa’t pagod,
buhay ma’y abuting magkalagot-lagot.

Bakit? Ano itong sakdal nang laki
na hinahandugan ng buong pagkasi?
na sa lalong mahal nakapangyayari
at ginugugulan ng buhay na iwi?

Ay! Ito’y ang Inang Bayang tinubuan,
siya’y ina’t tangi na kinamulatan
ng kawili-wiling liwanag ng araw
na nagbigay-init sa lunong[†] katawan.

Sa kanila’y utang ang unang pagtanggap
ng simoy ng hanging nagbibigay-lunas,
sa inis na puso na sisinghap-singhap,
sa balong malalim ng siphayo’t hirap.

Kalakip din nito’y pag-ibig sa Bayan
ang lahat ng lalong sa gunita’y mahal
mula sa masaya’t gasong kasanggulan.
hanggang sa katawa’y mapasa-libingan.

Ang nangakaraang panahon ng aliw,
ang inaasahang araw na darating
ng pagkatimawa ng mga alipin,
liban pa sa bayan, saan tatanghalin?

At ang balang kahoy at ang balang sanga
ng parang [at][‡] gubat na kaaya-aya
sukat ang makita’t isaalaala
ang ina’t ang giliw lumipas na saya.

Tubig [na] malinaw sa anaki’y bubog
bukal sa batisang nagkalat sa bundok
malambot na huni ng matuling agos
na nakaaaliw sa pusong may lungkot.

Sa aba ng abang mawalay sa Bayan!
Gunita ma’y laging sakbibi ng lumbay
walang alaala’t inaasam-asam
kundi ang makita’ng lupang tinubuan.

Pati ng magdusa’t sampung kamatayan
Wari ay masarap kung dahil sa Bayan
at lalong maghirap. O! himalang bagay,
lalong pag-irog pa ang sa kanya’y alay.

Kung ang bayang ito’y nasasapanganib
at siya ay dapat na ipagtangkilik
ang anak, asawa, magulang, kapatid
isang tawag niya’y tatalikdang pilit.

Dapwat kung ang bayan ng Katagaluga’y
nilalapastangan at niyuyurakan
katuwiran, puri niya’t kamahalan
ng sama ng lilong tagaibang bayan.

Di gaano kaya ang paghihinagpis
ng pusong Tagalog sa puring nalait?
Aling kalooban na lalong tahimik
ang di pupukawin sa paghihimagsik?

Saan magbubuhat ang panghihinayang[§]
sa paghihiganti’t gumugol ng buhay
kung wala ring ibang kasasadlakan
kundi ang lugami sa kaalipinan?

Kung ang pagkabaon [at] pagkabusabos
sa lusak ng daya’t tunay na pag-ayop
supil ng panghampas tanikalang gapos
at luha na lamang ang pinaaagos?

Sa kaniyang anyo’y sino ang tutunghay
na di-aakayin sa gawang magdamdam?
Pusong naglilipak sa pagkasukaban
ang hindi gumugol ng dugo at buhay.

Mangyayari kaya na ito’y malangap
ng mga Tagalog at hindi lumingap
sa naghihingalong Inang nasa yapak
ng kasuklam-suklam na Kastilang hamak?

Nasaan ang dangal ng mga Tagalog,
nasaan ang dugong dapat na ibuhos?
Baya’y inaapi, bakit di kumilos?
at natitilihang ito’y mapanood!

Hayo na nga kayo, kayong nangabuhay
sa pag-asang lubos na kaginhawahan
at walang tinamo kundi kapaitan,
kaya nga’t ibigin ang naabang bayan.

Kayong natuyan na sa kapapasakit
ng dakilang hangad sa batis ng dibdib,
muling pabalungi’t tunay na pag-ibig
kusang ibulalas sa bayang piniit.

Kayong nalagasan ng bunga’t bulaklak
kahoy yaring buhay na nilanta’t sukat
ng bala-balaki’t makapal na hirap
muling manariwa’t sa baya’y lumiyag.

Kayong mga pusong kusang [niyurakan][**]
ng daya at bagsik ng ganid na asal,
ngayon magbangon’t baya’y itangkakal
agawin sa kuko ng mga sukaban.

