“Pag-asam sa Kamatayan,” ni Novalis

Salin ng “Sehnsucht nach dem Tode” ni Novalis (Friedrich von Hardenberg) ng Germany.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Pag-asam sa Kamatayan

Doon sa bituka ng lupang malalim
Na bigong abutin ng sinag ng araw,
Ang poot at kirot na sumasaatin
Ang tanda ng gaan nitong paglalakbay.
Isinakay tayo dito sa baroto’t
Nang maabot natin ang langit na dulo.

Purihin ang gabing ano’t walang hangga,
Purihin ang ating paghimbing nang ganap.
Pinasiklab tayo ng bagong umaga’t
Tayo’y pinarupok ng pusong may sugat.
At hindi na tayo kung saan sasapit,
Ibig lamang natin kay Ama magbalik.

Ano ang gagawin sa mundong narindí,
Mahalin nang labis, nang lantay ang loob?
Lahat ba ng luma ay dapat itabi,
Paano ang bago na ibig malubos?
Kaylungkot kung ikaw ay walang kasáma
Kahit pa may alab ang puso sa sinta.

Noong araw, noong ang pandama’y apoy
Na kung lumagablab ay di tumitigil,
Kilala ng tao ang mukha’t ang ligoy
Ng kamay ng amang ang pulso’y taimtim.
Hindi man magwika, talos ng sinuman
Ang pagsunod doon sa ugat na daan.

Noong dati, noong ang huklubang sangá’y
May mga bulaklak na hitik na hitik,
At ang mga bata’y hindi nangangambang
Magsákit, mamatáy utos man ng langit,
Magwika ang búhay at nasa’y humimok,
Kayraming nasawi nang puso’y tumibok.

Noong dati, noong bata pa ang lahat,
Diyos ay naghayag na siya’y darating.
Matapang umibig kahit pa magwakas,
Iwinaksi niyang tumakas sa lagim.
Di niya pinalis ang takot o pait,
Upang tayong lahat ay maging malapit.

Batid natin itong balisang pag-asam
Sa gabing kaydilim at tigmak sa luha.
Sa ganitong yugtong malimit temporal
Ay hindi matighaw ang uhaw sa diwa.
Kailangan nating magbalik sa íli,
Sa sagradong oras na takdang magkási.

Ano itong hadlang sa ating pagbalik?
Lahat ng inibig ay pawang yumao.
Nalibing ang talâ ng buhay na ipit
At kirot at hirap ang nasok sa noo.
Wala nang hanap pa’t iisiping lakad,
Punô itong pusò, at mundo ay lastág.

Sadyang walang hangga’t lubhang mahiwaga,
Ang sariwang ulan sa ating nilakbay—
At umalingawngaw ang lungkot sa diwa
Mula sa kung saang naglihim na bukál.
Mga mahal natin ay ibig yumao,
Para ipadala ang mithing totoo.

Pababâ at tungo sa asawang mahal,
Kay Hesus, ang tanging pitlag nitong loob,
Tiyak na sasaklob ang saplot karimlan
Sa namimighati’t umibig nang lubos.
Ibinukod tayo ng isang pangarap
At nang maikandong sa amang lumantad.

Advertisements

“Ang Tatlong Ibon,” ni Jean-Joseph Rabearivelo

Salin ng “Les Trois Oiseaux” ni Jean-Joseph Rabearivelo ng Madagascar.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Tatlong Ibon

Jean-Joseph Rabearivelo

Ang yerong ibon, ang ibong bákal
Na humihiwa sa mga ulap ng umaga
At nagsisikap bulagin ang mga bituin
Pagsapit ng malaganap na takipsilim
Ay nagkukubli na waring nahihiyâ
Sa kunwang yungib na likha ng diwa.

Ang ibon ng lamán, ang ibon ng pluma
Na naglalagos sa mata ng habagat
Upang marating ang buwan na nakita
Nito sa panaginip na nakabitin sa sanga
Ay bumulusok nang magkasabay
Noong gabi sa laberinto ng mga rosal.

