Persona non grata

Persona non grata

Roberto T. Añonuevo

Nakagugulat na walang reaksiyon ang taumbayan nang ideklarang persona non grata ng konseho ng Lungsod Davao si Sen. Antonio Trillanes IV. Si Senador Trillanes, para sa mga mambabatas at opisyal ng Davao, ay isang sakit ng ulo, at naghahasik umano ng destabilisasyon laban sa administrasyong Duterte. Sa punto de bista ng taga-Davao ay maaaring tama ang deklarasyon; subalit sa punto de bista ng isang nag-iisip na Filipino ay maaaring sablay sa pinakamalalim na pakahulugan ang gayong deklarasyon.

Ayaw. Bawal. Alis. Ang mga salitang iyan ang lumalagom sa persona non grata.

Iyan ang gusto ng buong konseho ng Lungsod Davao, ngunit ang konsehong ito, kasama ang iba pang opisyal ng Lungsod Davao, ay maaaring managot sa batas, sapagkat ang pagdedeklara ng persona non grata laban kay Trillanes ay sumasalungat sa diwain ng Seksiyon 6 ng Artikulo III, ng Konstitusyong 1987. Ayon sa nasabing batas, ang karapatang maglakbay ay hindi dapat sagkaaan, maliban kung nakasalalay “ang interes ng pambansang seguridad, publikong kaligtasan, o publikong kalusugan, alinsunod sa maitatadhana ng batas.”

Ang sugnay na “. . . alinsunod sa maitatadhana ng batas” ay isang paraan ng mga sumulat ng Konstitusyong 1987 para palabnawin ang nasabing probisyon, at ang ibig sabihin ay dapat gumawa ng batas ang kongreso hinggil sa nasabing probisyon para ito magkabuto’t lamán. Ang opinyong ito ay hindi nagmula sa akin, at galing mismo kay Wilfrido Villacorta na isa sa mga delegado sa Kumbensiyong Konstitusyonal. Ang dapat ginagawa ng mga mambabatas ngayon ay lumikha ng panuhay na batas [enabling law] ukol sa pagpapataw ng taguring persona non grata sa sinumang tao, banyaga man siya o Filipino. At dahil walang panuhay na batas ang pamahalaan, walang bisa at pag-aaksaya lámang ng laway ang ginawa ng mga politikong Dabawon sapagkat wala silang karapatang gumawa ng sariling batas o kautusan na may kaugnayan sa pagpapataw ng persona non grata nang walang pagsang-ayon ang kongreso; o kaya’y angkinin ang Lungsod Davao na parang ang pook ay kanila lamang at hindi para sa iba pang Filipino.

Nakasaad pa sa Seksiyon 6 ng Artikulo III ng Konstitusyong 1987 na ang “kalayaang maniharan at magbago ng paninirahan alinsunod sa saklaw na itinatadhana ng batas ay hindi dapat sagkaan, maliban sa naaayon-sa-batas na kautusan ng hukuman.” Ibig sabihin, maaaring manirahan si Senador Trillanes sa Davao kung iibigin nito at hindi mapipigil ng sinumang politiko, gaya ni Alkalde Inday Sara Duterte, maliban kung itatakda ng hukuman; ngunit sa aking palagay ay magbabago pa rin ng isip si Senador Trillanes, dahil ayon na rin sa kaniya ay mainit at armado ang mga kalaban niya sa Lungsod Davao, gaya ng napabalitang Davao Death Squads (DDS) o kumukulo ang dugo sa kaniya ni dating Bise Alkalde Paolo Duterte.

Ang totoo’y walang batas  sa Filipinas hinggil sa pagdedeklara ng persona non grata. Ang konsepto ng nasabing taguri ay mahuhugot sa Vienna Convention on Diplomatic Relations of 1961, sa ilalim ng Artikulo 9, at may kaugnayan sa relasyong diplomatiko ng mga bansa. Isang patnubay ang nasabing batas kung paano haharapin ng isang tumatanggap na estado ang mga sugong ipinadala ng ibang estado.

The receiving State may at any time and without having to explain its decision, notify the sending State that the head of the mission or any member of the diplomatic staff of the mission is persona non grata or that any other member of the staff of the mission is not acceptable. In any such case, the sending State shall, as appropriate, either recall the person concerned or terminate his functions with the mission. A person may be declared non grata or not acceptable before arriving in the territory of the receiving State.

At ang masaklap, ang Vienna Convention ay hindi maaaring gawing palusot ng mga politikong Dabawon sapagkat ito ay aplikable lámang sa mga embahada, gaya ng pagpapatalsik sa isang embahador nang walang kaabog-abog at ni walang paliwanag mula sa Pangulo. Ang Pangulo bilang kinatawan ng estado ang tanging awtoridad na makapagpapataw ng persona non grata sa sinumang sugo ng ibang estado, anuman ang kaniyang mabigat na dahilan. Halimbawa, ang embahador ng China ay maaaring ideklarang persona non grata sa Filipinas sakali’t maghayag ito ng tuwirang pag-angkin sa buong Kanlurang Dagat Filipinas. Posibleng abanseng mag-isip lámang ang mga politikong Dabawon, at kahit hindi pa naisasabatas ang Federalismo ay gusto na nilang tingnan ang Davao bilang bukod na estado, at angkinin ang kapangyarihang dapat sana’y nasa kamay ng pinakamataas na pinuno ng Estadong Davao.

Ngunit sasabihin ng konseho na lumilikha ng destabilisasyon si Senador Trillanes sa bansa, at nakaaapekto sa Davao. Kung gayon nga, kinakailangang patunayan muna ito ng butihing konseho alinsunod sa masusi at mapagtitiwalaang saliksik bago gumawa ng marahas na hakbang. Ito ay dahil ang isang senador na ibinoto ng taumbayan ay hindi lámang dapat magsilbi sa Davao, o sa isang pook na gaya ng Davao, bagkus sa buong Filipinas. Kung sasagkaan ang kaniyang kalayaang magtungo sa Davao, sinasagkaan na rin ang kaniyang tungkulin at binibigo siyang gampanan ang mandatong hatid ng Konstitusyong 1987 na pinagtibay ng sambayanan. Sa ganitong pangyayari, ang buong konseho, kasama ang iba pang lokal na opisyal ng Davao, ay maaaring managot sa batas, at sipain sa kanilang puwesto dahil sa katangahan.

Ang ginawa ng konseho sa Davao ay ginawa rin ng ibang konseho sa iba’t ibang panahon, at kung gayon, ang asal ng konseho ng mga Dabawon ay pag-uulit ng nakaraan. Ilan sa mga kaso ay inilista ng blogistang si Rahernaez sa kaniyang artikulong Role Confusion. Noong 2005, ang dating korespondent ng Philippine Daily Inquirer na si Melinda Magsino-Lubis ay pinatawan ng taguring persona non grata sa Batangas, nang iulat nito ang mga katiwalian sa pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng administrasyon ni Armando C. Sanchez. Mainit noon ang usaping huweteng at huweteng intelihensiyang tumatagos sa mga pamahalaang lokal, at natural na nasaktan ang mga lokal na opisyal. Sa pagkakataong ito, ang pagtataguri ay masisipat na ginagamit bilang kasangkapan para patahimikin ang isang peryodista, at pilitin siyang talikdan ang tungkuling mag-ulat sa taumbayan. Ang dapat sanang ginawa ng gaya ni Gobernador Sanchez ay sampahan ng kaso ang peryodista, at patunayan sa korte na kabulaanan ang mga ulat nito.

Taliwas naman ang sitwasyon ni Rep. Rodolfo Fariñas nang ideklara ng Sangguniang Panlalawigan ng Ilocos Norte na siya ay persona non grata roon dahil sa pagpapakulong sa mga kawani at opisyal ng kapitolyo sa Kamara nang tumanggi ang mga itong makilahok sa pagdinig sa komite ni Representante Fariñas ukol sa mga katiwalaan umano sa Ilocos Norte. Matigas ang tugon ng mambabatas laban sa Sangguniang Panlalawigan: siya ay inihalal ng taumbayan, at lider ng mayorya ng Mababang Kapulungan. Totoo namang mambabatas si Representante Fariñas, ngunit ang kaniyang katwiran ay walang saysay kung babalikan ang konsepto ng persona non grata. Ang deklarasyong persona non grata laban kay Representante Fariñas ay masisipat na ganti ng sangguniang panlalawigan sa maituturing na pang-aapi sa mga kawawang kawani at opisyal ng kapitolyo. Sa ganitong pangyayari, ang pagtataguri ay mistulang pampolitikang hadlang, bagaman lihis sa batas. Gayunman, masisipat na epektibo ang nasabing deklarasyon kung naapektuhan ang base ng mga botante ni Representante Fariñas sa Ilocos Norte, at naging mukhang tagapagligtas ang gaya ni Gobernador Imee Marcos.

Kung babalikan ang Seksiyon 29 (a) (8) ng Commonwealth Act No. 163, na tinawag ding The Philippine Immigration Act of 1940, ang isang banyaga ay maaaring pagbawalang pumasok sa Filipinas kung siya ay “naniniwala o nagsusulong sa pagpapabagsak ng gobyerno sa marahas na paraan” bukod sa “nagsasagawa ng asesinasyon o nanghihikayat o nagtuturo ng mga diwain, teorya, at prinsipyong salungat sa Konstitusyon ng Filipinas.” Ngunit ang probisyong ito ay laan sa mga banyagang animo’y mersenaryo at hindi para sa ordinaryong mamamayang Filipino. Wala nang bisa ito, at kung sisipatin sa anggulo ng persona non grata ay hindi puwedeng gamitin laban sa isang Filipino.

Kung lalagumin, ang deklarasyong persona non grata laban kay Senador Trillanes at siyang ipinukol ng Sangguniang Panlungsod ng Davao ay walang bisa at walang saysay kung isasaalang-alang ang batas, ngunit mabisang taktikang pampolitika lalo’t papalapit ang halalan. Masisipat din ang deklarasyon na isang malinaw na banta sa kalayaan ng isang Filipino, at isang bantang mariin at mapanganib, sapagkat ang mga lokal na opisyal ay nagiging kasangkapan para patahimikin at libakin sa pinakamakulay na paraan ang isang masatsat na senador. Ang maimumungkahi ay sampahan ng kaso si Senador Trillanes kung sadyang pulos kabulaanan ang kaniyang inihahayag sa publiko. Kung hindi magaganap ito, malayang isipin ng taumbayan na isang mabuting halimbawa lámang ng bulaklak ng dila ang persona non grata.

Advertisements

Panitikan at Kasaysayan

Panitikan at Kasaysayan

Roberto T. Añonuevo

Ang kasaysayan ng panitikan sa Filipinas ay hindi kailanman magiging kasaysayan ng isang awtor, bagaman ang awtor na ito ay maaari ding maging pabliser, propesor, tagasalin, leksikograpo, administrador, politiko, aktibista, promotor, artista, negosyante, doktor, at iba pa, at magkaroon ng talento o kapangyarihang sumulat ng sariling kasaysayan ng panitikan, alinsunod sa kaniyang punto de bista. Ito ay sapagkat ang awtor na ito, gaya ni Homer, ay produkto ng kaniyang panahon, at ang kaniyang mga akda, gaya ng Iliad at Odyssey, ay maituturing na konstelasyon ng mga dáting kaisipang maaaring nasagap niya, na sa paglipas ng panahon ay kaniyang ginagad, kinopya, tinipon, nilagom, dinagdagan kung hindi man binawasan, at hinubog para makabuo ng isang maipapalagay na modernong katha. Ang kasaysayan ng panitikan ay hinuhugis ng kalipunan ng mga manunulat—sa loob man o labas ng Filipinas—at ang mga manunulat na ito, habang malusog at malikhain ang produksiyon, ang makapagsusulong din ng kabaguhan sa panitikan sa kani-kaniyang panahon, bagaman hindi nangangahulugan yaon na ang mga manunulat na kakaunti ang nasulat ay maisasantabi agad; ito’y sapagkat ang panitikan ay hindi paramihan at pahusayan ng akda, at kung gayon ay hindi dapat ituring na de-kahong kompetisyon, gaya ng Palanca Awards, bagkus ay nakalaan para pahalagahan at kasiyahan ng lahat. Kung magkakaroon man ng tagisan sa panitikan, ang tagisang ito ay hindi lantad, at maituturing na pailalim o palihis (sapagkat ang sukdulang katunggali ng manunulat ay ang kaniyang sarili), na maaaring sipating nasa anyo ng pagpapahalaga sa pambihirang imahinasyon ng manunulat—na siya namang kinikilala ng kaniyang bayan.

