Advertisements

Sanlibo’t Isang Gabi ng Aliw

Salin ng Tales from A Thousand and One Nights.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Pambungad

May nagsalaysay—ngunit ang Allah ang tanging marunong at nakaaalam sa lahat—na noong unang panahon ay namuhay sa mga lupain ng India at China ang hari ng Sassanid na nanguna sa malalaking hubok at may napakaraming kortesano, tagasunod, at alipin. Nag-iwan siya ng magkapatid na lalaki—na kapuwa nakilala sa kanilang husay sa pangangabayo—lalo ang nakatatanda, na nagmana sa kaharian ng kaniyang ama at pinamahalaan yaon nang makatarungan at kaya minahal siya ng kaniyang nasasakupan. Tinawag siyang Haring Shariyar. Ang kaniyang nakababatang kapatid ay pinangalanang Shahzaman at naging hari ng Samarkand.

Nagpatuloy na namahala sa kani-kaniyang kaharian ang magkapatid, at makalipas ang dalawampung taon ay nadama ni Haring Shariyar na mangulila sa kaniyang nakababatang kapatid. Inutusan niya ang kaniyang Vizir na magtungo sa Samarkand at imbitahin sa kaniyang korte si Shahzaman.

Mabilis na naghanda ang Vizir sa kaniyang misyon at naglakbay nang maraming araw at gabi palagos sa mga disyerto at kagubatan hanggang makarating sa lungsod ni Shahzaman, at tinanggap naman ang kaniyang pagdating. Ipinaabot ng sugo ang pagbati ni Haring Shahriyar, at ipinabatid kay Shahzaman ang hiling ng kaniyang panginoon na makita siya. Labis na natuwa si Haring Shahzaman na madalaw ang kaniyang kapatid. Naghanda siya na lisanin ang kaniyang kaharian, at ipinabunsod ang mga tent, kamelyo, múlo, alipin, at alalay. Pagkaraan ay itinalaga niya ang kaniyang Vizir bilang diputado, sakâ lumisan pakaharian ng kaniyang kuya.

Nagkataon naman na noong hatinggabi ay náalaála niya ang handog  na naiwan niya sa palasyo. Nagbalik doon si Shahzaman nang walang pasabi, at pagkapasok sa kaniyang mga pribadong silid ay natagpuan ang kaniyang asawang nakahiga sa sopa at nasa bisig ng isang aliping Itim. Nagdilim ang paningin ni Shahzaman, at naisip: ‘Kung ito ay nagaganap nang halos hindi pa ako nakalalabas sa aking lungsod, ano pa ang gagawin ng taksil na babaeng ito kapag ay ako nasa malayo?’ Binunot niya ang kaniyang espada at pinaslang ang dalawang nakahiga sa sopa. Mabilis niyang hinarap ang kaniyang mga alalay, nag-utos para sa kaniyang pag-alis, at naglakbay hanggang marating ang kabisera ng kapatid.

Nalugod si Shahriyar sa balitang paparating na ang kaniyang kapatid, at lumabas para harapin siya. Niyakap niya ang bisita at tinanggap sa nagpipistang lungsod. Ngunit habang abala si Shahriyar na aliwin ang kaniyang kapatid, si Shahzaman— na bagabag sa pagtataksil ng asawa—ay maputla at nanlulumo. Naramdaman ni Shahriyar ang pighati ng kapatid at hindi na umimik, at inisip na baká nababagabag lámang si Shahzaman sa mga pangyayari sa sariling kaharian. “Makalipas ang ilang araw, winika ni Shahriyar sa kapatid: ‘Napansin kong maputla ka’t balisâ.’ Sumagot si Shahzaman: ‘Nababagabag ako’t mabigat ang loob.’ Ngunit hindi niya ibinunyag ang pagtataksil ng asawa. Pagkaraan ay inimbitahan ni Shahriyar ang kaniyang kapatid mangaso, umasa na ang gayong gawain ay makapapawi ng lungkot. Tumanggi si Shahzaman, at mag-isang nangaso si Shahriyar.

Nang umupo si Shahzaman sa isa sa mga bintana na katatanawan ng hardin ng Hari, nakita niyang nagbukás ang pinto ng palasyo, at naglandas ang may dalawampung babaeng alipin at dalawampung Negro. Naroon sa gitna nila ang reynang napakaganda ng kaniyang kuya. Dumako sila sa puwente, at naghubad lahat, sakâ umupo sa damuhan. Sumigaw ang kabiyak ng Hari: ‘Mass’ood, lumabas ka!’ at pagdaka’y lumitaw ang isang aliping Itim, at kinubabaw siya matapos siyang sibasibin ng yakap at halik. Gayundin ang ginawa ng mga Negro sa mga aliping babae, at nagpakasaya silang lahat hanggang gumabi.

Nang masilayan ni Shahzaman ang tagpo’y naisip niya: ‘Kay Allah, ang aking kamalasan ay nakapagaan kung ihahambing dito!’ Hindi na siya nalungkot pa, at kumain at uminom matapos ang mahabang pangingilin.

Nang magbalik si Shahriyar mula sa pangangaso ay nagulat siyang makita ang kapatid na napanumbalik ang kasiyahan at sigla. ‘Ano ang nangyari, kapatid,’ tanong ni Shahriyar, ‘at nang huli kitang makita’y namumutla ka’t namimighati, samantalang ngayon ay maayos ang anyo mo’t panatag?’

‘Hinggil sa aking pamimighati,’ tugon ni Shahzama, ‘ay masasabi ko ang dahilan, ngunit hindi ko maibubunyag ang ugat ng aking nabagong kondisyon. Alam mong matapos kong matanggap ang iyong paanyaya ay naghanda ako at nilisan ang aking lungsod; subalit nakaligtaan ko ang perlas na handog ko sa iyo, at nagbalik ako sa palasyo. Doon sa aking sopa ay nakita ko ang aking asawang nakahiga’t yapak ng aliping itim. Kapuwa ko sila pinatay at pagkaraan ay nagtungo sa kaharian mo nang madilim ang isip at masukal ang loob.’

Nang marinig ang gayong pananalita, hinimok ni Shahriyar ang kapatid na isalaysay ang karugtong na pangyayari. At ikinuwento ni Shahzama sa kaniya ang lahat ng kaniyang nasilayan sa hardin ng Hari noong araw na iyon.

Nagulantang ngunit bahagyang nagduda si Shahriyar at nagwika: ‘Hindi ako maniniwala hangga’t hindi nakikita ng aking mga mata.’

‘Ihayag mo,’ wika ni Shahzama, ‘na ibig mong mangaso muli. Magtago ka rito sa piling ko, at masasaksihan mo ang aking nasilayan.’

Pagkaraan nito’y inihayag ni Shahriyar ang kaniyang mithing bumunsod para sa bagong paglalakbay. Lumisan ang mga hukbo palabas ng lungsod nang tangay ang mga tent, at sinundan sila ng hari. At makaraang humimpil siya nang matagal-tagal sa kampo ay iniutos niya sa kaniyang mga alipin na walang sinumang makapapasok sa tent ng Hari. Nagbalatkayo siya at nagbalik nang hindi namamalayan sa palasyo, at doon ang kaniyang kapatid ay naghihintay. Kapuwa sila umupo sa isa sa mga bintana na tanaw ang hardin; at makalipas ang ilang sandali’y lumitaw ang Reyna at ang kaniyang mga babae na pawang kasama ang mga aliping itim, at kumilos ayon sa pagkakalarawan ni Shahriyar.

Halos mabaliw sa nakita, winika ni Shahriyar sa kaniyang kapatid: ‘Iwaksi natin ang ating maharlikang kalagayan at maglibot sa daigdig hanggang matagpuan ang isa pang hari na may gayong kasiraang puri.’

Sumang-ayon si Shahzaman sa panukala, at lihim silang umalis at nagbiyahe nang maraming araw at gabi hanggang sumapit sila sa párang na malapit sa baybay. Nagpaginhawa sila sa bukál at umupo sa lilim ng punongkahoy.

Maya-maya’y dumaluyong ang dagat at lumitaw mula sa kailaliman ang itim na haliging halos umabot sa ulap. Sa labis na sindak ay umakyat sila sa punongkahoy. Nang makarating sa pinakatuktok  ay nakita nila ang jinnee na napakalaki, na may putong na baul sa kaniyang ulo. Nagtampisaw ang jinnee sa baybay at pagdaka’y lumakad palapit sa punongkahoy na lumililim sa magkapatid. Pagkaraan, nang makaupo sa lilim ng punongkahoy na lumililim sa magkapatid, ay binuksan niya ang baul, kinuha mula roon ang isang kahon, na binuksan din niya; at mula sa kahon ay umahon ang isang magandang binibini na singningning ng araw.

‘Birhen at kapuri-puring dilag, na aking tinangay sa iyong gabi ng kasal,’ sabi ng jinnee, ‘iidlip muna ako.’ Inihilig niya ang ulo sa kandungan ng dilag, at mabilis nakatulog.

Biglang tumingala ang babae at natanaw ang dalawang Hari na nasa tuktok ng puno. Marahan niyang iniangat ang ulo ng jinnee at ipinatong yaon sa lupa, saka sumenyas sa dalawa na waring nagsasabing, ‘Bumaba na kayo, at huwag matakot sa jinnee.’

Nagmakaawa ang dalawang Hari na hayaan silang magtago sa kung saan ligtas, ngunit tumugon ang dilag: ‘Kung hindi kayo bababâ ay gigisingin ko ang jinnee, at marahas niya kayong papatayin!’

Bumabâ ang magkapatid sa labis na takot, at biglang winika ng babae: ‘Tusukin ninyo ako ng inyong mga patalim.’

Napaurong sina Shahriyar at Shahzaman. Ngunit galit na inulit ng dilag: ‘Kung hindi ninyo susundin ang aking utos ay gigisingin ko ang jinnee.’

Dahil sa takot sa maaaring mangyari, pumayag ang magkapatid na halinhinan siyang kantutin.

Nang manatili sila hangga’t ibig ng dilag ay bumunot ito ng malaking kalupi mula sa kaniyang bulsa, at hinugot doon ang siyamnapu’t walong singsing na tinuhog ng isang bagting. ‘Ang mga may-ari nito,’ halakhak ng babae, ‘ay kinalugdan ako sa ilalim ng sungay ng hunghang na jinnee na ito. Kung gayon, ibigay ninyo sa akin ang inyong mga singsing.’

Ibinigay ng magkapatid ang kani-kaniyang singsing.

‘Ang jinnee na ito,’ dagdag ng dilag, ‘ay tinangay ako sa gabi ng aking kasal at ibinilanggo pagkaraan sa kahon na ipinaloob niya sa baul. Ikinandado niya ang baul sa pamamagitan ng pitong susi at inilagak yaon sa pusod ng humahalihaw na dagat. Ngunit hindi niya alam kung gaano katuso ang mga babae.’

Napahangà ang dalawang Hari sa kaniyang kuwento, at winika sa isa’t isa: ‘Kung ang ganitong bagay ay nangyayari sa makapangyarihang jinnee, ang aming kamalasan ay sadyang napakagaan.’ At nagbalik sila sa lungsod.

Nang sandaling makapasok sa palasyo, ipinabitay agad ni Haring Shariyar ang kaniyang asawa, kapiling ang mga babae at aliping itim. Pagkaraan ay ginawa niyang kaugalian na kumuha ng birheng pakakasalan para makasaping sa gabi, at patayin ito pagsapit ng umaga. Ipinagpatuloy niya ang ganitong gawi sa loob ng tatlong taon, hanggang umangal ang mga tao, na ang ilan ay tumakas palabas ng bansa kasáma ang kanilang mga anak na dalaga.

Dumating ang araw nang maglibot sa lungsod ang Vizir para maghanap ng birhen na laan sa Hari ngunit wala siyang matagpuan. Dahil takot magalit ang Hari, nagbalik siya sa bahay nang mabigat ang loob.