Ngunit ang ibon na isang kaluluwa
Ay bumabalanì sa taliba ng isipan
Sa himig ng nauutal niyang tinig,
Pagdaka’y pahuhugungin ang bagwis,
Lilipad para pumanatag ang espasyo,
At magbabalik lámang sa anyong inmortal.

Kapalaran at Punongkahoy, ni Henri Michaux

Salin ng dalawang tulang tuluyan ni Henri Michaux.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Kapalaran

Kahit ngayong narito kami sa bangka, kahit ngayong lilisan ako’t naroon sa gitna ng laot, sa yugtong ang lahat ay tila sandali ng paniningil ng utang, ang kalungkutan, siya na may matapat na gunita, ay lumitaw at nagwika: “Ako ito, naririnig mo ba? Halika, at magbalik!” At tinangay niya ako, ni walang inaksayang panahon para sa pakay, hinatak ako pabalik tulad ng unti-unting pagpasok ng dila sa bibig.

Ang Ensína

Nakatagpo ko ang punong ensína, na sinlaki ng aking daliri, at ito’y nagdurusa. Sa apat nitong dahon, ang dalawa ay ganap na nanilaw na. Ang iba pa’y nakalaylay at ni walang kinang.

Wala naman akong nakitang kaaway sa kapitbahayan, ni labis na kompetisyon.

Ang ilang matitinik na kulisap ay maaaring nakapasok doon sa ensiná. Ang ensína, ano ngayon ito sa kulisap? Ano ang halaga niyan sa kulisap?

Kayâ binunot ko ang mga patay na ugat at pinigtal ang mga tuyong dahon, at itinapon kung saan.

Dapat sanang matatag iyon, ngunit ang magsimulang mamuhay muli kahit gayong wala na ang lahat, hindi na! Hindi pa rin natuto nang sapat ang punongkahoy para sa gayong pangyayari.

“Ang Kamatayan,” ni Eugénio Tavares

Salin ng “A Morte” mula sa orihinal na Portuges ni Eugénio Tavares ng Cabo Verde.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Kamatayan

Eugénio Tavares

. . . . . .“Mapagpalaya at dalisay ang kamatayan!”
 . . . . . .  . . . . —Antero

Ang kamatayan ay lubhang mapagbigay
At may sagradong misyon mula sa Maykapal
Upang ihimlay ang napakagulong búhay
At maghatid ng mapagpalayang kaligtasan:

Sa malamig na kandungan ay namumuhay siya
At malimit hanap ang ginhawa mula sa pagdurusa
Na ang mapusyaw na esensiya ay hindi makita
ng mga naghihirap at pinagkaitang masa.

Ang makapal ngunit mabait niyang palad
Ay hindi matitinag na ulingang kamay
Na tangan ang maitim, matalas na karit;

Ngunit puting kamay din ng pag-ibig at banayad
Mag-aruga, at walang hanggang talibang nanay
Para sa mga kaluluwang ang tadhana’y malupit.

“Tula ng Kamatayan,” ni Jumah al Dossari

Salin ng tulang “Death Poem” ni Jumah al Dossari ng Bahrain.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Tula ng Kamatayan

Kunin mo ang aking dugo.
Kunin mo ang aking mortaha
at ang mga labî ng aking katawan.
Retratohan ang bangkay ko sa libingan
nang nagdadalamhati.

Ipabatid sa mundo ang mga larawan,
sa mga hukom at sa mga tao na may konsiyensiya,
ipadala yaon sa mga may prinsipyo’t makatarungan.

At hayaan silang pasanin ang kasalanan sa harap
ng daigdig, dulot ng inosenteng kaluluwang ito.
Hayaan silang magdusa sa harap ng mga bata
at sa harap ng kasaysayan,
ukol sa nawasak at dalisay na kaluluwa,
ukol sa kaluluwang ito na nagdusa sa mga palad
ng “mga taliba ng kapayapaan.”

