Advertisements

“Kaaway ng Kamatayan,” ni Salvatore Quasimodo

salin ng “Nemica della morte” ni Salvatore Quasimodo ng Italy.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Kaaway ng Kamatayan
[Nemica della morte]

Hindi mo na sana hiniklat
Ang iyong hulagway na hango
Mula sa amin, mula sa daigdig,
Na bahagi ng kagandahan.
Ano ang magagawa namin,
Kaming kaaway ng kamatayang
Naninikluhod sa rosas mong paanan
At sa lila mong dibdib?
Wala ni salita o piraso ng pangwakas
Na araw, isang Hindi sa mga bagay
Ng daigdig, ang Hindi sa aming
Mapusyaw na talâ ng sangkatauhan.
Ang malamlam na buwan
Sa tag-araw at ang hinihilang angkla’y
Tinangay ang iyong pangarap,
Tubigan, karimlan, hindi ang abuhing
Guniguni bagkus mga katotohanan,
Na pinigtas mula sa isipan
Na biglang nagpasiya sa oras
At lahat ng darating na kasamaan.
Ngayon, nakabilanggo ka
Sa likod ng mabibigat na pintuan,
O, Kaaway ng kamatayan.

Sino ang tumatangis?
Kinitil mo ang hininga
Ng kagandahan, pinilas siya,
Sinugatan nang nakamamatay,
At ni walang luhang pumatak
Para sa kaniyang malamig
Na aninong lumulukob sa amin.
Nawasak na pag-iisa,
At nabigong kariktan.
Sumenyas ka sa dilim,
Itinatak ang ngalan sa simoy,
At ang iyong Hindi sa lahat
Ng nagkukulumpon dito
O sa ibayo ng bugso ng hangin.
Batid ko kung ano ang hinahanap
Mo sa iyong bagong bestido.
Nauunawaan ko ang hindi sinagot
Na tanong. Hindi para sa iyo,
o sa amin, ang tugon.
Ay, mga bulaklak at lumot,
Ay, kaaway ng kamatayan!

para kay Rossana Sironi

Advertisements

“Ang Ginintuang Padauk,” ni U Kyaw

Ang Ginintuang Padauk

Salin ng “The Golden-Yellow Padauk” ni U Kyaw (1853-1878) ng Myanmar [Burma].
Salin sa elegateng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas, mula sa bersiyong Ingles ni Friedrich V. Lustig.

Bumubukad ang mga bulawang
bulaklak mula sa kumpol-kumpol
na mga lungtiang dahon
ngayong buwan ng Tagu.

May iba pa bang bulaklak
ang makahihigit sa rikit nitong
nasa lilim ng malamig na simoy padauk
na ang daloy ng matatamis na pawis
ay nagwawakas sa bukana ng Yungib Nanda—
na pinagkakanlungan ni Pacceka Buddha?

Sa isang buwan ng taon,
sa isang araw ng gayong buwan,
sa araw na iyon para sa Buddha
ay umaalimbukad ang padauk sa gubat.

Tag-araw na!
Sumapit na ang panahon ng Thingyan.
At mariringal ang ginintuang mawò
na basâng hinahanginan mula sa padauk
at inihahasik nito ang halimuyak
tungo sa mga bagnos ng kagubatan.

Walang makapaglalarawan ng kagila-gilalas
na katangian ng maharlikang bulaklak.
O Padauk!

“Ang Pakikipagsapalaran ng Pawikan,” ni Russell Edson

Ang Pakikipagsapalaran ng Pawikan

ni Russell Edson

Salin ng “The Adventures of a Turtle” ni Russell Edson ng United States of America.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Pasan ng pawikan ang kaniyang bahay. Siya ay kapuwa bahay at tao ng bahay.

Ngunit ang totoo, sa ilalim ng talukab ay ang maliit na silid na ang tunay na pawikan, na nakasuot ng kalsonsilyo, ay nakaupo sa munting mesa. Sa isang sulok ng silid ay serye ng mga panikwas na nakasungaw sa mga puwang sa sahig, gaya ng mga kontrol ng isang mekanikang pála. Sa pamamagitan nito’y napakikilos ng pawikan ang mga paa ng kaniyang tahanan.

Malimit na nakaupo ang pawikan sa padahilig na kisame ng silid-pagong at nagbabasá ng mga katalogo sa munting mesa na tinirikan ng may sinding kandila. Itinukod niya ang isang siko, at pagkaraan ang kabilang siko. Nagdekuwatro siya, at pagkaraan ay pinagpalit ang pagkakapatong ng mga hita. Napahikab siya, at isinapo sa kaniyang noo ang mga bisig at humimbing.

Kapag nararamdaman niyang pinupulot ng isang bata ang kaniyang bahay ay mabilis niyang papatayin ang ilaw ng kandila at tatakbo sa mga panikwas na kontrol, sakâ pagagalawin ang mga paa ng kaniyang bahay at sisikaping tumakas.