Kayong mga dukhang walang tanging [hikap][††]
kundi ang [matubos] sa dalita’t hirap,
ampunin ang bayan kung nasa ay lunas
pagkat ang ginhawa niya ay sa lahat.

Ipaghandog-handog ang buong pag-ibig
At hanggang may dugo’y ubusing itigis
kung sa pagtatanggol, buhay ay [mapatid]
ito’y kapalaran at tunay na langit!

Sa tulang ito ni Bonifacio, ang konsepto ng “pag-ibig” ay hindi lamang nakapokus sa magkaibigan, magkasintahan, mag-asawa, at mag-anak. Ang sukdulang pag-ibig ay nasa pagmamahal sa “Tinubuang Bayan” [i.e., bansa]. Walang kahalintulad ang pag-ibig sa bayan, dahil kaakibat nito ang pambihirang pagsasakripisyo, at humahangga sa “kabayanihan” kung hindi man “kamartiran” gaya ng isinusulong ng Al Qaeda. Ang “kabayanihan” ay hindi esklusibo sa isa o dalawang personalidad, bagkus sangkot ang lahat ng mamamayan. Ito’y dahil walang may monopolyo ng pagmamahal sa bayan, ani Bonifacio, at makakikita ng halimbawa sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Ang “pag-ibig sa tinubuang bayan” ay nagtataglay ng mga pambihirang katangian, gaya ng “banal,” “makatarungan,” “matapat,” “dakila,” at “ginugulan ng buhay.” Ang gayong mga katangian ay mahihinuhang hinihingi sa bawat Katipunero na sasabak sa himagsikan, at handang harapin ang banyagang mananakop na Espanya. Samantala, ang “tinubuang bayan” ay hindi malamig na entidad, bagkus inihalintulad ni Bonifacio sa isang “mapagkalingang ina”  na nagbibigay ng “ginhawa” sa kaniyang mga anak mulang duyan hanggang libingan. Ang inang ito ay nagbibigay ng masasayang gunita sa kaniyang mga anak, ngunit nang sumapit ang kolonisasyon ay napalitan ng malulungkot na alaala.

Simple lamang ang nais ipahatid ni Bonifacio. Kung ang iyong Ina ay nasa panganib, nilapastangan, dinungisan ang puri at dangal  [i.e., ginahasa at hiniya], wala nang iba pang dapat gawin kundi maghimagsik. Mapanunumbalik lamang ang dating kaginhawahan sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng kaniyang mga anak. Hinihimok ng tula na muling palitawin ang tunay na pag-ibig mula sa kalooban, kahit mangahulugan iyon ng pagbubuwis ng buhay.

Ang tagumpay ng himagsikan ay pagkakamit ng “ginhawa,” at ang ginhawang ito ay mahihinuhang dating tinatamasa ng mga anak ng bayan bago pa sumapit ang kolonisasyong dulot ng “Inang Sukaban” [Espanya]. Ang ginhawa ay hindi lamang katumbas ng materyal na bagay, bagkus paghihilom ng sugat ng isip, loob, at katawan ng buong bansa. Para kay Bonifacio, ang tunay na langit ay pagtatanggol sa Inang Bayan kahit ikamatay ng maghihimagsik. At siyang nauulit lamang ngayon sa Iraq, Afghanistan, Somalia, at iba pang panig ng daigdig.

TALABABA


[*] Sa ibang teksto, ang “sarili” ay naging “tinubuan” o “tinub’an.” Kung “tinubuan” ang gagamitin, lalabis ang sukat ng tula. Kung gagamitin naman ang tinipil na “tinub’an” ay posible ngunit magiging kakatwa sa pagbigkas. Batay ang “sarili” sa teksto mula kay Julian Cruz Balmaseda.

[†] Sa teksto ni Julian Cruz Balmaseda at itinala ni Teodoro T. Agoncillo, ang “lunóng” (luno+na) ay naging “buong” (buo+na). Sinundan ko rito ang teksto na ginamit ni Virgilio S. Almario. Tumutukoy ang “lunó” sa paghuhunos ng balát, gaya ng makikita sa pagpapalit ng balát ng ahas, o kaya’y pagpapalit ng balahibo ng tandang o aso.