 

Pakinggan ang tulasa bersiyong Ingles sa https://www.uipress.uiowa.edu/sites/uipress/files/pfg-03-death-poem.mp3

Pitong Lambak ng Pag-ibig, ni Farid Ud-Din Attar

Salin ng bahagi ng The Conference of the Birds (Mantiq Ut-Tair), na sinulat ng dakilang makatang Sufi Farid Ud-Din Attar (1142-1220) ng Iran, batay sa saling Ingles ni Charles Stanley Nott, at unang nalathala noong 1954.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Pitong Lambák ng Pag-ibig

1

Ang Lambak ng Paghahanap

“Kapag pumasok ka sa unang lambak—ang Lambak ng Paghahanap—ay sasalakayin ka ng laksang pahirap. Sasailalim ka sa laksang pagsubok. Doon, ang Loro ng Langit ay katumbas ng lamok. Kailangan mong gumugol nang ilang taon doon, at kailangan ang ibayong pagsisikap, upang mabago ang iyong kalagayan. Kailangan mong isuko ang lahat ng inaakala mong mahalaga sa iyo, at ituring na wala ang lahat ng iyong taglay. Kapag natiyak mong wala kang dala, kailangan mo pa ring ibukod ang iyong sarili sa lahat ng umiiral. Sasagipin mula sa kaparusahan ang iyong puso, at masisilayan mo ang dalisay na liwanag ng Maykapal at lahat ng iyong hiling ay darami nang walang hanggan. Lahat ng pumasok dito ay makadarama ng pag-asam na kahit siya’y isusuko nang ganap ang sarili sa paghahanap na sinasagisag ng lambak na ito. Hihingin niya sa tagapagdala ng kopa ang isang sisidlan ng alak, at sa sandaling matungga niya iyon ay wala nang iba pang mahalaga maliban sa kaniyang tunay na mithi. Pagdaka’y hindi na siya masisindak sa mga dragon, na pawang nagbabantay sa pinto at ibig siyang lamunin. Kapag nabuksan ang pinto at siya’y pumasok, ang dogma, ang paniniwala at pagdududa, ay magwawakas lahat ang pag-iral.”

2

Ang Lambak ng Pag-ibig

“Ang kasunod na lambak ay Lambak ng Pag-ibig. Upang mapasok iyon ay kinakailangang maging nagliliyab na apoy—ano pa ang aking masasabi? Kailangan ng tao na maging apoy. Ang mukha ng mangingibig ay dapat naglalagablab, sumisiklab, at sumusulak gaya ng apoy. Ang tunay na pag-ibig ay walang iniisip kung ano ang magiging bunga nito; sa pag-ibig, ang mabuti at masama ay magwawakas sa pag-iral.

“Ngunit para sa iyo, na walang pakialam at walang ingat, ang diskursong ito ay hindi makaaantig sa iyo, at ni hindi ito papansinin. Ang matapat na tao ay isusugal ang kaniyang salapi, itataya kahit ang kaniyang buhay, upang makapiling ang kaibigan. Samantalang ang iba’y kontento sa kaniyang sarili kung ano ang gagawin sa iyo kinabukasan. Kung may sinumang maghahanda sa paglalakbay na hindi ganap na ibubuhos ang kaniyang sarili ay mabibigo siyang makalaya sa kalungkutan at pagdurusa na babagabag sa kaniya. Hangga’t hindi natatamo ng bánoy ang mithi nito ay mapopoot ito’t di matatahimik. Kapag ang isda’y tumilapon sa pasigan dahil sa lakas ng alon, magsisikap itong makabalik sa tubigan.

