Advertisements

“Hiwaga,” ni Ku Sang

Salin ng “Mystery” ni Ku Sang ng Timog Korea, batay sa bersiyong Ingles ni Brother Anthony ng Taize.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Hiwaga

Nakabalatay sa karpet ang bilangguang
Napakalaki na sumasakop sa buong disenyo
Na may bulawang hirasol na nagliliyab.

Sa labás ng bintanang mala-oktagon
Ay umaahon ang lungsod gaya ng daluyong,
Na may pabrika ng mga barkong pandigma
At matatayog na sasakyang dagat,
At kaylamig sa mga gusgusing bangka.

Sa kalawakan, nagpapaikot-ikot sa lungsod
Ang malalaking paniking itim na tila nakabuhol
Sa mahabang tali, tinatangay ang mga supling,
Samantalang sa loob ng silid ay may lastag
Na lalaki, nakabukad ang bibig, at akmang
Lalamunin ang dilaw na paruparong
Nakaipit sa hintuturo at hinlalaki.

Sa salaming nilikha na isang pader,
Ang ikatlong lalaki, gaya ng kaniyang repleksiyon,
Ay sumasayaw nang nakanganga,
Upang habulin ang isa pang paruparo
Habang ang kabilang panig na pader na de-baras
Ang bintana at tinirikan ng matatalas na patalim
Ay nakatanaw sa matarik na bangin
Na pinamumukadkaran ng iisang bulaklak.

Sa loob ng hiwagang ito, ang aking hulagway
Ay marikit na lumuluha
Tungo sa liwanag na walang pangakong kaligtasan.

Advertisements

Give Up Tomorrow

Napapanahong mapanood ng mga estudyante at guro ang dokumentaryong pelikulang Give up Tomorrow (2011) nina Michael Collins at Marty Syjuco. Inilalantad ng dokumentaryo, sa pananaw at kritika ng mapanuring lente, ang mapait na kapalarang sinapit ni Francisco Juan Larrañaga (alyas “Paco”) at ng anim na iba pang akusado makaraang madawit sa pagdukot at pagpatay sa magkapatid na Marijoy at Jacqueline Chiong isang gabing maunos noong 1997.

Si Larrañaga ang naging mukha ng iba pang naparusahan; at madaranas niya ang mala-karnabal na paglilitis; ang prehuwisyo at sensasyonalismo sa pamamahayag at opinyon ng publiko; ang malahayop na pamumuhay sa loob ng bilangguan; at ang mahatulan nang dalawang ulit na habambuhay na pagkakapiit. Hanggang lumabas ang kaniyang usapin tungo sa pandaigdigang antas, at manghimasok ang mga kilalang internasyonal na organisasyong nakikisangkot sa karapatang-pantao, saka mapansin at makialam ang gobyerno ng Espanya, at sa pamamagitan ng Hari nito ay nailipat si Larrañaga—na kambal ang pagkamamamayan—sa Espanya upang doon gugulin ang natitirang panahon sa hatol na pagkakabilanggo.

Ang kredito ay maipapataw sa mahusay na editing ng mga pinaghalo-halong hulagway ng balita, retrato, pelikula, interbiyu, paniniktik, papeles, at iba pang bagay—at kung paano paano ang mga ito napagdugtong-dugtong sa limitadong oras ay dapat hangaan. Ang mahigpit na editing ay tinumbasan ng pambihirang pagsipat sa isang anggulo: ang anggulo ni Larrañaga. Hindi inilihim ni Syjuco na kamag-anak niya si Larrañaga (asawa ng kaniyang kapatid ang nakatatandang kapatid ni Paco); ngunit kahit ang ganitong pangyayari’y hindi makapagpapapusyaw sa katotohanang isinisiwalat ng pelikula. Mula sa paningin ni Larrañaga ay unti-unting ilalahad ang pasikot-sikot na daan tungo sa paghahanap ng katarungan at pagpapanatili ng katinuan.

