Advertisements

Ang Batas, ni Hissa Hilal

Salin mula sa tulang Arabe ni Hissa Hilal
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Batas

Nakita ko mula sa paningin ng mga subersibong fatwa ang panahon na ang matapat sa batas ay lumalabag sa batas.

Nang inilantad ko ang katotohanan, lumitaw ang halimaw mula sa kaniyang kanlungan—isang halimaw na barbaro kung mag-isip at kumilos, bukod sa nagngangalit at bulag; suot niya ang damit ng kamatayan at sinturong sumasabog.

Nagwiwika siya mula sa platapormang opisyal at makapangyarihan, sinisindak ang bayan at dinaragit ang sinumang naghahanap ng kapayapaan. Tumakbo palayo ang tinig ng katapangan, at ang katotohanan ay sinikil at binusalan, sa sandaling ang pansariling kabutihan ay pinipigil ang sinumang magsabi nang walang kabulaanan.

Si Hissa Hilal habang bumibigkas ng kaniyang tula.

Si Hissa Hilal habang bumibigkas ng kaniyang tula.

Advertisements

Tatlong tula ni Fazil Husnu Daglarca

salin ng tatlong tula ng Turkong makata na si Fazil Husnu Daglarca.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Higit na matalino sa atin ang tubig

Higit na matalino sa atin ang tubig; maaga nitong natatanaw ang gabi.
Mula sa langit tungo sa dilim ito’y nagbabalik
At kisapmatang naglalaho gaya ng dambuhalang isda
Habang yumayanig ang mga dalisdis sa ilahas nitong ragasa.

Higit na matalino sa atin ang tubig; natutuklas nito ang tuwa
Kahit sa mga punongkahoy,
At hindi sa mga estranghero
Na pinipilit tayong mamuhay nang mapanglaw.

Higit na matalino sa atin ang tubig; hindi ito natutulog,
Bagkus palaging bukás ang paningin sa malaganap na bughaw,
At nakakubli sa lihim ng kamatayan, nag-aabang
Ng pook para sa sariling pag-iral ng buhay.

[“Sular Bizden Akillidir,” ni FAZIL HÜSNÜ DAGLARCA.]

Ang Pinatay nating Halimaw

Taglay nito ang mga matang kumikislap sa gabi
At ang pambihira’t labis na tapang.
Ngunit nabibighani tayo nito
Sapagkat nakalalamang ang ating kalagayan.

Huminto tayo sa bunganga ng madilim na yungib
At iniwan ang bato sa paglalakbay.
Matalik sa mga lihim ng mga gabi at gubat,
Pinunit ng anyo at atungal nito ang katahimikan.

Hindi na natin kahawig ang halimaw,
Hindi umiinom ng tubig, ni hindi natitinag,
Hindi ito laging alerto,
At bahagya lamang kung umidlip.

Sadyang kakatwa bagaman labis na karaniwan—
Mula sa mga palamuti nito’y lilikha tayo ng atin
Na singkintab ng malalambot nitong balahibo,
Samantalang sinlamig ng bato ang ating pandama.

Handang harapin nito ang bangis ng pagkubkob,
Na magiging di-mauubos na karne ng tagumpay;
At siya namang sabay-sabay lalamunin
Ng ating mga isip, hilakbot, at kamay.

[ “Öldürdügümüz,” ni FAZIL HÜSNÜ DAGLARCA.]

Pagtanaw

Para sa akin, ang bundok
Ay namimighati.
Balisa lamang ako
Ayon naman sa bundok.

Sa tingin
ng bundok,
Ako’y
Nababaliw.

Para sa akin,
Ang bundok
Ay nagugutom.

Ayon sa bundok,
Hindi ako makalapit doon.
Ngunit para sa akin,
Mabibigong makasapit dito
Ang bundok.

[“Göre,” ni FAZIL HÜSNÜ DAGLARCA.]

Bawat angking Kimera, ni Charles Baudelaire

salin ng “Chacun sa chimère” ni Charles Baudelaire.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

BAWAT ANGKING KIMERA

Sa ilalim ng malawak, abuhing langit, sa maalikabok, di-maliparang uwak na kapatagang walang bagnos, walang damo, walang baging ni palumpong, nasalubong ko ang ilang tao na hukót kung maglakad.

Bawat isa sa kanila’y pasan ang malaking Kimera, na simbigat ng sako ng arina o gatong, o katumbas ng kasuotan ng kawal na Romano.

Ngunit ang nakahihindik na halimaw ay hindi basta walang saysay na pabigat; bagkus, sinasaklaw nito’t inaalipin ang tao sa pamamagitan ng malalakas, nababanat na kalamnan; kinukuyom ng malalaking kuko ang dibdib ng sinasakyan nito; at ang pambihirang ulo nito’y tumatakip sa kilay ng tao, gaya ng mga nakasisindak na helmet na ginagamit ng mga sinaunang mandirigma upang mapatindi ang hilakbot ng kanilang kaaway.

Tinanong ko ang isa sa mga lalaki, at inusisa kung saan sila patungo sa gayong anyo. Sumagot siyang wala siyang kamalay-malay sa anumang nagaganap—siya man o ang iba pang kasama; ngunit halata silang patungo kung saan, dahil hinihimok sila ng di-nakikitang pangangailangang maglakad.

May kakatwang dapat pansinin: wala ni isa sa mga manlalakbay ang nayayamot sa mabangis na halimaw na lumalaylay sa kaniyang leeg at nakadikit sa kaniyang likod; at maihahakang bahagi na iyon ng kaniyang katauhan. Lahat ng pagál at seryosong mukha ay hindi nagpapamalas ng kawalang-pag-asa. Sa lilim ng nakaririnding kisame ng kalangitan, tinahak ng kanilang mga paa ang alikabok ng lupaing tigang gaya ng kaitaasan, at tumugpa sa landas nang may anyo ng mga taong mapagtiis na isinumpang umasa nang paulit-ulit.

At lumampas sa aking tabi ang tanikala ng mga lalaki at naglaho sa ulop ng panginorin, sa pook na ang pabilog na rabaw ng planeta ay ikinukubli ang sarili mula sa mapanuring tanaw ng tao.

At sa ilang sandali pa’y ipinagpatuloy ko ang mithing unawain ang misteryong ito; ngunit namayani sa aking loob ang di-maiiwasang kawalang-pakialam, at higit akong naguluhan kaysa silang pasan-pasan ang mga nakasusubasob na Kimera.

Ang Pantera ni Rainer Maria Rilke

salin ng “Der Panther” ni Rainer Maria Rilke
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG PANTERA

Sa Hardin ng mga Halaman, Paris

Napagod ang kanyang paningin sa bakod na rehas,
At wala na iyong makita sa buong paligid.
Nabatid na niyang wala nang iba pang may rehas,
Sa likod ng laksang bilibid ay walang daigdig.

Ang tatag at liksi ng kanyang paghakbang paikot
Sa ubod ng liit na bilog ay tulad ng sayaw
Ng ganap na lakas sa gitna; at doon, hilahod
At manhid ang bait na ibig humalang sa malay.

Kung minsan, tataas nang saglit ang tabing ng mata,
Tahimik papasok sa may balintataw ang anyo
Paloob sa siksik, namitig na lawas at paa,
Upang pagkaraan, maglaho nang lubos sa puso.

Tigre

Retrato mula sa US Fish and Wildlife Service, at hango sa artsibo ng gimp savvy.com