May dalawang dalaga ang Vizir. Ang nakatatanda ay tinawag na Shahrazad, at ang nakababata’y si Dunyazad. Taglay ni Shahrazad ang maraming tagumpay, at bihasa sa karunungan ng mga makata at alamat ng mga sinaunang hari.

Napansin ni Shahrazad ang pagkabalisa ng kaniyang ama, at tinanong ito kung ano ang bumabagabag sa kaniyang loob. Inilahad ng Vizir ang kaniyang kalagayan sa dalaga, at tumugon ang babae: ‘Ipakasal ako sa Hari: mamamatay ako at magiging ransom para sa mga dalagang Muslim, o kaya’y mabubuhay at magiging sanhi ng kanilang paglaya.’

Mataos siyang nanikluhod laban sa gayong panganib; ngunit nakapagpasiya na si Shahrzad, at hindi susuko sa amuki ng kaniyang ama.

‘Iwasan,’ sabi ng Vizir, ‘na sapitin ang kapalaran ng asno sa pabula.’

Advertisements

Nayon ng Niyebe, ni Yasunari Kawabata

Nobela ni Yasunari Kawabata. Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa bersiyong Ingles ni Edward G. Seidensticker at inilathala ng Berkley Publishing Corporation. Hindi ganap na tapos ang salin sa Filipino, at itutuloy lamang ito ng tagasalin kapag may limanlibong mambabasa ng Alimbukad ang magsasabing dapat ituloy ang pagsasalin sa Filipino.

UNANG BAHAGI

NAGLAGOS ang tren sa mahabang túnel papaloob sa nayon ng niyebe. Maputi ang lupain sa tanglaw ng kalangitan ng gabi. Bumatak ang tren sa may senyas na hinto.

Ang babaeng nakaupo sa kabilang panig ng kotse ay dumating at binuksan ang bintana sa harap ni Shimamura. Pumasok ang malamig na simoy sa sasakyan. Dumukwang palabas ng bintana, ang batang babae’y tinawag ang maestro ng estasyon na para bang napakalayo nito.

Marahang lumakad sa niyebe ang maestro ng estasyon habang tangan ang linterna. Nakatabing sa kaniyang mukha hanggang ilong ang sablay, at ang laylayan ng kaniyang sombrero ay nakatakip sa mga tainga.

Hay, napakalamig, naisip ni Shimamura.  Nakakálat mula rito hanggang taluktok ng nagsayelong bundok ang mabababà, mala-baraks na gusali, na posibleng maging dormitoryo ng daambakal. Nalaglag ang puti ng niyebe sa karimlan bago sumapit sa kanila.

“Kumusta ka,” sigaw ng bata. “Ako si Yoko.”

“Yoko, pabalik ka na ba? Lumalamig na muli.”

“Nagpunta pala ang kapatid ko para magtrabaho dito. Salamat sa lahat ng ginawa mo.”

“Nakakalungkot naman. Hindi ito ang lugar para sa batang lalaki.”

“Hindi pa siya tigulang. Matuturuan mo siya kung ano ang mga dapat matutuhan, hindi ba?”

“A, mabuti naman ang kaniyang ginagawa. Magiging abala kami mula ngayon, lalo’t umuulan ng niyebe. Noong nakaraang taon, nabalam ang mga tren dahil matindi ang buhos ng niyebe’t nagkaroon ng mga pagguho. Walang nagawa ang buong nayon kundi ipagluto ang mga pasahero.”

“Tingnan mo naman ang makakapal na damit. Lumiham ang kapatid ko at sinabing hindi pa nga siya nagsusuot ng suweter.”

“Hindi ako naiinitan hangga’t walang suot na apat na patong. Nag-iinuman ang mga kabataan kapag nagsimulang lumamig, saka mo na lamang mababatid na nakahiga na sila sa kama at nilalagnat.” Ikinaway niya ang kaniyang linterna doon sa mga dormitoryo.

“Umiinom ba kapatid ko?”

“Hindi ko alam.”

“Pauwi ka na, hindi ba?”

“May kaunting aksidente ako kamakailan. Kumukunsulta ako sa doktor.”

“Dapat maging mas maingat ka.”

Ang maestro ng estasyon, na may abrigo sa ibabaw ng kimono, ay lumingon na tila ibig putulin ang malayelong usapan. “Mag-ingat ka,” palingon niyang sabi.

“Narito ba ang kapatid ko?” tinanaw ni Yoko ang platapormang hitik  sa niyebe. “Tingnan mo kung nagpapakabait siya.” Napakarikit ng boses at tumitimo nang may lungkot. Sa tinis nito’y waring bumabalik na alingawngaw sa maniyebeng gabi.

Nakasandal pa sa bintana ang dalagita nang lumisan sa estasyon ang tren. “Sabihin mo sa kapatid ko na umuwi kapag may bakasyon siya,” aniya sa maestro ng estasyon, na naglalakad sa kahabaan ng riles.

“Oo, sasabihin ko!” tugon ng lalaki.

Ipininid ni Yoko ang bintana at idinampi ang kaniyang mga kamay sa namumulang mga pisngi.

Tatlong niyebeng pang-araro ang naghihintay ng matitinding buhos ng niyebe sa Hanggahang Bundok. Mayroong de-koryenteng aparato na nagbibigay ng babala sa pagguho ng niyebe sa hilaga at timog na lagusan ng túnel. Limang libong manggagawa ay nakahanda para pawiin ang niyebe, at dalawang libong kabataang lalaki mula sa mga boluntaryong kagawaran ng pamatay-sunog ang pinakilos kung kinakailangan.

Magtatrabaho ang kapatid ni Yoko sa himpilan ng tren na hindi maglalaon ay matatabunan ng niyebe, at ang gayong katotohanan ang nagbigay-daan upang maging kaakit-akit ang dalagita kay Shimamura.

“Ang dalagita” ay may kakatwang gawi na nagpapahiwatig na hindi pa siya kasal. Hindi nakatitiyak si Shimamura kung ano ang relasyon nito sa lalaking kasáma. Para silang mag-asawa kung kumilos. Ngunit malinaw na sakitin ang lalaki, at ang sakit ay nagpapaikli ng distansiya sa pagitan ng lalaki at babae. Habang nagiging tapat ang pag-aalaga, lalong nagmumukhang mag-asawa ang dalawa. Ang dalagitang nag-aalaga ng lalaking higit ang edad sa kaniya, na waring kabataang ina, ay mapagkakamalang esposa ng lalaki kapag sisipatin mula sa malayo.

Subalit sa isip ni Shimamura’y ibinukod na niya ang dalagita palayo sa lalaki at naghakang sa kabuuang anyo at kilos ng babae’y hindi pa ito nakakasal. Sa gayong katagal na pagtitig ni Shimamura’y tila naulapan ng emosyon ang kaniyang bait.

Tatlong oras na ang lumipas. Tinitigan ni Shimamura, sanhi ng pagkabato, ang kaniyang kaliwang kamay, habang ang hintuturo’y binabaluktot saka iniuunat nang paulit-ulit. Waring ang kamay na ito ang tanging buháy at may kagyat na alaala ng babaeng kakatagpuin niya. Habang sinisikap niyang aninawin ang malinaw na hulagway ng babae’y lalo lamang siyang binibigo ng kaniyang memorya, at palayo nang palayo ang babae, hanggang wala nang masilayan si Shimamura. Sa gitna ng gayong kalabuan, isang kamay lamang, partikular ang hintuturo, ang waring mamasa-masa sa dampi ng dilag, at humihila kay Shimamura mula sa malayo at palapit sa babae. Animo’y nanibago, tinakpan niya ng mga kamay ang kaniyang mukha, saka mabilis na gumuhit ng linya sa nagsahalumigmig na bintana. Lumutang sa harap niya ang mata ng babae. Halos mapasigaw si Shimamura. Ngunit nananaginip lamang siya, at nang mahimasmasan ay nakita na repleksiyon lamang ng dalagitang nasa kabilang panig sa bintana. Lumalatag na ang karimlam sa labas ng bahay, at binuksan ang mga ilaw sa tren, saka pinaghunos na salamin ang bintana. Mahalumigmig ang bintana sanhi ng singaw, hanggang gumuhit siya ng linya pahaba.

Kakatwang marikit ang isang mata; ngunit nagkukunwang pagál na manlalakbay at idinikit ang mukha sa bintana para tumanaw sa labas, pinawi ni Shimamura ang halumigmig sa kabuuan ng salamin.

Marahang lumiyad ang dalagita, at tiningnan pababa ang lalaking nasa harap niya. Nadama ni Shimamura na ang pamumuo ng kaniyang lakas sa balikat at nagpapakita ng balasik sa kaniyang mga mata ay tanda ng sigasig na hindi nagpakurap sa kaniya. Humimlay ang lalaki nang nakatukod ang ulo sa bintana at nakatiklop ang mga tuhod paharap sa dalagita. Tersera klaseng kotse lamang iyon. Hindi naman tuwirang pasalungat ang pares kay Shimamura, ngunit isang upuan ang pagitan pasulong, at ang ulo ng lalaki’y matatanaw sa salaming bintana nang hanggang sa antas ng tainga.

Yamang ang babae ay pasalungat ang puwesto sa kasamang lalaki, nasisilayan nang tuwid ni Shimamura ang dilag. Nang sumakay ang dalawa sa tren, gayunman, may kung anong lamig na tumimo hinggil sa kariktan ng babae na nagpagitla kay Shimamura; at nang bawiin niya nang mabilis ang sulyap saka tumungo, nakita ni Shimamura ang ulingang mga daliri ng lalaking nakahawak sa dilag. Nakaaasiwa na wari na sumulyap pa sa kanilang kinalalagyan.

Nagpapahiwatig ng seguridad ang mukha ng lalaki na bumabanda sa salamin, at ang kapanatagang dulot nito ay nagbigay ng puwang kay Shimamura na ituon ang titig sa dibdib ng dalagita. Nagbigay ng balanse at armonya ang kahinaan ng lalaki sa dalawang pigura. Isang dulo ng kaniyang bandana ay nagsilbing unan, at ang kabilang dulo naman ay mahigpit na nakatakip sa kaniyang bibig gaya ng maskara at nakalapat sa pisngi. Paminsan-minsan itong nahuhulog o dumadausdos sa ilong, at bago pa niya maiparamdam ang pagkainis ay marahang isinasaayos iyon ng dilag. Awtomatikong naulit nang naulit ang proseso, at halos mawalan ng pasensiya si Shimamura na nakasasaksi sa pangyayari. Sasayad paminsan-minsan sa sahig ang nabuksang amerikanang nakabalot sa mga paa ng lalaki at malalaglag, na mabilis hahatakin pabalik ng dalagita. Para bang ganap na likás, na manhid ang dalawa sa espasyo, at nakatadhanang magpakalayo-layo. Para kay Shimamura, wala nang maitutumbas sa kirot na hatid ng tagpo ng tunay na kalungkutan. Parang pagmamasid lamang yaon ng tagpo sa panaginip—at walang dudang likha iyon ng kaniyang kakatwang salamin.

Sa pusod ng salamin ay gumagalaw ang panggabing tanawin, at ang salamin at ibinabalik nitong mga pigura ay gaya ng umaandar na rolyo ng pelikulang magkakapatong. Hindi magkaugnay ang mga pigura at ang sanligan, ngunit ang mga pigurang malinaw at di-mahahawakan, at ang sanligan, ay kumukutim sa paglaganap ng karimlan, magkasabay na natutunaw sa simbolikong daigdaig na malayo sa tunay na daigdig. Kapag ang liwanag ay lumitaw sa pagitan ng mga bundok at magpaningning ng mukha ng dalagita, madarama ni Shimamura na lumalaki ang kaniyang dibdig sa mahirap masambit na kagandahan.

