“Ang Bílog sa Lilim ng Batingaw,” ni Aloysius Bertrand

Salin ng “La ronde sous la cloche” ni Aloysius Bertrand (Louis Jacques Napoléon Bertrand) ng France.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Ang Bílog sa Lilim ng Batingaw

May matayog na gusali,
halos parisukat, naliligid ng mga guho,
at ang pangunahing tore,
na taglay ang orasan, ang nangibabaw
sa buong lawak ng kapitbahayan.

— Fenimore Cooper

Nagsayáw ang labindalawang mangkukulam na nasa bílog sa lilim ng malaking batingaw ng San Juan. Waring bagyo silang lumitaw nang magkakasunod, at sa púsod ng aking kama ay binilang ko nang may tákot ang labindalawang tinig na naglalandas sa karimlan.

Pagdaka’y nagkubli ang buwan sa likod ng mga ulap, at humampas sa aking bintana ang ulan na sinaliwan ng mga kidlat-kulog at ipuipo, habang ang mga girimpulá ay humiyaw, gaya ng mga tikling na sinibat ng ulan-banak sa kahuyan.

Ang mga kuwerdas ng aking laúd, na nakasabit sa dingding, ay nalagot; pumagaspas ang máya ko sa hawla nito; at may kung sinong mausisang kaluluwa ang naglipat ng pahina ng Roman de la Rosa na nahihimbing sa aking mesa.

Walang ano-ano’y biglang kumidlat at kumulog sa tuktok ng San Juan. Naglaho ang mga mangkukulam para gapiin ang kamatayan, at nakita ko sa malayo ang kanilang mahihiwagang aklat na nangagliliyab, gaya ng sulô sa ulingang batingaw.

Ang nakahihindik na luningning ay dumilà ng duguang apoy ng purgatoryo at impiyerno sa mga dingding ng gotikong simbahan, at lumukob sa kapitbahayan ang dambuhalang anino ng San Juan.

Umingit ang mga kalawanging girimpulá; nilusaw ng buwan ang abuhing ulap na perlas; umambon-ambon sa bubungan, at ang simoy, na binuksan ang aking nakaawang na bintana, ay naghasik ng mga talulot ng aking sampagitang niyanig ng unós.

Advertisements

“Hinggil sa Pagpapatiwakal,” ni Antonin Artaud

Salin ng “Sur le suicide” (1925) ni Antonin Artaud ng France.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Hinggil sa Pagpapatiwakal

Bago magpatiwakal, hinihiling kong bigyan ako ng ilang katiyakan ng pag-iral; ibig kong matiyak ang ukol sa kamatayan. Ang búhay, para sa akin, ay waring pagsang-ayon sa ipinapalagay na legibilidad ng mga bagay at sa mga kaugnayan nito sa isipan. Hindi ko na nadarama ang gaya ng di-matinag na sangandaan ng mga bagay na pinaghihilom ng kamatayan, pinagagaling sa pamamagitan ng pagputol sa kaugnayan sa kalikasan; ngunit paano kung hindi na ako ang anumang bagay bagkus isang paglihis na tinatangay ng mga kirot imbes ng mga bagay?

Kapag nagpatiwakal ako’y hindi para wasakin ang sarili bagkus upang muling buoin ang sarili. Ang pagpapatiwakal para sa akin ay ay isang paraan ng marahas na pagsakop muli sa sarili, ng brutal na pagsaklaw sa aking katauhan, ng pag-asam sa di-inaasahang pagdulog ng Maykapal. Sa pagpapatiwakal, muli kong ipinakikilala ang aking plano sa kalikasan, at bibigyan sa unang pagkakataon ng hugis ang mga bagay na pawang inibig. Pinalalaya ko ang sarili mula sa akondisyonadong pitlag ng mga lamanloob na pawang hindi makasabay sa aking kalooban, at ang aking búhay ay hindi na absurdong aksidente na ako’y nag-iisip ukol sa mga bagay na sinabi sa aking isipin ko. Ngunit ngayon ay pinipili ko ang aking diwain at ang mga direksiyon ng aking mga fakultad, ang aking mga tendensiya, ang aking realidad. Inilulugar ko ang sarili sa pagitan ng maganda at nakakubli, ng mabuti at masama. Itinuturing ko ang sarili na waring lumulutang, walang mga likás na pagkiling, bagkus newtral, sa estado ng pagkakapantay-pantay ng mabubuti at masasamang kahilingan.

