Advertisements

Ang “Filipino” sa Konstitusyong 1987 at ang kaso ng “Filipinas”

Hangad na sagutin ng panayam na ito ang legalidad ng paggamit ng salitang “Filipinas” sa mga akdang nasusulat sa Filipino, inilathala man ng publiko o pribadong ahensiya o institusyon. Inihayag noong isang taon nina Dr. Rosario Torres-Yu, Dr. Teresita G. Maceda, Dr. Maria Bernadette L. Abrera, Dr. Adrian P. Lee, Dr. Ramon G. Guillermo, Dr. Pamela C. Constantino, at Dr. Jovy M. Peregrino na “malinaw na paglabag sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas ang paggamit ng mungkahing ‘Filipinas’ kapag ito’y ipinatupad [ng pamahalaan].”[i] Mahalagang talakayin ang tindig nina Torres-Yu atbp sapagkat ang anumang ipinromulgang konstitusyon noong 1987 ng pamahalaan, nasa Ingles man o Filipino, ay maaaring maging batayan ng paggamit ng Filipinas sa ngayon.

May nilalabag ba sa kasalukuyang konstitusyon o sa alinmang batas ng bansa, kung gagamitin ng pamahalaan sa partikular, at ng madla sa pangkalahatan, ang salitang “Filipinas” sa mga opisyal na komunikasyon? Bago ito sagutin ay marapat munang ilugar ang salitang “Filipino” at “Pilipino” sa konteksto ng Konstitusyong 1987. Kailangan ding linawin kung paano binuo ang Saligang Batas 1987, kung naipromulga ba ito sa kapuwa Ingles at Filipino, at kung natalakay nang husto ng mga komisyoner ng Komisyong Konstitusyonal[ii].

Anyo ng Filipino
Sa rekord ng Komisyong Konstitusyonal[iii], kinilala ng Lupon sa Wika, ani Wilfrido V. Villacorta, ang sumusunod: una, may umiiral na lingguwa prangka na tinatawag na “Filipino” na ginagamit ng mga mamamayang may magkakaibang katutubong wika o diyalekto; at ikalawa, ang lingguwa prangkang ito ay “Filipino” at hindi “Pilipino” sapagkat hindi ito eksaktong Tagalog. Ipinaliwanag pa niyang ang Tagalog ay may purong anyo, samantalang ang Filipino ay mas puro pa ayon sa mga lingguwista dahil kinakailangan nitong umimbento ng salita kahit hindi pa ginagamit. Dumaan sa ebolusyon nang ilang siglo, sambit pa ni Villacorta, ang Filipino bilang lingguwa prangka sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t ibang diyalekto na nauunawaan ng nakararaming tao. Ibinunyag pa niyang, ayon umano sa isang lingguwista,[iv] ang mga wika sa Filipinas ay may parehong ugat na salita, gramatika, at palaugnayan, kaya napakadaling mag-aral ng isang Filipino ng alinmang diyalekto sa Filipinas kompara sa mag-aral ng banyagang wika.

Ang unang sesyon ng Komisyong Konstitusyon ng 1986.

Ang unang sesyon ng Komisyong Konstitusyonal ng 1986. Larawan mula sa pamahalaan.

Mahalagang itampok dito ang kaibhan ng “Filipino” sa “Pilipino.” Sa tanong ni Jose C. Colayco hinggil sa kung ano ang kaibhan ng dalawang salita, tumugon si Villacorta na ang Filipino ay “pinalawak na Pilipino, at ito ang lingguwa prangka na likás na dumaan sa ebolusyon sa buong bansa, at ibinatay sa Tagalog at iba pang diyalekto [sic, wika] sa Filipinas at banyagang wika. Sumang-ayon din si Villacorta kay Colayco na higit na angkop ang Filipino na gamitin sa panukalang konstitusyon dahil kung ibabatay sa kasaysayan, ang Filipino ay nagmula sa “Filipinas” na nag-ugat naman sa “Felipe” [Haring Felipe II ng Espanya].[v] Ayon naman kay Francisco A. Rodrigo ang “Pilipino” ay tinanggal ang mga [hiram] na titik sa alpabeto na gaya ng \f\, \j\, \q\, \v\, at \z\ at pinalitan ng \k\ ang \c\ na lumitaw na katawa-tawa [kapag ginamit sa pasulat na paraan], at ang ganitong mga dahilan ang nagresulta para suportahan ang “Filipino” bilang wikang pambansa.[vi] Sa punto de bista ng Filipino ay tama si Rodrigo; ngunit sa punto ng Tagalog, ito ang pinakamadaling paraan ng adaptasyon, bagaman ang naturang gawi ay maaaring magsakripisyo ng orihinal na anyo ng salitang hiniram mula sa banyagang wika. Ilan sa maihahalimbawa na salitang Espanyol na may titik \c\ na naging \k\ o \s\ ang sumusunod: cabo (kabo), cacerola (kaserola), cadena  (kadena), cadete (kadete), camara (kamara), campana (kampana), at canal  (kanal).

Kung palalawigin pa ang obserbasyon ni Rodrigo, ang lahat ng salitang hiram sa Espanyol na may \f\ ay pinalitan lahat ng \p\, gaya ng café (kape), certificado  (sertipikado), defecto (depekto), defensa (depensa), deficit (depisit), definición (depinisyon), definido (depinido), fabrica  (pabrika), falda (palda), falso (palso), fanatico   (panatiko), fantastico   (pantastiko), farol  (parol), farola (parola), at Filipinas (Pilipinas). Ang \j\ ay tinumbasan ng \h\ sa Pilipino, gaya ng caja (kaha), cajero (kahero), jamón (hamon), Japonés (Hapones), jarana (harana), at justicia (hustisya). Ang \q\ ay hinalinhan ng \k\, gaya ng caqui (kaki), querida (kerida), quijones  (kihones),  quijote (kihote), quimiko (kimiko) quinta (kinta), at quizame  (kisame). Ang titik \v\ ay tinumbasan ng \b\, gaya ng  cavado (kabado), caviar (kabyar), levadura  (lebadura), civil (sibil), vaca (baka), uva  (ubas), favorito (paborito), avocado (abokado), at Eva (Eba). At ang titik \z\ ay pinalitan ng \s\, gaya ng carroza (karosa), brazo (braso), cabeza (kabesa), capataz (kapatas), cerveza (serbesa), eczema (eksema), at calzada (kalsada).

Sinabi naman ni Ponciano L. Bennagen na ang Lupon sa Wika ay pinili ang “Filipino” na may \f\ na gamitin sa panukalang Konstitusyong 1987 sapagkat ito ay opisyal na naghunos [evolved] sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng Tagalog na walang \f\, na “sumasalamin sa liberal na pagkilos tungo sa pagtanggap ng iba pang diyalekto sa lilitaw na lingguwa prangka.”[vii] Ang ganitong tindig ang siya ngayong ipinagpapatuloy ng KWF, pagkaraang lumitaw sa mga pambansang konsultasyon nito na may titik o tunog \f\ sa mga katutubong wika na dapat ipaloob sa Filipino.

Ang salitang “evolve,” gaya sa ebolusyon ng Filipino, ay isang puntong pinagtaluhan sa Komisyong Konstitusyonal. Kung ipagpapalagay na ang pagtanggap ng \f\  sa alpabetong Filipino ay napakahalagang aspekto ng ebolusyon upang makahiram ng mga salita sa panrehiyon o banyagang wika, ito ang dapat harapin sa ngayon. Mababalikan ang panukala ni Joaquin G. Bernas na enmiyendahan ang lahok na nabuo ng lupon hinggil sa wika.[viii] Tumutol si Villacorta dahil pinalalabnaw nito ang orihinal na panukalang napagkasunduan. Sumagot si Bernas na ang kaniyang panukala ay tinatanggal ang salitang “evolve” dahil hindi daw isinasabatas ang ebolusyon. Ngunit tumindig si Blas F. Ople, at ikinatwirang “ang salita ay kumikilala sa katotohanan na ang mga tao mismo ay may karapatang hubugin ang kanilang wika nang labas sa balangkas ng Konstitusyon o batas.” Idiniin ni Ople na ang tungkulin ng batas ay patuloy na paunlarin ang naturang mga wika[ix] (akin ang diin).

Salin at Promulgasyon
Ang panahon na ginagawa ang borador ng Konstitusyong 1987 ay yugto na nasa transisyon ang Institute of National Language (INL)/ Surian ng Wikang Pambansa (SWP) na tatawaging Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) pagkaraan. Noong 1986, nasa ilalim ng Rebolusyonaryong Gobyerno ang Filipinas, at ang SWP ay nasa alanganing posisyon bilang kawanihan. Gayunman, aktibong nagmungkahi ang SWP sa pangunguna ni Ponciano B.P. Pineda hinggil sa mga nararapat na probisyon ng panukalang konstitusyon 1987. Kabilang sa inilaban ng SWP ang sumusunod: una, gawing opisyal na wika ang Filipino; ikalawa, gawing wikang pambansa ang Filipino na ang pinakaubod ay “Pilipino.” Ang mungkahi ng SWP ay taliwas sa orihinal na panukala nina Ernesto Constantino, Consuelo J. Paz, Rosario Torres-Yu, at Jesus Fer. Ramos na ipromulga ang konstitusyon sa wikang Pilipinon sa paniniwalang ang “Filipino” ay dapat pang paunlarin, at ang tunog \f\ ay hindi mabigkas ng maraming Filipino. Ang pagdaragdag ng hulaping \-on\ , na gaya sa Hiligaynon, Surigaonon, Bikolnon, atbp ay katanggap-tanggap umano sa mga Bisaya at taga-Mindanaw.[x] Nabigong umusad ang Pilipinon dahil kailangan nitong magsimula sa zero, bagaman maganda ang idea na ang pambansang wika ay mabuo mula sa mga katangian ng sari-saring wika sa buong kapuluan.

Ang Filipino-na-ang-pinakaubod-ay-Pilipino ang magiging problematiko sa pagbubuo ng Konstitusyong 1987. Habang binabalangkas pa lamang ang nasabing batas, ang lahat ng diksiyonaryo at tesawro sa buong kapuluan ay tinatanggap lamang ang Pilipino, gaya sa Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles (1972) ni Jose Villa Panganiban; Pilipino Loan Words in English (1970) ni Fe Aldabe Yap; English-Tagalog Dictionary (1977) at Tagalog-English Dictionary (1986) ni Leo James English; English-Pilipino Dictionary (1995) nina Vito C. Santos at Luningning E. Santos; at Diksyunaryo ng Wikang Filipino (1989) ng LWP. Sa ganitong pagkakataon, bagaman tinatanggap sa hinagap ang mga hiram na titik, gaya ng \f\, \j\, \q\, at \v\, ang mga ito ay hindi pa nailalahok sa mga diksiyonaryo na magbibigay ng suliranin sa pagsasalin sa Filipino ng konstitusyon. Mapapansin kung gayon na ang Filipino sa yugtong ito ay marapat pang pinuhin ng mga lingguwista, editor, at manunulat.[xi]

Ayon sa Artikulo XIV, Seksiyon 8, ng Konstitusyong 1987, “This Constitution shall be promulgated in Filipino and English and shall be translated into major regional languages, Arabic, and Spanish.”

Kung ang “Filipino” ay ipapalagay na kathang-legal [legal fiction] pa lamang, kung susundin ang pangangatwiran ni Bro. Andrew Gonzalez, ang paraan ng pagsasalin ng tekstong Ingles ng Konstitusyong 1987 tungo sa Filipino ay dapat handang tumanggap ng mga hiram na titik sa mga banyagang wika. At kung susundin ang lohika ni Pineda na ang ubod ng Filipino ay Pilipino, ang Filipino nito sa minimum na kahingian ay dapat sumunod sa panuntunan ng Pilipino at pagkaraan ay handang tumanggap ng pagbabago sa proseso ng ebolusyon ng Filipino, gaya ng titik \f\ na hindi lamang ginagamit sa Espanyol at Ingles, bagkus matutunghayan din sa mga katutubong wika sa hilaga at timog, partikular sa Kordilyera at Zamboanga Peninsula.

Pangunahing teksto at Salin
Isang malaking usapin sa mga pagdinig at pagtatalo ng Komisyong Konstitusyonal ay nang pagtibayin ang borador ng Konstitusyong 1987 sa wikang Ingles noong 13 Oktubre 1986, dalawang araw bago ang dedlayn ng Komisyon; sa kasamaang-palad ay hindi pa tapos ang bersiyong Filipino.  Nagtanong si Ponciano L. Bennagen kay Presiding Officer  Ricardo J. Romulo sa estado ng tekstong Filipino at kung anong paraan ito lalagdaan, yamang may pantay na importansiya ito sa tekstong Ingles.

Tinugon ni Jose F. S. Bengzon si Bennagen na kung sakali’t magkakaroon ng pagtutol sa salin sa Filipino na may kaugnayan sa paglabag sa mga konsepto ay mananaig ang tekstong Ingles. At ang mga pagtutol ay dapat maitala ng Komisyong Konstitusyonal.

Iminungkahi ni Christian S. Monsod na anumang tekstong Filipino na kanilang lagdaan ay ituring na borador lamang. Aniya:

I would like to suggest that any translations that are made, even if we sign them, be constituted as draft, because I do not think that we should sign any translation that we have not really studied ourselves. The only text that has been approved by this body is the English text. I do not think we can delegate to anybody the finalization of any other version that we ourselves have not gone through individually.[xii]

Ang pag-uusisa ni Bennagen kung ano ang magiging pangwakas na aksiyon upang maging opisyal na bersiyon ang tekstong Filipino ay makatwiran. Binanggit ni Bengzon na ang promulgasyon ng tekstong Filipino ay maaaring ganapin pagkaraan ng ratipikasyon, upang magkaroon ng sapat na panahon sa pagsasalin at marepaso iyon nang maigi ng mga kasapi ng Komisyong Konstitusyonal. Gayunman, may legal na balakid sa awtoridad ng Komisyong Konstitusyonal. Pagkaraan ng 15 Oktubre 1986 ay magiging functus officio—tapos na ang termino bukod sa nagwakas na ang gawain, at wala nang awtoridad pa na ipagpatuloy ang tungkulin— ng Komisyong Konstitusyonal.

Iminungkahi ni Ople na isaalang-alang ang referendum sa panig ng mga komisyoner kung sang-ayon ba sila sa magiging bersiyon ng tekstong Filipino. Binanggit ni Ople ang pangangailangang itatag ang isang ad-hoc komite na lilikom ng mga panukala upang pagsapit ng petsa na itatakda ng Pangulo makalipas ang ratipikasyon ng Konstitusyong 1987 ay maipopromulga na ang pangwakas na tekstong Filipino.[xiii]

Nilinaw ni Monsod, batay sa tanong ni Bennagen, na ang pangwakas na gawaing may bisa [final operative act] ay nasa paglagda ng mga komisyoner. Iminungkahi niya na ituring na borador ang lalagdaan sa ika-15 ng Oktubre, at ang pinal na tekstong Filipino ay dapat personal na lagdaan ng mga komisyoner sa pamamagitan ng referendum bago magwakas ang kanilang termino.

Sumabat si Bengzon kung kailangan pa ang mga mungkahi sapagkat, aniya, dapat beripikahin ni Pangulong Corazon C. Aquino kung naging matapat ba ang tekstong Filipino sa tekstong Ingles bago ito ipromulga. Hindi na kailangan umanong magtipon muli ang mga komisyoner at suriin at tiyakin ang tekstong Filipino. Kung bibigyan naman ng sipi ang bawat komisyoner, kailangan pa rin nitong beripikahin ang salin. At magagawa lamang ito kung dudulog sa isang ahensiya ng gobyerno (na sa panahong iyon ay SWP). Sinabi pa niyang siguro naman ay titiyakin ng Tanggapan ng Pangulo ang pagiging matapat ng tekstong Filipino sa tekstong Ingles.

Lumitaw pagkaraan ang tanong kung aling teksto ang mananaig kapag nagkaroon ng pagtatalo sa nilalaman ng konstitusyon. Nilinaw ni Ople na ang mamamayaning teksto [controlling text] ay ang Ingles sapagkat iyon ang wika sa mga deliberasyon, at para sa layuning legal lamang. Narito ang paliwanag ni Ople bago pagkasunduan ang mamamayaning teksto sa konstitusyon[xiv]:

THE PRESIDING OFFICER (Mr. Ricardo J. Romulo). Commissioner [Blas F.] Ople is recognized.

Mr. OPLE: If I may be allowed a recollection of the debates at that time, the Committee on Human Resources, headed by Commissioner Villacorta, did decide not to take a position on a controlling text. I think the presumption they adhered to was that the English and Filipino texts would be equal in rank for purposes of serving as official text of the promulgated Constitution. However, there is nothing to prevent this Commission from acknowledging the fact, as it has been acknowledged now, that the original draft was written in English and the deliberations mainly were conducted in English and that, therefore, for legal purposes, the English text could be considered controlling, for example, in courts of law, but only for purely legal purposes. We want to hold on, I am sure, to the symbolic equality of both texts.

MR. MONSOD: Mr. Presiding Officer.

THE PRESIDING OFFICER (Mr. Romulo). Commissioner [Christian S.] Monsod is recognized.

MR. MONSOD: I would like to formally move that the controlling text will be English, in case there is a conflict.

THE PRESIDING OFFICER (Mr. Romulo). For legal purposes.

MR. MONSOD: For legal purposes.

MR. [JOSE F. S.] BENGZON: I second the motion.

Ang pagturing sa Ingles bilang “namamayaning teksto,” ani Adolfo S. Azcuna, ay hindi dahil superyor ang Ingles sa Filipino, bagkus ito’y nagkataon lamang. Ginamit sa pangkabuuang deliberasyon ang Ingles at sumusunod lamang sila sa tuntuning travaux préparatoire.[xv] Sa ilang pagkakataon na ginamit nang bahagya ang Filipino sa mga sesyon ay mananatili pa ring namamayaning teksto ang Ingles, bagaman hindi sinasabi nang tahasan ang Ingles.[xvi] Pinagtibay pagkaraan ang isang resolusyon ng mga komisyoner na nagsasaad, “In case of conflict between the Filipino text and the English text, then the language predominantly used in our deliberations will prevail.”[xvii]

Sa ganitong anggulo dapat sipatin ang kaso ng salitang “Pilipinas” bilang salitang panumbas sa “Philippines.” Kung ang namamayaning teksto ng Konstitusyong 1987 ang susundin, sa kasong may kaugnayan sa aspekto o layuning legal, ang dapat gamitin ay “Philippines” na hango sa Ingles, at ang wika at mamamayan ay dapat tawaging “Filipino” alinsunod sa anyo ng pagkakasulat sa Ingles. Mapupuwing na hindi konsistent sa ortograpiya, dahil kung “Philippines” ang bansa, ang mamamayan at konseptong kaugnay nito ay dapat tawaging “Philippinean.”