[‡] Sa teksto nina Julian Cruz Balmaseda at Virgilio S. Almario, ang kataga ay tinipil na “niya’ ngunit hindi tinitipil ang dalawang pantig na salita sa Tagalog, at maaaring tumutukoy lamang ito sa “at.”

[§] Sa ibang teksto, gaya ng kay Virgilio S. Almario, ang “panghihinayang” ay naging “paghinay-hinay.” Sinundan ko ang teksto ng kay Balmaseda dahil ang “panghihinayang” ay higit na malapit na salita.

[**] Sa teksto ni Teodoro A. Agoncillo, ang “niyurakan” ay naging “inuusal.” Ginamit ko ang “niyurakan” na mula sa teksto ni Virgilio S. Almario na higit na angkop na salita kaysa “inuusal” na waring pabigkas lamang. Ang “pagyurak” ay napakabigat, na parang pagtapak at pagdurog sa dangal ng tao.

[††]Batay ito sa teksto ni Julian Cruz Balmaseda, ang saknong ay “Kayong mga dukhang walang tanging hikap/ kundi ang matubos sa dalita’t hirap/ ampunin ang bayan kung nasa ay lunas/ pagka’t ang ginhawa niya ay sa lahat.// Tumutukoy ang “hikap” sa pangangapa sa dilim, at ang ganitong tayutay ay bumabagay sa pagnanais na makaahon sa hirap.

Krimen at kaligtasan sa koridong Prinsesa Florentina

May kaibahan ba ang awit at korido? Wala, ani Damiana L. Eugenio, maliban sa wawaluhing pantig bawat taludtod at apatang taludtod bawat saknong ang korido, samantalang lalabindalawahing pantig bawat taludtod at apatang taludtod bawat saknong ang awit. Nasabi ito ni Eugenio matapos niyang suyurin ang mga pag-aaral sa dalawang anyo ng tula, at alamin ang pinakaatay ng bawat isa. Magkahawig ang mga paksa ng awit at korido, at tatlong elementong nangingibabaw ang napansin ng kritiko: una, ang romantiko (o pag-ibig); ikalawa, ang relihiyoso at pangangaral; at ikatlo, ang kahima-himala at kagila-gilalas.

Ngunit nakaligtaan ni Eugenio na banggitin ang anyo ng dalít na isang katutubong tulang hawig na hawig sa anyo ng pananaludtod ng korido. Wawaluhin din ang sukat ng bawat taludtod nito at bawat saknong ay binubuo ng apat na taludtod. Maaaring pinalitan lamang ng Espanyol ang pangalan ng tulang Tagalog noon, at ang nasabing pagpapalit ay ituturing ngayong panahon ng pag-angkin, kung hindi man pagbura sa tulang katutubo, upang panaigin ang dayuhang anyo. Ang ganitong obserbasyon ay mahuhugot sa ilang palagay ni Virgilio S. Almario. Hindi rin hinipo ni Eugenio ang kaugnayan ng korido sa dula, na mahihinuhang malaki ang impluwensiya sa pagbubuo ng banghay, at siyang itinatanghal sa korales (i.e., parisukat na bakurang bahayan) noong panahong midyibal sa Espanya.

Magandang ihalimbawa ang koridong Prinsesa Florentina na sinulat ng di-kilalang awtor at walang tiyak na petsa kung kailan ang unang pagkakalathala. Muling inilathala ito noong 1950 ng Aklatang Lunas, at pagkaraan ay inilahok ni Eugenio sa kaniyang antolohiya. Ang nasabing korido, na ang buong pamagat ay Buhay ng kawawa at mapalad na Prinsesa Florentina sa kahariang Alemanya, ay maaaring nakasagap ng alimuom sa tinaguriang Ginintuang Panahon ng Teatro sa Espanya (1492-1700), na ang isa sa mga pangunahing manunulat ay si Lope de Vega. Taliwas sa paniniwala ng iba, ang korido ay hindi lamang nakalaan para awitin nang mabilis na siyang napansin ni Gabriel Bernardo at pinalaganap ng mga awtor ng teksbuk sa hay-iskul at kolehiyo. Kung gagawing batayan ang banghay, ang korido ay masasabing angkop na isadula, at matatawag na “matulaing dula” o “madulaing tula” alinsunod sa ibig itampok na uri ng panitikan.