Noong nakalipas na panahon, ang isang katutubong pamayanan ay maaaring magkaroon ng binúkot, at ang binúkot na ito ay kailangang maisaulo hindi lámang ang epikong bayan o ang kuwento ng kaniyang bayan, bagkus ang maituturing na kasaysayan at kultura ng pamayanan na kaniyang pinagmulan. Ang tulang kabesado ng binúkot ay hindi lamang nagmula sa kaniya, (bagaman posibleng lumikha siya nang kusa alinsunod sa abot ng kaniyang karanasan o guniguni,) bagkus produkto rin ng mga walang pangalang makata o binúkot noong nakalipas na panahon, at ipinasa sa kaniya sa pamamagitan ng araw-araw na pagsasanay kung hindi man pagsasadula. Sinasabing magwawakas ang kaniyang tungkulin bilang binúkot sa oras na sumapit siya sa edad ng pagkatigulang, at kailangan niyang magpakasal, at lisanin ang bahay na nagsilbi rin sa kaniya bilang marangya’t ligtas na bilangguan. Ang kasunod niyang tungkulin ay ang pagpapása ng kaniyang kaalaman sa sinumang napipisil na maging bagong binúkot na handa at karapat-dapat sa gayong kabigat ng tungkulin. Sa ganitong pangyayari, ang isang epikong bayan ay nagiging walang hanggahang salaysay, na gaya ng Hudhud, ay hindi matutuldukan hangga’t may isang makatang magpapatuloy ng gayong tradisyon. Isang malaking pagkakamali, kung gayon, na ituring na ang ultimo’t pangwakas na salaysay ay magtatapos sa isang binúkot, maliban na lamang kung ang binúkot na ito ay dakpin at idestiyero kung saan, o kaya’y maging sakim sa karunungan at sadyang ipagkakait ang kaniyang kaalaman sa iba sa paraang nagtatampong anghel o di-kaya’y matandang dalaga, at hindi ipapása sa susunod na henerasyon ang buong gunita ng kaniyang lipi kahit sa pasulat na paraan, kahit alam niyang sumapit na siya sa edad na dumurupok ang kaniyang mga buto, lumalalaylay ang mga lamán, at unti-unting nabubura ang memorya.

Nakalulungkot na ang panahon ng binúkot ay nagwakas na, at ito ay hinalinhan ng Artificial Intelligence (AI). Ang artipisyal na karunungang ito ay nakasalalay sa pambihirang database, at sa pamamagitan ng malikhaing eksperimento ng mga henyo, ay natuturuan ang isang kompiyuter kung paano magpanatili ng memorya, bukod sa magpamalas kung paano magpapasiya sakali’t sumapit dito ang ilang palaisipan, gaya sa ahedres. Ang pinakabagong AI ay kinakatawan ng AlphaZero na tumalo sa isang kampeon ng kompiyuter chess, at sa aking palagay ay may posibilidad na ilampaso ang gaya nina Magnus Carlsen, Levon Aronian, at Wesley So. Ang AlphaZero na nag-aral sa loob ng apat na oras ay nakáyang biguin ang maituturing na pinakamahusay na programa sa ahedres. Samantala, ang AI ay posibleng mailatag din sa panitikan sa hinaharap, ngunit sa aking palagay ay nasa paraan ng paghangò kung paano lumitaw o ginamit ang mga salita, kung paanong pinayaman ang kahulugan ng mga konsepto o diskurso, at kung paano magtitimpla ng mga salita, alinsunod sa jargon ng bawat larang o sub-kultura, o kaya’y sa paglalatag ng komplikadong banghay na may diwa ng laberinto at pala-palapag na pakahulugan. Masusubok ang AI sa paglikha ng tinatagurian ngayong mga tekstong posmoderno o poskolonyal, at ang mga eksperimento nina James Joyce, Salman Rushdie, at Gabriel García Marquez ay puwedeng maging talababà na lámang ng nakaraang panahon.

Kung babalikan ang panitikan, ang pagbubuo ng kasaysayan nito ay hindi simpleng pag-iimbak sa database ng lahat ng nasulat na panitikan, gaya sa Project Gutenberg, sapagkat ang panitikan ay hindi nagwawakas sa pasulat na tradisyon, bagkus kailangang isaalang-alang din ang mga tradisyong pabigkas, at ang mga materyal at artefaktong kaugnay nito sa kaligiran o pamayanan. Kailangang isaalang-alang ang konteksto ng pagkakasulat ng isang akda, at kung gayon, ang isang maituturing na grandeng naratibo ay magiging kathang-isip din, sapagkat ang naratibo ay hindi lámang maaaring magsimula sa itaas, at magmistulang didaktiko ang datíng, kundi maaari ding magsimula sa gilid-gilid [periphery], o kaya’y mula sa kailaliman [grassroots], na siyang pinag-uugatan ng malawak ngunit maralitang masa. Sa ganitong pangyayari, posibleng hindi makaiwas na basahin ang kasaysayang pampanitikan alinsunod sa humahawak ng paraan at uri ng produksiyon [ng akda], kung hihiramin ang dila ng Marxista. Halimbawa, ang isang awtor na konektado rin sa isang publikasyon, at may akses sa pondo mulang pribado hanggang panggobyernong institusyon, ay nakalalámang sa iba na hindi nagkaroon ng gayong oportunidad, bukod sa ang paraan ng kaniyang pamumuhay at pagkatha ay nahuhubog sa taglay niyang yaman at pinoprotektahang interes, gaya sa negosyo. Kung isasaalang-alang naman ang kasaysayan ng panitikan sa Filipinas, ang kasaysayang ito ay maaaring nakabatay sa pamimilì, prehuwisyo, eksentrisidad, at pasiya ng isang istoryador, alinsunod sa nais niyang pahalagahan sa pagbasa ng akda. Kayâ ang isang istoryador na mahusay sa Tagalog o Sebwano, sa isang banda, ay maaaring malimitahan sa kaniyang pagsusuri kung hindi niya isasaalang-alang ang iba pang tradisyon ng pagsulat sa gaya ng Ilokano, Bikol, Pangasinan, Mëranaw, at iba pang katutubong wika. Lalo pa siyang mahahanggahan sa pagbasa kung ang kaniyang mga kaaway sa panitikan ay iitsapuwera niya (batay man sa estetikong panlasa o personal kundi man politikong pagtanaw), at kung gayon ay hindi nailahok sa kung anong dahilan sa kaniyang mga antolohiya o kritika.

Ang pagbubuo ng kasaysayang pampanitikan ay masisipat na produkto ng kolektibong pawis at dugo ng mga manunulat. Maihahalimbawa ang Aklatang Bayan, na sinasabing itinatag noong 1910, ngunit ayon sa rekoleksiyon ni Engracio L. Valmonte ay nagsagawa ng kauna-unahang opisyal na pulong noong 9 Setyembre 1911, sa kalye Juan Luna, Gagalangin, Maynila. Ang Aklatang Bayan ay kinabibilangan ng mga bantog na nobelista, kuwentista, mandudula, at makata, gaya nina Iñigo Ed. Regalado, Julian Cruz Balmaseda, Faustino Aguilar, Rosauro Almario, Gerardo Chanco, Carlos Ronquillo, Leonardo A. Dianzon, Remigio Mat Castro, Sofronio Calderon, Pedro Gatmaitan, Valeriano Hernandez Peña, Carlos Ronquillo, at iba pa. Kabilang din sa pangkat ang mga Kapampangan, gaya nina Aurelio Tolentino at Francisco Laksamana. Ang Aklatang Bayan ay itinuturing na kapatid ng Samahan ng mga Mananagalog, na pinangunahan ni Lope K. Santos. May kabuoang 42 kasapi ang Aklatang Bayan, at sa bilang na ito ay nabago ang topograpiya ng panitikang Tagalog, kung hindi man Filipinas, sa pangkalahatan. Ang kaganapan nito ay nasa mapaghawan ngunit mahihinuhang kolaboratibong pagtatangka nina Balmaseda, Regalado, at Santos na bumuo ng mga pangunang sarbey ng mga panitikang nasusulat sa Tagalog, gaya sa nobela at tula, at pagsusumundan ng iba pang manunulat na magtutuon sa gaya ng dula, sanaysay, at musika.

Lumakas noon ang Aklatang Bayan sapagkat ang ilang kasapi ay makapangyarihang editor bukod sa mga batikang manunulat sa mga pahayagang gaya ng Taliba, Ang Mithi, at Pagkakaisa na pawang panloob ng La Vanguardia at El Ideal, ayon na rin kay Valmonte. Nakipag-ugnay din ang pamunuan ng Aklatang Bayan kay Don Alejandro Roces na nagmamay-ari ng El Ideal at Ang Mithi, at sa mga pinuno ng Lapiang Nacionalista. Tinangkilik ito ng mga gobernador, gaya nina Manuel Aguinaldo at Maximo de los Reyes ng Bataan, Lope K. Santos ng Rizal, at J. Vicente Salazar ng Nueva Ecija. Ang iba pang kasapi ay magiging politiko pagkaraan at magtataglay ng mga posisyon sa pamahalaan, gaya nina Iñigo Ed. Regalado, Antonio D. Paguia, Antonio K. Abad, Leonardo A. Dianzon, at Amado V. Hernandez. Itinatag ni Benigno Ramos ang Partido Sakdalista, samantalang si Hernandez ay nakilalang kapanalig ng Partido Komunista. Ang kataka-taka’y sa kabila ng pagkakaiba-iba sa pananalig ay may toleransiya ang isa’t isa sa pakikinig, at may kolektibong tindig laban sa tumitinding gahum ng mga banyagang wika sa mga dominyo ng kapangyarihan.

Binanggit ko ang bahaging ito ng kasaysayan sapagkat ibig ko lámang isaad na ang pagbubuo ng programa sa pagpapalathala, sa isang panig, at ang pagbubuo ng kasaysayang pampanitikan, sa kabilang panig, ay nangangailangan ng kontribusyon mula sa iba’t ibang tao, (bukod pa sa mga aktibong kasapi at pamunuan ng isang pampanitikang organisasyon,) at toleransiyang tanggapin ang iba-ibang kulay ng pananalig o politika o pinag-ugatan. Nagkakaroon lámang ng kulay ang pagbubuo ng kasaysayang pampanitikan sapagkat ang isang aktibong manunulat ay napipilitan o nahihimok maging diktador—sa tawag man ng panahon o politika o kalikasan—at maaaring maglahok ng kaniyang bersiyon ng katotohanan (na matataguriang promosyon-sa-sarili) hinggil sa kabaguhang kaniyang ginawa o ginawa ng kaniyang mga kapangkat sa uri ng panitikang nalathala, at kasalungat ng namamayaning gahum sa pagbasa at pagpapahalaga sa katutubong panitikan. Ang bersiyon ng katotohanan ay maaaring umagos sa tahas o maligoy na paraan, sa pamamagitan ng awtor mismo o kaya’y ng mga kasapakat niyang alagad, at ang katotohanang ito ay maaaring pabulaanan o salungatin ng mga susunod na kritiko, batay sa mga matutuklasang materyal na artefakto na magagamit sa pagsusuri ng mga akda. Ano’t anuman, ang isang manunulat ay hindi maaaring maging bato o newtral, o maituturing na newtral at walang pakialam. Hindi rin maituturing na newtral ang nilikha niyang grandeng naratibo ukol sa kasaysayang pampanitikan—na sakali mang magtagumpay ngayon ay maituturing na pansamantala, at inaasahang magbabanyuhay pa, sa ayaw man niya o sa gusto, sa paglipas ng panahon. Dahil hindi monopolyado ng isang manunulat ang pagbuo ng kasaysayang pampanitikan, ang kasaysayang ito ay maaaring ituring na patuluyang trabaho ng iba’t ibang isip na may sanlibo’t isang mata, para pahalagahan ang tulad ng Lupang Tinubuan, o ang dakilang santinakpan.

Pagsusuri ng Balita

Pagsusuri ng Balita

May itinuturo sa atin ang pagbabasá ng pahayagan, at ito ay may kaugnayan sa lohika. Ang lohika ng balita ang maaaring magdulot upang paniwalaan, kung hindi man pagdudahan, ang katotohanan ng mga pahayag mula sa tinutukoy na paksa. Ngunit dahil ang katotohanan ay isang mailap na bagay, at maaaring magkaroon ng iba-ibang panig, ito ay dapat sumailalim sa masusing pagsusuri ng mga mambabasa.

Halimbawa, ang pinakabagong balita mula sa Philippine Daily Inquirer na may pamagat na “Inday Sara thinks Trillanes could be ‘hooked on something’” (5 Pebrero 2018). Ang pahayag ng butihing alkalde mulang Davao ay reaksiyon sa tangka ni Senador Antonio Trillanes IV na magkaroon ng pagsisiyasat sa Senado, sa pamamagitan ng Resolusyon Blg. 602, ukol sa mga tagong yaman [ill-gotten wealth] ng Pangulong Rodrigo Duterte at ni Alkalde Inday Sara. Maaaring magpahiwatig ng sumusunod ang winika ni Alkalde Inday Sara: una, tumitira ng droga si Senador Antonio Trillanes IV, kayâ kung ano-ano umano ang pumapasok sa utak nito; at ikalawa, hindi dapat paniwalaan si Senador Trillanes sapagkat tsismis lámang umano ang kaniyang mga paratang sa Pangulo at sa kaniyang anak na alkalde.