Gaya ng nabanggit ni Villacorta, ang paggamit ng “Filipino” ay konsistent sa orihinal na tawag sa bansa: Filipinas. Ngunit dahil sa hindi pa ganap na nalilinang ang modernong ortograpiya ng wikang Filipino nang isalin ang panukalang konstitusyon, nanaig sa salin ang terminong Pilipino na “Pilipinas.” Pinanaig din ang salitang “Pilipino” kapag tumutukoy sa pagkakamamamayan, at ito ay matutunghayan, halimbawa na sa “Preamble” na ang “Filipino people” ay tinumbasan ng “Sambayanang Pilipino” sa tekstong Filipino; o kaya’y sa Seksiyon 19, Artikulo II, na ang “Filipino” (mamamayan) ay tinumbasan ng “Pilipino.” Sa ganitong pangyayari, mahihinuha na ang pagkakasalin ng tekstong Ingles tungo sa Filipino ay nagmumula pa rin sa namamayani noong “Pilipino” ng SWP.[xviii] Para maging konsistent sa ortograpiya ay dapat tumukoy ang “Filipino” hindi lamang sa wika, bagkus sa pagkamamamayan at lahat ng konseptong may kaugnayan sa pagkabansa.

Ang usapin ng “Pilipinas” bilang salin ng “Philippines” ay matutunghayan din sa deliberasyon ng Komisyong Konstitusyonal. Nabanggit ni Gregorio Tingson na nagulat siya nang minsang magpadala ng liham sa kaniyang esposa mulang Larnaka, Cyprus tungong Philippines. Wala umanong Philippines, sabi ng post master ng Larnaka, at hindi nito naisahinagap na katumbas lamang ito ng Filipinas. Binanggit din ni Tingson na binabaybay na “Pilipinas” ang pangalan ng bansa, ngunit isinusulat minsan na “Filipinas” kaya marami umanong turista at bisita ang nalilito. Itinanong din niya sa kapulungan kung ang Bureau of Posts ay awtorisadong baguhin ang opisyal na pangalang Philippines tungong Pilipinas.

Sumagot si Villacorta na ang “Pilipinas” ay opisyal ding pangalan ng bansa. Ngunit hindi naisaalang-alang ni Villacorta ang istoriko at lingguwistikong pinagbatayan ng Pilipinas, at kung bakit hindi Filipinas. Ang wikang ginamit sa pagsasalin ng Konstitusyong 1973 ay Pilipino, na labis ang kiling sa Tagalog. Nang ipromulga ang Konstitusyong 1973, malinaw na ang taguring Pilipinas ay batay sa konserbatibong Pilipino (na hindi pa tinatanggap ang mga hiram na titik na \c\, \f\,, \j\, \ñ\, \q\, \v\, \x\, at \z\ mula sa Espanyol at Ingles). Kaya tumpak lamang na mabahala si Tingson nang wikain niyang “wala akong alam na opisyal na batas na pinagtibay ng Kongreso na opisyal na tawagin sa ibang pangalan ang bansa maliban sa Philippines.” Mapapansin kung gayon na lumilingon si Tingson sa Konstitusyong 1935, at hindi lamang sa Konstitusyong 1973.[xix]

Sumabat pagkaraan si Jose Luis Gascon at sinabing, “The Pilipino translation of Philippines is Pilipinas (akin ang diin).” Walang paliwanag si Gascon sa kaniyang pahayag, at mahihinuhang sumusunod lamang siya sa linya ng kautusan na “Pilipino” ang dapat itawag sa pambansang wika, batay sa pahayag ni Kalihim Jose E. Romero noong 1959.[xx] Sinabi lamang ni Gascon na katumbas ng Philippines ang Pilipinas, subalit nabigong ipaunawa nang malalim at makatwiran kung bakit hindi dapat gamitin ang Filipinas. Hindi rin malay si Gascon sa dating ortograpiyang ibinatay sa Tagalog at pumatay sa titik \f\.Hirit pa ni Gascon:

On the query of Commissioner Tingson whether there was any official act of changing the name Philippines to “Pilipinas” Commissioner (Adolfo S.) Azcuna told me that the 1973 Constitution had a Filipino translation of the Republic of the Philippines which was promulgated, and that is “Republika ng Pilipinas.” So it has been officially promulgated; therefore it does not need any congressional act.[xxi]

Mapapansin sa siniping transkripsiyon na ang gamit ng “Pilipino” at “Filipino” bilang mga wika ay nagbago kahit sa mga bigkas ni Gascon. Ang unang gamit niya na Pilipino ay mahihinuhang mula sa lumang ortograpiyang Tagalog at namayaning Pilipino alinsunod sa kautusan ni Kalihim Romero noon at siyang sinundan ng Konstitusyong 1973; samantalang ang ikalawang gamit ng Filipino bilang pang-uri ay para sa mithing abanseng wika ng bansa, at siyang iiral sa Konstitusyong 1987. Ang “Filipino translation” na winika ni Gascon at patungkol sa “Pilipinas” ay mapasusubalian kung gayon. Ang binanggit ni Gascon na salin ay Pilipino at hindi Filipino, bukod sa walang opisyal na imprimatur mula sa SWP. Higit pa rito’y mapapawalang-bisa ng Konstitusyong 1987 ang Konstitusyong 1973 sa oras na maratipikahan ng sambayanan.

Ang SWP noong 1959-1973 ay nakakiling sa “Pilipino” samantalang pangarap pa lamang ang wikang “Filipino.” At kahit ang LWP noong 1991, bago pa ito maging KWF noong 1992, ay walang opisyal na tindig hinggil sa Filipinas, Pilipinas, at Philippines, ngunit gumagamit ng “Pilipinas” alinsunod sa ABAKADANG Tagalog, bukod sa napakakonserbatibo kung hindi man atrasado ang diksiyonaryo nito sa “wikang Filipino.” At bagaman ipinromulga ang Konstitusyong 1973, ang promulgasyon ng salin ay batay sa Pilipino ni Kalihim Romero. Hindi kataka-taka kung gayon na ang salin sa “Filipino” ng Konstitusyong 1987 ay hindi Filipino sa pinakamataas nitong pamantayan, bagkus nanatiling Pilipino, lalo kung isasaalang-alang na malaki ang inilundag ng makabagong ortograpiyang Filipino, alinsunod sa itinatadhana ng batas.

Kung ipinromulga man ang “Pilipinas” bilang katumbas ng “Philippines” sa Konstitusyong 1987, ang naturang salita ay hindi “Filipino” bagkus “Pilipino” na umiral noong Konstitusyong 1973, at siyang ikinalito ni Gascon na sumunod sa opinyon ni Azcuna. Nilagdaan ng mga komisyoner ang salin sa Filipino ng panukalang konstitusyon noong 15 Oktubre 1986, ngunit nabigo ang buong komisyon na repasuhin pa ang tekstong Filipino kompara sa ginawang pagrepaso sa tekstong Ingles.

Walang nagkakaisang tindig ang mga komisyoner ng Komisyong Konstitusyonal ng 1986 hinggil sa Philippines, Pilipinas, at Filipinas. Kung ipagpapalagay na nauna ang bersiyong Ingles, at Ingles ang wika sa pangkalahatang diskusyon sa Komisyong Konstitusyonal, ang Philippines ang maituturing na tangi’t pangunahing opisyal na pangalan ng bansa at hindi Pilipinas.

Ang taguring Pilipinas ay malaki ang pagkakataong maituwid tungo sa Filipinas, lalo kung iisiping wala namang batas na tahasang nagsasabing isa lamang ang opisyal na pangalan ng bansa (na dating ginawa noong panahon ng Komonwelt). Namayani ang Philippines sapagkat ang mga batas at kautusang binalangkas ng Kongreso, bukod pa ang mga kapasiyahan ng Korte Suprema, na pawang umiiral sa buong kapuluan ay karaniwang nakasulat sa Ingles, at siyang nagbubukod sa pamahalaan sa dapat sanang pagsilbihan nitong pangkalahatang mamamayan. Nailulugar sa ganitong pangyayari ang katumbas na salin sa Filipino sa mababang antas, at pinanaig na batayan ang tekstong Ingles. Kung ipagpapalagay na may dalawang opisyal na wika ang bansa, Filipino at Ingles, ang Konstitusyong 1987 ay dapat nasa parehong wika at ang pambansang wikang Filipino ang siyang dapat makapanaig imbes na bersiyong Ingles. Ngunit sa punto ng praktikalidad, ani Francisco Rodrigo, yamang ang mga talakayan ng komisyong konstitusyonal ng 1986 ay nasa Ingles, kung sakali’t may lumitaw na tanong sa hinaharap, ang mga interpretasyon batay sa Ingles ang higit na matimbang kompara sa tekstong nasa Filipino pagsapit sa usaping legal.

Ang tanong: Mayroon bang pagtatalo [conflict] ng teksto sa Ingles at Filipino, kung pagbabatayan ang tekstong Filipino, hinggil sa paggamit ng “Pilipinas” o “Filipinas,” at siyang umaabot sa mga layuning legal? Ang tanong na ito, bagaman, karapat-dapat sagutin ng Korte Suprema, ay maaaring sagutin na “Oo.” Kapag ang isang kinatawan ng Kongreso ay nagbanta na sasampahan ng kaso ang KWF, o ang mga opisyal nitong nagsusulong ng “Filipinas,” ang tanong hinggil sa katumpakan ng salin sa Filipino ay dapat pinag-uusapan at nilulutas. Kapag ang Tanggapan ng Pangulo ay tinatanggap ang “Republic of the Philippines” at “Republika ng Pilipinas” ngunit tinatanggihan ang “Republika ng Filipinas” dahil sa usapin ng protokol, ang paggamit ng pangalan ng bansa ay umaabot sa layuning legal sapagkat ang dapat balikan ay ang konstitusyon.

Usapin ng salin sa Filipino
Ang tekstong Ingles ay inilimbag ng National Media Center, samantalang ang tekstong Filipino ay dinala sa pribadong limbagan.[xxii] Itinalaga sina Villacorta at Rustico F. de los Reyes, Jr na subaybayan ang paglilimbag sa Filipino, bukod sa sila rin ang may tungkuling tapusin ang pangwakas na borador ng tekstong Filipino.

Nanaig ang mungkahi ni Bengzon na lalagdaan ng mga komisyoner ang tekstong Filipino, na sasailalim sa pagtutuwid kung kinakailangan, sa petsang hindi lalampas sa ratipikasyon ng Konstitusyon, at isasakatuparan ng Tanggapan ng Pangulo ang pagsasalin. Inihayag ni Bengzon sa isang resolusyon na nagrerekomenda kay Pangulong Aquino na isagawa ang ratipikasyon pagsapit ng 23 Enero 1987, alinsunod sa Proklamasyon Blg. 9 na nagtatadhana ng ratipikasyon o kaya’y pagtanggi sa bagong konstitusyon.

Nabuo at pinagtibay ang isang resolusyon na magkakaroon ng ad hoc komite pagkalipas ng 15 Oktubre 1986, at ang komiteng ito ay pamumunuan ni Tagapangulong Komisyoner Cecilia Muñoz-Palma upang tapusin nang ganap ang anumang nabinbing trabaho o likidasyon. Ang panukalang konstitusyon sa Ingles ay pinagtibay ng mga komisyoner noong 12 Oktubre 1986; at ang mga teksto sa kapuwa Ingles at Filipino ay nilagdaan ng mga komisyoner noong 15 Oktubre 1986. Nang ihayag ng Pangulong Aquino, alinsunod sa Proklamasyon Blg. 58, ang opisyal na kambas ng boto at ratipikasyon ng Saligang Batas 1987 noong 11 Pebrero 1986, ang nasabing batas ay nagkabisa agad. Sa ganitong pangyayari, masasabing ang tekstong Filipino ay simbolikong pinagtibay ng Komisyong Konstitusyonal, nang may reserbasyon ang mga komisyoner sa katumpakan o kaangkupan ng salin, sa kabila ng paniniwalang ang mga lagda ng mga komisyoner ang magpapatibay sa bisa ng panukalang batas na nilikha nila.

Binanggit ang mga pangyayaring ito sapagkat napakahalaga ang promulgasyon ng panukalang Konstitusyong 1986, at ang ratipikasyon ng Konstitusyong 1987, sa wikang Filipino. Dapat ipromulga sa kapuwa Ingles at Filipino ang nasabing konstitusyon. Bagaman naganap ito, ang salin sa tekstong Filipino ay nabigong dumaan sa masinop na pagsusuri ng mga komisyoner (alinsunod sa mga payo ng mga batikang editor, manunulat, at lingguwista) na may tungkuling suyurin ang tekstong Filipino. Ipinaubaya na lamang ang pagsasalin sa isang ahensiya ng gobyerno, at ang ahensiyang ito, bagaman hindi binanggit sa mga pagdinig ng Komisyong Konstitusyonal, ay ang SWP na naging Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) pagkaraan. Ang tinutukoy ni Bennagen na mga iskolar at kasamahang nagsalin ng panukalang konstitusyon ay ang pangkat mula sa SWP, na pinamumunuan nina Pineda at Pablo Glorioso. (Ang LWP, na naging KWF pagkaraan, ay hindi na muling nagkaroon ng pagsusuri sa katumpakan ng salin alinsunod sa makabagong ortogpiya.) Ayon sa mga kawani ng SWP na nagsalin ng manuskrito ay baha-bahagi ang ginawa nilang pagsasalin; at lumalabis pa sila sa oras ng takdang trabaho upang masunod lamang ang dedlayn na itinakda bago lagdaan ito ng mga komisyoner. Noong 1991, apat na taon makaraang ratipikahan ang Konstitusyong 1987, ililimbag ng LWP ang nasabing konstitusyon, na sumusunod, ayon kay Pineda, sa “isinamodernong palatitikan at palabaybayan ng wikang pambansa.”[xxiii] Isang parikala ito, kung iisiping makiling sa Pilipino ang dating LWP, at wala ni isang lahok sa mga diksiyonaryo nito noong panahong iyon, ang mga lahok na salitang hiram sa banyagang wika na gumagamit ng \f\.

Kaso ng sagisag at eskudo de armas
Ginamit ni Rep. Magtanggol T. Gunigundo I ng Velenzuela, Bulakan, ang Batas Republika Blg. 8491 na pinamagatang “An  Act Prescribing the Code of the National Flag, Anthem, Motto, Coat-of-Arms, and Other Heraldic Items and Devices of the Philippines” upang paalalahanan ang KWF na mali ang isinusulong nitong panukala hinggil sa paggamit ng salitang “Filipinas.” Ito ay sa pangyayaring nakasaad sa Seksiyon 41, Kabanata IV, ng nasabing batas na dapat gamitin ang mga salitang “Republika ng Pilipinas” sa pambansang eskudo de armas. Nakasaad din sa Seksiyon 42, Kabanata V, na dapat nakapaloob sa Great Seal [Dakilang Selyo] ang mga salitang “Republika ng Pilipinas” na magagamit lamang ng Pangulo.

Magkakaroon ng malaking usapin sa “Republika ng Pilipinas” na ginamit sa Batas Republika Blg. 8491 kung ang pinagbatayan nito ay ang Konstitusyong 1987, partikular ang tekstong Filipino na pinagtibay ng Komisyong Konstitusyonal at nilagdaan ni Pangulong Corazon C. Aquino noong 1986. Ito ay sapagkat sumunod lamang ang naturang batas sa salin sa Filipino ng nasabing konstitusyon. Ngunit dahil mapag-aalinlanganan ang tekstong Filipino ng Konstitusyong 1987, na hindi pa noon nakaiigpaw sa parametro ng Pilipino, at sapagkat hindi napagdebatihan ng mga komisyoner nang masusi ang pangalan ng bansa, ang Philippines ang mananatiling iisa’t tanging pangalang opisyal hanggang ngayon sapagkat umaabot sa usaping legal ang paggamit ng “Philippines,” “Pilipinas,” at “Filipinas.”  Dapat ulitin ang napagkasunduan ng mga komisyoner noong 1986: Kung sakali’t may pagtatalo sa tekstong Ingles at Filipino, ang wikang ginamit nang malawakan sa mga diskusyon ng Komisyong Konstitusyonal ang dapat manaigsa layuning legal lamang. Sa kasong ito, ang tekstong Ingles na siyang ginamit sa pangkalahatang deliberasyon ang maipapalagay na dapat manaig na wika kung isasalang sa pagtatalong legal. Ibig sabihin, dapat ay Philippines ang opisyal na tawag sa bansa, ngunit kailangang isabatas muli ang paggamit ng Filipinas, alinsunod sa makabagong ortograpiyang sumusunod sa modernong panahon.

Ang paggamit ng Philippines ay tiyak na tatanggihan ng publiko kapag ang akda ay nasusulat sa Filipino o kaya’y sa wikang panrehiyon. Nakapaninibago sa paningin ng madla ang “Filipinas,” subalit konsistent sa modernong palatitikang sumusunod sa Filipino, kung ihahambing sa nakasanayang “Pilipinas.” Mananatili namang lumilihis sa makabagong ortograpiya ang “Pilipinas” na ang saligan ay “Pilipino” kung hindi man Tagalog.

Kung ipagpapalagay na panuhay na batas [enabling law] ang Batas Republika Blg. 8491 sa itinatadhana ng Konstitusyong 1987, ang nasabing batas ay nangangailangan ng rebisyon sa hinaharap upang maituwid ang pangalan ng bansa, alinsunod sa wikang Filipino na may modernong ortograpiyang tumatanggap ng titik \f\. Hindi makatutulong kung magsasampa ng kaso si Rep. Gunigundo sa Korte Suprema, upang usigin lamang ang mga tao o institusyong gumagamit ng salitang “Filipinas.” Malayang gumamit ang sinumang Filipino ng “Filipinas” para sa ikalalago ng wika at alinsunod sa ebolusyon ng wika; ngunit tungkulin din ng gaya ng mambabatas na lumikha ng batas na higit na magpapalinaw o magpapayaman sa estado ng wika, halimbawa sa paggamit ng “Filipinas” o “Pilipinas” o “Philippines.”