“Sa lambak na ito, ang pag-ibig ay kinakatawan ng apoy, at ang katwiran ay katumbas ng usok. Kapag sumapit ang pag-ibig, naglalaho ang katwiran. Hindi makaiiral ang katwiran sa layaw ng pagmamahal. Ang pag-ibig ay walang kinalaman sa katwiran ng tao. Kapag taglay mo ang panloob na kaliwanagan, ang mga atomo ng nakikitang daigdig ay lilitaw mula sa iyo. Ngunit kapag tumanaw ka sa pamamagitan ng ordinaryong paningin ng katwiran, hindi mo mauunawaan kung bakit kailangan pang umibig. Tanging ang tao na sinubok at malaya ang makadarama nito. Sinumang pumili sa paglalakbay na ito ay kailangang may laksang puso upang maisakripisyo niya ang bawat isa sa bawat sandali.”

3

Ang Lambak ng Pag-unawa

“Pagkaraan ng lambak na aking binanggit ay sasapit ang Lambak ng Pag-unawa, na walang simula at walang wakas. Walang landas ang magkakapantay dito, at ang distansiya na lalakbayin para matawid iyon ay lampas sa mailalahad.

“Ang pag-unawa, para sa bawat manlalakbay, ay mapagtiis; ngunit ang kaalaman ay pansamantala. Ang kaluluwa, gaya ng katawan, ay nasa kalagayan ng progreso o pagdupok; at ang Espiritwal na Landas ay ibubunyag lamang ang hiwaga nito sa antas na ang manlalakbay ay nahigtan ang kaniyang mga pagkukulang at kahinaan, ang kaniyang pagtulog at paghimpil, at makasasapit ang bawat isa alinsunod sa kaniyang pagsisikap. Kahit na kumampay at lumipad ang lamok nang ubos-lakas, makasasabay ba ito sa lakas ng hangin? Maraming paraan ang pagtawid sa lambak na ito, at lahat ng ibon ay magkakaiba kung lumipad.  Matatamo ang pag-unawa sa iba’t ibang paraan—ang ilan ay matatagpuan ang Mihrab, samantalang ang iba ay makikita ang idolo. Kapag sumikat ang araw ng pag-unawa sa landas na ito, ang bawat isa’y makasasagap ng liwanag alinsunod sa merito nito, at mababatid ang antas na itinalaga sa kaniya ukol sa pag-unawa ng katotohanan. Kapag ang misteryo ng esensiya ng pag-iral ay ibinunyag sa kaniya, ang pugon ng daigdig na ito ay magbabanyuhay na hardin ng mga bulaklak. Siya na masikap ay makikita ang pili sa likod ng makunat na balát. Hindi na niya uunahin ang sarili, bagkus mamasdan ang mukha ng kaibigan. Sa bawat atomo ay masisilayan niya ang kabuoan; at pagninilayan niya ang laksang lihim na maningning.

“Ngunit ilan ang naligaw sa paghahanap ng isang ito na nakatuklas ng mga misteryo! Kinakailangan ang malalim at pangmatagalang lunggati upang matamo ang dapat matamo at matawid ang matarik na lambak na ito. Sa oras na mabatid mo ang mga lihim na ito ay magkakaroon ka ng tunay na lunggati na maarok yaon. Ngunit anuman ang iyong makamit ay huwag kaligtaan ang nakasaad sa Koran: “May iba pa ba?”

“At sa iyo na nahihimbing (na hindi ko mapupuri), bakit hindi magluksa? Ikaw na hindi pa nakikita ang kariktan ng iyong kaibigan, bumangon at maghanap! Hanggang kailan ka mananatili sa iyong kalagayan, na gaya ng burikong walang suga?”

4

Ang Lambak ng Kalayaan at Pagsasarili

“Sasapit pagkaraan ang lambak na walang pagnanasang lumikom ng pag-aari o hangaring tumuklas. Sa kalagayang ito ng kaluluwa ay umiihip ang malamig na simoy, na napakabagsik na sa isang iglap ay wawasakin ang malawak na espasyo; ang pitong dagat ay parang sanaw lámang, ang pitong planeta ay katumbas ng kisap, ang pitong langit ay bangkay, ang pitong impiyerno ay durog na yelo. Pagdaka’y ang nakayayanig na bagay, na higit sa katwiran! Ang langgam ay may lakas ng sandaang elepante, at sandaang karabana ang nagugunaw habang ang uwak ay umuubos ng pananim.