Kapag hindi siya makatakas ay pauurungin niya ang hita at itatago ang tinaguriang ulo at maghihintay. Batid niyang walang ingat ang mga bata, at darating ang oras na malaya niyang maililipat ang kaniyang bahay sa kung saang kubling pook, at doon ay muli niyang sisindihan ang kandila, ilalabas ang mga katalogo, at babasahin hanggang siya’y maghikab. Pagdaka’y pasubsob niyang itatago ang kaniyang ulo sa kaniyang mga bisig at matutulog. . . . At iyon ay hanggang may ibang batang pupulot sa kaniyang tahanan. . . .

“Ang Anak,” ni Carmen Giménez Smith

salin ng “The Daughter” ni Carmen Giménez Smith ng United States of America.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Anak

Wika natin ay siya ang negatibong hulagway ko dahil magaan siya.
Siya ang liwanag at ang landas, ang ginhawa sa aking cortex.
Anak, saan mo kinuha ang lahat ng pagkadiyosa?
Mga mata niya’y dalawang itim na sanaw ng dapithapon ni Neruda.
Minsan, estranghera siya sa aking bahay dahil hindi ko siya iniisip.
Sino ang kaniyang magiging anak?
Siya at ako ang marahang paglayo ng karimlan ng aking nanay.
Kinalag ko ang láso ng kaniyang búhay, at iyon ay makinis, mahaba
Na bulwagang nakabukás ang mga pinto.
Ang kaniyang rabaw ay defleksiyon ng bakit.
Saktan siya, at parang sinaktan mo kami lahat.
Nasa loob niya ang aking tapang at tining, ang pagkailahás.

“Ang Dagat,” ni António Baticã Ferreira

Ang Dagat

Salin ng “O Mar” ni António Baticã Ferreira ng Guinea-Bissau.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Tingnan: itong dagat ay sadyang humugis
Sa akin. Kay-daming nilalang sa laot!
Habulin mo iyon ay nakalulugod;
Ang lundag sa alon ay lumba sa isip.

Ang dagat, na hindi tirahan ng tao,
Ay ano’t marikit, kay-lawak, at ganap!
May pitlag sa loob sa akin ang dagat,
At ibig makita ang along tumatakbo!

Kay-sarap namnamin ang tagpo sa baybay
Mga lumbang ano’t kay-liksing lumangoy,
At nag-uunahan doon sa pantalan.

May bulong sa atin ang lastag na dagat,
Sa wikang unawa nitong ating loob;
At mabilis natin itong natatalos,
Sa salitang tunog at himig ng lahat.

O, anong impresyon ang dulot ng laot!

“Ang Panginoon ang aking Pastol,” ni T.S. Farisani

Salin ng mga tulang “The Lord is my Shepherd” ni T.S. Farisani (Tshenuwani Simon Farisani) ng Timog Africa.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Panginoon ang aking pastol
Salmo 23 sa Pietermaritzburg at Howick
Marso 13–Hunyo 4, 1977

Ang Panginoon ang aking pastol
Hindi ako malulupig.
Inihihimlay niya ako sa lupain ng kalayaan,
Umiinom ako sa baso ng kasarinlan.
Kahit na maglandas ako sa lambak ng tortyur,
Hindi ako matatakot sa mga hayop na tao,
Ipaglalaban niya ang aking pakikibaka.
Ang kaniyang mga anghel at bisyon
Ay patnubay ko sa mga brutal na interogasyon.
Binibigyan niya ako ng buhay mula sa palad ng pumapatay,
At binibigyan ng korona ng tagumpay na kaniya.
Mamumuhay ako sa piling ng mga santo sa bahay ng ama ko,
At walang hanggang di maaabot ng mga hayop na tao!

* * *

Ang Panginoon ang aking pastol
Salmo 23 Ikalawang Pagkakakulong
Oktubre 21, 1977 hanggang Enero 21, 1978

Ang Panginoon ang aking Diyos,
Hindi ako magsisilbi sa mga idolo.
Itinataguyod niya ako sa lupain ng pandarahas,
Pinatatatag  kaluluwa ko sa pag-inom ng tubig sa kubeta.
Kapag ako’y inilipat mulang Sibasa hanggang Louis Trichardt,
Hindi ako matatakot sa mga tagapagbantay,
Sa Bilangguan ng Pietersburg ay babaliin niya ang pangil ng leon.
Ang Kaniyang salita at ang Kaniyang espiritu
Ay pag-aalabin ako kapag dumaranas ng panlulumo.
Binibigyan niya ako ng pag-asa sa kaharian ng pagsuko,
At binubughan ng búhay sa lupain ng kamatayan.
Napananatili ang aking kaluluwa para sa malayang Timog Africa,
Habambuhay na malaya mula sa epidemyang lahi!

* * *

Ang Panginoon ang aking pastol
Salmo 23 mula sa kaibuturan ng impiyerno
Nobyembre 18, 1981 hanggang Hunyo 1, 1982

Ang Panginoon ang aking gobyerno,
Hindi ako magpupugay sa apartheid.
Sasagipin niya ang aking kaluluwa mula sa Masisi,
At gaya ni Lazaro, ako ay babangon sa libingan.
Kapag binugbog at iniwang hubad,
Hindi ako mangangatal sa mga sugat.
Kapag winakasan ng tao ang kapalaran ko sa likod ng kurtina,
Sa tinta ng dugo ng kaniyang anak na nasa kaniyang palad,
Binubuksan niya ang bagong pahina ng aking buhay.
Ilalapit niya sa aking mga kaibigan mula sa malayo at malapit,
At ang mga liham ng mabubuting Samaritano doon at saanman.
Lalakad akong matikas at malaya,
Walang hangga sa ngalan ni Hesus.