Tangay ng kalangitan sa tuktok ng bundok ang mga bakás ng pula ng takipsilim. Malilinaw ang hugis sa kalayuan, ngunit ang monotonong tanawin ng kabundukan, na hindi maaninag sa kung ilang milya, ay waring lalong hindi mabanaagan dahil sa pagpusyaw ng mga bakás ng kulay. Walang anuman doon ang makapupukaw ng pansin, at tila umaagos yaon sa malawak, walang hubog na emosyon. Ito ay dahil lumulutang doon ang mukha ng dalagita. Tinabingan ng mukha, ang panggabing tanawin ay gumalaw ayon sa krokis nito. Animo’y malinaw ang mukha, ngunit sadya nga bang malinaw? Namalikmata si Shimamura at inisip na ang panggabing tanawin ay dumaraan sa harap ng mukha, at nagpatuloy ang agos upang ipabatid sa kaniya na hindi iyon humihinto.

Mahina ang liwanag sa loob ng tren, at ang repleksiyon ay hindi sinlinaw ng makikita sa salamin. Nalimutan ni Shimamura na sa salamin siya nakatanaw dahil wala roong silaw. Ang mukha ng dalagita’y tila nasa agos ng panggabing kabundukan sa labas.

Pagdaka’y tumapat sa mukha ang sinag. Hindi labis na malakas ang repleksiyon sa salamin upang sapawan ang liwanag sa labas, o hindi napakatingkad ng liwanag upang padilimin ang repleksiyon. Bumalatay ang liwanag sa mukha, subalit hindi upang patingkarin iyon. Malayo, malamig na liwanag niyon. Habang tinatangay nito ang mumunting sinag papaloob sa balintataw ng dalagita, na ang mata at liwanag ay magkapatong sa isa’t isa, ang mata ay naghunos sa kakatwang butil ng kariktan ng fosforesensiya sa dagat ng panggabing kabundukan.

Walang paraan para mabatid ni Yoko na tinititigan siya. Nakatuon ang kaniyang pansin sa maysakit sa lalaki; at kahit tumingin siya kay Shimamura, hindi niya makikita ang kaniyang repleksiyon, at hindi niya mapapansin ang lalaking tumatanaw palabas ng bintana.

Hindi pumasok sa hinagap ni Shimamura na masagwang tumitig sa babae nang matagal at palihim. Walang duda iyon dahil hinatak siya ng di-tunay, labas sa mundong kapangyarihan ng kaniyang salamin sa panggabing tanawin

Nang tawagin ng dalagita ang maestro ng estasyon, sa kilos na nagpapahiwatig ng pagkasabik, nakita marahil ni Shimamura na higit sa lahat, parang tauhan sa sinauna’t romantikong kuwento ang dilag.

Madilim ang bintana nang huminto sila sa himpilan. Kumupas ang bighani ng salamin sa kumukupas na tanawin. Naroon pa rin ang mukha ni Yoko, ngunit sa kabila ng mainit nitong pagtulong, naisip ni Shimamura na may mababanaagang kalamigan ang gayong babae. Hindi pinunasan ni Shimamura ang bintana nang magkahalumigmig muli ito.

Nagulat siya nang pagkaraan ng kalahating oras, si Yoko at ang lalaki’y bumaba ng tren sa parehong estasyon na binabaan niya. Luminga-linga siya na parang mabubulid kung saan, ngunit ang malamig na simoy sa plataporma ay nagdulot ng pagkapahiya sa kaniya sa pagiging bastos sa tren. Tinawid niya ang riles sa harap ng lokomotora nang walang lingon-lingon.

Ang lalaki, na nakahawak sa balikat ni Yoko, ay pababa na sana sa riles mula sa plataporma na kasalungat na panig nang bilang itinaas ng kawani ng estasyon ang kamay upang pigilin sila.

Isang mahabang tren ang lumuwa mula sa karimlan at tumabing sa kanilang harap.

GANAP NA HANDA sa taglamig at mapagkakamalang bombero ang porter mula sa posada. May takip ang magkabila niyang tainga at nakasuot siya ng bota. Ang babaeng nagmamasid  sa riles mula sa hintayang-silid ay nakasuot ng asul na kapa na may kaputsa na nakatakip sa ulo.

Si Shimamura, na mainit-init pa mulang tren, ay hindi nakatitiyak kung gaano kalamig ang paligid. Ito ang kaniyang unang karanasan sa nayong tinatabunan ng niyebe kapag taglamig, at nakadama siya ng pagkasindak.

“Sinlamig ba ang lahat gaya niyan?”

“Handa kami sa taglamig. Karaniwang malamig sa gabing maaliwalas pagkatapos umulan ng niyebe. Siguro’y lampas sa mababang temperatura ang lamig ngayon.”

“Ito ba ang mababang temperaturang nakapagpapayelo?” Sumulyap si Shimamura sa maninipis na kalambano sa kahabaan ng mga alero habang papasakay ng taksi. Ang puti ng niyebe ay nagpalalim ng tingin sa mga alero, na para bang lumubog ang lahat sa lupa.

“Iba ang lamig dito, bagaman madali iyang makita. Iba ang pakiramdam kapag may hinipo kang anong bagay.”

“Noong nakaraang taon umabot sa zero ang lamig.”

“”Gaano karaming niyebe?”

“Karaniwang nasa pito o walong talampakan; at minsan naman ay umaabot sa labindalawa hanggang labintatlong talampakan.”

“Bubuhos ba ang makakapal na niyebe mula ngayon?”

“Nagsisimula pa lang ang buhos ng niyebe. May isang talampakan na ang taas ng yelo, pero natunaw nang kaunti.”

“Natutunaw na, hindi ba?

“Baka magkaroon tayo ng matinding buhos ng niyebe sa anumang oras?”

Simula iyon ng Disyembre.

Nagbara ang ilong ni Shimamura dahil sa sipon; ngunit lumuwag iyon sa kalagitnaan ng kaniyang ulong lantad sa malamig na simoy,  at pagkaraan ay tumulo na parang hinuhugasan ang isang bagay.

“Nariyan pa ba ang dalagitang namumuhay kasama ng kaniyang guro sa musika?”

“Narito pa siya. Hindi mo ba siya nakita sa estasyon? Nakasuot siya ng matingkad na asul na kapa!”

“A, siya ba iyon? Baka matawagan natin siya mamaya.”

“Ngayong gabi?”

“Oo, ngayong gabi.”

“Narinig kong ang anak na lalaki ng guro ng musika ay nagbalik na sakay ng tren. Naroon ang babae para salubungin siya.”

Ang maysakit na lalaking nakita niya noong gabi sa salamin, kung gayon, ang anak ng guro ng musika na ang bahay ay nagkataong tinitirahan ng babaeng dinalaw ni Shimamura.

Waring gumapang ang koryente sa kaniyang katawan, ngunit inisip na ang gayong pagtitiyap ay hindi bukod-tangi. Nagulat pa nga siya sa sarili dahil hindi labis nasorpresa.

Bumukal sa kalooban ni Shimamura ang tanong, malinaw na para bang nakatayo siya sa harap ng lalaki: May namamagitan ba, may naganap ba, sa babae na natandaan niyang dinampian ng kamay ng lalaki, at ang babae na taglay ang matang pinakislap ng liwanag mula sa bundok? O hindi niya mapalis ang bighani ng panggabing tanawin na bumanda sa salamin? Nagbulay siya kung ang daloy ng tanawin ang simbolikong paglipas ng panahon.

ANG POSADANG may mainit na bukál ay kakaunti ang mga bisita ilang linggo bago magsimula ang panahon ng pag-eski; nang umahon sa paliligo sa bukál si Shimamura ay waring tulóg na ang lahat. Bahagyang kumatal ang mga salaming pinto tuwing hahakbang siya sa lumulundong pasilyo. Sa duluhan, na paliko sa opisina, nakita niya ang matangkad na hulagway ng babae, na sumasayad sa sahig ang malamig na laylayan ng palda habang naglalakad.

Napaigtad siya nang makita ang mahabang palda. Naging geisha na ba ang dalaga? Hindi lumapit ang babae kay Shimamura, ni hindi tumungo nang bahagya upang makikila. Mula sa malayo’y nabanaagan niya ang anyong buháy at seryoso. Humangos siya palapit sa babae, ngunit ni wala silang winika sa isa’t isa nang magkatabi na. Ngumiti ang babae na may makakapal, mapuputing pulbos ng geisha. Pagdaka’y napaluha siya, at ang dalawa’y lumakad nang tahimik papaloob sa silid ni Shimamura.

Anuman ang naganap sa pagitan nila, hindi sumulat si Shimamura sa babae, o dumalaw man lamang sa kaniya, o nagpadala ng mga patnubay sa sayaw na dati niyang ipinangako. Naiwan ang dilag na nag-aakalang pinagtawanan siya ni Shimamura, at kinalimutan siya. Iyon dapat ang simula na humingi ng tawad o pang-unawa ang lalaki, ngunit habang naglalakad sila, nang hindi sumusulyap sa isa’t isa, naramdaman ng lalaking may puwang pa rin sa siya sa puso ng babae at muling angkinin ang dating nawala. Alam ng binatang kung magsasalita siya’y lalo lamang mabubunyag ang kakulangan ng kaniyang katapatan. Nagapi ng babae, lumakad si Shimamura na balabal ang malambot na kaligayahan. Sa paanan ng hagdan, maliksi niyang idinampi ang kaniyang kamao sa mata ng dilag, at tanging ang hintuturo ang nakaunat.

“Ito ang nagpapagunita sa iyo sa lahat.”

“Talaga?” Kinuyom ng dilag ang daliri at parang ibig na niyang iakyat ang lalaki sa itaas na silid.

Binitiwan ng babae ang kamay ng lalaki nang sumapit sa kotatsu sa silid nito, at biglang namula ang kaniyang noo hanggang lalamunan. Upang maikubli ang pagkalito, muli niyang hinawakan ang kamay ng lalaki.

“Hindi ang kanang kamay,” ani lalaki. “Ito.” Patulak na idinikit ang kanang kamay sa kotatsu upang painitin iyon, at muling idinampi ang kaliwang kamay na nakaunat ang hintuturo.

“Alam ko.” Napahagikgik ang babae na panatag ang mukha. Ibinuka niya ang kaniyang palad, at idinampi sa pisngi. “Ito ang nagpapaalala sa akin?”

“Ang lamig! Hindi pa yata ako nakahipo ng ganitong kalamig na buhok!”

“May niyebe ba sa Tokyo?”

“Natatandaan mo ba ang sinabi mo noon? Nagkakamali ka. Bakit magpupunta sa gayong lugar ang isang tao kung Disyembre?”

LUMIPAS na ang panganib ng pagguho ng mga yelo, at sumapit ang panahon ng pag-akyat sa mga bundok sa lungting tagsibol.

Maglalaho sa mesa ang mga bagong sibol sa kasalukuyan.

Si Shimamura, na namumuhay sa paglulustay ng panahon, ay natalos na bigo siyang maging tapat sa sarili, at malimit naglalakwatsa nang mag-isa sa kabundukan upang mapanumbalik ang anumang butil ng kaakuhan. Bumaba siya sa nayong may mainit na bukál makalipas ang pitong araw sa Hanggahan ng Kabundukan. Humiling siya na magkaroon ng geisha. Sa kasamaang palad, may pagdiriwang sa araw na iyon upang pasinayàan ang bagong daan, sabi ng kasambahay. Napakasigla ng selebrasyon kaya kahit sakupin ang pinagsamang bodega ng kapuyo at teatro, ang labindalawa o labintatlong geisha ay labis-labis ang pinagkakaabalahan. Baka dumating ang dalagitang naninirahan sa bahay ng guro ng musika. Tumutulong minsan ang dalagita sa mga parti, ngunit umuuwi kaagad makaraang makasayaw nang isa o dalawang tugtugin. Nag-usisa si Shimamura kaya ikinuwento ng kasambahay ang hinggil sa dalagitang nasa bahay ng guro ng musika: ang samisen at ang guro sa sayaw ay naninirahan sa piling ng dalagita na hindi geisha ngunit inaatasang tumulong sa malalaking parti. Dahil walang kabataang aprentis na geisha sa bayan, bukod sa karamihan sa mga lokal na geisha ay piniling hindi sumayaw, ang mga serbisyo ng dalagita ay higit na mahal. Halos hindi makarating nang mag-isa ang dalagita para aliwin ang panauhin sa posada, gayunman ay hindi siya ganap na matatawag na amatyur—ito ang kuwento ng kasambahay sa pangkalahatang pangyayari.