“Para makasagap ng selestiyal na liwanag si Adan, maraming anghel na lungti ang damit ang namighati. Para maging karpintero si Noe at makabuo ng arko, libo-libong nilalang ang nalunod sa tubigan. Libo-libong lamok ang umulan sa hukbo ni Abrahah para mapatalsik ang hari. Laksang panganay na sanggol ang namatay para makita ni Moses ang Diyos. Laksa-laksang tao ang lumahok sa kapisanan ng mga Kristiyano upang makamit ni Kristo ang lihim ng Diyos. Yutang puso at kaluluwa ang dinambong para makaakyat si Muhammad sa langit isang gabi. Sa Lambak na ito, walang halaga ang anumang luma o bago; maaari kang kumilos o hindi kumilos. Kapag nakita mong nagliliyab ang buong daigdig hanggang ang mga puso ay maging shish kabab, yaon ay panaginip lamang kompara sa realidad. Kung maraming kaluluwa ang mahuhulog sa walang hanggahang karagatan, katumbas lamang iyon ng isang patak ng hamog. Kung ang langit at lupa ay sasambulat sa maliliit na piraso, hindi iyon naiiiba sa napigtal na dahon mula sa punongkahoy; at kung gugunawin ang lahat, mulang isda hanggang buwan, matatagpuan ba sa kailaliman ng hukay ang isang putol na binti ng pilay na langgam? Kung wala nang bakas ang tao o jinn, ang lihim ng patak ng tubig na pinagmulan ng lahat ay kailangan pang pagbulayan.”

5

Ang Lambak ng Pagkakaisa

“Kailangan mong tawirin ang Lambak ng Pagkakaisa. Sa lambak na ito, ang lahat ay baság-baság sa maliliit na piraso at pagkaraan ay pinagsasanib. Lahat ng tumingala rito ay tumitingala mula sa isang kolyar. Bagaman waring nakikita mo ang maraming bagay, ang totoo’y iisa lámang—lahat ay bumubuo sa isa na isang ganap na pagkakaisa. Muli, ang nakikita mo bilang kaisahan ay hindi naiiba mula sa lumilitaw na mga numero. At gaya ng Umiiral na binabanggit kong lampas sa kaisahan at pagbibilang, humintong isipin ang eternidad gaya ng bago sumapit at pagkaraang sumapit, at dahil ang dalawang eternidad ay naglaho, humintong pag-usapan ang ukol dito. Kapag ang lahat ng nakikita ay nauwi sa wala, ano pa ang dapat pagbulayan?”

6

Ang Lambak ng Pagkagitlâ at Pagkalitó

“Pagkaraan ng Lambak ng Pagkakaisa ay sasapit ang Lambak ng Pagkagitlâ at Pagkalitó, na ang sinuman ay maaaring siluin ng kalungkutan at panlulumo. May mga buntong-hiningang gaya ng espada,  at bawat hinga ay mapait makita; naroon ang pamimighati at pagdurusa, at ang nagliliyab na pagkainip. Ito ay tuwing araw at gabi. May apoy doon ngunit nanlulumo at walang pag-asa ang tao. Paano siya magpapatuloy maglakbay sa gayong kalagayan ng pagkalitó? Ngunit sinumang nakamit ang pagkakaisa ay malilimot ang lahat at malilimot kahit ang sarili. Kapag tinanong siya, “Ikaw ba, o hindi ikaw? Mayroon ka ba o walang pakiramdam ng pag-iral? Ikaw ba ay nasa gitna o nasa gilid? Ikaw ba ay mortal o inmortal?” At tutugon siya nang buo ang loob: “Wala akong alam, ni wala akong nauunawaan, at hindi ako ako maláy sa sarili. Umiibig ako, ngunit kung kanino’y hindi ko alam. Ang puso ko’y kapuwa umaapaw at hungkag sa pagmamahal.”