Maaaring ipalagay na kasiraan ng Filipinas ang bulok na sistema ng hukuman at pulisya, gayunman ay mapanlahat ang ganitong kuro-kuro sapagkat hindi maaaring kumatawan ang kaso ni Paco sa iba pang bilanggo. Ang totoo’y umuurirat ang pelikula sa umanidad ng isang kabataang ipagpalagay nang pilyo at laki-sa-layaw ay hindi karapat-dapat na mabilanggo dahil isinabit lamang siya ng pulisya, at kinondena nang walang taros sa hapag ng publikong opinyon. Nilitis hindi lamang si Paco bagkus maging ang kaniyang ang pribilehiyadong angkan, at ito ang isang naging pabigat upang lumayo ang simpatya sa kaniya ng taumbayan. Isang anyo rin ng paglilitis ang pelikula sa panig ng pamilya Chiong—partikular kay Thelma Chiong na ina ng magkapatid na pinatay. Si Thelma ay ipinamalas sa dokumentaryo na may koneksiyon sa Malacañang sa pamamagitan ng kaniyang kapatid; at walang takot na lumalapit sa huwes at kawani ng hukuman, at siyang maipapalagay na pag-impluwensiya sa magiging kiling ng hatol. Ngunit ang masaklap, si Thelma rin ang bukás na nakikipag-ugnayan kay Davidson Valiente Rusia, ang pinagtiwalaang saksi ng estado, at ibinibilang sa isa sa mga gumahasa at pumatay sa magkapatid.

Ang kaduda-dudang personalidad ni Rusia ay walang pasubaling ginigiba sa dokumentaryo. Ito ay sapagkat si Rusia ang tanging direktang magdidiin kay Paco na isa sa mga pangunahing gumawa ng krimen; samantalang ang iba pang saksi na ipinirisinta sa paglilitis ay nagsabi lamang na nakita nila si Paco (at si Josman Aznar) sa Cebu at kausap ang magkapatid na Chiong noong gabing maganap ang krimen. Si Rusia na isa umanong adik at tambay ay ipinirisinta sa korte na guwapo, malinis at mapagtitiwalaan, at ang pagpapapogi niya ay dahil sa tulong at reimbensiyon ni Thelma Chiong. Ang tanong ni Mimi Larrañaga (kapatid ni Paco) kung bakit ganito ang asal ng isang ina ay balido; sapagkat ang tunay na inang may malasakit sa kaniyang dalawang anak ay isusumpa ang sinumang pumatay at lumuray sa kanilang pagkatao, kasama na ang kakutsabang gaya ni Rusia.

Kung susuriing maigi, ang dokumentaryo nina Collins at Syjuco ay tandisang sumasalungat sa pasiya ng Korte Suprema sa kasong G.R. Nos. 138874-75 na pinagtibay ni Punong Mahistrado Hilario G. Davide Jr at iba pa. Una, hindi mapagtitiwalaan si Rusia. Ikalawa, nagkamali ang korte nang tanggihan ang alibay o palusot ni Paco na siya ay nasa Maynila at wala sa Cebu nang maganap ang krimen. Ikatlo, may nilabag na karapatang-pantao ang korte nang tanggihan nito ang ibang testimonya ng ibang saksi na panig kay Paco. At ikaapat, ang bangkay na natagpuan sa Carcar, Cebu ay hindi labi ni Marijoy. Sa ganitong presentasyon ay matatasa kung nagtagumpay ang dokumentaryo at mapapaniwala nang lubos ang mga manonood.

Ipagpalagay nang tunggalian ito ng dalawang pamilya upang makamit ang hustisya at katotohanan, at ang mga aktor ay may dugong Espanyol sa isang panig, at may dugong Tsino sa kabilang panig. Ang saksi ay may dugong Amerikano; samantalang ang huwes sa kaso ay isang Filipino, bukod sa mga Filipino rin ang iba pang nasasakdal, at Filipinong sambayanan ang tagasubaybay mulang paglilitis  hanggang paghatol. Kinagat ang gayong pangyayari sa pahagayan, radyo, at telebisyon sapagkat ang paggahasa at pagpatay ay may kaugnayan sa konsepto ng “puri” at “dangal” sa mga Filipino. Idagdag pa rito ang pangyayaring ang mga nagaganap na karumal-dumal na krimen ay iniuugnay sa impunidad ng alta sosyedad—na ang pagkalahi’y mahaba ang kasaysayan ng pang-aapi sa mga karaniwang mamamayan. Nabuksan din sa kaso ang isa pang anggulo: ang ilegal na droga ng sindikato, at kung ano ang kaugnayan nito sa buhay ni G. Chiong ay mananatiling nakabitin magpahangga ngayon.

