Tulisan, ni Vladimir Lugovskoy

Salin ng “Basmach,” ni Vladimir Lugovskoy (Vladimir Alexandrovich Lugovsky) ng Russia, at batay sa bersiyong Ingles ni Gordon McVay.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Tulisan

Lumutang ang usok ng sigarilyo’t
. . . . . . . . paikid na pumaitaas nang makapal.
Nabaliko sa mga pader
. . . . . . . . ang bakuran ng mga banyagang riple.
Nakatungó,
. . . . . . . . at bahagyang umubó,
. . . . . . . . . . . . . . . . bumungad si Igan-Berdy,
. . . . . . . . na hinihimas ang masinsing balbas
. . . . . . . . . . . . . . . sa gitna ng ulop ng tabako.
Isang kopa ng lungting tsaa,
. . . . . . . . . . . . . . . . na pampalubag-kaluluwa,
. . . . . . . . ang lumapnos sa dila ng tulisan
. . . . . . . . . . . . . . . . nang matapang ang amoy.
Nang mabangga
. . . . . . . ng kaniyang puntera
. . . . . . . . . .ang kartutso sa tabi ng silya niya’y
itinaas ng nanginginig, matatabang daliri
. . . . . . . . ang kopa para itagay.
Ang trigo sa labas ng bintana’y
. . . . . . . . kumikinang, tila naglalagablab,
. . . . . . . . . . . . . habang ang drayber ng traktora
. . . . . ay inasinta siya nang walang kurap.
Walong araw na walang tulog sa kabundukan
. . . . . . . . ay tinugis niya ang mga bakás ng tulisan
. . . . . . . . . . .at sa ikasiyam na araw ay natagpuan
. . . . . . . . sa wakas si Igan-Berdy.
Tinulig sa putok ng mga baril
. . . . . . . . . . .ang ilahas na tainga ng gubat,
ang mga obrero ng Estadong Bukirin ng Dangara
. . . . . . . . ay nabihag ang mga nagsipag-aklas.
Nahilo ang drayber ng traktora,
. . . . . . subalit matatag at kalmado ang kaniyang kamay
. . . . . . . . . . .habang tinutungga ni Igan-Berdy
. . . . . . . . ang malapot, mabangong inumin.
Sumenyas si Igan-Berdy,
. . . . . . . . at nagsimulang magsalita,
. . . . . . . . . . . .at dumagundong ang kaniyang pahayag,
. . . . . . . . samantalang hinihigit ang balikat.
Ikinalugod niya, sambit niya,
. . . . . . . . . . . . . .ang pakikipagkasundo
. . . . . . . . sa mga komandanteng Sobyet—
. . . . . . . . . . . . mga bituin ng makapangyarihang bayan.
Hindi siya nagnakaw ni nangulimbat,
. . . . . . . . nakihamok siya nang tapát sa labanan.
Hindi siya pumaslang ninuman,
. . . . . . . . o nandambong sa gitna ng magdamag.
Tulad ng tuktok ng Gissar,
. . . . . . . . . . . . . ang kaniyang kalooban ay dalisay,
. . . . . . . . at wala siyang minasaker o binaldang
. . . . . . . . . . . . . . .mga dalagang Kabataang Komunista.
Malimit niyang maisip ang sumuko,
. . . . . . . . ngunit wala siyang pagkakataon.
Natiis niya ang limang mahirap na bakbakan—
. . . . . . . . . . . . . . at ngayon ang sandali ng pagbabago.
Gaya ng manlalakbay
. . . . . . . . na naghahanap ng tubig,
. . . . . . . . . . . .naghahayag ng malungkot na karanasan,
. . . . . . . . ang kaniyang tigang na puso’y umaasam
. . . . . . . . . . . . . .sa kalinga ng makapangyarihang Sobyet.
Ang katatagan ng gahum ng Sobyet
. . . . . . . . . . . . ay masaganang piging
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . para sa matatapang ang loob.
Si Igan-Berdy ay tanyag
. . . . . . . .  . . . . na tagapagkampanya, at hindi alipin.
“Ang tuwid kong mga bala
. . . . . . . . ay umulan sa rabaw ng lupain.
Biniyak ko ang katawan ng mga kaaway
. . . . . . . . . . . . . . mulang ulo hanggang bayag.
Ibinahagi ko nang patas sa aking mga tauhan
. . . . . . . . ang yaman ng inyong bukirin.
Binitay ko ang gurong walang dinidiyos
. . . . . . . . . . . . dahil sa pagtangging magsabi ng Amen.
Dumadaloy sa aking mga ugat
. . . . . . . . ang alingawngaw ng tagumpay sa digma.
Kaya mahigpit na makipagkamay at makipagkasundo
. . . . . . . . . . . . . na handog ni Igan-Berdy!”
Ngunit ang aming bihasang komandante
. . . . . . . . . . . . . . . . ay ganap na nakabawi.
Sa tulong ng isang interpreter
. . . . . . . . ay marahan niyang sinimulang magsiyasat.
At isang babae ang lumabas sa bakuran
. . . . . . . . at naghain ng kanin
. . . . . . . . . . . . . . . . na nasa mangkok. . .
Maingat siyang inasinta
. . . . . . . . ng aming nakayukong drayber ng traktora.
Kailangan nitong iwasang mabiso
. . . . . . . . mula sa sinag ng araw,
. . . . . . . . . . . sa dumadalaw na antok,
. . . . . . . . . . . . . . . . at sa lumalaganap na usok.
Kailangan niyang subaybayan ang bawat galaw
. . . . . . . . ng leeg ng bandidong mahusay magwika.
Bahagyang tumiklop ang leeg
. . . . . . . . . . . . . . . . bago muling umunat.
Walang latoy na pumitlag ang dugo
. . . . . . . . sa ilalim ng maitim na balát.
At ang drayber ng traktora ay pumalatak,
. . . . . . . . matatag
. . . . . . . . . . . . . . . . gaya ng kapalaran:
Wala siyang nasilayang mortal na kapuwa
. . . . . . . . bagkus isang bola ng poot.
Para sa lahat ng ani na kaniyang sinalanta,
. . . . para sa mga guho at  pagkawasak,
. . . . . . . . .waring isa lamang munting ganting kasiya-siya
. . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . ang leeg
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .. . . . . . . . ni Igan-Berdy.

 

Mga Tala

[1] Ang orihinal na pamagat sa wikang Ruso ay “Basmach.” Ang mga Basmachi ay mga pangkat ng kontra-Boshevik na bandido sa gitnang Asya noong panahon ng Digmaang Sibil.
[2] Si Igan-Berdy ay isang makasaysayang tao.
[3] Ang kabundukan at tagaytay ng Gissar ay matatagpuan sa gitnang Asya, hilaga ng Dushanbe sa Turkmenistan.

Advertisements

Filipino sa Dominyo ng Kapangyarihan

Filipino sa Dominyo ng Kapangyarihan

Mga sanaysay hinggil sa wikang Filipino sa mga dominyo ng kapangyarihan, gaya ng akademya, hukuman, negosyo, at batasan. Sinulat ni Roberto T. Añonuevo, at tumatanaw nang malaki sa kaniyang blog na alimbukad.com na ang pinagmulan ay dakilapinoy.wordpress.com. Inilathala ng UST Publishing House noong 2013, at nagkakahalaga ng P300. Para sa karagdagang impormasyon, dumalaw sa websayt ng UST Publishing House.

Ang “Filipino” sa Konstitusyong 1987 at ang kaso ng “Filipinas”

Hangad na sagutin ng panayam na ito ang legalidad ng paggamit ng salitang “Filipinas” sa mga akdang nasusulat sa Filipino, inilathala man ng publiko o pribadong ahensiya o institusyon. Inihayag noong isang taon nina Dr. Rosario Torres-Yu, Dr. Teresita G. Maceda, Dr. Maria Bernadette L. Abrera, Dr. Adrian P. Lee, Dr. Ramon G. Guillermo, Dr. Pamela C. Constantino, at Dr. Jovy M. Peregrino na “malinaw na paglabag sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas ang paggamit ng mungkahing ‘Filipinas’ kapag ito’y ipinatupad [ng pamahalaan].”[i] Mahalagang talakayin ang tindig nina Torres-Yu atbp sapagkat ang anumang ipinromulgang konstitusyon noong 1987 ng pamahalaan, nasa Ingles man o Filipino, ay maaaring maging batayan ng paggamit ng Filipinas sa ngayon.

May nilalabag ba sa kasalukuyang konstitusyon o sa alinmang batas ng bansa, kung gagamitin ng pamahalaan sa partikular, at ng madla sa pangkalahatan, ang salitang “Filipinas” sa mga opisyal na komunikasyon? Bago ito sagutin ay marapat munang ilugar ang salitang “Filipino” at “Pilipino” sa konteksto ng Konstitusyong 1987. Kailangan ding linawin kung paano binuo ang Saligang Batas 1987, kung naipromulga ba ito sa kapuwa Ingles at Filipino, at kung natalakay nang husto ng mga komisyoner ng Komisyong Konstitusyonal[ii].

Anyo ng Filipino
Sa rekord ng Komisyong Konstitusyonal[iii], kinilala ng Lupon sa Wika, ani Wilfrido V. Villacorta, ang sumusunod: una, may umiiral na lingguwa prangka na tinatawag na “Filipino” na ginagamit ng mga mamamayang may magkakaibang katutubong wika o diyalekto; at ikalawa, ang lingguwa prangkang ito ay “Filipino” at hindi “Pilipino” sapagkat hindi ito eksaktong Tagalog. Ipinaliwanag pa niyang ang Tagalog ay may purong anyo, samantalang ang Filipino ay mas puro pa ayon sa mga lingguwista dahil kinakailangan nitong umimbento ng salita kahit hindi pa ginagamit. Dumaan sa ebolusyon nang ilang siglo, sambit pa ni Villacorta, ang Filipino bilang lingguwa prangka sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t ibang diyalekto na nauunawaan ng nakararaming tao. Ibinunyag pa niyang, ayon umano sa isang lingguwista,[iv] ang mga wika sa Filipinas ay may parehong ugat na salita, gramatika, at palaugnayan, kaya napakadaling mag-aral ng isang Filipino ng alinmang diyalekto sa Filipinas kompara sa mag-aral ng banyagang wika.

Ang unang sesyon ng Komisyong Konstitusyon ng 1986.

Ang unang sesyon ng Komisyong Konstitusyonal ng 1986. Larawan mula sa pamahalaan.

Mahalagang itampok dito ang kaibhan ng “Filipino” sa “Pilipino.” Sa tanong ni Jose C. Colayco hinggil sa kung ano ang kaibhan ng dalawang salita, tumugon si Villacorta na ang Filipino ay “pinalawak na Pilipino, at ito ang lingguwa prangka na likás na dumaan sa ebolusyon sa buong bansa, at ibinatay sa Tagalog at iba pang diyalekto [sic, wika] sa Filipinas at banyagang wika. Sumang-ayon din si Villacorta kay Colayco na higit na angkop ang Filipino na gamitin sa panukalang konstitusyon dahil kung ibabatay sa kasaysayan, ang Filipino ay nagmula sa “Filipinas” na nag-ugat naman sa “Felipe” [Haring Felipe II ng Espanya].[v] Ayon naman kay Francisco A. Rodrigo ang “Pilipino” ay tinanggal ang mga [hiram] na titik sa alpabeto na gaya ng \f\, \j\, \q\, \v\, at \z\ at pinalitan ng \k\ ang \c\ na lumitaw na katawa-tawa [kapag ginamit sa pasulat na paraan], at ang ganitong mga dahilan ang nagresulta para suportahan ang “Filipino” bilang wikang pambansa.[vi] Sa punto de bista ng Filipino ay tama si Rodrigo; ngunit sa punto ng Tagalog, ito ang pinakamadaling paraan ng adaptasyon, bagaman ang naturang gawi ay maaaring magsakripisyo ng orihinal na anyo ng salitang hiniram mula sa banyagang wika. Ilan sa maihahalimbawa na salitang Espanyol na may titik \c\ na naging \k\ o \s\ ang sumusunod: cabo (kabo), cacerola (kaserola), cadena  (kadena), cadete (kadete), camara (kamara), campana (kampana), at canal  (kanal).

Kung palalawigin pa ang obserbasyon ni Rodrigo, ang lahat ng salitang hiram sa Espanyol na may \f\ ay pinalitan lahat ng \p\, gaya ng café (kape), certificado  (sertipikado), defecto (depekto), defensa (depensa), deficit (depisit), definición (depinisyon), definido (depinido), fabrica  (pabrika), falda (palda), falso (palso), fanatico   (panatiko), fantastico   (pantastiko), farol  (parol), farola (parola), at Filipinas (Pilipinas). Ang \j\ ay tinumbasan ng \h\ sa Pilipino, gaya ng caja (kaha), cajero (kahero), jamón (hamon), Japonés (Hapones), jarana (harana), at justicia (hustisya). Ang \q\ ay hinalinhan ng \k\, gaya ng caqui (kaki), querida (kerida), quijones  (kihones),  quijote (kihote), quimiko (kimiko) quinta (kinta), at quizame  (kisame). Ang titik \v\ ay tinumbasan ng \b\, gaya ng  cavado (kabado), caviar (kabyar), levadura  (lebadura), civil (sibil), vaca (baka), uva  (ubas), favorito (paborito), avocado (abokado), at Eva (Eba). At ang titik \z\ ay pinalitan ng \s\, gaya ng carroza (karosa), brazo (braso), cabeza (kabesa), capataz (kapatas), cerveza (serbesa), eczema (eksema), at calzada (kalsada).

Sinabi naman ni Ponciano L. Bennagen na ang Lupon sa Wika ay pinili ang “Filipino” na may \f\ na gamitin sa panukalang Konstitusyong 1987 sapagkat ito ay opisyal na naghunos [evolved] sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng Tagalog na walang \f\, na “sumasalamin sa liberal na pagkilos tungo sa pagtanggap ng iba pang diyalekto sa lilitaw na lingguwa prangka.”[vii] Ang ganitong tindig ang siya ngayong ipinagpapatuloy ng KWF, pagkaraang lumitaw sa mga pambansang konsultasyon nito na may titik o tunog \f\ sa mga katutubong wika na dapat ipaloob sa Filipino.

Ang salitang “evolve,” gaya sa ebolusyon ng Filipino, ay isang puntong pinagtaluhan sa Komisyong Konstitusyonal. Kung ipagpapalagay na ang pagtanggap ng \f\  sa alpabetong Filipino ay napakahalagang aspekto ng ebolusyon upang makahiram ng mga salita sa panrehiyon o banyagang wika, ito ang dapat harapin sa ngayon. Mababalikan ang panukala ni Joaquin G. Bernas na enmiyendahan ang lahok na nabuo ng lupon hinggil sa wika.[viii] Tumutol si Villacorta dahil pinalalabnaw nito ang orihinal na panukalang napagkasunduan. Sumagot si Bernas na ang kaniyang panukala ay tinatanggal ang salitang “evolve” dahil hindi daw isinasabatas ang ebolusyon. Ngunit tumindig si Blas F. Ople, at ikinatwirang “ang salita ay kumikilala sa katotohanan na ang mga tao mismo ay may karapatang hubugin ang kanilang wika nang labas sa balangkas ng Konstitusyon o batas.” Idiniin ni Ople na ang tungkulin ng batas ay patuloy na paunlarin ang naturang mga wika[ix] (akin ang diin).

Salin at Promulgasyon
Ang panahon na ginagawa ang borador ng Konstitusyong 1987 ay yugto na nasa transisyon ang Institute of National Language (INL)/ Surian ng Wikang Pambansa (SWP) na tatawaging Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) pagkaraan. Noong 1986, nasa ilalim ng Rebolusyonaryong Gobyerno ang Filipinas, at ang SWP ay nasa alanganing posisyon bilang kawanihan. Gayunman, aktibong nagmungkahi ang SWP sa pangunguna ni Ponciano B.P. Pineda hinggil sa mga nararapat na probisyon ng panukalang konstitusyon 1987. Kabilang sa inilaban ng SWP ang sumusunod: una, gawing opisyal na wika ang Filipino; ikalawa, gawing wikang pambansa ang Filipino na ang pinakaubod ay “Pilipino.” Ang mungkahi ng SWP ay taliwas sa orihinal na panukala nina Ernesto Constantino, Consuelo J. Paz, Rosario Torres-Yu, at Jesus Fer. Ramos na ipromulga ang konstitusyon sa wikang Pilipinon sa paniniwalang ang “Filipino” ay dapat pang paunlarin, at ang tunog \f\ ay hindi mabigkas ng maraming Filipino. Ang pagdaragdag ng hulaping \-on\ , na gaya sa Hiligaynon, Surigaonon, Bikolnon, atbp ay katanggap-tanggap umano sa mga Bisaya at taga-Mindanaw.[x] Nabigong umusad ang Pilipinon dahil kailangan nitong magsimula sa zero, bagaman maganda ang idea na ang pambansang wika ay mabuo mula sa mga katangian ng sari-saring wika sa buong kapuluan.

Ang Filipino-na-ang-pinakaubod-ay-Pilipino ang magiging problematiko sa pagbubuo ng Konstitusyong 1987. Habang binabalangkas pa lamang ang nasabing batas, ang lahat ng diksiyonaryo at tesawro sa buong kapuluan ay tinatanggap lamang ang Pilipino, gaya sa Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles (1972) ni Jose Villa Panganiban; Pilipino Loan Words in English (1970) ni Fe Aldabe Yap; English-Tagalog Dictionary (1977) at Tagalog-English Dictionary (1986) ni Leo James English; English-Pilipino Dictionary (1995) nina Vito C. Santos at Luningning E. Santos; at Diksyunaryo ng Wikang Filipino (1989) ng LWP. Sa ganitong pagkakataon, bagaman tinatanggap sa hinagap ang mga hiram na titik, gaya ng \f\, \j\, \q\, at \v\, ang mga ito ay hindi pa nailalahok sa mga diksiyonaryo na magbibigay ng suliranin sa pagsasalin sa Filipino ng konstitusyon. Mapapansin kung gayon na ang Filipino sa yugtong ito ay marapat pang pinuhin ng mga lingguwista, editor, at manunulat.[xi]

Ayon sa Artikulo XIV, Seksiyon 8, ng Konstitusyong 1987, “This Constitution shall be promulgated in Filipino and English and shall be translated into major regional languages, Arabic, and Spanish.”

Kung ang “Filipino” ay ipapalagay na kathang-legal [legal fiction] pa lamang, kung susundin ang pangangatwiran ni Bro. Andrew Gonzalez, ang paraan ng pagsasalin ng tekstong Ingles ng Konstitusyong 1987 tungo sa Filipino ay dapat handang tumanggap ng mga hiram na titik sa mga banyagang wika. At kung susundin ang lohika ni Pineda na ang ubod ng Filipino ay Pilipino, ang Filipino nito sa minimum na kahingian ay dapat sumunod sa panuntunan ng Pilipino at pagkaraan ay handang tumanggap ng pagbabago sa proseso ng ebolusyon ng Filipino, gaya ng titik \f\ na hindi lamang ginagamit sa Espanyol at Ingles, bagkus matutunghayan din sa mga katutubong wika sa hilaga at timog, partikular sa Kordilyera at Zamboanga Peninsula.

Pangunahing teksto at Salin
Isang malaking usapin sa mga pagdinig at pagtatalo ng Komisyong Konstitusyonal ay nang pagtibayin ang borador ng Konstitusyong 1987 sa wikang Ingles noong 13 Oktubre 1986, dalawang araw bago ang dedlayn ng Komisyon; sa kasamaang-palad ay hindi pa tapos ang bersiyong Filipino.  Nagtanong si Ponciano L. Bennagen kay Presiding Officer  Ricardo J. Romulo sa estado ng tekstong Filipino at kung anong paraan ito lalagdaan, yamang may pantay na importansiya ito sa tekstong Ingles.

Tinugon ni Jose F. S. Bengzon si Bennagen na kung sakali’t magkakaroon ng pagtutol sa salin sa Filipino na may kaugnayan sa paglabag sa mga konsepto ay mananaig ang tekstong Ingles. At ang mga pagtutol ay dapat maitala ng Komisyong Konstitusyonal.

Iminungkahi ni Christian S. Monsod na anumang tekstong Filipino na kanilang lagdaan ay ituring na borador lamang. Aniya:

I would like to suggest that any translations that are made, even if we sign them, be constituted as draft, because I do not think that we should sign any translation that we have not really studied ourselves. The only text that has been approved by this body is the English text. I do not think we can delegate to anybody the finalization of any other version that we ourselves have not gone through individually.[xii]

Ang pag-uusisa ni Bennagen kung ano ang magiging pangwakas na aksiyon upang maging opisyal na bersiyon ang tekstong Filipino ay makatwiran. Binanggit ni Bengzon na ang promulgasyon ng tekstong Filipino ay maaaring ganapin pagkaraan ng ratipikasyon, upang magkaroon ng sapat na panahon sa pagsasalin at marepaso iyon nang maigi ng mga kasapi ng Komisyong Konstitusyonal. Gayunman, may legal na balakid sa awtoridad ng Komisyong Konstitusyonal. Pagkaraan ng 15 Oktubre 1986 ay magiging functus officio—tapos na ang termino bukod sa nagwakas na ang gawain, at wala nang awtoridad pa na ipagpatuloy ang tungkulin— ng Komisyong Konstitusyonal.

Iminungkahi ni Ople na isaalang-alang ang referendum sa panig ng mga komisyoner kung sang-ayon ba sila sa magiging bersiyon ng tekstong Filipino. Binanggit ni Ople ang pangangailangang itatag ang isang ad-hoc komite na lilikom ng mga panukala upang pagsapit ng petsa na itatakda ng Pangulo makalipas ang ratipikasyon ng Konstitusyong 1987 ay maipopromulga na ang pangwakas na tekstong Filipino.[xiii]

Nilinaw ni Monsod, batay sa tanong ni Bennagen, na ang pangwakas na gawaing may bisa [final operative act] ay nasa paglagda ng mga komisyoner. Iminungkahi niya na ituring na borador ang lalagdaan sa ika-15 ng Oktubre, at ang pinal na tekstong Filipino ay dapat personal na lagdaan ng mga komisyoner sa pamamagitan ng referendum bago magwakas ang kanilang termino.