7

Ang Lambak ng Pagkakait at Kamatayan

“Ang pangwakas ay ang Lambak ng Pagkakait at Kamatayan, na halos imposibleng ilarawan. Ang esensiya ng Lambak ay pagkalimot, pagkautal, at pagkabisó; ang laksang aninong nakapaligid sa iyo ay maglalaho sa isang sinag ng araw sa kalawakan. Kapag ang karagatan ng di-maliparang uwak ay tumaas, ang padron sa rabaw nito ay naglalaho ang anyo; at ang padrong ito ay dili’t iba kundi ang kasalukuyang daigdig at ang daigdig na isisilang sa hinaharap. Sinumang maghayag na hindi siya umiiral ay magtatamo ng pambihirang merito. Ang patak na naging bahagi ng malawak na karagatan ay naghihintay doon nang walang hanggan at nang payapa. Sa panatag na dagat, ang tao ay makararanas sa unang pagkakataon na mapahiya at mapatalsik; ngunit sa oras na umahon siya mula sa kaniyang abang kalagayan ay mauunawaan niya ito bilang paglikha, at maraming lihim ang mabubunyag sa kaniya.

“Maraming nilalang ang napagkaitang makahakbang sa unang pagkakataon, kayâ hindi rin nila nadanas humakbang sa ikalawang pagkakataon—at maihahalintulad lámang sila sa mga mineral. Kapag ang tangkay ng sabila at ang mga tinik ay naging abo ay magkahawig ang mga itó—ngunit ang kalidad ng mga ito ay magkaiba. Ang maruming bagay na inihulog sa tubigang may mga rosas ay maglalaho ang tiyak nitong pag-iral at makikilahok sa karagatan at sa galaw nito. Sa pagwawakas na umiral nang nakabukod, napananatili ng bagay ang kariktan nito. Umiiral ito at di-umiiral. Paano ito naganap? Hindi kayang arukin ito ng isip.”

1400

“Kaaway ng Kamatayan,” ni Salvatore Quasimodo

salin ng “Nemica della morte” ni Salvatore Quasimodo ng Italy.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Kaaway ng Kamatayan
[Nemica della morte]

Hindi mo na sana hiniklat
Ang iyong hulagway na hango
Mula sa amin, mula sa daigdig,
Na bahagi ng kagandahan.
Ano ang magagawa namin,
Kaming kaaway ng kamatayang
Naninikluhod sa rosas mong paanan
At sa lila mong dibdib?
Wala ni salita o piraso ng pangwakas
Na araw, isang Hindi sa mga bagay
Ng daigdig, ang Hindi sa aming
Mapusyaw na talâ ng sangkatauhan.
Ang malamlam na buwan
Sa tag-araw at ang hinihilang angkla’y
Tinangay ang iyong pangarap,
Tubigan, karimlan, hindi ang abuhing
Guniguni bagkus mga katotohanan,
Na pinigtas mula sa isipan
Na biglang nagpasiya sa oras
At lahat ng darating na kasamaan.
Ngayon, nakabilanggo ka
Sa likod ng mabibigat na pintuan,
O, Kaaway ng kamatayan.

Sino ang tumatangis?
Kinitil mo ang hininga
Ng kagandahan, pinilas siya,
Sinugatan nang nakamamatay,
At ni walang luhang pumatak
Para sa kaniyang malamig
Na aninong lumulukob sa amin.
Nawasak na pag-iisa,
At nabigong kariktan.
Sumenyas ka sa dilim,
Itinatak ang ngalan sa simoy,
At ang iyong Hindi sa lahat
Ng nagkukulumpon dito
O sa ibayo ng bugso ng hangin.
Batid ko kung ano ang hinahanap
Mo sa iyong bagong bestido.
Nauunawaan ko ang hindi sinagot
Na tanong. Hindi para sa iyo,
o sa amin, ang tugon.
Ay, mga bulaklak at lumot,
Ay, kaaway ng kamatayan!