Ang usapin ng Filipinas batay sa istoriko, hudisyal, at lingguwistikong pagdulog ang dapat harapin, hindi lamang ng mga mambabatas, bagkus ng taumbayan. Kung hihiramin ang winika ni Ople, ang taumbayan ay malaya at may karapatang paunlarin ang mga taglay nitong wika nang labas sa itinatadhana ng konstitusyon o alinmang batas; ngunit tungkulin ng batas na patuloy na paunlarin ang mga wika. Sa yugtong ito, magalang kong ipinapasa sa Kongreso ang pagpapatibay ng batas na lalagdaan ng Pangulo, hinggil sa tumpak at karapat-dapat na pangalan ng bansa.

[“Filipino” sa Konstitusyong 198 7 at ang Kaso ng “Filipinas” ni KWF Direktor Heneral Roberto T. Añonuevo. Panayam na binasa sa Pambansang Forum na ginanap sa gusali ng National Commission for Culture and the Arts noong 4 Pebrero 2014, at siyang itinaguyod ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ang panayam na ito ay pinaunlad na bersiyon ng mga naunang sanaysay ng awtor hinggil sa kaso ng “Filipinas” at “Filipino.”]

Mga Tala


[i] Basahin ang “Pahayag ng mga propesor at institusyon sa Unibersidad ng Pilipinas laban sa mungkahing palitan ng “Filipinas” ang Pilipinas bilang opisyal na pangalan ng bansa.” Walang tiyak na petsa, ngunit nailathala noong 15 Hulyo 2013 sa Angono Rizal News Online na pinamatnugutan ni Richard R. Gappi.

[ii] Kabilang sa bumubuo ng 48-kasaping Komisyong Konstitusyonal na nagpatibay ng Konstitusyong 1987 ang sumusunod: Cecilia Munoz Palma (President), Ambrosio B. Padilla (Vice-President), Napoleon G. Rama (Floor Leader), Ahmad Domocao Alonto (Assistant Floor Leader), Jose D. Calderon (Assistant Floor Leader), Flerida Ruth P. Romero (Secretary-General), Yusuf R. Abubakar, Felicitas S. Aquino, Adolfo S. Azcuna,Teodoro C. Bacani, Jose F. S. Bengzon, Jr., Ponciano L. Bennagen, Joaquin G. Bernas, Florangel Rosario  Braid, Crispino M. de Castro, Jose C. Colayco, Roberto R. Concepcion, Hilario G. Davide, Jr., Vicente B. Foz, Edmundo G. Garcia, Jose Luis Martin C. Gascon, Serafin V.C. Guingona, Alberto M. K. Jamir, Jose B. Laurel, Jr., Eulogio R. Lerum, Regalado E. Maambong, Christian S. Monsod, Teodulo C. Natividad, Ma. Teresa F. Nieva, Jose N. Nolledo, Blas F. Ople, Minda Luz M. Quesada, Florenz D. Regalado, Rustico F. de los Reyes, Jr., Cirilo A. Rigos, Francisco A. Rodrigo, Ricardo J. Romulo, Decoroso R. Rosales, Rene V. Sarmiento, Jose E. Suarez, Lorenzo M. Sumulong, Jaime S. L. Tadeo, Christine O. Tan, Gregorio J. Tingson, Efrain B. Trenas, Lugum L. Uka, Wilfrido V. Villacorta, at Bernardo M. Villegas.

[iii] Basahin ang Journal of the Constitutional Commission, Tomo 2, mp. 1188-1189, na ang petsa ng deliberasyon ay 10 Setyembre 1986. Inihanda ng Journal Service na pinangangasiwaan ni Kalihim Heneral Flerida Ruth P. Romero.

[iv] Maaaring ang tinutukoy dito ni Wilfrido V. Villacorta ay si E. Arsenio Manuel o F. Landa Jocano na pawang may antropologong pag-aaral sa paglago ng  populasyon ng Filipinas, at konektado sa mga wika. Ngunit ang pinakamalapit na tao ay si Cecilio Lopez na dating direktor ng Surian ng Wikang Pambansa (SWP), at siyang sumulat ng “Origins of Philippine Languages.” Inugat ni Lopez ang pagkakahawig sa pagkakahawig sa ponolohiya ng 15 katutubong wika sa Filipinas. Ipinaliwanag din niyang ang mga wika sa Filipinas ang may pinakamasalimuot na morpolohiya sa Malayo-Polynesia. Magkakahawig din umano ang sintaktikang anyo ng mga wika sa Filipinas (halimbawa, simuno at panaguri, atribusyon, at ugnayan sa serye), bukod sa kalitatibong pagkakahawig ng mga ispeling, tunog, pahiwatig, at pakahulugan. Basahin ang Philippine Studies tomo 15, bilang 1 (1967): 130–166

at inilathala ng Ateneo de Manila University.

[v] Basahin ang Journal of the Constitutional Commission, Tomo 2, p. 1190, na ang petsa ng deliberasyon ay 10 Setyembre 1986. Inihanda ng Journal Service na pinangangasiwaan ni Kalihim Heneral Flerida Ruth P. Romero.

[vi] Ibid., p. 1191.

[vii] Ibid., 1190.

[viii] Ang panukala ni Joaquin G. Bernas ay “The national language of the Philippines is Filipino. It shall be allowed to evolve and be further developed and enriched on the basis of the existing Philippine and other languages.” Ibid., p. 1191.

[ix] Ibid., 1191.

[x] Basahin ang “Proposals to the Con-Com: Provisions for the National Language” na sinulat nina Dr. Ernesto Constantino, Dr. Consuelo J. Paz, Prof. Rosario Torres-Yu, Prof. Jesus Fer. Ramos, at may petsang 11 Hunyo 1986. Inilathala sa The Language Provision of the 1987 Constitution of the Republic of the Philippines, nina Andrew Gonzalez, FSC, at Wilfrido V. Villacorta. Manila: Linguistic Society of the Philippines, 2001, mp. 71-81.

[xi] Ang tanging maiibang diksiyonaryo ay ang UP Diksiyonaryong Filipino (2001) na inedit ni Virgilio S. Almario atbp., sapagkat nailahok sa aklat na ito ang mga salitang may titik \c\, \f\, \j\, \q\, \v\, \x\, at \z\, bukod naglahok ng maraming katutubong salita mula sa iba’t ibang rehiyon at lalawigan. Ginamit din sa naturang diksiyonaryo ang makabagong ortograpiya na binuo ng UP Sentro ng Wikang Filipino, sa pangunguna ni Dr. Galileo S. Zafra atbp.

[xii] Basahin ang Journal of the Constitutional Commission, Proceedings and Debates, Tomo 5, p. 971, na ang petsa ng deliberasyon ay 13 Setyembre 1986. Inihanda ng Journal Service na pinangangasiwaan ni Kalihim Heneral Flerida Ruth P. Romero.

[xiii] Ibid., p. 971.

[xiv] Ibid., p. 973.

[xv] Ang “travaux préparatoire,” ayon sa Lilian Goldman Law Library ng Yale University, ay opisyal na dokumentong nagtatala ng mga negosasyon, pagbuo ng borador, at talakayan habang nasa proseso ng paglikha ng tratado. Ang dokumentong ito ay maaaring sangguniin at isaalang-alang kapag ipinapakahulugan ang tratado. Tingnan ang http://library.law.yale.edu/collected-travaux-preparatoires na hinango noong 2 Pebrero 2014, alas 9:31 ng umaga sa Filipinas.

[xvi] Ibid., p. 974.

[xvii] Ibid., p. 974. Pinagtibay ang resolusyon sa botong 24 ang pabor, 2 ang salungat, at 3 ang hindi bumoto.

[xviii] Ang orihinal na tekstong Ingles sa Seksiyon 19, Artikulo II ay “The State shall develop a self-reliant and independent national economy effectively controlled by Filipinos” na tinumbasan sa wikang Filipino na “Dapat bumuo ang Estado ng pambansang ekonomiyang nakatatayo sa sarili at malaya na epektibong kinokontrol ng mga Pilipino” (akin ang diin). Mapupuwing din ang salin sapagkat ang “bumuo” ay maaaring magpahiwatig na wala pang umiiral na pambansang ekonomiya, at siyang taliwas sa “develop” na maipapalagay na may umiiral nang pambansang ekonomiya ngunit kailangan na lamang pasiglahin o palawakin pa.

[xix] Ayon sa Seksiyon 3, Artikulo XIV ng Konstitusyong 1935, “Section 3. The Congress shall take steps toward the development and adoption of a common national language based on one of the existing native languages. Until otherwise provided by law, English and Spanish shall continue as official languages.” Dahil sa tadhanang ito, ang pangalan ng bansa simula noong 1935 ay “Philippines” at kung tutumbasan man ng salin sa Espanyol ay “Filipinas.”

[xx] Ayon sa kautusan ni Kalihim Jose E. Romero, “Pursuant to the objective that inspired the President’s proclamation, and in order to impress upon the National Language the indelible character of our nationhood, the term PILIPINO  shall henceforth be used in referring to that language.” Pinamagatan itong “Using ‘Pilipino’ in Referring to the National Language,” Circular No. 19, s. 1959 na ipinalabas ng Department of Education, Bureau of Public Schools noong 30 Setyembre 1959. Matutunghayan din ito sa Dokumentasyon ng mga Batas Pangwika, Komisyon sa Wikang Filipino at Iba pang Kaugnay na Batas (1935-2000), na pinamatnugutan ni Nita P. Buenaobra. Maynila: Komisyon sa Wikang Filipino, 2001, p. 95.

[xxi] Mula sa “Records of Plenary Sessions of the Constitutional Commission” noong 1 Setyembre 1986, na hango sa The Language Provision of the 1987 Constitution of the Republic of the Philippines nina Andrew Gonzalez, FSC, at Wilfrido V. Villacorta. Manila: Linguistic Society of the Philippines, 2011, p. 182. Ang tekstong ito ay matutunghan din sa Record of the Constitutional Commission, Proceedings and Debates, tomo 5.

[xxii] Ibid., p. 971. Ayon ito kay Jose F. C. Bengzon, at kung babalikan ang limbag na Ang Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas (1986) na pinagtibay ng Komisyong Konstitusyonal ng 1986 ay pinagtibay ang manuskrito sa National Government Center, Lungsod Quezon. Inilathala at ipinakalat ang nasabing babasahin ng Hear Enterprise na may adres na 27 Road 2, Project 6, Quezon City.

[xxiii] Basahin ang paunang salita ni Ponciano B.P. Pineda sa Ang Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas (1991) na inilimbag ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas, at may petsang 2 Pebrero 1991.

Advertisements

Filipinas ng Makabagong Panahon

Mainit magpahanggang ngayon ang panukalang paggamit ng “Filipinas” bilang opisyal at pangkalahatang tawag sa bansa, at may panukalang patayin ang “Pilipinas” at “Philippines”. Maraming umiismid, kung hindi man umaangal, na higit umanong dapat pagkaabalahan ang iba pang problemang panlipunan, gaya ng pagtugon sa kahirapan at gutom. Isang katawa-tawa pa, sabi nila, na baguhin ang nakagisnan ng mga Filipino.

Ang pagpili ng pangalan ay sumasalamin sa pangkalahatang kamalayan ng mga mamamayan; at kahit sabihing simple ang pagpapalit ng titik \P\ tungong \F\ ay maaaring umabot iyon sa pagsasaharaya ng kabansaan ng makabagong panahon, gaya ng panukala ni Tagapangulong Komisyoner Virgilio S. Almario at ng mga kasama niyang komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino. Isang rebeldeng panukala ang pagpapanumbalik sa Filipinas, at ang implikasyon nito ay higit na madarama ng mga kasalukuyang manunulat, editor, at kahit ng madlang mambabasa.

Inihayag kamakailan ng pitong propesor ng Unibersidad ng Pilipinas — na kinabibilangan nina Dr. Rosario Torres-Yu, Dr. Teresita G. Maceda, Dr. Maria Bernadette L. Abrera, Dr. Adrian P. Lee, Dr. Ramon G. Guillermo, Dr. Pamela C. Constantino, at Dr. Jovy M. Peregrino —  na “malinaw na paglabag sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas ang paggamit sa mungkahing ‘Filipinas’ kapag ito’y ipinatupad.” Idinagdag pa nila na “matagal nang kinikilalang Pilipinas ang opisyal na pangalan ng bansa,” at nasa legal na dokumento gaya ng pasaporte, selyo, at pera.

Hindi ito totoo; at walang paglabag sa kasalukuyang konstitusyon kung gamitin man ang Filipinas, gaya ng paggamit ng pangalang “Embajada de la Republica de Filipinas” sa Argentina, Chile, Espanya, Mexico, Olanda, Peru, at iba pa. Higit na naunang gamitin ang salitang “Filipinas” kaysa “Pilipinas,” at ang orihinal na paggamit dito’y mauugat pa sa Konstitusyong Malolos noong 1899. Saad nga sa Título XIV — De la Observancia y Juramento Constitucional y de los Idiomas, Artículo 93:

El empleo de las lenguas usadas en Filipinas es potestativo. No puede regularse sino por la ley y solamente para los actos de la autoridad pública y los asuntos judiciales. Para estos actos se usará por ahora la lengua castellana.

Ang paggamit umano ng mga wikang sinasalita ay hindi magiging sapilitan sa Filipinas. Hindi ito maisasabatas maliban sa bisa ng batas, at sa mga gawain ng publikong awtoridad at panghukuman. Sa gayong pagkakataon, ang wikang Espanyol ay pansamantalang gagamitin. Kaya paanong makapapasok ang Pilipinas sa dominyo ng kapangyarihan nang panahong iyon?

Kung babalikan ang higit na nauna ngunit probisyonal na Konstitusyong Biak na Bato ng 1897, malinaw na nakasaad sa Artikulo VIII, na “Ang Tagalog ang magiging opisyal na wika ng Republika” [El tagalog será la lengua oficial de la República]. Ngunit binanggit sa pamagat ng Konstitusyon ang Filipinas: Constitución Provisional de la Republica de Filipinas, at ginamit kahit sa salin sa Tagalog sa kauna-unahang pagkakataon ang Republika de Filipinas.

Ginamit ang salitang Filipinas mula sa tula ni Jose Palma, at siyang pinagbatayan ng pambansang awit, hanggang sa mga batas at regulasyon. Mula noon, ang Filipinas ay hindi na lamang isang pangalan bagkus tatak ng kalakal, pabrika, kapisanan, kasarian, kahusayan, kalayaan, at kabansaan. Sabihin mang ang Filipinas ang pangmaramihang anyo ng Filipina, alinsunod sa gramatika ng Espanyol, at ang Filipina ay naghunos na pang-uri ng republika, ang Filipinas ay walang pasubaling ang pangngalan at pangalan na ginamit, tinanggap, at pinalaganap makaraang magtagumpay ang himagsikan ng mga mamamayan laban sa Espanya. Tumanyag lamang ang Pilipinas makaraang isaad sa Artikulo IX, Seksiyon 2 ng Konstitusyong 1943 sa ilalim ni Pang. Jose P. Laurel ang sumusunod:

The government shall take steps toward the development and propagation of Tagalog as the national language.

Bagaman walang binanggit na opisyal na wika ang Konstitusyong 1943, ang pagpapaunlad at pagpapalaganap ng Tagalog  bilang wikang pambansa ay kaugnay ng pagsikil sa hiram na titik \f\ ng Espanyol, at paghalili rito ng \p\, upang mapadali ang pagbigkas, pagsulat, at pag-angkin ng mga mamamayan.

Ang kauna-unahang selyo makaraang magwagi ang mga maghihimagsik ay tinawag na Correos Filipinas at may tatak pa ng Gobierno Revolucionario Filipinas noong 1899. Ang kauna-unahang pisong pilak na pinanday noong 1897 at ginamit sa buong kapuluan hanggang noong 1904, at may busto ni Alfonso XIII, ay may nakaukit na mga salitang Islas Filipinas. Ang pinakamatandang bangko sa bansa ay ang Banco de las Islas Filipinas na kilala ngayon bilang Bank of Philippine Islands (BPI). Ngunit ang kauna-unahang pasaporte sa ilalim ng Commonwealth of the Philippines ay nasa wikang Ingles, at nanaig mula noon ang taguring Philippines sanhi ng kampanya ng Estados Unidos bukod sa pagsunod sa Artikulo 1 ng Konstitusyong 1935.

Ayon sa Artikulo XIV, Seksiyon 3 ng Konstitusyong 1935,

The Congress shall take steps toward the development and adoption of a common national language based on one of the existing native languages. Until otherwise provided by law, English and Spanish shall continue as official languages.

Magiging makapangyarihan ang taguring Philippines sa tulong ng Estados Unidos, ngunit mananatili ang Filipinas bilang opisyal na katumbas sa Espanyol, kaya paanong susulpot ang Pilipinas kaagad-agad, gayong pagkaraan pa lamang ng 1940 maipalalaganap ang balarila at diksiyonaryo ng wikang pambansa? Mula sa pelikula ay isisilang ang La Mujer Filipina (1927) na itinaguyod ni Jose Nepumuceno. Pagsapit ng 1958 hanggang dekada 1960 ay mauuso ang mga pelikulang hibong Hollywood, ngunit sisilang din ang pangalan ng Pilipinas, alinsunod sa kautusan mula sa Kagawaran ng Edukasyon na gamitin ang “Pilipino” sa lahat ng paaralan. Ang nasabing kautusan, na nilagdaan ni Kalihim Jose E. Romero noong 1959, ang magtatakda ng taguri sa pambansang wika:

Pursuant to the objective that inspired the President’s proclamation, and in order to impress upon the National Language the indelible character of our nationhood, the term PILIPINO  shall henceforth be used in referring to that language.

Sa kautusan ni Kalihim Romero ay natural na sumunod ang Pilipinas sa Pilipino, alinsunod na rin sa naturang palabaybayan. Ang kautusan ni Kalihim Romero ang magiging batayan ng katumbas na salin sa sariling wika, ayon sa Artikulo XV, Seksiyon 3 (1) ng Konstitusyong 1973, na nagsasaad:

This Constitution shall be officially promulgated in English and Pilipino, and translated into each dialect spoken by over fifty thousand people, and into Spanish and Arabic. In case of conflict, the English text shall prevail.

Ang Filipino sa bisa ng Konstitusyong 1973, ayon kay Andrew Gonzalez, ay maituturing na kathang-isip na batas [legal fiction] upang maging katanggap-tanggap sa iba’t ibang delegadong kabilang sa kumbensiyong konstitusyonal. Saad nga sa Artikulo XV, Seksiyon 3 (2) at (3) ng naturang konstitusyon:

(2) The Batasang Pambansa shall take steps towards the development and formal adoption of a common national language to be known as Filipino.

(3) Until otherwise provided by law, English and Pilipino shall be the official languages.