Sumabat si Bengzon kung kailangan pa ang mga mungkahi sapagkat, aniya, dapat beripikahin ni Pangulong Corazon C. Aquino kung naging matapat ba ang tekstong Filipino sa tekstong Ingles bago ito ipromulga. Hindi na kailangan umanong magtipon muli ang mga komisyoner at suriin at tiyakin ang tekstong Filipino. Kung bibigyan naman ng sipi ang bawat komisyoner, kailangan pa rin nitong beripikahin ang salin. At magagawa lamang ito kung dudulog sa isang ahensiya ng gobyerno (na sa panahong iyon ay SWP). Sinabi pa niyang siguro naman ay titiyakin ng Tanggapan ng Pangulo ang pagiging matapat ng tekstong Filipino sa tekstong Ingles.

Lumitaw pagkaraan ang tanong kung aling teksto ang mananaig kapag nagkaroon ng pagtatalo sa nilalaman ng konstitusyon. Nilinaw ni Ople na ang mamamayaning teksto [controlling text] ay ang Ingles sapagkat iyon ang wika sa mga deliberasyon, at para sa layuning legal lamang. Narito ang paliwanag ni Ople bago pagkasunduan ang mamamayaning teksto sa konstitusyon[xiv]:

THE PRESIDING OFFICER (Mr. Ricardo J. Romulo). Commissioner [Blas F.] Ople is recognized.

Mr. OPLE: If I may be allowed a recollection of the debates at that time, the Committee on Human Resources, headed by Commissioner Villacorta, did decide not to take a position on a controlling text. I think the presumption they adhered to was that the English and Filipino texts would be equal in rank for purposes of serving as official text of the promulgated Constitution. However, there is nothing to prevent this Commission from acknowledging the fact, as it has been acknowledged now, that the original draft was written in English and the deliberations mainly were conducted in English and that, therefore, for legal purposes, the English text could be considered controlling, for example, in courts of law, but only for purely legal purposes. We want to hold on, I am sure, to the symbolic equality of both texts.

MR. MONSOD: Mr. Presiding Officer.

THE PRESIDING OFFICER (Mr. Romulo). Commissioner [Christian S.] Monsod is recognized.

MR. MONSOD: I would like to formally move that the controlling text will be English, in case there is a conflict.

THE PRESIDING OFFICER (Mr. Romulo). For legal purposes.

MR. MONSOD: For legal purposes.

MR. [JOSE F. S.] BENGZON: I second the motion.

Ang pagturing sa Ingles bilang “namamayaning teksto,” ani Adolfo S. Azcuna, ay hindi dahil superyor ang Ingles sa Filipino, bagkus ito’y nagkataon lamang. Ginamit sa pangkabuuang deliberasyon ang Ingles at sumusunod lamang sila sa tuntuning travaux préparatoire.[xv] Sa ilang pagkakataon na ginamit nang bahagya ang Filipino sa mga sesyon ay mananatili pa ring namamayaning teksto ang Ingles, bagaman hindi sinasabi nang tahasan ang Ingles.[xvi] Pinagtibay pagkaraan ang isang resolusyon ng mga komisyoner na nagsasaad, “In case of conflict between the Filipino text and the English text, then the language predominantly used in our deliberations will prevail.”[xvii]

Sa ganitong anggulo dapat sipatin ang kaso ng salitang “Pilipinas” bilang salitang panumbas sa “Philippines.” Kung ang namamayaning teksto ng Konstitusyong 1987 ang susundin, sa kasong may kaugnayan sa aspekto o layuning legal, ang dapat gamitin ay “Philippines” na hango sa Ingles, at ang wika at mamamayan ay dapat tawaging “Filipino” alinsunod sa anyo ng pagkakasulat sa Ingles. Mapupuwing na hindi konsistent sa ortograpiya, dahil kung “Philippines” ang bansa, ang mamamayan at konseptong kaugnay nito ay dapat tawaging “Philippinean.”

Gaya ng nabanggit ni Villacorta, ang paggamit ng “Filipino” ay konsistent sa orihinal na tawag sa bansa: Filipinas. Ngunit dahil sa hindi pa ganap na nalilinang ang modernong ortograpiya ng wikang Filipino nang isalin ang panukalang konstitusyon, nanaig sa salin ang terminong Pilipino na “Pilipinas.” Pinanaig din ang salitang “Pilipino” kapag tumutukoy sa pagkakamamamayan, at ito ay matutunghayan, halimbawa na sa “Preamble” na ang “Filipino people” ay tinumbasan ng “Sambayanang Pilipino” sa tekstong Filipino; o kaya’y sa Seksiyon 19, Artikulo II, na ang “Filipino” (mamamayan) ay tinumbasan ng “Pilipino.” Sa ganitong pangyayari, mahihinuha na ang pagkakasalin ng tekstong Ingles tungo sa Filipino ay nagmumula pa rin sa namamayani noong “Pilipino” ng SWP.[xviii] Para maging konsistent sa ortograpiya ay dapat tumukoy ang “Filipino” hindi lamang sa wika, bagkus sa pagkamamamayan at lahat ng konseptong may kaugnayan sa pagkabansa.

Ang usapin ng “Pilipinas” bilang salin ng “Philippines” ay matutunghayan din sa deliberasyon ng Komisyong Konstitusyonal. Nabanggit ni Gregorio Tingson na nagulat siya nang minsang magpadala ng liham sa kaniyang esposa mulang Larnaka, Cyprus tungong Philippines. Wala umanong Philippines, sabi ng post master ng Larnaka, at hindi nito naisahinagap na katumbas lamang ito ng Filipinas. Binanggit din ni Tingson na binabaybay na “Pilipinas” ang pangalan ng bansa, ngunit isinusulat minsan na “Filipinas” kaya marami umanong turista at bisita ang nalilito. Itinanong din niya sa kapulungan kung ang Bureau of Posts ay awtorisadong baguhin ang opisyal na pangalang Philippines tungong Pilipinas.

Sumagot si Villacorta na ang “Pilipinas” ay opisyal ding pangalan ng bansa. Ngunit hindi naisaalang-alang ni Villacorta ang istoriko at lingguwistikong pinagbatayan ng Pilipinas, at kung bakit hindi Filipinas. Ang wikang ginamit sa pagsasalin ng Konstitusyong 1973 ay Pilipino, na labis ang kiling sa Tagalog. Nang ipromulga ang Konstitusyong 1973, malinaw na ang taguring Pilipinas ay batay sa konserbatibong Pilipino (na hindi pa tinatanggap ang mga hiram na titik na \c\, \f\,, \j\, \ñ\, \q\, \v\, \x\, at \z\ mula sa Espanyol at Ingles). Kaya tumpak lamang na mabahala si Tingson nang wikain niyang “wala akong alam na opisyal na batas na pinagtibay ng Kongreso na opisyal na tawagin sa ibang pangalan ang bansa maliban sa Philippines.” Mapapansin kung gayon na lumilingon si Tingson sa Konstitusyong 1935, at hindi lamang sa Konstitusyong 1973.[xix]

Sumabat pagkaraan si Jose Luis Gascon at sinabing, “The Pilipino translation of Philippines is Pilipinas (akin ang diin).” Walang paliwanag si Gascon sa kaniyang pahayag, at mahihinuhang sumusunod lamang siya sa linya ng kautusan na “Pilipino” ang dapat itawag sa pambansang wika, batay sa pahayag ni Kalihim Jose E. Romero noong 1959.[xx] Sinabi lamang ni Gascon na katumbas ng Philippines ang Pilipinas, subalit nabigong ipaunawa nang malalim at makatwiran kung bakit hindi dapat gamitin ang Filipinas. Hindi rin malay si Gascon sa dating ortograpiyang ibinatay sa Tagalog at pumatay sa titik \f\.Hirit pa ni Gascon:

On the query of Commissioner Tingson whether there was any official act of changing the name Philippines to “Pilipinas” Commissioner (Adolfo S.) Azcuna told me that the 1973 Constitution had a Filipino translation of the Republic of the Philippines which was promulgated, and that is “Republika ng Pilipinas.” So it has been officially promulgated; therefore it does not need any congressional act.[xxi]

Mapapansin sa siniping transkripsiyon na ang gamit ng “Pilipino” at “Filipino” bilang mga wika ay nagbago kahit sa mga bigkas ni Gascon. Ang unang gamit niya na Pilipino ay mahihinuhang mula sa lumang ortograpiyang Tagalog at namayaning Pilipino alinsunod sa kautusan ni Kalihim Romero noon at siyang sinundan ng Konstitusyong 1973; samantalang ang ikalawang gamit ng Filipino bilang pang-uri ay para sa mithing abanseng wika ng bansa, at siyang iiral sa Konstitusyong 1987. Ang “Filipino translation” na winika ni Gascon at patungkol sa “Pilipinas” ay mapasusubalian kung gayon. Ang binanggit ni Gascon na salin ay Pilipino at hindi Filipino, bukod sa walang opisyal na imprimatur mula sa SWP. Higit pa rito’y mapapawalang-bisa ng Konstitusyong 1987 ang Konstitusyong 1973 sa oras na maratipikahan ng sambayanan.

Ang SWP noong 1959-1973 ay nakakiling sa “Pilipino” samantalang pangarap pa lamang ang wikang “Filipino.” At kahit ang LWP noong 1991, bago pa ito maging KWF noong 1992, ay walang opisyal na tindig hinggil sa Filipinas, Pilipinas, at Philippines, ngunit gumagamit ng “Pilipinas” alinsunod sa ABAKADANG Tagalog, bukod sa napakakonserbatibo kung hindi man atrasado ang diksiyonaryo nito sa “wikang Filipino.” At bagaman ipinromulga ang Konstitusyong 1973, ang promulgasyon ng salin ay batay sa Pilipino ni Kalihim Romero. Hindi kataka-taka kung gayon na ang salin sa “Filipino” ng Konstitusyong 1987 ay hindi Filipino sa pinakamataas nitong pamantayan, bagkus nanatiling Pilipino, lalo kung isasaalang-alang na malaki ang inilundag ng makabagong ortograpiyang Filipino, alinsunod sa itinatadhana ng batas.

Kung ipinromulga man ang “Pilipinas” bilang katumbas ng “Philippines” sa Konstitusyong 1987, ang naturang salita ay hindi “Filipino” bagkus “Pilipino” na umiral noong Konstitusyong 1973, at siyang ikinalito ni Gascon na sumunod sa opinyon ni Azcuna. Nilagdaan ng mga komisyoner ang salin sa Filipino ng panukalang konstitusyon noong 15 Oktubre 1986, ngunit nabigo ang buong komisyon na repasuhin pa ang tekstong Filipino kompara sa ginawang pagrepaso sa tekstong Ingles.

Walang nagkakaisang tindig ang mga komisyoner ng Komisyong Konstitusyonal ng 1986 hinggil sa Philippines, Pilipinas, at Filipinas. Kung ipagpapalagay na nauna ang bersiyong Ingles, at Ingles ang wika sa pangkalahatang diskusyon sa Komisyong Konstitusyonal, ang Philippines ang maituturing na tangi’t pangunahing opisyal na pangalan ng bansa at hindi Pilipinas.

Ang taguring Pilipinas ay malaki ang pagkakataong maituwid tungo sa Filipinas, lalo kung iisiping wala namang batas na tahasang nagsasabing isa lamang ang opisyal na pangalan ng bansa (na dating ginawa noong panahon ng Komonwelt). Namayani ang Philippines sapagkat ang mga batas at kautusang binalangkas ng Kongreso, bukod pa ang mga kapasiyahan ng Korte Suprema, na pawang umiiral sa buong kapuluan ay karaniwang nakasulat sa Ingles, at siyang nagbubukod sa pamahalaan sa dapat sanang pagsilbihan nitong pangkalahatang mamamayan. Nailulugar sa ganitong pangyayari ang katumbas na salin sa Filipino sa mababang antas, at pinanaig na batayan ang tekstong Ingles. Kung ipagpapalagay na may dalawang opisyal na wika ang bansa, Filipino at Ingles, ang Konstitusyong 1987 ay dapat nasa parehong wika at ang pambansang wikang Filipino ang siyang dapat makapanaig imbes na bersiyong Ingles. Ngunit sa punto ng praktikalidad, ani Francisco Rodrigo, yamang ang mga talakayan ng komisyong konstitusyonal ng 1986 ay nasa Ingles, kung sakali’t may lumitaw na tanong sa hinaharap, ang mga interpretasyon batay sa Ingles ang higit na matimbang kompara sa tekstong nasa Filipino pagsapit sa usaping legal.

Ang tanong: Mayroon bang pagtatalo [conflict] ng teksto sa Ingles at Filipino, kung pagbabatayan ang tekstong Filipino, hinggil sa paggamit ng “Pilipinas” o “Filipinas,” at siyang umaabot sa mga layuning legal? Ang tanong na ito, bagaman, karapat-dapat sagutin ng Korte Suprema, ay maaaring sagutin na “Oo.” Kapag ang isang kinatawan ng Kongreso ay nagbanta na sasampahan ng kaso ang KWF, o ang mga opisyal nitong nagsusulong ng “Filipinas,” ang tanong hinggil sa katumpakan ng salin sa Filipino ay dapat pinag-uusapan at nilulutas. Kapag ang Tanggapan ng Pangulo ay tinatanggap ang “Republic of the Philippines” at “Republika ng Pilipinas” ngunit tinatanggihan ang “Republika ng Filipinas” dahil sa usapin ng protokol, ang paggamit ng pangalan ng bansa ay umaabot sa layuning legal sapagkat ang dapat balikan ay ang konstitusyon.

Usapin ng salin sa Filipino
Ang tekstong Ingles ay inilimbag ng National Media Center, samantalang ang tekstong Filipino ay dinala sa pribadong limbagan.[xxii] Itinalaga sina Villacorta at Rustico F. de los Reyes, Jr na subaybayan ang paglilimbag sa Filipino, bukod sa sila rin ang may tungkuling tapusin ang pangwakas na borador ng tekstong Filipino.

Nanaig ang mungkahi ni Bengzon na lalagdaan ng mga komisyoner ang tekstong Filipino, na sasailalim sa pagtutuwid kung kinakailangan, sa petsang hindi lalampas sa ratipikasyon ng Konstitusyon, at isasakatuparan ng Tanggapan ng Pangulo ang pagsasalin. Inihayag ni Bengzon sa isang resolusyon na nagrerekomenda kay Pangulong Aquino na isagawa ang ratipikasyon pagsapit ng 23 Enero 1987, alinsunod sa Proklamasyon Blg. 9 na nagtatadhana ng ratipikasyon o kaya’y pagtanggi sa bagong konstitusyon.

Nabuo at pinagtibay ang isang resolusyon na magkakaroon ng ad hoc komite pagkalipas ng 15 Oktubre 1986, at ang komiteng ito ay pamumunuan ni Tagapangulong Komisyoner Cecilia Muñoz-Palma upang tapusin nang ganap ang anumang nabinbing trabaho o likidasyon. Ang panukalang konstitusyon sa Ingles ay pinagtibay ng mga komisyoner noong 12 Oktubre 1986; at ang mga teksto sa kapuwa Ingles at Filipino ay nilagdaan ng mga komisyoner noong 15 Oktubre 1986. Nang ihayag ng Pangulong Aquino, alinsunod sa Proklamasyon Blg. 58, ang opisyal na kambas ng boto at ratipikasyon ng Saligang Batas 1987 noong 11 Pebrero 1986, ang nasabing batas ay nagkabisa agad. Sa ganitong pangyayari, masasabing ang tekstong Filipino ay simbolikong pinagtibay ng Komisyong Konstitusyonal, nang may reserbasyon ang mga komisyoner sa katumpakan o kaangkupan ng salin, sa kabila ng paniniwalang ang mga lagda ng mga komisyoner ang magpapatibay sa bisa ng panukalang batas na nilikha nila.

Binanggit ang mga pangyayaring ito sapagkat napakahalaga ang promulgasyon ng panukalang Konstitusyong 1986, at ang ratipikasyon ng Konstitusyong 1987, sa wikang Filipino. Dapat ipromulga sa kapuwa Ingles at Filipino ang nasabing konstitusyon. Bagaman naganap ito, ang salin sa tekstong Filipino ay nabigong dumaan sa masinop na pagsusuri ng mga komisyoner (alinsunod sa mga payo ng mga batikang editor, manunulat, at lingguwista) na may tungkuling suyurin ang tekstong Filipino. Ipinaubaya na lamang ang pagsasalin sa isang ahensiya ng gobyerno, at ang ahensiyang ito, bagaman hindi binanggit sa mga pagdinig ng Komisyong Konstitusyonal, ay ang SWP na naging Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) pagkaraan. Ang tinutukoy ni Bennagen na mga iskolar at kasamahang nagsalin ng panukalang konstitusyon ay ang pangkat mula sa SWP, na pinamumunuan nina Pineda at Pablo Glorioso. (Ang LWP, na naging KWF pagkaraan, ay hindi na muling nagkaroon ng pagsusuri sa katumpakan ng salin alinsunod sa makabagong ortogpiya.) Ayon sa mga kawani ng SWP na nagsalin ng manuskrito ay baha-bahagi ang ginawa nilang pagsasalin; at lumalabis pa sila sa oras ng takdang trabaho upang masunod lamang ang dedlayn na itinakda bago lagdaan ito ng mga komisyoner. Noong 1991, apat na taon makaraang ratipikahan ang Konstitusyong 1987, ililimbag ng LWP ang nasabing konstitusyon, na sumusunod, ayon kay Pineda, sa “isinamodernong palatitikan at palabaybayan ng wikang pambansa.”[xxiii] Isang parikala ito, kung iisiping makiling sa Pilipino ang dating LWP, at wala ni isang lahok sa mga diksiyonaryo nito noong panahong iyon, ang mga lahok na salitang hiram sa banyagang wika na gumagamit ng \f\.

Kaso ng sagisag at eskudo de armas
Ginamit ni Rep. Magtanggol T. Gunigundo I ng Velenzuela, Bulakan, ang Batas Republika Blg. 8491 na pinamagatang “An  Act Prescribing the Code of the National Flag, Anthem, Motto, Coat-of-Arms, and Other Heraldic Items and Devices of the Philippines” upang paalalahanan ang KWF na mali ang isinusulong nitong panukala hinggil sa paggamit ng salitang “Filipinas.” Ito ay sa pangyayaring nakasaad sa Seksiyon 41, Kabanata IV, ng nasabing batas na dapat gamitin ang mga salitang “Republika ng Pilipinas” sa pambansang eskudo de armas. Nakasaad din sa Seksiyon 42, Kabanata V, na dapat nakapaloob sa Great Seal [Dakilang Selyo] ang mga salitang “Republika ng Pilipinas” na magagamit lamang ng Pangulo.

Magkakaroon ng malaking usapin sa “Republika ng Pilipinas” na ginamit sa Batas Republika Blg. 8491 kung ang pinagbatayan nito ay ang Konstitusyong 1987, partikular ang tekstong Filipino na pinagtibay ng Komisyong Konstitusyonal at nilagdaan ni Pangulong Corazon C. Aquino noong 1986. Ito ay sapagkat sumunod lamang ang naturang batas sa salin sa Filipino ng nasabing konstitusyon. Ngunit dahil mapag-aalinlanganan ang tekstong Filipino ng Konstitusyong 1987, na hindi pa noon nakaiigpaw sa parametro ng Pilipino, at sapagkat hindi napagdebatihan ng mga komisyoner nang masusi ang pangalan ng bansa, ang Philippines ang mananatiling iisa’t tanging pangalang opisyal hanggang ngayon sapagkat umaabot sa usaping legal ang paggamit ng “Philippines,” “Pilipinas,” at “Filipinas.”  Dapat ulitin ang napagkasunduan ng mga komisyoner noong 1986: Kung sakali’t may pagtatalo sa tekstong Ingles at Filipino, ang wikang ginamit nang malawakan sa mga diskusyon ng Komisyong Konstitusyonal ang dapat manaigsa layuning legal lamang. Sa kasong ito, ang tekstong Ingles na siyang ginamit sa pangkalahatang deliberasyon ang maipapalagay na dapat manaig na wika kung isasalang sa pagtatalong legal. Ibig sabihin, dapat ay Philippines ang opisyal na tawag sa bansa, ngunit kailangang isabatas muli ang paggamit ng Filipinas, alinsunod sa makabagong ortograpiyang sumusunod sa modernong panahon.

Ang paggamit ng Philippines ay tiyak na tatanggihan ng publiko kapag ang akda ay nasusulat sa Filipino o kaya’y sa wikang panrehiyon. Nakapaninibago sa paningin ng madla ang “Filipinas,” subalit konsistent sa modernong palatitikang sumusunod sa Filipino, kung ihahambing sa nakasanayang “Pilipinas.” Mananatili namang lumilihis sa makabagong ortograpiya ang “Pilipinas” na ang saligan ay “Pilipino” kung hindi man Tagalog.

Kung ipagpapalagay na panuhay na batas [enabling law] ang Batas Republika Blg. 8491 sa itinatadhana ng Konstitusyong 1987, ang nasabing batas ay nangangailangan ng rebisyon sa hinaharap upang maituwid ang pangalan ng bansa, alinsunod sa wikang Filipino na may modernong ortograpiyang tumatanggap ng titik \f\. Hindi makatutulong kung magsasampa ng kaso si Rep. Gunigundo sa Korte Suprema, upang usigin lamang ang mga tao o institusyong gumagamit ng salitang “Filipinas.” Malayang gumamit ang sinumang Filipino ng “Filipinas” para sa ikalalago ng wika at alinsunod sa ebolusyon ng wika; ngunit tungkulin din ng gaya ng mambabatas na lumikha ng batas na higit na magpapalinaw o magpapayaman sa estado ng wika, halimbawa sa paggamit ng “Filipinas” o “Pilipinas” o “Philippines.”