Malagim ang Prinsesa Florentina dahil tinatalakay nito ang usaping may kaugnayan sa insesto, kidnaping, pagpapatapon, gahasa, panlilinlang, himala, diskriminasyon, pagtataksil, pagpatay, gantimpala, kaharian, digmaan, at iba pang ikayayanig ng makaririnig o makababasa ng kuwento. Si Florentina ay pinagnasahan at ibig mapangasawa ng kaniyang ama. Ngunit dahil tutol ang dalaga’y pinutol niya ang kamay at iyon ang patuyang ibinigay sa kaniyang ama. Ipinatapon ng emperador si Florentina sa dagat, ngunit ililigtas siya ng anghel na sugo ni Birheng Maria, at ibabalik ang putol na kamay. Mapapadpad si Florentina sa isang pook, at aalagaan ng isang mangingisdang papapel na parang tunay na ama. Ngunit hindi magtatagal ay makikilala siya ni Don Pavio, na isang pribado ng hari, at marahas na itatanan palayo sa mangingisdang nilasing ng mga kasama niya.

Makikilala ni Haring Enrico si Florentina sa isang pagdiriwang sa palasyo, at mapapaibig, saka yayaing pakasalan ang dalaga. Walang makababali sa utos ng hari. Gayunman, gagawa ng mga paraan ang ina ni Enrico upang magkahiwalay ang mag-asawa. Nang magtungo sa ibang bayan si Enrico para makidigma sa hukbong Moro, kung ano-anong kabulaanan ang ginawa ng ina ni Enrico at binago ang sulat na ipinadadala ng hari kay Florentina. Nang lumaon, nanganak ang buntis na si Florentina, at kasama ang kaniyang sanggol, ay ipinatapon sa dagat sa utos ng balakyot na biyenan. Matutuklasan pagkaraan ni Enrico ang lahat, at parurusahan ng pagkakabilanggo ang sariling ina.

Makaliligtas sa ikalawang pagkakataon si Florentina, na kasama ang anak, dahil sa himala mula sa kalangitan. Hindi rin sila pinatay ni Don Pascacio na inutusan ng ina ni Enrico. Samantala, ipapasa ni Haring Enrico ang kaniyang trono kay Don Pascacio at hahanapin ang kaniyang asawa’t anak. Tutulungan ng isang Kastelyano si Florentina, hanggang magbinata ang kaniyang anak na si Federico. Ilang taon ang lilipas, maghahanap ng mapapangasawa si Enrico, at nang mabalitaan ni Florentina na ibang prinsesa ang pakakasalan nito, isinugo niya ang kaniyang anak na si Federico na magpakilala sa ama. Magugulat si Enrico at hahanapin ang asawa. Matutuklasan din na si Haring Fernando ang ama ni Florentina at humingi ito ng tawad sa anak.

Ganap na gagantipalaan ni Enrico si Don Pascasio at ipapasa rito ang korona. Sa kabilang dako’y magiging hari naman si Federico, ayon sa utos ng ama ni Florentina. Magwawakas ang korido sa pangangaral: “Pag masama ang pananim/ masama ang aanihin,/ kung mabuti ay gayundin/ aanihin ay magaling.”//

Ang Prinsesa Florentina ay hindi tandisang salin ng metriko romanse mulang Europa, bagkus maituturing na malikhaing halaw. Ang nasabing halaw ay hitik sa panghihimasok ng makatang Tagalog, na humihipo sa damdamin ng mga kapuwa niya Tagalog. Paano babasahin ang naturang korido? Mahirap itong gawin, ngunit maipapanukala ang sumusunod na paraan.