* * *

Ang Panginoon ang aking pastol
Salmo 23 mula sa lupain ng manna at pugò
Nobyembre 21, 1986–Enero 30, 1987

Ang Panginoon ang aking abogado,
Hindi ako ang maysala.
Wawasakin niya ang bawat kutsabahan.
Tatanggalin niya ang mga bitag sa aking paanan.
Sinukol at tinugis sa magdamag,
Hindi ako susuko nang hindi lumalaban.
Kapag ang Kapitan na Nangingibabaw sa Batas ay  bantaan
Akong ipinid ang aking bibig ngayon nang ganap,
Malaladlad ang pulang alpombra ng masaganang buhay.
Ilalantad niya ang mga butas sa utos ng pag-aresto,
At ipapapasok ang pagkain at ipapalabas ang mga liham.
Magwagi man sila sa maraming bakbakan ngayon,
Ang pangwakas ay para sa Diyos at sa ating lahat.

“Ang Sugat,” ni Adonis (Ali Ahmad Said Esber)

Ang Sugat

Salin ng tulang “The Wound” ni Adonis (Ali Ahmad Said Esber), batay sa salin sa Ingles ni Khaled Mattawa.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

1.
Ang mga dahong nahihimbing sa lilim ng simoy
ang barko ng mga sugat,
at ang mga panahong gumuho’t tumabon sa isa’t isa
ang kadakilaan ng sugat,
at ang mga punongkahoy na umaahon sa mga pilik
ang lawa ng sugat.
Ang sugat ay matatagpuan sa mga tulay
na nagpapahabà ng libingan,
at ang pagtitiis ay umiiral nang walang katapusan
sa pagitan ng mga pasig ng ating pag-ibig at pagyao.
Ang sugat ay isang senyas,
at ang sugat ay isa ring salupungan.

2.
Sa wikang sinakal ng mga kumakalembang na batingaw,
inihahandog ko ang tinig ng sugat.
Sa bato na nagmumula sa malayo
sa tuyot na daigdig na nadudurog na alabok
sa panahong isinasakay sa mga lumalangitngit na trineo,
sinisindihan ko ang siga ng sugat.
At kapag nagliliyab sa loob ng aking damit ang kasaysayan,
at kapag tumubò ang mga asul na kuko sa aking mga aklat,
sisigaw ako sa sandaling iyon,
“Sino ka? Sino ang nagpadpad sa iyo
sa aking básal na lupain?”
At sa loob ng aking aklat at sa aking básal na lupain
ay tititig ako sa pares ng matang nabuo mula sa alabok.
Narinig kong nagwika ang kung sinong tao,
“Ako ang sugat na isinilang,
at lumalagô gaya ng paglagô ng iyong kasaysayan!”

3.
Tinagurian kitang ulap,
ang sugat ng lumilisang kalapati.
Tinagurian kitang aklat at panulat
at dito’y sinisimulan ko ang diyalogo
sa panig mo at ng sinaunang dilà
sa pulô ng mga aklat
sa arkipelago ng sinaunang taglagas.
At dito’y nagtuturò ako ng mga salita
sa hangin at sa mga palma,
O sugat ng lumilisang kalapati!

4.
Kung mayroon akong pantalan sa lupain
ng mga pangarap at salamin, kung may barko ako,
kung may mga labî ako ng lungsod
sa lupain ng mga bata at nangagsisitangis,
naisatitik ko sana ang lahat ng ito para sa sugat,
isang awit na gaya ng sibat
na tumatagos sa mga punongkahoy, bato, at langit,
sinlamyos ng tubig
na hindi mapipigil, at nakayayanig, gaya ng paglupig.

5.
Ulanin ang aming disyerto
O daigdig na pinalamutian ng pangarap at pag-asam.
Bumuhos, at gulantangin kami, kami, ang mga palma ng sugat,
hiklatin ang mga sanga mula sa mga punongkahoy ng sinumang ibig
ang pananahimik ng sugat, na nakahiga nang gising,
at nakatitig sa malalantik na pilik at malalambot na palad.

Daigdig na pinalamutian ng pangarap at pag-asam
daigdig na nahuhulog sa aking kilay
tulad ng hagupit na nagbabakás ng isang sugat,
huwag nang lumapit pa—ang sugat ay lalong matalik—
Huwag akong tuksuhin, dahil ang sugat ay higit na marikit.
Lumipad sa mga nakaraang kaharian
ang mahika ng iyong paningin—
ang sugat ay naglandas palampas doon,
lumagpas at ni hindi nag-iwan ng isang layag
upang mang-akit ng kaligtasan, at hindi nag-iwan
ng kahit isang pulô.