Advertisements

“Ang Panginoon ang aking Pastol,” ni T.S. Farisani

Salin ng mga tulang “The Lord is my Shepherd” ni T.S. Farisani (Tshenuwani Simon Farisani) ng Timog Africa.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Panginoon ang aking pastol
Salmo 23 sa Pietermaritzburg at Howick
Marso 13–Hunyo 4, 1977

Ang Panginoon ang aking pastol
Hindi ako malulupig.
Inihihimlay niya ako sa lupain ng kalayaan,
Umiinom ako sa baso ng kasarinlan.
Kahit na maglandas ako sa lambak ng tortyur,
Hindi ako matatakot sa mga hayop na tao,
Ipaglalaban niya ang aking pakikibaka.
Ang kaniyang mga anghel at bisyon
Ay patnubay ko sa mga brutal na interogasyon.
Binibigyan niya ako ng buhay mula sa palad ng pumapatay,
At binibigyan ng korona ng tagumpay na kaniya.
Mamumuhay ako sa piling ng mga santo sa bahay ng ama ko,
At walang hanggang di maaabot ng mga hayop na tao!

* * *

Ang Panginoon ang aking pastol
Salmo 23 Ikalawang Pagkakakulong
Oktubre 21, 1977 hanggang Enero 21, 1978

Ang Panginoon ang aking Diyos,
Hindi ako magsisilbi sa mga idolo.
Itinataguyod niya ako sa lupain ng pandarahas,
Pinatatatag  kaluluwa ko sa pag-inom ng tubig sa kubeta.
Kapag ako’y inilipat mulang Sibasa hanggang Louis Trichardt,
Hindi ako matatakot sa mga tagapagbantay,
Sa Bilangguan ng Pietersburg ay babaliin niya ang pangil ng leon.
Ang Kaniyang salita at ang Kaniyang espiritu
Ay pag-aalabin ako kapag dumaranas ng panlulumo.
Binibigyan niya ako ng pag-asa sa kaharian ng pagsuko,
At binubughan ng búhay sa lupain ng kamatayan.
Napananatili ang aking kaluluwa para sa malayang Timog Africa,
Habambuhay na malaya mula sa epidemyang lahi!

* * *

Ang Panginoon ang aking pastol
Salmo 23 mula sa kaibuturan ng impiyerno
Nobyembre 18, 1981 hanggang Hunyo 1, 1982

Ang Panginoon ang aking gobyerno,
Hindi ako magpupugay sa apartheid.
Sasagipin niya ang aking kaluluwa mula sa Masisi,
At gaya ni Lazaro, ako ay babangon sa libingan.
Kapag binugbog at iniwang hubad,
Hindi ako mangangatal sa mga sugat.
Kapag winakasan ng tao ang kapalaran ko sa likod ng kurtina,
Sa tinta ng dugo ng kaniyang anak na nasa kaniyang palad,
Binubuksan niya ang bagong pahina ng aking buhay.
Ilalapit niya sa aking mga kaibigan mula sa malayo at malapit,
At ang mga liham ng mabubuting Samaritano doon at saanman.
Lalakad akong matikas at malaya,
Walang hangga sa ngalan ni Hesus.

* * *

Ang Panginoon ang aking pastol
Salmo 23 mula sa lupain ng manna at pugò
Nobyembre 21, 1986–Enero 30, 1987

Ang Panginoon ang aking abogado,
Hindi ako ang maysala.
Wawasakin niya ang bawat kutsabahan.
Tatanggalin niya ang mga bitag sa aking paanan.
Sinukol at tinugis sa magdamag,
Hindi ako susuko nang hindi lumalaban.
Kapag ang Kapitan na Nangingibabaw sa Batas ay  bantaan
Akong ipinid ang aking bibig ngayon nang ganap,
Malaladlad ang pulang alpombra ng masaganang buhay.
Ilalantad niya ang mga butas sa utos ng pag-aresto,
At ipapapasok ang pagkain at ipapalabas ang mga liham.
Magwagi man sila sa maraming bakbakan ngayon,
Ang pangwakas ay para sa Diyos at sa ating lahat.

