Advertisements

“Ang Anak,” ni Carmen Giménez Smith

salin ng “The Daughter” ni Carmen Giménez Smith ng United States of America.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Anak

Wika natin ay siya ang negatibong hulagway ko dahil magaan siya.
Siya ang liwanag at ang landas, ang ginhawa sa aking cortex.
Anak, saan mo kinuha ang lahat ng pagkadiyosa?
Mga mata niya’y dalawang itim na sanaw ng dapithapon ni Neruda.
Minsan, estranghera siya sa aking bahay dahil hindi ko siya iniisip.
Sino ang kaniyang magiging anak?
Siya at ako ang marahang paglayo ng karimlan ng aking nanay.
Kinalag ko ang láso ng kaniyang búhay, at iyon ay makinis, mahaba
Na bulwagang nakabukás ang mga pinto.
Ang kaniyang rabaw ay defleksiyon ng bakit.
Saktan siya, at parang sinaktan mo kami lahat.
Nasa loob niya ang aking tapang at tining, ang pagkailahás.

Advertisements

“May Babaeng Naghihintay sa Akin,” ni Walt Whitman

salin ng “A Woman Waits for Me,” ni Walt Whitman.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

May Babaeng Naghihintay sa Akin

May babaeng naghihintay sa akin—taglay niya ang lahat, walang pagkukulang,
Ngunit kulang ang lahat, kung wala ang pagtatalik, o kaya’y kung kulang
ang umedad ng tamang lalaki.

Taglay ng sex ang lahat,
mga láwas, kaluluwa, pruweba, puresa, delikadesa, resulta, promulgasyon,
awit, utos, kalusugan, dangal, hiwagang maternal, gatas na seminal;
Lahat ng pag-asa, benepisyo, handog,
Lahat ng silakbo, pag-ibig, kagandahan, tuwa ng lupain,
Lahat ng gobyerno, hukom, diyos, sinundang tao ng lupain,
Bihag sila ng sex, bilang bahagi ng sarili, at ng katwiran ng sarili.

Di nahihiya, ang lalaking kilala ko at kinikilala ay batid ang linamnam ng sex,
Di nahihiya, ang babaeng batid ko at kinikilala ay tanggap ang taglay niya.

Ngayon ay lalayô ako sa mga walang tinag na babae,
Makikipisan ako sa kaniyang naghihintay sa akin, at sa mga babaeng
maiinit ang dugo at sapat para sa akin;
Nakikita kong nauunawaan nila ako, at hindi ako itinatakwil;
Nakikita kong karapat-dapat sila sa akin—ako ang magiging malakas na bana
ng mga babaeng ito.

Sila ay hindi mababà kaysa akin,
Nasunog ang kanilang mukha sa maningning na araw at hihip ng simoy,
Taglay ng kanilang lamán ang matandang dibinong lambot at tatag,
Alam nilang lumangoy, gumaod, sumakay, mambuno, tumudla, tumakbo,
sumapol, umatras, sumulong, sumalungat, ipagtanggol ang sarili,
Sila ang sukdulang bunga ng sariling pagpapagal—sila ay panatag, malinaw,
hawak ang sarili.

Hahatakin ko kayong palapit sa akin, o mga babae!
Hindi ko kayo mapawawalan, gagawa ako ng mabuti sa inyo,
Ako ay para sa inyo, at kayo ay para sa akin, hindi lámang para sa akin,
bagkus sa kapakanan ng iba;
Nakabalot sa inyong paghimbing ang mga dakilang bayani at makata,
Ayaw nilang mapukaw sa hipo ng sinumang tao kundi sa akin lámang.

Tanging ako, o mga babae—Ako ang lumilikha ng sariling landas,
Ako ay mahigpit, matalas, malaki, at di-mabubuyo—ngunit mahal ko kayo,
Hindi ko kayo sasaktan nang higit sa kinakailangan ninyo,
Isinasalin ko ang mga bagay para magsimula ng mga anak na angkop
sa Mga Estadong Ito—idiniriin ko ang mababagal, magagaspang na láman,
Inihanda ang sarili sa magaganap—nakinig ako sa mga panambitan,
Hindi ako makaaatras hangga’t hindi nailalagak ang matagal nang naipon
sa aking kalooban.