Sa unang malas ay kahanga-hanga ang pahayag ng butihing alkalde. Ito ay dahil nagpapahiwatig ang pahayag ng tapang, samantalang sumasapol sa bayag, at nagtataglay ng paglibak sa personalidad ng senador. Ngunit kung susuriin nang maigi, ang kaniyang pahayag ay maituturing na argumentum ad hominem, na isang anyo ng pag-atake sa katauhan, motibo, at iba pang katangian ng kalaban upang pabulaanan ang mga pahayag o paratang nito. Gayunman, kahit ginawa ito ng nasabing alkalde, sanhi man ng bugso ng damdamin o iba pang dahilan, hindi ito pinagtuonan ng reporter, at sa halip, ay hinango ang mga salita ng alkalde sa maituturing na magaspang nitong anyo, at ito ang inihain sa publiko, sapagkat masarap pagpistahan.

Ang balita sa PDI ay walang kabuntot na saliksik mula sa iba pang mapagtitiwalaang impormante para linawin ang pahayag ni Alkalde Inday Sara o Senador Trillanes. Ang dapat sanang nailahok sa balita ay ang mga importanteng probisyon na tinutukoy ni Senador Trillanes mula sa Anti-Money Laundering Act, at kung bakit mahalaga ang imbestigasyon. Dahil kung hindi mahalaga ang imbestigasyon, ano pa ang silbi para pahalagahan ang umano’y tsismis na mula sa nasabing mambabatas?

Kung hindi angkop na forum ang senado para sa sinasabing imbestigasyon hinggil sa tagong-yaman ng mag-amang Duterte, ang PDI ay dapat tinukoy o iniimbestigahan kung saan ang nararapat. Bukod pa rito, dapat iniimbestigahan ang winika ni Alkalde Inday Sara na tsismis lámang umano ang mga paratang ng senador laban sa kanilang mag-ama. Kung babalikan ang Seksiyon 9, ng Batas Republika Blg. 9160, ang sinumang tao na maghahain ng maling ulat na may kaugnayan sa money laundering ay maaaring makulong mulang anim na buwan hanggang apat na taon, at pagmumultahin ng hindi bababa sa P100,000 ngunit hindi lalampas sa P500,000 alinsunod sa pasiya ng hukuman. Sa ganitong pangyayari, kahit si Senador Trillanes ay may malaking pananagutan sakali’t mali ang kaniyang paratang na ihahain sa AMLC (Anti-Money Laundering Council).

Ang “money laundering” ay maituturing na literal na pagkukulá ng mga salapi, upang ilihim ang maruruming bukál nito, na ayon sa B.R. Blg. 9160, ay maaaring nagmula sa gaya ng, ngunit hindi limitado sa, ilegal na pasugalan, kidnaping, korupsiyon, ilegal na pagbebenta ng droga, pagnanakaw, ismagling, pangungulimbat, at ibang paglabag sa batas. Sinumang paratangan ng pagkukula ng salapi ay dapat iniimbestigahan, lalo kung ang paratang ay umaabot sa milyon-milyong piso. May responsabilidad ang awtoridad na halukayin ang katotohanan, at parusahan kung sino man ang maysala. Ito ay dahil ang awtoridad ay may mandato mula sa batas, bukod sa may moral na responsabilidad bilang matapat na mamamayang nagmamahal sa bayan.

Hindi malulutas ang bangayan nina Alkalde Inday Sara at Senador Trillanes, kung hindi matitiyak ang katumpakan ng mga papeles na umano’y nagmula sa AMLC. Simple lámang ang lahat: kung magbibigay ng pahintulot si Pangulong Duterte at Alkalde Inday Sara na suriin ang kanilang mga deposito sa bangko ay tapos na ang usapan. Ngunit hindi ito madali, sapagkat may batas ukol sa pagiging lihim ng deposito, maliban kung ito ay pahihintulutang ibunyag ng may-ari ng akawnt.

Dahil palaban ang Pangulo at ang kaniyang alkaldeng anak sa isang hamak na senador, maihahakang walang mararating ang balitang nagmula sa PDI. Pulos satsatan ang naganap, ngunit walang handang magtaya ng buhay para sa bayan, maliban marahil sa peligroso ngunit politikong pagdulog ng senador. Sa ganitong pangyayari, ang lohika ng balita ay nagiging lohika ng lakas ng tinig, at naghuhunos na mapanlibak kung hindi mapagmataas, na maituturing na isang sampal kung hindi man pagyurak sa katalinuhan ng publiko.

Filipinas ng Makabagong Panahon

Mainit magpahanggang ngayon ang panukalang paggamit ng “Filipinas” bilang opisyal at pangkalahatang tawag sa bansa, at may panukalang patayin ang “Pilipinas” at “Philippines”. Maraming umiismid, kung hindi man umaangal, na higit umanong dapat pagkaabalahan ang iba pang problemang panlipunan, gaya ng pagtugon sa kahirapan at gutom. Isang katawa-tawa pa, sabi nila, na baguhin ang nakagisnan ng mga Filipino.

Ang pagpili ng pangalan ay sumasalamin sa pangkalahatang kamalayan ng mga mamamayan; at kahit sabihing simple ang pagpapalit ng titik \P\ tungong \F\ ay maaaring umabot iyon sa pagsasaharaya ng kabansaan ng makabagong panahon, gaya ng panukala ni Tagapangulong Komisyoner Virgilio S. Almario at ng mga kasama niyang komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino. Isang rebeldeng panukala ang pagpapanumbalik sa Filipinas, at ang implikasyon nito ay higit na madarama ng mga kasalukuyang manunulat, editor, at kahit ng madlang mambabasa.

Inihayag kamakailan ng pitong propesor ng Unibersidad ng Pilipinas — na kinabibilangan nina Dr. Rosario Torres-Yu, Dr. Teresita G. Maceda, Dr. Maria Bernadette L. Abrera, Dr. Adrian P. Lee, Dr. Ramon G. Guillermo, Dr. Pamela C. Constantino, at Dr. Jovy M. Peregrino —  na “malinaw na paglabag sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas ang paggamit sa mungkahing ‘Filipinas’ kapag ito’y ipinatupad.” Idinagdag pa nila na “matagal nang kinikilalang Pilipinas ang opisyal na pangalan ng bansa,” at nasa legal na dokumento gaya ng pasaporte, selyo, at pera.

Hindi ito totoo; at walang paglabag sa kasalukuyang konstitusyon kung gamitin man ang Filipinas, gaya ng paggamit ng pangalang “Embajada de la Republica de Filipinas” sa Argentina, Chile, Espanya, Mexico, Olanda, Peru, at iba pa. Higit na naunang gamitin ang salitang “Filipinas” kaysa “Pilipinas,” at ang orihinal na paggamit dito’y mauugat pa sa Konstitusyong Malolos noong 1899. Saad nga sa Título XIV — De la Observancia y Juramento Constitucional y de los Idiomas, Artículo 93:

El empleo de las lenguas usadas en Filipinas es potestativo. No puede regularse sino por la ley y solamente para los actos de la autoridad pública y los asuntos judiciales. Para estos actos se usará por ahora la lengua castellana.

Ang paggamit umano ng mga wikang sinasalita ay hindi magiging sapilitan sa Filipinas. Hindi ito maisasabatas maliban sa bisa ng batas, at sa mga gawain ng publikong awtoridad at panghukuman. Sa gayong pagkakataon, ang wikang Espanyol ay pansamantalang gagamitin. Kaya paanong makapapasok ang Pilipinas sa dominyo ng kapangyarihan nang panahong iyon?

Kung babalikan ang higit na nauna ngunit probisyonal na Konstitusyong Biak na Bato ng 1897, malinaw na nakasaad sa Artikulo VIII, na “Ang Tagalog ang magiging opisyal na wika ng Republika” [El tagalog será la lengua oficial de la República]. Ngunit binanggit sa pamagat ng Konstitusyon ang Filipinas: Constitución Provisional de la Republica de Filipinas, at ginamit kahit sa salin sa Tagalog sa kauna-unahang pagkakataon ang Republika de Filipinas.

Ginamit ang salitang Filipinas mula sa tula ni Jose Palma, at siyang pinagbatayan ng pambansang awit, hanggang sa mga batas at regulasyon. Mula noon, ang Filipinas ay hindi na lamang isang pangalan bagkus tatak ng kalakal, pabrika, kapisanan, kasarian, kahusayan, kalayaan, at kabansaan. Sabihin mang ang Filipinas ang pangmaramihang anyo ng Filipina, alinsunod sa gramatika ng Espanyol, at ang Filipina ay naghunos na pang-uri ng republika, ang Filipinas ay walang pasubaling ang pangngalan at pangalan na ginamit, tinanggap, at pinalaganap makaraang magtagumpay ang himagsikan ng mga mamamayan laban sa Espanya. Tumanyag lamang ang Pilipinas makaraang isaad sa Artikulo IX, Seksiyon 2 ng Konstitusyong 1943 sa ilalim ni Pang. Jose P. Laurel ang sumusunod:

The government shall take steps toward the development and propagation of Tagalog as the national language.

Bagaman walang binanggit na opisyal na wika ang Konstitusyong 1943, ang pagpapaunlad at pagpapalaganap ng Tagalog  bilang wikang pambansa ay kaugnay ng pagsikil sa hiram na titik \f\ ng Espanyol, at paghalili rito ng \p\, upang mapadali ang pagbigkas, pagsulat, at pag-angkin ng mga mamamayan.

Ang kauna-unahang selyo makaraang magwagi ang mga maghihimagsik ay tinawag na Correos Filipinas at may tatak pa ng Gobierno Revolucionario Filipinas noong 1899. Ang kauna-unahang pisong pilak na pinanday noong 1897 at ginamit sa buong kapuluan hanggang noong 1904, at may busto ni Alfonso XIII, ay may nakaukit na mga salitang Islas Filipinas. Ang pinakamatandang bangko sa bansa ay ang Banco de las Islas Filipinas na kilala ngayon bilang Bank of Philippine Islands (BPI). Ngunit ang kauna-unahang pasaporte sa ilalim ng Commonwealth of the Philippines ay nasa wikang Ingles, at nanaig mula noon ang taguring Philippines sanhi ng kampanya ng Estados Unidos bukod sa pagsunod sa Artikulo 1 ng Konstitusyong 1935.

Ayon sa Artikulo XIV, Seksiyon 3 ng Konstitusyong 1935,

The Congress shall take steps toward the development and adoption of a common national language based on one of the existing native languages. Until otherwise provided by law, English and Spanish shall continue as official languages.

Magiging makapangyarihan ang taguring Philippines sa tulong ng Estados Unidos, ngunit mananatili ang Filipinas bilang opisyal na katumbas sa Espanyol, kaya paanong susulpot ang Pilipinas kaagad-agad, gayong pagkaraan pa lamang ng 1940 maipalalaganap ang balarila at diksiyonaryo ng wikang pambansa? Mula sa pelikula ay isisilang ang La Mujer Filipina (1927) na itinaguyod ni Jose Nepumuceno. Pagsapit ng 1958 hanggang dekada 1960 ay mauuso ang mga pelikulang hibong Hollywood, ngunit sisilang din ang pangalan ng Pilipinas, alinsunod sa kautusan mula sa Kagawaran ng Edukasyon na gamitin ang “Pilipino” sa lahat ng paaralan. Ang nasabing kautusan, na nilagdaan ni Kalihim Jose E. Romero noong 1959, ang magtatakda ng taguri sa pambansang wika:

Pursuant to the objective that inspired the President’s proclamation, and in order to impress upon the National Language the indelible character of our nationhood, the term PILIPINO  shall henceforth be used in referring to that language.

Sa kautusan ni Kalihim Romero ay natural na sumunod ang Pilipinas sa Pilipino, alinsunod na rin sa naturang palabaybayan. Ang kautusan ni Kalihim Romero ang magiging batayan ng katumbas na salin sa sariling wika, ayon sa Artikulo XV, Seksiyon 3 (1) ng Konstitusyong 1973, na nagsasaad:

This Constitution shall be officially promulgated in English and Pilipino, and translated into each dialect spoken by over fifty thousand people, and into Spanish and Arabic. In case of conflict, the English text shall prevail.

Ang Filipino sa bisa ng Konstitusyong 1973, ayon kay Andrew Gonzalez, ay maituturing na kathang-isip na batas [legal fiction] upang maging katanggap-tanggap sa iba’t ibang delegadong kabilang sa kumbensiyong konstitusyonal. Saad nga sa Artikulo XV, Seksiyon 3 (2) at (3) ng naturang konstitusyon:

(2) The Batasang Pambansa shall take steps towards the development and formal adoption of a common national language to be known as Filipino.