“Ang Sugat,” ni Adonis (Ali Ahmad Said Esber)

Ang Sugat

Salin ng tulang “The Wound” ni Adonis (Ali Ahmad Said Esber), batay sa salin sa Ingles ni Khaled Mattawa.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

1.
Ang mga dahong nahihimbing sa lilim ng simoy
ang barko ng mga sugat,
at ang mga panahong gumuho’t tumabon sa isa’t isa
ang kadakilaan ng sugat,
at ang mga punongkahoy na umaahon sa mga pilik
ang lawa ng sugat.
Ang sugat ay matatagpuan sa mga tulay
na nagpapahabà ng libingan,
at ang pagtitiis ay umiiral nang walang katapusan
sa pagitan ng mga pasig ng ating pag-ibig at pagyao.
Ang sugat ay isang senyas,
at ang sugat ay isa ring salupungan.

2.
Sa wikang sinakal ng mga kumakalembang na batingaw,
inihahandog ko ang tinig ng sugat.
Sa bato na nagmumula sa malayo
sa tuyot na daigdig na nadudurog na alabok
sa panahong isinasakay sa mga lumalangitngit na trineo,
sinisindihan ko ang siga ng sugat.
At kapag nagliliyab sa loob ng aking damit ang kasaysayan,
at kapag tumubò ang mga asul na kuko sa aking mga aklat,
sisigaw ako sa sandaling iyon,
“Sino ka? Sino ang nagpadpad sa iyo
sa aking básal na lupain?”
At sa loob ng aking aklat at sa aking básal na lupain
ay tititig ako sa pares ng matang nabuo mula sa alabok.
Narinig kong nagwika ang kung sinong tao,
“Ako ang sugat na isinilang,
at lumalagô gaya ng paglagô ng iyong kasaysayan!”

3.
Tinagurian kitang ulap,
ang sugat ng lumilisang kalapati.
Tinagurian kitang aklat at panulat
at dito’y sinisimulan ko ang diyalogo
sa panig mo at ng sinaunang dilà
sa pulô ng mga aklat
sa arkipelago ng sinaunang taglagas.
At dito’y nagtuturò ako ng mga salita
sa hangin at sa mga palma,
O sugat ng lumilisang kalapati!

4.
Kung mayroon akong pantalan sa lupain
ng mga pangarap at salamin, kung may barko ako,
kung may mga labî ako ng lungsod
sa lupain ng mga bata at nangagsisitangis,
naisatitik ko sana ang lahat ng ito para sa sugat,
isang awit na gaya ng sibat
na tumatagos sa mga punongkahoy, bato, at langit,
sinlamyos ng tubig
na hindi mapipigil, at nakayayanig, gaya ng paglupig.

5.
Ulanin ang aming disyerto
O daigdig na pinalamutian ng pangarap at pag-asam.
Bumuhos, at gulantangin kami, kami, ang mga palma ng sugat,
hiklatin ang mga sanga mula sa mga punongkahoy ng sinumang ibig
ang pananahimik ng sugat, na nakahiga nang gising,
at nakatitig sa malalantik na pilik at malalambot na palad.

Daigdig na pinalamutian ng pangarap at pag-asam
daigdig na nahuhulog sa aking kilay
tulad ng hagupit na nagbabakás ng isang sugat,
huwag nang lumapit pa—ang sugat ay lalong matalik—
Huwag akong tuksuhin, dahil ang sugat ay higit na marikit.
Lumipad sa mga nakaraang kaharian
ang mahika ng iyong paningin—
ang sugat ay naglandas palampas doon,
lumagpas at ni hindi nag-iwan ng isang layag
upang mang-akit ng kaligtasan, at hindi nag-iwan
ng kahit isang pulô.

“Sukdol ng Tagsibol,” ni Hàn Mặc Tử

Sukdol ng Tagsibol
[Mùa xuân chín]

Salin ng tula ni Hàn Mặc Tử (Nguyễn Trọng Trí) ng Vietnam.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Nalusaw sa lantay na sinag ang ibig,
Kuminang ang pares na bulawang bubong.
Nilaro ng simoy ang lungtiang damit
Sa pinong arbol. Nukad ang tagsibol.

Umalon ang damo patungo sa ulap,
Sa loob ng ili’y dinig ang awitan.
Baká búkas lámang, may binatang hangad
Magpakasal, sakâ ang hayop ay iwan.

Ang himig ng awit sa rurok ng bundok
Ay wikang banayad ng langit at sapà;
Doon sa kawayan ang bulong ay tibok
Na ano’t kay-lamyos pagdait sa bagà.

