Advertisements

Opisyal na KWF Salin ng draft Bangsamoro Basic Law

Para sa kabatiran ng publiko, ang sumusunod ang opisyal na salin ng draft Bangsamoro Basic Law at pinagtibay ng Kalupunan ng mga Komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino noong 12 Disyembre 2014. Ang nasabing salin ay sumailalim sa forum ng mga kritiko, manunulat, editor, tagasalin, abogado, at iba pang kinatawan ng ahensiya ng pamahalaan noong 10 Disyembre 2014. Ang mga rekomendasyon mula sa konsultasyon ay isinaalang-alang sa rebisyon, at inilahok sa bersiyong matatagpuan dito. Pindutin lamang ang sumusunod na kawing:

Official Filipino Translation of draft Bangsamoro Basic Law

Advertisements

Filipinas ng Makabagong Panahon

Mainit magpahanggang ngayon ang panukalang paggamit ng “Filipinas” bilang opisyal at pangkalahatang tawag sa bansa, at may panukalang patayin ang “Pilipinas” at “Philippines”. Maraming umiismid, kung hindi man umaangal, na higit umanong dapat pagkaabalahan ang iba pang problemang panlipunan, gaya ng pagtugon sa kahirapan at gutom. Isang katawa-tawa pa, sabi nila, na baguhin ang nakagisnan ng mga Filipino.

Ang pagpili ng pangalan ay sumasalamin sa pangkalahatang kamalayan ng mga mamamayan; at kahit sabihing simple ang pagpapalit ng titik \P\ tungong \F\ ay maaaring umabot iyon sa pagsasaharaya ng kabansaan ng makabagong panahon, gaya ng panukala ni Tagapangulong Komisyoner Virgilio S. Almario at ng mga kasama niyang komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino. Isang rebeldeng panukala ang pagpapanumbalik sa Filipinas, at ang implikasyon nito ay higit na madarama ng mga kasalukuyang manunulat, editor, at kahit ng madlang mambabasa.

Inihayag kamakailan ng pitong propesor ng Unibersidad ng Pilipinas — na kinabibilangan nina Dr. Rosario Torres-Yu, Dr. Teresita G. Maceda, Dr. Maria Bernadette L. Abrera, Dr. Adrian P. Lee, Dr. Ramon G. Guillermo, Dr. Pamela C. Constantino, at Dr. Jovy M. Peregrino —  na “malinaw na paglabag sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas ang paggamit sa mungkahing ‘Filipinas’ kapag ito’y ipinatupad.” Idinagdag pa nila na “matagal nang kinikilalang Pilipinas ang opisyal na pangalan ng bansa,” at nasa legal na dokumento gaya ng pasaporte, selyo, at pera.

Hindi ito totoo; at walang paglabag sa kasalukuyang konstitusyon kung gamitin man ang Filipinas, gaya ng paggamit ng pangalang “Embajada de la Republica de Filipinas” sa Argentina, Chile, Espanya, Mexico, Olanda, Peru, at iba pa. Higit na naunang gamitin ang salitang “Filipinas” kaysa “Pilipinas,” at ang orihinal na paggamit dito’y mauugat pa sa Konstitusyong Malolos noong 1899. Saad nga sa Título XIV — De la Observancia y Juramento Constitucional y de los Idiomas, Artículo 93:

El empleo de las lenguas usadas en Filipinas es potestativo. No puede regularse sino por la ley y solamente para los actos de la autoridad pública y los asuntos judiciales. Para estos actos se usará por ahora la lengua castellana.

Ang paggamit umano ng mga wikang sinasalita ay hindi magiging sapilitan sa Filipinas. Hindi ito maisasabatas maliban sa bisa ng batas, at sa mga gawain ng publikong awtoridad at panghukuman. Sa gayong pagkakataon, ang wikang Espanyol ay pansamantalang gagamitin. Kaya paanong makapapasok ang Pilipinas sa dominyo ng kapangyarihan nang panahong iyon?

Kung babalikan ang higit na nauna ngunit probisyonal na Konstitusyong Biak na Bato ng 1897, malinaw na nakasaad sa Artikulo VIII, na “Ang Tagalog ang magiging opisyal na wika ng Republika” [El tagalog será la lengua oficial de la República]. Ngunit binanggit sa pamagat ng Konstitusyon ang Filipinas: Constitución Provisional de la Republica de Filipinas, at ginamit kahit sa salin sa Tagalog sa kauna-unahang pagkakataon ang Republika de Filipinas.

Ginamit ang salitang Filipinas mula sa tula ni Jose Palma, at siyang pinagbatayan ng pambansang awit, hanggang sa mga batas at regulasyon. Mula noon, ang Filipinas ay hindi na lamang isang pangalan bagkus tatak ng kalakal, pabrika, kapisanan, kasarian, kahusayan, kalayaan, at kabansaan. Sabihin mang ang Filipinas ang pangmaramihang anyo ng Filipina, alinsunod sa gramatika ng Espanyol, at ang Filipina ay naghunos na pang-uri ng republika, ang Filipinas ay walang pasubaling ang pangngalan at pangalan na ginamit, tinanggap, at pinalaganap makaraang magtagumpay ang himagsikan ng mga mamamayan laban sa Espanya. Tumanyag lamang ang Pilipinas makaraang isaad sa Artikulo IX, Seksiyon 2 ng Konstitusyong 1943 sa ilalim ni Pang. Jose P. Laurel ang sumusunod:

The government shall take steps toward the development and propagation of Tagalog as the national language.

Bagaman walang binanggit na opisyal na wika ang Konstitusyong 1943, ang pagpapaunlad at pagpapalaganap ng Tagalog  bilang wikang pambansa ay kaugnay ng pagsikil sa hiram na titik \f\ ng Espanyol, at paghalili rito ng \p\, upang mapadali ang pagbigkas, pagsulat, at pag-angkin ng mga mamamayan.

Ang kauna-unahang selyo makaraang magwagi ang mga maghihimagsik ay tinawag na Correos Filipinas at may tatak pa ng Gobierno Revolucionario Filipinas noong 1899. Ang kauna-unahang pisong pilak na pinanday noong 1897 at ginamit sa buong kapuluan hanggang noong 1904, at may busto ni Alfonso XIII, ay may nakaukit na mga salitang Islas Filipinas. Ang pinakamatandang bangko sa bansa ay ang Banco de las Islas Filipinas na kilala ngayon bilang Bank of Philippine Islands (BPI). Ngunit ang kauna-unahang pasaporte sa ilalim ng Commonwealth of the Philippines ay nasa wikang Ingles, at nanaig mula noon ang taguring Philippines sanhi ng kampanya ng Estados Unidos bukod sa pagsunod sa Artikulo 1 ng Konstitusyong 1935.

Ayon sa Artikulo XIV, Seksiyon 3 ng Konstitusyong 1935,

The Congress shall take steps toward the development and adoption of a common national language based on one of the existing native languages. Until otherwise provided by law, English and Spanish shall continue as official languages.

Magiging makapangyarihan ang taguring Philippines sa tulong ng Estados Unidos, ngunit mananatili ang Filipinas bilang opisyal na katumbas sa Espanyol, kaya paanong susulpot ang Pilipinas kaagad-agad, gayong pagkaraan pa lamang ng 1940 maipalalaganap ang balarila at diksiyonaryo ng wikang pambansa? Mula sa pelikula ay isisilang ang La Mujer Filipina (1927) na itinaguyod ni Jose Nepumuceno. Pagsapit ng 1958 hanggang dekada 1960 ay mauuso ang mga pelikulang hibong Hollywood, ngunit sisilang din ang pangalan ng Pilipinas, alinsunod sa kautusan mula sa Kagawaran ng Edukasyon na gamitin ang “Pilipino” sa lahat ng paaralan. Ang nasabing kautusan, na nilagdaan ni Kalihim Jose E. Romero noong 1959, ang magtatakda ng taguri sa pambansang wika:

Pursuant to the objective that inspired the President’s proclamation, and in order to impress upon the National Language the indelible character of our nationhood, the term PILIPINO  shall henceforth be used in referring to that language.

Sa kautusan ni Kalihim Romero ay natural na sumunod ang Pilipinas sa Pilipino, alinsunod na rin sa naturang palabaybayan. Ang kautusan ni Kalihim Romero ang magiging batayan ng katumbas na salin sa sariling wika, ayon sa Artikulo XV, Seksiyon 3 (1) ng Konstitusyong 1973, na nagsasaad:

This Constitution shall be officially promulgated in English and Pilipino, and translated into each dialect spoken by over fifty thousand people, and into Spanish and Arabic. In case of conflict, the English text shall prevail.