(3) Until otherwise provided by law, English and Pilipino shall be the official languages.

Hindi makatotohanan kung gayon ang pahayag ng mga butihing propesor ng UP na pawang sumasalungat sa paggamit ng “Filipinas,” at ang pananaw nila ay masasabing naroon pa rin sa yugto ng Pilipino. Ang Konstitusyong 1973 ay pinawalang bisa ng Konstitusyong 1987, Artikulo XIV, Seksiyon 6, na nagsasaad na,

The national language of the Philippines is Filipino. As it evolves, it shall be further developed and enriched on the basis of existing Philippine and other languages.

Ang Filipino ng Konstitusyong 1987 ay lumampas na sa Pilipino ng Konstitusyong 1973, habang kumikilala sa pag-iral nitong Filipino bilang lingguwa prangka, at ang pagtatangkang lumikha ng makabagong ortograpiya ay masisilayan noong 1978 at 1985 sa pamamagitan ng mga konsultasyon at forum na ginawa ng LWP at pagkaraan ng KWF. Lumikha rin ng mga bukod na konsultasyon ang mga batikang manunulat, akademiko, editor, atbp na pawang pinamunuan ni Almario atbp upang mabuo ang higit na abanseng ortograpiya.

Ginagamit na ang Filipinas noon pa man, ngunit unti-unting mababago lamang ito dahil sa masugid na kampanya ng pagtataguyod ng ortograpiyang nakabase sa Tagalog, at yamang ang Tagalog ay tinumbasan ng \p\ ang lahat ng \f\ (bukod pa ang lahat ng \v\ na pinalitan ng \b\) na mula sa salitang Espanyol at siyang inangkin sa Tagalog at pagkaraan sa Pilipino, hindi kataka-takang mapasama sa kampanya ang Filipinas at Pilipinas.

Bilang halimbawa ang sumusunod: café (kape), certificado  (sertipikado), defecto (depekto), defensa (depensa), deficit (depisit), definición (depinisyon), definido (depinido), fabrica  (pabrika), falda (palda), falso (palso), fanatico   (panatiko), fantastico   (pantastiko), farol  (parol), farola  (parola), fatalidad  (patalidad), febrero (Pebrero), fecha (petsa) feria (perya), filosofia (pilosopiya), frances  (Pranses), fundar  (pundar),  grifo  (gripo), Filipinas  (Pilipinas). Kung susuyurin ang Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles (1972) ni Jose Villa Panganiban, ang Tagalog-English Dictionary ni Leo James English (1986), at Vicassan’s Pilipino-English Dictionary (1978) ni Vito C. Santos, ang lahat ng \f\ na mula sa mga salitang Espanyol na hiniram ay pinalitan ng \p\ pagsapit sa Pilipino. Ni walang lahok kahit isa sa titik \f\ sa naturang mga diksiyonaryo. Heto pa ang mabigat: Kung babalikan ang Diksyunaryo ng Wikang Filipino (1989) na inilathala ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) ay walang lahok din ni isang salita sa titik \f\, sapagkat wala pa noong \f\ sa korpus ng Filipino. Sa ganitong pangyayari, paanong makapananaig ang Filipinas? Bakit kinakailangang isaad ang isang salita sa pamagat pa mismo ng diksiyonaryo, gayong ang naturang salita ay hindi naman matatagpuang lahok sa loob ng diksiyonaryo? Isang anomalya ito na marahil ay pinuna kahit ng yumaong Senador Blas F. Ople.

Pinatay ang Filipinas (at lalong walang Filipino) sa mga diksiyonaryo at tesawro noong panahon ng Pilipino, kahit pa noong isinasalin ng LWP ang Konstitusyong 1987. Ang Filipino ng LWP at ng unang yugto ng KWF ay ibinatay nang malaki sa ABAKADANG Tagalog, ngunit ganap na magbabago sa UP Diksiyonaryong Filipino (2010) ni Virgilio S. Almario atbp pagkaraang pandayin nang ilang ulit ang makabagong ortograpiyang Filipino, alinsunod sa itinatadhana ng Konstitusyong 1987.

Kaya kahit noong deliberasyon sa Komisyong Kontitusyonal noong 1986, nabanggit ni Gregorio Tingson na nagulat siya nang minsang magpadala ng liham sa kaniyang esposa mulang Larnaka, Cyprus tungong Philippines. Wala umanong Philippines, sabi ng post master ng Larnaka, at hindi nito naisahinagap ang Filipinas. Binanggit din ni Tingson na binabaybay na “Pilipinas” ang pangalan ng bansa, ngunit isinusulat minsan na “Filipinas” kaya marami umanong turista at bisita ang nalilito. Itinanong din niya sa kapulungan kung ang Bureau of Posts ay awtorisadong baguhin ang opisyal na pangalang Philippines tungong Pilipinas.

Sumagot si Wilfrido Villacorta na ang “Pilipinas” ay opisyal ding pangalan ng bansa. Ngunit hindi naisaalang-alang ni Villacorta ang istoriko at lingguwistikong pinagbatayan ng Pilipinas, at kung bakit hindi Filipinas. Ang wikang ginamit sa Konstitusyong 1973 ay Pilipino, na labis ang kiling sa Tagalog. Nang ipromulga ang Konstitusyong 1973, malinaw na ang taguring Pilipinas ay batay sa konserbatibong Pilipino. Kaya tumpak lamang na mabahala si Tingson nang wikain niyang “wala akong alam na opisyal na batas na pinagtibay ng Kongreso na opisyal na tawagin sa ibang pangalan ang bansa maliban sa Philippines.” Mapapansin kung gayon na lumilingon si Tingson sa Konstitusyong 1935, at hindi lamang sa Konstitusyong 1973.

Sumabat pagkaraan si Jose Luis Gascon at sinabing, “The Pilipino translation of Philippines is Pilipinas.” Walang paliwanag si Gascon sa kaniyang pahayag, at mahihinuhang sumusunod lamang siya sa pahayag na “Pilipino” ni Kalihim Romero noong 1959. Sinabi lamang niyang katumbas ng Philippines ang Pilipinas, subalit nabigong ipaunawa nang malalim at makatwiran kung bakit hindi dapat gamitin ang Filipinas. Hindi rin malay si Gascon sa dating ortograpiyang ibinatay sa Tagalog at pumatay sa titik \f\.  Hirit pa ni Gascon:

On the query of Commissioner Tingson whether there was any official act of changing the name Philippines to “Pilipinas” Commissioner (Adolfo S.) Azcuna told me that the 1973 Constitution had a Filipino translation of the Republic of the Philippines which was promulgated, and that is “Republika ng Pilipinas.” So it has been officially promulgated; therefore it does not need any congressional act.

Mapapansin sa siniping transkripsiyon na ang gamit ng “Pilipino” at “Filipino” bilang mga wika ay nagbago kahit sa mga bigkas ni Gascon. Ang unang gamit niya na Pilipino ay mahihinuhang mula sa lumang ortograpiyang Tagalog at namayaning Pilipino alinsunod sa kautusan ni Kalihim Romero noon at siyang sinundan ng Konstitusyong 1973; samantalang ang ikalawang gamit na Filipino ay para sa mithing abanseng wika ng bansa, at siyang iiral sa Konstitusyong 1987. Ang “Filipino translation” na winika ni Gascon at patungkol sa “Pilipinas” ay mapasusubalian kung gayon. Ang binanggit ni Gascon na salin ay Pilipino at hindi Filipino, bukod sa walang opisyal na imprimatur mula sa Surian ng Wikang Pambansa na naging LWP at ngayon ay tinatawag na Komisyon sa Wikang Filipino.

Ang LWP noong panahong iyon ay nakakiling sa “Pilipino” samantalang pangarap pa lamang ang wikang “Filipino.” At kahit ang LWP noong panahong iyon ay walang opisyal na tindig hinggil sa Filipinas, Pilipinas, at Philippines, ngunit gumagamit ng “Pilipinas” alinsunod sa ABAKADANG Tagalog, bukod sa napakakonserbatibo kung hindi man atrasado ang diksiyonaryo nito sawikang Filipino.” At bagaman ipinromulga ang Konstitusyong 1973, ang promulgasyon ng salin ay batay sa Pilipino ni Kalihim Romero. Hindi kataka-taka kung gayon na ang salin sa “Filipino” ng Konstitusyong 1987 ay hindi Filipino sa pinakamataas nitong pamantayan, bagkus nanatiling Pilipino, lalo kung isasaalang-alang na malaki ang inilundag ng makabagong ortograpiyang Filipino, alinsunod sa itinatadhana ng batas.

Kung ipinromulga man ang “Pilipinas” bilang katumbas ng “Philippines” sa Konstitusyong 1987, ang naturang salita ay hindi “Filipino” bagkus “Pilipino” na umiral noong Konstitusyong 1973, at siyang ikinalito ni Gascon na sumunod sa opinyon ni Azcuna. Lumabas lamang ang maipapalagay na salin na ipinalimbag ng LWP limang taon pagkaraang ihayag ang Konstitusyong 1987 na dapat sanang kasabay inihayag ng bersiyong Ingles sa naganap na plebisito; at kung ito man ang sinasabing “Filipino” ay hindi nasuri ng Kongreso noong 1991, o ni kaya’y ng Komisyong Konstitusyonal noong 1986.

Walang nagkakaisang tindig ang mga komisyoner ng Komisyong Konstitusyonal ng 1986 hinggil sa Philippines, Pilipinas, at Filipinas, at kung ipagpapalagay na nauna ang bersiyong Ingles, at Ingles ang wika ng diskusyon sa Komisyong Konstitusyonal, ang Philippines ang maituturing na tangi’t pangunahing opisyal na pangalan ng bansa at hindi Pilipinas. Kung gayon, ang mga mamamayan ay dapat tinatawag na Philippinean para maging konsistent sa ortograpiya, imbes na Filipino o Pilipino. Pinagtibay din dapat ng mga Komisyoner ng KWF noong 1992-1993 ang bersiyon sa “Filipino” na lumitaw noong 1991, ngunit walang naganap na gayon sapagkat nananatili pa rin ang naturang komisyon sa yugto ng nakaiwanan-sa-panahong Pilipino.

Ang taguring Pilipinas ay malaki ang pagkakataong maituwid tungo sa Filipinas, lalo kung iisiping wala namang batas ang nagsasabing isa lamang ang opisyal na pangalan ng bansa (na dating ginawa noong panahon ng Komonwelt). Namayani ang Philippines sapagkat ang mga batas at kautusang binalangkas ng Kongreso, bukod pa ang mga kapasiyahan ng Korte Suprema, na pawang umiiral sa buong kapuluan ay karaniwang nakasulat sa Ingles, at siyang nagbubukod sa pamahalaan sa dapat sanang pagsilbihan nitong pangkalahatang mamamayan. Nailulugar sa ganitong pagkakataon ang katumbas na salin sa Filipino sa mababang antas, at pinanaig na batayan ang tekstong Ingles. Kung ipagpapalagay na may dalawang opisyal na wika ang bansa, Filipino at Ingles, ang Konstitusyong 1987 ay dapat nasa parehong wika at ang pambansang wikang Filipino ang siyang dapat makapanaig imbes na bersiyong Ingles. Ngunit sa punto ng praktikalidad, ani Francisco Rodrigo, yamang ang mga talakayan ng komisyong konstitusyonal ng 1986 ay nasa Ingles, kung sakali’t may lumitaw na tanong sa hinaharap, ang mga interpretasyon batay sa Ingles ang higit na matimbang kompara sa tekstong nasa Filipino. Hmmm.

Pinag-uusapan din dapat ang tumpak na ispeling ng pangalan, upang maging konsistent ang tawag. Halimbawa, Filipino ang katumbas ng tao, wika, at konsepto, na ipapares sa Filipinas batay sa istoriko, huridiko at lingguwistikong pagdulog. O maaari din itong maging Pilipino na itutumbas sa tao, wika, at konsepto, upang umangkop sa Pilipinas. Maitatanong din kung bakit hanggang ngayon ay pumapayag ang mga Filipino na magkaiba ang tawag sa bansa nila alinsunod sa paggamit ng dalawang opisyal na wika. Sa ganitong mungkahi, kinakailangang susugan ang Saligang Batas 1987.

Inihayag pa ng mga propesor ng UP na “walang legal na batayan at paglabag sa Konstitusyon ang palitan ang Pilipinas” at gawing Filipinas. Walang katotohanan ang gayong pahayag. Nakasaad sa Artikulo XVI, Seksiyon 2, ng Konstitusyong 1987 na,

The Congress may, by law, adopt a new name for the country, a national anthem, or a national seal, which shall all be truly reflective and symbolic of the ideals, history, and traditions of the people. Such law shall take effect only upon its ratification by the people in a national referendum.