Sa pamamagitan ninyo ay naipaaagos ko ang mga sinikil na ilog ng sarili,
Ibinabalabal ko sa inyo ang laksang taong darating,
Sa inyo ay pinasisibol ko ang pinakamamahal sa akin at sa America,
Ang mga patak na dinalisay mula sa inyo ay lalagong mabagsik at atletikong
dalaga, bagong artista, musiko, at mang-aawit,
Ang mga sanggol na ipinagbuntis ninyo ay magsisilang din ng kanilang anak,
Hihingin ko ang mga perpektong tao mula sa aking mga ginugol na pag-ibig,
Inaasahan ko na magsasanib-sanib sila, gaya ng pagsasanib natin ngayon,
Bibilangin ko ang mga bunga ng rumaragasang ulan ng mga ito,
gaya ng pagbilang sa mga bunga ng rumaragasang ulang bigay ko ngayon,
Hahanapin ko ang mapag-arugang sibol mula sa pagsilang, búhay, kamatayan,
inmortalidad, na mapagkandili kong itinatanim ngayon.

Paghihiwalay, ni Jaroslav Seifert

salin ng “Parting” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Paghihiwalay

Mga hangal ang puso ng maraming babae,
pangit man o marikit,
ang mga bakás ng kanilang talampakan
ay mabilis maglaho sa buhanginan ng gunita.

Ngunit ang higit mong napansin
sa ating pangwakas na paghihiwalay
ay ang aking gusgusing damit—
hindi ba iyon ang suot ng pulubi?—
hindi mo makita ang mga luha gaya ng baluti.

Paalam, o kawan ng mga langaw
na sumasagitsit sa aking mga panaginip,
paalam, aking gabing tahimik at ang aking
kaha ng sigarilyong napalalamutian ng rosete!

Sa pagbukas ng pinto’y narinig ko ang palahaw
ng mga anghel na bumubulusok sa impiyerno.

Pangontra sa Dalamhati at Mga Katwiran, ni Shawqi Shafiq

salin ng mga tula ni Shawqi Shafiq ng Yemen, batay sa salin sa Ingles ni Sinan Antoon.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Mga Ehersisyong Pangontra sa Dalamhati

Hagurin ang singsing ng puso
hagurin nang lubos
upang mapawi ang mga alabok ng panlulumo
Maingat na haguring muli
upang kumintab ang dingding ng pagkalimot
o
gumuhit ng bilog, ipaloob ang isa o dalawang
kalapati at masdan ang pagpagaspas (kung sakali)
Itatanong mo: Paano kung mawasak ang bilog?
Paano kung lumipad ang kalapati?
o kung nababagabag ako sa ingay ng pagaspas?
Wiwikain ko sa iyo: burahin ang bilog
hanggang maglaho ang mga bakas nito
at lagyan ng namumukadkad na babae
imbes na kalapati
upang makapaghiganti
sa napakainit mong paupahang bahay
na lumalamon sa iyong bibig.

Mga Katwiran

1. Panlasa

Hindi na ako kumain matapos
tayong magniig kahapon
nang hindi maglaho ang tamis
mo sa aking bibig.

2. Kislap

Kumislap sa karimlan ang tuhod,
na sapat na dahilan upang mayanig
ang ibon.

3.  Sariwa

Nang umupo siya sa duyan,
nadama niya ang kakaibang lambot
hindi niya batid na siya’y nakaluklok
sa sariwang kandungan

4. Kaganapan

May tatlong lalaking
iginuguhit sa loob ng silid
ang hulagway ng babae.
Nang matapos ang larawan,
ang silid ay natigalgal.

5. Pagkain

Napakarami ang puso sa basurahan
piraso ng tinapay
plastik
at mayroon ding hapunan
para sa impormanteng nagbabalatkayong
baliw.

6. Tagpo

Nang namahinga sa mesa ang kamay ko’y
natanaw niyon ang nagngangalit na suso.
Kinausap ng kamay ang dibdib,
sinikap itong pakalmahin, ngunit nagngalit.
Tumindig ang aking kamay upang ituro
ang pasensiya subalit pinaputok ng dibdib
ang damit, saka lumabas upang kagatin
ang panginorin ng aking kamay
Nang mabigong maitaboy ng kamay yaon,
tumindig ang kamay upang hagkan
ang kamao ng dibdib.