Ang usapin ng Filipinas batay sa istoriko, hudisyal, at lingguwistikong pagdulog ang dapat harapin, hindi lamang ng mga mambabatas, bagkus ng taumbayan. Kung hihiramin ang winika ni Ople, ang taumbayan ay malaya at may karapatang paunlarin ang mga taglay nitong wika nang labas sa itinatadhana ng konstitusyon o alinmang batas; ngunit tungkulin ng batas na patuloy na paunlarin ang mga wika. Sa yugtong ito, magalang kong ipinapasa sa Kongreso ang pagpapatibay ng batas na lalagdaan ng Pangulo, hinggil sa tumpak at karapat-dapat na pangalan ng bansa.

[“Filipino” sa Konstitusyong 198 7 at ang Kaso ng “Filipinas” ni KWF Direktor Heneral Roberto T. Añonuevo. Panayam na binasa sa Pambansang Forum na ginanap sa gusali ng National Commission for Culture and the Arts noong 4 Pebrero 2014, at siyang itinaguyod ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ang panayam na ito ay pinaunlad na bersiyon ng mga naunang sanaysay ng awtor hinggil sa kaso ng “Filipinas” at “Filipino.”]

Mga Tala


[i] Basahin ang “Pahayag ng mga propesor at institusyon sa Unibersidad ng Pilipinas laban sa mungkahing palitan ng “Filipinas” ang Pilipinas bilang opisyal na pangalan ng bansa.” Walang tiyak na petsa, ngunit nailathala noong 15 Hulyo 2013 sa Angono Rizal News Online na pinamatnugutan ni Richard R. Gappi.

[ii] Kabilang sa bumubuo ng 48-kasaping Komisyong Konstitusyonal na nagpatibay ng Konstitusyong 1987 ang sumusunod: Cecilia Munoz Palma (President), Ambrosio B. Padilla (Vice-President), Napoleon G. Rama (Floor Leader), Ahmad Domocao Alonto (Assistant Floor Leader), Jose D. Calderon (Assistant Floor Leader), Flerida Ruth P. Romero (Secretary-General), Yusuf R. Abubakar, Felicitas S. Aquino, Adolfo S. Azcuna,Teodoro C. Bacani, Jose F. S. Bengzon, Jr., Ponciano L. Bennagen, Joaquin G. Bernas, Florangel Rosario  Braid, Crispino M. de Castro, Jose C. Colayco, Roberto R. Concepcion, Hilario G. Davide, Jr., Vicente B. Foz, Edmundo G. Garcia, Jose Luis Martin C. Gascon, Serafin V.C. Guingona, Alberto M. K. Jamir, Jose B. Laurel, Jr., Eulogio R. Lerum, Regalado E. Maambong, Christian S. Monsod, Teodulo C. Natividad, Ma. Teresa F. Nieva, Jose N. Nolledo, Blas F. Ople, Minda Luz M. Quesada, Florenz D. Regalado, Rustico F. de los Reyes, Jr., Cirilo A. Rigos, Francisco A. Rodrigo, Ricardo J. Romulo, Decoroso R. Rosales, Rene V. Sarmiento, Jose E. Suarez, Lorenzo M. Sumulong, Jaime S. L. Tadeo, Christine O. Tan, Gregorio J. Tingson, Efrain B. Trenas, Lugum L. Uka, Wilfrido V. Villacorta, at Bernardo M. Villegas.

[iii] Basahin ang Journal of the Constitutional Commission, Tomo 2, mp. 1188-1189, na ang petsa ng deliberasyon ay 10 Setyembre 1986. Inihanda ng Journal Service na pinangangasiwaan ni Kalihim Heneral Flerida Ruth P. Romero.

[iv] Maaaring ang tinutukoy dito ni Wilfrido V. Villacorta ay si E. Arsenio Manuel o F. Landa Jocano na pawang may antropologong pag-aaral sa paglago ng  populasyon ng Filipinas, at konektado sa mga wika. Ngunit ang pinakamalapit na tao ay si Cecilio Lopez na dating direktor ng Surian ng Wikang Pambansa (SWP), at siyang sumulat ng “Origins of Philippine Languages.” Inugat ni Lopez ang pagkakahawig sa pagkakahawig sa ponolohiya ng 15 katutubong wika sa Filipinas. Ipinaliwanag din niyang ang mga wika sa Filipinas ang may pinakamasalimuot na morpolohiya sa Malayo-Polynesia. Magkakahawig din umano ang sintaktikang anyo ng mga wika sa Filipinas (halimbawa, simuno at panaguri, atribusyon, at ugnayan sa serye), bukod sa kalitatibong pagkakahawig ng mga ispeling, tunog, pahiwatig, at pakahulugan. Basahin ang Philippine Studies tomo 15, bilang 1 (1967): 130–166

at inilathala ng Ateneo de Manila University.

[v] Basahin ang Journal of the Constitutional Commission, Tomo 2, p. 1190, na ang petsa ng deliberasyon ay 10 Setyembre 1986. Inihanda ng Journal Service na pinangangasiwaan ni Kalihim Heneral Flerida Ruth P. Romero.

[vi] Ibid., p. 1191.

[vii] Ibid., 1190.

[viii] Ang panukala ni Joaquin G. Bernas ay “The national language of the Philippines is Filipino. It shall be allowed to evolve and be further developed and enriched on the basis of the existing Philippine and other languages.” Ibid., p. 1191.

[ix] Ibid., 1191.

[x] Basahin ang “Proposals to the Con-Com: Provisions for the National Language” na sinulat nina Dr. Ernesto Constantino, Dr. Consuelo J. Paz, Prof. Rosario Torres-Yu, Prof. Jesus Fer. Ramos, at may petsang 11 Hunyo 1986. Inilathala sa The Language Provision of the 1987 Constitution of the Republic of the Philippines, nina Andrew Gonzalez, FSC, at Wilfrido V. Villacorta. Manila: Linguistic Society of the Philippines, 2001, mp. 71-81.

[xi] Ang tanging maiibang diksiyonaryo ay ang UP Diksiyonaryong Filipino (2001) na inedit ni Virgilio S. Almario atbp., sapagkat nailahok sa aklat na ito ang mga salitang may titik \c\, \f\, \j\, \q\, \v\, \x\, at \z\, bukod naglahok ng maraming katutubong salita mula sa iba’t ibang rehiyon at lalawigan. Ginamit din sa naturang diksiyonaryo ang makabagong ortograpiya na binuo ng UP Sentro ng Wikang Filipino, sa pangunguna ni Dr. Galileo S. Zafra atbp.

[xii] Basahin ang Journal of the Constitutional Commission, Proceedings and Debates, Tomo 5, p. 971, na ang petsa ng deliberasyon ay 13 Setyembre 1986. Inihanda ng Journal Service na pinangangasiwaan ni Kalihim Heneral Flerida Ruth P. Romero.

[xiii] Ibid., p. 971.

[xiv] Ibid., p. 973.

[xv] Ang “travaux préparatoire,” ayon sa Lilian Goldman Law Library ng Yale University, ay opisyal na dokumentong nagtatala ng mga negosasyon, pagbuo ng borador, at talakayan habang nasa proseso ng paglikha ng tratado. Ang dokumentong ito ay maaaring sangguniin at isaalang-alang kapag ipinapakahulugan ang tratado. Tingnan ang http://library.law.yale.edu/collected-travaux-preparatoires na hinango noong 2 Pebrero 2014, alas 9:31 ng umaga sa Filipinas.

[xvi] Ibid., p. 974.

[xvii] Ibid., p. 974. Pinagtibay ang resolusyon sa botong 24 ang pabor, 2 ang salungat, at 3 ang hindi bumoto.

[xviii] Ang orihinal na tekstong Ingles sa Seksiyon 19, Artikulo II ay “The State shall develop a self-reliant and independent national economy effectively controlled by Filipinos” na tinumbasan sa wikang Filipino na “Dapat bumuo ang Estado ng pambansang ekonomiyang nakatatayo sa sarili at malaya na epektibong kinokontrol ng mga Pilipino” (akin ang diin). Mapupuwing din ang salin sapagkat ang “bumuo” ay maaaring magpahiwatig na wala pang umiiral na pambansang ekonomiya, at siyang taliwas sa “develop” na maipapalagay na may umiiral nang pambansang ekonomiya ngunit kailangan na lamang pasiglahin o palawakin pa.

[xix] Ayon sa Seksiyon 3, Artikulo XIV ng Konstitusyong 1935, “Section 3. The Congress shall take steps toward the development and adoption of a common national language based on one of the existing native languages. Until otherwise provided by law, English and Spanish shall continue as official languages.” Dahil sa tadhanang ito, ang pangalan ng bansa simula noong 1935 ay “Philippines” at kung tutumbasan man ng salin sa Espanyol ay “Filipinas.”

[xx] Ayon sa kautusan ni Kalihim Jose E. Romero, “Pursuant to the objective that inspired the President’s proclamation, and in order to impress upon the National Language the indelible character of our nationhood, the term PILIPINO  shall henceforth be used in referring to that language.” Pinamagatan itong “Using ‘Pilipino’ in Referring to the National Language,” Circular No. 19, s. 1959 na ipinalabas ng Department of Education, Bureau of Public Schools noong 30 Setyembre 1959. Matutunghayan din ito sa Dokumentasyon ng mga Batas Pangwika, Komisyon sa Wikang Filipino at Iba pang Kaugnay na Batas (1935-2000), na pinamatnugutan ni Nita P. Buenaobra. Maynila: Komisyon sa Wikang Filipino, 2001, p. 95.

[xxi] Mula sa “Records of Plenary Sessions of the Constitutional Commission” noong 1 Setyembre 1986, na hango sa The Language Provision of the 1987 Constitution of the Republic of the Philippines nina Andrew Gonzalez, FSC, at Wilfrido V. Villacorta. Manila: Linguistic Society of the Philippines, 2011, p. 182. Ang tekstong ito ay matutunghan din sa Record of the Constitutional Commission, Proceedings and Debates, tomo 5.

[xxii] Ibid., p. 971. Ayon ito kay Jose F. C. Bengzon, at kung babalikan ang limbag na Ang Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas (1986) na pinagtibay ng Komisyong Konstitusyonal ng 1986 ay pinagtibay ang manuskrito sa National Government Center, Lungsod Quezon. Inilathala at ipinakalat ang nasabing babasahin ng Hear Enterprise na may adres na 27 Road 2, Project 6, Quezon City.

[xxiii] Basahin ang paunang salita ni Ponciano B.P. Pineda sa Ang Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas (1991) na inilimbag ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas, at may petsang 2 Pebrero 1991.

Ortograpiya ng Modernong Pangasinan

Malaki ang ipinagbago ng lalawigan ng Pangasinan sa antas ng impraestruktura, agrikultura, pangisdaan, turismo, kultura, at pagmimina sa mga nagdaang taon, at ngayon ay maidaragdag ang isa pa: wika. Mabigat na usapin ang Pangasinan bilang wika dahil ang heograpiya ng Pangasinan ay bukás sa mabibilis na migrasyon at transaksiyon ng mga tao. Ang komunikasyon ay hindi na dominado ng taal na Pangasinan, bagkus ng iba pang wikang gaya ng Agta,  Bikol, Bisaya, Bulinaw, Iluko, Ifugaw, Kapampangan, Maranaw, Palawan, Sambal, Tagalog, at iba pa. Ang dating Tagalog ay naghunos ng anyo at naging Filipino, na lalong lumakas sa dami ng mga akdang nalalathala sa anyong papel o elektronikong paraan.

Kahit ang mga pangunahing estasyon sa telebisyon at radyo sa lalawigang Pangasinan ay nasa wikang Filipino na. Ito ay marahil sa pangyayaring kinikilala na sa buong Pangasinan na ang buong lalawigan ay tagpuan ng sari-saring tao na iba’t iba ang pinagmulan, at dahil iba-iba ang interes at kalooban ay kinakailangang pag-isahin kahit sa antas ng diskurso at komunikasyon. Sa pagkakataong ito, ang pagpapakilala muli sa wikang Pangasinan ay isang paraan ng pagbawi sa nakaraan at paghalukay sa gunita, na ngayon ay magsisimula sa pagpupundar ng isang masasandigang ortograpiya.

Kinakailangan ang ortograpiyang Pangasinan, dahil ang mga tekstong Pangasinan ay nananatiling sinauna ang pagbaybay na waring matapat na pagsunod sa mga frayleng Espanyol, na gumagamit ng wika alinsunod sa pamantayan ng Espanyol. Sa makabagong ortograpiya, ang paraan ng panghihiram ng salita sa mga wikang banyaga,gayang Espanyol, Ingles, Pranses, Hapones, at Tsino, ay sinisikap lapatan ng mga panuto kung paano isasakatuparan nang sa gayon ay mapabilis ang pag-angkin ng mga salitang hiram at makatulong pagkaraan sa pagpapalago ng korpus ng Pangasinan.

Mapapansin kung gayon na ang paraan ng panghihiram sa Espanyol sa panig ng Pangasinan ay hindi nalalayo kung ihahambing sa ginawang paraan ng panghihiram ng banyagang wika sa makabagong ortograpiyang Filipino. Ginawa ito upang mapabilis at mapagaan ang panghihiram, at nang maiwasan ang arbitraryong paraan ng pagbabaybay na walang masinop na batayan. Makikita ito sa adaptasyon ng kambal-patinig, diptong, triptong, pagsisingit ng katinig na \y\ o \w\ kapag nauuna ang mahihinang patinig na \i\ at \u\ sa malalakas na patinig na \a\, \e\, at \o\. Ang paraan ng panghihiram sa Espanyol ay isinaalang-alang din ang bigkas na \ng\,gayasa “konggreso” [congreso], “bángko” [banco], at engkanto [encanto]. Tinimbang din ang pagkaltas sa \h\ o \u\ sa orihinal na Espanyol kapag hindi binibigkas, gaya ng sa “arina” [harina], “asyenda” [hacienda], at “elado” [helado], o kaya’y “eskirol” [esquirol], “eskema” [esquema], “keso” [queso].

Ngunit higit pa rito, maraming hispanisadong salita sa Pangasinan, na kahit ang mga pangalan ng bayan ay nasusulat pa rin sa sinaunang pagbaybay. Halimbawa na rito na “Balungao” [balunggáw, na binibigkas kung minsan na ba·lú·ngaw], Calasiao [kalasyáw], Laoac [láwak], Malasiqui [malasikí], at Manaoag [manáwag]. Maraming natuklasan dito si P. Immanuel Sison Escano, na bilang alagad ng Simbahan at eskolar sa wikang Pangasinan, ay maglilitanya ng samot-saring salitang taal sa Pangasinan na hispanisado ang pagkakasulat, at nagbabanta ngayong gumawa ng modernong diksiyonaryo, bokabularyo, at tesoro na papalit sagayang kina Lorenzo Fernández Cosgaya, Anastacio Austria Macaraeg, at Mariano Pellicer.

Hindi pangwakas ang mga panuto na ginawa sa Ortograpiyang Pangasinan, at inaasahan ang patuloy na pagbabago habang pinipino ang mga ito. Ito ay dahil ang mga paraan ng panghihiram, halimbawa sa Ingles, ay hindi pa ganap na pulido at napakarami ang paraan ng pagbigkas sa patinig at katinig. Ang mga panuto sa panghihiram sa Ingles ay masasabing pansamantala, habang sinusuri pa ng mga eksperto ang mga mungkahing hakbang sa pagtanggap at pang-angkin ng mga salita. Sa kabilang dako, hindi pa ganap na tapos ang diskusyon sa paggamit ng \i\ sa mga taal na salitang Pangasinan, at ang pag-angkin ng titik \e\ sa mga salitang hiram. Bagaman waring nalutas na ang kaso ng mga titik \o\ at \u\ sa mga taal na Pangasinan, at kung alin ang mauunang lumitaw sa loob ng isang salita, ang panuto hinggil dito ay nangangailangan pa ng karagdagang halimbawa na maaaring hugutin sa mga nalathalang panitikan.

Inaasahang malaki ang maitutulong ng ortograpiyang Pangasinan sa pagpapaunlad ng panitikang Pangasinan at pagsasalin ng mga tekstong banyaga. Magiging gabay ito sa pagpapalathala ng mga susunod na akda, kaya kinakailangan ang pagsasanay sa panig ng mga editor at manunulat. Ang produksiyon ng mga akdang Pangasinan ay isang usaping nangangailangan ng bukod na talakay, at marahil inuman, ng mga tarikang dalubwika, manunulat, at editor. Idiniriin lamang dito na kung may magiging padron ng paraan ng pagsusulat, panghihiram, at pagsasalin ng mga salita, ang padrong ito ay dapat aktibong pakialaman ng mga manunulat at editor, at panghimasukan ng madla bilang aktibong kritiko at konsumidor ng mga akdang pampanitikan. Sa ganitong paraan, ang madla ay hindi nagiging pasibong tagasagap lamang ng mga salita o obra ng mga manunulat. Ang madla ay posibleng maging aktibong tagapag-ambag sa pagpapalago ng panitikan, at matututong tumutol lumunok ng mga patakbuhing kathang popular, at kung pumuri may ay maaasahang magtataglay ng maselang panlasa at matayog na kamalayán.

Makabubuting pahalagahan ng buong lalawigan ang pagsisikap na bumuo ng Ortograpiyang Pangasinan. Sa pamamagitan nito, mahuhutok maging maláy at maingat ang mga mag-aaral, bukod pa ang mga manunulat, mananaliksik, at editor, hinggil sa mga katangian ng mga salitang taal, hiram, balbal, jargon, siyentipiko, bagong-likha, at iba pa. Magkakaroon ng padron sa pagsulat, ispeling, bantas, at bigkas, na sa paglipas ng panahon ay magtatampok nang malalim at malawak sa kaakuhan ng Pangasinan hindi lamang bilang pook bagkus isang kabihasnan. Ang pagpapahalaga ay maaaring magsimula sa mismong paggamit ng wikang Pangasinan sa mga pang-araw-araw na komunikasyon, mulang pamilya hanggang diyasporang Filipino saanmang panig ng mundo. Magkakaroon pa ito ng suhay dahil ang pambansang adyenda ng administrasyon ni Pang. Benigno S. Aquino III ay nakatuon sa paglinang ng mga wikang panrehiyon tungo sa pagpapalakas ng pambansang wikang Filipino, habang bukás sa mga pagbabago sa internasyonal na ugnayang gagamit sa Ingles at iba pang banyagang wika. Ang mithing ito ni Pang. Aquino ang mithing nais lagyan ng laman at buto ng Komisyon sa Wikang Filipino.

Makasaysayan ang pagpupunyagi sa Ortograpiyang Pangasinan sapagkat aktibong nakilahok si Gob. Amado T. Espino Jr. sa pamamagitan ng pag-aabot ng ayudang pinansiyal at moral sa pangkat. Kung hindi dahil sa butihing gobernador, posibleng nabalam pa ang pagbubuo ng ortograpiya dahil napakahirap tipunin ang mga dalubwika, edukador, manunulat, editor, at kritiko sa isang pook upang pag-usapan ang wikang pambihira ang pahiwatig at pakahulugan. Dapat ding pasalamatan sina Panlalawigang Administrador Rafael F. Baraan at Punong Panturismo Maria Luisa A. Elduayan na pawang walang sawa sa pagsubaybay sa pangkat, at nagbuhos ng panahon at pagod para maisakatuparan ang lunggati sa wika.

Sa dakong huli, ang tagumpay ng ortograpiya ay nasa palad ng mga Pangasinense. Kung hindi gagamitin, lilinangin, at palalaganapin ng mga Pangasinense ang Pangasinan sa loob ng lalawigan o sa iba pang panig ng kapuluan kung hindi man sa ibayong sa ibayong-dagat, ang Pangasinan ay nakatadhanang mamatay. Kaya hinahamon ang lahat na makilahok sa proyektong ito. Hinihimok ang bawat isa na magpukol ng mabibigat na puna at mungkahi, nang maisaalang-alang ng mga dalubwika at mailahok bilang makabuluhang panuto, susog, at tala sa susunod na Modernong Ortograpiyang Pangasinan.

Pananaliksik at Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino

Maitutumbas sa nakasisindak na nilalang ang salitang “saliksik” [research] dahil hindi ito maihuhugis sa guniguni nang napakadali, at maraming pagdulog ang maisasagawa upang maunawaan ito alinsunod sa pangangailangan at hinihingi ng panahon. Nag-iiwan ng pangamba sa mananaliksik ang anyo ng saliksik hindi lamang dahil masalimuot ang daan tungo rito, bagkus kinakailangan ng mananaliksik ang sapat na karanasan, karunungan, lakas, at pasensiya upang matuklas at maunawaan ang hinahanap. Para mapawi ang pangamba sa pananaliksik, kinakailangang alamin kung anong uri ng hayop ito, wika nga. Kinakailangang matutuhan ninuman ang paraan kung paano mag-isip at kung paano tatanawin ang kaligiran kung hindi man daigdig, nang sa gayon ay mabatid kung paano makapaghahawan ng landas at makapaglalagay ng muhon para pagsumundan ng mga darating pang mananaliksik.

Isang katangian ng saliksik ang pagdaan sa proseso, at maaaring simulan sa pagtatanong at pag-uusisa. Ngunit ano ang itatanong, lalo kung may kaugnayan sa wika at panitikang Filipino? Makabubuting simulan ang pambungad na pagbabasa hinggil sa mga akda ng isang manunulat, halimbawa, at mula rito ay matatantiya kung dapat ipagpatuloy ang pananaliksik. Kinakailangang pag-isipan ang tanong—na batay sa umiiral na datos—at kung paano ito isasakataga, nang sa gayon ay maitakda ang saklaw at lalim ng saliksik, at haba ng panahong ilalaan doon. Sa pagbuo ng tanong, kinakailangan ng mananaliksik na timbangin ang pagiging patas [obhetibo] at ang pagtanaw sa kung saang panig [subhetibo], ayon sa kayang mailahad ng datos. Dapat ding magpasiya siya kung kalitatibo (mapaglarawan) o kantitatibo (mapagbilang) ang pag-aaral, bagaman sa ilang pagkakataon ay pinagsasanib ang dalawa nang matimbang ang isang anyo kaysa isa pa. Hahaba pa ang pagsisiyasat kung idurugtong dito ang papel ng Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino—na mahalagang sangay ng Komisyon sa Wikang Filipino—upang matupad ang itinatadhana ng Saligang Batas 1987 na gawing makatotohanan ang Filipino bilang wikang pambansa at Batas Republika 7104 na lumilikha sa KWF para sa gayong layunin.