Ang pangalang Philippines, gaya ng Filipinas, ay hitik sa mga pahiwatig ng kolonyalismo. Gayunman, ang Filipinas, gaya ng taguring Filipino, ay umigpaw na mula sa makitid na pagpapakahulugan ng mga Espanyol at lumawak upang kumatawan sa modernong konsepto at malayang bansa. Ang Filipino, na dating minimithing yumabong at linangin, ay sumapit na sa mataas at abanseng antas bilang mamamayan, wika, at konsepto, at hindi na maaaring maikulong pa sa limitadong Pilipinas.  Ang Filipinas ay hindi na lamang pelikula ni Joel Lamangan, o kaya’y patutsada sa mga babaeng nagbibili ng aliw.

Kaya hindi nakapagtataka kung lumitaw ang sumusunod: Filipinas Palm Oil Processing Incorporated; Filipinas Palm Oil; Bagellia Filipinas; Filipinas Alfa Company, Incorporated; Filipinas Synthetic Fiber Corporation; Filipinas Polypropelene Manufacturing Corporation; Compania de Filipinas; Digital Equipment Filipinas Incorporated; Funeraria Filipinas Incorporated; Filipinas Fair Trade Ventures; Compania General de Tabacos de Filipinas; Filipinas Aquaculture Corporation; Filipinas Agri-Planters Supply;  Filipinas Dravo Corporation; Avia Filipinas International Incorporated; Filipinas Orient Airways Incorporated; Corporacion de Padres Dominicos de Filipinas; Filipinas Heritage Library; Filipinas Thermo King Incorporated; Filipinas Consolidated Sales; Islas Filipinas Food Products, Incorporated; Freyssinet Filipinas; Filipinas Multi-Line Corporation; Filipinas Systems Incorporated; Filipinas Consultants and Management Corporation; Tri-S Filipinas Incorporated; Filipinas Global Multiservices; Filipinas Mills; Filipinas Soda, at marami pang iba.

Nagkamali ang mga propesor ng UP nang sabihin nilang walang lingguwistikong batayan ang pagbabago mulang Pilipinas tungong Filipinas. Kung walang lingguwistikong batayan ay bakit patuloy na sumisibol ang Filipinas sa larangang pandaigdig at elektroniko? Ang mismong ortograpiyang Filipino ang magiging pandayan upang mapalinaw kung ano ang itatawag sa ating bansa. Ang Filipinas ay hindi lamang isang idea; at hindi newtral na salita na binabago lamang ang isang titik alinsunod sa arbitraryong nais ng mga komisyoner. Ginagawa iyon upang patuloy na mahubog ang makabagong kamalayan, na ang iniisip ay siyang binibigkas, at ang binibigkas ay siyang isinasabuhay. Nagmumungkahi rin ang Filipinas na tawagin ang bansa sa isang pangalan lamang—imbes na tatlo—na siyang magbubunsod ng pagkakaisa ng mga Filipino anumang lipi, relihiyon, at kapisanan ang kanilang kinabibilangan.

Nakalulungkot na kahit ang banggit ng mga butihing propesor ng UP hinggil sa kasaysayan ay saliwa. Filipinas ang ginamit nina Emilio Aguinaldo at Andres Bonifacio, ngunit pagsapit kay Bonifacio ay higit niyang itatampok ang Katagalugan, ang Inang Bayan na sumasaklaw ang pakahulugan sa buong bansa, upang maitangi ang diskurso ng Tagalog laban sa mga Espanyol na inaalagaan ng Inang Kuhila at Inang Sukaban [Madre España]. Hindi rin inilugar si Jose Corazon de Jesus, nang gamitin niya bilang makata ang Pilipinas sa kaniyang mga tula. Ang lunduyan ni Batute, palayaw ni De Jesus, ay ang pangarap na maging Tagalog ang wikang pambansa; at papanaigin kahit ang paraan ng panghihiram at pag-angkin ng mga salitang banyaga na makapagpapalago sa Tagalog. Kaya hindi kataka-taka kung isulong man niya ang Pilipinas; at kung ginamit man niya ang Pilipinas ay dahil maalam din siya sa Espanyol.

Mababaw ang pahayag ng mga propesor ng UP na sumasalungat sa Filipinas. Inaasahan ko ang higit na masigasig at marubdob na pananaliksik upang ibuwal ang pagtataguyod ng Filipinas at panatilihin ang namamayaning Pilipinas at Philippines. Nakayayamot din ang mga interbiyu sa mga karaniwang mamamayan sa midya, sapagkat ang debate ay dapat nasa antas na intelektuwal at hindi basta pagpupukol lamang ng mga walang batayang kuro-kuro, komentaryo o putik. Panahon na upang buksan ang Filipinas. At inaasahan ko ito kahit sa munting talakayan sa hapag ng Pangulo ng Republika ng Filipinas.

(“Filipinas ng Makabagong Panahon,” ni Roberto T. Añonuevo, 18 Hulyo 2013.)

Diskriminasyon, rasismo, at senopobya

Sinindak, binugbog, at hinambalos ang ilang Filipino sa Taiwan, makaraang pumutok ang balita na napatay ng kawal ng Philippine Coast Guard ang isang mangingisdang Taiwanese sa Balintang Channel, sa pagitan ng mga isla ng Babuyan at Batanes. Ibinalita rin na pinagbawalan ang mga Filipino na pumasok sa mga groserya, restoran, at ilang publikong lugar; samantalang ang iba’y sumagap ng diskriminasyon sa mga pabrika at opisina.

Kung napatay man ang isang Taiwanese sa Balintang Channel, ito ay sapagkat sinikap ng PCG na pangalagaan ang teritoryo ng Filipinas. Matagal nang usapin ang pagpasok ng mga Tsino at Taiwanese sa Batanes at Babuyan, ngunit hindi ito natutugunan sapagkat kulang sa mga sasakyang-dagat ang Filipinas. Kung iisipin ay pumasok nang walang paalam sa teritoryo ng Filipinas ang mga Taiwanese; isang kasalanang lumalabag sa Saligang Batas 1987 at iba pang batas na pandaigdigan.

Ngunit higit na nakalulungkot ang diskriminasyon, rasismo, at senopobya ng ilang Taiwanese laban sa mga Filipino. Ang nasabing aksiyon ng mga tarantadong Taiwanese ay lumalabag sa deklarasyong inihayag ng United Nations sa Durban, South Africa noong 31 Agosto hanggang 8 Setyembre 2001, mula sa “Pandaigdigang Kumperensiya laban sa Rasismo, Diskriminasyon ng Lahi, Senopobya, at Kaugnay na Intoleransiya.” Nalalabag ang mga karapatang pantao ng mga Filipino sa Taiwan, partikular ang mga migranteng manggagawa at turista, sapagkat kahit hindi sila sangkot sa pagkamatay ng isang Taiwanese sa Balintang ay sila pa ang ginigipit ng mga Taiwanese.

Hindi rin makatutulong kung pasisiklabin ng midya sa Taiwan ang silakbo ng mga Taiwanese. Ang dapat atupagin ng mga peryodista at politiko ay lutasin ang ganitong problema, at malaki ang maitutulong ng edukasyon at talakayan.

Ang rasismo, diskriminasyon ng lahi, senopobya, at kaugnay na intoleransiya ay nagbubukas ng usapin hinggil sa mga Filipinong migranteng manggagawa. Kumakayod sa ibayong dagat ang mga Filipino hindi para makipag-away o manuba ng kapuwa tao, bagkus upang kumita ng ikabubuhay sa marangal na pamamaraan. Ngunit sinisipat ng ilang Taiwanese na makikitid ang isip na pawang pangamba sa kabuhayan ng Taiwan ang mga Filipino, imbes na katuwang sa kaunlaran. Ang gayong aksiyon ng mga Taiwanese ay lumalabag sa Pandaigdigang Deklarasyon ng Karapatang Pantao, at walang pakundangan sa mga kalayaang may kaugnayan sa lahi, kulay, kasarian, wika, relihiyon, at pagkamamamayan.

Nakalulugod na nakaigpaw na ang mga Filipino sa baryotikong pagtanaw na rasista at senopobo; subalit marami pang kakaining bigas ang mga Taiwanese upang sumapit sa gayong yugto. Sa ganitong pangyayari, kinakailangan ang internasyonal na tulong upang malutas ang malulubhang prehuwisyo laban sa mga Filipino doon sa Taiwan.

Ang pagtanaw na superyor ang lahing Tsino kaysa Filipino ay nagbubunga ng rasismo, diskriminasyon, senopobya, at intoleransiya. Ang pagtanaw na ito ay isang anyo ng kolonyalismo, at dapat iwaksi sa pinakasukdulang paraan. Upang malutas ito, hinihingi sa panig ng mga Filipino na tuklasin ang pinakadakila at pinakamagaling mula sa kanilang hanay, ihayag ang mga katangiang ito nang may dangal at pagmamalaki, at iwasan ang masasamang asal na ginawa sa kanila ng ilang rasista at senopobong Tsino o Taiwanese. Ito ang pinakamagandang panahon upang tuklasin muli ng mga Filipino ang sarili at kultura, at itampok ang mga halagahang naghatid sa kanila sa rurok ng tagumpay.

Tungkulin ng Tsina (at Taiwan) na pangalagaan ang mga karapatang pantao hindi lamang ng kanilang mga mamamayan, bagkus maging ng mga manggagawa, negosyante, at turistang Filipino. Ang mga karapatang ito ay dapat sensitibo sa kasarian ng babae. Kung patuloy na ipagwawalang-bahala ito ng pamahalaang Tsina (at Taiwan), ang Filipinas ay kinakailangang magtaguyod ng solidaridad sa iba pang bansa upang mapangalagaan, hindi lamang ang mga Filipino bagkus maging ang ibang lahi na naninirahan sa Tsina at Taiwan.

Hindi malulutas ang rasismo, diskriminasyon, senopobya, at intoleransiya sa pamamagitan ng digmaan o suntukan. Kinakailangan ang multi-disiplinaryong pagdulog at taguyod ng iba’t ibang sektor upang mapalitaw ang pasensiya at karunungan imbes na silakbo at kamangmangan. Maaaring hindi sapat ang pagbubuo ng batas sa iba’t ibang antas, bagkus ang tumpak at episyenteng pagpapatupad nito. Makabubuti rin ang patuluyang diyalogo, lalo sa hanay ng negosyo at kalakalan, upang mabawasan ang mga bobo at demagogo. Kinakailangan ang pagbubuo ng mga programa at proyekto, gaya sa saliksik, seguridad at kalusugan, na makapagbubukas ng loob ng bawat isa, at magpapatibay sa toleransiya sa katangian ng bawat nilalang.

Nakakahiya ang Taiwan sa malubhang problema nito sa rasismo, diskriminasyon, senopobya, at intoleransiya laban sa mga Filipino. At ito ang dapat mabatid ng lahat ng Filipino.

Panukalang Pagbabago sa Komisyon sa Wikang Filipino

Sa halos dalawang taon kong panunungkulan sa Komisyon sa Wikang Filipino, masasabi ko nang kinakailangan nito ang malaliman at malawakang pagbabago upang maging epektibong kasangkapan ng Tanggapan ng Pangulo sa pagsusulong ng mga patakaran at programang pangwika. Nais ko ang pagbabago; ngunit kahit ikaw ang direktor heneral o direktor IV ng KWF ay hindi ka basta makapagpapatupad ng pagbabago nang walang pahintulot ng Lupon ng mga Komisyoner. Kinakailangan ang pagsang-ayon ng Lupon ng mga Komisyoner, dahil ang KWF ay maibibilang na Komisyong Konstitusyonal at kumikilos bilang lawas kolehiyado [collegial body].

Nakalulungkot isiping nabigo ang KWF ng kalukuyang panahon na isagawa ang mga itinatadhana ng batas. Walang malinaw na pambansang patakarang nabuo ang Lupon ng mga Komisyoner sa ilalim ng pamumuno ni Kom. Jose Laderas Santos, at ang ganitong pangyayari’y patutunayan ng mga rekord sa opisina. Nagmungkahi ako ng mga programang pangwika na puwedeng isaalang-alang ng lupon, ngunit ang tinig ng butihing Punong Kom. Santos ay waring nakapangyayari sa lahat at hindi ang lawas kolehiyado. Ang pagbubuo ng mga patakaran at programa ay dapat nakaayon sa saliksik at pag-aaral, ngunit dahil hindi naman ginagampanan ng KWF ang tungkuling magsaliksik hinggil sa Filipino at iba pang wika, umaasa na lamang ang KWF sa mga saliksik ng ibang pangkat at nagpapasiya alinsunod sa anumang itatakda ng pambansang pamahalaan.