Kakatwang kuwento, ani Shimamura, at iwinaksi yaon sa isip. Makalipas ang isa o higit pang oras, ang babae na kasama ng guro ng musika’y pumasok sa silid kapiling ang kasambahay. Tumindig nang tuwid si Shimamura. Akmang paalis na ang kasambahay nang tawagin ito ng babae.

Ang anyo na ipinamalas ng babae’y kay-linis at kay-sariwa. Wari ni Shimamura’y malinis kahit ang gatlang sa pagitan ng mga hinlalaki sa paa ng dalaga.  Sobrang linis kaya naisip ni Shimamura kung hindi ba siya namamalikmata lamang mula sa pagtanaw sa madaling-araw ng tag-araw sa kabundukan.

May kung anong gawi sa kaniyang pananamit na nagpapahiwatig ng pagiging geisha, ngunit wala siyang mahabang kasuotang pang-geisha. Bagkus ay suot ng dilag ang malambot, walang linyang kimonong pantag-araw na nagtatampok ng masinop na kagandahang-asal. Mukhang mahal ang obi, na bumabagay sa kimono, at sa wari niya’y may bahid ng lungkot.

Marahang umalis ang kasambahay nang magsimulang mag-usap ang dalawa. Hindi tiyak ng babae ang mga pangalan ng mga bundok na matatanaw mula sa posada; at yamang hindi nais uminom ng alak ni Shimamura sa piling ng geisha, isinalaysay na lamang ng dilag ang kaniyang nakaraan sa kapani-paniwalang paraan. Isinilang ang dalaga sa nayon ng niyebe, ngunit siya’y ipinagkasundong maging geisha sa Tokyo. Nakatagpo umano niya ang patron na nagbayad ng lahat ng kaniyang pagkakautang,  at nagpanukalang gawin siya nitong guro ng sayaw, subalit namatay ang lalaki makalipas ang isa at kalahating taon. Nang sumapit sa yugtong kung ano ang naganap pagkaraan niyon, na kuwentong matalik sa kaniya, nagbantulot ang babae na ibunyag ang kaniyang mga lihim. Sabi ng dilag ay disinuwebe lamang siya. Pakiwari naman ni Shimamura’y beynte uno o beynte dos, at dahil ipinalagay na nagsasabi nang tapat ang babae, ang kabatiran na mas matanda ito sa dapat sanang edad ay nagpaluwag ng loob ng binata sa unang pagkakataon hinggil sa inaasahang pakikiharap sa geisha. Nang pag-usapan nila ang Kabuki, natuklasan ni Shimamura na higit na maraming alam ang babae kaysa sa kaniya hinggil sa mga aktor at estilo. Maalab magsalita ang babae, at waring sabik na sabik siyang may makinig sa kaniya makaraang ipiit, at nagsimulang ipakita ang gaán na nagbubunyag na siya’y babae mula sa mga aliwang silid. At waring alam ng dilag ang lahat ng dapat mabatid sa mga lalaki. Itinuring namang baguhan ni Shimamura ang babae, at pagkaraan ng isang linggo sa mga bundok at ni walang kausap, nadama na lamang niya ang pangungulila sa isang kaibigan. Pakikipagkaibigan lamang sa babae ang nadama ni Shimamura kaysa iba pang iba pang bagay. Ang tugon niya sa mga bundok ay umaabot hanggang sa pagtakip sa kaniya.

Nang patungo sa paliguan ang babae noong sumunod na hapon ay nakaligtaan nito ang kaniyang tuwalya at sabon sa bulwagan at nagbalik saka pumasok doon upang kausapin si Shimamura.

Ni hindi pa siya nakauupo nang hiniling ni Shimamura sa kaniya na tumawag ng geisha.

“Tumawag ng geisha?”

“Alam mo ang ibig kong sabihin.”

“Hindi ako nagpunta rito para tanungin mo nang ganiyan.” Mabilis siyang tumayo at nagtungo sa may bintana, namumula ang mukha, habang nakatingin sa mga bundok. “Walang ganiyang babae rito.”

“Huwag kang loka.”

“Iyan ang totoo.” Bumalikwas saka humarap ang babae kay Shimamura at umupo sa may pasamano.”Walang sinumang makapipilit sa geisha na gawin ang ayaw niyang gawin. Nasa kapasiyahan ng geisha ang lahat. Iyan ang serbisyong hindi maibibigay ng posada. Humayo ka, at subuking tumawag at kausapin mo siya, kung gusto mo!”

“Itawag mo naman ako ng isang geisha.”

“Bakit mo ako inaasahang gawin  iyan?”

Iniisip kita bilang kaibigan. Kaya naman bumait na ako.”

“At ito ang tinatawag mong kaibigan?” Nahatak ng gawi ni Shimamura, ang dalaga’y tila naging kaakit-akit na anyong bata.  Ngunit pagkaraan ay sumigaw: “Hindi ba maganda na iniisip mong mauutusan mo ako nang ganiyan?”

Ano ang dapat kasabikan? Napakasigla ko makaraan ang dalawang linggo sa kabundukan. Lagi na lamang mali ang naiisip ko. Ni hindi ako makaupo rito para kausapin ka sa paraang gusto ko.”

Nanahimik ang babae, saka ipinako sa sahig ang paningin. . . .

Kontra-Imperyalistang Pagdulog sa “Bulalakaw ng Pag-asa” ni Ismael Amado

Nakapanghihinayang at nagpahinog nang matagal sa bodega ng kasaysayan ang nobelang Bulalakaw ng Pag-asa (1909) ni Ismael A. Amado, at may pambungad ni Iñigo Ed. Regaldo. Noong 1918, pagkalipas ng sampung taon, saka pa lamang ilalantad sa madla ang aklat. Ito ay batay na rin sa pagsunod ni Amado sa payo ng matatandang manunulat na labis na subersibo ang aklat, at maaaring ikapahamak ng awtor dahil mahigpit noon ang batas laban sa sedisyon na pinaiiral ng pamahalaang kolonyal ng Amerikano. Katumbas ng pagsunod ni Amado sa payo ng matatandang tinali ang pagkawala ng kaniyang oportunidad na maging dakila nang panahong iyon.

Binuksan ang nobela sa tagpong nangutang ang isang Amerikanong nagngangalang John Stag sa tindahan ni Julio. Ngunit walang pera ang Amerikano, kaya hindi pinautang. Nanggalaiti ito kay Julio hanggang magpambuno ang dalawa at masira at magkabasag-basag ang mga paninda ng kawawang tindero. Nabalitaan ito ng mga pulis, subalit imbes na umawat ay nasindak sa Amerikanong de-baril at nangagsitakbo. Sumaklolo si Gerardo, at bagaman tinamaan ng bala sa bisig ay nagapi pa rin niya ang tarantadong Amerikano. Sa tulong ng ilang kababayan ay inireklamo sa hukumang munisipal ang salarin, makaraang usisain ng sarhento at dalawang kasamang kawal.

Idinulog kay Kapitang Memo, alyas ni Maximo San Jorge de los Santos, ang problema ngunit imbes na parusahan si Stag ay pumanig pa ito sa Amerikano. Iyon pala’y dating magkakutsaba sina Memo at Stag sa pagnanakaw, pagpatay, at panggagahasa doon sa Tarlak, hanggang itakas mag-isa ni Memo ang nakulimbat na salapi at iwanan ang kaibigan. Nagbabala si Stag na papatayin nito si Kapitang Memo kapag nabigong iligtas siya sa kaso.

Nagtalo sa pagdinig sina Gerardo at Kapitang Memo, at dahil sa paglalahad ng mga karapatan at katwiran ni Gerardo, napapayag na rin si Kapitang Memo na patawan ng parusa si Stag. Ngunit ang multa’y nagmula sa bulsa ni Kapitang Memo, at nang kinagabihan ng pagkakakulong sa Amerikano ay pinalaya ito sa kung anong paraan.

Ibinulgar sa nobela ang Libis na bayang pinaghaharian ni Kapitang Memo na pugad ng sugalan, gaya ng sabong, monte, tupada, at huweteng. Ibinulgar din ang bulok na pamamalakad sa hukuman, pulisya, at kabuhayan ng mga tao. Nagdulot ito ng ligalig sa mga tao, kaya napilitang itatag ang kapisanang “Dakilang Mithi” bilang tugon sa panlipunang problema, hanggang ibulgar ng isang babaeng limahid ang pandurustang sinapit niya kay Kapitang Memo na gumahasa, umalipin at nagbugaw sa kaniya, bukod sa pumatay sa kaniyang ama at tumangay ng salaping nagkakahalaga ng sampung libong piso—na napakalaking halaga noon.

Nagalit si Kapitang Memo dahil nabulgar ang kaniyang masamang nakaraan. Ipinatawag niya si Gerardo sa kaniyang tanggapan, ngunit imbes na kausapin ay pinagtangkaan pa niya itong patayin. Dumating naman ang gobernador at huli sa akto si Kapitang Memo. Natiwalag si Memo sa kaniyang tungkulin, at nagbalak maghiganti.

Ang paghihiganti ni Kapitang Memo ay magbubukas para ipakilala sa nobela ang gaya nina Faure, Eling, Pacing, at Juancho. Si Faure ang matalik na kaibigan ni Gerardo na siyang pangulo ng Dakilang Mithi, bukod sa mahusay na abogado. Si Eling ang kasintahan ni Gerardo, at pinagtangkaang gahasain ni Juancho bilang ganti sa ginawang pagpapatiwalag kay Kapitang Memo. Si Pacing ang kaibigan ni Eling, at inilahad ang kanilang kalagayan sa pamamagitan ng mga maling paniniwala kung bakit ipinagbabawal ang pagpapaaral sa babae. Si Juancho naman ang bigong manliligaw ni Eling, at siyang kasapakat ni Memo sa paghihiganti. At si Stag ay Amerikanong pusakal na mandarambong at kriminal, bukod sa mapang-aglahi at barumbado, na handang makipagkutsaba sa sinumang Filipino upang maisulong ang pansariling interes.

Ang tunggalian ng mga paniniwala ay sisiklab nang magtalo sina Faure at Juancho hinggil sa layon sa Dakilang Mithi. Nagkaisa lamang ang pangkat nang magtalumpati si Gerardo, at nag-ambagan para maipagpatuloy ang magandang simulain nito hinggil sa mabuting pamamahala. Dapat ding banggitin na ang tunggalian ay hindi lamang nagmumula sa mga uring panlipunan at batayang ekonomiko ng mga tauhan. Ang tunggalian ay may kaugnayan sa nagsasalungatang kultura at paniniwala, mula man iyon sa pagtatanghal ng karapatang pantao hanggang pagtatanggol ng kapurihan ng bansa. Ang tunggalian ay maghihimagsik na Filipino kontra imperyalismong Amerikano, na maglalaro mulang pisikal na antas, gaya ng madudugong bakbakan o pagpatay hanggang antas na sikolohiko at pangkaisipan, gaya ng pagtatanggol sa dangal na ibig ilugso ng dayuhan o kakutsaba nitong Filipino. Sa lahat ng tunggalian, magwawagi ang Filipinong radikal kahit sa unang salpok ay mapapailalim siya sa kapangyarihan ng Amerikano.