Dapat taglayin ng mananaliksik ang iba pang katangian, gaya ng kasanayan sa pagtatala o pagsusulat at matalas na pang-unawa sa bagay na binabása o pangyayaring pinag-aaralan. Ang ganitong mga katangian ay hindi likás, bagkus napag-aaralan sa paglipas ng panahon, hanggang ang mananaliksik ay makadiskarte alinsunod sa pangangailangan ng saliksik. Yamang kalitatibo ang karaniwang uri ng pananaliksik na ginagamit sa panitikan, kinakailangang lisâin ang listahan ng mga literatura. Makabubuti kung gayon na sa talaksan ng mga aklat ay makabuo ng mga haliging pagsisimulan, at maaaring ito’y aklat hinggil sa kasaysayang pampanitikan, antolohiya ng tula o katha, mga teorya o pagdulog sa pagbasa, salungatang kritika ng mga dalubhasa, at katalogo ng mga pangalan at akda sa isang larang. Sa panig ng mga wika, ginagamit ang paraang kantitatibo, halimbawa na ang pag-eeksperimento sa isang buong klase na binubuo ng 50 katao, na bibigyan ng kaalaman at kasanayan upang pagkaraan ng takdang panahon ay tasahin ang resulta ng kanilang mga pagsusulit batay sa kanilang dinaanang leksiyon. Sa ganitong kalagayan, makabubuting mag-aral ang mananaliksik hinggil sa estadistika, paglikom ng datos sa paraang patas at walang manipulasyon, pagtitiyak na ang kinuhang bilang ng kalahok ay representante sa buong populasyon, at iba pa. Higit sa lahat, kinakailangan ang konsultant sa interpretasyon ng resulta ng pananaliksik nang sa gayon ay magabayan ang mananaliksik sa kaniyang ginagawa.

Mangangapa ang sinuman sa pagtatanong kung hindi niya alam ang teritoryo na kaniyang hinahanap. Sa panig ng panitikan, kinakailangang balikan ang mahabang kasaysayan ng panitikang palimbag, halimbawa sa Tagalog o Iluko, at mula rito ay maaaring pag-aralan ang kasaysayan ng katutubong panitikan sa isang takdang panahon, na lumikha ng angking kumbensiyon at pamantayan, at nakapag-ambag sa pagpapalago ng wika, guniguni, at pagkatha, na hindi maitutulad noong panahong nasa dahon, buho, palayok, at batuhan ang mga titik at larawang nagtatala ng kasaysayan. May mga deskriptibong pag-aaral naman, halimbawa sa mga epikong bayan, na inuugat ang mga dalumat at pananaw sa daigdig ng mga tauhan, at pinag-aaralan kung paanong ang mga penomenon o pangyayari ay humuhubog sa katauhan ng persona at sa kaniyang pagpapasiya. Hinuhugot din sa mga epikong bayan ang mga arketipong hulagway, halimbawa, na ang “bayani,” “asawa,” “anak,” “bayan,” “tubig,” “lupa,” “hangin,” “simoy,” “bathala,” “gamot,” at “kamatayan,” at sa pamamagitan nito’y naipapaliwanag ang mga sagisag at pahiwatig na pawang nabuo ng lipi na may kolektibong kubling-malay, kung hihiramin ang dila ni Carl Jung. Sa pag-aaral ng arketipo’y hindi kinakailangang limitado sa sinabi lamang ni Sir James Frazer, bagkus magagamit kahit ang mga akda nina Isabelo de los Reyes, Honorio Lopez, at E. Arsenio Manuel, at ang pagdalumat ng gaya nina Ernesto Cubar, Reynaldo Ileto, at Florentino Hornedo. Samantala, ang pag-aaral sa panig ng wika ay nakasalalay sa mga pagbabalik sa mga limbag na panitikan, diksiyonaryo, tesawro, sanaysay, kasaysayan, at iba pa. Ang paglago ng korpus ng wika ay maisasailalim sa pag-aaral na purong lingguwistika (papaloob), o kaya’y sosyolingguwistika (papalabas).

Ang mahirap sa panitikan ay hindi maitutumbas ito nang isa-sa-isa sa mga pangyayari sa kasaysayan, dahil may bukod itong kasaysayan sa kanonigong kasaysayan ng bansa. Bagaman ang panitikan ay posibleng maapektuhan ng ilang matingkad na pangyayari sa lipunan, gaya ng digmaan, salot, kalamidad, at tagsalat, at mula rito’y gagamit ng mga hulagway o tauhang nagmula sa naturang pangyayari ang mangangatha o makata, ang panitikan ay hindi direktang salamin ng realidad. Dahil kung gayon, inuulit lamang nito na parang sirang plaka ang realidad at hindi na pinanghihimasukan pa ng guniguni. Lumilikha ng sariling realidad ang panitikan; at ang pagtatakda ng panahon ng pagkauso ng isang estilo o paksa o teorya ay hindi maikakahon sa isang takdang panahon; at mahirap masukat kung gaano kadominante ito maliban kung maisasagawa ang malawakang imbentaryo ng panitikang nailimbag sa nasabing panahon. Maaaring magpabalik-balik ang uso o estilo alinsunod sa nais ng mangangatha o makata, at sa hinihingi ng madlang mambabasa. Ang maisasaad lamang ay ang paglitaw ng ilang matingkad na akdang maaaring sumasalungat sa kumbensiyon, at nagtatakda ng muhon ng pagbabago, at ito ang pagsisimulan ng modernisasyon na pinalalawig ng mahuhusay na manunulat.

Habang pinag-aaralan ang peryodisasyon ng panitikan, mapapansin na lumilikha ang mga teoriko ng mga haka-haka, pagdulog, at teorya kung paano babasahin ang gayong panitikan. Ang peryodisasyon ay posibleng kumiling sa kanonigong kasaysayan ng lipunan na bukod sa kasaysayang pampanitikan; o kaya’y bumatay sa binuong kasaysayang pampanitikang tumanyag ang mga manunulat o akda sa isang takdang panahon. Makabubuting maláy ang mananaliksik hinggil sa ganitong pangyayari, at nang sa gayon ay magawa niya ang nararapat para makamit ang layunin ng pananaliksik.

Mahaba ang panahon ng pananaliksik na iniuukol sa pag-alam ng kasaysayan ng panitikan sa lokal o pambansang antas, at karaniwang nagpapasiya na lamang huminto ang mananaliksik kapag napiga na niya ang halos lahat ng posibleng literatura na maaaring balikan, at mistulang kumbensiyon na lamang ang natitira. Ang pag-aaral ng panitikan ay hindi kronika ng mga pangyayari; bagkus pag-aaral sa mga importanteng sibol na lumikha ng kilapsaw na pagkaraan ay naging daluyong sa pana-panahon at siyang magtatakda ng pagkabukod ng isang anyo ng panitikan sa iba pang anyo ng panitikan. Sa madali’t salita, lumilikha ang teoriko ng isang lente, at ang lenteng ito ay hindi pangwakas, dahil maaaring lumabo o mabasag o baguhin o ipawalang-bisa, at palitan ng higit na modernong lente ng pag-arok at pagpapaliwanag ng panitikan. Dapat banggitin na sa pag-aaral ng kasaysayan ng panitikan ay hindi nangangahulugan ng paglikha ng teorya o pagdulog ang laging pangwakas na resulta. Pinag-aaralan ang kasaysayan ng panitikan, at ang peryodisasyon nito, para mailugar nang tumpak ang mga akdang pampanitikan at hindi basta mabansagan o matatakan ng mga taguring inangkat sa kung saang lugar.

Panitikang palimbag

Kapag sinabing panitikang palimbag, tinutukoy dito ang lahat ng posibleng teksto na matatagpuan sa loob at labas ng aklatan, at dito maaaring magsimula. Makagagamit ng mga elektronikong aklatan, ngunit ang pinakamahalaga ay matukoy ang lahat ng publiko at pribadong aklatan at puntahan iyon at doon magsaliksik. Kaya maisasaalang-alang sa puntong ito ang mga pangunahin at sekundaryong sanggunian, at sa panitikan, ang pangunahing sanggunian ay ang orihinal na teksto at ang awtor (kung buháy pa siya) na maaaring pagbunsuran ng multi-disiplinaryong pag-aaral kung ituturing na ang panitikan ay kaugnay ng lipunan kahit pa sabihing may sariling realidad ang panitikan na bukod sa realidad ng lipunan. Mahirap pag-aralan ang isang kalipunan ng mga tula ng isang makatang Tagalog, halimbawa, at upang magkaroon ng idea kung ano ang testura niyon ay kinakailangang balikan ang ilang opinyon ng mga kritiko at istoryador na sumuri sa mga tulang naroroon, at pag-aralan ang konteksto ng mga dalumat [konsepto] na inilahok ng makata sa kaniyang tula.

Masasabing limitado pa ang pag-aaral sa panitikang Filipinas, partikular sa tula at katha, kung isasaalang-alang ang mga kasaysayang pampanitikang sinulat halimbawa nina Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaseda, Iñigo Ed. Regalado, Clodualdo del Mundo, Teodoro A. Agoncillo, Ildefonso I. Santos, Bienvenido Lumbera, Resil Mojares, Virgilio S. Almario, Damiana I. Eugenio, Gemino H. Abad, Soledad S. Reyes, Isagani R. Cruz, Andres Cristobal Cruz, Rolando B. Tolentino, at Galileo S. Zafra. Sa pag-aaral ng panitikan at wikang Tagalog, magiging bunsuran ang mga sinaunang tula, gaya ng salawikain at bugtong, at maaaring idugtong sa pagbabalik sa mga sinaunang alamat at mito na nakapahiyas sa mga epikong bayang pahimig na isinasalaysay ng isang makata. Kailangang pag-aralan din ang mga sinaunang salin sa Tagalog, ang mga katon (na panimulang pagsasabatas ng ortograpiyang Tagalog batay sa panuto ng Espanyol), at ang mga sinaunang diksiyonaryo at tesawrong nalathala na pawang may mga lahok na patungkol sa tula at katha. Maibibilang dito ang Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Jose de Noceda at Pedro Sanlucar. Pagsapit ng siglo 20, hindi matatakasan ang paglaganap ng Ingles, ang paghina ng Espanyol, at ang paglakas ng Tagalog bago sumapit ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Lumalago o nabubura ang wika habang lumalaon, at mababatid ito sa mga publikasyong nalalathala sa pana-panahon.

Ang ganap na paglisa sa mga panitikan, halimbawa sa Tagalog, ay makatutulong sa pagbuo ng isang teorya ng pagbasa. Halimbawa, nabuo lamang ni Almario ang konsepto ng “balagtasismo” at “modernismo” matapos pag-aralan ang mga bokabularyo at diksiyonaryong gawa ng mga Espanyol, at ang antolohiya at indibidwal na koleksiyon ng mga tula ng mga makatang Tagalog bago at pagsapit ng siglo 20. Sa panig naman ni Zeus Salazar, nabuo niya ang teorya ng Pantayong Pananaw matapos pag-aralan ang iba’t ibang daloy ng kasaysayan sa loob at labas ng Filipinas, at tuklasin sa pambihirang interpresyon ang kasaysayan alinsunod sa punto de bista ng Filipino. Sa pananaw nina Anselm L. Strauss at Juliet M. Corbin, ito ang grounded theory, ang teoryang nakatindig sa pundasyon ng datos at impormasyon. Sa kasalukuyang panahon, maaaring balikan ang mga konsepto at konklusyon ni Almario kung ang pag-uuri niya ay dapat ngang tanggapin o palawigin pa; o kung makabubuting lumikha ng isa pang teorya na batay sa ugat ni Balagtas kung hindi man mga epikong bayan. Maaari namang kilatisin ang mga akda ni Salazar gaya ng pagkilatis na ginawa ni Ramon Guillermo hinggil sa paggamit ng wika at katutubong dalumat, at pag-iwas sa napakahigpit na kahingian ng pampolitikang linya.

Kaugnay ng paglusog ng pagpapalathala noong bungad ng siglo 20 ang pagdami ng mga imprenta at publikasyon, at nakatulong ito nang malaki sa paglalabas ng mga diyaryo, magasin, at iba pang maninipis na lathalain—may bahid mang relihiyoso o komersiyal—na pawang nilahukan din ng mga tula, kuwento, nobela, dula, sanaysay, at salin. (Sa Bulakan pa lamang, kung hindi ako nagkakamali’y may mga sinaunang imprenta rito na nagsara na at ngayon ay nasa indibidwal na koleksiyon ng ilang pamilya ang mga lumang teksto at libro na puwedeng hanapin at siyasatin. Maimumungkahing trabaho ng PSWF ang pagbabalik sa mga nagsarang imprenta, at hanapin ang mga sinaunang koleksiyong itinatago ng matatandang pamilya.) Sa mga magasin, ang mga paningit na artikulo ay karaniwang dagli o pasingaw, at sa ilang pagkakataon ay tula o epigrapeng salin mula sa mga akdang banyaga, gaya ng matutunghayan sa Liwayway, Mabuhay Extra, at Sampaguita. Kung isasaalang-alang ang pagbubukas ng Kanal Suez, papansinin ni Almario na nakapag-ambag din ang gayong pangyayari sa malayang kalakalan at mabilis na paglalayag patungo at pabalik sa Ewropa para lalong sumigla ang panloob na paglalathala sa Filipinas.

Dahil sa dami ng mga lathalain, lumitaw ang isyu ng estandarisasyon ng mga ispeling, bantas, paggigitling, pag-uulit ng salita, pagtitipil, kambal-patinig, tumbasan, pagpapakahulugan, palaugnayan, at iba pa na kung susumahin ay mauuwi sa ortograpiya at retorika sa Tagalog. (Malaki ang papel ng mga organisasyong pampanitikan o pangwika, gaya ng Aklatang Bayan, Ilaw at Panitik, at Panitikan, at ang mga samahang ito ang magbabakbakan kung sino ang dapat tanghaling awtoridad.) Ang usapin ng kasinupan sa ispeling at gamit ng salita ang pupuwingin ni Dionisio San Agustin para baguhin ang namamayaning kalakaran o komersiyalismo sa mga lathalain. Si San Agustin ang dating pangulo ng Aklatang Bayan, at isinaad ang kaniyang banat sa introduksiyon sa saling nobela ni Gerardo Chanco, at siyang tinalakay din nang pana-panahon sa kani-kaniyang kolum nina Lope K. Santos, Iñigo Ed. Regalado, Severino Reyes, Jose Corazon de Jesus, Florentino T. Collantes, at Amado V. Hernandez. Ang mga editor ng isang lathalain ay karaniwang may estilo ng pagsulat at ispeling, at maaaring taliwas sa ipinalalaganap ng mga dalubwikang gaya nina Balmaseda, Regalado at Santos. Ang tatlong batikang manunulat ay magtatakda ng muhon sa ortograpiya sa Tagalog nang mahirang silang mamuno sa Surian ng Wikang Pambansa (SWP) na higit na kilala ngayon bilang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Pambansang patakaran sa panitikan at wika

Binanggit ko ang mga pangyayaring ito dahil kaugnay ang mga ito ng pagsilang ng SWP na isinabatas noong 1937 ngunit naging epektibo lamang noong 1939. Alinsunod sa Batas Komonwelt Blg. 184 na magpapatibay ng isang pambansang wikang batay sa umiiral sa isa sa mga wika ng Filipinas, binuo ang SWP na pinamumunuan ni Jaime C. de Veyra. Ipinroklama ang “pambansang wika” batay sa Tagalog sa bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 noong 1937. Naging makapangyarihan pa ang SWP nang pagtibayin ang Batas Komonwelt Blg. 333, na inemyendahan ang Batas Komonwelt 184, dahil sa sumusunod: una, lahat ng pasiya ng SWP na pagtitibayin ng Pangulo ng Filipinas “ay magiging pamantayang pampanitikan sa lahat ng opisyal na publikasyon at teksto sa mga paaralan”; at ikalawa, ang SWP ay “may kapangyarihang ituwid, o baguhin ang lingguwistikong anyo at pahayag sa alinmang teksbuk na nasusulat sa pambansang wika na layong pagtibayin bilang opisyal na teksto sa mga paaralan,” alinsunod sa pagsang-ayon ng Pangulo.

Kung papansinin ay sadyang mabigat ang tungkulin ng SWP na maging taliba ng wika. Magpupulong ang mga manunulat, editor, at edukador noon pa mang 1937, at isa si Regalado na masisipag na kritikong maglalabas ng listahan ng mga salitang ginagamit sa panunuring pampanitikan. Magiging haligi sa mga gawain nito ang paglalathala ng A Tagalog-English Vocabulary at Ang Balarila ng Wikang Pambansa noong 1940. Masusundan pa ito ng pagbubuo ng ortograpiyang Tagalog [i.e., Filipino] na babaguhin nang pitong ulit: 1938, 1946, 1960, 1976, 1987, 2001, at 2009. Problematiko noon kahit ang pag-aaral ng ortograpiya sa Tagalog dahil ang mismong wika ng pag-aaral ay nasa Espanyol kung hindi man Ingles. Halimbawa nito ang Las Particularidades de la Pronunciacion Tagala y su signalizacion Ortografica (1938) ni Jose R.A. Reyes; Preliminary Studies on the Lexicography of the Philippine Languages (1938;1940), nina Jaime C. de Veyra, Cecilio Lopez, at Felix S. Salas Rodriguez, atbp.; at Tagalog Phonetics and Ortography (1940) nina Trinidad Tarrosa Subido at Virginia Gamboa-Mendoza.

Hindi purong lingguwistika nag-ugat ang SWP. Pundasyon noon ng SWP ang mga panitikan, partikular ang panitikang Tagalog,  kaya masigla ang paglalabas noon ng mga aklat, polyeto, chapbook, at iba pang lathalain para maitanghal ang kasaysayang pampanitikan, tula, nobela, dula, sanaysay, at panunuring pampanitikan mulang 1937 hanggang dekada 1970. Ilan sa mababanggit ang maituturing nang klasiko, gaya ng Ang Maikling Kathang Tagalog (1938) ni Fausto J. Galauran; Ang Panulaang Tagalog (1937;1947) at Ang Pagkaunlad ng Nobelang Tagalog (1938) ni Iñigo Ed. Regalado; Ang Dulang Tagalog (1938) ni Severino Reyes (alyas Lola Basyang); Ang Tatlong Panahon ng Tulang Tagalog (1938;1947) ni Julian Cruz Balmaseda; Duplo’t Balagtasan (1948) ni Teodoro E. Gener; Ang Pelikulang Tagalog (1938) ni Teodoro Virrey; Ang Dulang Pilipino (1947) ni Julian Cruz Balmaseda, Ang Kundiman ng Himagsikan (1940) ni Antonio J. Molina, at iba pa. Nang mahirang si Ponciano BP. Pineda bilang direktor ng SWP noong 1970, at pagkaraan ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) noong 1987, bago naging Punong Komisyoner nang taong din iyon, itinuring niya na “mahalaga ang papel ng panitikan at pagsasaling-wika” para yumabong ang Filipino at nang makabuo “ng mga bagong salita at kahulugan, parirala at eksperesyon.”

Mapapansin na kahit sa dating balangkas ng organisasyon ng LWP ay bumubuo sa isang dibisyon ang Pagsasalin at Panitikan, na pawang bukod sa Pananaliksik at Pagpapaunlad, Leksikograpiya, Preserbasyon at Promosyon, at Pangasiwaan. Gayunman ang Panitikan ay unti-unting mabubura kahit sa balangkas, at nang maging KWF ang LWP, ang Panitikan ay isinama sa Ibang mga wika (ewfemismo sa mga panrehiyong wika), kaya naging Dibisyon ng Ibang mga Wika at Panitikan. Nagsimulang humina ang poder ng panitikan sa KWF nang manungkulang Punong Komisyoner si Nita Buenaobra noong 1999-2006, at nabigong mapunan ang mga bakanteng posisyon, bukod sa walang malinaw na programa hinggil sa panitikan. Noong 2006-2008, nang manungkulan si Punong Komisyoner Ricardo Nolasco sa KWF, isinagawa ang plano ng reorganisasyon batay sa hinihingi ng Kagawaran ng Badyet at Pangasiwaan. Tinanggal ni Punong Komisyoner Nolasco ang panitikan, at pinanatili lamang ang Pagsasaling-wika. Lumitaw na naging makiling ang KWF sa lingguwistika, at dumupok ang pundasyon nito sa pagkawala ng panitikan. Ang panitikan ang sinisikap ngayong ibalik sa administrasyon ni Jose Laderas Santos, bagaman wala pang malinaw na resolusyong inilalabas ang Lupon ng mga Komisyoner.

Makabubuting malaman ng PSWF kahit ang kasalukuyang balangkas ng KWF upang maikawing ito sa hakbanging pananaliksik na may kaugnayan sa wika at panitikan. Pananaliksik ang gulugod ng KWF, kung babalikan ang Batas Republika 7104, at kung gayon nga, ang pananaliksik ay dapat tumagos sa lahat ng sangay ng KWF sa mga rehiyon. Ang wika ay magiging limitado ang saklaw kung labis na espesyalisado ang pagdulog—na ikayayamot ng madla—at naipagkakait ang mapambuklod na diwain ng panitikan. Sa pag-aaral ng panitikan at pagsasalin, ang pag-aaral ng wika ay lumalawak, at naiuugnay sa iba pang disiplina. Napag-aaralan din ang wika hindi lamang sa simpleng hinihingi ng gramatika, retorika, at palaugnayan, bagkus maging sa iba’t ibang uri ng pagsusulat na maikakabit sa panitikan.