Ang Filipino sa bisa ng Konstitusyong 1973, ayon kay Andrew Gonzalez, ay maituturing na kathang-isip na batas [legal fiction] upang maging katanggap-tanggap sa iba’t ibang delegadong kabilang sa kumbensiyong konstitusyonal. Saad nga sa Artikulo XV, Seksiyon 3 (2) at (3) ng naturang konstitusyon:

(2) The Batasang Pambansa shall take steps towards the development and formal adoption of a common national language to be known as Filipino.

(3) Until otherwise provided by law, English and Pilipino shall be the official languages.

Hindi makatotohanan kung gayon ang pahayag ng mga butihing propesor ng UP na pawang sumasalungat sa paggamit ng “Filipinas,” at ang pananaw nila ay masasabing naroon pa rin sa yugto ng Pilipino. Ang Konstitusyong 1973 ay pinawalang bisa ng Konstitusyong 1987, Artikulo XIV, Seksiyon 6, na nagsasaad na,

The national language of the Philippines is Filipino. As it evolves, it shall be further developed and enriched on the basis of existing Philippine and other languages.

Ang Filipino ng Konstitusyong 1987 ay lumampas na sa Pilipino ng Konstitusyong 1973, habang kumikilala sa pag-iral nitong Filipino bilang lingguwa prangka, at ang pagtatangkang lumikha ng makabagong ortograpiya ay masisilayan noong 1978 at 1985 sa pamamagitan ng mga konsultasyon at forum na ginawa ng LWP at pagkaraan ng KWF. Lumikha rin ng mga bukod na konsultasyon ang mga batikang manunulat, akademiko, editor, atbp na pawang pinamunuan ni Almario atbp upang mabuo ang higit na abanseng ortograpiya.

Ginagamit na ang Filipinas noon pa man, ngunit unti-unting mababago lamang ito dahil sa masugid na kampanya ng pagtataguyod ng ortograpiyang nakabase sa Tagalog, at yamang ang Tagalog ay tinumbasan ng \p\ ang lahat ng \f\ (bukod pa ang lahat ng \v\ na pinalitan ng \b\) na mula sa salitang Espanyol at siyang inangkin sa Tagalog at pagkaraan sa Pilipino, hindi kataka-takang mapasama sa kampanya ang Filipinas at Pilipinas.

Bilang halimbawa ang sumusunod: café (kape), certificado  (sertipikado), defecto (depekto), defensa (depensa), deficit (depisit), definición (depinisyon), definido (depinido), fabrica  (pabrika), falda (palda), falso (palso), fanatico   (panatiko), fantastico   (pantastiko), farol  (parol), farola  (parola), fatalidad  (patalidad), febrero (Pebrero), fecha (petsa) feria (perya), filosofia (pilosopiya), frances  (Pranses), fundar  (pundar),  grifo  (gripo), Filipinas  (Pilipinas). Kung susuyurin ang Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles (1972) ni Jose Villa Panganiban, ang Tagalog-English Dictionary ni Leo James English (1986), at Vicassan’s Pilipino-English Dictionary (1978) ni Vito C. Santos, ang lahat ng \f\ na mula sa mga salitang Espanyol na hiniram ay pinalitan ng \p\ pagsapit sa Pilipino. Ni walang lahok kahit isa sa titik \f\ sa naturang mga diksiyonaryo. Heto pa ang mabigat: Kung babalikan ang Diksyunaryo ng Wikang Filipino (1989) na inilathala ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) ay walang lahok din ni isang salita sa titik \f\, sapagkat wala pa noong \f\ sa korpus ng Filipino. Sa ganitong pangyayari, paanong makapananaig ang Filipinas? Bakit kinakailangang isaad ang isang salita sa pamagat pa mismo ng diksiyonaryo, gayong ang naturang salita ay hindi naman matatagpuang lahok sa loob ng diksiyonaryo? Isang anomalya ito na marahil ay pinuna kahit ng yumaong Senador Blas F. Ople.

Pinatay ang Filipinas (at lalong walang Filipino) sa mga diksiyonaryo at tesawro noong panahon ng Pilipino, kahit pa noong isinasalin ng LWP ang Konstitusyong 1987. Ang Filipino ng LWP at ng unang yugto ng KWF ay ibinatay nang malaki sa ABAKADANG Tagalog, ngunit ganap na magbabago sa UP Diksiyonaryong Filipino (2010) ni Virgilio S. Almario atbp pagkaraang pandayin nang ilang ulit ang makabagong ortograpiyang Filipino, alinsunod sa itinatadhana ng Konstitusyong 1987.

Kaya kahit noong deliberasyon sa Komisyong Kontitusyonal noong 1986, nabanggit ni Gregorio Tingson na nagulat siya nang minsang magpadala ng liham sa kaniyang esposa mulang Larnaka, Cyprus tungong Philippines. Wala umanong Philippines, sabi ng post master ng Larnaka, at hindi nito naisahinagap ang Filipinas. Binanggit din ni Tingson na binabaybay na “Pilipinas” ang pangalan ng bansa, ngunit isinusulat minsan na “Filipinas” kaya marami umanong turista at bisita ang nalilito. Itinanong din niya sa kapulungan kung ang Bureau of Posts ay awtorisadong baguhin ang opisyal na pangalang Philippines tungong Pilipinas.

Sumagot si Wilfrido Villacorta na ang “Pilipinas” ay opisyal ding pangalan ng bansa. Ngunit hindi naisaalang-alang ni Villacorta ang istoriko at lingguwistikong pinagbatayan ng Pilipinas, at kung bakit hindi Filipinas. Ang wikang ginamit sa Konstitusyong 1973 ay Pilipino, na labis ang kiling sa Tagalog. Nang ipromulga ang Konstitusyong 1973, malinaw na ang taguring Pilipinas ay batay sa konserbatibong Pilipino. Kaya tumpak lamang na mabahala si Tingson nang wikain niyang “wala akong alam na opisyal na batas na pinagtibay ng Kongreso na opisyal na tawagin sa ibang pangalan ang bansa maliban sa Philippines.” Mapapansin kung gayon na lumilingon si Tingson sa Konstitusyong 1935, at hindi lamang sa Konstitusyong 1973.

Sumabat pagkaraan si Jose Luis Gascon at sinabing, “The Pilipino translation of Philippines is Pilipinas.” Walang paliwanag si Gascon sa kaniyang pahayag, at mahihinuhang sumusunod lamang siya sa pahayag na “Pilipino” ni Kalihim Romero noong 1959. Sinabi lamang niyang katumbas ng Philippines ang Pilipinas, subalit nabigong ipaunawa nang malalim at makatwiran kung bakit hindi dapat gamitin ang Filipinas. Hindi rin malay si Gascon sa dating ortograpiyang ibinatay sa Tagalog at pumatay sa titik \f\.  Hirit pa ni Gascon:

On the query of Commissioner Tingson whether there was any official act of changing the name Philippines to “Pilipinas” Commissioner (Adolfo S.) Azcuna told me that the 1973 Constitution had a Filipino translation of the Republic of the Philippines which was promulgated, and that is “Republika ng Pilipinas.” So it has been officially promulgated; therefore it does not need any congressional act.

Mapapansin sa siniping transkripsiyon na ang gamit ng “Pilipino” at “Filipino” bilang mga wika ay nagbago kahit sa mga bigkas ni Gascon. Ang unang gamit niya na Pilipino ay mahihinuhang mula sa lumang ortograpiyang Tagalog at namayaning Pilipino alinsunod sa kautusan ni Kalihim Romero noon at siyang sinundan ng Konstitusyong 1973; samantalang ang ikalawang gamit na Filipino ay para sa mithing abanseng wika ng bansa, at siyang iiral sa Konstitusyong 1987. Ang “Filipino translation” na winika ni Gascon at patungkol sa “Pilipinas” ay mapasusubalian kung gayon. Ang binanggit ni Gascon na salin ay Pilipino at hindi Filipino, bukod sa walang opisyal na imprimatur mula sa Surian ng Wikang Pambansa na naging LWP at ngayon ay tinatawag na Komisyon sa Wikang Filipino.

Ang LWP noong panahong iyon ay nakakiling sa “Pilipino” samantalang pangarap pa lamang ang wikang “Filipino.” At kahit ang LWP noong panahong iyon ay walang opisyal na tindig hinggil sa Filipinas, Pilipinas, at Philippines, ngunit gumagamit ng “Pilipinas” alinsunod sa ABAKADANG Tagalog, bukod sa napakakonserbatibo kung hindi man atrasado ang diksiyonaryo nito sawikang Filipino.” At bagaman ipinromulga ang Konstitusyong 1973, ang promulgasyon ng salin ay batay sa Pilipino ni Kalihim Romero. Hindi kataka-taka kung gayon na ang salin sa “Filipino” ng Konstitusyong 1987 ay hindi Filipino sa pinakamataas nitong pamantayan, bagkus nanatiling Pilipino, lalo kung isasaalang-alang na malaki ang inilundag ng makabagong ortograpiyang Filipino, alinsunod sa itinatadhana ng batas.