Dahil ang búhay mismo ay hindi solusyon, ang búhay ay walang uri ng pag-iral na pinili, sinang-ayunan, at inibig nang kusa. Ito ay serye lámang ng mga kagutuman at mabalasik na puwersa, ng mumunting kontradiksiyon na nagtatagumpay o nabibigo alinsunod sa mga pangyayaring nakasusuklam na sugal. Gaya ng pagkahenyo, gaya ng pagkabaliw, ang kasamaan ay hindi patas na ibinabahagi sa bawat tao. At tulad sa masama ay gayundin ang mabuti: kapuwa bunga ito ng mga pangyayari at ng humigit-kumulang na aktibong bisa ng lebadura.

Kasuklam-suklam na likhain ka at mamuhay at damhin ang sarili sa pinakamadidilim na sulok ng isipan mo, hanggang sukdulan ng mga di-inaasahang pagsibol ng iyong di-matitinag na predeterminadong pag-iral. Sa kabila ng lahat, tayo’y mga punongkahoy, at marahil ay nakasulat sa kung saang kurbada o sa ibang pamilya ng punongkahoy na kikitlin ko ang sarili sa isang tiyak na araw.

Ang mismong diwain ng kalayaang magpatiwakal ay babagsak gaya ng tinigpas na punongkahoy. Hindi ako lumilikha ng oras at pook o sirkumstansiya ng aking pagpapatiwakal. Hindi ko iniimbento kahit ang isahinagap iyon; madarama ko kayâ ito kapag binunot nito ang aking pinag-ugatan?

Maaaring malusaw ang mismong sandali ng aking pag-iral; ngunit paano kung manatili itong buo? Paano tutugon ang nasira kong mga lamanloob? Sa anong imposibleng lamanloob ko irerehistro ang hiwa ng pagpapatiwakal na ito?

Nararamdaman kong ang sasapit na kamatayan sa akin ay rumaragasang agos, gaya ng kisapmatang kidlat na ang kakayahan ay lampas sa kayang isaharaya. Nararamdaman ko ang kamatayan na hitik sa mga kaluguran, na may paikid na laberinto. Nasaan ang diwa ng aking pag-iral doon?

Ngunit biglang tingnan ang Maykapal gaya ng kamao, gaya ng karit na humihiwa sa sinag. Kusa kong nilagot ang aking sarili mula sa búhay, at ibig ko namang baligtarin ang aking kapalaran gaya ng damit.

Ang Maykapal na ito ay inihanda ako sa punto ng absurdidad. Pinanatili niya akong buháy na hungkag sa mga pagtutol at silakbo ng pagtatakwil sa sarili; winasak niya ang lahat sa akin, hanggang sa pinakapinong alabok ng maláy, nakadaramang búhay.

Binansot niya ako tulad ng naglalakad na robot, ngunit ang robot na ito ay nakadarama ng luwalhati ng kaniyang di-maláy na sarili.

Ano’t minithi kong lumikha ng pruweba ng aking búhay. Ibig kong balikan ang umaalunignig na realidad ng mga bagay, ibig kong durugin ang pre-destinasyon.

At ano ang masasabi ng Maykapal ukol diyan?

Manhid ako sa búhay, at bawat diwaing moral ay tulad ng tuyot na batis sa aking mga ugat. Para sa akin, ang búhay ay hindi bagay o hugis; ito ay naging serye ng mga pangangatwiran. Ngunit ang mga pangangatwirang ito, gaya ng umaandar na motor, ay ni hindi makasibad sa rabaw, subalit nasa loob ko tulad ng posibleng “mga diyagrama” na sinisikap ng aking bait na itornilyo.

Ngunit kahit sa pagsapit sa ganitong estado ng pagpapatiwakal ay kailangan kong hintayin ang pagbabalik ng aking maláy na sarili; kailangan kong magkaroon ng kalayaan sa lahat ng artikulasyon ng aking pag-iral. Inilugar ako ng Diyos sa kawalang-pag-asa, gaya sa konstelasyon ng mga hanggahang wakas, na ang ningning ay nagtatapos sa akin.

Hindi ako mabubuhay o mamamatay, ni wala akong kakayahang hilinging mamatay o mabuhay. At ang buong sangkatauhan ay kahawig ko.

Fake mo

Fake mo

Pekeng salin sa pekeng eleganteng Filipino ng pekeng Roberto T. Añonuevo ng pekeng Filipinas.