Mga Nabuong Saliksik

            Kinakailangang gampanan ng KWF ang tungkulin nitong magsagawa ng mga pananaliksik, dahil ang mga ito ang gagamitin ng tanggapan ng Pangulo ng Filipinas o ng kapuwa Mataas at Mababang Kapulungan sa pagbuo ng mga pambansang patakaran at batas hinggil sa wika. Tanging KWF lamang, sa lahat ng ahensiya o komisyon, ang may mandato hinggil sa pagpapalaganap, pagpapanatili, at pagpapaunlad ng wikang Filipino at iba pang wikang panrehiyon. Kung walang pananaliksik, hindi makalilikha ng matitibay na rekomendasyon ang KWF sa Pangulo, at kahit sa mga ahensiyang gaya ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), Komisyon sa Mas Mataas na Edukasyon (CHED), at Pambansang Komisyon para sa Kultura at Mga Sining (NCCA). Nang buuin ang SWP noong 1937, walang inatupag ang mga kasapi nito kundi magsagawa ng mga pagdinig, sarbey, konsultasyon, at pag-aaral kung aling wika ang karapat-dapat maging batayan ng wikang pambansa. Nang manungkulan si Ponciano BP. Pineda bilang direktor ng SWP at LWP noong 1970-1999, ipinagpatuloy niya ang pagsasagawa ng mga pambansang sarbey at saliksik pangwika. Ang resulta ng mga saliksik ay ginawang batayan sa rekomendasyon sa Pangulo, at ginawang patakarang pambansa, gaya ng Patakarang Bilingguwal sa edukasyon, alinsunod sa itinatadhana ng Saligang Batas 1973 at 1987.

Sa 71 taon ng pag-iral ng KWF, nakapagsagawa ito ng mga pag-aaral sa wika at panitikan at iba pang larang, at pawang isinaaklat. Kabilang sa mga bokabularyo nitong nalathala ang Akean (Aklanon), Bikol, Cuyunon, Hiligaynon, Ibanag, Ilokano, Kapampangan, Magindanawon, Maranaw, Tausug,  Waray, at Yakan. Bukod pa rito ang mga diksiyonaryong binuo sa mga wikang gaya ng Chavacano, Filipino, Ibanag, Ingles, Kapampangan, Magindanawon, at Samar (Leyte), at sa mga larang na gaya ng batas, hanapbuhay, kalusugan at medisina, kasarian, komunikasyong pangmadla, militar, at iba pa. Kung hindi man bilingguwal ay trilingguwal ang diksiyonaryo. May diksiyonaryo nang natapos sa Pangasinan ngunit hindi pa inilalathala. Lumikha rin ang KWF ng mga manwal, gaya sa Korespondensiya Opisyal, Pagsasalin, at Pormularyong Pambatas, na maaaring paunlarin pa ngayon at sa darating na panahon. Bagaman mapupuwing ang pag-edit ng diksiyonaryo, bokabularyo, at tumbasan, makatutulong pa rin ang mga ito sa pangkalahatan sa pagtatala ng mga salita.

Pakikinabangan din ng DepEd at CHED ang mga antolohiya ng KWF, dahil sumasaklaw iyon sa mga epiko, kuwento, alamat, tula, at dula. Kabilang dito ang mga alamat ng Bagobo, Manobo, Molbog, Palawan, at Tarlakenyo; ang mga awiting-bayan ng Panay at Pangasinan; ang mga modernong literatura ng Hiligaynon at Sugbuanon; at ang mga antolohiya ng tula at sanaysay mula sa Timpalak sa Tula at Sanaysay na Talaang Ginto. Sa ngayon ay inihahanda na ang paglalabas ng mga alamat at kuwentong Meranaw, na nasa orihinal na wikang Meranaw at tinumbasan ng modernong salin sa Filipino. Ang mga nasabing koleksiyon ay mayamang malig ng pag-aaral, at kung gagamitin lamang ng bawat PSWF ay maaaring mapaunlad pa ang paraan ng pananaliksik, ang pagdulog sa muling pagsasalaysay, at ang pagsasaayos ng mga ilalahok sa antolohiya, at iba pa.

Mapapansin sa mga gawaing ito na ang tungkulin ng KWF hinggil sa pananaliksik ay hindi lamang para makabuo ng patakarang pangwika. Sangkot din ang KWF sa aktibong produksiyon, pagsasalin, at pagpapalaganap ng panitikang mula sa rehiyon at sa tulong ng PSWF, at ang mga panitikang ito na iniangat sa antas na pambansa ay hinubad ang dating katauhang panrehiyon para matanggap ng buong Filipinas. Kung isasaalang-alang ang penomena na hatid ng komputer, internet, at networking, halos walang hanggahan na ang magtatakda sa kayang ihatid ng wika at panitikang Filipino. Sa mga pook na gaya ng WordPress, ang Tagalog at Filipino ay halos walang ikinatangi sa isa’t isa, maliban sa pangyayaring mas marami ang mga blogistang nasa Tagalog imbes na sa Filipino. Sa ibang social networking site, gaya ng Facebook, Filipino ang taguri sa wika bagaman may tumatawag pa ring Tagalog ito. Upang ganap na mapag-aralan ang wikang Filipino sa internet, isang pag-aaral ng mga kabataang eksperto sa komputer sa UP-Diliman ang lumikha ng Web Crawler para suyurin ang buong cyberspace sa mga salitang Filipino at Tagalog sa loob ng limang taon, at siyang makatutulong sa pagpaplanong pangwika ng kasalukuyang administrasyon.

Sa panig ng PSWF ng Bulakan, makabuting isaalang-alang ang mga pag-aaral na ito. Maaaring lumahok ang PSWF sa mga proyektong pagsasalin, at ang pagsasalin ay mulang mga klasikong banyagang akda tungo sa Filipino. Ngunit bago gawin ito ay kailangang balikan ang mga dating salin, nang maiwasan ang repetisyon at pagsasayang ng pondo. Sa mga eksperto sa komputer ay puwedeng mag-eksperimento ng mga programa para sa pagsasalin at pagbubuo ng database ng mga akdang sinulat ng mga Bulakenyo at hinggil sa Bulakan. Malawak ang posibilidad, at kinakailangan lamang na hanapin ang mga puwang na dapat pag-aralan.

Paraan ng pagdulog

May apat na paraan na maaaring gawin ang PSWF, halimbawa sa Bulakan, hinggil sa mga puwedeng maging tunguhin ng pananaliksik nito. Una, pagtuonan ang Bulakan bilang pook na pagdudukalan ng mga saliksik at maaaring magsimula sa bukal ng impormasyong taglay ng Bulacan State University. Ikalawa, pag-aralan ang mga panitikang isinulat hinggil sa Bulakan, at pawang isinulat ng mga taal na Bulakenyo, ng mga dayong residente at iba pang tao. At ikatlo, pag-aralan ang natatanging anyo ng wika (at diyalekto kung mayroon man) ng buong Bulakan, at itambis o ihambing ito sa iba pang anyo ng Tagalog na lumalaganap sa mga lalawigang Bataan,  Batangas, Laguna, Metro Manila, Nueva Ecija,  Palawan, Quezon, at Rizal. Sa kabilang dako, ang pag-aaral ng Tagalog ay maaaring iugnay sa lumalaganap na Filipino—na nahahaluan ng Ilokano, Kapampangan, Pangasinan, Zambal, at iba pang wika— at dapat alamin kung ano ang linyang humahati sa dalawa kung mayroon man sa konteksto ng Bulakan. At ikaapat, magsikap na maging imbakan ng datos hinggil sa panitikan at wikang Tagalog.

Mahalaga ang mga nalathalang panitikan hinggil sa Bulakan, at maihahalimbawa ang mayamang paggamit ng alusyon dito ni Florentino T. Collantes sa kaniyang mga nobelang gaya ng Barasoain: Baras ng Suwail (1929) at Ang Lumang Simbahan (1928), at mala-epikong Ang Tulisan (1936). Mapag-aaralan din ang mga arketipong ginamit ni Jose Rey Munsayac, halimbawa sa kaniyang nobelang Ang Aso, Ang Pulgas, Ang Bonsai, at ang Kolorum (2000); at sa mga tula nina Teo T. Antonio, Lamberto E. Antonio, Rogelio G. Mangahas, Ariel Dim. Borlongan, at higit sa lahat, Rio Alma na gumamit ng mayamang malig ng Bulakan upang itanghal sa pambansa at pandaigdigang panulaan at nagpayaman sa wikang Filipino sa kabuuan. Kahit ang mga akda ni Francisco Balagtas, na taal sa Bulakan, ay mapag-aaralan sa pamamagitan ng makabagong programang pangkomputer, alinsunod sa testura ng Tagalog nito.

Hindi ko sinasabing sa panitikan lamang mahuhugot ang pag-aaral ng wika ng Tagalog-Bulakan. Bawat lárang sa Bulakan ay bukál ng kaalaman, at maibibilang dito ang mga termino sa pagsasaka, pag-aalahas, pamimista, paglalala, pagbuburo, pagmimina, pangingisda, pagluluto, paghahabi at pagdidisenyo ng damit. Ang kinakailangan lamang ay balikan ang mga ito, at itala ng mga mananaliksik. Sa pagtatanong sa mga impormante, kinakailangang maturuan ang mga estudyante kung paano pumukol ng tanong, nang hindi nawawala ang pagiging obhetibo sa paksa. Kinakailangang mapag-aralan nang maigi ang pagtiyak sa katumpakan ng mga impormasyong nagmumula sa mga impormanteng galing sa ibaba, at taliwas sa awtoridad na nagmumula lamang sa mga edukado’t maykayang uri. Malaki ang maitutulong sa pag-aaral ng lokal na kasaysayan, gaya ng pinauuso ni Jaime Veneracion, na sumulat ng kasaysayan ng Bulakan sa pamamagitan ng pagkasangkapan sa datos mula sa iba’t ibang larang, at hindi lamang bumatay sa mga tala ng frayleng Espanyol.

Dahil limitado sa pondo ang PSWF, maaaring ipokus nito ang lakas sa dalawa o tatlong programa lamang, na maaaring kaugnay ng panitikan, leksikograpiya, lingguwistika, at pagsasalin. Halimbawa, puwedeng magtuon sa deskriptibong pananaliksik sa mga nobela ni Bienvenido A. Ramos, at maaari siyang dalawin sa Santo Cristo at doon siya kapanayamin. Sa pag-aaral kay Ramos, maaaring biyakin ang pag-aaral sa pagiging nobelista at kuwentista niya, sa isang panig; at sa pagiging makata, sa kabilang panig. Ang pag-aaral ay maaaring magtuon sa pagiging kawani niya sa Liwayway magasin, hanggang sa pagiging editor nito sa mahabang panahon noong dekada 1980. Magiging madali ang pag-aaral kung susuriin ang kumbensiyon ng mga nobela at kuwentong nalathala sa Liwayway—na ngayon ay nakaimbak sa UP Main Library at donasyon ni Liwayway A. Arceo—at kung paano naglalaro sa parametro nito si Ramos. Maaaring mapansin ang paulit-ulit na hulagway sa kaniyang mga tauhan, ang dahas at ang sex, ang puri at paghihiganti, at ang pagbawi ng dangal. Mapapansin din ang haba ng kaniyang akda ay umaayon sa kayang ibigay ng publikasyon; at ang akda ay maaaring humaba lalo kung iyon ay ituturing na pantimpalak na gaya ng isinasagawa noon ng Sagisag, Talaang Ginto, at Palanca Memorial Awards for Literature. Sa kabilang dako, ang kantitatibong pag-aaral ay maaaring lumitaw sa paggamit ng programang Simple Concordance at Web crawler at mula rito ay masasala ang mga importanteng salitang lumitaw sa kaniyang mga akda.

Maraming mahuhusay na Bulakenyong manunulat, kaya upang magamit nang mahusay ang yaman ay kinakailangang bumuo ng listahan ng priyoridad. Maaaring magsimula sa krokis ng mga pangalan, nang mabatid ang lakas at impluwensiya ng mga makata, nobelista at kuwentista. Sa paggawa ng krokis ay puwedeng lumitaw ang mga nakakaligtaang manunulat, o ang mga di-kanonigong manunulat, at maaaring sumulat ng mga pag-aaral hinggil sa kanila. Mula sa simpleng deskriptibong pananaliksik ay maaaring kumiling sa pagtuklas ng mga di-gaanong kilalang manunulat na nagtataglay ng pambihirang galing at imahinasyon. Isang magandang halimbawa ang ginawang pag-aaral ni Delfin Tolentino na sumulat ng disertasyon sa buhay at akda ni Benigno Ramos, at naglinaw sa ambag nito sa larangan ng panulaang Tagalog.  Makabubuting maipakilala muli ang mga sinaunang akda sa panibagong lente ng pagsusuri; at sa paggamit ng naiibang teorya o pagdulog ay masisiyasat nang maigi ang kasiningan ng kalipunan ng tula o katha.  Upang magawa ito, kinakailangang sumangguni sa mga umiiral na kasaysayang pampanitikan, at pag-aralang maigi ang mga puwang, singit, at lilignan nito, at mula roon ay makabubunsod sa iba pang pag-aaral na maaaring malikhaing rekonstruksiyon ng guniguni ng manunulat.

Kinakailangan kung gayon na maturuan ang mga estudyanteng kawani ng PSWF, kung mayroon man, kung paano maghahanap ng aspili sa tumpok ng mga dayami. Dahil mahirap ito, kinakailangang matuto ang mga estudyanteng magbasa nang may pag-unawa, tuklasin ang anumang pangangailangan, at maglagom ng mga akda sa pinakamaikli ngunit pinakamahusay na paraan. Hindi makatutulong kung gagawa ng shortcut ang isang kawani. Maimumungkahing basahin talaga ang mga aklat, dahil kung hindi’y paano malalaman, halimbawa, ang testura ng Tagalog ng nobela at katha ni Valeriano Hernandez Peña kung ang babasahin lamang ay ang munting lagom na kinuha mula sa isang websayt o blog? Makabubuting mabatid ang mga tumpak na prinsipyo sa mabilis at epektibong pagbabasa, nang sa gayon ay hindi lamang lumalim ang bokabularyo ng mananaliksik bagkus lumawak din ang kaniyang pananaw at imahinasyon hinggil sa buhay. Kulang na kulang sa mga propesyonal na tagalagom [professional synthesizer] ang Filipinas, lalo pagdating sa panitikang Tagalog o Filipino, at maaaring makatulong ang PSWF sa paghubog ng mga kabataang handa sa gayong trabaho.

Isang malaking problemang kinakaharap ngayon ng mga mananaliksik ang tungkol sa pagsasakatuparan ng pag-aaring intelektuwal. Hindi na basta-basta makapagpapaseroks ang isang estudyante nang hindi nagbabayad ng butaw sa Filcols (Filipinas Copyright Licensing Society) para sa reprograpikong karapatan sa isang sipi. Sa mga tekstong hindi na sakop ng karapatang-intelektuwal, dahil sa maaaring paso na ang pag-aari sa isang akda pagkaraan ng pagkamatay ng manunulat at haba ng panahon ng pagkakalimbag, makabubuting ma-scan o maiseroks ang mga ito nang maging tumpak kapag sinipi na. Maraming pagkakamali ang nagaganap sa pagsipi nang pasulat, at sa mga ordinaryong estudyante ay lumulusot ang mga tipograpikong mali. Kaya kahit ang simpleng pagseseroks at pagtatala sa mga ito ay dapat itinuturo nang tumpak.

Tunguhin sa hinaharap

Panimulang pagdulog pa lamang sa pananaliksik ang binanggit ko rito at siyang kaugnay ng pagpapaunlad ng PSWF-Bulakan. Kung seseryohin ng KWF ang balak nitong desentralisasyon ng mga tungkulin nito tungo sa PSWF, ang PSWF ay dapat maihanda tungo sa pagkakaroon ng sariling mga kawaning may taglay na kasanayan at kaalaman hinggil sa iba’t ibang uri ng pananaliksik. Ngunit masaklap mang aminin, may pagkukulang ang KWF para sa pagbubuo ng patakaran tungo sa pagpapalakas ng PSWF. Ang PSWF ay kontrolado ng isang tao mula sa KWF; at hindi ko alam kung bakit hangga ngayon ay umiiral ang ganitong kalakaran kahit na paulit-ulit kong puwingin sa mga pulong ng Komisyoner.

Maaaring mahirap makapagrekomenda sa pambansang antas ang PSWF, ngunit kung makagagawa ito ng pangmatagalang pananaliksik na may datíng at makatutulong sa pagbabalangkas ng mga panukalang patakarang maisusumite sa Pangulo ng Filipinas, ay mabuti. Makatutulong ang mahigpit na koordinasyon sa iba pang akademikong institusyon sa loob ng Bulakan, ang paghingi ng tulong-pananalapi sa pamahalaang panlalawigan at pambayan, at ang paglapit sa mga pambansang ahensiya sa gaya ng NCCA, DepEd, at CHED. Samantala, bago tumanaw sa malayo ay makabubuting tingnan ang PSWF alinsunod sa partikular na bisyon nito at kaugnay ng bisyon ng KWF. Paano gagawing makatotohanan ang itinatadhana ng Saligang Batas 1987? Paano makagagawa ng panuhay na batas hinggil dito? Mga simpleng tanong ito na masasagot lamang kung magsisimulang magsaliksik ang gaya ng PSWF alinsunod sa hinihingi ng panahon.        

[Binasa ni KWF Direktor Heneral Roberto T. Añonuevo sa Bulacan State University, bilang bahagi ng patuluyang seminar ng Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino-BSU para sa mga estudyante at guro sa Filipino.]   

Ortograpiya at Pagbabago

Gubat na maraming paraan ng pagdulog ang pagbubuo ng ortograpiya, kung ituturing ang wika na lupaing kailangang tuklasin upang mabatid ang paraan ng pagpaloob. Ito ay dahil sinisikap ng ortograpiya na lumikha ng pamantayan at panuto hinggil sa pagbaybay at pagbigkas, at ang bawat titik o sabihin nang pantig, ay tinutumbasan ng natatanging tunog, na kung isasaalang-alang ang Filipino ay maaaring malúmay, maragsâ, mabilís, at malumì. Bukod dito’y isinasaalang-alang sa ortograpiya ang pagsisingit ng gitling, pagtatakda ng malaking titik sa salita, pagsasaad ng paraan ng pag-uulit ng kataga, pagkakabit ng mga panlapi, at iba pa. Ang pagkaligaw sa matalinghagang gubat ay simula ng pagkalito at di-pagkakaunawaan, at ang sinumang may kakayahang makalikha ng sariling landas at makabuo ng mapa, o makagamit ng wika alinsunod sa kaniyang pamantayan na handa namang tanggapin ng ibang tao, ang posibleng maunang manaig.

Bawat wika ay kinakailangang magtakda ng ortograpiya, at ito ang hinihingi ng panahon, nang maisaayos, mapanatili, at mapalaganap ang paraan ng komunikasyon at pagpapakahulugan. Sa isang panig, ang ortograpiya ay nagtatakda ng estandarisadong paraan ng paggamit ng isang sistema ng pagsulat, at ang pagsulat na ito ay magiging tulay para maihayag ng mga tao ang iniisip o nadarama sa pinakamainam na paraan. Kailangang imbentuhin ang ortograpiya nang magkaisa ang mga tao sa paraan ng pagpapahayag, at magsisimula ito kahit sa pagbaybay o pagbigkas. Sa ganitong paraan, inaasahan na magkakaroon ng isang salalayan ng pagkakaunawaan ang mga tao na nag-uugnayan sa pamamagitan ng wika. Sa kabilang panig, nagbubukas ang pagbuo ng ortograpiya ng usapin ng awtoridad at kapangyarihan, dahil hindi maiiwasang itakda ng isang pangkat ang inaakalang pinakamabuti para sa lahat ng gumagamit ng wika.

Hindi madali ang pagbubuo ng ortograpiya dahil nangangailangan ito ng konsultasyon at mahahabang gabi ng pag-aaral. Para itong paglisa sa diksiyonaryo o tesawro, at pagsuyod sa talaksan ng mga katha at tula, upang ang bawat lahok ay matuklas ang identidad at pagsilang. Kasabay ng pagbubuo ng ortograpiya ang produksiyon ng mga akdang pampanitikan, na habang lumalaon ay nagtatakda ng kumbensiyon—na maláy man o hindi maláy na ginawa ng mga manunulat ay nagsisikap umabot sa kaisahan ng diwa—nang magkaroon ng pantay na diskurso ang mga gumagamit ng wika alinsunod sa pambihirang sistema. Inilalatag sa ortograpiya ang mga prinsipyo ng pagbaybay, pagpapantig, pag-uulit, paglalapi, paggitling, pagbigkas, at iba pa, at ang bawat prinsipyo ay kinakabitan ng paliwanag upang maging gabay ng mga gumagamit ng wika, gaya ng editor, guro, at manunulat.

Bumuo noon ang Surian ng Wikang Pambansa (SWP) ng balarila at diksiyonaryo, alinsunod sa atas ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134, at noong 1946 ay inilabas nito ang mga pangunang gabay sa paggamit ng kambal-patinig sa ortograpiyang Tagalog na pinagbatayan ng wikang pambansa. Kinakailangan ito dahil sa masigla ang pagpapalathala ng mga akdang pampanitkan sa mga diyaryo at magasin, at nang magkaroon ng kaisahan ang mga manunulat at editor hinggil sa ispeling ng mga salita. Ang ortograpiyang Filipino na lamang ay dumaan sa anim na yugto ng pagbabago, alinsunod sa itinadhana ng Komisyon sa Wikang Filipino: 1946, 1960, 1976, 1987, 2001, at 2009. Wala pa rito ang panukalang pagbabago na isinulong ng UP Sentro ng Wikang Filipno (UP SWF) at National Committee on Language and Translation (NCLT) ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), na pinauunlad ang bersiyong 1987, 2001, at 2009 ng KWF. Bukod ang konsultasyon na ginawa ng KWF sa ginawa ng UP-SWF at NCLT dahil sinangguni nito ang mga eksperto sa iba’t ibang larang at wika, at napakatagal bago naisaayos ang pangwakas na borador na iniharap sa kapulungang binubuo ng mga dalubwika, lingguwista, edukador, editor, at manunulat. Ilang puntos na nabuo ng UP-SWF at NCLT ay tinanggap ng KWF, samantalang ang ilang prinsipyo na ginawa ng KWF ay sinikap ipaliwanag ng UP-SWF na nabigong ipaliwanag noon ng KWF.