Hindi makatotohanan kung gayon ang pahayag ng mga butihing propesor ng UP na pawang sumasalungat sa paggamit ng “Filipinas,” at ang pananaw nila ay masasabing naroon pa rin sa yugto ng Pilipino. Ang Konstitusyong 1973 ay pinawalang bisa ng Konstitusyong 1987, Artikulo XIV, Seksiyon 6, na nagsasaad na,

The national language of the Philippines is Filipino. As it evolves, it shall be further developed and enriched on the basis of existing Philippine and other languages.

Ang Filipino ng Konstitusyong 1987 ay lumampas na sa Pilipino ng Konstitusyong 1973, habang kumikilala sa pag-iral nitong Filipino bilang lingguwa prangka, at ang pagtatangkang lumikha ng makabagong ortograpiya ay masisilayan noong 1978 at 1985 sa pamamagitan ng mga konsultasyon at forum na ginawa ng LWP at pagkaraan ng KWF. Lumikha rin ng mga bukod na konsultasyon ang mga batikang manunulat, akademiko, editor, atbp na pawang pinamunuan ni Almario atbp upang mabuo ang higit na abanseng ortograpiya.

Ginagamit na ang Filipinas noon pa man, ngunit unti-unting mababago lamang ito dahil sa masugid na kampanya ng pagtataguyod ng ortograpiyang nakabase sa Tagalog, at yamang ang Tagalog ay tinumbasan ng \p\ ang lahat ng \f\ (bukod pa ang lahat ng \v\ na pinalitan ng \b\) na mula sa salitang Espanyol at siyang inangkin sa Tagalog at pagkaraan sa Pilipino, hindi kataka-takang mapasama sa kampanya ang Filipinas at Pilipinas.

Bilang halimbawa ang sumusunod: café (kape), certificado  (sertipikado), defecto (depekto), defensa (depensa), deficit (depisit), definición (depinisyon), definido (depinido), fabrica  (pabrika), falda (palda), falso (palso), fanatico   (panatiko), fantastico   (pantastiko), farol  (parol), farola  (parola), fatalidad  (patalidad), febrero (Pebrero), fecha (petsa) feria (perya), filosofia (pilosopiya), frances  (Pranses), fundar  (pundar),  grifo  (gripo), Filipinas  (Pilipinas). Kung susuyurin ang Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles (1972) ni Jose Villa Panganiban, ang Tagalog-English Dictionary ni Leo James English (1986), at Vicassan’s Pilipino-English Dictionary (1978) ni Vito C. Santos, ang lahat ng \f\ na mula sa mga salitang Espanyol na hiniram ay pinalitan ng \p\ pagsapit sa Pilipino. Ni walang lahok kahit isa sa titik \f\ sa naturang mga diksiyonaryo. Heto pa ang mabigat: Kung babalikan ang Diksyunaryo ng Wikang Filipino (1989) na inilathala ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) ay walang lahok din ni isang salita sa titik \f\, sapagkat wala pa noong \f\ sa korpus ng Filipino. Sa ganitong pangyayari, paanong makapananaig ang Filipinas? Bakit kinakailangang isaad ang isang salita sa pamagat pa mismo ng diksiyonaryo, gayong ang naturang salita ay hindi naman matatagpuang lahok sa loob ng diksiyonaryo? Isang anomalya ito na marahil ay pinuna kahit ng yumaong Senador Blas F. Ople.

Pinatay ang Filipinas (at lalong walang Filipino) sa mga diksiyonaryo at tesawro noong panahon ng Pilipino, kahit pa noong isinasalin ng LWP ang Konstitusyong 1987. Ang Filipino ng LWP at ng unang yugto ng KWF ay ibinatay nang malaki sa ABAKADANG Tagalog, ngunit ganap na magbabago sa UP Diksiyonaryong Filipino (2010) ni Virgilio S. Almario atbp pagkaraang pandayin nang ilang ulit ang makabagong ortograpiyang Filipino, alinsunod sa itinatadhana ng Konstitusyong 1987.

Kaya kahit noong deliberasyon sa Komisyong Kontitusyonal noong 1986, nabanggit ni Gregorio Tingson na nagulat siya nang minsang magpadala ng liham sa kaniyang esposa mulang Larnaka, Cyprus tungong Philippines. Wala umanong Philippines, sabi ng post master ng Larnaka, at hindi nito naisahinagap ang Filipinas. Binanggit din ni Tingson na binabaybay na “Pilipinas” ang pangalan ng bansa, ngunit isinusulat minsan na “Filipinas” kaya marami umanong turista at bisita ang nalilito. Itinanong din niya sa kapulungan kung ang Bureau of Posts ay awtorisadong baguhin ang opisyal na pangalang Philippines tungong Pilipinas.

Sumagot si Wilfrido Villacorta na ang “Pilipinas” ay opisyal ding pangalan ng bansa. Ngunit hindi naisaalang-alang ni Villacorta ang istoriko at lingguwistikong pinagbatayan ng Pilipinas, at kung bakit hindi Filipinas. Ang wikang ginamit sa Konstitusyong 1973 ay Pilipino, na labis ang kiling sa Tagalog. Nang ipromulga ang Konstitusyong 1973, malinaw na ang taguring Pilipinas ay batay sa konserbatibong Pilipino. Kaya tumpak lamang na mabahala si Tingson nang wikain niyang “wala akong alam na opisyal na batas na pinagtibay ng Kongreso na opisyal na tawagin sa ibang pangalan ang bansa maliban sa Philippines.” Mapapansin kung gayon na lumilingon si Tingson sa Konstitusyong 1935, at hindi lamang sa Konstitusyong 1973.

Sumabat pagkaraan si Jose Luis Gascon at sinabing, “The Pilipino translation of Philippines is Pilipinas.” Walang paliwanag si Gascon sa kaniyang pahayag, at mahihinuhang sumusunod lamang siya sa pahayag na “Pilipino” ni Kalihim Romero noong 1959. Sinabi lamang niyang katumbas ng Philippines ang Pilipinas, subalit nabigong ipaunawa nang malalim at makatwiran kung bakit hindi dapat gamitin ang Filipinas. Hindi rin malay si Gascon sa dating ortograpiyang ibinatay sa Tagalog at pumatay sa titik \f\.  Hirit pa ni Gascon:

On the query of Commissioner Tingson whether there was any official act of changing the name Philippines to “Pilipinas” Commissioner (Adolfo S.) Azcuna told me that the 1973 Constitution had a Filipino translation of the Republic of the Philippines which was promulgated, and that is “Republika ng Pilipinas.” So it has been officially promulgated; therefore it does not need any congressional act.

Mapapansin sa siniping transkripsiyon na ang gamit ng “Pilipino” at “Filipino” bilang mga wika ay nagbago kahit sa mga bigkas ni Gascon. Ang unang gamit niya na Pilipino ay mahihinuhang mula sa lumang ortograpiyang Tagalog at namayaning Pilipino alinsunod sa kautusan ni Kalihim Romero noon at siyang sinundan ng Konstitusyong 1973; samantalang ang ikalawang gamit na Filipino ay para sa mithing abanseng wika ng bansa, at siyang iiral sa Konstitusyong 1987. Ang “Filipino translation” na winika ni Gascon at patungkol sa “Pilipinas” ay mapasusubalian kung gayon. Ang binanggit ni Gascon na salin ay Pilipino at hindi Filipino, bukod sa walang opisyal na imprimatur mula sa Surian ng Wikang Pambansa na naging LWP at ngayon ay tinatawag na Komisyon sa Wikang Filipino.

Ang LWP noong panahong iyon ay nakakiling sa “Pilipino” samantalang pangarap pa lamang ang wikang “Filipino.” At kahit ang LWP noong panahong iyon ay walang opisyal na tindig hinggil sa Filipinas, Pilipinas, at Philippines, ngunit gumagamit ng “Pilipinas” alinsunod sa ABAKADANG Tagalog, bukod sa napakakonserbatibo kung hindi man atrasado ang diksiyonaryo nito sawikang Filipino.” At bagaman ipinromulga ang Konstitusyong 1973, ang promulgasyon ng salin ay batay sa Pilipino ni Kalihim Romero. Hindi kataka-taka kung gayon na ang salin sa “Filipino” ng Konstitusyong 1987 ay hindi Filipino sa pinakamataas nitong pamantayan, bagkus nanatiling Pilipino, lalo kung isasaalang-alang na malaki ang inilundag ng makabagong ortograpiyang Filipino, alinsunod sa itinatadhana ng batas.

Kung ipinromulga man ang “Pilipinas” bilang katumbas ng “Philippines” sa Konstitusyong 1987, ang naturang salita ay hindi “Filipino” bagkus “Pilipino” na umiral noong Konstitusyong 1973, at siyang ikinalito ni Gascon na sumunod sa opinyon ni Azcuna. Lumabas lamang ang maipapalagay na salin na ipinalimbag ng LWP limang taon pagkaraang ihayag ang Konstitusyong 1987 na dapat sanang kasabay inihayag ng bersiyong Ingles sa naganap na plebisito; at kung ito man ang sinasabing “Filipino” ay hindi nasuri ng Kongreso noong 1991, o ni kaya’y ng Komisyong Konstitusyonal noong 1986.

Walang nagkakaisang tindig ang mga komisyoner ng Komisyong Konstitusyonal ng 1986 hinggil sa Philippines, Pilipinas, at Filipinas, at kung ipagpapalagay na nauna ang bersiyong Ingles, at Ingles ang wika ng diskusyon sa Komisyong Konstitusyonal, ang Philippines ang maituturing na tangi’t pangunahing opisyal na pangalan ng bansa at hindi Pilipinas. Kung gayon, ang mga mamamayan ay dapat tinatawag na Philippinean para maging konsistent sa ortograpiya, imbes na Filipino o Pilipino. Pinagtibay din dapat ng mga Komisyoner ng KWF noong 1992-1993 ang bersiyon sa “Filipino” na lumitaw noong 1991, ngunit walang naganap na gayon sapagkat nananatili pa rin ang naturang komisyon sa yugto ng nakaiwanan-sa-panahong Pilipino.

Ang taguring Pilipinas ay malaki ang pagkakataong maituwid tungo sa Filipinas, lalo kung iisiping wala namang batas ang nagsasabing isa lamang ang opisyal na pangalan ng bansa (na dating ginawa noong panahon ng Komonwelt). Namayani ang Philippines sapagkat ang mga batas at kautusang binalangkas ng Kongreso, bukod pa ang mga kapasiyahan ng Korte Suprema, na pawang umiiral sa buong kapuluan ay karaniwang nakasulat sa Ingles, at siyang nagbubukod sa pamahalaan sa dapat sanang pagsilbihan nitong pangkalahatang mamamayan. Nailulugar sa ganitong pagkakataon ang katumbas na salin sa Filipino sa mababang antas, at pinanaig na batayan ang tekstong Ingles. Kung ipagpapalagay na may dalawang opisyal na wika ang bansa, Filipino at Ingles, ang Konstitusyong 1987 ay dapat nasa parehong wika at ang pambansang wikang Filipino ang siyang dapat makapanaig imbes na bersiyong Ingles. Ngunit sa punto ng praktikalidad, ani Francisco Rodrigo, yamang ang mga talakayan ng komisyong konstitusyonal ng 1986 ay nasa Ingles, kung sakali’t may lumitaw na tanong sa hinaharap, ang mga interpretasyon batay sa Ingles ang higit na matimbang kompara sa tekstong nasa Filipino. Hmmm.

Pinag-uusapan din dapat ang tumpak na ispeling ng pangalan, upang maging konsistent ang tawag. Halimbawa, Filipino ang katumbas ng tao, wika, at konsepto, na ipapares sa Filipinas batay sa istoriko, huridiko at lingguwistikong pagdulog. O maaari din itong maging Pilipino na itutumbas sa tao, wika, at konsepto, upang umangkop sa Pilipinas. Maitatanong din kung bakit hanggang ngayon ay pumapayag ang mga Filipino na magkaiba ang tawag sa bansa nila alinsunod sa paggamit ng dalawang opisyal na wika. Sa ganitong mungkahi, kinakailangang susugan ang Saligang Batas 1987.

Inihayag pa ng mga propesor ng UP na “walang legal na batayan at paglabag sa Konstitusyon ang palitan ang Pilipinas” at gawing Filipinas. Walang katotohanan ang gayong pahayag. Nakasaad sa Artikulo XVI, Seksiyon 2, ng Konstitusyong 1987 na,

The Congress may, by law, adopt a new name for the country, a national anthem, or a national seal, which shall all be truly reflective and symbolic of the ideals, history, and traditions of the people. Such law shall take effect only upon its ratification by the people in a national referendum.

Ang pangalang Philippines, gaya ng Filipinas, ay hitik sa mga pahiwatig ng kolonyalismo. Gayunman, ang Filipinas, gaya ng taguring Filipino, ay umigpaw na mula sa makitid na pagpapakahulugan ng mga Espanyol at lumawak upang kumatawan sa modernong konsepto at malayang bansa. Ang Filipino, na dating minimithing yumabong at linangin, ay sumapit na sa mataas at abanseng antas bilang mamamayan, wika, at konsepto, at hindi na maaaring maikulong pa sa limitadong Pilipinas.  Ang Filipinas ay hindi na lamang pelikula ni Joel Lamangan, o kaya’y patutsada sa mga babaeng nagbibili ng aliw.

Kaya hindi nakapagtataka kung lumitaw ang sumusunod: Filipinas Palm Oil Processing Incorporated; Filipinas Palm Oil; Bagellia Filipinas; Filipinas Alfa Company, Incorporated; Filipinas Synthetic Fiber Corporation; Filipinas Polypropelene Manufacturing Corporation; Compania de Filipinas; Digital Equipment Filipinas Incorporated; Funeraria Filipinas Incorporated; Filipinas Fair Trade Ventures; Compania General de Tabacos de Filipinas; Filipinas Aquaculture Corporation; Filipinas Agri-Planters Supply;  Filipinas Dravo Corporation; Avia Filipinas International Incorporated; Filipinas Orient Airways Incorporated; Corporacion de Padres Dominicos de Filipinas; Filipinas Heritage Library; Filipinas Thermo King Incorporated; Filipinas Consolidated Sales; Islas Filipinas Food Products, Incorporated; Freyssinet Filipinas; Filipinas Multi-Line Corporation; Filipinas Systems Incorporated; Filipinas Consultants and Management Corporation; Tri-S Filipinas Incorporated; Filipinas Global Multiservices; Filipinas Mills; Filipinas Soda, at marami pang iba.

Nagkamali ang mga propesor ng UP nang sabihin nilang walang lingguwistikong batayan ang pagbabago mulang Pilipinas tungong Filipinas. Kung walang lingguwistikong batayan ay bakit patuloy na sumisibol ang Filipinas sa larangang pandaigdig at elektroniko? Ang mismong ortograpiyang Filipino ang magiging pandayan upang mapalinaw kung ano ang itatawag sa ating bansa. Ang Filipinas ay hindi lamang isang idea; at hindi newtral na salita na binabago lamang ang isang titik alinsunod sa arbitraryong nais ng mga komisyoner. Ginagawa iyon upang patuloy na mahubog ang makabagong kamalayan, na ang iniisip ay siyang binibigkas, at ang binibigkas ay siyang isinasabuhay. Nagmumungkahi rin ang Filipinas na tawagin ang bansa sa isang pangalan lamang—imbes na tatlo—na siyang magbubunsod ng pagkakaisa ng mga Filipino anumang lipi, relihiyon, at kapisanan ang kanilang kinabibilangan.

Nakalulungkot na kahit ang banggit ng mga butihing propesor ng UP hinggil sa kasaysayan ay saliwa. Filipinas ang ginamit nina Emilio Aguinaldo at Andres Bonifacio, ngunit pagsapit kay Bonifacio ay higit niyang itatampok ang Katagalugan, ang Inang Bayan na sumasaklaw ang pakahulugan sa buong bansa, upang maitangi ang diskurso ng Tagalog laban sa mga Espanyol na inaalagaan ng Inang Kuhila at Inang Sukaban [Madre España]. Hindi rin inilugar si Jose Corazon de Jesus, nang gamitin niya bilang makata ang Pilipinas sa kaniyang mga tula. Ang lunduyan ni Batute, palayaw ni De Jesus, ay ang pangarap na maging Tagalog ang wikang pambansa; at papanaigin kahit ang paraan ng panghihiram at pag-angkin ng mga salitang banyaga na makapagpapalago sa Tagalog. Kaya hindi kataka-taka kung isulong man niya ang Pilipinas; at kung ginamit man niya ang Pilipinas ay dahil maalam din siya sa Espanyol.

Mababaw ang pahayag ng mga propesor ng UP na sumasalungat sa Filipinas. Inaasahan ko ang higit na masigasig at marubdob na pananaliksik upang ibuwal ang pagtataguyod ng Filipinas at panatilihin ang namamayaning Pilipinas at Philippines. Nakayayamot din ang mga interbiyu sa mga karaniwang mamamayan sa midya, sapagkat ang debate ay dapat nasa antas na intelektuwal at hindi basta pagpupukol lamang ng mga walang batayang kuro-kuro, komentaryo o putik. Panahon na upang buksan ang Filipinas. At inaasahan ko ito kahit sa munting talakayan sa hapag ng Pangulo ng Republika ng Filipinas.

(“Filipinas ng Makabagong Panahon,” ni Roberto T. Añonuevo, 18 Hulyo 2013.)

Aralin 2: Isang tanaw sa “Dry dock sa Shanghai” ni Reynel Domine

Dry dock sa Shanghai
ni Reynel Domine

1          Naghahalo ang hanggahan ng ulap
2          at ilog Yangtze –

3          naglalaho

4          may tsikwang nagsasampay ng sariling
5          buto sa dulo ng Crane

6          nagwewelding

7          sa tapat ng nakangangang
8          bodega

Hindi madaling gumawa ng maiikling tula. Ito ay sapagkat ang bawat salita sa maiikling tula ay kinakailangang salain upang makapagluwal ng mga elektrikong pahiwatig at pakahulugan. Hinihingi rin sa bawat taludtod ang malikhaing pagsasabalangkas ng diwain, nang hindi isinasakripisyo ang putol at untol ng mga parirala tungo sa malinaw na pangungusap at diwa.

Maihahalimbawa ang “Dry dock sa Shanghai” ni Reynel Domine. Ang nasabing tula ay binubuo lamang ng walong linya, na ang mga taludtod 1-3 ay maipapalagay na nagtataguyod ng isang diwain; samantalang ang mga taludtod 4-8 ay nagtatampok ng nakalulula kung hindi man nakahihindik na tagpo ukol sa obrerong Tsino sa drydock (pagawaan ng mga sasakyang pantubig).