Nakapanghihinayang na winasak ng krimen ang dalawang pamilya at pinarupok ang mga institusyon ng pamahalaan. Si Hukom Martin Ocampo ay umani ng kapuwa paghanga at paglibak; at ang mga abogado ng depensa ay kaniyang ipinakulong dahil sa pag-uyam sa korte (na bulaklak ng dila para sa di-patas na paglilitis). Bagaman isinaalang-alang ni Ocampo ang panig ni Larrañaga at iba pa at ang panig ng pamilya Chiong sa kaniyang hatol, isang palaisipan pa rin kung bakit hindi pinayagan ng huwes ang pagsusuri sa DNA ng mga bangkay at pagtestigo ng mga eksperto sa pagsusuri ng mga labi ng bangkay, gaya ni Prof. Jerome Bailen, at kung bakit hindi pinayagan ang pagtestigo ng 35 kaibigan, kaklase, at kakilala ni Larrañaga upang patunayang nasa Maynila si Paco at wala sa Cebu nang maganap ang krimen. Hindi rin matiyak kung ang dalawang bangkay ay mga anak nga ni Thelma Chiong, dahil sa pagkawasak ng mukha. May posibilidad na ang isa sa dalawang bangkay ay hindi ang sinuman sa magkapatid na Chiong; at kung gayon, ang hatol kay Larrañaga at iba pa ay mananatiling kuwestiyonable magpahangga ngayon. Ang pagpapatiwakal ni Ocampo ay nag-iiwan ng mga tanong sa posibilidad na pinatay ba siya o hindi; at kung totoo nga siyang nagbaril ng sarili ay lalong nabaon sa limot ang katotohanan.

Kahit sinong magulang ay maghihimagsik kapag pinagsamantalahan at pinatay ang kanilang mga anak. Ngunit ang paghihimagsik na pulos galit at prehuwisyo ay hindi makatutulong upang mapiga ang katotohanan. Sa ganitong pangyayari, kahit ang mag-asawang Chiong ay dapat iniimbestigahan, at kung totoo ngang may kaugnayan si G. Chiong sa kaso ng droga, ayon sa dokumentaryo, ito ay dapat inuusisa. Si Larrañaga ay waring isinakrisyo upang ilihim ang isang grandeng tagpo at sindikato; at kung titimbangin ang mga paramdam o pahiwatig ng mga hulagway at usapan sa dokumentaryo ay hindi malayong mapagdudahan kahit ang mismong motibo ni Thelma Chiong. Dahil kahit sinong magulang ay dapat isumpa kahit ang mga kakutsaba, at si Rusia ay mahimalang tumanggap pa ng ilang pabuya mula kay Thelma.

Ang kaso ni Larrañaga na umabot sa internasyonal na antas ay kahanga-hanga. Bagaman nakakuha siya ng simpatya sa pandaigdigang opinyon, hindi ito natumbasan ng karampatang pagtugon sa hanay mismo ng karaniwang Filipino. Ito marahil ay sa pangyayaring negatibo ang pagtanaw kay Larrañaga sa loob ng Filipinas, at ang pagtalikod niya sa pagiging mamamayang Filipino ay isang anyo ng pagtakas, kaya kinakailangan niya ang tulong ng iba pang bansa upang yugyugin kung hindi man baligtarin ang publikong opinyon nang maitanghal sa ibang anggulo ang kaniyang kaso at maisaayos ang talaro ng katarungan.