Kaya napakahirap hingan ang KWF ng katumbas na opinyon na magtataguyod ng Mother-tongue based Multilingual Education (MTB-MLE) bilang pamalit sa dating bilingguwal na edukasyong itinatadhana ng Saligang Batas 1987 at sinegundahan ng DECS Order Blg. 52, s. 1987 na may petsang 21 Mayo 1987. Pumasok ang KWF sa patakarang MTB-MLE ng Kagawaran ng Edukasyon (at siyang isinusulong ni dating sinibak na Punong Kom. Ricardo Ma. Nolasco at ipinagpatuloy ni Punong Kom. Santos) nang walang malinaw na parametro ng paglahok. Naging parang utusan ang KWF na gumawa lamang ng mga ortograpiya sa 12 pangunahing wika mula sa buong kapuluan; nagrepaso ng ilang teksbuk na itinataguyod ng DepEd at binigyan ng imprimatur ang mga ito kung kinakailangan; at nakilahok sa mga panrehiyon at pambansang seminar. Ngunit hindi iyon sapat, at hindi sapat ang maging pasibo sa usaping pangwika.

Ideal ang MTB-MLE dahil sinisikap nitong turuan ang bata alinsunod sa wikang kinagisnan nito. Gayunman, hindi isinaalang-alang ng mga tagapagtaguyod ng MTB-MLE ang ibang balakid, gaya ng iba’t iba ang wikang kinagisnan ng mga bata na tinipon sa isang silid-aralan at kinakailangang maging polyglot ang guro; na dapat rebisahin ang kurikulum upang umayon sa MTB-MLE at K-12; na kulang ang materyales sa pagtuturo at hindi sapat ang mga pagsasanay sa guro; at kung ang lingguwa prangka, na gaya ng Filipino, ay gagamitin kung sakali’t may pagtatalo kung sa aling wika ituturo ang mga asignatura. Sa ganitong pangyayari, ang KWF sa ayuda ng DepEd ay dapat nagsasagawa ng mga saliksik upang maisaalang-alang sa pagsasakatuparan ng bagong patakarang pangwika at pang-edukasyon, alinsunod sa panrehiyong bisyon sa antas ng ASEAN, kung hindi man Asya-Pasipiko.

Kinakailangang magbalik ang KWF sa seryoso at dibdibang pananaliksik.

Nakasaad sa Batas Republika Blg. 7104, Sek. 14-c na tungkulin ng KWF na “magsagawa ng pananaliksik o makipagkontrata para maisulong ang pananaliksik at iba pang pag-aaral upang maipalaganap ang ebolusyon, pag-unlad, pagpapayaman at estandarisasyon ng Filipino at iba pang wika sa Filipinas.” Ang nagaganap sa KWF ay hinihingan na lamang nito ng mga manuskrito ang mga Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino (PSWF), gaya ng antolohiya ng mga kuwento o tula at diksiyonaryo, at ang mga ito ay ilalathala ng KWF para maibenta at maipalaganap sa rehiyon. Mahilig ding magpaseminar ang KWF, sa basbas ng gaya nina Punong Kom. Santos, Kom. Carmelita Abdurahman, Kom. Concepcion Luis, at Kom. Bernard Macinas na kung lilimiin nang maigi ay hindi nakatutulong nang malaki sa panig ng mga guro. Pinakabagong pinagkakaabalan ng apat na butihing komisyoner ang “Pagpapaunlad ng Kamalayan at Kasanayan sa Paghahanda ng Pananaliksik at mga Kagamitang Panturo sa Wika at Panitikan Salig sa K to 12 Kurikulum” na binalak sakupin ang buong Filipinas sa pamamagitan ng PSWF ng KWF sa bawat rehiyon. Direktor ng Seminar si G. Robinson K. Cedre (na kung hindi ako nagkakamali’y isang taluhang kandidato sa halalan ng pagkakonsehal noong 2010 sa Lungsod San Pablo, Laguna) at direktang nakikipag-ugnayan kina Kom. Santos at Kom. Abdurahman. Ang problema’y isinagawa ang naturang seminar nang walang basbas ng Lupon ng mga Komisyoner ng KWF; ni hindi pinaharap sa Lupon ang direktor ng seminar na si Cedre; at hindi ipinaalam sa Direktor Heneral ang serye ng seminar bagaman ang Direktor Heneral ang dapat sumusubaybay sa gayong gawain. Lumiham din sina Cedre at Kom. Santos upang humingi ng endosong memoradum at adbaysori kay DepEd Kalihim Armin A. Luistro sa pamamagitan ni Dr. Yolanda S. Quijano. Sa naturang pangyayari, mababatid na sina Kom. Santos at Kom. Abdurahman ay kumikilos nang walang pahintulot ng lawas kolehiyado, at ito ay malaking kasalanan sa batas kung isasaalang-alang na ang KWF ay isang komisyong konstitusyonal at hindi ordinaryong ahensiya ng gobyerno. Bukod pa rito, lumalampas sa itinakdang tungkulin ang mga butihing komisyoner sapagkat gumaganap sila bilang direktang tagapagpatupad at kalahok ng proyekto, bukod sa sila rin ang tagapagbuo at tagapagpatibay ng nasabing proyektong popondohan ng KWF– at ang ganitong gawi ay tandisang paglabag sa itinatadhana ng Batas Republika Blg. 7104.

Bagaman maipupuwing na walang kakayahan sa ngayon ang KWF na magsagawa, halimbawa ng malawakang sarbey o saliksik pangwika sa iba’t ibang lugar kung hindi man sa buong kapuluan, maaaring kumuha ito ng serbisyo ng ibang ahensiyang magsasagawa ng saliksik para sa KWF. Ang ganitong pagtatambal ay nakasaad sa Batas Republika Blg. 7104, Sek. 14-g, na nagbibigay kapangyarihan sa KWF na “tawagan ang alinmang kagawaran, kawanihan, opisina, ahensiya o instrumentalidad ng Gobyerno o alinmang pribadong entidad, institusyon o organisasyon para sa kooperasyon at tulong sa pagsasakatuparan ng mga gawain, tungkulin, at responsabilidad nito.” Kabilang sa gayong gawain ang “pagtitipon ng mga akda para sa posibleng paglalahok sa multilingguwal na diksiyonaryo. . . .” Sa kaso ng pagkuha ng serbisyo ni G. Cedre na mula umano sa Trends & Techniques Resource Center and Training Services, ang grupo ni Cedre ay hindi umano nakarehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC), ayon sa pinakabagong makinang panghanap [search engine] nito. Maaaring nagkakamali ang aparato ng SEC, ngunit kung totoong ilegal ang ahensiya ni Cedre ay puwede siyang managot sa batas, kasama sina Kom. Santos at Kom. Abdurahman na pawang nagpahintulot at tumulong kay Cedre. Mapanganib ang ganitong pangyayari, dahil nalalagay sa alanganin ang KWF kung sakali’t mapatunayang walang sapat na papeles at legal na personalidad ang Trends & Techniques Resource Center and Training Services ni Cedre para makipagkontrata sa KWF. Nagagamit ni Cedre ang mga PSWF ng KWF, sa tulong at pahintulot nina Punong Kom. Santos at Kom. Abdurahman, na posibleng ikapahiya kahit ng DepEd, bukod pa sa pangyayaring ang pagsasagawa ng seminar pangwika at pampanitikan ay dapat hinihigpitan upang maiwasan ang pagpapakalat ng katangahan sa hanay ng mga guro at estudyante.

Masakit amining nagkulang ang KWF. Ngunit kung nagkulang man ang KWF ay dapat siyasatin ang mga ginagawa ng gaya nina Punong Kom. Santos at Kom. Abdurahman. Ang KWF ay dapat umigpaw sa impunidad at medyokridad, bukod sa handang harapin ang mga hamon sa pagpapalaganap ng Filipino at iba pang wikang panrehiyon sa matalino at siyentipikong pamamaraan. Bagaman may kalayaan ang grupo ni Cedre na makipag-ugnayan sa KWF, at ang KWF ay may karapatang kumuha ng serbisyo ng mga lehitimong pribadong organisasyon, ang tambalan ng grupo ni Cedre at nina Kom. Santos at Kom. Abdurahman ay makapag-iiwan ng maraming tanong, lalo’t hindi matunog ang ilang pangalan ng mga ispiker sa naturang seminar at mapagdududahan ang legalidad ng Trends & Techniques Resouce Center and Training Services.

Upang maging epektibo ang KWF, napapanahon nang repasuhin ang limang sangay nito, na kinabibilangan ng Sangay ng Pagsasalin, Sangay ng Impormasyon at Publikasyon, Sangay ng Lingguwistika, Sangay ng Leksikograpiya, at Sangay Pampangasiwaan. Labis na naging makapangyarihan ang Sangay Pampangasiwaan na halos lumukob sa apat na iba pang sangay, gayong ang Sangay Pampangasiwaan ang dapat na sumusuporta lamang sa mga gawain ng apat na pangunahing sangay. Makabubuting isaayos ang paglalagay ng mga kawani, upang ang isang tao ay hindi mapunta sa isang posisyon na malayo sa kaniyang kurso o disiplinang pinagkadalubhasaan sa unibersidad. Makatutulong nang malaki sa KWF kung ito ay mapapasukan ng ibang matatalino’t masisigasig na tauhan at opisyal mula sa pribadong sektor, upang mapalitan ng bagong dugo ang tumatandang hanay nito.

Ang pagpapanibago sa hanay ng mga kawani at opisyal ay dapat iugnay din sa pagpapanibago ng pisikal na estruktura ng gusali ng KWF. Ang tanggapan ng KWF ay hindi angkop para sa gawaing pampananaliksik, sapagkat napakasikip ng tanggapan para sa mga kawani nito. Luma at baryotiko ang mga kompiyuter at aparato nito, at kahit ang planong modernisasyon at kompiyuterisasyon ng KWF ay hindi maisagawa sapagkat nababagahe dahil sa mismong latag ng mga dibisyon, bukod sa hindi masugpo ang problema ng daga. Upang maibalik ang dating ringal ng KWF, at mahimok ang mga kawani nito na magtrabaho nang may sigasig at alab, maimumungkahing baguhin din ang gusali ng KWF at lumipat sa higit na ligtas, maluwag, at maaliwalas na lugar na umaangkop sa gawaing pananaliksik.

Higit sa lahat, kinakailangang isaayos ang pagpapatakbo ng PSWF sa bawat rehiyon, at gamitin ito alinsunod sa dapat na mandato ng Saligang Batas. Ang PSWF ay maaaring makatulong sa debolusyon ng kapangyarihan ng KWF at magamit ang naturang sangay sa pananaliksik at pagpapatibay ng network sa malalayong rehiyon. Magagamit din itong lunan upang makapagpalitan ng saliksik at tuklas ang bawat rehiyon, at sa tumpak na koordinasyon ng KWF ay maipapalaganap ang mga saliksik sa pamamagitan ng research exchange. Nakapanghihinayang na ginagamit lamang sa ngayon ang PSWF para sa mga seminar o kumperensiya, ngunit kung ang seminar o kumperensiyang ito ay epektibo at tumutugon sa pangangailangan ng mga guro at superbisor sa rehiyon ay masasagot lamang ng mga kalahok.

Bago maisagawa ang panloob na estruktura ng KWF, kailangang simulan din ang reoryentasyon ng mga itinalagang komisyoner. Ang bawat komisyoner ay inaasahang kumatawan sa isang pangunahing wika (at disiplina) sa isang rehiyon, bagaman ang teritoryong saklaw ng wika ay hindi esklusibo lamang sa isang pook. Halimbawa, bagaman ang Ilokano ay malaganap sa hilaga ng Filipinas, ang Ilokano ay unti-unti na ring sumasakop sa Visayas at Mindanao, at maging sa ibayong dagat, gaya sa Estados Unidos, Saudi Arabia, China, at Awstralya. Ang isang komisyoner ay dapat kumakatawan din sa isang partikular na disiplina, gaya ng edukasyon, agrikultura, at batas, upang sa gayon ay mapayayaman ang mga wika at maipapasok sa mga dominyo ng kapangyarihan, gaya sa hukuman, akademya, negosyo, at telekomunikasyon.

Nakasalalay naman ang mga gawain ng mga komisyoner sa “Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad ng Batas Republika Blg. 7104.” Ang problema sa KWF ay hindi sinusunod ang naturang mga tuntunin at regulasyon, at nananatiling hanggang papel lamang ito sa tatlong butihing komisyoner na ganap ang panahon ng panunungkulan. Ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng KWF ay napapanahon nang rebisahin; panahon na ring enmiyendahan ang buong Batas Republika Blg. 7104, na inakda ni Sen. Edgardo Angara, nang sa gayon ay makaagapay ito sa nagbabagong panahon; at mahigpit na ipatupad ng magiging bagong pamunuan ng KWF. Masakit sabihing ang panahon ng administrasyon ni Punong Kom. Santos ang Madilim na Panahon [Dark Ages] sa yugto ng KWF; ngunit ito ang katotohanan. Ang KWF ay naging kasangkapang pampolitika noong administrasyon ng Pang. Gloria Macapagal-Arroyo, nagpasibol ng kapabayaan kung hindi man katiwalian, at ang bunga nito ay inaani ngayon ng mga tauhan at opisyal ng KWF. Kung ganito ang loob ng KWF, paano ito makabuluhang makapag-aambag sa larang ng pambansang patakarang pangwika, at siyang masasandigan ng Tanggapan ng Pangulo?