Fumefeysbuk ka sa akin, gaya ng pekeng pekpek na naging pekeng balitang naglalantad ng pekeng retratro, bukod sa pekeng pangalan, pekeng blog o betlog, na ang pekeng akawnt ay yumayanig sa pekeng puke kong daigdig. Nabubuhay ka sa pekeng pagkain, pagkaing ang sustansiya’y gawa ng pekeng buwis na kumakaltas sa pekeng suweldo ko tuwing kinsenas at katapusan, ay! Katapusang peke, nagpapakinang ka ng pekeng katauhan, na kahit ang butangero ay maaaring maging pangulong peke kung mag-isip para lamunin ng masang peke. Perpektong peke, gaya ng militar, pekeng batas militar, na marunong ng biglang liko, ngunit kapanalig ng kaliweteng peke at pekeng kanan, ayaw gumitna at takot sa dilaw ngunit berde mag-isip, marunong sumipol habang pumapakyu, eksaktong peke, isang ligo pa’y lutong makaw kundi tubong lugaw pumusta ng pekeng tronong orinola o kung umasta’y pekeng Intsik beho, o bagong bentang Baho de-sampalok, pekeng puta, putang amang peke, mapagbigay ng teritoryo sapagkat lahat ay kaniyang teritoryo, o kung hindi’y walang moralidad ang peke, walang sinasanto ang peke, walang batas ang peke, sapagkat kapangyarihan ang karunungang peke mula sa pabrika ng mga bangkay na peke, o tamaan ka ng shabu sa adwanang peke, o ubusin mo ang mga pekeng bandido o ipakulong ang mga pekeng tarantadong kritiko, o tamaan ka ng damo, o sumabog sa pekeng damo, putang amang peke, may puso kang bato at pekeng batong heneral ngunit kung umibig ay pekeng burat na nagmamaktol. Kailangan ko po ba ang intersesyon ng anak ng putang peke? Isalba mo nawa ako sa kabulukang peke, itaas ako gaya ng sangkaterba mong putang tutang humihimod sa paa mong lasang tsokolate-aaah o putang pekeng ama, ikaw ang aking maykapal na peke, ikaw ang aking libog na pumepeke, ang pekeng bagyo na natatrapik kahit sa guniguni, ikaw ang sukdol ng pekeng talinghaga, na hindi malayo sa gaya ng pekeng tulang ito, mula sa pesteng yawang diwang anghel na pekeng fumefeysbuk sa akin.

(28 Disyembre 2017)

“Ang Pakikipagsapalaran ng Pawikan,” ni Russell Edson

Ang Pakikipagsapalaran ng Pawikan

ni Russell Edson

Salin ng “The Adventures of a Turtle” ni Russell Edson ng United States of America.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Pasan ng pawikan ang kaniyang bahay. Siya ay kapuwa bahay at tao ng bahay.

Ngunit ang totoo, sa ilalim ng talukab ay ang maliit na silid na ang tunay na pawikan, na nakasuot ng kalsonsilyo, ay nakaupo sa munting mesa. Sa isang sulok ng silid ay serye ng mga panikwas na nakasungaw sa mga puwang sa sahig, gaya ng mga kontrol ng isang mekanikang pála. Sa pamamagitan nito’y napakikilos ng pawikan ang mga paa ng kaniyang tahanan.

Malimit na nakaupo ang pawikan sa padahilig na kisame ng silid-pagong at nagbabasá ng mga katalogo sa munting mesa na tinirikan ng may sinding kandila. Itinukod niya ang isang siko, at pagkaraan ang kabilang siko. Nagdekuwatro siya, at pagkaraan ay pinagpalit ang pagkakapatong ng mga hita. Napahikab siya, at isinapo sa kaniyang noo ang mga bisig at humimbing.

Kapag nararamdaman niyang pinupulot ng isang bata ang kaniyang bahay ay mabilis niyang papatayin ang ilaw ng kandila at tatakbo sa mga panikwas na kontrol, sakâ pagagalawin ang mga paa ng kaniyang bahay at sisikaping tumakas.

Kapag hindi siya makatakas ay pauurungin niya ang hita at itatago ang tinaguriang ulo at maghihintay. Batid niyang walang ingat ang mga bata, at darating ang oras na malaya niyang maililipat ang kaniyang bahay sa kung saang kubling pook, at doon ay muli niyang sisindihan ang kandila, ilalabas ang mga katalogo, at babasahin hanggang siya’y maghikab. Pagdaka’y pasubsob niyang itatago ang kaniyang ulo sa kaniyang mga bisig at matutulog. . . . At iyon ay hanggang may ibang batang pupulot sa kaniyang tahanan. . . .