Kung ipinromulga man ang “Pilipinas” bilang katumbas ng “Philippines” sa Konstitusyong 1987, ang naturang salita ay hindi “Filipino” bagkus “Pilipino” na umiral noong Konstitusyong 1973, at siyang ikinalito ni Gascon na sumunod sa opinyon ni Azcuna. Lumabas lamang ang maipapalagay na salin na ipinalimbag ng LWP limang taon pagkaraang ihayag ang Konstitusyong 1987 na dapat sanang kasabay inihayag ng bersiyong Ingles sa naganap na plebisito; at kung ito man ang sinasabing “Filipino” ay hindi nasuri ng Kongreso noong 1991, o ni kaya’y ng Komisyong Konstitusyonal noong 1986.

Walang nagkakaisang tindig ang mga komisyoner ng Komisyong Konstitusyonal ng 1986 hinggil sa Philippines, Pilipinas, at Filipinas, at kung ipagpapalagay na nauna ang bersiyong Ingles, at Ingles ang wika ng diskusyon sa Komisyong Konstitusyonal, ang Philippines ang maituturing na tangi’t pangunahing opisyal na pangalan ng bansa at hindi Pilipinas. Kung gayon, ang mga mamamayan ay dapat tinatawag na Philippinean para maging konsistent sa ortograpiya, imbes na Filipino o Pilipino. Pinagtibay din dapat ng mga Komisyoner ng KWF noong 1992-1993 ang bersiyon sa “Filipino” na lumitaw noong 1991, ngunit walang naganap na gayon sapagkat nananatili pa rin ang naturang komisyon sa yugto ng nakaiwanan-sa-panahong Pilipino.

Ang taguring Pilipinas ay malaki ang pagkakataong maituwid tungo sa Filipinas, lalo kung iisiping wala namang batas ang nagsasabing isa lamang ang opisyal na pangalan ng bansa (na dating ginawa noong panahon ng Komonwelt). Namayani ang Philippines sapagkat ang mga batas at kautusang binalangkas ng Kongreso, bukod pa ang mga kapasiyahan ng Korte Suprema, na pawang umiiral sa buong kapuluan ay karaniwang nakasulat sa Ingles, at siyang nagbubukod sa pamahalaan sa dapat sanang pagsilbihan nitong pangkalahatang mamamayan. Nailulugar sa ganitong pagkakataon ang katumbas na salin sa Filipino sa mababang antas, at pinanaig na batayan ang tekstong Ingles. Kung ipagpapalagay na may dalawang opisyal na wika ang bansa, Filipino at Ingles, ang Konstitusyong 1987 ay dapat nasa parehong wika at ang pambansang wikang Filipino ang siyang dapat makapanaig imbes na bersiyong Ingles. Ngunit sa punto ng praktikalidad, ani Francisco Rodrigo, yamang ang mga talakayan ng komisyong konstitusyonal ng 1986 ay nasa Ingles, kung sakali’t may lumitaw na tanong sa hinaharap, ang mga interpretasyon batay sa Ingles ang higit na matimbang kompara sa tekstong nasa Filipino. Hmmm.

Pinag-uusapan din dapat ang tumpak na ispeling ng pangalan, upang maging konsistent ang tawag. Halimbawa, Filipino ang katumbas ng tao, wika, at konsepto, na ipapares sa Filipinas batay sa istoriko, huridiko at lingguwistikong pagdulog. O maaari din itong maging Pilipino na itutumbas sa tao, wika, at konsepto, upang umangkop sa Pilipinas. Maitatanong din kung bakit hanggang ngayon ay pumapayag ang mga Filipino na magkaiba ang tawag sa bansa nila alinsunod sa paggamit ng dalawang opisyal na wika. Sa ganitong mungkahi, kinakailangang susugan ang Saligang Batas 1987.

Inihayag pa ng mga propesor ng UP na “walang legal na batayan at paglabag sa Konstitusyon ang palitan ang Pilipinas” at gawing Filipinas. Walang katotohanan ang gayong pahayag. Nakasaad sa Artikulo XVI, Seksiyon 2, ng Konstitusyong 1987 na,

The Congress may, by law, adopt a new name for the country, a national anthem, or a national seal, which shall all be truly reflective and symbolic of the ideals, history, and traditions of the people. Such law shall take effect only upon its ratification by the people in a national referendum.

Ang pangalang Philippines, gaya ng Filipinas, ay hitik sa mga pahiwatig ng kolonyalismo. Gayunman, ang Filipinas, gaya ng taguring Filipino, ay umigpaw na mula sa makitid na pagpapakahulugan ng mga Espanyol at lumawak upang kumatawan sa modernong konsepto at malayang bansa. Ang Filipino, na dating minimithing yumabong at linangin, ay sumapit na sa mataas at abanseng antas bilang mamamayan, wika, at konsepto, at hindi na maaaring maikulong pa sa limitadong Pilipinas.  Ang Filipinas ay hindi na lamang pelikula ni Joel Lamangan, o kaya’y patutsada sa mga babaeng nagbibili ng aliw.

Kaya hindi nakapagtataka kung lumitaw ang sumusunod: Filipinas Palm Oil Processing Incorporated; Filipinas Palm Oil; Bagellia Filipinas; Filipinas Alfa Company, Incorporated; Filipinas Synthetic Fiber Corporation; Filipinas Polypropelene Manufacturing Corporation; Compania de Filipinas; Digital Equipment Filipinas Incorporated; Funeraria Filipinas Incorporated; Filipinas Fair Trade Ventures; Compania General de Tabacos de Filipinas; Filipinas Aquaculture Corporation; Filipinas Agri-Planters Supply;  Filipinas Dravo Corporation; Avia Filipinas International Incorporated; Filipinas Orient Airways Incorporated; Corporacion de Padres Dominicos de Filipinas; Filipinas Heritage Library; Filipinas Thermo King Incorporated; Filipinas Consolidated Sales; Islas Filipinas Food Products, Incorporated; Freyssinet Filipinas; Filipinas Multi-Line Corporation; Filipinas Systems Incorporated; Filipinas Consultants and Management Corporation; Tri-S Filipinas Incorporated; Filipinas Global Multiservices; Filipinas Mills; Filipinas Soda, at marami pang iba.

Nagkamali ang mga propesor ng UP nang sabihin nilang walang lingguwistikong batayan ang pagbabago mulang Pilipinas tungong Filipinas. Kung walang lingguwistikong batayan ay bakit patuloy na sumisibol ang Filipinas sa larangang pandaigdig at elektroniko? Ang mismong ortograpiyang Filipino ang magiging pandayan upang mapalinaw kung ano ang itatawag sa ating bansa. Ang Filipinas ay hindi lamang isang idea; at hindi newtral na salita na binabago lamang ang isang titik alinsunod sa arbitraryong nais ng mga komisyoner. Ginagawa iyon upang patuloy na mahubog ang makabagong kamalayan, na ang iniisip ay siyang binibigkas, at ang binibigkas ay siyang isinasabuhay. Nagmumungkahi rin ang Filipinas na tawagin ang bansa sa isang pangalan lamang—imbes na tatlo—na siyang magbubunsod ng pagkakaisa ng mga Filipino anumang lipi, relihiyon, at kapisanan ang kanilang kinabibilangan.

Nakalulungkot na kahit ang banggit ng mga butihing propesor ng UP hinggil sa kasaysayan ay saliwa. Filipinas ang ginamit nina Emilio Aguinaldo at Andres Bonifacio, ngunit pagsapit kay Bonifacio ay higit niyang itatampok ang Katagalugan, ang Inang Bayan na sumasaklaw ang pakahulugan sa buong bansa, upang maitangi ang diskurso ng Tagalog laban sa mga Espanyol na inaalagaan ng Inang Kuhila at Inang Sukaban [Madre España]. Hindi rin inilugar si Jose Corazon de Jesus, nang gamitin niya bilang makata ang Pilipinas sa kaniyang mga tula. Ang lunduyan ni Batute, palayaw ni De Jesus, ay ang pangarap na maging Tagalog ang wikang pambansa; at papanaigin kahit ang paraan ng panghihiram at pag-angkin ng mga salitang banyaga na makapagpapalago sa Tagalog. Kaya hindi kataka-taka kung isulong man niya ang Pilipinas; at kung ginamit man niya ang Pilipinas ay dahil maalam din siya sa Espanyol.

