Advertisements

“Kaaway ng Kamatayan,” ni Salvatore Quasimodo

salin ng “Nemica della morte” ni Salvatore Quasimodo ng Italy.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Kaaway ng Kamatayan
[Nemica della morte]

Hindi mo na sana hiniklat
Ang iyong hulagway na hango
Mula sa amin, mula sa daigdig,
Na bahagi ng kagandahan.
Ano ang magagawa namin,
Kaming kaaway ng kamatayang
Naninikluhod sa rosas mong paanan
At sa lila mong dibdib?
Wala ni salita o piraso ng pangwakas
Na araw, isang Hindi sa mga bagay
Ng daigdig, ang Hindi sa aming
Mapusyaw na talâ ng sangkatauhan.
Ang malamlam na buwan
Sa tag-araw at ang hinihilang angkla’y
Tinangay ang iyong pangarap,
Tubigan, karimlan, hindi ang abuhing
Guniguni bagkus mga katotohanan,
Na pinigtas mula sa isipan
Na biglang nagpasiya sa oras
At lahat ng darating na kasamaan.
Ngayon, nakabilanggo ka
Sa likod ng mabibigat na pintuan,
O, Kaaway ng kamatayan.

Sino ang tumatangis?
Kinitil mo ang hininga
Ng kagandahan, pinilas siya,
Sinugatan nang nakamamatay,
At ni walang luhang pumatak
Para sa kaniyang malamig
Na aninong lumulukob sa amin.
Nawasak na pag-iisa,
At nabigong kariktan.
Sumenyas ka sa dilim,
Itinatak ang ngalan sa simoy,
At ang iyong Hindi sa lahat
Ng nagkukulumpon dito
O sa ibayo ng bugso ng hangin.
Batid ko kung ano ang hinahanap
Mo sa iyong bagong bestido.
Nauunawaan ko ang hindi sinagot
Na tanong. Hindi para sa iyo,
o sa amin, ang tugon.
Ay, mga bulaklak at lumot,
Ay, kaaway ng kamatayan!

para kay Rossana Sironi

Advertisements

“Testamento ng Makata,” ni Angkarn Kanlayanapong

Salin ng tula ni Angkarn Kanlayanapong ng Thailand, at batay sa salin sa Ingles na “The Poet’s Testament” nina Sulak Sivaraksha at Hiram Woodward.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Testamento ng Makata

Ibinalabal ko ang kalangitan
Upang pawiin ang lamig
At naghapunan ng sinag-tala
Na kahalili ng kanin.
Kumalat ang hamog sa ilalim ng langit
Upang tighawin ang aking uhaw,
At umagos ang aking mga tula
Upang salubungin ang liwayway
Hanggang sa huling panahon.

Ang aking puso, na inihayin sa libingan,
Ay nagtamo ng gahum na taliwas
Sa kamunduhan; ang kaluluwa’y
Lumipad tungo sa lupain ng pangarap
Sa malayong panig ng kalawakan.
Hinanap nito ang dibinidad sa Langit
At tinangay padaigdig
Upang panatagin ang buhangin at damo,
Ibalik ang ligaya’t ibalik ang kapayapaan.

Ang layon ng paghabi ko ng mga tula
Ay iligtas ang angking kaluluwa,
Na ngayon ay nakahimlay sa agos
At daloy ng panahon.
Bagaman ang búhay na ito, na maikli,
Ay magugugol sa tumpak na oras,
Ang mga pahayag ng puso, na kumikinang
at dibino, ang mangingibabaw.

Hayaan mong ang katawan ay sunugin
Sa krematoryo nito— ang mga tulang nilikha
nang may tatag at tamis ay hindi matutunaw.
Saanmang daigdig muling isilang ang kaluluwa
Ay may pagbaha ng mariringal at banal
Na bahaghari, na may kislap ng kristal
At ningning na mamahaling bató.

Ang kawalang-tinag ay nagpapasiklab ng lugod
Sa mga salitang isinatitik,
Gaya ng mahalagang buhos ng ulan ng Langit
Na pumapawi sa init ng paligid.
Kaytamis samyuin ang búhay na ito. Ang kasunod
Ay may mga repleksiyon ng katamisan nito.