Hindi magtatagal ang ganitong tagumpay dahil dadakpin ng nakabalatkayong demonyo si Gerardo, at dadalhin sa gubat upang patayin. Ngunit sumaklolo si Florante, at napatay si Memo—na siya palang nakamaskarang demonyo— nang magpambuno sila sa lupa. Gumanti pagkaraan at sinaksak ni Juancho si Florante. Ngunit sumaklolo si Gerardo at nang magpambuno’y kapuwa sila nahulog sa tulay. Nalunod si Juancho dahil hindi marunong lumangoy, samantalang nakaligtas si Gerardo.

Naratay bago namatay si Florante. Bago ito mamatay ay hiniling nito sa kaniyang inang si Aling Tinay na balutin ng bandila ang kaniyang kabaong. Ipinagbabawal ang paglalantad ng bandila dahil labag iyon sa kautusan ng rehimeng Amerikano. Nang araw ng libing ay dumating ang limang kawal na kayumanggi at isang puti. Nilapastangan ng Amerikano ang libing, niyurakan ang bandilang Filipino, at naging sanhi ito upang sampalin ni Faure ang Amerikano. Sumaklolo ang limang kawal, binugbog si Faure, at tinangay upang ikulong. Walang pumalag sa mga kababayan niyang saksi, na pawang nangasindak.

Hindi nagpapigil si Gerardo na saklolohan ang kaniyang katoto. Isang gabi’y palihim siyang dumako sa bilangguan, pinatay sa saksak ang bantay, at pinalaya si Faure. Matutuklasan din kinabukasan na tinarakan ng talibong sa dibdib ang Amerikanong yumurak sa watawat at sa dangal ng mga Filipino. Tumakas at nagtungo kung saan malaya si Faure, samantalang nagsama sina Gerardo at Eling upang harapin ang bagong yugto ng buhay.

Paglingon sa nobela

Nakapangingilabot ang nobela dahil marami itong ibinubunyag sa publiko at hangga ngayon ay waring bangungot na bumabangon para gulantangin ang madla. Ang korupsiyon ng mga politiko sa halalan para magwagi; ang pandarambong, pagpatay, at panggagahasa; ang pagpapairal ng mga pasugalan at iba pang uri ng bisyo; ang baluktot na paniniwala hinggil sa papel ng babae sa lipunan; ang kahinaan ng pulisya at kawalan ng hustisya mula sa hukuman; ang malayaw na hatid na Amerikanisasyon sa kulturang Filipino; at ang mapang-aglahing patakaran at pamamalakad ng mga Amerikano dito sa Filipinas.

Sa unang malas ay madaling basahin ang nobela, ngunit ang totoo’y hitik iyon ng mga pahiwatig mula man sa pagsisintahan nina Gerardo at Eling, o kaya’y sa paggamit ng simbolo ng watawat na niyuyurakan ng kawal ng Estados Unidos o sa kabulukan ng sistema ng pamahalaang sinasagisag ni Kapitang Memo. Ang tunggalian ng mga katwiran ay mamumutawi sa bibig ng mga pangunahing tauhan, at bagaman mapupuwing sa ngayon na animo’y patalumpati ang pagdulog, ang naturang taktika ay humuhugot ng halina sa tradisyong pabigkas ng mga Filipino sa kabuuan, na ang talastasan ay itinuturing ang kausap na kabahagi ng pagkatao ng nakikipag-usap. Ang naturang taktika ay mahahalata kahit sa pagpasok ng tinig ng awtor doon sa nobela, at gaano man kapayak ito ay maipangangatwirang ang nobelista ay kabahagi sa paglalahad ng mga pangyayari, upang lalong mailapit sa puso at isip ng mga mambabasa ang realidad ng kaligiran sa loob ng nobela.

Bagaman inilalantad ng nobela ni Amado ang kabulukan ng lipunan, ang realidad sa loob ng nobela bilang panitikan ay masasabing kayang tumayo nang mag-isa. At ang naturang realidad na pampanitikan ay naglalantad ng salamangka ng pagkatha, at walang maaasahang direktang tumbasan ng mga pangyayari, dahil ang realidad na pampanitikan ay kayang humuwad sa nagaganap noon. Halimbawa, ang kapisanang Dakilang Mithi ay maaaring kumatawan sa anumang makabansang organisasyong may layuning kontra-imperyalista, ngunit ang pagiging radikal ay hindi lamang nagwawakas sa pagiging reaksiyonaryo at burges bagkus sa pagiging proaktibo, progresibo, maláy, at maka-Filipino. Ang pagpatay nina Gerardo at Faure sa Amerikanong opisyal na yumurak sa watawat ng Filipinas ay hindi simpleng paghihiganti, bagkus pagbabangon na tinutumbasan ng armadong pag-aaklas kung hinihingi ng pagkakataon. Maihahalimbawa rin ang konsepto ng panggagahasa sa babae, at ang babaeng ito sa nobela ay maaaring kumatawan sa Inang Bayan na nilalapastangan ng Estados Unidos.

Sabihin nang marami ang maipupuwing sa estilo ng pagkakasulat. Ngunit dapat isaalang-alang ng mga mambabasa ngayon na nang sulatin ni Amado ang kaniyang nobela ay wala pang panuntunan sa gramatika, ispeling, at palaugnayan sa wikang Tagalog, na pagkaraan ng tatlong dekada makalipas mailathala ang kaniyang nobela ay saka pa lamang mabubuo ng gaya ni Lope K. Santos at mga kapanalig na manunulat sa Aklatang Bayan. (Nagsisimula pa lamang ang paglilinang ng nobelang Tagalog sa bungad ng siglo 20, at ang mga modelo na pagkatha ay hinihiram sa Ewropa kung hindi man sa Amerika. ) Kahit sabihin pang magaspang ang wika ni Amado, at kulang sa estilistang pagdulog, at maipupuwing na rito ang ilang ispeling ng mga salita o ang paraan ng pagbuo ng usapan at tauhan, ang gayong gaspang ay lalong nagpapakinang ng kaniyang akda dahil handa nitong ibulalas ang ubod ng lunggati ng mga Filipino alinsunod sa diskurso ng mga Filipino noong sakop ng imperyalistang Estados Unidos ang Filipinas.

Wala nang dahilan ang makabagong henerasyon para hindi basahin at balikan ang nobelang Bulalakaw ng Pag-asa ni Ismael Amado. Kayang basahin ito nang isang upuan lamang. Hitik sa pag-asa ang nobela, kahit sabihin pang tigmak sa dugo at lubog sa lagim. Dapat muling tuklasin ang nobela, lalo’t nagsisikap muli ang Estados Unidos na palakasin ang puwersa nito hindi lamang sa Filipinas kundi sa Timog-Silangang Asya. At dapat ipabasa ito sa mga kabataan, para mabatid nila kung paano ginagago ng mga banyaga ang dangal ng ating bansa.

Hunyango sa Bato

Buwaya, kuha ni Beth Añonuevo

Buwaya, kuha ni Beth Añonuevo

Paglalakbay, pakikikipagsapalaran, at paghuhunos ng inhinyerong nangangarap maging manunulat ang pinapaksa ng Hunyango sa Bato (2004) ni Abdon M. Balde Jr. Maluwag ang sipat ng pangunahing tauhan, at sa kaniyang pananaw ay mauungkat ang mga kontrobersiyal, at malimit maanomalya, na pagawaing-bayan at multi-milyong proyektong pang-inhinyeriya. Kabilang sa binanggit ang pamosong pagguho ng Ruby Tower sa Binondo, ang pagkatibag ng imbakang minahan sa Mindoro, ang kahindik-hindik na pagtatayo ng Film Center, ang pagpapasemento ng mga daan mulang Pampanga at Cotabato hanggang paliparan sa Nepal at Indonesia at iba pang negosasyon sa pagawaing-bayan sa Asya.

Hunyango sa Bato (2004), ni Abdon M. Balde Jr

Hunyango sa Bato (2004), ni Abdon M. Balde Jr

Nagbabago ng kulay ang pangunahing tauhang di-pinangalanan, at ang paghuhunos na ito ay alinsunod sa pakahulugan niya ng paglikha ng balatkayo upang matanaw ang daigdig sa lilim ng karimlan. Matututuhan niya ito bilang tagamasid sa isang matandang malimit sumaksi sa mga kaso sa hukuman doon sa Bikol, at tataglayin hanggang sa pagkuha ng kursong inhinyeriya imbes na panitikan, alinsunod sa dikta ng ama. Gagagarin ng kabataan ang matanda sa mga pagkukuwento nito, at ito ang simula ng pagtatanim ng hilig sa pagsasalaysay na hitik sa siste at detalye, habang ikinukubli ang mga pailalim na puna sa kapuwa at lipunan.

Masisilab ang tauhan nang magsimulang maging inhinyero at kumuha ng proyekto mulang pagtitibag ng bato sa Rizal hanggang pagpapatag ng daan sa Zambales. Ang mga tauhang masasalubong niya ang uugit nang malalim sa kaniyang pagkatao hanggang pumalaot sa pandaigdigang larang.

Habang lumalaon, ang pangunahing tauhan ay kakainin ng sarili niyang anino bilang inhinyero. Malalasap niya ang lahat ng pighati at sarap, at sa pamamagitan ng paggamit ng isa pang tauhang babaeng kausap, ay ilalantad ang kabulukan ng paligid. Ang kabulukang ito ang magsisimulang gumapang sa katauhan ng inhinyero, upang sa bandang huli’y ibunyag sa mga peryodista ang mga lutaang ginagawa sa mga proyektong pagawaing-bayan ng pamahalaan at siyang tinutustusan ng salapi mula sa mga dambuhalang dayuhang institusyon. Ito marahil ang paglilinis ng tauhan, upang hindi kainin nang ganap ng bulok na sistema. Ngunit bitin ang salaysay, at maaaring nakahanda ang nobela para sa kasunod na pakikipagsapalaran.

Ang inhinyerong naging manunulat bilang tagapagsalaysay ay kahanga-hangang bahagi ng nobela. Nagsasalimbay ang mga salaysay na mapagkakamalang kumpisal na nagkukunwang sanaysay, at ang mga nakapahilis na talata ang magbubukod sa isa pang salaysay sa panig ng lalaking tagapagsalaysay na kausap ang mahihinuhang kasintahan o asawa niya. Habang lumalaon, paliit nang paliit ang nagiging puwang ng usapan ng magkabiyak, ngunit ang babae ang magpapagunita sa lalaki sa lunggati nitong maging mahusay na kuwentista.

Ang totoo’y hindi naman isinaad sa nobela kung paano maging mahusay na manunulat. Walang mababanggit sa nobela kung paano nagpakadalubhasa sa sining ang inhinyerong mapangarapin. Ang higit na mahalaga ay ang pagpapamalay na ang kadalubhasaang dapat taglayin ng sinumang manunulat ay nasa masinop na pagmamasid sa kaligiran. Ang anumang nasagap sa daigdig ang magiging mahalagang sangkap ng kuwento at magkakatalo na lamang kung paano isasalaysay ang gayong kalalim na pagmamasid. Ibig sabihin, mananagot ang mangangatha hindi sa katumpakan ng kaniyang datos, kundi kung gaano kahusay niyang napangatawanan ang kaniyang kasiningan sa pagkatha.

Maraming ibinubunyag ang nobelang Hunyango sa Bato, na kahit ngayon ay mainit na tinatalakay sa senado. Posibleng malikhaing tsismis lamang ang alingasngas sa mga pagawaing-bayan, ngunit anuman ito ay matagumpay na nailahok ng awtor sa kaniyang akda.