Isang paraan ng pagdulog sa ortograpiya ay paggamit ng banyagang padron at termino upang ipaliwanag ang salimuot ng isang taal na wika, halimbawa sa Pangasinan o Iluko. Maaaring pag-aralan ang Pangasinan o Iluko ayon sa paraan ng pagbuo ng ortograpiyang Ingles o Espanyol, at ito ang magiging sakit ng ulo ng isang karaniwang Pangasinense o Ilokano dahil ang kaniyang wika ay ipinapaloob sa batas, pamantayan, at pagtanaw ng banyagang wika. Ginawa na ito noon ng mga frayle nang baybayin sa panutong Espanyol ang Tagalog na “Ama Namin” at “Aba Ginoong Mariya [sic].” Sa kabilang dako, maaaring pag-aralan ang Pangasinan o Iluko ayon sa sariling pamantayan nito, at makahihiram ng leksiyon sa pagbubuo ng Filipino na hindi malayo sa Pangasinan o Iluko.

Sa kaso ng ortograpiyang Filipino, sinikap ng UP SWF at NCLT na bumuo ng sariling ortograpiya alinsunod sa simple ngunit epektibong paraan, habang gamit ang pananaw ng Filipino sa paggawa ng pamantayan sa bigkas at baybay na pasulat. Gayunman, laging nasa isip nasa sa isip ng dalawang pangkat na iba ang pabigkas sa pasulat na paraan, at ito ang isinaalang-alang sa pagbuo ng mga panuto. Pinag-isipang maigi ang mga panuto sa panghihiram ng Espanyol, Ingles, Pranses, at iba pang wikang banyaga, at kung paano ipapaliwanag ang bawat kaso na tinatanggap ng mga tao ang isang banyagang wika. Hangga ngayon ay hindi pa kayang maitakda ang hanggahan ng panghihiram, lalo sa Ingles at iba pang internasyonal na wika. Samantala, isinaalang-lang sa mga panuto ang mga gagamit ng ortograpiya, lalo sa mga rehiyon, at maaaring gamitin din sa pagbubuo ng mga panuto ng bawat panrehiyong panrehiyong wika.

Mapadadali ang pagbubuo ng ortograpiya kung patuloy na ginagamit ang wika sa pasulat na paraan, gaya ng mababasa sa mga panitikan. Habang lumalago ang panitikan, ang ortograpiya ay kusang nabubuo at kinakailangan na lamang sinupin ng mga manunulat ang mga panuto. Ang mungkahi ko’y magtipon-tipon nang malimit ang mga eskperto, dalubwika, panitikero, editor, manunulat, at lingguwista upang pag-usapan nang maigi ang mga panuto na itatakda at tatanggapin ng lahat. Ganito ang ginawa dati ng Aklatang Bayan, ang pinakatanyag at pinakamagaling na samahan ng mga manunulat sa wikang Tagalog noong bungad ng siglo 20, upang makabuo ng panuto at makapagpasok ng kabaguhan sa SWP. Kailangang pag-aralan ang wika hindi lamang sa lingguwistikong paraan, bagkus maging sa sosyolingguwistikong pagdulog na posibleng makaapekto sa pagbubuo ng mga panuto. Ang paglilista ng mga salita, sa ganitong paraan, ay hindi bara-bara at tsambahan, at maipagtatanggol ang isang probisyon o panuto alinsunod sa matalino’t makatwirang paraan.

Hindi ko nais agawin ang oras na laan sa diskusyon ng inyong Ortograpiyang Pangasinan. Anumang mabuo ninyo ay tangkilikin nawa ng inyong butihing gobernador at panlalawigang pamahalaan ng Pangasinan, at ipalaganap sa mga Pangasinense saanmang dako sila naroroon. Bumuo ng ortograpiyang Pangasinan, ngunit huwag isiping kalaban ang paglago ng Filipino sa bisyon ng Pangasinan. Maaaring magtulungan ang dalawang wika, at kapuwa mag-ambag sa pagpapaunlad ng kani-kaniyang korpus, at ang pagtutulungang ito ay hindi kailanman matutumbasan ng pagsandig sa pamantayang Ingles.

Mabuhay ang Pangasinan, at isang karangalan ang makahalubilo ang mga batikang Pangasinense ng panahong ito.

[Binasa ni KWF Direktor Heneral Roberto T. Añonuevo sa Ikalawang Kumperensiya ng Ortograpiyang Pangasinan na ginanap noong 20 Mayo 2011 sa Capitol Resort Hotel, Lingayen, Pangasinan.]

Papel ng Komisyon sa Wikang Filipino sa Pagpapaunlad ng Kurikulum sa Filipino

Papel ng Komisyon sa Wikang Filipino sa Pagpapaunlad ng Kurikulum sa Filipino: Ugat, Posibilidad, at Panukalang Hakbang

Roberto T. Añonuevo
KWF Direktor Heneral

Umalingawngaw muli ang pangalan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) dahil ipinagdiriwang ngayong taon ang ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag nito, bukod sa kumalat sa merkado ang bagong dalawampung pisong papel na gumugunita sa wikang pambansa. Pagkaraan nito ay parang walang nangyari, at nagpatuloy ang lahat sa kani-kanilang tungkulin o gawain. Kung iisipin nang maigi, mapanganib ang gayong katahimikan. Ang katahimikan ay maaaring senyales ng paghina ng KWF, at lantarang pagpapamalas ng di-pagpansin ng publiko o panlalamig ng Tanggapan ng Pangulo sa mahalagang papel ng KWF sa pagbubuo ng patakarang pambansa hinggil sa usaping pangwikang may kaugnayan, halimbawa, sa multilingguwalismo o pagbubuo ng Filipinong kurikulum.

Makabubuting ipakilala muli ang KWF, at itampok ang tungkulin at pananagutan nito sa sambayanan.

Noong 27 Oktubre 1936, inihayag ni Pang. Manuel L. Quezon sa Unang Pambansang Asamblea ang pangangailangan “sa isang pangkalahatang wikang katutubo na sinasalita ng sambayanang Filipino.”[1] Bagaman maraming wika at diyalekto sa Filipinas, nanatiling Espanyol at Ingles ang opisyal na wika sa komunikasyon at transaksiyon sa gobyerno, negosyo, hukuman, at edukasyon, na pawang nagbunga ng pagkatiwalag ng mga mamamayan sa sariling bansa. Kinakailangang gawin ito ng gobyernong kolonyal at ng mga kabalikat nilang opisyales na lokal upang manatili sa poder sa mahabang panahon.

Payak ngunit mabigat ang pangangailangan sa pambansang wika. Ang wika, ani Quezon, “ang pinakamatibay na ugnayang magbibigkis sa mga tao at magtataguyod ng pagkakaisa ng pambansang lunggati, pangarap, at sentimyento.”[2] Mahihinuhang may pagkilala si Quezon sa lipunang multilingguwal, ngunit napakahalaga ng pambansang wikang inaasahang magiging tulay pagsapit sa mga lalawigan, at kakawing sa pag-uugnayan ng mga tao na nagmula sa kung saan-saang panig ng Filipinas.

Sinubok na noon na gamitin ang Espanyol at Ingles sa edukasyon at gobyerno, ngunit may hinuha ang pangulo na imposibleng maging lingua franca ang naturang dalawang wika pagsapit sa mga lalawigan. Dumating ang sandali na pinili ang Tagalog na maging batayan ng wikang pambansa, matapos ang mahabang saliksik, konsultasyon, at pag-aaral ng mga eksperto. Lumusog ang bokabularyo ng Tagalog nang maging bukás sa iba pang wika sa rehiyon at mga wikang internasyonal sa usapin ng panghihiram, pag-angkop, pagsasalin, at pag-angkin ng salita’t kaugnay nitong konsepto. Ipinamalas din sa mga pag-aaral, gaya ng The Family of Philippine Languages and Dialects [1957] ni Jose Villa Panganiban, at Tagalog-Hiligaynon [1973], Tagalog-Iloko [1972],  at Tagalog-Sebwano [1972] Cognate Words ng Surian ng Wikang Pambansa [Institute of National Language] ang matalik na pagkakahawig ng mga termino mulang ugat na salita, ispeling, pahiwatig, pakahulugan, at bigkas, na pawang hindi masasabi sa panig ng Ingles na tradisyong Anglo-Saxon ang pinagmulan. Sa maninipis na lathalain ng SWP, ilalathala ang Hambingang Pag-aaral ng mga Panlapi sa Tagalog at Samar-Leyte (1970) ni Alfonsa E. Tizon; Hambingang Pag-aaral ng mga Panlapi sa Tagalog at Hiligaynon (1970) ni Epifania M. Militar; at Hambingang Pag-aaral ng mga Panlapi sa Tagalog at Sebuwano (1970) nina Priscilla Dingcong at Epifania M. Militar. Ilan lamang ang mga ito na patunay kung gaano katalik ang ugnayan ng Tagalog na pinagbatayan ng wikang pambansa sa iba pang wika sa rehiyon.

Marahang nakapagpundar ng mga diksiyonaryo, bokabularyo, at antolohiya ang KWF sa paglipas ng panahon. Habang sinusulat ito, nakapagpalathala na ito ng 13 diksiyonaryo, 19 bokabularyo, at 10 antolohiya ng panitikan na pawang naglahok ng mga panrehiyong wikang bukod pa sa Filipino.[3] Kung sisinupin lamang ang mga ito ay malaki ang maitutulong nito sa pagpapalago ng wikang Filipino at ng mga wika sa rehiyon, bukod sa mailalahok sa Filipinong kurikulum. Kapag binalikan ang “Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad sa Batas Republika Bilang 7104 na Lumilikha ng Komisyon sa Wikang Filipino,” kabilang sa mga sangay nito ang sumusunod: 1) Pananaliksik at Ebalwasyon; 2) Leksikograpiya at Terminolohiya; 3) Pagsasalin; 4) Literatura 5) Iba pang mga Wika ng Pilipinas; 6) Pagpapalaganap, Kabatiran at Pagpapalathala; 7) Panlarangang Sentro ng Wika;  at 8)  Pangkalahatang Lingkuran.[4] Hindi kataka-taka kung bakit maraming diksiyonaryo, bokabularyo, at tumbasan ang KWF.

Magbabago noong 2006-2008 ang balangkas ng KWF, alinsunod na rin sa mungkahing pagbabago noong administrasyon ni dating Punong Komisyoner Ricardo Nolasco at siyang isinumite sa Kagawaran ng Badyet at Pangasiwaan (DBM). Maglalaho ang Literatura at iba pang mga wika ng Pilipinas, at higit na maitatampok ang Lingguwistika, Leksikograpiya, Pagsasalin, at Impormasyon at Paglalathala.[5] Magbabago rin ang pangalan ng Panlarangang Sentro ng Wika at magiging Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino (PSWF), na binubuhay ngayon para maging sangay ng pananaliksik sa mga lalawigan. Nalagas ang mga tauhan ng KWF, at ang mga posisyong nabakante ay hindi na napunuan at nailipat sa ibang tanggapan ng gobyerno.

Ang totoo’y salungat sa plano noong administrasyon ni Ponciano Pineda ang plano ng administrasyong Nolasco na alisin ang Sangay ng Panitikan at iba pang mga wika ng Pilipinas sa balangkas ng KWF. Saad nga sa isang lathalain ng KWF, “Sa plano ni Direktor Pineda sa pagpapabulas ng Filipino, mahalaga ang papel ng panitikan at pagsasaling-wika. Ang mga ito ay saklaw ng mga katangiang angkin ng wika na kailangang paunlarin upang yumabong ang Filipino sapagkat sa pamamagitan ng panitikan at pagsasaling-wika ay nakabubuo tayo ng mga bagong salita at kahulugan, parirala at ekspresyon.”[6]

Kung babalikan ang pagsisimula ng SWP, nakasalig ito sa pagpapalathala ng mga kritika at sanaysay hinggil sa katha, tula, at dula na ang ultimong layon ay pataasin ang uri ng panitikang Filipinas sa kabuuan. Pagkalipas ng ilang taon, magbabago ang lupon ng mga direktor o komisyoner ang SWP, at ang dating kiling nito sa panitikan ay malilihis sa lingguwistika.

Patakaran at Programa

Malaki ang kinalaman ng KWF sa pagpapaunlad ng Filipino, lalo sa pagbabalangkas ng mga polisiya mula sa Tanggapan ng Pangulo tungo sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd). Sa mga naging pangulo ng Filipinas, si Manuel Quezon ang primerang nakinabang dahil hinihingi ng panahon, yamang nakapagpapalabas siya ng patakaran sa pamamagitan ng Kawanihan ng Edukasyon alinsunod sa payo ng SWP. Ang dating SWP, sa bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134, “ay inaatasang maglathala ng diksiyonaryo at balarila sa Filipino [na batay sa Tagalog].” Nagkasanga ang dalawang aklat na ito, at noong 1946 ay inilabas ang pangunang gabay sa ortograpiya na likha ng SWP, at nilagdaan ni Esteban Abada na noon ay Direktor ng Edukasyon.[7] Sa puntong ito, nagsisimula na ang mahigpit na ugnayan ng SWP at Kawanihan ng Edukasyon. Apat na ulit pang mababago ang ortograpiya sa Filipino (1960, 1976, 1987, at 2009). Maglalathala rin ng katipunan ng mga idyoma, kuwento, tula, at dula ang SWP samantalang iminungkahing simulang gamitin noong 1940 ang (F)ilipino sa mga piling pitak sa pampaaralang pahayagan alinsunod sa panuto ng lingguwistikang itinadhana ng SWP.[8] Sisimulan din noong 1946 ang pag-eeksperimento na pagbuklurin sa estudyanteng nakauunawa ng Tagalog at hindi taal na Tagalog.[9]

Hindi basta maipapantay lamang ang Filipino sa Tagalog, kahit pa sabihing malaki ang pagkakahawig ng dalawang wika alinsunod sa gramatika, palaugnayan [sintaks], at paglalapi, at siyang idinidikdik ng ilang lingguwista. Dumaan ang Filipino sa pagpapanday, mulang estandarisasyon ng ortograpiya hanggang eksperimentasyon sa retorika hanggang usapin ng politikang pangkultura, partikular sa sosyolingguwistika. Ngunit higit pa rito, ang Filipino ay malinaw na lumago nang ganap ang korpus. May kaugnayan dito ang aktibong pagbubuo ng mga diksiyonaryo at tesawro; paglaganap ng tradisyonal na midya, internet, at telekomunikasyon; pagsusulong ng sari-saring pambansang kumperensiya, seminar, at palihan hinggil sa wika at panitikan; pagtatatag ng mga samahang pangwika sa loob at labas ng akademya; pagpapalimbag ng mga lathalain at panitikan hinggil sa Filipino, bukod pa ang elektronikong pagpapalathala; pagdami ng mga publikasyong naglalathala ng panitikang Filipino at iba pang wika; pagsasalin sa Filipino ng mga akda mula sa banyagang wika o kaya’y lalawiganing wika; at paggamit at pagpasok ng Filipino sa iba pang lárang o disiplinang dating sakop lamang ng Ingles.

Sumapit na ang Filipino sa abanseng yugto. Yumabong ito at yumaman, dahil sa paglalahok sa korpus nito ng mga wikang lalawiganin at iba pang wikang internasyonal, at maihahalimbawa ang UP Diksiyonaryong Filipino (2009). Malaki na ang mga pagbabago sa pagbubuo ng pangungusap simula nang ipakilala ni Lope K. Santos ang Balarila ng Wikang Pambansa, salamat sa mga manunulat at editor na sa paglipas ng panahon ay nag-ambag ng kani-kaniyang halimbawang akdang pampanitikang mapagsusumundan. Naglathala ng mga teksbuk sa mga espesyalisadong larang ang UP Sentro ng Wikang Filipino, gaya ng siyensiya at teknolohiya hanggang paggugubat at arkitektura hanggang matematika at musika. Hindi ba ito ang mithi ng Seksiyon 6, Artikulo XIV, ng Konstitusyong 1987?

SEK. 6. Ang wikang pambansa ng Filipinas ay Filipino. Samantalang nililinang ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Filipinas at sa iba pang mga wika.

Alinsunod sa mga tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasiya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang pamahalaan upang ibunsod at puspusang itayugod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.[10]

Kung tititigan nang maigi ang siniping probisyon, mababatid na tinupad na ng kasalukuyang henerasyon ang pagsasagawa ng unang talata ng Seksiyon 6. Ngunit ang ikalawang talata, na may kaugnayan sa pagsasagawa ng mga hakbangin ng pamahalaan sa pagtataguyod sa Filipino bilang midyum ng pagtuturo ay hindi pa lubusang nakakamit sa panahong ito. Ito ay dahil mabagal ang kapuwa Senado at Kongreso sa pagpapasa ng panuhay na batas [enabling law] hinggil sa midyum ng pagtuturo. May panukalang batas si Rep. Magtanggol Gunigundo I ng Ikalawang Distrito ng Lungsod Valenzuela hinggil sa pagtatatag ng edukasyong multilingguwal at programang literasi, ngunit ang panukalang ito ay waring pailalim na pinahihina ang Filipino, pinalalakas ang Ingles bilang lingua franca sa buong Filipinas, habang kunwa’y isinusulong ang edukasyong multilingguwal sa mga lalawigan.

Malinaw ang Konstitusyon ng 1987 sa paggamit ng Filipino: “Filipino, at habang wala pang itinatadhana, Ingles, ang mga wikang opisyal ng Filipinas ukol sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo.”[11] Idinagdag pa rito na ang “mga wikang panrehiyon ay pantulong na mga wikang opisyal sa mga rehiyon at magsisilbing pantulong sa mga wikang panturo roon.”

Bakit kailangang sipiin at balikan ang Saligang Batas ng 1987? Sapagkat narito ang butil na kailangang ihasik at pasibulin para maabot ang pangarap na wikang Filipino. Kailangang balikan din ang Batas Republika 7104, dahil ito ang batas na nagtatatag sa KWF at naglalatag ng mga tungkulin nitong marapat gampanan upang maging matagumpay ang paggamit ng Filipino.

KWF at Kurikula sa Filipino

Nang imungkahi ni Pang. Quezon na itatag ang SWP, malinaw sa kaniya ang dalawang bagay: una, pag-aralan sa pangkalahatan ang mga wika sa Filipinas; at ikalawa, pagtibayin ang “pangkalahatang pambansang wika batay sa isa sa mga katutubong wika.”[12] Gaano man kaganda ang nasabing mithi, isinaalang-alang pa rin ni Pang. Quezon ang pagtuturo ng Ingles sa mga paaralan sa buong kapuluan. Ang ganitong paraan ng pagtanaw ay waring urong-sulong na patakaran, at minamahalaga ang akomodasyon sa banyagang wika para pagbigyan ang hinihingi ng mananakop. Isang parikala na ang “pambansang wikang Filipino” [Filipino national language], ayon sa Batas Komonwelt Blg. 570, ay isinabatas noong 4 Hulyo 1946. “Filipino” ang tawag sa wika, ngunit gagamitin ang Tagalog para ikompara ang dalawang wika, at pahinain ang mithing Filipino para sa ikalalakas ng Ingles.[13]

Sa nasabing tindig ni Pang. Quezon, apektado kahit ang pagbubuo ng kurikulum sa elementarya at sekundaryang antas. Ang buong sistema ng edukasyon noon ay sumandig sa Ingles, habang isinasaalang-alang ang humihinang Espanyol bilang kurso. Iuutos ng pangulo sa pamamagitan ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 263, na sa simula ng 19 Hunyo 1940, “ituturo ang pambansang wika sa lahat ng publiko at pribadong paaralan sa bansa.”[14] Tutugon sa pamamagitan ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 1, s. 1940 ang Kalihim ng Publikong Pagtuturo Jorge Bocobo na “ituro ang Pambansang Wika simula ng 19 Hunyo 1940 sa ikaapat na taon ng lahat ng publiko at pribadong paaralan at pribadong pasanayang panggurong institusyon.”

Noong 3 Mayo 1940, nagpalabas ng Sirkular Blg. 26, s. 1940 si Celedonio Salvador ng Kawanihan ng Edukasyon na nag-aatas na ituro ang pambansang wika sa mga paaralang sekundaryo at normal. Ang introduksiyon sa “Pambansang Wikang Filipino” ay paghubog sa kasanayan ng mga guro, gaya ng pagpapalabas ng “mga unang leksiyon sa pambansang wika.”[15] Nakatuon ito sa mga gurong hindi bihasa sa Tagalog. Sesegundahan ito ng pagbubukod ng mga klase para sa maalam sa Tagalog at di-Tagalog.[16]

Ang Filipino ay hindi lamang ituturo bilang wika, at maihahalimbawa ang Babasahin ng Mamamayan (1950) na koleksiyon ng maiikling kuwento at nakatuon sa edukasyon ng mga tigulang [adult education]. Inendoso ito ni Benito Pangilinan, ang direktor ng mga publikong paaralan, dahil sa pagtataglay ng mga birtud ng pagsisikap, dangal sa paggawa, pag-unawa ng tao, pagkamakabayan, pananampalataya sa Diyos, pakikipagkapuwa, atbp. Higit pa rito’y iminungkahi niya na isalin sa iba pang wika ang mga kuwento upang maiangkop sa mga pangkat ng tigulang.[17] Sa ganitong pangyayari, ang pagpapalusog ng Filipino ay kaugnay ng pagpapalusog ng mga wikang panrehiyon.

Ang unang balangkas sa kursong Pambansang Wika 1 ng Normal na Kurikulum ay lumabas noong 1950.[18] Ang balangkas ay nakabatay sa Balarila ng Wikang Pambansa. Magbabago pa ito habang lumalaon, at maidaragdag ang mga kasabihan, idyoma, at panuntunan sa pagtuturo ng panitikan.[19] Noong 1956, binigyan ng awtoridad ang bawat superbisor ng dibisyon ng Wikang Filipino “na pangasiwaan ang pagtuturo ng [Filipino] sa mga pambansang paaralang pang-agrikultura at pangkabuhayan” na may sariling superintendente.[20] Inilahok din ang Filipino sa edukasyon at kultura noong 1956, ngunit kaugnay lamang sa pagdiriwang ng Linggo ng Wika. Pinakamalawak ang naging saklaw ng SWP nang magsahimpapawid ito ng mga impormasyon  sa DZHF, tuwing Miyerkoles, alas 8:00 ng gabi.