Mababaw ang pahayag ng mga propesor ng UP na sumasalungat sa Filipinas. Inaasahan ko ang higit na masigasig at marubdob na pananaliksik upang ibuwal ang pagtataguyod ng Filipinas at panatilihin ang namamayaning Pilipinas at Philippines. Nakayayamot din ang mga interbiyu sa mga karaniwang mamamayan sa midya, sapagkat ang debate ay dapat nasa antas na intelektuwal at hindi basta pagpupukol lamang ng mga walang batayang kuro-kuro, komentaryo o putik. Panahon na upang buksan ang Filipinas. At inaasahan ko ito kahit sa munting talakayan sa hapag ng Pangulo ng Republika ng Filipinas.

(“Filipinas ng Makabagong Panahon,” ni Roberto T. Añonuevo, 18 Hulyo 2013.)

Ang Batas, ni Hissa Hilal

Salin mula sa tulang Arabe ni Hissa Hilal
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Batas

Nakita ko mula sa paningin ng mga subersibong fatwa ang panahon na ang matapat sa batas ay lumalabag sa batas.

Nang inilantad ko ang katotohanan, lumitaw ang halimaw mula sa kaniyang kanlungan—isang halimaw na barbaro kung mag-isip at kumilos, bukod sa nagngangalit at bulag; suot niya ang damit ng kamatayan at sinturong sumasabog.

Nagwiwika siya mula sa platapormang opisyal at makapangyarihan, sinisindak ang bayan at dinaragit ang sinumang naghahanap ng kapayapaan. Tumakbo palayo ang tinig ng katapangan, at ang katotohanan ay sinikil at binusalan, sa sandaling ang pansariling kabutihan ay pinipigil ang sinumang magsabi nang walang kabulaanan.

Si Hissa Hilal habang bumibigkas ng kaniyang tula.

Si Hissa Hilal habang bumibigkas ng kaniyang tula.

Diskriminasyon, rasismo, at senopobya

Sinindak, binugbog, at hinambalos ang ilang Filipino sa Taiwan, makaraang pumutok ang balita na napatay ng kawal ng Philippine Coast Guard ang isang mangingisdang Taiwanese sa Balintang Channel, sa pagitan ng mga isla ng Babuyan at Batanes. Ibinalita rin na pinagbawalan ang mga Filipino na pumasok sa mga groserya, restoran, at ilang publikong lugar; samantalang ang iba’y sumagap ng diskriminasyon sa mga pabrika at opisina.

Kung napatay man ang isang Taiwanese sa Balintang Channel, ito ay sapagkat sinikap ng PCG na pangalagaan ang teritoryo ng Filipinas. Matagal nang usapin ang pagpasok ng mga Tsino at Taiwanese sa Batanes at Babuyan, ngunit hindi ito natutugunan sapagkat kulang sa mga sasakyang-dagat ang Filipinas. Kung iisipin ay pumasok nang walang paalam sa teritoryo ng Filipinas ang mga Taiwanese; isang kasalanang lumalabag sa Saligang Batas 1987 at iba pang batas na pandaigdigan.

Ngunit higit na nakalulungkot ang diskriminasyon, rasismo, at senopobya ng ilang Taiwanese laban sa mga Filipino. Ang nasabing aksiyon ng mga tarantadong Taiwanese ay lumalabag sa deklarasyong inihayag ng United Nations sa Durban, South Africa noong 31 Agosto hanggang 8 Setyembre 2001, mula sa “Pandaigdigang Kumperensiya laban sa Rasismo, Diskriminasyon ng Lahi, Senopobya, at Kaugnay na Intoleransiya.” Nalalabag ang mga karapatang pantao ng mga Filipino sa Taiwan, partikular ang mga migranteng manggagawa at turista, sapagkat kahit hindi sila sangkot sa pagkamatay ng isang Taiwanese sa Balintang ay sila pa ang ginigipit ng mga Taiwanese.

Hindi rin makatutulong kung pasisiklabin ng midya sa Taiwan ang silakbo ng mga Taiwanese. Ang dapat atupagin ng mga peryodista at politiko ay lutasin ang ganitong problema, at malaki ang maitutulong ng edukasyon at talakayan.

Ang rasismo, diskriminasyon ng lahi, senopobya, at kaugnay na intoleransiya ay nagbubukas ng usapin hinggil sa mga Filipinong migranteng manggagawa. Kumakayod sa ibayong dagat ang mga Filipino hindi para makipag-away o manuba ng kapuwa tao, bagkus upang kumita ng ikabubuhay sa marangal na pamamaraan. Ngunit sinisipat ng ilang Taiwanese na makikitid ang isip na pawang pangamba sa kabuhayan ng Taiwan ang mga Filipino, imbes na katuwang sa kaunlaran. Ang gayong aksiyon ng mga Taiwanese ay lumalabag sa Pandaigdigang Deklarasyon ng Karapatang Pantao, at walang pakundangan sa mga kalayaang may kaugnayan sa lahi, kulay, kasarian, wika, relihiyon, at pagkamamamayan.

Nakalulugod na nakaigpaw na ang mga Filipino sa baryotikong pagtanaw na rasista at senopobo; subalit marami pang kakaining bigas ang mga Taiwanese upang sumapit sa gayong yugto. Sa ganitong pangyayari, kinakailangan ang internasyonal na tulong upang malutas ang malulubhang prehuwisyo laban sa mga Filipino doon sa Taiwan.

Ang pagtanaw na superyor ang lahing Tsino kaysa Filipino ay nagbubunga ng rasismo, diskriminasyon, senopobya, at intoleransiya. Ang pagtanaw na ito ay isang anyo ng kolonyalismo, at dapat iwaksi sa pinakasukdulang paraan. Upang malutas ito, hinihingi sa panig ng mga Filipino na tuklasin ang pinakadakila at pinakamagaling mula sa kanilang hanay, ihayag ang mga katangiang ito nang may dangal at pagmamalaki, at iwasan ang masasamang asal na ginawa sa kanila ng ilang rasista at senopobong Tsino o Taiwanese. Ito ang pinakamagandang panahon upang tuklasin muli ng mga Filipino ang sarili at kultura, at itampok ang mga halagahang naghatid sa kanila sa rurok ng tagumpay.

Tungkulin ng Tsina (at Taiwan) na pangalagaan ang mga karapatang pantao hindi lamang ng kanilang mga mamamayan, bagkus maging ng mga manggagawa, negosyante, at turistang Filipino. Ang mga karapatang ito ay dapat sensitibo sa kasarian ng babae. Kung patuloy na ipagwawalang-bahala ito ng pamahalaang Tsina (at Taiwan), ang Filipinas ay kinakailangang magtaguyod ng solidaridad sa iba pang bansa upang mapangalagaan, hindi lamang ang mga Filipino bagkus maging ang ibang lahi na naninirahan sa Tsina at Taiwan.

Hindi malulutas ang rasismo, diskriminasyon, senopobya, at intoleransiya sa pamamagitan ng digmaan o suntukan. Kinakailangan ang multi-disiplinaryong pagdulog at taguyod ng iba’t ibang sektor upang mapalitaw ang pasensiya at karunungan imbes na silakbo at kamangmangan. Maaaring hindi sapat ang pagbubuo ng batas sa iba’t ibang antas, bagkus ang tumpak at episyenteng pagpapatupad nito. Makabubuti rin ang patuluyang diyalogo, lalo sa hanay ng negosyo at kalakalan, upang mabawasan ang mga bobo at demagogo. Kinakailangan ang pagbubuo ng mga programa at proyekto, gaya sa saliksik, seguridad at kalusugan, na makapagbubukas ng loob ng bawat isa, at magpapatibay sa toleransiya sa katangian ng bawat nilalang.

Nakakahiya ang Taiwan sa malubhang problema nito sa rasismo, diskriminasyon, senopobya, at intoleransiya laban sa mga Filipino. At ito ang dapat mabatid ng lahat ng Filipino.

Abogasya at panitikan

Binabati ng Alimbukad ang dalawang tao na nakapasa sa pambansang pagsusulit sa larangan ng batas at abogasya ngayong taon, at sila ay walang iba kundi sina  Mary Grace C. Panganiban-Mendoza at Jose Y. Dalisay III. Nawa’y lumawig ang kanilang karera sa pagiging abogado o hukom sa darating na panahon, at makatulong sa taumbayan sa paghahatid ng katarungan at kaayusan sa lipunan. Inaasahan ko ring makakatuwang sila ng mga manunulat sa pagtatanggol sa mga karapatang-isip at akdang pampanitikan.

Hinuhulaan kong babaha ng alak diyan sa Bulakan, aahon sa mga palaisdaan ang mga plapla, sugpo, at talaba, at magpapapista ang aking kaibigan at makatang oragon na si Gil Mendoza.