Ang pangunahing tauhang inhinyero ay masasabing matagumpay na nakapanaig sa kaniyang kaligiran dahil marunong siyang sumabay sa agos, wika nga. Ang pagsabay na ito ay pagkilala sa dambuhalang estruktura o sistema na pinaaandar ng mga tao na kabilang sa mayhawak ng salapi o kapangyarihang siyang kumokontrol sa lipunan. Naging bahagi siya bilang empleado sa gayong sistema, na bumabayad ng salapi upang magamit ang talino at lakas ng mga manggagawa. Maaaring pagkaraan ng ilang taon ay magiging bahagi ng burukrasya ang naturang inhinyero, ngunit hindi niya malalabanan ang sistema alinsunod sa patakaran nito bagkus alinsunod lamang sa abot ng kaniyang kakayahan, katusuhan, at kalakasan. Nakatakdang kainin ng bulok na sistema ang inhinyero, at maaaring ang solusyon upang makaligtas siya sa pagkatiwalag sa lipunan at sarili ay sa paraang lisanin ang kaniyang nakasanayang burges na pamumuhay bilang inhinyero at maghunos sa ganap na mangangatha.

Nakapanghihinayang lamang at maraming nakalusot na tipograpikong mali sa teksto ni Balde. Halatang minadali ang produksiyon ng aklat, at nawa’y maituwid ang mga ito sa susunod na edisyon upang makita nang lubos ang Hunyango sa Bato.

Banggaan ng mga Pananaw sa nobela ni Liwayway A. Arceo

Nagbabanggaang pananaw ng mga babaeng mula sa magkaibang panahon ang pinapaksa ng nobelang Maling Pook, Maling Panahon. . . Dito Ngayon (1978) ni Liwayway A. Arceo. Unang nalathala at isinerye sa Liwayway ang naturang nobela, at pagkaraan ay inilimbag ng UP Press noong 1998.

Umiinog ang istorya sa buhay ni Katy na mula sa dukhang pamilya at lumaking rebelde sa konserbatibong inang si Taling. Si Taling ang ina nina Katy, Cara, at Rey, at naging matapat na esposa ni Munding hanggang mamatay ito sanhi ng pagkakasakit nang malubha makaraang maaksidente sa pook ng konstruksiyon. Magsisimula ang gusot nang magtrabaho si Katy bilang sekretarya ni Danilo Lizares na nagbalik sa Filipinas mula sa Amerika. Aakitin ni Danilo si Katy, hanggang maging kabit ito, ibabahay nang lingid sa kaalaman ng kaniyang asawang si Nora, hanggang matuklasan nina Don Julio at Nora ang katotohanan sa bandang huli. Si Don Julio ang ama ni Danilo, at siyang isa sa pinakamayayamang negosyanteng may malalaking bahay-kalakal sa Maynila. Samantala, si Nora na bagaman anak-mayaman ay nabigong tulutan ng kaligayahan si Danilo at halos walang kalibog-libog sa kama.

Aatakihin sa puso si Danilo nang matuklasan ni Nora ang ginagawang pambabae ng kaniyang mister. Mababatid naman ni Katy na nabuntis siya ni Danilo, kaya magsisikap siyang magbalik sa dating dukhang tahanan upang makipagbati sa inang si Taling. Magwawakas ang nobela sa pagpapahiwatig ng pagtataguyod nina Katy at Pilar ng bagong negosyo hinggil sa patahian ng mga damit pambata. Si Pilar na kabiyak ni Rey, at mula rin sa mahirap na pamilya, ang gagabay kay Katy mulang panganganak hanggang pagharap sa bagong yugto ng buhay.

Isa sa masisinop na katha ni Arceo ang nobelang ito. Makikita sa nobela kung paano lumikha ng mikrokosmo ng lipunan ang awtor sa pamamagitan ng paglalahad ng mga pangyayari sa loob ng magkakaibang pamilya. Gagamitin sa nobela ang sikolohikong gulo mula sa isip ni Taling na tumayong padre de pamilya at kailangang mangalaga sa tatlong anak, at pagkaraan ay iiwan nina Katy at Rey na pawang bumukod makaraang mailibing si Munding. Magngingitngit si Taling dahil nagpakasal si Rey kay Pilar na matagal nang kasintahan, at sumama si Katy kay Danilo. Ibabaling ni Taling ang kaniyang paghihigpit kay Cara, na bagaman masunurin sa ina’y ibig ding kumawala sa nakasasakal na pagpapalaki ng ina.

Samantala, isusumpa ni Katy ang kahirapan na dinanas niya mula sa pinagmulang pamilya. Gagamitin niya ang kaniyang kariktan upang mahulog ang loob ni Danilo, at si Danilo’y magiging parang asong alipin ng kaniyang makamundong pagnanasa sa babaeng taliwas sa katauhan ng kaniyang kabiyak na si Nora. Nang lumaon, ang paglalaro’y nauwi sa tunay na pagmamahalan nina Danilo at Katy na nagbabalak nang lumayo kay Nora na nahadlangan lamang nang atakihin sa puso si Danilo.

Pambihira ang taktikang ginamit ni Arceo hinggil sa paglalarawan ng guniguni ni Katy na nangangarap kay Danilo at sa malalamuyot nilang pagsasama sa otel, kondominyum, at apartment. Ang guniguni ni Katy ay ipapares sa guniguni ni Danilo, at sa bagabag na isip ni Nora. Maitatambis din ang guniguni ni Katy sa guniguni nina Taling at Cara, at mababatid ng mambabasa kung saang konteksto at panahon nagbubuhat ang naturang mga tauhan. Mabibilis ang pihit ng mga pangyayari, at kumbaga sa pelikula’y malilikot ang anggulo mula sa loob at labas ng isip ng mga tauhan.

Masining ding malilinang ang katauhan ni Danilo bilang esposo, ama, at boss ng kompanya. Gagamitin niya ang salapi para bigyan ng layaw ang kaniyang pamilya, at ang salapi ring iyon ang magiging panilaw niya kay Katy. Gagamitin ni Danilo ang kaniyang posisyon matugunan lamang ang kaniyang libog, at gaya ng kaniyang amang si Don Julio ay magiging sentro ng kapangyarihan sa nobela. Taliwas ito sa asal ni Rey, na magtatrabaho sa ibang bansa upang makaipon, at handang isakripisyo ang sariling kaligayahan mapag-aral lamang ang kaniyang mga kapatid at masustentuhan ang pangangailangan ni Taling. Kasalungat din ng asal ni Danilo ang asal ni Romy, na kasintahan ni Katy at nagsikap makatapos ng pag-aaral at kumayod nang husto, at handang igalang ang babae gaya noong araw.

Ang pagpapahalaga ni Taling sa dangal ang aayawan ni Katy. Para kay Katy, kailangang maging praktikal at kailangang maging tiyak sa mga kinakailangang materyal. Higit na mahalaga naman ang puri at dangal, ayon sa pananaw ni Taling, dahil ang mga halagahang ito, kapag ipinares sa pag-ibig, ay kayang makapagpabago kahit sa pag-inog ng daigdig. Kung si Taling ang tesis, at si Katy ang anti-tesis, ang anak ni Katy na si Carmen Julia ang magiging sintesis ng dalawang panahon. Subalit magaganap lamang ito sa pamamagitan ng tulong ng gaya nina Pilar at Cara, na magiging tulay upang mahimok si Taling na patawarin ang anak, at mapaghunos ang isip ni Katy palayo sa mga pagpapahalagang materyalistiko.

Ipinamamalas din ng nobela na ang konserbatismo ay hindi palaging nagmumula sa pamilyang dukha. Ang konserbatismo ay makikita kahit sa buhay ni Nora na lumaki sa karangyaaan, at kahit sa pananaw ng mag-amang Don Julio at Danilo na pawang kumakatawan sa patriyarkal na pagpapatakbo ng pamilya at negosyo. Ang pagtataglay ng liberal na pananaw ay mahihiwatigan sa mga asal nina Rey at Pilar, samantalang ang pagkaliberal sa negatibong aspekto nito ay ipakikita ni Katy. Gayunman, hindi pulos negatibo ang dapat maging sipat sa asal ni Katy. Ang pagrerebelde ni Katy ay may batayan, at ang pagrerebeldeng ito ay may kinalaman sa labis na kahigpitan ng magulang at sa nakasusuklam na kaligiran ng kahirapan. Ang kahirapan ang sukdulang kasamaan para kay Katy, dahil napupuwersa ng kahirapan ang sinumang tao na gawin ang anumang bagay mairaos lamang ang pang-araw-araw na pangangailangan. Ang pagbabago ng katauhan ni Katy ay masisilayan sa dulo ng nobela, nang tumanggi itong ipalaglag ang dinadalang sanggol alinsunod sa udyok ng inang ayaw masira ang pangalan sa komunidad.

Kahanga-hanga ang pukol ng mga diyalogo sa nobela, at pangunahin na rito ang usapan nina Katy at Taling, o nina Taling at Rey, o nina Taling at Cara, o kaya’y Katy at Cara. Kuhang-kuha ni Arceo ang paghubog sa katauhan ng babaeng nangangamba at nagdaramdam sa inaasal ng mga anak o sa pagtataksil ng esposo, o kaya’y sa erotikong tagpong naglalaro sa isipan ng magkakapatid. Ang lunan ng mga tauhan ay mas matimbang sa loob ng isipan at kalooban kaysa panlabas na kaligiran, at dito dalubhasang nakalikha si Arceo ng pambihirang daigdig na may tunggalian ng pananaw, kapangyarihan, at halagahan. Ang gayong malikhaing realidad ang kahanga-hanga sa nobela, dahil ang mga tauhan ay kailangang makipagbuno sa kani-kaniyang sarili imbes na sa ibang tao.

Maiisip din na ekstensiyon ang nobela sa maikling kuwentong “Uhaw ang Tigang na Lupa” (1943) na ang pagbanggit ni Danilo sa pangalan ng kerida ay maririnig ng asawa niyang si Nora. Ang pait na madarama ni Nora ay higit sa pagtataksil at paglagot sa tiwala, dahil doon niya mababatid na sa kabila ng kaniyang kayamanan ay nabigo siyang bigyan ng kaligayahan ang esposong naghahanap ng kalinga at katwiran ng buhay. Nakuha man ni Nora ang bangkay ng kaniyang asawa’y mahihiwatigang mananatili naman ang makukulay na alaala na iniwan ni Danilo kay Katy: ang sanggol na babae. Ito ang tagumpay ni Katy, at ang tagumpay na ito ay titindi sa pagsisimula ng bagong negosyo. Sa kabilang dako’y walang katiyakan ang kinabukasan ni Nora, dahil pagkamatay ni Danilo ay walang pahiwatig kung sino ang hahawak ng negosyo bukod kay Don Julio.

Ipinakikita lamang sa nobela na ang pag-aaral ng magkasalungat at nagbabanggaang panahon ay hindi laging matatagpuan sa malawak na lipunan. Ang pamilya ang mikrokosmo ng lipunan, kung paniniwalaan ang mga sosyologo, at ang pamilyang ito na binihisan ng malikhaing guniguni ng nobelista ay kayang makayanig sa dating de-kahong pananaw ukol sa kapangyarihan, sex, kayamanan, halagahan, at pagmamahal. Ito ang matagal nang itinuturo sa atin ni Liwayway A. Arceo—na isa sa mga dakilang manunulat na Filipino ng kaniyang panahon—ngunit hindi napapansin kahit ng bagong henerasyon ng kabataang naghahanap ng kabuluhan sa buhay.

Muling Pagbasa sa Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Nakalulugod at muling inilimbag ngayong taon ng Anvil Publishing ang nobelang Banaag at Sikat (1906; 1959) ni Lope K. Santos. Inuurirat ng nasabing nobela ang bisa ng kayamanan at kapangyarihan sa relasyon ng mga tao, at kung bakit nananatiling dukha ang marami. Ngunit higit pa rito, nagpapanukala ang nobela ng mga pagbabago sa pananaw, pagsusuri sa lipunan at kasaysayan, at pagsasanib ng mga dukha upang baligtarin ang namamayaning baluktot na kalakaran. Kakaunti lamang, sa aking palagay, ang tunay na nakabasa ng nobela ni Santos; at marahil may kaugnayan ito sa prehuwisyo, katamaran, o pagkatiwalag sa wika at panitikang Tagalog. Ano’t anuman, ang muling pagbasa sa nasabing nobela ay isang paraan ng pagkilala, kung hindi man pagbabayad, sa malaking pagkaligta sa dakilang manunulat na Tagalog.