Pansinin ang latag ng mga taludtod 1-2: “Naghahalo ang hanggahan ng ulap/at ilog Yangtze—/” na ang salitang “naghahalo” ay waring hindi bumabagay sa “hanggahan ng ulap” (na maitutumbas sa “orisonte” ng Espanyol at “panginorin” ng Tagalog), at “hanggahan ng ilog Yangtze” (na maaaring dulo ng tubigang maaaring maabot ng tanaw). Kung sakali’t “naghahalo” ang mga imahen ng ulap at ilog, ang resultang imahen ay hindi ulap o tubig bagkus maipapalagay na isa pang hulagway—na sa pagkakataong ito ay mahirap na mailarawan sa guniguni. Ang paggamit ng “naghahalo” ay aliterasyon sa salitang matatagpuan sa taludtod 3, “naglalaho” na may maluming bigkas.

Maipapanukala na palitan ang salitang “naghahalo” ng “nagtatagpo” upang lumitaw ang tagpong may limitasyon kahit ang napakalaking tubigan; at ang limitasyong ito ay susuhayan pa ng pagbabago ng kulay ng panginorin: “Nagtatagpô ang hanggahan ng ulap/at ilog Yangtze—” ngunit kahit ang ganito’y hindi nagbabalanse ang taludtod 1 at 2. Maiisip pa rin na ang taludtod 1 at 2 ay iisa ang tabas, at kahit putulin ang linya ay walang naikargang panibagong antisipasyon o kamalayan mula sa mambabasa. Ang taludtod 1 ay higit na mabigat kompara sa taludtod 2, at pagsapit sa taludtod 3 ay hindi mababatid kung ang “naglalaho” ay ang ilog Yangtze o ang ulap o ang kapuwa ilog at ulap. Nagkakaroon ng problema kung gayon sa sintaks  ng tula, at ang ganitong kapayak waring bagay ang nakapagpapahina sa bisa ng pahiwatig.

Ang kawalan ng bantas ay nagpatindi pa ng kalabuan, sapagkat ang taludtod 3 ay puwedeng isiping tumatalon sa taludtod 4. Subalit mabibigong humantong sa gayong tagpo dahil sa pangyayaring may “naglaho” sa mga taludtod 1-2 samantalang may lumitaw pagsapit ng mga taludtod 4-5. Ang taludtod 3 ay maiisip na pantimbang sa taludtod 6, ngunit mauulit muli ang kalabuan sa sintaks sapagkat puwedeng ihakang ang “nagwewelding” ay hindi ang “Tsikwa” (Intsik o Tsino) bagkus ang “crane.” Lumalabas ang gayong pagpapakahulugan dahil ang “nagwewelding” ay napakalapit sa “crane” na maaaring natanggalan lamang ng pangatnig na “na” dahil wala namang bantas na kuwit.

Maraming uri ng crane, na ang iba’y ginagamit sa pagtatayo ng gusali, samantalang ang iba’y nakalutang sa tubig upang gamitin sa pagbabaon ng rig tungo sa paghigop ng langis sa atay ng lupa. Nakahihindik kung gayon ang tagpo na ang “Tsikwa” —na isang pabalbal na tawag na “Tsino” mula sa pananaw ng isang obrerong posibleng hindi Tsino—ay umakyat sa dambuhalang aparato hindi bilang buháy bagkus bangkay. Ang ganitong kabatiran ay pinatitingkad ng “pagsasampay ng sariling buto” sa napakataas na crane, samantalang sa ibaba’y waring nakaabang ang “nakangangang bodega” na handang lumunok sa nasabing obrero sa oras na siya’y mahulog nang hindi inaasahan.

Sumusukdol sa alyenasyon ng obrero ang tula sapagkat anuman ang lahi ng naturang obrero ay sinipat lamang siya na ordinaryong makina na ekstensiyon ng kreyn at bodega; at napapawi ang rikit ng ilog Yangtze at kulay ng ulap sa mga sandaling kinakailangang kumayod ang isang manggagawa para matapos ang proyekto.

Kailangang sipatin ang tula sa punto de bista na ang tumatanaw at siyang naglalarawan ng tagpo ay hindi rin ordinaryong tao. Ang naglalarawan sa tula ay posibleng manggagawa rin na nakapuwesto sa isang mataas na pook, sapagkat paano niya masisilayan ang “pagtatagpo” ng ilog at ulap (na isang rural na tanawin), at ang trabahador sa tuktok ng kreyn at ang bodega sa ibaba (na pawang sagisag ng modernisasyon) kung ang nakasisilay ay wala sa gayong estratehikong lugar? Ang naturang taktika ang kahanga-hanga, at sinematograpiko, at dating ginawa ng pamosong Pranses na manunulat na si Aloysius Bertrand na pasimuno sa pagkatha ng mga tulang tuluyan.

Maipapanukala pa ang sumusunod na rebisyon upang higit na luminaw ang isinasaad ng tula:

Isang Tanawin sa Drydock sa Shanghai

1          Nagtatagpo ang hanggahan ng ulap
2          at ilog Yangtze sa balintataw

3          upang kisapmatang maglaho ang kulay.

4          May Tsinong isinampay ang sariling
5          kalansay sa dulo ng kreyn,                    [crane]

6          at patuloy sa pagwewelding

7          sa tapat ng nakangangang
8          bodegang nakaabang wari sa ibaba.

Panukala lamang ito, at sa bandang huli’y ang kapasiyahan ng makatang Reynel Domine ang magtatakda kung saan niya ipapaling ang tuon ng kaniyang tula.

Give Up Tomorrow

Napapanahong mapanood ng mga estudyante at guro ang dokumentaryong pelikulang Give up Tomorrow (2011) nina Michael Collins at Marty Syjuco. Inilalantad ng dokumentaryo, sa pananaw at kritika ng mapanuring lente, ang mapait na kapalarang sinapit ni Francisco Juan Larrañaga (alyas “Paco”) at ng anim na iba pang akusado makaraang madawit sa pagdukot at pagpatay sa magkapatid na Marijoy at Jacqueline Chiong isang gabing maunos noong 1997.

Si Larrañaga ang naging mukha ng iba pang naparusahan; at madaranas niya ang mala-karnabal na paglilitis; ang prehuwisyo at sensasyonalismo sa pamamahayag at opinyon ng publiko; ang malahayop na pamumuhay sa loob ng bilangguan; at ang mahatulan nang dalawang ulit na habambuhay na pagkakapiit. Hanggang lumabas ang kaniyang usapin tungo sa pandaigdigang antas, at manghimasok ang mga kilalang internasyonal na organisasyong nakikisangkot sa karapatang-pantao, saka mapansin at makialam ang gobyerno ng Espanya, at sa pamamagitan ng Hari nito ay nailipat si Larrañaga—na kambal ang pagkamamamayan—sa Espanya upang doon gugulin ang natitirang panahon sa hatol na pagkakabilanggo.

Ang kredito ay maipapataw sa mahusay na editing ng mga pinaghalo-halong hulagway ng balita, retrato, pelikula, interbiyu, paniniktik, papeles, at iba pang bagay—at kung paano paano ang mga ito napagdugtong-dugtong sa limitadong oras ay dapat hangaan. Ang mahigpit na editing ay tinumbasan ng pambihirang pagsipat sa isang anggulo: ang anggulo ni Larrañaga. Hindi inilihim ni Syjuco na kamag-anak niya si Larrañaga (asawa ng kaniyang kapatid ang nakatatandang kapatid ni Paco); ngunit kahit ang ganitong pangyayari’y hindi makapagpapapusyaw sa katotohanang isinisiwalat ng pelikula. Mula sa paningin ni Larrañaga ay unti-unting ilalahad ang pasikot-sikot na daan tungo sa paghahanap ng katarungan at pagpapanatili ng katinuan.

Maaaring ipalagay na kasiraan ng Filipinas ang bulok na sistema ng hukuman at pulisya, gayunman ay mapanlahat ang ganitong kuro-kuro sapagkat hindi maaaring kumatawan ang kaso ni Paco sa iba pang bilanggo. Ang totoo’y umuurirat ang pelikula sa umanidad ng isang kabataang ipagpalagay nang pilyo at laki-sa-layaw ay hindi karapat-dapat na mabilanggo dahil isinabit lamang siya ng pulisya, at kinondena nang walang taros sa hapag ng publikong opinyon. Nilitis hindi lamang si Paco bagkus maging ang kaniyang ang pribilehiyadong angkan, at ito ang isang naging pabigat upang lumayo ang simpatya sa kaniya ng taumbayan. Isang anyo rin ng paglilitis ang pelikula sa panig ng pamilya Chiong—partikular kay Thelma Chiong na ina ng magkapatid na pinatay. Si Thelma ay ipinamalas sa dokumentaryo na may koneksiyon sa Malacañang sa pamamagitan ng kaniyang kapatid; at walang takot na lumalapit sa huwes at kawani ng hukuman, at siyang maipapalagay na pag-impluwensiya sa magiging kiling ng hatol. Ngunit ang masaklap, si Thelma rin ang bukás na nakikipag-ugnayan kay Davidson Valiente Rusia, ang pinagtiwalaang saksi ng estado, at ibinibilang sa isa sa mga gumahasa at pumatay sa magkapatid.

Ang kaduda-dudang personalidad ni Rusia ay walang pasubaling ginigiba sa dokumentaryo. Ito ay sapagkat si Rusia ang tanging direktang magdidiin kay Paco na isa sa mga pangunahing gumawa ng krimen; samantalang ang iba pang saksi na ipinirisinta sa paglilitis ay nagsabi lamang na nakita nila si Paco (at si Josman Aznar) sa Cebu at kausap ang magkapatid na Chiong noong gabing maganap ang krimen. Si Rusia na isa umanong adik at tambay ay ipinirisinta sa korte na guwapo, malinis at mapagtitiwalaan, at ang pagpapapogi niya ay dahil sa tulong at reimbensiyon ni Thelma Chiong. Ang tanong ni Mimi Larrañaga (kapatid ni Paco) kung bakit ganito ang asal ng isang ina ay balido; sapagkat ang tunay na inang may malasakit sa kaniyang dalawang anak ay isusumpa ang sinumang pumatay at lumuray sa kanilang pagkatao, kasama na ang kakutsabang gaya ni Rusia.

Kung susuriing maigi, ang dokumentaryo nina Collins at Syjuco ay tandisang sumasalungat sa pasiya ng Korte Suprema sa kasong G.R. Nos. 138874-75 na pinagtibay ni Punong Mahistrado Hilario G. Davide Jr at iba pa. Una, hindi mapagtitiwalaan si Rusia. Ikalawa, nagkamali ang korte nang tanggihan ang alibay o palusot ni Paco na siya ay nasa Maynila at wala sa Cebu nang maganap ang krimen. Ikatlo, may nilabag na karapatang-pantao ang korte nang tanggihan nito ang ibang testimonya ng ibang saksi na panig kay Paco. At ikaapat, ang bangkay na natagpuan sa Carcar, Cebu ay hindi labi ni Marijoy. Sa ganitong presentasyon ay matatasa kung nagtagumpay ang dokumentaryo at mapapaniwala nang lubos ang mga manonood.

Ipagpalagay nang tunggalian ito ng dalawang pamilya upang makamit ang hustisya at katotohanan, at ang mga aktor ay may dugong Espanyol sa isang panig, at may dugong Tsino sa kabilang panig. Ang saksi ay may dugong Amerikano; samantalang ang huwes sa kaso ay isang Filipino, bukod sa mga Filipino rin ang iba pang nasasakdal, at Filipinong sambayanan ang tagasubaybay mulang paglilitis  hanggang paghatol. Kinagat ang gayong pangyayari sa pahagayan, radyo, at telebisyon sapagkat ang paggahasa at pagpatay ay may kaugnayan sa konsepto ng “puri” at “dangal” sa mga Filipino. Idagdag pa rito ang pangyayaring ang mga nagaganap na karumal-dumal na krimen ay iniuugnay sa impunidad ng alta sosyedad—na ang pagkalahi’y mahaba ang kasaysayan ng pang-aapi sa mga karaniwang mamamayan. Nabuksan din sa kaso ang isa pang anggulo: ang ilegal na droga ng sindikato, at kung ano ang kaugnayan nito sa buhay ni G. Chiong ay mananatiling nakabitin magpahangga ngayon.

Nakapanghihinayang na winasak ng krimen ang dalawang pamilya at pinarupok ang mga institusyon ng pamahalaan. Si Hukom Martin Ocampo ay umani ng kapuwa paghanga at paglibak; at ang mga abogado ng depensa ay kaniyang ipinakulong dahil sa pag-uyam sa korte (na bulaklak ng dila para sa di-patas na paglilitis). Bagaman isinaalang-alang ni Ocampo ang panig ni Larrañaga at iba pa at ang panig ng pamilya Chiong sa kaniyang hatol, isang palaisipan pa rin kung bakit hindi pinayagan ng huwes ang pagsusuri sa DNA ng mga bangkay at pagtestigo ng mga eksperto sa pagsusuri ng mga labi ng bangkay, gaya ni Prof. Jerome Bailen, at kung bakit hindi pinayagan ang pagtestigo ng 35 kaibigan, kaklase, at kakilala ni Larrañaga upang patunayang nasa Maynila si Paco at wala sa Cebu nang maganap ang krimen. Hindi rin matiyak kung ang dalawang bangkay ay mga anak nga ni Thelma Chiong, dahil sa pagkawasak ng mukha. May posibilidad na ang isa sa dalawang bangkay ay hindi ang sinuman sa magkapatid na Chiong; at kung gayon, ang hatol kay Larrañaga at iba pa ay mananatiling kuwestiyonable magpahangga ngayon. Ang pagpapatiwakal ni Ocampo ay nag-iiwan ng mga tanong sa posibilidad na pinatay ba siya o hindi; at kung totoo nga siyang nagbaril ng sarili ay lalong nabaon sa limot ang katotohanan.

Kahit sinong magulang ay maghihimagsik kapag pinagsamantalahan at pinatay ang kanilang mga anak. Ngunit ang paghihimagsik na pulos galit at prehuwisyo ay hindi makatutulong upang mapiga ang katotohanan. Sa ganitong pangyayari, kahit ang mag-asawang Chiong ay dapat iniimbestigahan, at kung totoo ngang may kaugnayan si G. Chiong sa kaso ng droga, ayon sa dokumentaryo, ito ay dapat inuusisa. Si Larrañaga ay waring isinakrisyo upang ilihim ang isang grandeng tagpo at sindikato; at kung titimbangin ang mga paramdam o pahiwatig ng mga hulagway at usapan sa dokumentaryo ay hindi malayong mapagdudahan kahit ang mismong motibo ni Thelma Chiong. Dahil kahit sinong magulang ay dapat isumpa kahit ang mga kakutsaba, at si Rusia ay mahimalang tumanggap pa ng ilang pabuya mula kay Thelma.

Ang kaso ni Larrañaga na umabot sa internasyonal na antas ay kahanga-hanga. Bagaman nakakuha siya ng simpatya sa pandaigdigang opinyon, hindi ito natumbasan ng karampatang pagtugon sa hanay mismo ng karaniwang Filipino. Ito marahil ay sa pangyayaring negatibo ang pagtanaw kay Larrañaga sa loob ng Filipinas, at ang pagtalikod niya sa pagiging mamamayang Filipino ay isang anyo ng pagtakas, kaya kinakailangan niya ang tulong ng iba pang bansa upang yugyugin kung hindi man baligtarin ang publikong opinyon nang maitanghal sa ibang anggulo ang kaniyang kaso at maisaayos ang talaro ng katarungan.

Ang pangwakas na interbiyu kay Thelma na hitik sa panlilibak at pang-uuyam, habang siya’y tumatawa o nakangisi, ay isang nakahihindik na tagpo sa dokumentaryo. (Pinayagang ilipat si Larrañaga sa Espanya sa bisa ng kasunduan ng palitan ng mga bilanggo.) Ang himig ng pagganti para tumbasan ang pang-aapi ay hindi nalulutas ang ugat ng suliranin, at ito ang marahil hindi pa kayang tanggapin ni Thelma Chiong at ng kaniyang mga kaanak. Napipinid nang mahigpit ang utak at puso, at pagkaraan, ang nagdurusa ay ang mga Filipino na naging aktibong saksi sa gayong mala-telenobelang paglilitis—ang paglilitis na mag-uuungkat lalo ng talamak na sugat sa pagtatamo ng katarungan, samantalang nagbibigay ng hamon para isapuso ang marahil ay napakailap na pag-asa.

Si Dolphy at ang Komedyang Filipino

Produkto ng Bodabil, si Dolphy [Rodolfo Vera Quizon Sr] ang tatanghaling ikon at ultimong komedyante ng kaniyang panahon, at magtatakda ng kumbensiyon sa larangan ng pagpapatawa sa pelikula, telebisyon, at radyo. Ang pagpapatawa ni Dolphy ay sumasaklaw sa mga pakahulugang popular at kontemporaneo, naglalaro sa pukol ng mga salita at mapaghanap ng tumpak na tiyempo, hindi magbabantulot na maging teatral, matalim at mapangahas gaya ng klasikong payaso, bukod sa nagsasaalang-alang ng pagsalo o pagsangga sa winiwika at reaksiyon ng kapuwa aktor, habang ibinubunyag sa realistikong pagdulog ang panahon o lugar na kaniyang iniinugan bilang aktor.

Dolphy [Rodolfo Vera Quizon]. Hango ang retrato sa Dolphyfilmography.blogspot.com

Dolphy [Rodolfo Vera Quizon]. Hango ang retrato sa Dolphyfilmography.blogspot.com.

Maitatangi si Dolphy, at ito ang hindi maitatatanggi. Ang uri ng siste o paraan ng pagpapatawa niya ay lumilingon sa gaya ni John Falstaff o Charlie Chaplin, at siyang isasalin sa telon, subalit kayang magsuot ng kapayakan sa katauhan ng gaya nina Gorio, Ompong, Enteng, Kevin Cosme, at John Puruntong. Kailangan ni Dolphy ang mahusay na iskriprayter, gayunman ay marunong siyang manghimasok sa kaniyang papel dahil ang gumaganap ay hindi si Dolphy bagkus ang tauhang kaniyang kinakatawan. Panoorin si Dioscoro Derecho sa Ang Tatay kong Nanay (1978), at ang kabaklaan at ang pagkamagulang ay magbabago ang tabas sa direksiyon ni Lino Brocka, bukod sa magpapakilala kay Niño Muhlach bilang kapani-paniwalang iyaking ampon at anak sa labas.