Panukalang Batas, Patakarang Pangwika, at Pambansang Adyenda sa Filipino 2011-2016

Tuwing Agosto lumalakas ang promosyon ng Filipino dahil ito ang nakatadhana sa batas na “Buwan ng Wika,” alinsunod sa Proklamasyon Blg. 1041, na may petsang 15 Hulyo 1987. Sa tulong ng mga paaralan, kolehiyo at unibersidad, bukod sa tangkilik ng gaya ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) at Komisyon sa Mas Mataas na Edukasyon (CHED), naitatampok kahit paano ang mga aktibidad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at naipagdiriwang sa samot-saring paraan ang Filipino sa pamamagitan ng seminar, kumperensiya, pagtatanghal, bunsod-aklat, timpalak pampanitikan, balagtasan, konsiyerto, at iba pa. Dati, nagkakasiya na lamang ang Surian ng Wikang Pambansa (SWP) na ipagdiwang ang “Linggo ng Wika” (29 Marso-4 Abril)  alinsunod sa Proklamasyon Blg. 12, na may petsang 26 Marso 1954. Nagkataon naman na ang linggong iyon ay patapos na, kung hindi man tapos na ang klase sa mga paaralan, kaya mistulang nilalangaw at walang kulay ang pagdiriwang. Pagkaraan ng dalawang taon, sinusugan ito ng Proklamasyon Blg. 186, na naglilipat sa petsa ng pagdiriwang tungong 13-19 Agosto bawat taon, na ang sukdulan ay ang paggunita sa kaarawan ni Pang. Manuel L. Quezon. Kinikilala si Pang. Quezon noon, dahil siya ang pangulong nagpasimuno na mailahok sa pambansang adyenda ang pagbubuo ng pambansang wika na gagamitin pagkaraan bilang opisyal na wika ng komunikasyon sa kapuluan.

Ang tangkilik sa Filipino ay masasabing nagbabago sa paglipas ng panahon. Kung noong administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo ay katiting ang tangkilik sa wikang Filipino, iba na ngayon. Walang pasubaling umaangat ang paggamit ng wikang Filipino sa dominyo ng kapangyarihan tuwing maririnig si Pang. Benigno S. Aquino III na nagtatalumpati sa Filipino. Nakakargahan ng pambihirang simbolikong kapangyarihan ang Filipino tuwing mamumutawi sa bibig ng pinamataas na opisyal ng bansa at pamahalaan, at lalo itong nagkakaroon ng kabuluhan dahil matalik ang pakahulugan at pahiwatig nito sa kaniyang mga kababayang nakauunawa at nagpapahalaga sa naturang wika. Hubad sa pagkamabulaklak ang pahayag niya, bagaman sa nakaraang SONA (State of the Nation Address) 2011, para siyang dalubwikang ipinaliwanag sa payak na pamamaraan ang konsepto ng “wangwang” na lumalampas sa orihinal na onomatopiya ng tunog ng sirena,  at ang semyotika ay umaabot hanggang sa pag-abuso ng kapangyarihan at walang taros na katiwalian ng iilan.

Sinasalungat ni Pang. Aquino ang mga nauna sa kaniyang pangulo na Ingles ang pinamayani sa mga talumpati; at ito ay ginawa niya sa paraan ng pagiging konsistent sa pakikipag-usap sa pamamagitan ng wikang Filipino tuwing kaharap ang mga Filipino. Kaya naman bukás lahat ang radyo at telebisyon mulang Luzon hanggang Mindanao, at ang mga tao—sa pribado man o publikong sektor—ay matatamang nakikinig at hinihintay kung may babanggitin siya ukol sa partikular na isyung kanilang kinikilingan. Maipapalagay na si Pang. Aquino ay pangahas na pangulo, dahil sa pagsuway sa nakaugaliang protocol ng Ingles sa mga talumpating sinulat din ng mga Inglesero, at siyang pinaninindigan ng mga mambabatas, administrador, at negosyante. Sa ganitong paraan, napapalapit si Pang. Aquino sa kalooban ng publiko. Nalalantad sa panganib na maunawaan ng publiko ang adyenda ng kaniyang administrasyon, kaya ang buong makinarya ng gobyerno ay mapipilitang sumunod sa itinatakda niyang “tuwid na landas.” Kung magtatagal, wala nang palusot ang madla na umiwas pang makilahok nang aktibo sa kaniyang programa, alinsunod sa itinatadhana ng Saligang Batas 1987, dahil hindi na sila mangangamba na tumugon sa hamon ng Pangulo habang iniisip ang banyagang gramatika at jargon ng burukrasya.

Kung si Rep. Manny Pacquiao ay gumamit ng Ingles sa kaniyang kauna-unahang talumpati sa Kongreso, si Pang. Aquino ay hindi nangiming gamitin ang wikang Filipino sa karamihan sa kaniyang talumpati sa publiko. Ito ay maaaring senyales na walang bagahe si Pang. Aquino sa Filipino at Ingles, at sa  halip, higit niyang pinahahalagahan ang katapatan sa bisyon, at kung paano siya mauunawaan ng taumbayan. Kung si Rep. Pacquiao ay kinakailangang umingles upang tanggapin sa sirkulo ng mga mambabatas, si Pang. Aquino naman ay nagbibigay ng halimbawa sa mga mambabatas kung paano dapat makipagtalastasan at maging bukás sa publiko—upang ang paggawa, pagpapatibay, at pagsasakatuparan ng batas ay makaaabot sa pinatutungkulan, at maging matalik sa isip at loob ng mga mamamayan.

Ang batas ay napakahalagang bagay na makapagbubuklod ng mga tao, dahil itinatadhana nito ang mga hakbang upang mapangalagaan ang karapatan ng mga mamamayang itinuturing na pantay-pantay. Si Rep. Pacquiao, na ibinibilang na sugo ng masa, ay posibleng tanawin na bumukod sa kaniyang kinakatawang distrito sa paggamit ng wikang masasabing banyaga sa pandinig ng kaniyang mga kababayan. Maganda sanang oportunidad iyon sa butihing mambabatas kung paano ihahayag ang kaniyang panukala sa wikang Filipino at katumbas nitong Bisaya—na higit na magpapalapit sa kaniya sa mga mamamayan ng Gen. Santos at iba pang panig ng Filipinas. Ngunit nabigo si Rep. Pacquiao. Samantala, si Pang. Aquino na dating sinisipat na elitista ay daig pa ngayon ang radikal na mambabatas sa paggamit ng Filipino para buwagin ang moog na banyagang diskurso na namamagitan sa maykaya at maralita. Dahil dito, inaasahan na lalaganap lalo ang wikang Filipino sa iba pang disiplina, at ito ang magiging hamon sa institusyong gaya ng KWF.

Umiiral pa rin ang patakarang bilingguwal magpahangga ngayon (kaya nagpapanukala ang mga tagapamansag ng multilingguwalismo na laktawan ang batayang legal nito), kung babalikan ang Saligang Batas 1987. Ngunit umiiral iyon kahit wala pang itinatakda ang Kongreso at Senado hinggil sa panuhay na batas [i.e., enabling law] na maglilinaw kung paano palalaganapin ang Filipino bilang opisyal na wika ng komunikasyon at instruksiyon sa buong Filipinas, samantalang pinalalago ang mga katuwang na wikang panrehiyon; at kung pananatilihin ba ang Ingles o papalitan kung hindi man daragdagan ng ibang wikang internasyonal bilang isa sa dalawang opisyal na wika ng pamahalaan, at kung hanggang saan itatakda ang hanggahan ng Ingles bilang wika ng komunikasyon sa internasyonal na antas. Sa Philippine Development Plan 2011-2016 na inihanda ng National Economic and Development Authority (NEDA), layon ng Administrasyong Aquino na makamit “ang permanenteng mandato na magsasainstitusyon sa loob ng DepEd na gamitin ang Filipino sa pagtuturo, pagkatuto, at pagtatasa, upang mapalawig ang kahusayan, kagalingan, at kaugnayan sa proseso ng pagkatuto, sa kapuwa pormal at [alternatibong sistema ng pagkatuto].” Bukod dito, isinaad pa sa plano na “hinihikayat ang mga Filipino sa ibayong-dagat na manatiling nakaugat sa kanilang kultura sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa mga wika, kultura, at pamama ng Filipinas.”

Kung ganito ang pambansang adyenda ng Administrasyong Aquino, marapat na sipatin sa anggulong ito ang mga panukalang batas hinggil sa wika kung naaayon ba sa pambansang bisyon ng pangulo. Kailangang suriin ang mga ito, at idaan sa masusing pag-aaral, nang sa gayon, ay maiiwasan ang paglikha ng mga batas na lumilihis sa parametro ng Saligang Batas 1987.