Kung ang pangulo ng bansa ang direktang may kapangyarihan sa KWF, dahil ang KWF ay nasa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo, napapanahon nang manghimasok ang pangulo sa KWF. Ito ay sapagkat ang wikang Filipino ang “imbakan o pintungan ng kultura at kasaysayan ng bansa,” ayon na rin sa Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario. Tanging wika lamang ang makapaghahatid ng mahahalagang impormasyon mula sa Tanggapan ng Pangulo tungo sa malalayong pamayanan, at makapagpapataas ng diskurso ng dalawang panig. Kung tototohanin ng Pang. Benigno S. Aquino III ang kaniyang pangako, ang pagpapanibago sa KWF ay hindi imposible. Dapat ibalik sa tuwid na landas ang KWF, at ibasura nang ganap ang utak wangwang na nagpabulok sa institusyong dating itinaguyod ng mga dakilang manunulat, lingguwista, at estadista ng nakaraang panahon. Sa ganitong paraan, higit na makapagsisilbi ang KWF sa taumbayan, at magiging episyenteng kabalikat ng pamahalaan, imbes na ang KWF ang pinagsisilbihan ng mga mamamayan.

Si Dolphy at ang Komedyang Filipino

Produkto ng Bodabil, si Dolphy [Rodolfo Vera Quizon Sr] ang tatanghaling ikon at ultimong komedyante ng kaniyang panahon, at magtatakda ng kumbensiyon sa larangan ng pagpapatawa sa pelikula, telebisyon, at radyo. Ang pagpapatawa ni Dolphy ay sumasaklaw sa mga pakahulugang popular at kontemporaneo, naglalaro sa pukol ng mga salita at mapaghanap ng tumpak na tiyempo, hindi magbabantulot na maging teatral, matalim at mapangahas gaya ng klasikong payaso, bukod sa nagsasaalang-alang ng pagsalo o pagsangga sa winiwika at reaksiyon ng kapuwa aktor, habang ibinubunyag sa realistikong pagdulog ang panahon o lugar na kaniyang iniinugan bilang aktor.

Dolphy [Rodolfo Vera Quizon]. Hango ang retrato sa Dolphyfilmography.blogspot.com

Dolphy [Rodolfo Vera Quizon]. Hango ang retrato sa Dolphyfilmography.blogspot.com.

Maitatangi si Dolphy, at ito ang hindi maitatatanggi. Ang uri ng siste o paraan ng pagpapatawa niya ay lumilingon sa gaya ni John Falstaff o Charlie Chaplin, at siyang isasalin sa telon, subalit kayang magsuot ng kapayakan sa katauhan ng gaya nina Gorio, Ompong, Enteng, Kevin Cosme, at John Puruntong. Kailangan ni Dolphy ang mahusay na iskriprayter, gayunman ay marunong siyang manghimasok sa kaniyang papel dahil ang gumaganap ay hindi si Dolphy bagkus ang tauhang kaniyang kinakatawan. Panoorin si Dioscoro Derecho sa Ang Tatay kong Nanay (1978), at ang kabaklaan at ang pagkamagulang ay magbabago ang tabas sa direksiyon ni Lino Brocka, bukod sa magpapakilala kay Niño Muhlach bilang kapani-paniwalang iyaking ampon at anak sa labas.

Humusay si Dolphy bilang aktor dahil marami siyang kapuwa aktor na walang itulak kabigin sa larangan ng komedya. Paboritong kapares niya si Panchito, at kapag nagsama sila sa pelikula’y dobol trobol. Walang kahirap-hirap, wika nga, kapag mahusay ang kasama, gaya ng matutunghayan sa Si Lucio at si Miguel (1962), Fefita Fofongay (1963), at Hiwaga ng Ibong Adarna (1972). Makakasabayan niya ang klasikong tambalan nina Pugo at Tugo, ang maliksing mananayaw na si Bayani Casimiro ala-Fred Astaire, ang malambing na bungangerang si Chichay, ang bigating si Ading Fernando, ang maangas na natural na si Babalu, ang kahanga-hangang Nida Blanca, ang mataray na sosyal na Dely Atay-atayan na pagsusumundan ni Doña Buding, at iba pa.

Maibubukod si Dolphy dahil sensitibo siya sa reaksiyon ng manonood. Higit niyang pipiliin na pagtawanan ang sarili kaysa kasangkapanin ang manonood para pagtawanan lalo ng nakatataas ang estado sa buhay. Dukha, patpatin at kaawa-awa, ang mga papel ni Dolphy ay maglalaro rin sa sining ng panggagagad, na kalabisan man kung ituturing na Makutim na Komedya’y magtatanghal ng pabalintunang alingawngaw mula sa Hollywood: Adolphong Hitler, Dolpinger, James Batman, Kapten Batuten, at Agent 1-2-3. Ngunit sa oras na tapatan ng mahusay na iskrip ay malulusutan kahit ang mapaghamong papel ni Walterina Markova at ni Dioscoro Derecho.

Anuman ang panahon, asahang naririyan si Dolphy. Alam niya ang halina ng entablado ngunit higit niyang alam ang kapangyarihan ng pagsasahimpapawid sa radyo; ang bisa ng paglikha ng kakatwang realidad sa loob ng pinilakang tabing; at ang pambihirang saklaw ng telebisyong magiging paboritong kapanalig kahit sa oras ng hapunan. Ibig sabihin, alam ni Dolphy ang midyum na kaniyang pinapasukan subalit hindi na niya ito kailangang ipagyabang. Bukod pa rito’y kilala niya ang pintig ng kaniyang mga kapuwa aktor, dahil ang kaniyang husay ay lalong kikinang sa oras na tumbasan ng pambihirang talento ng iba pang aktor.

Isasalin ni Dolphy ang panitikan at komiks sa pinilakang tabing, at mapapabilang sa listahan ang mga kuwento ni Lola Basyang (alyas ni Severino Reyes), ang pamosong Kalabog en Bosyo ni Larry Alcala, at ang Captain Barbell ni Mars Ravelo.

Ang pangwakas na kritiko ni Dolphy ay ang malawak na madlang sumubaybay ng kaniyang makulay na karera. Maaaring sumasalamin si Dolphy sa sentimyento ng api o sawimpalad, ngunit maaaring itanggi niya ito. Hindi magtatangka si Dolphy na pumalaot sa politika ngunit marami siyang politiko na ipapanalo sa oras na maitampok at maiendoso, dangan lamang at nagkamali siya nang itaas ang kamay ni Sen. Manny Villar na tumakbo sa pagkapangulo. Sisikapin niya sa tulong ng mga kumpareng sina Joseph Estrada at Fernando Poe Jr ang Mowelfund, at ang rekord nito ang magpapatunay na may naiambag siya para sa kapakanan ng mga karaniwang kawani na nagtatrabaho sa larangan ng pelikula, telebisyon, at radyo. Kalimutan man ng publiko si Dolphy, marahil ay magkikibit-balikat lamang siya, mapapahagikgik, na waring nagsasabing “Hindi, hindi mabibiro ang tadhana.”

Lutong Makaw

Hindi resiping pinasikat ni Chef Pablo Boy Logro ang “lutong makaw,” ngunit lumutang muli ang salita sa nakalipas na 2012 Philippine International Guitar Festival and Competition, na ginanap sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas. Tumutukoy ang “lutong makaw” sa di-patas na pagtrato sa anumang timpalak o paligsahan, at ang nagwawagi ay nababatikan dahil sa pagkiling ng reperi o hurado.

Ipinapahiwatig ng “lutong makaw” ang banyagang deliberasyon, na hinuhusgahan ang isang kalahok bago pa man siya sumabak sa pakikipagtunggali sa mga kalaban. Ang resulta ng kompetisyon ay tapos na, wika nga, bago pa magsimula, at ito ay ipinapahiwatig ng lugar na “Macao.” Bagaman hindi nais pulaan ang Macao bilang isang newtral na lugar, ang pagbanggit sa Macao ay maituturing na sentro ng kutsabahan na may hagod ng panlilinlang, na parang hinugot sa kasaysayan, at kumbaga sa sugal ay idinadaan sa bilis ng kamay na lumilikha ng malikmata sa panig ng mga kalahok at kasapakat na patron.

Masakit, kung gayon, na matalo sa patimpalak o paligsahan, dahil ang paghihirap ng kalahok ay hindi nahuhusgahan batay sa itinakdang mataas na pamantayan ng sining at sensibilidad, bagkus alinsunod sa kapabayaan kung hindi man prehuwisyo ng hurado. Ngunit higit pa rito, sumusugat sa nagwagi ang kaniyang tropeo at medalya, sapagkat kabuntot niyon ang kahihiyan o pagkapahiya dahil sa paniniwala o pakiramdam na hindi naman siya ang karapat-dapat magwagi.

Binanggit ko ang “lutong makaw” dahil lumilitaw ngayon ang isa pang salita: “lutong Diliman.” Maituturing na varyant ang “lutong Diliman,” na ang tiyak na pahiwatig ay di-patas na paghuhusga sa mga paligsahan sa pagtugtog ng gitara. Sa Filipinas, dalawa o tatlong unibersidad lamang ang nagbabakbakan sa larangan ng pagtugtog ng gitarang klasiko: Unibersidad ng Santo Tomas (UST), Unibersidad ng Pilipinas-Diliman (UP), at Philippine Women’s University (PWU). Sa tatlong unibersidad na ito, maituturing na numero uno ang UST sa ilalim ng pangangasiwa ni Prof. Ruben Reyes, samantalang pumapangalawa ang UP sa pangangasiwa ni Lester Demetillo, at pumapangatlo ang PWU sa pangangasiwa noon ni Jose Valdez na may ugat din sa UP. Dahil sa pangyayaring ito, hindi maiiwasang magkopong-kopong ang mga gitaristang kabataan, na parang pagsasabong ng Ateneo at La Salle, o bakbakang Pacquiao vs. Mayweather, at kung sino sa kanila si Ruben o si Lester ay malaya ang madla na manghula.

Lumikha ng maraming kaaway ang bigating si Ruben—sa literal man o matalinghagang paraan—dahil ang kaniyang pamumuna ay nagmumula sa pananaw ng taga sa panahong kritiko ng musika at bilang maestrong manunugtog ng gitara. Malalim ang pagkaunawa sa teorya at praktika ng musika, si Ruben ay hindi nangingiming umubo at humilik kapag masaklap tumugtog ang gitarista, humahagikgik na tila maskot ng Jollibee kapag nagwawala ang mga orkesta, at hindi mapipigil ang dila na magbitaw ng komentaryo na ikalulugami ng kahit establisadong gitarista at konduktor. Alam kong itatanggi ni Ruben, pero hindi na siya umano naniniwala sa mga kompetisyon sa gitara dahil sa epekto ng “lutong Diliman.”

Kahanga-hanga ang listahan ng mga pangalan ng gitaristang tinuruan ni Ruben, at marahil walang itulak-kabigin sa kaniyang mga estudyante na maisasabak sa tugtugan anuman ang panahon. Ngunit nagmumula rin kay Ruben ang isang kabatiran: ang musika ay hindi para sa timpalak bagkus para kalugurán ng madla. Si Arthur Erskine Basilio ang sumusunod sa yapak ni Ruben, at kung hindi marahil sa lutong Diliman ay nagpapatoma na marahil si Erskine sa España at nagpapakalunod sa serbesa. Ginawaran bilang “Pinakamahusay na Gitaristang Filipino” si Erskine noong 2011 PIGF, ngunit para sa akin ay walang nasyonalidad ang pagiging musiko, at siya ang isinisigaw na dapat magwagi ng unang gantimpala.

Mauulit ang pangyayari sa ipinapalagay na lutong Diliman nang matalo si Homer Bravo Cabansag sa 2012 PIGF. Si Cabansag, na nagtapos sa UST at ginabayan ni Ruben, ay mahimalang natalo sa kompetisyon at ni walang natanggap na parangal sa mga huradong kinukutya ng ibang manonood na kung hindi bingi at bulag ay sadyang mababaw ang panlasa sa pagsusuri ng mga kalahok. Si Cabansag ang pangwalo at pangwakas na tumugtog sa mga kalahok, at marahil nakatulog siya sa pakikinig sa mga kasamang kalahok. Ngunit siya man ang pangwakas, si Cabansag ay pinatunayan ang malalim na pagkaunawa at pambihirang pagdulog sa komposisyon ni Napoleon Coste atbp.