Humusay si Dolphy bilang aktor dahil marami siyang kapuwa aktor na walang itulak kabigin sa larangan ng komedya. Paboritong kapares niya si Panchito, at kapag nagsama sila sa pelikula’y dobol trobol. Walang kahirap-hirap, wika nga, kapag mahusay ang kasama, gaya ng matutunghayan sa Si Lucio at si Miguel (1962), Fefita Fofongay (1963), at Hiwaga ng Ibong Adarna (1972). Makakasabayan niya ang klasikong tambalan nina Pugo at Tugo, ang maliksing mananayaw na si Bayani Casimiro ala-Fred Astaire, ang malambing na bungangerang si Chichay, ang bigating si Ading Fernando, ang maangas na natural na si Babalu, ang kahanga-hangang Nida Blanca, ang mataray na sosyal na Dely Atay-atayan na pagsusumundan ni Doña Buding, at iba pa.

Maibubukod si Dolphy dahil sensitibo siya sa reaksiyon ng manonood. Higit niyang pipiliin na pagtawanan ang sarili kaysa kasangkapanin ang manonood para pagtawanan lalo ng nakatataas ang estado sa buhay. Dukha, patpatin at kaawa-awa, ang mga papel ni Dolphy ay maglalaro rin sa sining ng panggagagad, na kalabisan man kung ituturing na Makutim na Komedya’y magtatanghal ng pabalintunang alingawngaw mula sa Hollywood: Adolphong Hitler, Dolpinger, James Batman, Kapten Batuten, at Agent 1-2-3. Ngunit sa oras na tapatan ng mahusay na iskrip ay malulusutan kahit ang mapaghamong papel ni Walterina Markova at ni Dioscoro Derecho.

Anuman ang panahon, asahang naririyan si Dolphy. Alam niya ang halina ng entablado ngunit higit niyang alam ang kapangyarihan ng pagsasahimpapawid sa radyo; ang bisa ng paglikha ng kakatwang realidad sa loob ng pinilakang tabing; at ang pambihirang saklaw ng telebisyong magiging paboritong kapanalig kahit sa oras ng hapunan. Ibig sabihin, alam ni Dolphy ang midyum na kaniyang pinapasukan subalit hindi na niya ito kailangang ipagyabang. Bukod pa rito’y kilala niya ang pintig ng kaniyang mga kapuwa aktor, dahil ang kaniyang husay ay lalong kikinang sa oras na tumbasan ng pambihirang talento ng iba pang aktor.

Isasalin ni Dolphy ang panitikan at komiks sa pinilakang tabing, at mapapabilang sa listahan ang mga kuwento ni Lola Basyang (alyas ni Severino Reyes), ang pamosong Kalabog en Bosyo ni Larry Alcala, at ang Captain Barbell ni Mars Ravelo.

Ang pangwakas na kritiko ni Dolphy ay ang malawak na madlang sumubaybay ng kaniyang makulay na karera. Maaaring sumasalamin si Dolphy sa sentimyento ng api o sawimpalad, ngunit maaaring itanggi niya ito. Hindi magtatangka si Dolphy na pumalaot sa politika ngunit marami siyang politiko na ipapanalo sa oras na maitampok at maiendoso, dangan lamang at nagkamali siya nang itaas ang kamay ni Sen. Manny Villar na tumakbo sa pagkapangulo. Sisikapin niya sa tulong ng mga kumpareng sina Joseph Estrada at Fernando Poe Jr ang Mowelfund, at ang rekord nito ang magpapatunay na may naiambag siya para sa kapakanan ng mga karaniwang kawani na nagtatrabaho sa larangan ng pelikula, telebisyon, at radyo. Kalimutan man ng publiko si Dolphy, marahil ay magkikibit-balikat lamang siya, mapapahagikgik, na waring nagsasabing “Hindi, hindi mabibiro ang tadhana.”

Ortograpiya ng Modernong Pangasinan

Malaki ang ipinagbago ng lalawigan ng Pangasinan sa antas ng impraestruktura, agrikultura, pangisdaan, turismo, kultura, at pagmimina sa mga nagdaang taon, at ngayon ay maidaragdag ang isa pa: wika. Mabigat na usapin ang Pangasinan bilang wika dahil ang heograpiya ng Pangasinan ay bukás sa mabibilis na migrasyon at transaksiyon ng mga tao. Ang komunikasyon ay hindi na dominado ng taal na Pangasinan, bagkus ng iba pang wikang gaya ng Agta,  Bikol, Bisaya, Bulinaw, Iluko, Ifugaw, Kapampangan, Maranaw, Palawan, Sambal, Tagalog, at iba pa. Ang dating Tagalog ay naghunos ng anyo at naging Filipino, na lalong lumakas sa dami ng mga akdang nalalathala sa anyong papel o elektronikong paraan.

Kahit ang mga pangunahing estasyon sa telebisyon at radyo sa lalawigang Pangasinan ay nasa wikang Filipino na. Ito ay marahil sa pangyayaring kinikilala na sa buong Pangasinan na ang buong lalawigan ay tagpuan ng sari-saring tao na iba’t iba ang pinagmulan, at dahil iba-iba ang interes at kalooban ay kinakailangang pag-isahin kahit sa antas ng diskurso at komunikasyon. Sa pagkakataong ito, ang pagpapakilala muli sa wikang Pangasinan ay isang paraan ng pagbawi sa nakaraan at paghalukay sa gunita, na ngayon ay magsisimula sa pagpupundar ng isang masasandigang ortograpiya.

Kinakailangan ang ortograpiyang Pangasinan, dahil ang mga tekstong Pangasinan ay nananatiling sinauna ang pagbaybay na waring matapat na pagsunod sa mga frayleng Espanyol, na gumagamit ng wika alinsunod sa pamantayan ng Espanyol. Sa makabagong ortograpiya, ang paraan ng panghihiram ng salita sa mga wikang banyaga,gayang Espanyol, Ingles, Pranses, Hapones, at Tsino, ay sinisikap lapatan ng mga panuto kung paano isasakatuparan nang sa gayon ay mapabilis ang pag-angkin ng mga salitang hiram at makatulong pagkaraan sa pagpapalago ng korpus ng Pangasinan.

Mapapansin kung gayon na ang paraan ng panghihiram sa Espanyol sa panig ng Pangasinan ay hindi nalalayo kung ihahambing sa ginawang paraan ng panghihiram ng banyagang wika sa makabagong ortograpiyang Filipino. Ginawa ito upang mapabilis at mapagaan ang panghihiram, at nang maiwasan ang arbitraryong paraan ng pagbabaybay na walang masinop na batayan. Makikita ito sa adaptasyon ng kambal-patinig, diptong, triptong, pagsisingit ng katinig na \y\ o \w\ kapag nauuna ang mahihinang patinig na \i\ at \u\ sa malalakas na patinig na \a\, \e\, at \o\. Ang paraan ng panghihiram sa Espanyol ay isinaalang-alang din ang bigkas na \ng\,gayasa “konggreso” [congreso], “bángko” [banco], at engkanto [encanto]. Tinimbang din ang pagkaltas sa \h\ o \u\ sa orihinal na Espanyol kapag hindi binibigkas, gaya ng sa “arina” [harina], “asyenda” [hacienda], at “elado” [helado], o kaya’y “eskirol” [esquirol], “eskema” [esquema], “keso” [queso].

Ngunit higit pa rito, maraming hispanisadong salita sa Pangasinan, na kahit ang mga pangalan ng bayan ay nasusulat pa rin sa sinaunang pagbaybay. Halimbawa na rito na “Balungao” [balunggáw, na binibigkas kung minsan na ba·lú·ngaw], Calasiao [kalasyáw], Laoac [láwak], Malasiqui [malasikí], at Manaoag [manáwag]. Maraming natuklasan dito si P. Immanuel Sison Escano, na bilang alagad ng Simbahan at eskolar sa wikang Pangasinan, ay maglilitanya ng samot-saring salitang taal sa Pangasinan na hispanisado ang pagkakasulat, at nagbabanta ngayong gumawa ng modernong diksiyonaryo, bokabularyo, at tesoro na papalit sagayang kina Lorenzo Fernández Cosgaya, Anastacio Austria Macaraeg, at Mariano Pellicer.

Hindi pangwakas ang mga panuto na ginawa sa Ortograpiyang Pangasinan, at inaasahan ang patuloy na pagbabago habang pinipino ang mga ito. Ito ay dahil ang mga paraan ng panghihiram, halimbawa sa Ingles, ay hindi pa ganap na pulido at napakarami ang paraan ng pagbigkas sa patinig at katinig. Ang mga panuto sa panghihiram sa Ingles ay masasabing pansamantala, habang sinusuri pa ng mga eksperto ang mga mungkahing hakbang sa pagtanggap at pang-angkin ng mga salita. Sa kabilang dako, hindi pa ganap na tapos ang diskusyon sa paggamit ng \i\ sa mga taal na salitang Pangasinan, at ang pag-angkin ng titik \e\ sa mga salitang hiram. Bagaman waring nalutas na ang kaso ng mga titik \o\ at \u\ sa mga taal na Pangasinan, at kung alin ang mauunang lumitaw sa loob ng isang salita, ang panuto hinggil dito ay nangangailangan pa ng karagdagang halimbawa na maaaring hugutin sa mga nalathalang panitikan.

Inaasahang malaki ang maitutulong ng ortograpiyang Pangasinan sa pagpapaunlad ng panitikang Pangasinan at pagsasalin ng mga tekstong banyaga. Magiging gabay ito sa pagpapalathala ng mga susunod na akda, kaya kinakailangan ang pagsasanay sa panig ng mga editor at manunulat. Ang produksiyon ng mga akdang Pangasinan ay isang usaping nangangailangan ng bukod na talakay, at marahil inuman, ng mga tarikang dalubwika, manunulat, at editor. Idiniriin lamang dito na kung may magiging padron ng paraan ng pagsusulat, panghihiram, at pagsasalin ng mga salita, ang padrong ito ay dapat aktibong pakialaman ng mga manunulat at editor, at panghimasukan ng madla bilang aktibong kritiko at konsumidor ng mga akdang pampanitikan. Sa ganitong paraan, ang madla ay hindi nagiging pasibong tagasagap lamang ng mga salita o obra ng mga manunulat. Ang madla ay posibleng maging aktibong tagapag-ambag sa pagpapalago ng panitikan, at matututong tumutol lumunok ng mga patakbuhing kathang popular, at kung pumuri may ay maaasahang magtataglay ng maselang panlasa at matayog na kamalayán.

Makabubuting pahalagahan ng buong lalawigan ang pagsisikap na bumuo ng Ortograpiyang Pangasinan. Sa pamamagitan nito, mahuhutok maging maláy at maingat ang mga mag-aaral, bukod pa ang mga manunulat, mananaliksik, at editor, hinggil sa mga katangian ng mga salitang taal, hiram, balbal, jargon, siyentipiko, bagong-likha, at iba pa. Magkakaroon ng padron sa pagsulat, ispeling, bantas, at bigkas, na sa paglipas ng panahon ay magtatampok nang malalim at malawak sa kaakuhan ng Pangasinan hindi lamang bilang pook bagkus isang kabihasnan. Ang pagpapahalaga ay maaaring magsimula sa mismong paggamit ng wikang Pangasinan sa mga pang-araw-araw na komunikasyon, mulang pamilya hanggang diyasporang Filipino saanmang panig ng mundo. Magkakaroon pa ito ng suhay dahil ang pambansang adyenda ng administrasyon ni Pang. Benigno S. Aquino III ay nakatuon sa paglinang ng mga wikang panrehiyon tungo sa pagpapalakas ng pambansang wikang Filipino, habang bukás sa mga pagbabago sa internasyonal na ugnayang gagamit sa Ingles at iba pang banyagang wika. Ang mithing ito ni Pang. Aquino ang mithing nais lagyan ng laman at buto ng Komisyon sa Wikang Filipino.

Makasaysayan ang pagpupunyagi sa Ortograpiyang Pangasinan sapagkat aktibong nakilahok si Gob. Amado T. Espino Jr. sa pamamagitan ng pag-aabot ng ayudang pinansiyal at moral sa pangkat. Kung hindi dahil sa butihing gobernador, posibleng nabalam pa ang pagbubuo ng ortograpiya dahil napakahirap tipunin ang mga dalubwika, edukador, manunulat, editor, at kritiko sa isang pook upang pag-usapan ang wikang pambihira ang pahiwatig at pakahulugan. Dapat ding pasalamatan sina Panlalawigang Administrador Rafael F. Baraan at Punong Panturismo Maria Luisa A. Elduayan na pawang walang sawa sa pagsubaybay sa pangkat, at nagbuhos ng panahon at pagod para maisakatuparan ang lunggati sa wika.

Sa dakong huli, ang tagumpay ng ortograpiya ay nasa palad ng mga Pangasinense. Kung hindi gagamitin, lilinangin, at palalaganapin ng mga Pangasinense ang Pangasinan sa loob ng lalawigan o sa iba pang panig ng kapuluan kung hindi man sa ibayong sa ibayong-dagat, ang Pangasinan ay nakatadhanang mamatay. Kaya hinahamon ang lahat na makilahok sa proyektong ito. Hinihimok ang bawat isa na magpukol ng mabibigat na puna at mungkahi, nang maisaalang-alang ng mga dalubwika at mailahok bilang makabuluhang panuto, susog, at tala sa susunod na Modernong Ortograpiyang Pangasinan.

Filipino sa Dominyo ng Kapangyarihan

Kapag nagtalumpati sa Filipino ang Pang. Benigno S. Aquino III, ipinapalagay na nagsisikap siyang kausapin ang sambayanang Filipino sa wika at diskursong mauunawaan ng lahat. Hindi madali ang pagbabalangkas ng talumpati; at maiisip na kinakailangang hulihin niya ang guniguni ng mga karaniwang mamamayan, at tumbasan ng mga salita ang kanilang iniisip at niloloob sa pinakapayak na paraan upang mahimok kung hindi man mapakilos sila—nang nagkakaisa kahit iba-iba ang uri at sanligang pinagmulan—nang may kaugnayan sa pambansang programa ng kaniyang administrasyon. Susi ng pagkakaunawaan ang wika, at sa nakaraang talumpati niyang “Ulat sa Bayan” doon sa Kongreso, pinatunayang muli ng pangulo ang posibilidad na mabibigkis ang kapuluan sa pamamagitan ng wikang panlahat.

Binanggit ko ang “wikang panlahat” dahil may kinalaman ito sa kasalukuyang tema ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Unang lumitaw ang taguring “wikang panlahat” habang binabalangkas ang Saligang Batas 1935 (na mauulit sa Saligang Batas 1973), at pinagtaluhan kung sa aling wika ibabatay ang pambansang wika. May ilang mambabatas ang nagpanukala na ang pambansang wika ay ibatay sa mga umiiral na katutubong wika sa buong kapuluan, at maiisip dito ang konsepto ng haluhalo kung hindi man tsapsuy, o kaya’y pagtatayo ng gusali sa kalawakan na hindi matiyak kung saan magsisimula ng pundasyon. Nagbago ang ihip ng hangin nang lumiham nang lihim si Hukom Norberto Romualdez kay Pang. Manuel L. Quezon at sinabing hindi magkakaproblema kung piliin man ang Tagalog na maging “ubod ng wikang pambansa.”[*] Kinilala ni Romualdez, na isang Waray, ang Tagalog sa panahong iyon na pinakamaunlad at pinakaabanseng wika sa lahat ng diyalekto, na mahalaga sa pagpapalago ng korpus nito, bukod sa pagdalisay at pagpapalago ng sariling bokabularyo.

May batayan si Romualdez sa kaniyang opinyon. Tagalog ang may pinakamalaking kasapian ng mga manunulat—mulang makata at nobelista hanggang mandudula at mananaysay—at ang mga organisasyong gaya ng Aklatang Bayan at Ilaw at Panitik ang magsisilbing pabrika ng mga akda at magtatakda ng kumbensiyon sa malikhaing pagsulat, kritika, at teorya kung paano pahahalagahan ang mga akda. Habang patuloy ang produksiyon ng mga katha, sinisimulan na rin noon ang diskusyon sa estandarisasyon ng ispeling, baybay, at bigkas ng mga salita, at tinitipon ang mga salitang magagamit sa partikular na lárang na gaya ng panunuring pampanitikan at pamamahayag. Mahalaga ang ginagampanan ng mga samahang pangwika at pampanitikan dahil ang mga ito ang nagbabantay ng sariling hanay, at ito rin ang nagbubukod sa matitinik na manunulat at manunulat na sampay-bakod. Ang malaganap na pagtanggap sa Tagalog sa mga peryodiko, magasin, at komiks, bukod pa ang pagsikat ng midyum ng radyo, telebisyon, at pelikula, ang magpapabago ng timbangan sa pagsagap sa wika. Kahit pa sabihing isinulong ang malawakang pagtuturo ng Ingles sa mga paaralan, na mauugat sa patakarang pang-edukasyon ng Mckinley Commission, ang nangyari’y ganap na nabura ang kakaunting hanay ng maalam sa Espanyol, ngunit nanatiling buháy ang Tagalog, at pagkaraan, ang Filipino.

Nakasaad sa tema ng Buwan ng Wikang Pambansa 2011 ang pamagat na “Ang Filipino ay wikang panlahat, ilaw at lakas sa tuwid na landas.” Maganda sa unang dinig ang sinipi, dahil lumalakas ang batayan na ang Filipino ay malaganap nang wika sa buong kapuluan, at maaaring gamitin sa iba’t ibang disiplina. Kung ipagpapalagay na ang wika ay katumbas ng ilaw (na may kaugnayan sa karunungan) at lakas (materyal at simboliko sa dominyo ng kapangyarihan), maaaring kalabisan na kung gamitin pa ang mga ito sa pagtalunton sa “tuwid na landas.” Ipinapahiwatig ng “tuwid na landas” ang mabuting paggawa, at pag-iwas sa baluktot na sistema o kalakaran. Isang parikala ang maligaw sa tuwid na landas maliban na lamang kung bulag o duling ang manlalakbay; at hindi na kinakailangan pa ang pagpapakasakit dahil hindi nangangailangan ng imahinasyon ang diretsong tunguhin.

Ang Filipino bilang wikang panlahat ay nagpapahiwatig ng paglampas sa mga hanggahan ng lalalawigan at bansa; nagpapanukala ng pampolitikang basbas upang gamitin sa mga dominyo ng kapangyarihan [controlling domains] na kinabibilangan subalit hindi limitado sa aliwan, edukasyon, hukuman, kalakalan, medisina, teknolohiya, telekomunikasyon, turismo, mass media, at ugnayang panlabas. Isang maangas na pagsasabi ito na nauunawaan ang Filipino mulang Batanes hanggang Basilan, mulang lansangan hanggang paaralan hanggang pamahalaang lokal at ugnayang internasyonal. Ang paggamit ng pangulo sa wikang Filipino ay tahimik na pagkilala na sumapit na ito sa yugto na magagamit kahit ng diasporang Filipino ng siglong ito.