Ang pangwakas na interbiyu kay Thelma na hitik sa panlilibak at pang-uuyam, habang siya’y tumatawa o nakangisi, ay isang nakahihindik na tagpo sa dokumentaryo. (Pinayagang ilipat si Larrañaga sa Espanya sa bisa ng kasunduan ng palitan ng mga bilanggo.) Ang himig ng pagganti para tumbasan ang pang-aapi ay hindi nalulutas ang ugat ng suliranin, at ito ang marahil hindi pa kayang tanggapin ni Thelma Chiong at ng kaniyang mga kaanak. Napipinid nang mahigpit ang utak at puso, at pagkaraan, ang nagdurusa ay ang mga Filipino na naging aktibong saksi sa gayong mala-telenobelang paglilitis—ang paglilitis na mag-uuungkat lalo ng talamak na sugat sa pagtatamo ng katarungan, samantalang nagbibigay ng hamon para isapuso ang marahil ay napakailap na pag-asa.

Sa Bintana, ni Carl Sandburg

Salin ng tulang “At a Window” ni Carl Sandburg.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Sa Bintana

Itulot sa akin ang gutom,
O mga bathala na nakaupo at nag-uutos
Sa daigdig.
Itulot sa akin ang gutom, kirot, kasalatán,
Ibilibid ako sa kahihiyan at kabiguan;
Mula sa inyong mga ginto’t tanyag na pinto’y
Ibigay sa akin ang sukdol, nakapanlulumong gutom!

Ngunit iwan sa akin ang kaunting pagmamahal,
Ang tinig na magwiwika pagsapit ng takipsilim,
Ang kamay na hahaplos kapag madilim ang silid
At babasag sa mahahabang pangungulila.
Sa dapithapon, na ang mga hulagway
Ay pinalalabo ang paglubog ng araw,
Isang munting lagalag, kanluraning bituin
Ang lumitaw mula sa nagbabanyuhay na dilim.
Hayaan akong lumapit sa bintana,
Tanawin mula roon ang araw, ang anyubog ng hapon,
At hintayin at alamin ang pagbabalik
Ng aking munting minamahal.

Kalayaang Huminga ni Aleksandr Solzhenitsyn

salin ng tulang tuluyan ni Aleksandr Solzhenitsyn batay sa saling Ingles ni Michael Glenny
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

KALAYAANG HUMINGA

Umulan noong gabi at tumakip ang maiitim na ulap sa himpapawid, at pagbugso-bugsong umambon nang malamig.

Nakatayo ako sa lilim ng punong mansanas na namumukadkad, at huminga. Bukod sa punong mansanas,  ang mga damo’y kumikislap sa hamog; hindi mailalarawan ang mabangong halimuyak na taglay ng simoy. Huminga ako nang malalim hangga’t makakaya, at pumaloob sa katauhan ko ang bango; huminga ako nang nakadilat, at huminga nang nakapikit—hindi ko mabatid kung alin sa dalawa ang nakapagbibigay sa akin ng higit na kaluguran.

Ito, sa paniniwala ko, ang tanging pinakamahalagang kalayaan na hindi mababawi sa atin ng bilangguan: ang kalayaang huminga nang maluwag, gaya ng ginagawa ko ngayon. Walang pagkain sa lupain, ni alak, ni halik ng babae ang higit na matamis para sa akin kaysa simoy na ito na sakay ang halimuyak ng mga bulaklak, ng hamog, ng kasariwaan.

Hindi mahalaga kung ito’y munting hardin lamang, na nababakuran ng tiglilimang palapag na gusaling parang kulungan ng mga hayop. Huminto na akong pakinggan ang putok ng tambutso ng motorsiklo, ang garalgal na tinig ng radyo, ang alingawngaw ng maiingay na ispiker. Hangga’t may sariwang hangin na masasamyo sa lilim ng punong mansanas makaraang umambon, makararaos tayo kahit kaunti.

Bahaghari

Bahaghari, larawan mula sa artsibo ng http://www.photos8.com

Ang Pantera ni Rainer Maria Rilke

salin ng “Der Panther” ni Rainer Maria Rilke
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG PANTERA

Sa Hardin ng mga Halaman, Paris

Napagod ang kanyang paningin sa bakod na rehas,
At wala na iyong makita sa buong paligid.
Nabatid na niyang wala nang iba pang may rehas,
Sa likod ng laksang bilibid ay walang daigdig.