“Kahuyan, Isang Prosang Soneto,” ni Ralph Waldo Emerson

Salin ng “Woods, a prose sonnet” (1839) ni Ralph Waldo Emerson.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Kahuyan, Isang Prosang Soneto

Kay dunong ninyo, O sinaunang kahuyan! Higit na marunong sa tao!  Sinumang bumagtas sa inyong landas o pumaloob sa inyong kasukalang ni walang bagnos, ay nauunawa ang parehong kalugod-lugod na aral, maging siya man ay paslit na bata o huklubang edad sandaan. Sumasapit siya may tagumpay man o kabiguan, at mulang isang panahon tungong ibang panahon. Habambuhay na mga karayom sa pinong tumatayog at bumubuwal, ang mga belyota sa roble, ang mga arseng namumulá sa taglagas, at sa lahat ng sandali sa buong taon ang pino sa lupain at ang ubod pirola at ugat sa ilalim ng talampakan. Ang tinaguriang suwerte at tinatawag na Panahon ng mga tao—lingid ang mga ito sa iyo. Walang wika ang tao upang ilarawan ang isang sandali ng iyong walang hanggahang búhay. Ito ang hiling ko sa iyo, o sagradong Kahuyan, na kapag itinuro sa akin ang anumang dapat bigkasin, ituro din sa akin ang himig kung paano ko wiwikain iyon. Itulot sa akin ang sarili mong himig, gaya ng simoy o ulan o batis o mga ibon; dahil ang mga awit ng tao ay tumatanda kapag malimit ulitin, ngunit ang taglay mo, bagaman narinig na ng kung sinong tao sa loob ng pitumpung taon, ay walang pagkakahawig, bagkus ay laging bago, tulad nitong panahon, o pagmamahal.

Ralph Waldo Emerson

Ralph Waldo Emerson

Ulan sa Taglagas, ni Raif Khudairi

salin ng “Autumn Rain” ni Raif Khudairi (Arif Karkhi Abukhudairi Mahmoud) ng Ehipto.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ulan sa Taglagas

Gabi na. Umuulan sa labás, at waring pumapatak ang mga bituin. Tulad ng ulan, ang iyong gunita’y pumapatak sa aking kalooban. Kumusta na, mahal? Matagal nang panahong naghiwalay tayo habang umuulan noong isang gabi ng taglagas. Umuulan ba sa inyong pook, gaya sa amin? Pumapatak ba ang aking gunita sa kalooban mo, gaya ng ulan? Gabi na, at umuulan ngayong taglagas sa labás ng bahay. Pumapatak ang ulan gaya ng mga bituin sa kailaliman ng gabi. At ang iyong gunita’y lumuluha gaya sa tag-ulan.

Pighati ng Taglagas, ni Heinrich Böll

Salin ng ““Einsamkeit im Herbst” [Autumn Loneliness] ni Heinrich Böll ng Alemanya.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Hindi ko alam kung gaano kami katagal nakatayo sa kanto. Ramdam ko ang pananabik na hindi nararapat. Taglagas na ngayon, at bawat sandaling huminto ang trambiya sa kanto’y humahangos ang mga tao papalapit sa amin, kumakaluskos ang mga paa sa mga tuyong dahon, at taglay ng kanilang mga hakbang ang tuwa, ang tuwa ng mga tao na papauwi sa kanilang tahanan.

Nakatayo kami roon nang matagal. May liwanag pa nang walang ano-ano’y huminto kami nang walang imik, na tila ba nagbabantay sa lumalalim na pighati ng taglagas, ang pakiramdan na ipinamamalas ng duklay ng mga punongkahoy habang nalalagas ang mga dahon nito.

Walang ibang dahilan para sa gayong tagpo, ngunit tuwing bumabatingting sa kanto ang trambiya at ang mga tao’y humahagibis sa abenida tungo sa amin, at ang trambiya’y umaandar habang tumutunog ang batingting—nakukumbinsi ako na may kung sinong darating, may kung sinong nakakakilala sa amin, na magtatanong sa amin upang samahan siya, na ang mga hakbang pauwi ay mahahatak ang mga pagód naming hakbang upang sumabay sa indayog ng kaniyang pananabik.

Ang mga unang dumating ay lumakad nang nag-iisa at mabibilis ang hakbang; pagkaraan ay sumapit ang mga pangkat, na may dalawahan o tatluhang tao na masisiglang nag-uusap, at ang pangwakas ay paunti-unting labas ng mga pagál na tao na dumaan sa harap namin at may mabibigat na pasanin bago naghiwa-hiwalay sa mga bahay na magkakabukod doon sa mga hardin at abenida.