Ang mga bisita’y hatid ang tagsibol,
At ibig umuwi ng bahay ang dilág:
Papasan pa kaya ng palay maghapon
Pagtawid sa pasig sa tanghaling tapát?

“Pagtitipan kay Natasha,” ni Baek Seok

Pagtitipan kay Natasha
[나와나타샤와흰당나귀백석]

ni Baek Seok, Hilagang Korea
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa saling Ingles nina Chae-Pyong Song and Anne Rashid.

Ngayong gabi’y umuulan ng niyebe,
Dahil ako, na isang maralita,
Ay umiibig sa marikit na si Natasha.

Mahal ko si Natasha,
At walang humpay ang buhos ng niyebe,
Habang mag-isa akong umiinom ng basi.
Naiisip ko habang tumotoma ng alak:

Sa gabing umuulan nang walang humpay
Ang niyebe, nais kong sumakay ng puting asno
Habang angkas si Natasha, tungo sa liblib,
nagluluksang nayon sa bundok, at tumira sa baláy.

Walang humpay ang buhos ng niyebe.
Iniibig ko si Natasha.
Paparating na marahil si Natasha.

Nang sumapit siya nang tahimik ay winika sa akin:
“Iwinawaksi mo ang daigdig dahil magulo ito,
Ngunit ang pagtungo sa liblib na bundok ay hindi
Kailanman magiging katumbas ng pagkagunaw nito.”

Umuulan ng niyebe nang walang humpay,
Ang napakagandang si Natasha ay iibigin ako,
At sa kung saang pook, hihiyaw din ang puting asno
Dahil sa labis na galak ngayong magdamag.

“Punongkahoy ng Apoy,” ni Adonis

Punongkahoy ng Apoy

salin ng “Tree of Fire” ni Adonis (Ali Ahmad Said Esber) ng Syria.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang punongkahoy sa gilid ng ilog
ay lumuluha ng mga dahon.
Tinatabunan nito ang baybay
ng paulit-ulit na pigtal na patak.
Binabása nito sa ilog
ang hula ng apoy.
Ako ang pangwakas
na dahon na hindi nasisilayan ninuman.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . Nangamamatay
ang aking kababayan, gaya ng lagablab,
at ni walang naiiwang bakás.

Advertisements

Akdang Buhay: Rogelio G. Mangahas

Heto ang isang halimbawang video na aking interbiyu kay Rogelio G. Mangahas, na isa sa matitinik na makatang Filipino, at dapat pahalagahan ng kasalukuyang henerasyon. Maaaring gamiting aralin ito  sa pag-aaral ng panitikan.

Ang Pabula ng Asno, Báka, at Magsasaka

salin ng Tales from A Thousand and One Nights.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang Pabula ng Asno, Báka, at Magsasaka

‘MAY ISANG MAYAMANG magsasaka na nagmamay-ari ng maraming kawan ng báka. Batid niya ang mga wika ng hayop at ibon. Sa isang kuwadra ay pinagsama niya ang báka at ang asno. Sa bawat pagwawakas ng araw, dumarating ang báka sa puwesto na kinatatalian ng asno at natuklasang winawalisan yaon nang maigi bukod sa tinutubigan; ang sabsaban ay hitik sa uhay at piling sebada; at ang asno ay nakahiga nang kampante (dahil bihira siyang sakyan ng kaniyang amo).

‘Nagkataon na isang araw ay narinig ng magsasaka ang winika ng báka sa asno: ‘Napakasuwerte mo. Nalaspag ako sa pagtatrabaho, samantalang narito ka’t nagpapahinga nang panatag. Kumakain ka ng pinong sebada at sapat ang pangangailangan. Bibihira ka pang sakyan ng iyong amo. Sa aking panig, habambuhay na pagkabato ang makatabi ang araro at gilingan.”

‘Sumagot ang asno: Kapag nagtungo ka sa bukid at at isinunot sa iyo ang památok, magkunwang maysakit at dumapâ. Huwag bumangon kahit paluin; o kapag nakatayo’y biglang humigâ. Kapag hinila ka pabalik at pinakain ng damo, huwag kumain. Mag-ayuno sa isa o dalawang araw; at makasusumpong ka ng pahinga mula sa trabaho.”