para kay Rossana Sironi

“Ang Paghihiwalay,” ni Marceline Desbordes-Valmore

Salin ng tulang “Les Séparés” ni Marceline Desbordes-Valmore ng France.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Paghihiwalay

Huwag sumulat—Malungkot ako’t ibig yumao.
Lungting tag-araw kung malayo ka’y labis ang dilim.
Ang maabot ka’y di kayang gawin nitong kamay ko;
Pusong sugatan ay waring sapol hanggang ilibing.
Huwag sumulat!

Huwag sumulat—Matuto nawa tayong mamatay.
Sarili’t Diyos ay tanungin mo kung mahal kita!
Ang lumayo ka’t sabihing tapat na ako’y mahal
Ay tila langit kahit ang langit ay di makita.
Huwag sumulat!

Huwag sumulat—Ang iyong anyo ay nasa isip;
Nasa gunita ang iyong tinig na tumatawag!
Sariwang batis na di mainom ay isadibdib;
Sulat-kamay mo’y salitang tulad ng anyong tatak.
Huwag sumulat!

Huwag sumulat kung titik nito’y ayaw makita
Ang iyong tinig ay tagos hanggang sa aking puso;
Nakikita ko ang lipad nito sa ngiti’t damá,
Waring halik mo’y sa aking dibdib ay nakisuyo.
Huwag sumulat!

Marceline Desbordes-Valmore

Marceline Desbordes-Valmore

“Kapag tináya ko ang orasang batid ang tamang panahon,” ni William Shakespeare

Salin ng Soneto 12 “When I do count the clock that tells the time” ni William Shakespeare ng England, United Kingdom
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika Filipinas.

Kapag tináya ko ang orasang batid ang tamang panahon

Kapag tináya ko ang orasang batid ang tamang panahon
At nagwakas naman ang tapang ng araw sa sindak ng gabi;
Kapag nakita kong pumusyaw ang lila paglampas sa sukdol
Naghari ang itim imbes pinilakang may puti ang tabi;
Kapag nangalagas, naluoy ang dahon ng punong malabay
Na dáting lumilim sa kawan ng hayop at ibon sa gubat;
At tiklis na lámang ang dating halamang lungti noong araw
At naging pabigat sa suhay kabaong  na uban ang balbas;
Saka ang ganda mo ay nasok sa isip na baka maglahò
At ikaw ay ganap mabulok paglipas ng mga sandalî;
Dahil kahit yaong mahal at marikit ay kusang guguhô;
Kaybilis mamatay, at kaybilis naman ang iba’y magharì.
At wala ni isang hahadlang sa karit nitong kamatayan
Maliban sa supling na sa iyong puso ay alab ng tápang.

“Sumapit ang araw nang ako’y nalungkot,” ni Dante Alighieri

Sumapit ang araw nang ako’y nalungkot

salin ng “Un dì venne a me Melanconia,” ni Dante Alighieri ng Republika Italyana.

salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika Filipinas.

. . . . . . . . . . . . . . . . .     Sa ika-9 ng Hunyo 1290

Sumapit ang araw nang ako’y nalungkot
At sabi ng Lungkot, “Sasamahan kita.”
Wari ko’y pumasok ang pait at kirot
Sa aking kanlungan upang makiisa.

At suminghal ako, “Magsilayas kayo!”
At sumagot sila nang paligoy-ligoy,
At kung mangatwiran ay tila Griyego.
Tahimik ang Irog na dumating noon,

Suot niya’y itim, kay-rikit na damit.
Ang sumbrerong itim ay nakip sa buhok
At luha’y dumaloy sa pisnging namurok.

Ano ba ang sanhi’t masikip ang loob?
At tumugon siya, “Pighati’y dinibdib
Dahil ang mahal ta’y yumao palangit.”