Iyon ang patuloy na pananabik na bumighani sa akin, dahil pagkaraang dumaan ang huling tao ay magkakaroon ng maikling yugto ng katahimikan bago muli naming marinig ang tunog na ping-ping sa malayo mula sa paparating na trambiya sa naunang himpilan—na gumagaralgal at umiingit patungo sa kanto.

Tumindig kami sa lilim ng mga sanga ng punong sáuko na umaabot sa kabilang kalye at lumalampas sa bakod ng napabayaang hardin. Naninigas sa pagkabagabag, ang kaniyang mukha ay pumaling sa direksiyon ng mga tao na papalapit at nagpapakaluskos ng mga dahon—ang mukha, na walang imik at walang tinag, ay umagapay sa akin sa loob ng dalawang buwan, na aking naibigan, at kinayamutan, sa loob ng dalawang buwan. . . .

Noong sandaling dumating ang apat na trambiya, ang pagkabagabag at pananabik ay waring napakainam habang nakatayo kami sa patuloy na lumalalim na kalungkutan ng takipsilim, sa banayad, pambihirang halumigmig ng taglagas; subalit biglang pumukaw sa akin na walang sinumang tao ang darating upang hanapin ako. . . .

“Aalis na ako,” sambit ko sa paos na tinig, dahil napakatagal ko nang nakatayo na wari bang nagkaugat na ako sa ilalim ng kung anong latiang malukong na nakatakdang puminid nang marahan at buong lakas sa ibabaw ko.

“Humayo ka,” aniya nang hindi man lamang sumulyap sa akin, at sa unang pagkakataon sa loob ng dalawang buwan ay nakaligtaan niyang idagdag: “Sasama ako sa iyo.”

Naningkit ang kaniyang mga mata; at walang tinag na ipinako niya ang titig na matigas at metaliko sa abenidang walang tao at tanging ilang piraso ng dahon ang marahang umaalimpuyo sa lupa.

O sige na, naisip ko, at sa sandaling iyon ay may kung anong tumibok sa akin, may kung anong kumawala, at naramdaman ko ang mukhang bumigay, at lumalim ang mararagsang linya sa paligid ng aking bibig. Tila ba ang panloob na tensiyon ko ay binigkis nang mahigpit at ngayon ay inilarga na gaya ng bigwas: lumarga ang tali sa loob ko nang kisapmata, at walang iniwan kundi ang hungkag, malamlam na pighati na naroon sa loob ng dalawang buwan. Nang sandaling iyon ay tumimo sa akin: nakatayo siya rito para maghintay ng kung anong tiyak na bagay; ito ang lugar, itong kanto ng kalye na nalililiman ng mga sanga ng punong sáuko, ang layon ng kaniyang mapagpunyaging pagtakas, sa isang paglalakbay na tumagal nang dalawang buwan, samantalang para sa akin ay isa lamang iyong karaniwang kanto, isa sa kung ilang libo.

Minasdan ko siya nang matagal, na magagawa ko nang walang abala, yamang winakasan niyang pansinin ako. Marahil ay naisip niyang nakaalis na ako. Sa kaniyang mapagmasid na sulyap ay may kung anong namumuong poot, samantalang ang kaniyang mababaw na paghinga ay yumanig sa kaniya na parang pambungad sa isang pagsabog. . . .

Kung matatandaan lamang niya, buntong-hininga ko sa sarili, na bigyan ako ng isa sa dalawang sigarilyo at bahaginan ako ng tinapay. Natatakot akong magtanong, dahil papahinto muli ang trambiya sa kanto. Pagdaka’y nakita ko, kahit sandali, ang una at ang pangwakas na ngiti na sumilay sa kaniyang mukha bago siya humangos papalapit nang may impit na hagulgol. Mula sa kulumpon ng mga tao, na ang ilan sa kanila’y hinawi niya, narinig ko ang pagkabigla ng babaeng bumasag sa kalungkutan ng taglagas ng gabi, at may kung anong anino ang lumukob sa nagitlang kahungkagan ng puso, dahil ngayon ay alam kong kailangan kong lumisan nang mag-isa, na kailangan kong tanggapin ang pagkawala ng sigarilyo at tinapay at ng dalawang buwan na pinagsaluhang panganib at gutom. . . .