Kapansin-pansin na maraming panukala hinggil sa “edukasyong multilingguwal at literasing patakaran.” Sa Panukalang Batas Blg. 191 na inakda ni Kgg. Rachel Marguerite B.del Mar, sinisikap na palakasin ang Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa mga paaralan sa buong bansa. Ang Filipino at ang katumbas nitong panrehiyong wika ay gagamitin mulang kindergarten hanggang Ikatlong Grado, samantalang ang Ingles ay gagamitin mulang kindergarten hanggang Ikaanim na Grado. Lahat ng akademikong sabjek ay ituturo sa Ingles pagsapit ng Ikaapat na Grado hanggang sa buong sekundaryang antas. Bukod dito, hihikayatin din ang paggamit ng Ingles bilang wika ng ugnayan sa loob ng paaralan, at ang pagtatatag ng mga organisasyong gagamit ng Ingles. Pinakamatindi sa panukala ni Kgg. Del Mar ang paggamit ng Ingles sa lahat ng pagsusulit at eksaminasyon sa pagpasok sa publikong paaralan at estadong kolehiyo at unibersidad. Kung gagamitin man ang Filipino ay hindi dapat lumampas iyon sa sampung porsiyento ng kabuuang puntos sa eksaminasyon.

Ang nasabing panukalang batas ni Rep. Del Mar ay kaugnay ng Kautusang Tagapagpaganap 210 noong Administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo, may petsang 17 Mayo 2003, na nagtatadhanang palakasin ang paggamit ng Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa primarya at sekundaryong antas. Kung gagamitin man ang Filipino ay limitado ito sa mga sabjek na Filipino at Araling Panlipunan. Pagsapit ng terserang edukasyon, ayon sa Sek. 1, c., “ang mga institusyon ng mas mataas na edukasyon, kabilang na ang mga estadong kolehiyo at unibersidad, ay hinihikayat na gamitin ang Ingles bilang pangunahing midyum ng pagtuturo.” Nagsampa ng kaso sa Korte Suprema ang ilang organisasyong pangwika laban sa katumpakan ng KT 210, subalit wala pang pangwakas na pasiya ang mga mahistrado. Kung sisipatin sa isang panig, ang Filipino ay hindi ganap na ipinagbabawal o iwinawaksi ng nasabing kautusan; gayunman, ang paglilimita ng gamit ng Filipino sa ilang sabjek ay tandisang nagpapahina sa Filipino at sumasalungat sa mithi ng Saligang Batas 1987  na linangin at payabungin ang paggamit ng Filipino sa iba’t ibang disiplina at larang. Kung babalikan ang deliberasyon ng Komisyong Konstitusyonal, ang Ingles ay itinuturing na “ikalawang wika.” Kung Filipino ang pambansang wika, na maglalagay sa posisyon dito na “unang wika,” ang Filipino ay hindi maaaring ipagbawal sa mga opisyal na komunikasyon, instruksiyon at transaksiyon ng pamahalaan at maging sa pribadong sektor. Samantala, ang kongreso ay maaaring magsabatas ng panukalang tanggalin ang Ingles bilang opisyal na wika sa Filipinas, at ituring lamang na isa sa mga wikang internasyonal na dapat mabatid ng mga Filipino. Kung pananatilihin man ang Ingles bilang isa sa mga opisyal na wika ng Filipinas, ang pagpapalaganap nito ay hindi dapat sumasagka sa diwa ng pagpapalago ng Filipino.

Hulog ng langit kung paanong nakapasa sa ikatlong pagbasa sa Mababang Kapulungan ang nasabing panukala ni Rep. Del Mar noong Ikalabintatlo at Ikalabing-apat na Kongreso; at kung hindi pa dahil sa kakulangan ng sapat na panahon ay baka nakalusot din sa senado. Ang panukala ni Rep. Del Mar ay parang pagsakay sa Time Machine na nagbabalik sa panahon ng Komonwelt, bagaman puwedeng pabulaanan ang ganitong haka. Isinusulong niya ang Ingles para pahinain ang mga natamong tagumpay sa paglilinang ng Filipino, at imbes na magpanukala ng dinamikong kurikula para sa akademikong pag-aaral ay isinasandig sa Ingles ang paghusay o sabihin nang pagtalino ng estudyante. Mahigit isang siglo nang nagsisikap ang mga ulirang Inglesero para turuan at palitan ng Ingles ang Filipino at iba pang wika sa rehiyon ngunit nanatiling bigo. Kung walang siyentipikong batayan ang panukala ni Rep. Del Mar, bakit kinakailangan itong isaalang-alang? Maipapalagay na labag sa kabuuang esensiya ng Saligang Batas 1987 ang panukala ni Rep. Del Mar, dahil sa pailalim na pinahihina nito ang Filipino, at ang taguring “pambansang wika” ay itinuturing na hanggang sa taguri o papel lamang. Kung babalikan ang pambansang adyenda ng Administrasyong Aquino, taliwas na taliwas ang panukalang batas ni Rep. Del Mar, kaya hindi kalabisan kung ito man ay ibasura.

Hindi malalayo sa panukala ni Rep. Del Mar ang Panukalang Batas Blg. 66 ni Kgg. Luis R. Villafuerte, at parang nagkopyahan ang dalawang kinatawan. Introduksiyon lamang ang halos naiba sa panukala ni Rep. Villafuerte, at sumusunod sa padron na ang Filipino o alinmang wikang panrehiyon ay gagamitin mulang preschool hanggang Ikatlong Grado; samantalang ang Ingles ay mulang preschool hanggang Ikaaanim na Grado tungo sa lahat ng antas ng sekundaryong edukasyon. Iginagalang ng panukala ang patakarang pangwika pagsapit sa terserang edukasyon, tulad na itinatadhana ng CHED. Sinisisi ng panukala ni Rep. Villafuerte ang paghina ng Ingles sa pagsilang ng Bilingguwal na Instruksiyon, subalit hindi tinalakay ng butihing mambabatas kung bakit nagkagayon. Nabigong silipin ng mambabatas ang henyo ng paggamit ng Filipino, at sa halip ay itinutumbas lamang sa panrehiyong wikang Tagalog na “hindi bumubuo sa mayorya.” Laos na ang ganitong linya ng pangangatwiran; at hindi sinisipat ang kakayahan ng Filipino na maging lingua franca sa buong kapuluan imbes na gamitin ang Ingles na napakalayo at salungat na polo ang pinagmumulan.

Paratang din ng panukala ni Rep. Villafuerte na “ang mga klaseng gumagamit ng Filipino bilang midyum ng pagtuturo ay hinahanggahan ang pagkakatuto sa Ingles ng estudyante.” Kung susundin ang ganitong lohika, dapat isinahinagap din ng butihing mambabatas na ang pag-aaral ng Ingles ay sinasagkaan ang kalayaan ng mga estudyante na matuto sa pamamagitan ng sarili nilang wika, at sa wika na itinuturing ng Saligang Batas 1987 na “pambansang wika.” Kung nais ng butihing mambabatas na maging Inglesero ang mga estudyante, aba’y makabubuti kung ipapanukala niya na dapat gamitin ang Ingles sa loob ng tahanan, palengke, lansangan, trabaho, mass media, at transportasyon, bukod sa mga sentro ng kapangyarihan. Sa ganito lamang makapag-iisip at makapagsasalita nang tuwid na Ingles ang mga Filipino, at pagkaraan ay puwede na silang maging kandidato sa mga call center.

Ipinagmagara pa ni Rep. Villafuerte na ang pinakamahuhusay na babasahin at materyales ay nasa Ingles, at magkakaroon ng problema sa pagsasalin mulang Ingles tungong Filipino o mulang Filipino tungong wikang panrehiyon. Sa ganitong lohika, isinusuko na agad ng butihing mambabatas ang kaniyang bandila at hindi nasisipat ang bilis, ekonomiya, at pagkamalikhain ng mga Filipinong manunulat at akademiko sa pagbubuo ng mga babasahing nasusulat sa Filipino na tumatawid sa sari-saring disiplina. Ang pagbubuo ng teksto ay hindi simpleng pagsasalin o pagtutumbas ng mga salita at konsepto, dahil kung isasalin o tutumbasan lamang sa Filipino ang materyales at babasahing Ingles ay maaaring maisalin din hindi lamang ang mga konseptong dayuhan kundi maging ang sensibilidad ng kolonyal na kaisipan. Ipinapalagay sa gayong hatag na pantay-pantay ang lahat ng wika, na ang katotohanan ay kabaligtaran, dahil ang dominanteng wika ang laging pinagmumulan ng diwain at naisasantabi ang henyo ng Filipino at katuwang nitong mga wikang panrehiyon. Kung sinilip lamang ng butihing mambabatas ang mga pagsisikap noon ng UP Sentro ng Wikang Filipino na gumawa ng mga teksbuk sa heometriya, kemistri, pisika, matematika, inhinyeriya, komputer, pagpaplanong urban, agham-dagat, at kaugnay na kurso sa siyensiya, maaaring matauhan siya sa lalim ng Filipino na may kapasidad na ipaliwanag ang mga siyentipikong termino sa konsepto at wika ng mga Filipino. Gaya ng panukala ni Rep. Del Mar, ang panukala ni Rep. Vilafuerte ay salungat sa pambansang adyenda sa edukasyon ng Administrasyong Aquino.