Sa talumpati ni Sen. Blas F. Ople noong ika-121 anibersaryo ng kapanganakan ni Pang. Quezon, kinilala niya ang Filipino bilang pandaigdigang wika dahil ito ang wika ng Diasporang Filipino. Binanggit niya ang sarbey na nagsasaad na pang-anim na wikang banyaga ang Filipino sa Estados Unidos, hinigtan ang Hapones, Koreano o Ruso, at sinasalita sa mga Amerikanong bahayan. Filipino o sabihin nang Tagalog, ang ginagamit din aniya sa mga souk at basar sa Saudi Arabia, Bahrain, at Dubai, at panghatak sa mga parokyanong Filipino. Sa Filipinas, aniya, 92 porsiyento ng mga Filipino ang nakauunawa at nakagagamit ng wikang pambansa, batay na rin sa saliksik ng sosyolingguwista at dating kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon Bro. Andrew Gonzalez. May 12 taon na ang nakararaan nang sulatin iyon ni Ople, at maaaring tumaas na ang bilang ng gumagamit ng Filipino hindi lamang sa Filipinas, bagkus maging sa ibayong-dagat.

Napansin ni Ople na kahit malaganap ang Filipino sa pang-araw-araw na gamit ng mga mamamayan, nabigong makapasok pa rin ito sa dominyo ng kapangyarihan. Kinikilala ng Saligang Batas 1987 na “Filipino ang wikang pambansa,” ngunit ibinilang din ang Ingles bilang opisyal na wika. Sa pananaw ng mga Konstitusyonal Komisyoner, ang dominyo ng opisyal na wika ay “para sa layunin ng komunikasyon at instruksiyon.” Nanaig sa pangyayaring ito ang Ingles sa mga opisyal na komunikasyon sa pamahalaan, at naging pangunahing midyum ng pagtuturo nang ipataw ang edukasyong bilingguwal. Waring pagsasabi ito na hindi pa handa ang Filipino, na dapat pang linangin at pagyamanin ang malig ng mga salita, hanggang sumapit ang yugtong sapat na ang lakas nito para gamitin sa pamahalaan, hukuman, batasan, at pagpapaandar ng iba pang sangay ng lipunan.

Noong administrasyon ni Pang. Corazon C. Aquino, inihayag ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 335 na humihimok sa lahat ng ahensiya at instrumentalidad ng pamahalaan na gamitin ang Filipino sa mga opisyal na transaksiyon at komunikasyon. Tumutol ang ilang mambabatas at demagogong Sebwano at nagsampa ng kaso sa Korte Suprema para mabatid ang konstitusyonalidad ng kautusan. Nagkaroon ng debate sa mass media. Napalitan ng pangalan ang mga gusaling dating nasa Ingles ang pangalan; naisalin ang ilang batas at kautusan; at nakabuo ng aklat ng Korespondensiya Opisyal at diksiyonaryo ang KWF, bagaman kailangang rebisahin. Ngunit ang lahat ng ito, na isinagawa ng KWF, ay kulang na kulang pa, at ang probisyon sa Medium Term Philippine Development Plan 2004-2010 na gamitin ang Filipino sa una, komunikasyon ng pamahalaan at promosyon ng mga programa nito, at ikalawa, sa pag-aaral ng mga wika at panitikan sa Filipinas, ay nabigong maisulong nang ganap dahil sa kakulangan ng badyet at suporta ng matataas na opisyal.

Huwag bigyan o paglaanan ng pondo ang isang programa ay tila diplomatikong pagsasabi na dapat itong suwayin o ipawalang-bisa.

Ang hindi pagpapagamit ng Filipino sa mga dominyo ng kapangyarihan, sa isang banda, ay pagkilala kung hindi man pag-amin sa kakulangan ng sapat na tala at talaan ng mga salita sa Filipino, gaya ng konklusyon ni Gonzalez sa isang pag-aaral.[†] Sa kabilang dako, maaaring sipatin, na ang hindi paggamit ng Filipino sa gaya ng batasan at hukuman ay hindi dahil sa kakulangan ng wikang Filipino, bagkus sa mga abogado, hukom, at mambabatas na tamad mag-aral at magpaunlad ng Filipino, at pulos Ingles ang nais gamitin, kahit sabihing bali-baliko ang gramatika at palaugnayan. Pinatunayan ni Ret. Hukom Cezar Peralejo, ang lolo ng artistang si Rica Peralejo, ang yaman ng Filipino nang isalin niya ang mahahalagang batas at kautusang pinagtibay ng pangulo,  at ang mga  importanteng pasiya ng Korte Suprema, kung gaano kalalim ang Filipino na angkop sa hukuman at batasan.  Kung isinampa noon ang Konstitusyonalidad ng mga KT [‡] 335 at 210, dapat na rin marahil itanong sa Korte Suprema kung nagkukulang ba ang mga unibersidad at kolehiyo na gamitin ang Filipino sa pagtuturo ng mga batas at kautusan ng pamahalaan; at kung nalalabag ang karapatang-pantao ng mga estudyante na matuto at makapagsulit sa wikang alam nila, na ipagpalagay nang Filipino na lingua franca sa ngayon. Ito ay dahil ang hukuman at batasan, na panaka-nakang tumatanggap ng akda na nasa wikang Filipino, ay nasa dominyo ng kapangyarihan at malaki ang kaugnayan sa magiging kabuhayan ng milyon-milyong mamamayan ngayon at sa darating na salinlahi.

Kahit sa dalawang nakaraang internasyonal na kumperensiya hinggil sa tinaguriang “global Filipino,” ang presentasyon ng ilang papel ay nasa wikang Ingles, na kakatwang tumatalakay sa Filipino, at ang ganitong pangyayari’y nagpapamalas na pag-amin sa kahinaan ng Filipino para maunawaan ng mga Inglesero sa Estados Unidos. Kung tunay ang malasakit sa Filipino, ang nasabing wika ay puwedeng gamitin sa diskusyon ng mahahalagang aspekto ng wika, kultura, kasaysayan, at disiplina—bagaman mangangailangan ng Filipinong interpreter at tagapagsalin sa ilang pagkakataon. Sa aking palagay, panahon na upang itanghal sa buong mundo ang Filipino bilang wika ng pandaigdigang kumperensiya, lalo kung kaugnay ito sa kultura, kasaysayan, at kabuhayan ng mga Filipino, upang maigiit at maipakilala nang lubos ang kapangyarihan nito.

Kailangang pag-isipan ng mga Filipino kung bakit nahihirapang pasukin ng wikang Filipino ang dominyo ng kapangyarihan. Maaaring magsimula sa pagtatanong hinggil sa patakarang bilingguwal na nagsimula noong 1974 at pinalakas noong 1987. Sa pangyayaring ito, ang Ingles ay ginamit sa mga paksang may kaugnayan sa agham, matematika, sining ng komunikasyon, at iba pang kaugnay na disiplina, samantalang ginamit ang Filipino sa gaya ng araling panlipunan (na magiging HEKASI pagkaraan), edukasyon at kalusugang pangkatawan, pagtuturo ng mabuting asal, at gawaing panghanapbuhay. Ang ganitong patakaran ng DepEd ay lumilihis sa itinatadhana ng Saligang Batas 1987, na linangin at gamitin ang Filipino bilang pangunahing wika ng pagtuturo at sinusuhayan ng mga wikang panrehiyon at sinesegundahan ng Ingles at iba pang wikang internasyonal. Upang matupad ang pangarap na intelektuwalisasyon ng Filipino—na para bang pangmababang uri ang Filipino—kinakailangang gamitin ito sa pasulat na paraan. Ito ang mungkahi ni Gonzalez, at ang tanging paraan para makaigpaw ang Filipino sa Ingles. Mahihirapang ihanda ang mga sangguniang aklat sa matematika at agham na pawang nasa wikang Filipino dahil walang nagsisimula. (May ginawa noong teksbuk sa agham at matematika na pawang nasusulat sa Filipino ang Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, ngunit nang magpalit ng pangulo ang nasabing unibersidad ay kinaligtaan nang ganap ang ganitong napakagandang programa.) Kailangang may magsimula, kahit dito sa Saint Louis University-Baguio, at gamitin ang mga konsepto sa Filipino na kaugnay ng wikang Filipino.

Nabigo ang pagpapalago sa Filipino dahil sa akala o prehuwisyo na hindi nito kayang sakupin ang gaya ng matematika at agham, at idagdag pa na kulang na kulang ang materyales na nasusulat sa Filipino.  Hindi dapat naging dahilan ang gayong pangyayari para talikdan ang Filipino at ilaan sa mga piling sabjek lamang. Kung iginiit noon sa DepEd—sa bisa ng Saligang Batas 1987—ang Filipino ay magagamit kahit sa pagtuturo ng Ingles, agham, at matematika. Ito ay dahil ang Filipino ang pangunahing wika, samantalang ang Ingles ay itinuring ng Komisyong Konstitusyonal na ikalawang wika lamang na nangangahulugang katuwang na wika [auxilliary language] ng Filipino. Nang magpalabas ng KT 210 ang Pang. Gloria Macapagal Arroyo, at sinegundahan ng DepEd Order 36, serye 2006, na nagtatakda ng alintuntunin sa pagsasakatuparan ng KT 210, ang Ingles na siyang dapat katuwang na wika lamang ng Filipino ang ginawang pangunahing wika sa pagtuturo sa hay-iskul at kolehiyo, na maituturing na kabalintunaan. Umikli ang oras na inilaan sa pagtuturo ng Filipino, pinanatili sa ilang sabjek at hindi ginamit sa agham, kalusugan, at matematika. Nagsampa ng kaso ang pangkat ng Wika ng Kultura at Agham (Wika Inc) laban kina Pang. Arroyo at Kalihim Tagapagpaganap Eduardo Ermita, at ang kaso ay nakabimbin pa rin sa hapag ng Korte Suprema. Sa kabilang dako, inihain sa nakaraang Kongreso ang apat na panukalang batas na layong palakasin ang paggamit ng Ingles sa primarya at sekundaryong edukasyon sa buong kapuluan. Ang nasabing mga panukala—na binuo nina Rachel Marguerite B. del Mar, Luis R. Villafuerte, Eduardo R. Gullas, at Mark  A. Villar—ay halos iisa ang tabas, at sa introduksiyon lamang nagkakaiba. Isa pang panukala, na inakda ni Magtanggol T. Gunigundo I, ay nagsusulong naman ng patakarang multilingguwalismo sa anyong makyabeliko na “hatiin at lupigin,” at nagpapahina wari sa Filipino bilang pambansang wika habang pinalalakas ang pundasyon ng Ingles bilang lingua franca na lalong naglalagay sa alanganin sa panig ng mga wikang panrehiyon. Ang mga panukalang batas na ito ay nakahain ngayon sa hapag ng Kongreso.

Magkakaroon ng kulay ang pagpapatupad ng KT 210 dahil sa pinaiiral na kolonyal na patakarang pangwika at pang-edukasyon ng Estados Unidos sa Filipinas. Ang KT 210, na nilagdaan noong 17 Mayo 2003, ay nag-aatas na gamitin at palaganapin ang Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa sistema ng edukasyon, at siyang pinairal sa buong Administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo at inayudahan sa pampolitika’t pampinansiyang pamamaraan ng Estados Unidos. Mainit ang pagtatalo noon kung ano ang wikang gagamitin sa pagtuturo dahil nagsisimulang lumakas ang BPO (Business Process Outsourcing), gaya ng mga call center, ngunit humihina sa Ingles ang nakararaming nagtapos sa kolehiyo. Dahil sa pangyayaring ito, ipinatawag ng embahador ng Amerika ang kalihim ng edukasyon isang araw upang magpaliwanag sa sitwasyon. Ayon sa mga kumpidensiyal na dokumentong nakalap ng WikiLeaks, hiniling ng embahador Kristie Kenney kay Kalihim ng DepEd Jesli Lapus sa pamamagitan ng USAID na “payagan ang mga Peace Corps Volunteer na makapagtrabaho nang lubos bilang guro at tagapagsanay ng mga guro” sa larang ng wikang Ingles. Nagbigay ng kontak mula sa DepEd ang nasabing kalihim at ito ang magbibigay ng gabay at impormasyon sa mga boluntaryo (kung hindi man espiyang Amerikano). Bukod dito, binanggit ng embahador ang mga programa ng USAID sa Mindanao, gaya ng sumusunod: una, pamumudmod ng mga telebisyon, komputer, at radyo sa mga pamilya nang maituro ang agham at matematika sa Ingles; ikalawa, pagpapahusay ng kasanayan ng mga kabataan bago magtrabaho; ikatlo, pamamahagi ng mga audiotape at aklat na laan sa pagtuturo at pag-aaral ng Ingles; at ikaapat, pamimigay ng mga teksbuk at aklat na nasa wikang Ingles sa mga paaralan. Nakipag-ugnayan din si Kal. Lapus sa mga lokal na estasyon ng radyo upang maisahimpapawid ang “English by Radio” ng British Broadcasting Company, at maipalaganap ang indoktrinasyon sa Ingles sa mga dukhang mag-aaral. Bukod dito, may dalawang fellow sa wikang Ingles na itinalaga sa DepEd at PNU (Philippine Normal University) upang “hubugin ang mga guro at paunlarin ang kurikulum” sa pagtuturo ng Ingles.[§] Kritikal ang panghihimasok na ito ng USAID sa Mindanao. Ayon sa pinakabagong sarbey ng National Statistics Office (NSO), anim sa sampung tao na maituturing na functional literate sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ay may batayang kaalaman sa pagbabasa, pagsusulat, at komputasyon. Malayo ito sa resulta sa National Capital Region na siyam sa sampung katao na edad 10-64 ang napakikinabangan ang kanilang kaalaman. Sa isa pang sarbey noong 2007, 55.5 porsiyento lamang ng kabuuang populasyon ng edad 5-24  sa ARMM ang nakadalo sa paaralan noong 2007-2008. Dinaig pa ito ng Baguio na tatlo sa apat na tao (72.2 porsiyento) ang nakadalo sa paaralan sa parehong panahon.[**]

Mapapansin sa nasabing mga dokumento kung paano nanghihimasok ang Amerika sa edukasyon ng mga Filipino. Mapagdududahan ang tunay na intensiyon ng mga grant ng USAID, ang mga fellow sa wikang Ingles na kabilang sa humuhubog ng kurikulum ng DepEd, ang mga donasyong materyal (o pinansiyal) na bumibilog sa ulo ng mga kabataan at nagpapasabik sa mga dukha sa Mindanao, ang malayang importasyon o pagtatapon ng tone-toneladang aklat sa Filipinas, at ang mga pagsasanay pangwika na ibinibigay sa mga guro para humusay sila sa pagtuturo ng Ingles. Sa iba pang dokumento na nakalap ng WikiLeaks, ibinunyag ang taktika ng mga opisyal ng embahada ng Amerika na mag-ikot sa 15 sekundaryong paaralan para hikayatin ang mga Filipinong estudyante na mag-aral at ang mga guro na magturo sa Amerika. Kung gaano kalaki ang suporta sa Ingles ay ni hindi nabanggit kung paano palalakasin ang Filipino sa sistema ng edukasyon, na parang ang Filipino ay ikalawang wika lamang sa Filipinas. Ang ganitong ulat ay puwedeng maging titis para sampahan ng kasong paniniktik [espionage] si Emb. Kenney at ang kaniyang mga kakutsaba, at parusahan ng pagtataksil sa Filipinas na dapat tumbasan ng pagbitay o habambuhay na pagkakabilanggo.

Samantala, gumagawa rin ng hakbang ang Tsina na palakasin ang pagtuturo ng wikang Tsino at edukasyong pangkultura sa 131 paaralang pinaaandar ng mga Tsino, kung hindi man Tsinoy, sa buong bansa. Ayon sa WikiLeaks, target ng Tsina ang 1-4 milyong Tsinoy sa buong bansa. Nagpadala noong 2003 ang Tsina ng 100 gurong estudyante sa Filipinas upang magturo ng wika at kulturang Tsino, samantalang inaasahan ang 150 guro na daraong noong 2007. Naglunsad pa ang Tsina ng study-abroad program, na target ang mga Tsinoy sa Filipinas, upang palakasin ang programa nito sa pagpapalaganap ng wika at kultura. Panaka-naka ring nag-iimbita ang embahador ng Tsina sa kaniyang tahanan sa Forbes Park, at doon ginaganap ang ilang pagtitipon ng mga alagad ng sining, edukador, politiko, at iba pang personalidad. Waring ginagaya ng Tsina ang taktika ng Amerika sa pagpapadala nito ng mga Thomasite, na ang pagkakaiba lamang ay sadyang tahimik ang Tsina kaysa Amerika.[††]

Sa kabila ng pagpupunyagi ng Estados Unidos (at Tsina) na maipundar ang kolonyal na patakarang pang-edukasyon ay patuloy na nakikilala ang Filipino. Malaganap na ang Filipino, ayon sa sarbey ng Ateneo de Manila University at sesegundahan ng NSO. Gayunman ngayon pa lamang unti-unting nakikilala ito sa mga dominyo ng kapangyarihan. Isa na rito ang internet.

Dati, inaakala ng iba na tanging sa Ingles lamang magagamit ang internet at pagpoprograma sa komputer. Nanghinayang halimbawa si Bernardo Villegas, na kilalang ekonomista at edukador, na waring iwinaksi ang Ingles sa panahon ng impormasyong teknolohiya.[‡‡] Hindi naman totoong iwinaksi nang tuluyan ang Ingles; lumakas lamang ang Filipino dahil maraming Filipino ang kabilang sa elektronikong lathalain. Lumitaw ang Blogger at WordPress, at ang dalawang higanteng ito sa larangan ng weblog ay nalahukan na ng Filipino, o sabihin nang Tagalog, bukod sa iba pang wikang panrehiyon. Lumakas ang Filipino, ngunit naiwan ang mga panrehiyong wika, dahil na rin kakaunti ang mga gumagamit ng panrehiyong wika. Lumitaw sa Google ang bersiyong Filipino, at maging sa mga intersosyalang Facebook at Twitter. Bagaman mapupuna ang kahinaan ng bersiyong Filipino kompara sa bersiyong Ingles ng Google, may pagtatangka na paunlarin pa ang Filipino sa pamamagitan ng pagsasalin at pagtutumbas ng mga salita. Sa WikiFilipino naman, isinalin sa Filipino ang mga terminong pangkomputer na ginagamit sa mga pahina nito, na sa unang pagkakataon ay nasilayan ng madla. Aaminin kong isa ako sa mga nagsalin ng termino sa WikiFilipino at WordPress Tagalog, ngunit nawalan ako ng gana pagkaraan dahil ang ibang nakikialam ay higit na mahusay sa komputer kaysa sa pagkakaunawa sa wika. Alam kong hindi ito dahilan para huminto. Kung nasimulan na ito sa Filipino, inaasahan kahit ang mga hacker at siyentista na maalam sa Filipino, na gumawa ng programang pangkomputer na pawang magpupundar ng muhon sa kasaysayan ng Filipino sa larangan ng komputer at internet.