Nagtataka lamang ako na bago pa man ibigay ang premyo sa mga nagwagi (na mga primera klaseng gitara na likha nina Yuichi Imai, Neris Gonzalez, at Tabo Derecho), ang isang hurado ay halos humingi ng paumanhin sa publiko dahil aniya’y nagkakamali rin kahit ang mga hurado. Pinayuhan din niya ang mga kalahok na kabataan na magpatuloy sa pagtugtog, at matalo man ay huwag indahin iyon nang lalong mamukadkad ang kani-kaniyang talento. Kapuri-puri ang winikang ito ng hurado, ngunit para sa akin, may sapat na panahon ang mga hurado upang timbangin ang kalakasan at kahinaan ng bawat kalahok. Wala akong pakialam kung mag-away, magsuntukan, o magtalo-talo nang abot-langit ang mga hurado dahil iyon talaga ang kanilang tungkulin at doon sila binabayaran. Kinakailangang maipagtanggol ng isang hurado ang kaniyang pasiya, alinsunod sa matalinong pagdulog at hindi dapat manaig ang pampolitika’t pangnegosyong anggi na magmumula kina Tony Boy Cojuangco, Tony Yu, at Jose Valdez.

Ang bulaklak ng dilang “lutong Diliman” ay huwag nawang makarating sa España at bumatik sa mga gitarista ng UST. Matalo man sila sa mga paligsahan ay hindi mahalaga; ang higit na mahalaga ay makapagtanghal sa harap ng madla na gumugol ng salapi at panahon at pawang nagmamahal sa musika. Matagal na umanong iniinda ng UST ang deskriminasyon, ito ang nasasagap ko sa aking mga bubuwit, at dapat nang wakasan ngayon at sa hinaharap. Pero bahagi ng buhay kahit ang gayong kalagayan dahil ang musika ay nagtatakda ng kumbensiyong mahirap ipaling o ilihis ang landas. Sa ngayon, hindi naman marahil kalabisan kung imungkahing palitan ang lahat ng hurado sa 2012 Philippine International Guitar Festival and Competition, at magsuri ng sarili ang Guitar Friends para sa kinabukasan ng musika sa Filipinas. Maaaring ako’y nagkakamali, at mapapabulaanan ninyo, gaya lamang ng pagkakamali ng Lupon ng mga Hurado.

Pagsunog ng Koran

Binubuhay ni Pastor Terry Jones, pinuno ng munting sekta ng mga Protestante sa Estados Unidos, ang sining ng prehuwisyo at poot laban sa Islam na taliwas sa dapat asahan sa isang alagad ng simbahan. Sa Setyembre 11, nakatakda niyang sunugin ang mga sipi ng Koran sa piling ng kaniyang mga alagad, upang ipagunita ang madugong 9-11 atake ng mga Islamistang rebelde sa Amerika. Marami ang nabulabog sa dogmatikong pahayag ng butihing pastor, na ikinangingitngit ng mga Muslim sa iba’t ibang panig ng daigdig, dahil ang kaniyang pahayag ay sinasaplutan ng pangangatwiran ng pananampalatayang relihiyoso imbes na maging lohiko.

Pinanaig ni Jones ang sukal ng damdamin laban sa itinuturing na sagradong aklat ng mga Muslim na tiyak kong hindi niya nabasa sa kabuuan. At ang Koran, na nagtataglay ng samot-saring pakahulugan, sagisag, at halagahan sa panig ng pangunahing relihiyon sa daigdig, ay yuyurakan sa paraang sinematograpiko upang igiit ang sinaunang krusadang relihiyoso na handang sumabay sa armadong digmaan at pananakop na pawang isinusulong ng Amerika at ng mga alyado nitong bansa sa Afghanistan, Iraq, Lebanon, Pakistan, Palestine, at sa Gitnang Silangan sa kabuuan.

Ngunit sa oras na gawin iyon ni Jones, ang mga salita sa Koran ay lalong magiging eternal at makapangyarihan. Ang Koran ay hindi na lamang magiging newtral na artefakto at malamig na teksto. Ito ay babangon mula sa mga abo, magkakaroon ng bagong anyo, magtitindig ng kontra-diskurso laban sa baryotikong pananaw ni Pastor Jones, at marahil ay makahihimok ng bagong hanay ng mga radikal na deboto upang ipagpatuloy ang pakikibaka para wakasan ang prehuwisyo, katangahan, at kapaluan ng mga Amerikanong hangga ngayon ay bansot mag-isip.

Nakapangingilabot ang pagsulpot ni Jones dahil isinasakatawan niya ang diwain ni Joseph McCarthy na lumilikha ng Kubling Digmaan na sa pagkakataong ito ay may kaugnayan sa relihiyon. Ngunit higit na barbaro bagaman banal itong si Jones, na parang emperador o obispo na handang sunugin ang aklatan at ilibing nang buháy ang mga iskolar ng Islam. Sabihin mang simboliko ang pagsunog ng Koran, ang mismong asal na iyon ay nagpapalaganap ng ultimong karahasan na pangkaisipan at pangkalooban na pawang tumututol kumilala sa pambihirang pananampalataya at paraan ng pamumuhay.

Kailangang iwaksi ang halimbawa ni Pastor Jones.

Nakapagtataka na kahit sa Amerika ay nagaganap pa hangga ngayon ang librisidyo. (Kung ang librisidyo ay tumutukoy sa panununog ng aklat at iba pang kaugnay na babasahin dahil sa pagtutol na moral, politiko, at relihiyoso, ang pagtutol na ito ay dapat ibinabatay ni Pastor Jones sa aral na nakalimbag sa Koran at hindi sa mga lihis na pangangaral ng kung sinong radikal na Islamista.) Ang librisidyo ay ginagawa upang ipataw ang kapangyarihan ng awtoridad sa madla, at imbes na hayaan ang madlang mag-isip ay binabansot ng propaganda ang madla para sumunod sa atas ng awtoridad alinsunod sa paghalukay ng damdamin. Ang pagpapasiklab ng damdamin ang minamabuti ng librisidyo, at ang dapat sanang diskurso hinggil sa isang usapin ay natatabunan ng paninigaw at pang-uusig.

Kahit sabihin pang bulok ang isang aklat o babasahin, hindi mawawakasan ang halina nito sa panununog, gaya sa Sunog sa Moriones noong dekada 1940 na ginawa ng mga panitikerong tutol sa sinauna’t de-kahong pagsusulat sa Tagalog, o kaya’y pagsisiga ng mga aklat at tropeo sa tabi ng Pambansang Aklatan noong dekada 1970 para tutulan ang nakababansot na literaturang pinalulusot umano ng matatandang tinale. Sa panununog ng aklat, nabubura nang pansamantala lamang ang mga salita, ngunit nananatili ang bulok na diwaing maaaring umiral at magsilang ng bagong prehuwisyo kahit sa isip ng mga tao. Ang kinakailangan kung gayon ay paglikha ng sariwang panitikang sumasagot, at sabihin nang nagdudulot ng alternatibong kaisipan kung alternatibo ngang maituturing, sa mga dating inilalathala ng awtoridad.

Ang kailangan ng panahong ito ay mga intelektuwal—imbes na arsonistang pastor at aktibistang utak-pulbura—na handang isatitik ang kanilang karunungan, saliksik at guniguni sa pinakamasining na paraan. Sa unang malas ay mapanganib ang ganitong tindig, dahil sino bang nasa poder ang nais makabangga ang mga intelektuwal na magbubunyag ng kaniyang lihis na pamamalakad? Ngunit kinakailangan ang mga intelektuwal na magpapanukala ng sariwang pagtanaw at pananaw, para ipaliwanag ang mga sinaunang diwaing nangangailangan ng sariwang pagtitig at interogasyon, na makatutulong sa mga tao sa paraang realistiko, pragmatiko, at pilosopiko.

Naganap na ang madugong 9-11, at maaaring maulit pa ito kung hindi mapipigil ang paglaganap ng mga sungayang Pastor Jones na handang maghayag ng ebanghelyo ng poot, prehuwisyo, at katangahan laban sa mga mamamayan ng daigdig.

Hostage

Ipinamalas ng mga telebisyon network ang kapalpakan ng paglusob ng pulisya sa bus na binihag ni Rolando Mendoza na dating pulis na pinaltalsik pagkaraan dahil sa mga kasong kinasangkutan habang nanunungkulan.

Una, mahina ang punong negosyador sa pagpapalaya ng mga bihag. Pinagbigyan masyado si Mendoza sa mga hiling nito. Maganda na ang pagsisikap ni Bise Alkalde Isko Moreno na nagtungo pa sa Ombudsman ngunit hindi malinaw sa buong pangyayari kung sino ang itinalagang punong negosyador na handang makipag-ayos at maalam sa sikolohiya ng buryong na pulis na gaya ni Mendoza.

Ikalawa, inakala ng mga pulis na ordinaryong pagbihag lamang iyon na malulutas sa pakiusap. Lumipas ang napakatagal na oras bago nagpasiyang lusubin ang bus. Masyadong pinagbigyan ng mga pulis si Mendoza na waring pagpabor sa mga dating kasamang pulis.

Ikatlo, hindi napagplanuhan nang maigi kung paano lulusubin ang bus. Inalam muna dapat ang mga paraan kung paano papasukin ang bus: sa ilalim ba o gilid, sa harap ba o sa itaas.

Ikaapat, pulos porma ang SWAT na nang lumusob ay nakaarmalayt ang iba. Paano ka babaril nang malapitan at sa makitid na lugar gaya ng bus kung M-16 ang hawak? Hindi ba ang kailangan ay maiikling baril, gaya ng kalibre .45 o uzi?

Ikalima, hindi kompleto sa gamit ang SWAT. Nang lumusob ang mga kawal, walang nakasuot ng night vision goggles. May naghagis ng stun bomb o teargas pero ang nagtangkang pumasok na mga pulis ay walang gas mask.

Ikaanim, hindi marunong magmaso ang mga pulis. Sinikap ng isang kawal na masuhin ang bintana, gayunman ay hanggang pagbasag lamang ng bintana ang ginawa. Binasag din ang pintuan, ngunit nabigo pa ring mabuksan iyon hanggang sikapin na lamang na itali ng lubid ang pinto at ipahila sa isang sasakyan. Nalagot ang lubid at hindi pa rin nabuksan ang pinto. Binasag ang harapang salamin, at nang mabutas na ito’y lumusot sa loob ng bus ang maso.

Ikapito, walang kumontrol sa mga usisero. Isang usiserong bata ang tinamaan ng bala. Pinagdadampot dapat ng mga pulis ang mga usiserong ito, kung hindi man pinaghahataw ng batuta, dahil imbes na makatulong ay nagpalala pa ng seguridad ng mga inililikas o sinasagip na tao.

Ikawalo, masyadong maluwag ang coverage ng media. Pinagbigyan ng pulisya ang mga telebisyon network na isahimpapawid ang mga pangyayaring may kaugnayan sa negosasyon. Sa ganitong  pangyayari, namomonitor ng salarin ang mga pangyayari sa labas ng bus. Nagamit din ang media para magmukhang kaawa-awa ang kapatid ni Mendoza na isa ring pulis. At lumitaw din ang kahinaan ng media, dahil sa haba ng oras ng pamimihag, walang nagsaliksik sa buhay ni Mendoza kung karapat-dapat nga itong maparusahan o maparangalan.

Ikasiyam, ang mga kaanak ni Mendoza ay hindi nakontrol ng mga pulis, at puwedeng imbestigahan din dahil nagpainit pa ang mga ito sa dapat sanang kalmanteng negosasyon.

Ikasampu, nang binuksan ang pinto ng bus at kumaway si Mendoza ay dapat pinaputukan agad ng mga sniper. Pero walang pumutok. Ang dating pulis na armado at namihag ng mga turista ay hindi dapat pinagbibigyan nang matagal. May panganib siyang hatid, at kung kinakailangan siya barilin ay ginawa dapat nang maaga.

Ikalabing-isa, walang pahayag na nagmula man lamang sa Kagawaran ng Turismo o Ugnayang Panlabas. Dapat kumikilos agad ang mga opisyal nito dahil ang sangkot sa krisis ay mga turista.

Iisa lamang si Mendoza ngunit ang isang tao na ito ay halos wasakin ang buong imahen ng pambansang pulisya. Paano magtitiwala ang mga bata sa pulis, gaya ng propaganda nito sa mga paaralan na tumutula-tula ang isang babaeng pulis? Isang malungkot na pangyayari ang pamimihag, na dapat iwasan ngayon at sa mga darating na panahon.

PAHABOL: Malaki ang pagkakamali ng drayber ng bus ng mga turista. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay pinasakay nito ang armadong si Rolando Mendoza na parang nag-aangkas ng kung sinong pulis. Dapat maging aral ito sa mga drayber na hindi dapat magpasakay ng kung sinong armadong tao, kahit magpilit pa ito para sa seguridad ng mga pasahero.