Maselan ang pagpapalaganap ng Filipino, at kinakailangang magpalabas ng memorandum ang Kawanihan ng mga Publikong Paaralan noong 1957 para sa pagpapalaganap at popularisasyon ng wikang Filipino.[21] Kalakip nito ang ilang mungkahi sa nagagamit at interesanteng pagtuturo, ang pagpapalago ng bokabularyo sa pamamagitan ng panghihiram ng banyagang salita, ang pagkakaroon ng pitak sa Filipino sa mga pahayagang pampaaralan, at ang paghikayat sa mga opisyal at guro ng mga paaralan na gamitin ang mass media at ang pagpapahatid ng mga balita at patalastas sa pamamagitan nito hinggil sa mga proyekto at gawain ng mga paaralan.

Hindi makokontento ang Kawanihan ng mga Publikong Paaralan, at magsasagawa ito ng eksperimento sa paggamit ng Filipino at Ingles bilang tulay ng pagtuturo sa mga Grado III, IV, at V noong 1956-1957 sa limang rehiyong di-Tagalog. Batay sa resulta ng eksperimento, ang Pilipino [Filipino] ay higit na epektibong midyum ng pagtuturo kaysa Ingles sa mga sabjek na pagbasa, wika, aritmetika, at araling panlipunan sa tatlong gradong nabanggit. Gayunman, mahahanggahan ang paggamit ng Filipino sa mga asignaturang gaya ng araling panlipunan, edukasyong pangkalusugan at pagpapalakas ng katawan, edukasyon sa wastong pag-uugali, at edukasyong panggawain.[22] Kung babalikan ang Resolusyon Bilang 73-7 ng National Board of Education noong 7 Agosto 1973, “ang Ingles at Pilipino ay magsisilbing tulay ng pagtuturo at ituturo bilang asignatura sa kurikulum mulang unang grado hangang antas unibersidad sa lahat ng paaralan, publiko man o pribado….” Nagkatotoo ang nasabing pahayag sa panig ng Ingles subalit nanatiling pangarap lamang magpahangga ngayon sa panig ng Filipino.

Sa mga probisyon ng Saligang Batas 1987, hindi limitado ang Filipino sa ilang sabjek, gaya ng HeKaSi (Heograpiya, Kasaysayan, at Sibika) at Filipino, bagkus maaaring gamitin din sa agham at matematika. Ngunit iba ang interpretasyon ng DepEd, kaya marahil nananatiling Ingles ang midyum ng pagtuturo sa agham at matematika magpahangga ngayon.  Noon pa mang 1985, iminungkahi na ni Direktor Pineda na “pahintulutan ang paggamit ng Pilipino sa agham at matematika.”[23] Sa patakarang bilingguwal na nilagdaan ni Kalihim Lourdes R. Quisumbing noong 1987, pananatilihin ang Ingles bilang internasyonal na wika para sa Filipinas at di-esklusibong wika ng agham at teknolohiya.[24] Bukod dito, layon din ng Patakarang Bilingguwal na Edukasyon ang pagpapalaganap ng Filipino bilang wika ng literasi. May puwang nang binubuksan si Kalihim Quisumbing. Patutunayan naman ng UP Sentro ng Wikang Filipino noong dekada 1990 na kaya nitong lumikha ng mga teksbuk sa agham at matematika sa abanseng antas, ngunit nang mapalitan ang pamunuan ng UP ay nagbago rin ang tangkilik na inilalaan sa pagbubuo ng mga teksbuk sa Filipino.

Sa gitna ng maiinit na debate hinggil sa bilingguwalismo, at ngayon ay multilingguwalismo at Filipinong kurikulum, sangkot palagi ang KWF dahil ito ang ahensiya ng pamahalaang direktang bumubuo ng mga patakarang pangwikang ipinapasa sa pangulo ng bansa upang pagtibayin, o kung hindi man ay nagmumungkahing isabatas ng mga mambabatas bago pagtibayin ng pangulo.

May karapatang makialam ang KWF sa mga patakaran ng DepEd sapagkat nakapahiyas sa titik e, Sek. 5 ng “Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad ng Batas Republika Bilang 7104” ang tungkulin ng KWF na:

ganyakin at itaguyod, sa pamamagitan ng sistema ng mga insentibo, mga [sic] grant at award, ang pagsulat at pagpapalathala sa Filipino at sa iba pang mga wika ng Pilipinas, ng mga obrang orihinal, pati na mga teksbuk at mga [sic] materyales na reperens[i]ya sa iba-ibang disiplina.[25]

Sineseryoso ng KWF ang pagrepaso noon ng mga teksbuk at iba pang babasahin para sa mga paaralan. Ngunit habang lumilipas ang panahon, naglaho ang naturang gawain ng KWF, at marahil ay may kaugnayan dito ang pagbabago ng administrasyon, pagsasaayos ng estruktura ng tanggapan, at paghahanay ng priyoridad na mga programa o proyekto, bukod sa pagkaunti ng badyet na taunang inilalaan ng gobyerno. Kailangan pang pag-isipan ngayon sa KWF kung paano makagaganyak at makapagtataguyod ng pagsulat at pagpapalathala ng teksbuk kung ang estado ng nasabing mga gawain ay  kulang sa mga tauhang sapat ang karanasan o kaalaman sa isang tiyak na larang o disiplina, bukod sa nalagasan pa ng sangay na dapat sanang magpapalakas sa panitikan at iba pang wika ng bansa.

Pagsasaayos ng Estruktura

May maitutulong ang KWF sa pagpapanibago ng kurikulum ng DepEd, at kahit sa CHED. Ang KWF, kung gagabayan nang matalino at matuwid ng mga komisyoner na kumakatawan sa iba’t ibang wika at disiplina, ay makapag-aambag ng sariwang kaisipan hinggil sa Filipinong kurikulum, at marahil ay maisusulong ang adyenda ng edukasyon ng administrasyon ng Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III. Hindi ko sinasabing magagawa ito nang kisapmata. Ngunit magagawa ito. Magagawa ito sa tulong din ng mga organisasyong pangwika (gaya ng Kasugufil) at indibidwal na kinakailangang makilahok sa mga programa at proyekto ng KWF. Ang aktibong pakikilahok ng mga organisasyong pangwika, pampanitikan, pampaaralan, pambayan, at pangmanunulat ay nararapat lamang dahil ito ang manipestasyon ng “Lakas ng Bayan” [People Power] na ginugunita ngayong taon ang ika-25 taon ng anibersaryo. Nakapahiyas sa Saligang Batas ng 1987 ang pagkilala sa pagkikilahok ng taumbayan sa mga gawaing pampamahalaan.[26]

Hindi dapat maging bukod ang KWF sa madla. Sa halip, ang KWF ay dapat maging bukás sa mga mungkahi ng madla at eksperto, nang sa gayon ay makapagbuo ng mga hakbang para sa wika.

Noong mga unang taon ng administrasyon ni Direktor Pineda, kabilang sa priyoridad ang pagsasagawa ng mga sosyolingguwistikong pananaliksik. Aniya, “kailangan ang ganitong mga saliksik upang maging batayan ng mga patakarang pangwika.”[27] Kabilang sa mga sarbey na kaniyang isinagawa ang una, sarbey sa diyalekto ng Maynila; ikalawa, sarbey sa alpabeto; ikatlo, wika at sosyo-ekonomikong pag-unlad ng kanayunan; ikaapat, paggamit sa mga terminolohiya ng SWP; at higit sa lahat, sarbey sa kalagayan ng implementasyon ng edukasyong bilingguwal. May iba pang saliksik ang administrasyon ni Pineda, at ang ganitong programa ay maglalaho sa panahon ng administrasyon ni Punong Komisyoner Nita Buenaobra, aangat nang bahagya sa administrasyon ni Nolasco, at sinisikap na buhayin sa panahong ito.

Kung ipagpapatuloy ang mandato ng KWF, na isulong ang pananaliksik upang makabuo ng mga programa at proyektong makapagpapasigla sa paggamit ng wikang Filipino, ay tiyak na malayo ang mararating nito. Makapagrerekomenda ang KWF hinggil sa mga tumpak na hakbang, halimbawa sa multilingguwalismo na nagtataguyod ng pambansang wikang Filipino, o kaya’y makapaglalahok ng diwain hinggil sa pagbubuo ng mga sangguniang aklat na malusog ang panitikan, kasaysayan, at kultura, bukod sa bukás sa mga pagbabagong hatid ng impormasyon at teknolohiya.

Marahil ay hindi alam ng nakararami na ang dating pamunuan KWF ay listahan ng mga dakilang manunulat, kritiko, dalubwika, edukador, at makabayan. Jaime C. de Veyra. Lope K. Santos. Julian Cruz Balmaseda. Cirio H. Panganiban. Cecilio Lopez. Jose Villa Panganiban. Ponciano BP Pineda. Nakapag-ambag sila ng mahahalagang patakarang pangwika sa paglipas ng panahon, at ngayon ay kinakailangang iangat sa higit na abanse’t matalisik na pagkilos. Nawa’y madagdagan pa ang nasabing listahan ng iba pang dakilang tao, na handang magtaya nang malaki para sa wikang Filipino at mga wikang panrehiyon sa Filipinas. Hinihingi ng panahon ang sariwang pagbabago, at pagbabagong magpapatayog sa simulain at bisyon ng wikang Filipino.

At magagawa ang lahat ng ito sa tulong ninyo.

[*Binasa ni Roberto T. Añonuevo sa Ikalawang Pambansang Kongreso sa Wikang Filipino, na may temang “Ang Kurikulum Tungo sa Pagpapaunlad ng Wikang Filipino at Kalidad ng Edukasyon sa Antas Elementarya at Sekundarya” na ginanap sa Teachers’ Camp, Lungsod Baguio noong 17 Abril 2011 at inorganisa ng KASUGUFIL (Kapisanan ng mga Superbisor at Guro sa Filipino). Si Añonuevo ay matinik na makata, kritiko, editor, at tagasalin. Nakapagpalathala na siya ng tatlong aklat ng tula, at ang ikaapat na kalipunan ay ilalathala ngayong taon ng Ateneo de Manila University Press. Naging editor ng mahigit 30 aklat pampanitikan, nakapagsalin ng mga aklat sa kasaysayan, panitikan, pagbabagong-klima, agham pampolitika, kalusugan, at ng mga teksto sa pelikula at pahayagan mulang ibayong dagat. Isa siya sa mga pundador ng Oragon Poets Circle, ang samahan ng mga pili’t premyadong makata ng Filipinas, dating pangulo ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), naging pangulo ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), at kasapi ng Filipinas Institute of Translation (FIT) at Wika ng Kultura at Agham Inc (WIKA Inc). Kabilang sa mga tinamo niyang parangal ang Hall of Fame sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, SEAWrite Award sa Thailand, Gawad Komisyon sa Wikang Filipino, Grand Prize Sawikaan, National Book Award mula sa Manila Critics Circle, at maraming iba pa. Si Añonuevo ang bagong talagang Direktor Heneral ng Komisyon sa Wikang Filipino sa administrasyon ng Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III.]

Dulong Tala


[1] “Message of His Excellency, Manuel L. Quezon, President of the Philippines to the First National Assembly on the Creation of an Institute of National Language,” Komisyon sa Wikang Filipino, Dokumentasyon ng mga Batas Pangwika, Komisyon sa Wikang Filipino at iba pang Kaugnay na Batas (1935–2000), 2001, p. 2.

[2] Ibid.

[3] Balikan ang “Mga Publikasyon ng Komisyon sa Wikang Filipino,” sa Ang Wikang Filipino bilang Wikang Panlahat, ni Sheilee Boras-Vega. Komisyon sa Wikang Filipino: Maynila, mp. 66-67. May iba pang hindi nakalahok dito.

[4] Basahin ang “Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad sa Batas ng [sic] Republika Blg. 7104 na Lumilikha ng Komisyon sa Wikang Filipino,” sa Journal ng KWF, Unang Labas, Oktubre-Disyembre 1996, p. 73. Nakapagtataka na hindi ito nakalahok sa Philippine Gazette, at hindi rin makita ang mga pahayagang kinalathalaan nito. Isang obserbasyon ng Direktor Heneral na kailangang baguhin na ito upang umayon sa pagbabago ng panahon, ngunit wala pang aksiyon ang kasalukuyang Lupon ng mga Komisyoner.

[5] Malaking tanong ito sa KWF dahil ang Sangay ng Panitikan at Iba pang Wika sa Pilipinas ay nakapaloob sa “Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad sa Batas Republika Blg. 7104 na lumilikha sa Komisyon sa Wikang Filipino.” Hindi maaaring baguhin ang naturang mga tuntunin at regulasyon hangga’t walang opisyal na pagsusog saka pagpapatibay na ginawa ang Lupon ng mga Komisyoner. Isang parikala rin na tinanggal ng administrasyong Nolasco ang sangay na sumusuporta sa mga panrehiyong wika, gayong isinusulong ng nasabing punong komisyoner ang multilingguwal na edukasyon.

[6] Basahin ang Limampung Taon ng Surian ng Wikang Pambansa: Huling Isa’t Kalahating Dekada (1970-1987), ni Aurora E. Batnag, at batay sa saliksik ni Candelaria Cui-Acas. Lungsod Quezon: Surian ng Wikang Pambansa, walang petsa, p. 12.

[7] Basahin ang “Spelling of the Dipthongs IA, IE, IO and the non-dipthongs IA, IE, IO in the Filipino National Language,” Bulletin No. 8, s. 1946, Nobyembre 9, 1946 at nilagdaan ni Esteban R. Abada na direktor ng edukasyon.  Tumutukoy ito sa lingguwistikong tala na inihanda ng Surian ng Wikang Pambansa. Maiuugnay din sa naturang ortograpiya ang “Scope and Uses of the Verbal Affixes UM- and Mag-” Bulletin No. 2, s. 1950, at “Correct Spelling of Proper Names in Writing in the National Language,” Memorandum No. 73, s. 1950, Disyembre 6, 1950, at nilagdaan ni Benito Pangilinan na Direktor ng mga Publikong Paaralan.

[8] Basahin ang “The National Language in School Papers,” Bureau of Education, Bulletin No. 26, s. 1940, Nobyembre 15, 1940, at nilagdaan ni Celedonio Salvador, Direktor ng Edukasyon.

[9] Basahin ang “Separate National Language Classes for Tagalog and non-Tagalog” Memorandum No. 9, s. 1946,” na nilagdaan ni Esteban R. Abada, Setyembre 20, 1946.

[10] “Seksiyon 6, Artikulo XIV ng Konstitusyon ng Republika ng Filipinas ng 1987,” Komisyon sa Wikang Filipino, Dokumentasyon ng mga Batas Pangwika, Komisyon sa Wikang Filipino at iba pang Kaugnay na Batas (1935–2000), 2001, p. 490.

[11] Tingnan ang Seksiyon 7, Artikulo XIV, Konstitusyong 1987.

[12] Quezon, ibid., p. 2.

[13] Nakasaad halimbawa sa artikulong nalathala sa Bagong Buhay, Abril 11, 1955, ang pamagat na “Gamitin ang Tagalog sa lahat ng pagkakataon—RM” ngunit ang talumpati ni Pang. Ramon Magsasaysay ay tumutukoy sa “Wikang Pilipino” [Filipino language] at “Wikang Pambansa.” Ang ganitong detalye, gaano man kaliit, ay nagpapantay sa “Tagalog” at “Pilipino” na isang malaking pagkakamali.

[14] Mula sa Executive Order No. 263 na pinamagatang “Authorizing the Printing of the Dictionary and Grammar of the National Language, and Fixing the Day from which said Language shall be Used and Taught in Public and Private Schools of the Philippines,” Komisyon sa Wikang Filipino, Dokumentasyon ng mga Batas Pangwika, Komisyon sa Wikang Filipino at iba pang Kaugnay na Batas (1935–2000), 2001, p. 11.

[15] Pinamagatang “First Lessons in the Filipino National Language,” Bulletin No. 9, s. 1946, Nobyembre 21, 1946, na nilagdaan ni Esteban R. Abada, Direktor ng Edukasyon at ipinadala sa mga superintendente ng dibisyon.

[16] Tinutukoy dito ang “Separate National Language Classes for Tagalog and Non-Tagalog,” Memorandum No. 9, s. 1946, Setyembre 20, 1946, at nilagdaan ni Esteban R. Abada na Direktor ng Edukasyon.

[17] Basahin ang “Citizens Reader for Adult Education Classes,” Bulletin No. 6, s. 1950, Abril 5, 1950, at nilagdaan ni Benito Pangilinan.”

[18] Basahin ang “Outline of the Course in National Language I of the Normal Curriculum,” Memorandum No. 33, s. 1950, Hulyo 25, 1950, at nilagdaan ni Benito Pangilinan.

[19] Basahin ang “Distribution of Panuntunan sa Pagtuturo sa Wikang Pilipino para sa Mataas na Paaralan,” Memorandum No. 43, s. 1955, Abril 16, 1955, at nilagdaan ni Venancio Trinidad na nanunungkulang direktor ng Kawanihan ng Edukasyon.

[20] Basahin ang “Supervision of Filipino Language Classes in National Agricultural and Trade Schools,” Bulletin No. 81, s. 1956, Hulyo 27, 1956, at nilagdaan ni Venancio Trinidad, Direktor ng mga Publikong Paaralan.

[21] Basahin ang “Propagation and Popularization of Filipino Language,” Memorandum Bilang 56, s. 1957 ng Kagawaran ng Edukasyon, Kawanihan ng mga Publikong Paaralan, at nilagdaan ni Benigno Aldana.

[22] Basahin ang “Mga Panuntunan sa Pagpapatupad ng Patakarang Edukasyong Bilingguwal,” Kautusang Pangkagawaran Bilang 25, s. 1974, Hunyo 19, 1974, at nilagdaan ni Kalihim Juan L. Manuel.

[23] Basahin ang “Edukasyong Bilinggwal sa Pilipinas: Nasasabi’y Di Rasal,” ni Ponciano BP Pineda. Panayam na binasa sa seminar ng KAPPIL (Kapisanan ng mga Propesor sa Pilipino), sa Pablo Nicolas Awditoryum, Pamantasang De La Salle, 17 Mayo 1985. Inilathala sa Limampung Taon ng Surian ng Wikang Pambansa: Huli’t Kalahating Dekada (1970-1987), Lungsod Quezon: Surian ng Wikang Pambansa, walang petsa, p. 45.

[24] Basahin ang “The 1987 Policy on Bilingual Education,” DECS Order No. 52, s. 1987, Mayo 21, 1987, at nilagdaan ni Kalihim Lourdes R. Quisumbing.

[25] Basahin ang “Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad sa Batas Republika Blg. 7104 na Lumilikha ng Komisyon sa Wikang Filipino (Rules and Regulations Implementing Republic Act No. 7104 Creating the Commission on the Filipino Language),  na nalathala sa Journal ng KWF, Unang Labas, Oktubre-Disyembre 1996, p. 68.

[26] Basahin ang Saligang Batas ng 1987, Artikulo XIII, Seksiyon 15-16 na pinamagatang “Ang Bahaging Ginagampanan at mga Karapatan ng mga Organisasyon ng Sambayanan.” Kailangan umanong igalang ng estado ang mga malayang organisasyon upang matamo at mapangalagaan ng mga tao. . . ang kanilang mga interes at hangarin sa pamamagitan ng mapayapang paraan at alinsunod sa batas.  Ngunit higit pa rito, “hindi dapat bawahan ang karapatan ng sambayanan at ng kanilang mga organisasyon sa mabisa at makatwirang pakikilahok sa lahat ng antas na pagpapasiyang panlipunan, pampolitika, at pangkabuhayan.”

[27] Basahin ang “Huling Isa’t Kalahating Dekada ng SWP,” mp. 6-12, nakapaloob sa Limampung Taon ng Surian ng Wikang Pambansa: Huling Isa’t Kalahating Dekada (1970-1987).

Filipino at Dalawampung Pisong Papel

Nauungkat lamang muli ang usapin sa wikang Filipino kapag pinagmasdan ang pinakabagong dalawampung pisong papel na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Nakasaad doon ang “Filipino as the National Language 1935” ngunit itinatanong ng ilan ang katumpakan ng gayong pahayag.

Hindi totoong noong 1935 nilagdaan ang batas at umiral ang Filipino bilang wikang pambansa. Sa bisa ng Saligang Batas ng 1935, ang Kongreso “ay inaatasang magpaunlad at magpatibay ng pangkalahatang Pambansang Wika na batay sa isa sa mga umiiral na katutubong wika” (akin ang diin). Ibig sabihin, wala pa noong ahensiya ng pamahalaan na mangangasiwa o magpapalaganap ng mga patakaran hinggil sa pambansang wika. At wala pa ring napipili noong 1935 kung aling katutubong wika ang magiging batayan ng pambansang wika. Mababatid lamang ang halaga ng pambansang wika kapag isinaalang-alang na ang Espanyol at Ingles noon ay umiiral bilang mga opisyal na wika sa buong kapuluan.

Ang siniping probisyon sa Saligang Batas ng 1935 ay ipinaglaban ng mga delegado sa Kumbensiyong Konstitusyonal na hindi Tagalog. Kabilang sa pangkat sina Felipe R. Jose (Mountain Province), Wenceslao Q. Vinzons (Camarines Norte), Tomas Confesor (Iloilo), Hermenegildo Villanueva (Negros Oriental), at Norberto Romualdez (Leyte). Si Romualdez na dating batikang mahistrado ang sumulat ng Batas Komonwelt Blg. 184 na nagtatatag ng Surian ng Wikang Pambansa.

Sa mensahe ni Pang. Manuel L. Quezon sa Unang Pambansang Asamblea noong 27 Oktubre 1936, sinabi niyang hindi na dapat ipaliwanag pa, na ang mga mamamayang may isang nasyonalidad at isang estado ay “dapat magtaglay ng wikang sinasalita at nauunawaan ng lahat.”

Alinsunod sa Batas Komonwelt Blg. 184, itinatag ang Surian ng Wikang Pambansa “na mag-aaral ng mga diyalekto sa pangkalahatan para sa layuning magpaunlad at magpatibay ng isang pambansang wikang batay sa isa sa mga umiiral na wika.” Ang pagpili ng isang pambansang wika ay ibinatay sa “pagkaunlad ng estruktura, mekanismo, at panitikan na pawang tinatanggap at ginagamit ng malaking bilang ng mga Filipino.”