Ang dalawa pang panukalang batas sa Mababang Kapulungan na layong palakasin ang paggamit ng Ingles sa lahat ng paaralan sa Filipinas ay ang Panukalang Batas Blg. 93 ni Eduardo R. Gullas at Panukalang Batas 1245 ni Mark A. Villar. Masasabing alingawngaw lamang ang mga ito ng mga naunang panukala nina Rep. Del Mar at Rep. Villafuerte, at ang tanging ipinagkaiba ay ang pambungad na paliwanag. Para kay Rep. Villar, kailangan umanong mapanumbalik ang kadalubhasaan sa Ingles ng mga mamamayang Filipino “para matiyak ang higit na mahusay na edukasyon ng mga Filipinong estuyante at mapalawig ang kanilang galing sa pandaigdigang antas.” Para naman kay Rep. Gullas, dapat umanong maituwid ang mga depekto ng kasalukuyang Edukasyong Bilingguwal ng DepEd, at “mapaunlad ang proseso ng pagkatuto sa mga paaralan nang matiyak ang de-kalidad na resulta.”

Walang bago sa sinabi nina Rep. Gullas at Rep. Villar. Itinutumbas ng dalawang mambabatas ang kahusayan sa partikular na disiplina sa pamamagitan ng pagpapakadalubhasa sa paggamit ng wika, na maituturing na malikhaing kabulaanan. Upang maganap iyon, kinakailangang tanggalin sa ekwasyon ang Filipino at iba pang wika, at ang mungkahi ay itira lamang ang Ingles. Ang dapat na sinusuri ng mga mambabatas ay kung saan nagkukulang ang buong sistema ng edukasyong nabigong makapagsilbi sa tunay na pangangailangan ng bansa at ng kaniyang milyon-milyong estudyante, at kung bakit lumalagpak ang mga estudyante sa mga pagsusulit na nasusulat sa Ingles. Sablay din ang pagsasabing higit na magagaling umingles ang mga Filipino noon kaysa ngayon, dahil unang-una’y magkaiba ang populasyon ng dalawang panahon, magkaiba ang sanligang pang-edukasyon, at magkaiba ang pagpapahalaga sa wika ng pamahalaan at akademya.  Isang payak at baryotikong mungkahi ang pagsasaad na mali ang edukasyong bilingguwal, ngunit kaya pala naging mali ay dahil apektado, kung hindi man nanganganib, ang posisyon ng Ingles sa herarkiya ng mga wika sa bansa.

Iisa ang ubod ngunit magkakaiba ng panlabas na damit ang apat na panukalang maka-Ingles. Kung ganito ang taktika ng mga mambabatas para mabilis na mapagpasiyahan ang panukala, at ang konsolidasyon ng mga komentaryo ay mapagagaan,  nangangailangan ng ibayong pagsubaybay ang taumbayan sa ganitong pakana.

May isa pang panukala, ang Panukalang Batas Blg. 162 at inakda ni Rep. Magtanggol T. Gunigundo I, ang nagsusulong naman ng Multi-Lingual Education (MLE). Sa panukala ni Rep. Gunigundo, ang unang wika ng bata ang magiging midyum ng instruksiyon sa buong elementarya; samantalang ang Ingles at Filipino ay ipakikilala lamang bilang midyum ng instruksiyon pagsapit ng Ikaapat na Grado. Pagsapit ng sekundaryong antas, ang Ingles at ang Filipino ang magiging midyum ng instruksiyon. Nakasaad pa na ang lahat ng kahingian, kagamitan at suportang pasilidad na kinakailangan para palakasin at paunlarin ang pagtuturo sa pamamagitan ng unang wika ay babalangkasin at ilalaan ng DepEd at KWF. Upang matupad ito, maglalaan ng tig-P100 milyon ang Kagawaran ng Badyet at Pangasiwaan (DBM) sa DepEd at KWF, at daragdagan ito ng limang porsiyento bawat taon pagkaraan.

Maganda sa unang malas ang panukalang batas ni Rep. Gunigundo, ngunit kapag tinimbang ay masasabing may kulang. Una, sa pakahulugan. Ang “midyum ng instruksiyon” ay ipinakahulugan sa panukala na “wikang ginagamit sa pagtuturo at pagkatuto ng kurikulum sa paaralan” [the language used for teaching and learning the school kurikulum]. Maimumungkahing baguhin pa ito at gawing “ang pinakaepektibong wikang ginagamit sa pagtuturo at pagkatuto ng kurikulum.” Sa ganitong  pakahulugan, ang Filipino bilang lingua franca ay makikilala sa tunay nitong halaga, lalo sa mga lugar na ang mga paaralan ay naging tagpuan ng mga tao na may kani-kaniyang katutubong wikang ginagamit.

Ni hindi binanggit sa panukala ni Rep. Gunigundo ang pakahulugan sa “Filipino” yamang mahalagang salita ito bilang “pambansang wika.” Kung ituturing na lingua franca ang Filipino sa buong kapuluan, ito ay dahil sa pangyayaring malaganap sa mass media ang Filipino, at umungos nang malayo sa Tagalog; malago at mabilis magparami ng mga babasahin sa Filipino sa dami ng manunulat; at nauunawaan ang Filipino mulang Batanes hanggang Basilan at mulang Palawan hanggang Sorsogon. Tumutukoy din ang “Filipino” sa “pagsasama-sama ng samot-saring katutubong wika sa Filipinas,” tulad ng intensiyon ng mga kasapi ng Komisyong Konstitusyonal. Sa Seksiyon 4 ng panukala ni Rep. Gunigundo, mababatid na ang “Filipino” ay itinuturing na ikalawang wika imbes na lingua franca; at kung gayon ay mahihinuhang itinutumbas lamang sa “Tagalog” na wikang malaganap sa Rehiyong Katagalugan.

Ang pakahulugan ng “unang wika” ay isa pang problematiko sa panukala ni Rep. Gunigundo. Kung ito ay tumutukoy “sa wika o mga wikang unang natutuhan ng bata at kinikilala niya o tinatanaw siya bilang katutubong tagapagsalita niyon ng ibang tao, o ang pinakaalam niya at pinakamahusay gamitin,” ano sa mga unang wika ang gagamitin bilang midyum ng instruksiyon sa bata? Kahit ang sinasabing dominanteng wikang panrehiyon ay maaaring lumitaw na ikalawang wika, lalo kung ang mga magulang na iba ang wikang sinasalita ay nadestino sa malayong rehiyon at hindi sila taal na tagaroon. Sa ganitong pagkakataon, ang guro ay mapipilitang maging polyglot sa loob ng silid-aralan, at ang wika ng kaniyang pagtuturo ay ibabatay sa mayorya ng mga estudyanteng nakauunawa sa isang partikular na wika, bukod sa konsiderasyong heograpiko at politikal. Kung babalikan ang rekord ng Komisyong Konstitusyonal 1986, tanging ang Ingles ang itinuturing na “ikalawang wika” na maipapantay sa ibang internasyonal na wikang gaya ng Espanyol, Mandarin, Nihonggo, at Aleman.

Ikalawa, ang pagtukoy sa “una at ikalawang wika” ay magiging bagahe ng paaralan. Sa malalayong pook na halos hindi pa nakasisilay ng modernong pamumuhay, maaaring hindi usapin ang wika, dahil ang mga estudyante ay maipapalagay na maalam na sa wika ng pamayanan. Ang nagiging problema ay ang mga guro na itinatalaga doon ng pamahalaan, at ang mga gurong ito ay hindi malimit na taal na tagaroon at nagtataglay ng ibang wika ng edukasyon. Bukod pa rito ang kasalatan ng materyales at aklat na kaugnay ng pagtuturo, at kung isasalin ito ng mga guro ay maaaring magkaproblema kung anong ortograpiya ang susundin batay sa mga diyalektong batid ng mga estudyante. Sa kabilang dako, sa mga rehiyong naging tagpuan ng mga tao mula sa iba’t ibang rehiyon, sanhi man ng kalakalan, migrasyon, kaunlaran, at iba pang bagay, ang pagpili ng midyum ng instruksiyon ay nakasalalay sa kakayahan ng paaralan. Halimbawa, kahit nais sa Batanes na maging wika ng pagtuturo ang Itawis o Ivatan, hindi maikakaila na malakas na ang paggamit ng Filipino dahil sa mass media, at nagiging daan ito na maging lingua franca. Kung idaragdag pa rito ang migrasyon ng mga “Ipulá” (i.e., dayo na nagpasiyang manirahan sa Batanes), ang mga katutubong wika sa Batanes ay unti-unting humihina dahil nababawasan ang mga tao na gumagamit nito at nagtutungo rin sa ibayong-dagat.