Banaag at Sikat

Banaag at Sikat, kuha ni Beth Añonuevo

Umiinog ang nobela sa buhay nina Delfin at Felipe, na kapuwa nagtataglay ng sungayang ideolohiyang may kaugnayan sa sosyalismo. Si Delfin ay mula sa angkan ng mayayaman, ngunit naghirap nang yumao ang kaniyang mga magulang, at ampunin ng ibang tao. Madaranas niya ang hirap sa pagpasok sa iba’t ibang trabaho, at ang hirap na ito ang magiging kabiyak na praktika ng mga teoryang nasagap niya sa pagbabasa ng mga aklat na sumusuysoy sa sosyalismo sa Europa. Samantala, si Felipe ay anak-mayaman din, ngunit itatakwil ng kaniyang sariling ama dahil iba ang nais pag-aralan at lumilihis sa itinatakdang landas ng pagpapanatili ng kayamanan ng angkang maylupa. Ang karanasan ni Felipe bilang manlilimbag sa imprenta, bilang manggagawang bukid sa lupain ng kaniyang ama, at bilang kasintahan ni Tentay ang magbubukas sa kaniya ng paningin hinggil sa malaganap na kahirapang bumubusabos sa maraming tao. Ang naturang karanasan din ang kapilas ng pilosopiya ng anarkismong ibig niyang yakapin at palaganapin sa bansa.

Mapapaibig si Delfin kay Meni, na anak ni Don Ramon Miranda, at mabubuntis ang dalaga makalipas ang mga lihim na pagtatagpo. Ngunit hahadlang si Don Ramon, at tatangkaing paghiwalayin ang dalawa. Bugbugin man ng ama si Meni ay hindi magbabawa ang pasiya nitong samahan si Delfin. Hanggang mapilitang pumayag si Don Ramon sa pagpaparaya sa anak, at maglalagalag sa Amerika kasama ang aliping si Tikong, at ipagkakait ang mana kay Meni. Pagnanasahan naman ni Honorio Madlang-Layon ang kayamanan ni Don Ramon, at gagamitin ang katusuhan bilang abogado upang mapasakamay niya at ng kaniyang asawang si Talia ang lahat ng salapi, sapi, yaman, at lupain ng matanda. Si Talia, na isa pang anak ni Don Ramon, ay pipiliting kumbinsihin si Meni na iwan ang esposo nito at balikan ang layaw na tinalikdan. Matatauhan si Meni, at mananaig sa kaniya ang puri ng taong ayaw sumandig sa kayamanan ng magulang, at tapat na nagmamahal sa asawa.

Sa kabilang dako’y mahuhulog ang loob ni Felipe kay Tentay, na mula sa dukhang pamilya. Ito ang ikangingitngit ni Kapitang Loloy, ang ama ni Felipe, sa paniwalang walang mabuting kinabukasan ang mangyayari kung magkakatuluyang magsama ang magkasintahan. Sapilitang iuuwi ni Kapitang Loloy si Felipe sa lalawigan, subalit magsasagawa naman ng indoktrinasyon si Felipe sa mga magsasaka hinggil sa pinaniniwalaang rebolusyong panlipunan, at magiging sanhi ito upang isuplong siya ng katiwala sa ama. Mapopoot si Kapitang Loloy, at itatakwil ang anak. Pagkaraan, magbabalik si Felipe kay Tentay, at makikipamuhay dito nang parang mag-asawa, matapos ipagtanggol ang mag-anak nito laban kay Juan Karugdog na isang manyakis, bagaman ayaw magpakasal noong una si Felipe dahil sa pananalig na sukdulang kalayaan ng indibidwal.

Sa dulo ng nobela, magbabalik na bangkay si Don Ramon sa Filipinas, makaraang paslangin ni Tikong dahil sa labis na pagmamalupit ng amo. Ipakikilala si Doroteo Miranda, ang pamangkin ni Don Ramon, na maghahatid ng bangkay, kasama si Ruperto na siya palang kapatid ni Tentay. Si Ruperto, na bartender sa Nuweba York, ay ilalahad ang kaniyang pakikipagsapalaran sa iba’t ibang bansa sa pananaw ng migranteng manggagawang Filipino, at mapapaibig kay Marcela na siyang kapatid naman ni Felipe. Magtatagisan ng paniniwala sina Delfin at Felipe doon sa sementeryo hinggil sa sosyalismo at anarkismo, hanggang dumako sila sa yugtong hindi pa napapanahon ang rebolusyon ng mga anakpawis dahil hindi umaabot sa kalagayang malaganap na ang kaisipang sosyalismo sa kapuluan. Ang tagisan ng mga paniniwala ng magkaibigan ay waring karugtong ng balitaktakang ikinapoot nina Don Ramon at Don Filemon sa batis ng Antipulo na binanggit sa ikalawang kabanata ng nobela, at sa pagtatalo nina Delfin at Madlang-Layon sa Kabanata XIV.

Magwawakas ang nobela sa tagpong may salo-salo sa tahanan ng mga Miranda,  at sa ganap na paghihiwalay nina Meni at Talia bilang magkapatid,  dahil tumanggi si Meni na hiwalayan si Delfin kapalit ng rangya, layaw, at yamang pangako ng kapatid. Lilisanin nina Delfin, Meni, Felipe, at Ruperto ang tahanan ng pamilyang Miranda, bago magkabasagan ng bungo sina Delfin at Madlang-Layon, at masasaisip ni Ruperto ang kabatirang “may mga bayani ng bagong Buhay!”

Kayamanan at Kapangyarihan
Masalimuot ang banghay dahil ipinakita ni Santos ang iba’t ibang madilim na pangyayari sa buhay ng mahahalagang tauhan, gaya nina Don Ramon, Don Filemon, Kapitang Loloy, Ñora Loleng, Meni, Talia, Julita, at Tentay, o nina Marcela, Martin Morales, Isiang, Ruperto, Juan Karugdog, at iba pang panuhay na tauhan, na pawang may kaugnayan sa buhay nina Delfin at Felipe. Halimbawa, titindi ang galit nina Don Ramon, Don Filemon, at Kapitang Loloy kay Delfin dahil siya umano ang pasimuno ng kaisipang sosyalismo mulang pahayagang El Progreso hanggang pagbilog sa ulo ni Felipe. Sina Don Ramon at Don Filemon ay kapuwa nagmamay-ari ng palimbagan at pahayagan, at ibig kontrolin kahit ang opinyon ng taumbayan, samantalang sinusupil ang mga karapatan ng obrero. Natatakot din ang tatlong matanda na mawala sa kanilang kamay ang yaman at kapangyarihan, at kumalat ito sa mahihirap. Samantala, ang pagiging matapobre ni Ñora Loleng—na asawa ni Don Filemon—ay kaugnay sa pagpapanatili ng yaman at lihim na relasyon kay Don Ramon.

Ang manipestasyon ng yaman, rangya, at kapangyarihan ni Don Ramon ay aabot kahit kahit sa pakikipagtalik kay Julita na bayarang babae, sa pakikiulayaw kay Ñora Loleng, at sa pakikisama sa iba’t ibang babae sa Amerika. Ang patriyarkal na pananaw ni Don Ramon ay ilalapat niya kahit sa pagpapalaki ng kaniyang dalawang anak na babae, na ang isa’y tradisyonal at gahaman (Talia), samantalang ang isa’y makabago at mapagbigay (Meni). Hindi malalayo rito ang patriyarkal na pamamalakad ni Kapitang Loloy, na ibig diktahan kung paano dapat mamuhay ang mga anak na sina Felipe at Marcela. Ang iba’t ibang libog ay makikita naman sa asal ni Juan Karugdog, alyas “Kantanod,” na sinaunang stalker at ibig gahasain si Tentay. Maihahalimbawa rin ang libog ni Ñora Loleng na kahit matanda na’y ibig pa ring makatalik si Don Ramon; o ang kalikutan ni Isiang na dinaraan sa pagpipiyano ang lihim na ugnayang seksuwal kay Morales. Sukdulang halimbawa ng kalibugan sina Meni at Delfin, na nagtitipan kung gabi sa hardin upang doon iraos ang silakbo ng hormone, ngunit ginagawa lamang nila ito dahil sinisikil ni Don Ramon ang kanilang kalayaang mag-usap bilang magkasintahan.

Ang bisa ng yaman at kapangyarihan ay mababanaagan kahit sa palimbagan, sa bukirin, sa tahanan, at sa malalayong lupain na pinaghaharian nina Don Ramon, Don Filemon, at Kapitang Loloy. Kapani-paniwala rin ang nakalulunos na paglalarawan sa tahanan ng mag-anak na Tentay, o kaya’y ng naghihikahos na mag-asawang Delfin at Meni, na maitatambis sa marangyang kasal nina Honorio at Talia o sa paglulustay ng oras nina Morales at Isiang sa ngalan ng aliwan. Ang kasal nina Honorio at Talia ay halimbawa ng pagsasanib ng dalawang maykayang pamilya, at si Honorio ang abogadong tagapagtanggol ng ekonomikong interes ng pamilyang Miranda. Iisa lamang ang ibig sabihin nito: Nasa yaman ang kapangyarihan, at ang kapangyarihang ito ay kayang dumungis ng dangal ng tao o sambayanan.

Gayunman, ipinamamalas din ng nobela na hindi lahat ay kayang bilhin at paikutin ng salapi. Ang pagtalikod nina Meni, Delfin, at Felipe sa ipinangangakong yaman ng kanilang magulang ay pahiwatig na pananalig sa sariling pagsisikap, sa mataas na pagpapahalaga sa “puri” o “dangal,” at ang anumang yaman ng pamilya ay hindi dapat manatili sa pamilyang iyon lamang bagkus marapat matamasa rin ng iba pang mahihirap na tao. Ang paniniwala ni Delfin, na kung minsan ay sususugan ni Felipe, ay ang tao ay tagapangasiwa lamang ng yaman, at ang yamang ito ay dapat pag-aari ng sambayanan upang magamit sa higit na patas at abanseng pamamaraan.

Pagbasa sa Agos ng Kasaysayan
Natatangi ang pagbasa ni Delfin ukol sa agos ng kasaysayan, at kung bakit aniya hindi pa napapanahon nang oras na iyon ang ipinapanukalang rebolusyong sosyal ni Felipe. Para kay Delfin, ang buhay ng mga lahi at bayan ay dumaraan sa tatlong yugto: una, ang panahong iniaasa at iniuukol ang lahat sa Diyos; ikalawa, ang panahong ipinipintuho at kinikilalang utang ang lahat sa mga bayani; at ikatlo, ang panahong ang lahat ay kinikilala ang galing at mapauwi sa lahat. Ang Filipinas ay nasa ikalawang yugto na umano nang panahong iyon, at naghihintay ng ganap na pagkahinog.  Ang bisyon ng kabayanihan ni Delfin ay sumasaklaw sa sangkatauhan, at hindi lamang sa iilang tao. Upang mapasimulan ang gayong bisyon ay kailangan ang mabubuting halimbawa.

Iniugnay ni Delfin ang kaniyang paniniwala sa ideolohiya ng Katipunan (Kataas-taasan, Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan) nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. Ano-ano ito? Na dapat magkakapantay ang uring panlipunan ng mga tao; Na ang kayamanang hawak ng iilang tao o insitusyon ay dapat maipamahagi at pakinabangan ng lahat ng tao; Na ang mga pinuno’y dapat tagaganap lamang ng lunggati at nais ng taumbayan imbes na diktahan ang taumbayan; Na ang mga manggagawa’y dapat magtamo ng pakinabang sa lahat ng kanilang pinagpagalan. Ang banggit hinggil sa uring manggagawa ay ikayayamot ng mga maykayang sina Don Ramon, Don Filemon, at Kapitang Loloy dahil manganganib ang kanilang ari-arian at malalagay sa alanganin ang seguridad ng kanilang buong angkan.