Bumalikwas ako, at idinawdaw ang mga pagod na paa sa ginintuang alon ng mga tuyong dahon at pagkaraan ay lumakad palabas ng bayan, at patungo muli kung saan. Ang kasariwaan ng umaalimbukad na liwanag ay hinaluan ng maanghang na simoy ng nasusunog na dahon ng patatas, ang amoy ng kabataan at pag-asam. Walang bituin ang langit at pumusyaw ang kulay. Tanging ang nakangising mukha ng buwan ang nakabitin sa panginorin, tinatanaw ako nang may pang-uuyam, habang nilalandas ang bigat ng karimlan, tungo sa kung saan. . . .

Oyayi ng Taglagas, ni Jules Laforgue

salin ng “Berceuse d’automne,” ni Jules Laforgue.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Taglagas na, taglagas, at sila’y nasa tabi ng sigâ ng tsimenea. Paalam, makapangyarihang araw, lungting mga dahon, langit na bughaw! Humahampas sa bintana ang ulan, at ang simoy ay tumataghoy nang paos sa monotonong awit.  O bihisan ng Abril, ang kasiyahan ng búhay, paalam! Tanging sa paglapit sa apoy maririnig ang  tikatik ng ulan, at kung minsan sa paghawi ng kortina, upang silipin kung ang langit ay may bahid ng abo, kung ang kalye ay malimit hitik sa mumunting sanaw. At mapapasalampak sila, samantalang unti-unting nababato ang isa sa kanila.  O desperadong hangin sa malawak na kahuyan, na ang dilawang mga dahon ay umaalimpuyo sa makutim na ipuipo habang kapiling ang mga liham ng pag-ibig at layak ng pugad, tangayin ang maririkit na araw sa iyong mahahabang bugso, ang taglamig ay walang hanggan, at ang lahat ng bagay ay nagwakas na, nagwakas.

Bágyo

Nabibingi ako tuwing lumalayo sa iyo, at tumitimo sa karimlan ng aking isip ang kabundukan ng brilyante. Umalis sa kailaliman ng gabi, ang bus ay inihahatid ako sa lungsod na higit na nakasisilaw sa iyo. Kabesado ng tsuper ang matatarik, kumukurbang kalsada kahit yata nakapikit. Nauunawaan ng aking mga buto ang lamig; at natatanto ng lamig ang kalabisan na mautal sa halimuyak ng matatandang pino. Lumulusong ako sa paikot, maulop na mga bangin kahit wala rito ang aklat ni Borges:  Tatanungin ko ang karimlan kung hinuhubog nito ang anito, at kung bakit kumikirot ang aking pandinig. Ano ang musika ng paglalakbay? Sumasagot ang dilim sa pamamagitan ng mga ambon. Lumuluha sa hamog ang salamin ng bus. Walang patid na biyahe ang nais ko; at kung ikaw ang aking lungsod na paroroonan, hindi ako matatakot na mabingi, gaya ng bathalang nagpakumbaba at lumakad sa lupa. Sumasapit ako sa iyo hindi upang makarinig; lumalapit ako sa iyo upang ikaw ay makaniig, at malasap ang ganap na pakikipagsapalaran—alinsunod sa tadhana ng bituin, apoy,  panaginip. . . .

[“Bágyo,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo © 13 Mayo 2014]

Blood Moon

Nakasisilaw ang ginintuang buwan dito sa Sagada, at habang nakatanaw ako sa terasa ng Yoghurt House, ang humahabol sa aking guniguni ay bus sa Halsema. Tinatakpan ng ulop ang kabundukan, na parang binuksang pabrika ng yelo, at ang landas ay dambuhalang ahas na gumagapang nang lasing. Nakasakay ang iyong kaluluwa sa aking balikat; at kahit ako tumutungga ng tsaang gubat, ang nagugunita ko’y mga taludtod ni Marne Kilates hinggil sa kadena at kadensa ng mga liryo. Ang iyong labi ay isa ring liryong bumubukad sa madaling araw, at ang hininga’y halumigmig ng bakod ng mga pino mula sa hilaga. Iyan ang kumukurot sa aking guniguni, at paniniwalaan kahit nagretiro na akong tumula. Hahalakhak ka—doon sa silid ng mga anino— at magbabalik ang alingawngaw mula sa lambak. Maniniwala na akong gusgusing siste ang lamig na tumatagos sa buto, ngunit kung ang tinig mo’y panggabing huni, kusa akong maglalagos sa mga yungib—at handang mabasâ ang mga paa sa saluysoy ng kailaliman.

 “Blood Moon,” ni Roberto T. Añonuevo © 18 Abril 2014.