Handa kong iwaksi ang aking búhay
At talikdan nang lubos,
Ang tanging ibig ko’y mahahalagang bagay,
Ang kumikislap at ang bago.
Tiyak na ang panulaan ang pinakabanal
Na sining sa lahat, isang anyo ng mahika,
Na hinugot mula sa mamahaling kahoy,
At nahulog mula sa kalangitan.

“Awit para sa dalagang marikit, na papalabás ng bayan noong tagsibol,” ni John Dryden

Salin ng tulang “Song to a Fair Young Lady, going out of the Town in the Spring,” ni John Dryden, ng United Kingdom of Great Britain and Northern Ireland
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Awit para sa dalagang marikit, na papalabás ng bayan noong tagsibol

Huwag mong itanong kung biglang bumagal ang pamumukadkad
ng mga bulaklak sa kaydilim-dilim na bagong tagsibol;
Kung bakit nalimot ng ibong masatsat ang kaniyang awit,
at binabaligtad ng bagyong niyebe ang inog ng taon.
Wala na si Kloris; heto ang tadhanang ngayon ay naglaang
gawin ang Tagsibol upang itong dilag ay mágkatahánan.

Wala na si Kloris, ang mahal na dilag ngunit anung lupit;
ni hindi man lamang pumukol ng sulyap na taglay ang awa:
Binatang umibig ay iniwan niyang ang loob ay punit
upang humagulgol, upang lalong umasam, yumaong may luha:
Ay, paano bagang ang magandang titig ay kayang tiising
Magdulot ng sugat na di magagamot ng mga habilin.

Diyos ng pag-ibig, bakit ka lumikha ng mukhang ang anyo
ay káyang utusan ang lahat ng puso anuman ang sanhi;
na handang sakupin nitong relihiyon kahit pa mabigo;
at muling baguhin ang panuto’t batas na likha ng lahi?
Saan mo dinalá yaong kapangyarihan nang unang panahon,
patawarin siya’y ang higit na dapat mangibabaw ngayon.

Pagsapit ni Kloris sa loob ng templo ay nangagsihiyaw
ang madlang bumuntot, humiyaw sa labis na paghangang ganap;
Káya niyang muling buhayin ang bangkay mula sa libingan,
Ibalik ang búhay ng patáy maliban sa akin pong palad.
Tanging ako lámang ang likhang Pag-ibig na naging biktima
Upang mailigtas sa mga panganib ang sambayang sinta.

Ang Talukbong ng Umaga, ni Victor Hugo

Salin ng “Le voile du matin” ni Victor Hugo ng France.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Ang Talukbong ng Umaga

[Aklat V. viii., Abril 1822]

Ang ulop ng umaga’y hinati ng taluktok,
Nagkislapan sa puti ang matatandang tore,
At ang kadakilaang kaysayáng inaarok
Ay pinagpupugayan ng mayang humuhuni.

Ngumiti ka, lalaki, sa panatag na langit,
Kahit tinangay ka pa ng gabing anung lagim;
Sa dilim ng puntod mo’y may kuwagong tumitig
Sa bagong alimbukad ng araw na maningning.

Pigilin man ng lupa’y ang diwa mo’y lilipad
Kung saan kumikinang ang batis-walang hanggan;
Babangon ka sa gitna ng lingid na pangarap
Na pinawi ng sinag yaong kadakilaan.

Higad sa Hapag, ni Robert Bly

Salin ng “Caterpillar on a Desk,” ni Robert Bly
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Higad sa Hapag