Ikatlo, mapalalakas ang panukala ni Rep. Gunigundo kung sa Seksiyon 4, d, ay gagawing ang “Filipino ay magiging midyum ng instruksiyon sa sekundaryong antas, samantalang ang unang wika at ang Ingles ay gagamitin pa rin bilang mga katuwang na wika ng pagtuturo.” Sa ganitong mungkahing probisyon, ang Filipino ay sinisikap na tanggapin bilang opisyal na wika ng instruksiyon sa sistema ng edukasyon sa Filipinas, habang nililinang ang mga wikang panrehiyon, at ipinakikilala ang Ingles bilang wika ng pakikipagtalastasan sa antas na internasyonal.

Ikaapat, ang pagbuo ng “Mga Patakaran at Regulasyong Nagpapatupad ng Multi-lengguwaheng edukasyon” ay napakalimitado sa ilang pangkat lamang, at ito ay hindi dapat dominado ng Summer Institute of Linguistics, bagkus nilalahukan ng mga kinatawan ng mga organisasyong pangwika, pampanitikan, pang-edukasyon, at iba pang may malasakit na grupo at indibidwal upang mailatag ang mga pamamaraan kung paano patatakbuhin ang programa. Sa kasalukuyan, may ginagawa nang hakbang ang DepEd hinggil sa pagbubuo ng materyales, ngunit masyado itong minamadali kahit wala pang naitatakdang ortograpiya sa 11 o 12 wikang panrehiyon, at mabuti na lamang ay may ginagawa nang mga ortograpiya ang KWF. Binanggit din sa panukala ang KWF, ngunit maaaring magkaroon ng problema pagkaraan, dahil bagaman ang mandato ng KWF ay gumawa ng mga pananaliksik para sa pagbubuo ng mga pambansang patakarang pangwika na may kaugnayan sa iba’t ibang larang, ang gayong mandato ay nalilimitahan sa kakulangan ng badyet. Higit na malaki ang badyet na inilaan para sa MLE sa bawat taon (P100 milyon) kaysa sa badyet ng KWF kada taon na umaabot lamang ng P35 milyon. Sa implementasyon ng MLE, ang badyet na laan dito ay halos triple ang laki sa taunang badyet ng KWF at ito ang higit na maglalagay sa alanganin na gumawa ng mga pambansang programa na magpapalakas at magpapalaganap ng Filipino sa Filipinas at ibayong-dagat.

Hindi naman dapat sagkaan ang MLE. Ngunit kung isusulong ito, mabuting isulong ito nang malinaw ang mga parametro at hindi maglalagay sa panganib na maparupok ang paglago ng Filipino sa hinaharap, dahil ito ang idinidiin ng Saligang Batas 1987.

Samantala, ang Panukalang Batas sa Senado Blg. 855 ni Sen. Jinggoy Ejercito Estrada ay “nag-aatas sa bawat opisyal at tauhan ng Sandatahang Lakas ng Filipinas na sumailalim sa kurso ng oryentasyon sa kultura, wika, diyalekto, pamumuhay, gawi, tradisyon at kaugnay na bagay sa mga pamayanang pangkultura na pagtatalagahan o pagdedestinuhan sa kanila.” Maimumungkahing palawakin pa ang Seksiyon 3 nito, at ilahok kahit ang Pambansang Komisyon para sa Kultura at Mga Sining (NCCA), at ang mga pribado at publikong organisasyong pangwika, pampanitikan, at pangkultura sa loob man o labas ng akademya sa buong kapuluan. Maiuugnay ito sa multi-lengguwaheng edukasyon, ngunit dapat na nagtatampok din sa pagtuturo ng wikang Filipino bilang lingua franca sa buong bansa.

Bagaman simple sa unang malas ang Panukalang Batas sa Senado Blg. 2639 ni Sen. Manuel “Lito” M. Lapid, na nag-eenmiyenda ng Seksiyon 447 (a)(3)(iv) ng Kodigo ng Pamahalaang Lokal, ito ay napakahalaga. Kung mapagtitibay, ang lahat ng senyas, paskil, at bilbord na nakasulat sa banyagang wika bukod pa sa Ingles ay dapat tumbasan ng salin sa Filipino o Ingles. May katotohanan at napapanahon ang panukala ni Sen. Lapid, dahil dumarami ang mga restoran, bar, at iba pang establisimyento na ang mga bilbord at paskil ay pawang nasusulat sa Koreano, Tsino, Indian, at Iranian ngunit walang katumbas na salin yaon sa Filipino. Bagaman ipinapalagay na esklusibo ang nasabing mga establisimyento para sa mga dayuhan, hindi umano kinakailangang dumanas ng deskriminasyon kahit ang karaniwang mga Filipino. Sa paliwanag ng butihing senador, ang mga Filipino ay hindi dapat maging banyaga sa sariling bansa, at dapat maiwasang matiwalag at dumanas ng deskriminasyon kahit sa pagpasok sa mga restoran at aliwan.

Kung babanggitin ang Panukalang Batas sa Senado Blg. 1770 ni Sen. Miriam Defensor Santiago, na nag-aatas na gumamit ng karaniwan at payak na wika sa paghahanda ng mga dokumento sa seguro [insurance documents], masasabing higit na makatitipid kung gagamit na lamang ng wikang Filipino at kaugnay na wikang panrehiyon. Maipapaliwanag sa magkabilang panig ang nilalaman ng bawat probisyon ng kontrata o dokumento, at hindi nangangailangan pa ng abogado. Makaiiwas din sumunod sa komplikadong jargon ng Ingles, at maitutuon ang dokumento sa nilalaman, ayon sa pagkakaunawa ng publiko. Higit na makatitipid kung gagamit ng Filipino dahil hindi na kailangan pang dumaan sa Ingles na ang diskurso ay malayo sa hinagap ng Filipino. Ang Panukalang Batas sa Senado Blg. 1859 ni Sen. Santiago, sa kabilang dako, ay nag-aatas naman sa mga ahensiya ng pamahalaan na gumamit ng  karaniwang wika [plain language] sa mga komunikasyon, batay sa itatadhanang alituntunin ng Komisyon sa Serbisyo Sibil sa lahat ng opisyal at kawani ng pamahalaan. Bagaman maalam sa Saligang Batas, kakatwang nakaligtaan ng butihing senador ang probisyon hinggil sa wikang Filipino ng Saligang Batas 1987. Nakalimutan din ng senador ang Kautusang Tagapagpaganap 335 noong Administrasyong Corazon Aquino, na nag-aatas na gamitin ang Filipino sa mga opisyal na korespondensiya, komunikasyon at transaksiyon sa pamahalaan. Kung gagamitin ang Filipino sa mga korespondensiya, komunikasyon at transaksiyon ng mga ahensiya ng pamahalaan, ani Retiradong Hukom Cezar Peralejo, makatutulong ito nang malaki sa publiko at sa mga empleado ng gobyerno dahil mabubuwag ang moog ng pagkakaunawaang sanhi ng paggamit ng Ingles.

Binanggit ang mga panukalang batas na ito dahil malaki ang implikasyon nito sa pambansang adyenda ng Administrasyong Aquino. Makabubuting usisain ang bawat panukala, at aktibong makilahok ang publiko sa mga deliberasyon. Sa susunod, maaaring ang wika ng pagdinig sa kapuwa Mataas at Mababang Kapulungan ay gawing Filipino (o kaya’y tumbasan sa Filipino), habang katuwang na wika ang Ingles at iba pang wikang panrehiyon, para maunawaan ng nakararaming bilang ng mga Filipino, kung gagawa ng panuhay na batas sa Saligang Batas 1987. Hindi dapat maging esklusibo ang usapan. Magandang halimbawa ang sinimulan ni Pang. Aquino kung paano dapat makipag-usap sa mga Filipino, ang makipag-usap nang tapat at alinsunod sa diskurso at wika ng milyon-milyong Filipino.

(Roberto T. Añonuevo. Lungsod Pasig  © 4 Agosto 2011.)