Maaaring isaalang-alang na ang pagkakabuo ng Prinsesa Florentina ay mula sa kamay ng makatang Tagalog. Ang diskurso ay maaaring M (Makata) + T (Tagalog) o pabalik. Ngunit hindi magiging gayon kapayak dahil ang tula ay nilahukan ng mga alusyon, kaisipan, at hulagway na pawang hinugot sa ibang bansa, kaya ang ekwasyon ay maaaring maging M + T + IB (Ibang Bansa, i.e., Alemanya, Italya, Etopia, at iba pa).

Ang Makata ay humuhugot ng alusyon sa kapuwa kaligirang Tagalog at Ibang Bansa. Ngunit sa korido, ang kaligiran ng Ibang Bansa ay napakalabo (i.e., vague), at kaya maiisip na ang Ibang Bansa ay hinango lamang sa pangalan at ang higit pinahalagahan sa salaysay ay ang relasyong namamagitan sa mga pangunahing tauhan. Maiisip na sinadya ito ng Makata dahil kung basta siya magpapasok ng mga detalyeng may kaugnayan sa mga kaharian ay maaaring mahirapan sa pag-arok ang madlang Tagalog dahil ang diskurso ng ibang bansa ay iba sa diskursong Tagalog. Malayo rin ang wikang Tagalog sa wikang banyaga, at ang paglalahok ng mga banyagang salita o konsepto sa loob ng korido ay magiging balakid upang maunawaan nang mabilis ng madla ang ibig ipahiwatig ng Makata. Yamang ang korido ay angkop sa pagtatanghal, ang nasabing pagtatanghal ay dapat popular at magaan sa paraang gaya ng pagpapalaganap noon ng mga sagradong akda at pista ng mga santo.

Nabuo ang saligang sistema ng komunikasyon dahil sa malikhaing paggamit ng Tagalog. Tumaas din ang diskurso ng Tagalog dahil sa matalinong pag-akda ng Makata. Nagsisilbing kritiko rin ng Makata ang mga mambabasa bilang konsumidor, kaya nakikinabang din ang Makata sa anumang puna at mungkahing magmumula sa madla. Ang wikang Tagalog na ginamit ng makatang Tagalog na posibleng nakaaalam din ng wika at konseptong Espanyol ay yumaman sa pagbubuo ng tula; at ang nasabing tula ay masasabing hindi basta hiram sa banyaga, bagkus malikhaing pag-angkin sa panig ng Tagalog na mataas ang pagpapahalaga sa mga konseptong gaya ng “puri,” “dangal,” “pag-ibig,” “utang na loob,” “pag-aanito,” at iba pa na pawang matatagpuan sa mga sinaunang salawikain, bugtong, tanaga, diona, dalit, alim, hudhud, at iba pa.

Lalawak pa ang diskurso kung iuugnay ang Prinsesa Florentina sa pagbubuo ng kabansaan ng Espanya at ng kabansaan ng Katagalugan. Ang nasabing Katagalugan, ayon sa Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar, ay hindi lamang tumutukoy sa mga lalawigang sakop ng Tagalog, bagkus sa buong bansa. Kung isasaalang-alang ang ganitong hatag, ang nabanggit na korido ay dapat ding sipatin sa kasaysayan ng panitikang Tagalog at sa kasaysayan ng pagbubuo ng Katagalugan. Bagaman magkahiwalay ang agos ng Kasaysayan sa agos ng Kasaysayang Pampanitikan, maaari pa ring magkasabay o magsalikop ang dalawa sa iisang agusan dahil sa pambihirang pangyayari sa Katagalugan, gaya ng pagpapalaganap ng Kristiyanismo, paglaganap ng edukasyong maka-Tagalog o maka-Europeo, at pag-iral ng kolonisasyon, kontra-kolonisasyon, at deskolonisasyon sa loob ng Katagalugan.