Ang tatag at liksi ng kanyang paghakbang paikot
Sa ubod ng liit na bilog ay tulad ng sayaw
Ng ganap na lakas sa gitna; at doon, hilahod
At manhid ang bait na ibig humalang sa malay.

Kung minsan, tataas nang saglit ang tabing ng mata,
Tahimik papasok sa may balintataw ang anyo
Paloob sa siksik, namitig na lawas at paa,
Upang pagkaraan, maglaho nang lubos sa puso.

Tigre

Retrato mula sa US Fish and Wildlife Service, at hango sa artsibo ng gimp savvy.com

Mula sa Selda

Sasakay ako ng eroplano—yamang naturingang baliw—at iikutin ang mundo sa loob ng kusina o aklatan, at mapapagod dahil wala namang pinupuntahan. Sasakay ako ng submarino at sisisirin ang karagatan sa palibot ng bakuran, at mapapagal dahil palulutangin naman ng armada ng mga bantay. Sasakay ako ng bus patungong kabundukang walang kaparis, habol-habol ng matatapat na kawal na anghel, lilipat sa dyip at motorsiklo nang mailigaw ang tumutugis na sikologo at hukom, hanggang maihatid ng kathang-isip na kabayo o kalabaw palapit sa iyo. Hahanapin kita sa mga magasin o folder, aaninawin ang iyong anino sa kung saang lihim na sisidlan, at yamang wala ka, mapipilitan akong lumabas ng tahanan, magtiwala sa tinig na tumutulay sa himpapawid, at maglakad nang maglakad nang palinga-linga, iisiping makararating diyan, diyan sa kalyeng tinatahak ng iyong balingkinitang hulagway. Matatagpuan kita balang araw, itaga mo sa bato; at matatagpuan mo ako, gaya ng pagbasa mo sa mga salitang ito.

“Mula sa Selda,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 29 Disyembre 2009.

Alcatraz Island

Alcatraz Island, retrato mula sa http://www.pdphoto.org

Pangitain at Kalapati ni Ivan Yakovych Franko

salin ng dalawang tula ng makatang Ukrainian Ivan Yakovych Franko (1856-1916)
salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Kalapati

Nakaupo ang ermitanyo sa kaniyang ulilang selda,
Malayo at nasa puso ng sinaunang liblib na kahuyang
Walang maririnig kundi ang huni o siyap ng mga ibon,
At bulong ng mga dahon habang taas-baba ang simoy.
Nang tumingala siya ay bigla na lamang napasigaw,
Nagbalik ang iisang kaibigan, ang puting kalapati,
Na dalawang araw niyang ipinagluksa ang pagkawala.
Pumagaspas ang kalapati, at bumaba sa kaniyang paanan.
Yumuko ang matanda, iniabot ang kamay, saka huminto.
Tigmak sa dugo ng mga tao ang mga puting balahibo.
Naibulalas ng banal na matanda: “Anong sumpa sa lahat ito,
Na kahit sa pagbabalik ng isang kalapati mula sa bahayan
Ng mga tao ay mababahiran ng dugo nila ang pakpak nito!”

[Setyembre 13, 1889]

Mga Pangitain

Dinalaw ako ng nakahihindik na pangitain sa bilangguan.
Ngunit pangitain lamang ba iyon? Waring iyon ay tunay,
Malinaw at matibay gaya ng pumipintig na panaginip,
Na nagdudulot sa akin ng mga gabi ng pagkabalisang labis.
Ang matinding dusa at pahirap na ganap na dinalisay
Na ipinadama nang lubos ng tao sa kaniyang kapuwa tao,
Ang mga naging martir na nagsakit at nangamatay—
Sila ang pumupuno sa bilangguan na aking tinitirahan.
Marami silang bumubulabog sa akin nang tuloy-tuloy:
Ang mga banal na bayani, ang mababagsik na bayarang tao,
Nakikita ko ang mga sugat ng mga martir, sinlinaw ng araw.

Kumukulog ang maaantak na sugat sa aking kaluluwa:
“Kung ikaw ay bahagi ng lahat ng aming paghihirap,
Hayaan ang awit mo na pagaanin ang aming binabalikat!”

[Setyembre 22, 1889]