Nang angatin ko ang tasa ng kape’y napansin ko ang isang higad na gumagapang sa pilyego ng mga selyong nagkakahalaga ng diyes sentimos. Kasing-itim ng kahong de-tsino ang ulo. Karugtong niyon ang siyam na akordiyong malalambot, na umiindayog at kahawig ng maumbok na kabundukan. Nakatindig sa balikat nito ang wari’y ilang hibla ng sepilyong panlinis ng botelya. Nang kunin ko ang pilyego ng mga selyo’y gumapang nang gumapang ang higad sa gilid ng papel, at nakita ko ang mga paa nito: tatlong pares sa ilalim ng ulo, apat na pares ng espongha sa ilalim ng gitnang katawan, at dalawang dulong pares sa hulihang bahagi, na mala-rosas na hita ng tuta. Umaangat ang higad habang naglalakad, anim na pares ng paang walang sayad sa selyo, at kumakaway sa hangin! Ang isa sa pares ng esponghang paa, at ang dulong dalawang pares sa buntot, ang nakadikit nang alanganin. Unang araw noon ng Setyembre. Madaling tanggapin ng tao ang kaniyang kabiguan—o dahil lumipas na ang kabaliwan ng tag-araw? Napapansin ng tao ang karaniwang lupa, na nilait nang may lambing noong Hulyo, habang naghahanda siya sa pang-araw-araw na trabaho, at magsimulang gumamit ng mga selyo.

Buhay-Pananda, ni Juana de Ibarbourou

salin ng “Vida-Garfio” ni Juana de Ibarbourou mula sa Uruguay.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Buhay-Pananda

Mahal: Kapag yumao ako’y huwag dalhin sa libingan.
Humukay nang malapit sa rabáw, na malapit sa dibinong
halakhakan ng kulungan ng mga ibon.
O sa mahiwagang usapan ng mga bundok.

Malapit sa rabáw, mahal ko. Halos nasa ibabaw ng lupa
upang masinagan ng araw ang mga buto, at babangon
ang mga mata ko, gaya ng mga uhay, upang tingnan
muli ang salbaheng lampara ng lumulubog na araw.

Malapit sa rabáw, mahal ko. Upang higit na mabilis
ang aking paglisan. Ramdam ko ang aking mga lamán
na lumalaban, at nagsisikap magbalik upang damhin
ang mga atomo ng nakapananariwang simoy.

Batid kong hindi mapapanatag kailanman
ang aking mga kamay doon sa ilalim.
At kakalaykayin ng mga ito ang mga bútas ng lupa
sa gitna na karimlan, at nagkukulumpong mga anino.

Hasikan mo ako ng mga butil. Ibig kong magkaugat
ang mga ito sa naninilaw, naaagnas na mga buto.
Mula sa abuhing hagdan ng mga ugat ay babangon
ako upang bantayan ka’t maging mga liryong morado!

Ang Lakad, ni Derek Walcott

Salin ng “The Walk” ni Derek Walcott mula sa Saint Lucia ng Silangang Dagat Caribbean. Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Ang Lakad

Matapos ang malakas na ulan ay nagbubutil muli ang alero,
ibinubuga ng mga punongkahoy ang duda mo gaya ng tinakpang ilaw,
patak kada patak, gaya ng abakus ng paslit
mga butil ng malamig na pawis na nakahanay sa matataas na kawad,

ipanalangin kami, ipanalangin ang bahay na ito, hiramin ang pananalig
ng kapitbahay, ipanalangin ang utak na itong napapagal,
at nawawalan ng pananampalataya sa mga dakilang aklat na nabása;
makaraan ang isang araw nang nakahiga, dinurugo ng mga tula,

bawat parirala ay tinuklap mula sa nakabendang lamán,
bumangon, maglagalag sa ilalim ng kalangitan
tigmak gaya ng labada sa kusina,
habang humihikab ang mga pusa sa likod ng bintana,
mga leon sa pinili nilang kulungan,
na hindi malayo sa tarangkahang pinalamutian ng perlas
ng huli mong kapitbahay. Anung bagsik ng iyong

katapatan, O puso, O rosas ng bakal!
Kailan higit naging anyong nobela ng katulong ang iyong trabaho,
na waring iyaking dula-dulaang naging malapit
sa iyo sa tunay na buhay? Tanging kirot,

ang kirot ay tunay. Heto ang wakas ng iyong buhay,
isang kulumpon ng mga kawayan na ang kuyom
na kamao ay nagpapapigtal ng mga bulaklak nito, ang landas
na gumagapang na hishis sa basâng-basâng

kahuyan: iwan ang lahat, ang hanapbuhay,
ang hapdi ng maikling buhay. Nagulantang, napakislot ka;
ang iyong bahay, na bumabángong leon, ay gumanti ng kalmot.