Ang Prinsesa Florentina ay maipapanukalang basahin hindi lamang bilang akdang hinalaw sa tekstong Europeo bagkus bilang tekstong inangkin ng Tagalog. Sa ganitong kalagayan, masisipat ang diyalohikong agos sa akda. Halimbawa, nagtagumpay ang banyaga na maipasok sa korido ang mga salitang may kaugnayan sa kaharian, relihiyon, pananalig, at pananaw. Ngunit nagtagumpay pa rin ang Tagalog dahil ginamit ang Tagalog sa malikhaing paraan, at ang karaniwang diskurso ng Tagalog ay umangat sa dating kalagayan, at sinipat ang kaligirang metriko romanse sa pananaw ng Tagalog, gaya ng pakikipagsapalaran ng mga Tagalog na ang anumang lihim ay nabubunyag, naparurusahan ang maysala, at nagagantimpalaan ng mabuting kapalaran ang nakikibaka. Sa ganitong kalagayan, ang bahid ng impluwensiyang Espanyol ay masisipat na salimpusa lamang sa konstelasyon ng panulaang Tagalog.

Kung ihahambing naman ang Prinsesa Florentina sa gaya ng Florante at Laura ni Francisco Balagtas, mapapansin ang paglago ng pagtula ni Balagtas hindi lamang sa paggamit ng wika kundi maging sa pagbuo ng mga saknungan, tugma at sukat, pananalinghaga, balangkas, at iba pang panloob na katangian ng tula. Halimbawa, kung sa Prinsesa Florentina ay walong ulit lumitaw ang dalawang magkasunod na saknong na may isahang tugma (na kasumpa-sumpa sa kapuwa Balagtasista at modernistang makata), walang ganitong makikita sa obra ni Balagtas na napakapulido ang gawa. Mahihinuhang nakinabang nang malaki si Balagtas sa naunang mga akda, at ito ang kaniyang hinigtan sa malikhaing pagsasatula.

Hindi rin simpleng tula hinggil sa krusada ng Kristiyanismo laban sa Islam ang Prinsesa Florentina. Ang pakikidigma ni Haring Enrico laban sa mga Moro ay sanhi ng pagkakataong pagsalakay ng Moro sa pook na saklaw ng hari, at kailangang ipagtanggol ng hari ang pook nito. Mahihinuhang pahapyaw na kinasangkapan lamang ang digmaan, bagaman ang tunay na digmaan ay nasa katauhan ni Florentina—na pinagtangkaang gahasain, ipinatapon sa ibang pook, at ibig ipapatay ng kaniyang biyenan. Ang pagiging tagamapagitan ng puwersang sobrenatural (i.e., anghel, Birheng Maria, at Kristo) ay mula sa pananalig ng tauhan, at ginawang tulay lamang upang makatawid ang tauhan sa mga pambihirang balakid na lampas sa kayang igpawan ng mortal. Walang bagahe noon ang mga Tagalog hinggil sa bakbakan ng mga relihiyon, at kung mayroon man, ito ay upang ipagtanggol lamang ang kinamulatang pananalig sa bathala, anito, diwata, at iba pang kaugnay na puwersang sobrenatural na gaya sa Tagalog.

Mahihinuhang ang sinaunang pananaw sa Prinsesa Florentina bilang maharlika, deboto, anak, asawa, at ina ay hindi lamang unibersal na pagtanaw sa Constance Saga hango sa akdang Europeo bagkus masisipat ding bahagi ng pagbubuo ng konsepto ng “Ina, Anak, Kapatid, at Inang Bayan” sa buong Katagalugan. Bagaman hindi maitatatwang nakalagos sa malig ng Tagalog ang ilang kaisipang Europeo, naitampok din ng awtor ng korido ang kaisipan at wikang Tagalog alinsunod sa diskurso ng Tagalog. Ang hamon sa mambabasa ay alamin ang pag-akda ng makata na nabahiran ng kaisipan o ideolohiya ng banyaga, sa isang panig; at sa kabilang panig naman ay kung paano pinalalakas ang kaisipang Tagalog kahit pa gumamit ng mga palamuting banyaga. Sa ganitong paraan, hindi lamang basta napag-aaralan ang konteksto ng akda, o nalilingon ang kasaysayan at ang kasaysayan ng panitikan. Nasisipat ang Prinsesa Florentina hindi lamang bilang relikya ng nakalipas, bagkus bilang buháy na patunay ng ebolusyon ng wika at panitikang Tagalog na malaki ang ambag sa panitikan at wikang Filipino na ginagamit ngayon ng bagong henerasyon.