Pambihira ang ginawang taktika ni Santos sa kaniyang nobela upang mailahad ang kaisipang sosyalista. Masinop niyang ginamit ang usapan nina Delfin at Felipe, bukod kina Don Ramon, Don Filemon, Ruperto, at Madlang-Layon, upang maitampok ang mga hiyas na diwain. Ang nasabing kaisipang sosyalista ay hindi purong sosyalismong inangkat lamang nang buo sa Europa, bagkus hinugisan ng bagong anyo upang iangkop sa mga pangyayari sa Filipinas at nang maangkin ng mga Filipino. Mapapansin kung gayon na ang presentasyon ng karukhaan, inhustisya, at kalagayan ng uring manggagawa sa nobela ay malayo sa sitwasyong industriyal ng Europa, ngunit iniangkop sa piyudal na sistema sa Filipinas. Ang problema lamang ay lumalabis kung minsan ang salitaan, at animo’y nagtatalumpati ang mga tauhan na siyang maipupuwing sa punto de bista ng sining sa pagkatha. Ang pananaw na sosyalista ay tutumbasan sa nobela ng mapapait na karanasan ng mga dukha, mulang panlalait at pag-aaglahi hanggang tandisang pananakit at pangigigipit mula sa anak at alila hanggang obrero at magsasaka. Dito bumabawi ang nobela, dahil ang mga tauhan ay nagkakaroon ng gulugod, at ang kanilang paghihimagsik sa dustang kalagayan ay hindi lamang basta hinugot sa aklat bagkus sa tunay na buhay.

Estetika ng Nobela
Ginamit sa Banaag at Sikat ang bisa ng ligoy at paghihiwatigan ng mga Tagalog noon kaya mapapansin ang mabubulaklak na usapan. Ang nasabing paraan ng komunikasyon ay nagpapamalas ng mataas na konteksto ng usapan at ugnayan, na nagpapatunay na ang mga Tagalog ay malaki ang pagpapahalaga sa kausap na maaaring matalik sa kaniyang puso kung hindi man “ibang tao.” Naiiba ang naturang komunikasyon sa gaya ng komunikasyon ng mga Amerikano, na ang ibig palagi ay tahas ang usapan, at walang pakialam sa niloloob ng kausap.

Ang mga usapan ay nabubudburan ng mga siste, at ang kabastusan ngayon ay binibihisan noon ng mga talinghaga upang maikubli ang kalibugan, kalaswaan, at kasaliwaan ng mga pangyayari. Maihahalimbawa ang usapan nina Meni at Delfin sa bakuran o sa Antipolo, o nina Felipe at Tentay sa isang dampa, o kahit ang landi ng mga tagpo sa panig ng tatsulok na relasyong Ñora Tentay, Don Ramon, at Julita, hanggang sa pahabol na pagliligawan nina Ruperto at Marcela sa dulo ng nobela.

Kahanga-hanga ang lawak ng bisyon ni Santos sa pagkatalogo ng mga pangyayari, at sa mga paglalarawan ng mga tauhan, tagpo, at tunggalian. Mulang sinaunang pamahiin sa pagbubuntis ni Meni hanggang lumang paniniwala sa paglilibing kay Don Ramon, nahuli ng awtor ang kislot ng guniguni ng karaniwang Tagalog at ito ang mahirap pantayan ng mga kapanahong akda ng Banaag at Sikat. Maihahalimbawa ang detalyadong paglalarawan sa Antipolo, na maihahambing noon sa Baguio at iba pang tanyag na resort ngayon, at kung paanong ang pook na ito ay kapuwa nagtataglay ng kabanalan at kalaswaan. Pambihira  rin ang deskripsiyon mula sa limbagan, at maiisip kung gaano kabigat ang ginagawa noon ng mga trabahador sa imprenta; o kaya’y ang paglalahad sa hirap na dinaranas ng mga Filipino na napipilitang sumakay ng barko upang makipagsapalaran sa iba’t ibang bansa. Sa paglalangkap ng diyalohikong agos ng mga pangyayari at diyalohikong usapan ng mga tauhan, nakalikha si Santos ng kahanga-hangang kaisipang nakapaghahayag ng panukalang sosyalismong Tagalog para sa Katagalugang kumakatawan sa buong bansa, ayon sa sipat ng Katipunan.

Ang tinutukoy na “Banaag at Sikat” sa nobela ay ang posibilidad ng malawakang pagbabago sa lipunan, at ang pagbabagong ito ay may kaugnayan sa distribusyon ng kayamanan, oportunidad, at kapangyarihan. Maaaring munting sinag mula sa malayo ang nakikita ni Santos noon, at siyang ipinaloob niya sa diwa nina Delfin at Felipe na inaasahang magpapasa rin ng gayong diwain sa kani-kaniyang anak. Ang ipinunlang kaisipan ng awtor ay masasabing napapanahon na, at sumisikat na sa kaisipan ng bagong henerasyong nasa alaala na lamang ang gaya ng Colorum at HUKBALAHAP sa harap ng Bagong Hukbong Bayan at Bangsamoro. Gayunman, makabubuting magbasa muna ng aklat, at basahing muli ang Banaag at Sikat, nang matiyak nga kung anong silakbo ang iniwan ni Lope K. Santos sa kaniyang mga kapanahong manunulat at siyang umaalingawngaw pa rin magpahangga ngayon sa ating piling.

“Sa Ngalan ng Diyos” ni Faustino Aguilar

Mapanganib ang pluma ni Faustino Aguilar dahil niyayanig niya ang pundasyon ng simbahan at pamahalaan, at nagbubunyag ng mga kakatwang kaugalian, sa pamamagitan ng kaniyang mga nobela. Isa sa mga makapangyarihang nobela niya ang Sa Ngalan ng Diyos (1911) na tumutuligsa sa ordeng Heswita, na kinabibilangan ng mga paring bumibilog ng isip at lumulumpo sa kalooban ng babaeng maykaya, upang maangkin ang salapi, puri, at katawan niya.

SIMBAHAN, kuha ni Bobby Añonuevo

SIMBAHAN, kuha ni Bobby Añonuevo

Napakagandang isapelikula ang nasabing nobela. Masinop na huhubugin ni Aguilar ang mga pangunahing tauhang gaya nina Carmen, Padre Villamil, at Eladio, at susuhayan ng mga tauhang gaya ng Mr. Roland, Dolores, Ventura Rodriguez, Padre Superyor, at Dure. Bubuksan ang tagpo sa pag-uusap nina Padre Villamil at Padre Superyor, isang gabing masungit ang panahon, at ipapahiwatig ang balak nilang akitin papaloob ng kumbento si Carmen na tagapagmana ng ekta-ektaryang lupain at limpak na kayamanan. Ang maitim na balak ng dalawang pari ay tila sumasalamin din sa maiitim nilang sutana, at kaugnay ng pagnanasang isalba sa kahirapan ang Kompanya ni Hesus at matustusan ang materyal na pangangailangan ng mga pari.

Si Dolores, kasintahan ng Amerikanong si Roland, ay makikipaghiwalay sa kaniyang minamahal dahil sa di-matanggap na tsismis na nagmumula rin sa mga pari. Sa labis na lungkot, lalapit si Dolores kay Padre Villamil, at ang konsultasyon at pangungumpisal ay maghuhunos na makamandag na usapang hahatak kay Dolores para talikdan ang daigdig at pumasok na madre sa kumbento. Si Eladio, na utusan ni Dolores, ang makapapansin sa masasamang balak ng mga pari sa nasabing dalaga, at ipaghihimagsik ng loob ang gayong pakana. Ngunit kailangan niyang sumandig kay Dolores upang buhayin ang kaniyang asawang si Dure, at kailangan niya si Padre Villamil upang maging tulay kay Dolores at gawin siya nitong katiwala sa mga bukirin o ari-arian.

Ang kagandahan at kayamanan ni Dolores ang pagnanasahan nina Padre Villamil at Eladio. Higit na malupit lamang si Padre Villamil, dahil yamang batid nito ang pagkamuslak (i.e., naivete) ni Dolores, ay gagamitin ang katusuhan upang magahasa ang dalaga at maangkin pa ang mga lupain nito. Samantala, malilibugan din si Eladio kay Dolores, at pagnanasahan nito ang katawan ng dalaga, subalit gagawin ito upang unahan si Padre Villamil, uyamin ang nasabing pari sa labis na kalibugan, at yugyugin ang katauhan ni Dolores para magising sa matagal nang katangahan. Si Roland lamang ay masasabing umiibig nang tapat kay Dolores, ngunit mahina rin si Roland bilang banyaga na hindi kayang amuin ang ilahas na loob ni Dolores. Ang pagkakalarawan kay Roland ay tila Tagalog imbes na Amerikano, gayunman ay hindi na mahalaga yamang ang ibig lamang itampok sa nobela ay ang pananaghili o panibugho ni Dolores sa kaniyang kasintahang nawala nang matagal.

Ipagpapalit ni Dolores ang lahat ng kaniyang kayamanan makamit lamang ang pinaniniwalaang langit na ipinangangako ng simbahan. Samantala, si Padre Villamil naman at ang kaniyang mga kasamang pari sa Kompanya ni Hesus ay naniniwalang kailangang matamo rin ang materyal na yaman sa lupa bukod sa pinaniniwalaang yaman ng kalangitan. Si Eladio ang animo’y anarkista na handang lumikha ng panununog, pagpatay, at panggagahasa kung ang buhay sa daigdig ay walang nang maidudulot na pag-asa. Ang naturang mga tagpo ay waring pabaligtad na paglalarawan ng mga aral ng Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, na nagsasabing hindi dapat sumandig sa ipinangangakong langit na hindi naman alam kung magaganap, bagkus magsikap na matagpuan ang langit dito sa lupa.

Pambihira ang nobela ni Aguilar dahil ipinakikita nito kung paano ang relihiyon ay nagiging lunsaran ng diyabolikong indoktrinasyon, gaya sa politika, at ng komodipikasyon ng kaligtasan at pananampalataya, na ang sukdulan ay ang pagkatiwalag sa sarili ng tao. Si Carmen ang ultimong halimbawa na maglalaho ang identidad nang pumasok sa kumbento, at malulugso ang puri, bukod sa mawawalan ng kayamanan. Makakamit nga ni Padre Villamil ang yaman, katawan, at kaluluwa ni Dolores ngunit mabubunyag naman sa madla ang kaniyang kabuhungan. Ang pagdiriwang kung gayon sa bandang dulo ng nobela ng gaya nina Padre Villamil at Padre Superyor ay pabalintuna ang epekto, dahil magngingitngit ang bumabasa sa gayong tagpo at isusumpa marahil ang sinumang Heswita na kanilang kilala noon. Ipinahihiwatig din sa nobela ang makatwiran at hinog sa panahong pag-aaklas, na dapat sanang ginawa ni Eladio, ngunit si Eladio ay hindi handa at tanging sarili lamang ang iniintindi.

Mabuting mabasa ng bagong henerasyon ng mga estudyante ang mga nobela ni Faustino Aguilar. Si Aguilar ay hindi karaniwang manunulat, bagkus linyadong manunulat na alam ang bituka ng Katipunan dahil isa siyang Katipunero. Ngunit taliwas sa dapat asahan, ang mga aral ng Katipunan ay pabaligtad niyang itinatampok sa kaniyang mga akda, kaya ang dating mga aral ng Katipunismo ay naipipihit sa kahanga-hanggang anggulo, at sumisilang na sariwa, matibay, at mabulas.