Sa madali’t salita, Tagalog ang napili. At pinili ang Tagalog sa ilalim ng pamumuno ni Jaime C. de Veyra (Samar-Leyte), at kinabibilangan ng mga kasaping sina Santiago A. Fonacier (Ilokano), Filemon Sotto (Sebwano), Casimiro F. Perfecto (Bikol), Felix S. Salas Rodriguez (Panay), Hadji Butu (Moro), at Cecilio Lopez (Tagalog). Tampok sa pagpili ng Tagalog ang pagkilala rito “na ginagamit ito ng nakararaming bilang ng mga mamamayan, bukod pa ang mga kategorikong pananaw ng mga lokal na pahayagan, publikasyon, at manunulat.” Hindi nakaganap ng tungkulin si Sotto dahil sa kapansanan; samantalang si Butu ay namatay nang di-inaasahan.

Noong 13 Disyembre 1937, sinang-ayunan batay sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 na pagtibayin ang Tagalog “bilang batayan ng wikang pambansa ng Filipinas.” Ngunit magkakabisa lamang ang nasabing kautusan pagkaraan ng dalawang taon, at ganap masisilayan noong 1940. Dalawang mahalagang tungkuling naisagawa ng SWP ang pagbubuo at pagpapalathala ng A Tagalog-English Vocabulary at Balarila ng Wikang Pambansa. Pinagtibay ng Pambansang Asamblea ang Batas Komonwelt Blg. 570 noong 7 Hunyo 1940 na kumikilala sa Pambansang Wikang Filipino [Filipino National Language] bilang isa sa mga opisyal na wika ng Filipinas pagsapit ng 4 Hulyo 1946. Gayunman, noong 1942 ay inihayag ng Komisyong Tagapagpaganap ng Filipinas [Philippine Executive Commission] ang Ordinansa Militar Blg. 13 na nagtatakda na ang kapuwa Nihonggo at Tagalog ang magiging mga opisyal na wika sa buong kapuluan. Nagwakas ang gayong ordinansa nang lumaya ang Filipinas sa pananakop ng Hapon. At muling ipinalaganap ang paggamit ng Ingles sa mga transaksiyon sa pamahalaan, akademya, at negosyo.

At upang matupad ang mithing Pambansang Wikang Filipino, sari-saring seminar ang idinaos noong panahon ng panunungkulan ni Lope K. Santos sa SWP (1941–1946). Halimbawa, iminungkahi ang paglalaan ng pitak o seksiyon para sa wikang pambansa sa mga pahayagang pampaaralan nang masanay magsulat ang mga estudyante. Pinasimulan noong panunungkulan ni Julian Cruz Balmaseda ang Diksiyonaryong Tagalog. Lumikha ng mga talasalitaan sa mga espesyalisadong larang ang termino ni Cirio H. Panganiban, halimbawa sa batas, aritmetika, at heometriya. Isinalin sa wikang Filipino ang pambansang awit nang ilang beses bago naging opisyal noong 1956, at binuo ang Panatang Makabayan noong 1950. Ipinatupad ang Linggo ng Wika, at inilipat ang petsa ng pagdiriwang mulang Marso tungong Agosto. Itinampok ang lingguwistikang pag-aaral sa wikang pambansa at mga katutubong wika sa Filipinas noong panahon ni Cecilio Lopez. Pagsapit sa termino ni Jose Villa Panganiban ay isinagawa ang mga palihan sa korespondensiya opisyal sa wikang pambansa. Nailathala ang English-Tagalog Dictionary; at pagkaraan ay tesawro-diksiyonaryo.

Nagpalabas ng kautusan ang kalihim ng Tanggapan ng Edukasyon noong 13 Agosto 1959, na tawaging “Pilipino” ang “Wikang Pambansa.” Ang “Pilipino” na ibinatay nang malaki sa Tagalog ay maghuhunos na “Filipino” alinsunod sa atas ng Saligang Batas 1973 “na linangin, paunlarin, at pagtibayin ang Filipino alinsunod sa umiiral na mga katutubong wika at diyalekto nang di-alintana ang pagtanggap ng mga salita mula sa mga dayuhang wika.” Sa panahon ni Ponciano B.P. Pineda, ang SWP ay nagbunsod ng mga pananaliksik na may kaugnayan sa sosyo-lingguwistika, bukod sa pagpapalakas ng patakarang bilingguwal sa edukasyon. Naipalathala ang mga panitikan at salin para kapuwa mapalakas ang Pilipino at iba pang katutubong wika.

Noong 1986, pumapel ang SWP sa paghahanda ng salin ng Saligang Batas ng 1986, at sa naturang batas din kinilalang ang pambansang wika ng Filipinas ay “Filipino.” Kung paniniwalaan ang nasabing batas, “habang nililinang ang Filipino ay dapat itong payabungin at pagyamanin nang nakasalig sa mga katutubong salitang umiiral sa wikang Filipino at iba pang wika.”

Ano ang maaaring ipakahulugan nito? Na ang “Filipino” ay nangangailangan ng isang ahensiyang pangwika na magtataguyod sa naturang simulain. Ang “Filipino” ay hindi na ang “Pambansang Wika” na nakabatay lamang nang malaki sa Tagalog, bagkus idiniin ang pangangailangang payabungin ito sa tulong ng mga panrehiyong wika sa Filipinas, bukod pa ang tinatanggap na mga salita sa ibang internasyonal na wika. At upang “mapayabong” ang pambansang wika ay kinakailangan ang isang institusyong pampananaliksik, na may mandatong higit sa itinatakda ng “pagsusuri” ng mga wika.

Kaya naman sa bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 117 na nilagdaan ni Pang. Corazon Aquino nalikha ang Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) na sa pumalit sa SWP. Malulusaw pagkaraan ang LWP nang pagtibayin at pairalin ang Saligang Batas ng 1987 dahil iniaatas nito ang pagtatatag ng isang komisyon ng pambansang wika. Naisakatuparan ito nang maipasa ang Batas Republika 7104 noong 14 Agosto 1991, na nagtatag sa Komisyon sa Wikang Filipino.

Kailangan ang KWF dahil ito ang ahensiyang makapagmumungkahi ng mga hakbang, plano, patakaran, at gawain hinggil sa mga wika, lalo na sa paggamit ng Filipino bilang pambansang wika. Maihahalimbawa ang kasong isinampa ni Inocencio V. Ferrer noong 1965 laban kay Direktor J.V. Panganiban at mga kagawad ng SWP; o kaya’y ang kasong isinakdal ng Madyaas Pro-Hiligaynon Society laban sa SWP upang pigilin itong isakatuparan ang gawaing bumuo ng pasiyang pangwika na labag umano sa Saligang Batas. Nagwagi ang panig ng SWP na kinatigan ng korte, at sinabing may batayang legal ang pag-iral ng nasabing tanggapan, bukod sa kinilalang ang “pagdalisay” at “pagpapayaman” ng katutubong wika [i.e., pagpapakahulugan at talasalitaan] ay kaugnay ng proseso ng “pagtanggap” o “pag-angkin” ng mga salita o impluwensiya mula sa banyagang wika na siyang magpapatunay na ang Filipino ay buháy na wika. Higit pa rito, inilantad ng nasabing mga usapin ang pangangailangang paghusayin ang paglinang at pagpapaunlad ng wika, sagutin punto por punto ang mga argumento ng gaya ni Geruncio Lacuesta laban sa tinawag niyang “Manila Lingua Franca,” alinsunod sa matalinong paraang nakasandig sa masusing pag-aaral at pananaliksik.

Dapat lamang linawin dito na ang pagiging pambansang wika ay hindi lamang nakatuon sa rehiyon ng Katagalugan, kahit pa sabihing ginawang batayan ang Tagalog sa pagbuo ng pambansang wika.  Ang Filipino, na patuloy na nilalahukan ng mga salita mula sa iba’t ibang wikang panrehiyon at pandaigdigan, ay sumasailalim sa ebolusyong hindi lamang limitado sa gramatika at palaugnayan kundi maging sa mga pahiwatig at pakahulugan. Ginagamit na ang Filipino hindi lamang sa panitikan o sa Araling Panlipunan, bagkus maging sa pagpapaliwanag ng agham at teknolohiya, inhinyeriya at medisina, batas at matematika, at iba pang larang.

Bagaman ang Departamento ng Edukasyon (DepEd) ay nagpalabas ng bagong kautusan hinggil sa pagsasakatuparan ng Edukasyong Multilingguwal, ang nasabing patakaran ay hindi basta-basta maipatutupad hangga’t hindi nababago ang Saligang Batas. Kinakailangang baguhin muna ang probisyon ng Saligang Batas hinggil sa bilingguwalismo na nagsasaad na tanging Filipino at Ingles ang “mga opisyal na wika sa komunikasyon at pagtuturo,” at ang KWF ay malaki ang tungkulin sa pagpili kung aling hakbang ang makabubuti sa pagsusulong ng anumang panukalang polisiya hinggil sa wika.

Maselang bagay ang pagbabago ng mga polisiya, kaya naman dapat ding maging maingat ang Pangulo kung sino-sino ang itatalaga sa Lupon ng mga Komisyoner ng KWF. Anumang mungkahing patakaran o programang pangwika ang imungkahi ng lupon, at siyang sang-ayunan ng Pangulo alinsunod sa itinatakda ng Saligang Batas, ang iiral at dapat ipatupad sa buong kapuluan.

Ang kasaysayan ng KWF ay kasaysayan din ng pagpupundar ng pambansang wikang Filipino. Tuwing babalikan ang pinag-ugatan ng KWF, matutuklasan ang salimuot ng politika at pakikibaka laban o pabor sa Filipino. Gayunman, napatunayan ng Filipino na kaya itong tanggapin sa iba’t ibang rehiyon at gawing katuwang ng wika ng rehiyon, dahil ang komposisyon ng Filipino ay hindi nalalayo sa naturang wika, kompara sa Ingles na sa kabilang polo nagmumula.

Sa ngalan ng KWF, nais kong ipaabot sa inyo ang taos-pusong pasasalamat. Makilahok kayo sa mga programa at proyekto ng KWF, dahil ang tanggapang ito ay dapat magsilbi sa bayan, imbes na pagsilbihan.

[Talumpating binigkas ni Roberto T. Añonuevo sa paglulunsad ng ika-75 Anibersaryo ng Komisyon sa Wikang Filipino, na ginanap sa plasa ng Angono, Rizal noong 25 Enero 2011.]

SAWIKAAN at Wikang Pambansa

Mainit na tinangkilik ng mga akademiko, estudyante, editor, manunulat, at iba pang may malasakit sa wika ang nakaraang SAWIKAAN 2010 na ginanap noong nakaraang linggo sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. May 250 kalahok mulang hilaga hanggang timog ng Filipinas ang nakiisa, at nagpalitan ng kuro-kuro kung paano mapayayaman ang wikang Filipino. Ang Sawikaan ang isa sa mga tanyag na pambansang kumperensiya na isinusulong ng Filipinas Institute of Translation Inc. (FIT) tuwing taon.

Nagwaging Salita ng Taon ang “jejemon” na ipinagtanggol ni Dr. Rolando Tolentino at pinili ng mga hurado mula sa lupong binuo ng FIT. Napili sa ikalawang puwesto ang “ondoy” na ipinakilala ni Jayson Petras at pumangatlo ang “korkor” ni Schedar Jocson at “tarpo” ni Jelson Capilos. Samantala’y tumanggap ng People’s Choice Award ang “tarpo” mula sa buong kapulungan ng mga delegado.

Batay sa napagpasiyahan sa serye ng mga pulong ng FIT, ang Salita ng Taon ay “maaaring bagong likha; bagong hiram mula sa katutubo o banyagang wika; luma ngunit may bagong kahulugan; at patay na salitang muling binuhay.”

Ang mga panukalang salita ng taon ay dumaraan sa proseso ng pagpili mula sa kalipunan ng mga salitang tinanggap ng Filipinas Institute of Translation, Inc. (FIT). Bawat salita ay inuusisa ang etimolohiya o pinagmulan nito; ang mga tiyak na gamit nito sa pangungusap at bahagi ng pangungusap; at ang mga pangangatwiran kung bakit dapat kilalanin yaon bilang salita ng taon.

Pagpapasiyahan ng Lupong Tagapagpaganap ng FIT kung aling salita ang karapat-dapat na tanghaling nominado para sa Salita ng Taon.

Pagkaraan, ang napiling nominadong salita ay gagawan ng isang ganap na papel na magpapaliwanag kung bakit dapat itampok iyong Salita ng Taon.

Ang mga isinumiteng papel hinggil sa Salita ng Taon ay susuriin ng mga editor at magbibigay sila ng mga mungkahi kung paano mapahuhusay pang lalo ang nilalaman, balangkas, at talakay nito. Ang binagong papel ang siya ngayong ihahain sa kapulungan ng mga delegado at pagpapasiyahang muli ng Lupong Tagapagpaganap ng FIT.

Ang magwawaging Salita ng Taon ay ibinabatay sa “lawak ng pananaliksik, bigat ng mga patunay, at linaw ng paglalahad at pangangatwiran.” Ang mga delegado sa kumperensiya ay binibigyan din ng pagkakataon na pumili kung anong salita ang karapat-dapat magwagi, at dapat magkamit ng People’s Choice Award.

Kabilang sa mga nominadong salita ang “load” nina Christine Marie Magpile at Geraldine Uy-Escolar;  “ampatuan” ni Vladimeir Gonzales;  “emo” ni Anna Mariette Dy;  “namumutbol” ni Joselito delos Reyes; “ “spam,” ni Genaro Gojo Cruz;  “solb” ni John Enrico Torralba; at “unli,” ni April Perez.

Mahalaga ang SAWIKAAN dahil ito ang nagsisilbing talyer ng wika sa buong kapuluan. Ang mga kalahok ay malayang makapag-ambag ng mga mungkahi at puna kung paano ipakakahulugan ang mga salita; at naisasaalang-alang kahit ang usaping pangkultura at kaligirang pinagmulan ng salita. Ang sinulat na papel ng isang kalahok, halimbawa, ay maaaring dumaan sa masusing rebisyon, alinsunod sa mga mungkahi ng tagapayo, editor, at buong kapulungan ng mga delegado.

Kabilang sa mga panauhing tagapanayam si Dr. Jaime Caro na ipinaliwanag ang impluwensiya ng teknolohiya sa paghubog ng makabagong Filipino; at si Dr. Jesus Federico Hernandez, na nagpaliwanag ng impluwensiya ng mga bakla sa paghubog ng makabagong Filipino.

Pinakamabigat ang tampok na panayam ni Dr. Zeus Salazar hinggil sa pagpapayaman ng wika, alinsunod sa diskursong pangkasaysayan, at maaaring sumaklaw sa isang semestre sa kolehiyo. Inilugar niya ang panghihiram ng salita ng Filipino sa mga wikang banyaga at paglikha ng neolohismo alinsunod sa aniya’y “dambuhalang pagkakahating pangkalinangan sa kasaysayan ng bansa.” Namamayani ngayon ang Ingles at Inglesero sa estado, ekonomiya, edukasyon, at kulturang poskolonyal sa loob ng lipunang Filipino. At nagsimula ito nang magwagi ang pangkat ni Emilio Aguinaldo sa Kudeta sa Tejeros (1897) laban sa Himagsikan ng 1896 ni Andres Bonifacio.

Nang mamayani ang Ingles, ani Salazar, ang mga institusyong pampolitika, pang-ekonomiya, pangkultura, at iba pa ay isinalalay sa Ingles. Uminog sa Ingles ang mga transaksiyon at komunikasyon. Maibibilang dito ang batasan, hukuman, edukasyon, agham, inhinyeriya, moda, musika, tanghalan, kalakalan, at iba pa. Ginamit ang Ingles bilang midyum ng komunikasyon, at ito ang nagbukod sa mga elitista at sa mga karaniwang mamamayan.

Lumubha pa aniya ang sitwasyon nang makipagpatintero ang mga Filipinong intelektuwal sa Estados Unidos at iba pang bansang Anglophone sa pag-aakalang makikinabang sa magandang kabuhayang ipinangangako ng mananakop. Ang ilang nangabigo ay nagkaroon ng nostalhiya sa Filipinas. Samantalang ang ibang nagtagumpay makapasok sa akademya ng Estados Unidos at iba pang bansang Anglophone ay nagpaulan ng batikos sa Filipinas, partikular sa mga “suliraning etnolingguwistiko” o dili kaya sa mga wikang “inaaapi” umano ng Tagalog.

Ipinanukala ni Salazar na matatalakay ang panghihiram ng wika sa dalawang antas: una, sa sosyolingguwistiko o panlipunang antas; at ikalawa, sa pang-lingguwistikang antas ng bilingguwalismo. Walang hanggahan umano ang paglikha ng mga kataga [neolohismo]. Lipunan lamang ang nagtatakda ng hanggahan batay sa mga taglay nitong “kaisipan hinggil sa seksuwalidad, moralidad, panlasa, a iba.” Bagaman naitatakda ng diksiyonaryo ang hanggahan ng panghihiram, lalabagin at lalabagin umano ito ng mga gumagamit ng wika sa pasulat man o pabigkas na pamamaraan.

Iminungkahi ni Salazar ang pagbubuo ng Akademya sa Wika, gaya ng Académie Française, na binubuo ng mga tanyag na gumagamit ng wika sa iba’t ibang larang at aktibidad sa bansa. Mabubuo ng nasabing akademya ang isang saligang diksiyonaryo at Ensiklopedyang Filipino sa sariling wika. Magpapakita umano ito ng kabihasnang natamo ng Filipinas sa kasalukuyan, at sa maaaring makamit pa sa hinaharap.

Kabilang sa mga tumulong sa SAWIKAAN si Dr. Emerlinda R. Roman, pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas; Dr. Sergio S. Cao, Tsanselor ng UP Diliman; Lirio Sandoval, pangulo ng Book Development Association of the Philippines; Atty. Andrea Pasion-Flores ng National Book Development Board; Departamento ng Edukasyon; Komisyon sa Wikang Filipino; Adarna House; at Nestle Philippines.

Ang SAWIKAAN ay itinaguyod ng Filipinas Institute of Translation, Inc., UP Sentro ng Wikang Filipino-Diliman, Anvil Publishing, Inc., at Kolehiyo ng Arte at Literatura, UP Diliman.

Lagalag at Katawan, ni Alissa Leigh

salin ng mga tula Alissa Leigh.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

LAGALAGIYA

Sa simula, lumitaw ang salitang, kumilos;
saka ang plano at ang mga dahilan,
na hindi ko lubos na matandaan.
Tanging natatandaan ko ang mga damit
na ibinigay sa amin para sa paglalakbay,
at ang pangwakas, ang pagkain
nang tahimik na aming pinagsaluhan.
Nilisan namin nang magaan ang pook,
gaya ng aming pagdating, maraming
taon na ang nakalilipas.

Sa tanglaw ng lagay ng kamuslakang
pinagsampayan ng mapuputing sapin
upang matuyong tila ulap sa paraiso;
mula sa ewkaliptong-simoy ng lupain,
isang pulang bahay na may bakurang
humahapay sa nananaginip na mga burol,
dinambong ng mga rakun, ikinahon ng liryo,
gaya ng mga trumpeta ng mga arkanghel,

lumisan kami: paloob sa kasaysayan, ilog
na bumabagal dahil maraming pasikot-sikot,
isang nayon ng mga paboreal na sandaan
ang mata; munting kubol sa mga bukirin,
na may kalang bakal, dambana sa taglamig;
isang dapugang pinaitim ng panahon,
maseselang buto ng mga langay-langayang
nanigas sa anyo na animo’y lumilipad.

Nang patugtugin ni ama ang trombon niya
sa atiko, humagikgik ang mga paslit
sa kalye. Pagsapit ng dapithapon, nagtipon
ang mga baka sa tarangkahan, aanga-anga
at hinihintay ang anak ng magsasaka.
Sa bahay, pinapantig ng mga bata
ang mga pandiwa, tinutuklas ang mga salik,
gumuguhit ng mga dayagram ng puso ng tao.

Pagsapit ng gabi, ang bilugang hapag-kainan
na may lamparang Olandes ay tinatawag
ang mga makata, manlalaro, magdarambong
para tumagay ng jenever. Marahang aangat
ang insenso ng mga tsismis na magpapaitim
sa mga dingding. Sa labas, ang mga kabayo
ay kakahig sa karimlan, sisingasing ng yelong
tila balahibo. Magsusumamo kami sa hiwatig
ng gagamba, daga, at hayop na naglulungga.

Lumiliit ang aming mga salita at numinipis
gaya ng mga buto, at umuungol ang aming
mga kumpas dahil sa panlalamig. Tinuruan
kami ng walang-bait na daigdig ng tubig,
kahoy, at bato kung kailan dapat sumuko.
Kapag panahon na para muling lumisan,
kami ay apat na estrangherong kumakaway
sa bawat isa, sa paraan at kilos na marahan,
sa kabila ng nakatutulig na lawak ng karagatan.

KATAWAN

Mapa ng sindak at lugod,
marubdob na sampan, maalab na kongresong
hitik sa mga argumento ng mga kemikal,

silid ng Alingawngaw para sa panatikong sigaw
ng sutil na salinlahi, lahat ng kakatwang lingid
na pinagtubuan ng balbas ng kamatayan,
laberinto ng mithi, palaruan ng silakbo,

pabrikang pinapasukan ng tahimik na hukbo
ng pagkaagnas, pilosopo-payasong nagtotorotot
sa bawat epipanya.

Pinaliguan ng mabagsik na nars ng umaga,
inihatid sa ward ng dapithapon,
pinakain, nagpasalamat, sa malinamnam
na sabaw ng takipsilim.

Binasa ang paiba-ibang baraha ng panaginip,
binuksan ang salansanan ng insomnia,
ninakaw ang dalawang-katiting na pag-idlip.

Naiwala ang ngalan sa mga banyagang yakap,
lumikha ng pasaporte sa bansa ng kayumian,
nagmuwestra gaya ng bata sa anumang nais nito,
halumigmig sa salaming binughan ng hininga.