Ang mga bagay na may kaugnayan sa telekomunikasyon, gaya ng selfon at telemarketing, ay unti-unti nang nagbabago pabor sa Filipino. Dati, ang wika sa pager at selfon ay Ingles. Sa kasalukuyan, nasa Filipino (o sabihin nang Tagalog) na ang mga manwal sa mga kasangkapang teknolohiko, na pumapantay sa Ingles at iba pang wikang internasyonal. Malaki ang kaugnayan ng pagsasalin ng mga terminong teknikal sa popularisyon ng Filipino, at maituturing na isang hakbang pasulong ang pagtatangka na gamitin ang Filipino kahit sa manwal at mumunting lathalain nitong laan sa mga konsumidor dahil lumalawak ang rehistro ng mga inimbento, hiniram, at inangking mga salita. Ang mungkahi ko’y iagapay ang pagtuturo ng Filipino kahit sa mga kursong may kaugnayan sa impormasyong teknolohiya, inhinyeriya, at kaugnay na larang. Maraming mahusay sa teknolohiyang pangkomputer, internet, at inhinyeriya, ngunit kakaunti ang mga kabataang mahusay din sa Filipino na maihahabol sa nagbabagong kaayusan. Panahon na upang maging dinamiko ang wika sa larangan ng agham, teknolohiya, at inhinyeriya, na makatutulong para maitampok ang mga Filipinong imbentor, siyentista, inhinyero, eksperto at makapag-iwan ng pagmamalaki sa panig ng mga produktong gawa ng mga Filipino.

Itinuturing na dominyo ng kapangyarihan ang senado at kongreso, at isang magandang pagkakataon ang debate kung anong wika ang dapat gamitin sa deliberasyon at publikong pagdinig. Ang ganitong usapin ay dapat pinagtataluhan; ngunit higit pa rito, dapat suportahan ng taumbayan ang mga mambabatas na masigasig gumamit ng Filipino sa mga publikong pagdinig. Kinakailangang itanong sa Korte Suprema kung napapanahon na bang gamitin ang Filipino sa mga pagdinig sa dalawang kapulungan ng mga mambabatas, at kung Filipino ba ang dapat maging pangunahing wika na sinusuportahan ng Ingles at mga wikang panrehiyon.  Anuman ang maging sagot ng hukuman ay dapat isaalang-alang nang mabuti ng awtoridad at taumbayan. Kung ang batasan ay nagtatakda ng mahalagang pangyayari sa pag-iral ng mga mamamayang Filipino, ang batasang ito ay dapat pagsilbihan ang mayorya ng mga Filipino sa pinakaepektibong paraan. Magsisimula ang gayong serbisyo publiko sa pamamagitan ng paggamit ng Filipino—na itinuturing na pambansang lingua franca sa kasalukuyang panahon.

Sa larangan ng radyo at telebisyon, kinilala ni GMA Network Chair at CEO Felipe L. Gozon ang halaga ng wikang Filipino sa pagpapalago ng negosyo nito. Hinimok niya ang kaniyang mga kasama mulang lupon ng mga direktor hanggang karaniwang kawani, na gamitin ang Filipino sa mga pagpupulong at pagtitipon. Ang nasabing pagpapahalaga ni Gozon ay maiisip na pagkilala na ang wika ay makabibihag ng guniguni ng taumbayan at siyang pinakaepektibong paraan upang maipaabot ang konsepto sa madla. Ngunit higit pa rito, Filipino ang naghahatid ng kita sa kompanya na patutunayan ng pagdami ng patalastas at isponsor ng mga programang telemagasin at telenobela. Kinakailangang dumami pa ang Gozon sa Filipinas, na hindi ikakahiya ang promosyon ng Filipino dahil ito ang makatutulong upang sumikat at kumita ang kompanya. Kabaligtaran naman ito ng tunguhin ng GNN, na ang mga balita at programa sa telebisyon ay karaniwang nasa wikang Ingles, at halos hindi pinapansin ng publiko. Samantala, dapat ding banggitin na sa 34 pahayagang online, isa lamang ang nasusulat sa Filipino, at iyon ang Abante. Ngunit ang Abante at isama na ang Bulgar ay pinatataob ang Philippine Daily Inquirer, Manila Bulletin, at Philippine Star—ang tatlong tanyag na broadsheet sa Ingles— kung pag-uusapan ang laki at lawak ng sirkulasyon sa palimbag na pamamaraan. Maihahalimbawa rin ang Journal Online, na ang mga artikulo ay nahahati sa Ingles at Filipino, bagaman higit na marami ang artikulo sa Ingles, at ang Filipino ay inilalaan sa siyobis at komentaryong pampolitika o panlipunan. Sa larangan ng siyobis, mababanggit ang pambihirang pagkiling ni Mother Lily Monteverde sa wikang Filipino nang atasan niya ang kaniyang mga artistang may banyagang dugo na magpakahusay sa paggamit ng Filipino (o sabihin nang Tagalog) para mapalapit sa puso at isip ng publiko.

May iba pang dominyo ng kapangyarihan na dapat pasukin ng Filipino. Kabilang dito ang agham at medisina. Gayunman, hindi masasabing ang pagtuturo ng agham o medisina ay esklusibo na lamang sa Ingles. Nagpanukala si Dr. Raul Jara, ang tanyag at isa sa mga pangunahing cardiologist sa Filipinas, na gamitin ang Filipino sa pagtuturo ng medisina. Ito aniya ay sa dahilang maraming nagtatapos ng kurso sa medisina ang natitiwalag sa mga tao na kanilang pinagsisilbihan makaraang makatapos ng pag-aaral at pumasa sa pambansang pagsusulit. Ingles ang wika ng pagtuturo sa medisina, kaya kahit ang mga konsepto ay nagmumula sa Ingles o banyagang lupain na hindi naman masakyan ng ibang estudyante sa medisina. Nagbigay ng halimbawa si Jara na kayang ituro ang cardiology sa pamamagitan ng Filipino at sa paggamit ng konsepto ng Filipino, ngunit ang ganitong radikal na mungkahi ay sumasalungat sa kumbensiyon, kaya mahirap tanggapin ng mga estudyante at doktor sa medisina dahil nasanay na ang kanilang dila at pananaw sa Ingles.

Naiiba nang kaunti ang pagdulog ni Dr. Rhodora Andrea M. Concepcion, na sumulat ng kauna-unahang aklat sa Filipino na tumatalakay sa mental retardation. Mapaghawan ng landas ang ginawa ni Concepcion, at sa pamamagitan ng magaan na pagsusulat na tumutuon sa mga tagapangalaga [caregiver] ay naipaabot niya ang komplikadong daigdig ng medisina, sikatríya, at sikolohiya. Gumamit ng makukulay na ilustrasyon ang kaniyang aklat, na waring hinahamon kahit ang lunan na dating saklaw lamang ng mga aklat pambata. Ang aklat ni Concepcion ay inaasahang masusundan pa dahil sa mainit na tangkilik ng publiko, lalo’t lumalaki ang bilang ng mga batang may pinsala ang pag-iisip.

Ang pagpasok sa dominyo ng kapangyarihan ay hindi biro, at ito marahil ang nasa sa puso ni Sen. Ople. Wala namang mangyayari kung magbabantulot ang publiko na maghanap ng pagbabago. Maipapanukala ang ilang sumusunod na pagbabago:

  1. Hikayatin ang mga eksperto sa kani-kaniyang larang na sumulat at maglathala ng mga akda, aklat at iba pang kaugnay na babasahin sa Filipino. Ang mungkahing ito’y mahuhugot din sa winika ni Gonzalez at iba pang dalubwika, gaya ng sikat na lingguwista Bonifacio Sibayan at Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario. Kung maaari’y gamitin ang Filipino sa pagsusulat ng mga aklat o pagbubuo ng journal. Sa simula’y maaaring humanap ng katuwang sa pagsusulat, at habang lumalaon ay hahayaan na ang eksperto na sumulat nang sarili.
  1. Hindi mapapalitan ang mga tekstong Ingles sa mga dominyo ng kapangyarihan kung patuloy na sasalungat ang mga pinuno ng ahensiya at instrumentalidad na mula sa publiko o pribadong sektor, at mananatili  ang prehuwisyo sa pagsusulat at pagpapalathala sa Filipino. Kinakailangang kulitin ang nasabing mga pinuno, at ipaabot sa kanila na napapanahon ang paggamit ng Filipino dahil makapagsisilbi ito sa malawak na sektor samantalang tinutulungan ang mga kawani at opisyal na mapalapit sa kalooban ng madla.
  1. Ipagpatuloy ang pagtangkilik sa mga akdang nasusulat sa Filipino. Sa National Bookstore, halimbawa, ang pinakamabiling aklat ay pawang nasusulat sa Filipino at tumataob kahit ang makukulay na aklat na imported at nasusulat sa Ingles. Samantala, may mga ahente ng aklat na direktang nagtutungo sa Ateneo de Manila University Press upang maghanap ng mga aklat na nasusulat sa Filipino at siyang hinihingi ng merkado sa ibayong dagat. Kung may merkado sa Filipino, ang kinakailangan ay pagpapalakas ng network ng distribusyon ng mga aklat, na hindi lamang gagamit ng mga tradisyonal na pamamaraan ng promosyon at pagbebenta, bagkus sasaklaw sa mga teritoryong hindi dating naaabot ng malalaking tindahan ng aklat.
  1. Hilingin sa mga awtoridad na magtaguyod at maglathala ng mga sangguniang aklat sa iba’t ibang disiplina na pawang nasa wikang Filipino, bilang pagsunod sa itinatadhana ng Saligang Batas 1987. Ang nasabing aklat ay hindi kinakailangang direktang salin mula sa tekstong Ingles; makagagawa ng mga sangguniang aklat na orihinal na isinulat sa Filipino batay sa mga reperensiyang nagmumula sa loob at labas ng bansa, bukod sa mga di-tradisyonal na sangguniang gaya ng panayam, blog, at kasaysayang lokal.
  1. Hilingin sa malalaking korporasyon na tumbasan ng salin sa Filipino ang mga tekstong Ingles na nakasaad sa kani-kanilang produkto. Kung ang ibang bansa ay nakahihiling sa nasabing mga korporasyon na tumbasan halimbawa sa Bahasa Indones, Espanyol, Nihonggo, at Thai ang mga pabatid sa lata ng gatas, magagawa rin iyon sa Filipinas. Ang ganitong patakaran ay pumapabor sa kabutihan ng mga Filipinong konsumidor, dahil mababatid nila na ang anumang nasusulat sa banyagang wika, gaya ng Mandarin o Ingles, ay umaayon sa pagpapabuti ng kanilang kalusugan.
  1. Suportahan ang mga organisasyong pampanitikan. Ang mga organisasyong pampanitikan ang tumutulong sa paghubog ng mga manunulat, at sa panahong ito, kinakailangan ang maraming manunulat sa Filipino dahil mangangailangan ang gaya ng DepEd ng maraming tagasalin at manunulat sa Filipino upang matupad ang itinatadhana na Medium-Term Philippine Development Plan 2011-2016 ng administrasyong Aquino. Binanggit sa nasabing adyenda ang pangangailangan na maisa-institusyon ang paggamit ng Filipino sa loob ng DepEd, mulang pagbubuo ng mga gamit sa pagtuturo hanggang pagbabalangkas ng mga pagsusulit sa Filipino.
  1. Makipagtulungan sa mga ahensiya ng pamahalaan sa pagpapalaganap ng Filipino. Nakasaad sa Saligang Batas 1987 na karapatan ng mga Filipino na makilahok sa pormulasyon ng mga pambansang patakaran at pagsasakatuparan ng mga programa nito, at ito ay nagsasadiwa ng Aklasang Bayan sa EDSA [EDSA People Power]. Ang mga organisasyong pangwika, pampanitikan, at iba pa ay dapat inuusisa kung ano ang ginagawa ng KWF. Hindi dapat manatiling bukod ang KWF sa publiko; at sa halip, dapat maging bukás ito sa matitinong kooperasyon na magpapalaganap sa Filipino sa iba’t ibang disiplina o lárang.
  1. Hindi matatakasan sa Filipinas ang pagiging maalam sa tatlo o higit pang wika. Halimbawa, maaaring maalam sa Ilokano o Bisaya kapag nasa isang rehiyon, samantalang bihasa rin sa Filipino kapag nakikipagtalastasan sa pambansang antas, bukod sa mahusay din sa Ingles at iba pang internasyonal na wika kung kinakailangang makipagtalastasan sa ibayong-dagat. Gayunman, maisasaalang-alang din ang paggamit ng Filipino kahit sa mga transaksiyon at komunikasyon sa diasporang Filipino, upang maitanghal ang pambansang identidad at makilala ang kapangyarihan nito sa pandaigdigang antas. Ang pagtataguyod ng mga katutubong wika ay hindi kinakailangang salungat sa Filipino, bagkus dapat kaagapay ang Filipino sa paglago at paglaganap lalo sa pasulat at palimbag na pamamaraan.

Marami nang pag-aaral hinggil sa kultura, wika, at kaunlarang panlipunan ngunit ang kakatwa’y hindi natutumbasan ang ganitong mga pag-aaral ng aktuwal na babasahing isinulat sa Filipino. Halimbawa, sa pag-aaral ni Dr. Dina Ocampo, higit na malaki ang bilang ng mag-aaral na nakababasa at nakauunawa sa wikang Filipino kaysa Ingles, mulang unang grado hanggang ikaanim na grado.[§§] Ngunit ang gayong pangyayari’y hindi tinutumbasan ng tangkilik ng mga lokal na pabliser na dapat maglathala ng higit na maraming aklat na nasusulat sa Filipino ayon sa hinihingi ng merkado. Kinakailangang ipagpatuloy ang produksiyon ng mga lathalain na nasa Filipino, at kung kinakailangan, na may kaagapay na wikang panrehiyon. Ang usapin dito ay hindi na lamang wika, bagkus ang partikular na disiplina na ipinapaliwanag sa pamamagitan ng Filipino o panrehiyong wika. Ipagpalagay mang ang wika ay matatamo sa likás na paraan, o bilang karagdagang kaalaman, ay hindi mahalaga. Ang higit na mahalaga ay kung paano nakapagtataguyod ang wika sa simulain at bisyon ng Filipino.

Nakini-kinita noon ni Gonzalez na nasa panig ng wikang Filipino ang panahon dahil sa dami ng gumagamit nito sa Filipinas. Na totoo naman. Kung pagbabatayan ang pinakabagong census ng NSO, mahigit 90 porsiyento ng populasyon sa Filipinas—sabihin nang 80 milyon—ng 88.5 milyong katao ang nakauunawa ng wikang Filipino. Hindi ang Sebwano ang makahahadlang sa Filipino, ani Gonzalez, dahil tinatanggap na ang Filipino bilang lingua franca sa buong kapuluan, at sa Cebu. Tanging Ingles, ayon sa pag-aaral ni Gonzalez, ang magiging hadlang; at ang lunan ng tunggalian ay “ekonomikong bentaha” at “nasyonalismo.” Sa ganitong pangyayari, liliit nang liliit ang puwang ng Ingles, at itatakda ang restriksiyon ng Ingles sa ilang piling dominyo habang titingkad ang pagkakabukod-bukod ng uring panlipunan batay sa wika, na ang mga maykaya ay pananatilihin ang Ingles sa mga esklusibong paaralan, samantalang lumalaganap ang Filipino sa mga publikong paaralan at bumababa ang kahusayan ng mga guro sa pagtuturo ng Ingles. Hinulaan pa ni Gonzalez na baka dumating ang sandali na ang Ingles ay hindi na lamang ituring na ikalawang wika bagkus banyagang wika na para lamang sa elitista, at lalawak nang lubos ang dominyo ng Filipino sa lahat ng saray ng lipunan.

Nagbigay ng halimbawa ang ating pangulo kung paano gagamitin ang Filipino sa dominyo ng kapangyarihan upang magsilbi bilang wikang panlahat. Nasa atin ang pasiya kung tayo’y tataliwas o susunod.

Mga Tala

[*] Basahin ang “Memorandum Soble la Lengua Nacional” (1935) na sinulat ni Hukom Norberto Romualdez para kay Pang. Manuel L. Quezon.

[†] Basahin ang “Incongruity between the language of law and the language of court proceedings: The Philippine Experience,” ni Bro. Andrew Gonzalez, sa Language and Communication, 1996.

[‡] Tumutukoy ang “Kautusang Tagapagpaganap” sa “Executive Order,” na dinadaglat na EO, gaya ng EO 210 at EO 335, at KT.

[§] Basahin ang di-klasipikadong dokumento na nagmula sa Embahada ng Estados Unidos sa Maynila, at sinulat ni Emb. Kristie Kenney para sa Kalihim ng Estado Unidos. Sinulat noong 21 Setyembre 2006, at inilabas noong 30 Agosto 2011.

[**] Hango sa National Statistics Office sarbey at matatagpuan sa http://www.census.gov.ph/data/ pressrelease/2010/pr10162tx.html na hinango noong 9 Setyembre 2011.

[††] Kumpidensiyal na ulat ni Emb. Kristie Kenney sa Kalihim ng Estado ng Amerika. Sinulat noong 15 Marso 2007, at inilabas noong 30 Agosto 2011.

[‡‡] Basahin ang “Alienated Intellectuals,” sinulat ni Blas F. Ople at nalathala sa Manila Bulletin, 3 Pebrero 2002.

[§§] Basahin ang “The Roadmap to Philippine Multi-literacy” na sinulat ni Dr. Dina Ocampo, Leonor Diaz, Portia Padilla, atbp. 2009. Tingnan ang http://www.slideshare.net/dina.ocampo/the-roadmap-to-philippine-multiliteracy, hinango noong 2 Setyembre 2011.