‘Tandaang naroon ang magsasaka at narinig ang pinag-uusapan ng dalawa.

‘At nang dumating ang tagapag-araro nang may dayami para sa báka, hindi nito kinain ang hatid. Nang magbalik ang magsasaka kinabukasan para hatakin ang hayop patungo sa bukid ay nagkunwang matamlay ito. Winika ng magsasaka sa tagapag-araro: “Kunin ang asno at gamitin siya sa pagsasáka sa buong araw!”

‘Nagbalik ang lalaki, kinuha ang asno kapalit ng báka, at pinagsaka nang buong araw.

‘Nang matapos ang maghápong trabaho at magbalik ang asno sa kuwadra, nagpasalamat ang báka sa mabuting payo ng asno. Ngunit hindi sumagot ang asno at mapait na pinagsisihan ang kadaldalan.

‘Kinabukasan ay dumating muli ang tagapag-araro at kinuha ang asno sakâ pinagsáka ito hanggang takipsilim; at nang magbalik ang asno na nakasingkaw ang leeg, at nasa kaawa-awang pagkapagod, muling nagpahayag ng pasasalamat sa kaniya ang báka, at pinuri ang katalinuhan nito.

‘“Kung kinimkim ko na lámang ang aking karunungan!” naisip ng asno. Pagdaka’y bumaling siya sa báka at nagwika: “Narinig ko ang aking panginoon na nagwika sa kaniyang alipin: ‘Kung ang báka ay hindi lumusog agad, tangayin siya pa-katayan, at ipagbili siya.’ Ang aking bagabag para sa iyong kaligtasan ang nagtulak sa akin, kaibigan, na mabatid mo ito bago maging huli ang lahat. Sumaiyo nawa ang kapayapaan!”

‘Nang marinig niya ang winika ng asno, nagpasalamat ang báka sa kaniya at nagwika: “Búkas ay buong loob akong magtatrabaho nang kusa.” Inubos niya ang kaniyang pagkain, at dinilaan hanggang luminis ang ngabngaban.

‘Kinabukasan ng umaga, ang magsasaka, na kasama ang kaniyang asawa , ay dinalaw ang baka sa kaniyang kuwadra. Dumating ang tagapag-araro at hinatak palabas ang báka, na nang masilayan ang kaniyang panginoon, ay kumaripas nang takbo at nagtatalon. At napatawa ang magsasaka, at napahiga siya sa likod ng báka.

Nang marinig ng dilag ang kuwento ng ama, winika ni Shahrazad: ‘Walang makayayanig sa aking pananampalataya sa misyong nakatadhana kong tuparin.’

Pinabihis ng Vizir ang kaniyang anak na dalaga sa kasuotang pangkasal, at pinalamutian ng mga hiyas, at naghanda si Shahrazad sa paghahayag ng kasal sa Hari.

‘Bago magpaalam sa kaniyang kapatid, iniutos ni Shahrazad ang mga sumusunod: ‘Kapag tinanggap ako ng Hari, ipatatawag kita. Kapag nakaraos na sa akin ang Hari, dapat mong sabihin: “Ilahad mo sa akin, kapatid ko, ang ilang kuwento ng kagila-gilalas para palipasin ang gabi.” Pagkaraan ay kukuwentuhan kita, at kung nanaisin ng Allah, ay magiging sanhi ng ating paglaya.’

Nagtungo ang Vizir, kasama ang kaniyang anak, sa Hari. At nang ipasok ng Hari sa kaniyang silid ang dalagang si Shahrazad at sumiping sa kaniya, umiyak pagkaraan ang dilag at nagwika: ‘May nakababatà akong kapatid at ibig kong magpaalam sa kaniya.’

Ipinatawag ng Hari si Dunyazad. Nang dumating siya, niyakap niya nang mahigpit ang kapatid, at umupo pagkaraan sa tabi niya.

At winika ni Dunyazad kay Shahrazad: ‘Ilahad mo sa amin, kapatid ko, ang kuwento ng kagila-gilalas, upang palipasin nang masaya ang gabi.’

‘Masusunod,’ tugon niya, ‘kung pahihintulutan ako ng Hari.’

At ang Hari, na hirap makatulog, ay sabik na nakinig sa kuwento ni Shahrazad.

[ITUTULOY. . . .]