Puri, ni Ribka Sibhatu

Salin ng tulang tuluyang “Verginità” ni Ribka Sibhatu mula sa Eritrea.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Napakahalaga sa paningin ng magiging esposa ang kaniyang birhinidad. Sa aming tradisyon, kapag ang ikakasal na babae’y hindi na birhen, isang araw pagkalipas ng kaniyang kasal ay ibinabalik namin siya sa tahanan ng kaniyang magulang, habang nakasuot ng woncio, at nakasakay sa likod ng buriko. Itinuturing iyon na pagkayurak ng dangal ng buong pamilya. Noong panahon ng digma, tumatakas ang mga tao mulang kalungsuran tungong kanayunan. Kailangan mong magsakripisyo upang makaangkop, gaya ng pagpapasan ng dalawampung litro ng tubig, kahit na ang balón ay dalawampung kilometro ang layo ng pinag-iigiban. Noong 1981, naging bakwet ako sa Adi Hamuscté, may dalawampung kilometro ang layo mula sa Asmara. Dumating isang hápon ang makisig na kabataan at apat na matandang lalaki at nagtungo sa bahay na aking tinutuluyan, at ipinaliwanag na ang binatang ngayon ko lamang nakita ay nais akong pakasalan. Kamakalawa, ani binata, ay minalas siyang matuklasan na hindi na básal ang kaniyang esposa. Kung papayag ang aking ama, at tatanggihan ko ang kanilang panukala, itataya ko ang sarili na magpakasal, o kung hindi’y isusumpa ng aking ama. Ang sumpa ng magulang ang kinasisindakan ng sinumang anak. Biglang sumilang sa aking diwa ang ganito: ihayag na ako mismo’y nakaranas mayurakan ang puri! Hahayaan ko na kayong isaharaya ang reaksiyon ng aking ama, na sa paningin ng pamayanan, ay nadungisan ang dangal. Tumalikod at tahimik na lumakad palayo sa aming bahay ang binata upang ipagpatuloy ang paghahanap ng isang birhen.

Antígona, ni Claribel Alegría

Antígona

Salin ng tulang “Antígona” ni Claribel Alegría mulang El Salvador.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mulang Filipinas.

Ililibing ko ang aking kapatid
kahit katumbas ito ng aking kamatayan
nang di-alintana ang mga batas
ng tunggalian.
Nagkamali ng akala si Creon
na iiwan ko ang bangkay
para pagpistahan ng mga buwitre.
Pinahiran ko ng langis ang mga braso
nang may poot
at buong tatag
upang silaban ang mga sigâ
na lalamon sa kaniyang katawan.
Nagkamali ng akala si Creon
na kaming mga babae’y mahihina
ang loob, hindi nanlalason ng isip
o kaya’y tumatakbo palayo sa panganib.
Ililibing ko ang aking kapatid
nang walang takot,
at buong pagmamahal.

Ang Batas, ni Hissa Hilal

Salin mula sa tulang Arabe ni Hissa Hilal
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Batas

Nakita ko mula sa paningin ng mga subersibong fatwa ang panahon na ang matapat sa batas ay lumalabag sa batas.

Nang inilantad ko ang katotohanan, lumitaw ang halimaw mula sa kaniyang kanlungan—isang halimaw na barbaro kung mag-isip at kumilos, bukod sa nagngangalit at bulag; suot niya ang damit ng kamatayan at sinturong sumasabog.

Nagwiwika siya mula sa platapormang opisyal at makapangyarihan, sinisindak ang bayan at dinaragit ang sinumang naghahanap ng kapayapaan. Tumakbo palayo ang tinig ng katapangan, at ang katotohanan ay sinikil at binusalan, sa sandaling ang pansariling kabutihan ay pinipigil ang sinumang magsabi nang walang kabulaanan.

Si Hissa Hilal habang bumibigkas ng kaniyang tula.

Si Hissa Hilal habang bumibigkas ng kaniyang tula.