Mga Aralin sa Halik

1
“Noong humalik ang hari,
ang lahat ng binibini ay ano’t
nagiging pusali,”
wika ng alimasag
na pagewang-gewang
palabas ng kusina.

2
Ang halik ay guniguni
at sinlamig ng tag-ulan,
tugon ng kaharian.

Sumang-ayon ka.

At naupos ang lahat ng ilaw
sa buong lungsod,
samantalang gising na gising
ang kuwago na sakmal
ang ulupong na kikisay-kisay.

3
Ang halik ay halakhak
at taginting ng kubyertos.
Ang halik ay piging
kung may korona’t alipin.
Ang halik ay bari-bariles
na alak
para tawagin ang mga espiritu
na iba’t iba ang kulay.

Ngunit ang halik ay sampu-sampera
kung ibig maging payaso
para aliwin ang nagugutom na masa

at pagnasahan ang esposa ng iba.

4
Ang halik ni Hudas
ay hindi tinutumbasan ng sampal.
Ang halik ay si Hudas
na kaganapan ng kaligtasan.
Bakit isusumpa
ang taksil kung ang kapalit
ay langit para sa lahat?

5
Batas at imperyal, ang halik
sa sariwang mga pingi
ay koryenteng dumadaloy
sa silya elektrika.

Tanungin ang hukom,
ngunit tatalikuran niya
ang alimuom mula sa singaw
ng mga bangkay.

6
Ang halik ay pahimakas
at lumalapag na eroplano
para sa plano
ng mga asesino.

Ang halik ay pagtingala
sa mga bituin,
pagguhit ng isang mapa,
at paghula ng kapalaran—

tungo sa napakalayong planeta.

7
Ang halik sa labìng
nasa pagitan ng mga hita
ay halik din sa labì
na hindi makapagsalita.

8
“Hinahagkan ng hari
ang pasigan ng dayuhan,”

sabi ng peryodikong Tsino,

“at dahil may tainga ang lupa,
magsalita man ito
ay malikhaing pagsisinungaling.”

Nagkakamali kahit ang balita,
dahil iba ang wika ng mga maralita.

9
May halik na naiiwan sa duyan.
May halik na nabubura sa hukay.
Ang halik ang duyan, ang halik
ang hukay, ang halik ang halik
sa taimtim kung magmahal.

10
Dumadampi ang labì sa labì,
at gaya sa saplot ay naibuburda
kahit sa pinakamapait na alaala.

11
Yungib ng bulawan ang halik,
sabi ng matatanda,
gayunman ay hindi ito madaling
makita
maliban kung makikipagsapalaran
ang hari
sa laberinto ng karimlan.

12
Isinasakay ng simoy ang halik,
na marahil ay makararating sa iyo
kung iibigin mo.

Kung sakali’t tanggapin mo
ang halik na ito,
ako man ang hari ay bababâ
sa trono

ipagpalagay mang ako’y luko-luko.

Advertisements

The Son Rising: An Invitation to a Classical Guitar Recital

THE ROAD LESS TRAVELED. Amansinaya M. Añonuevo is all set to showcase his classical guitar talent in a two-hour one-of-a-kind performance on 8 May 2018, at St. Paul University Manila, at exactly 3 pm.  Limited seats only. Guests will be seated on a first-come, first-served basis. The recital is free, and open to the public.

Ang Himala

Ang Himala

Roberto T. Añonuevo

Kung ang ibon ay nakatatagpo ng pagkain
Sa himpapawid, sino ako para hindi makakain
Sa lawak nitong lupain?

Nalalasahan ng bayawak o sawá ang tamis
Sa hangin, at ang lansa ng kamatayan
Ang pag-asa nito para makaraos sa tag-araw.

Hindi ko ito maiintindihan, at mananalangin
Sa mga diyos para magpaulan ng bigas
Ang helikopter sa mga bakwet o nagugutom.

Ang pamayanang bilanggo ng mga bundok,
Ano’t nagpipista kahit walang selfon o laptop,
Bukod sa busóg sa payew ng kamote’t gulay?

Hindi ba naiinip ang bayan kung destiyero
Ito ng mga alon? Ang mga lamandagat
Ang lumalapit sa tao para ito magpiging.

Naririnig ko minsan ang kakaibang musika,
Sumasabay sa laguklok ng aking sikmura,
Ngunit hindi kailanman ito pamatay-gutom.

Magkakaroon ng hanggahan ang mapa,
Ngunit ang pagkain ay darating na kawan,
At ang karabana ng pag-asa ay dadalaw.

Ang tubig-dagat ay napagbabanyuhay
Para inumin, ipaligo, ipanlinis, ipandilig.
Naiipon ang ulan sa dambuhalang abram.

May bitamina ang sinag ng araw, sabi
Ng doktor, at naunawaan ko ito sa buwaya
Na nagbibilad sa gilid ng pasigan.

Dumating man ang bagyo’y sumasagana
Ang agahan o hapunan, at ang kaligiran
Ay sumusúka ng parmasya at restoran.

Makitid akong mag-isip. Nangangamba
Ako sa darating na tagsalat, sa pagkawala
Ng trabaho, sa paglalaho ng pamilya.

At ang kasunod? Pagkain. Ano ang silbi
Ng pinggan at kubyertos kung walang ulam?
Kailangan kong matutong lumipad,

At maging tulad ng isang ibon: kumakain
Kahit lumilipad, umiinom kahit lumilipad,
At lumilipad ang diwa dumapo man sa pugad.

Nagbabago ang klima ngunit mananaig ka.
Napapatag kahit ang bundok ng basura,  sabi mo,
magtiwala lámang sa  bulate, langaw, bakterya . . . .

Ang Bahay, ni Warsan Shire

Salin ng “The House,” ni Warsan Shire ng United Kingdom
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Bahay

i
Ani ina, na may mga pinid na pinto sa loob ng lahat ng babae; kusina
Ng pagnanasa, silid ng pighati, at banyo ng kawalang-latoy.
Minsan, ang mga lalaki—dumarating silang hawak ang mga susi,
At minsan, ang mga lalaki—dumarating silang may mga martilyo.

ii
Ang lalaking nawawala, ang lalaking nakahilata,
Sinabi kong Hindi! ngunit hindi siya nakikinig.

iii
Marahil may balak siya, marahil balak niyang tanggapin ang lalaki
Upang ang lalaki’y gumising pagkaraan sa bathtub na puno ng yelo,
Nang may tuyot na bibig, at minamaliit ang bago, malinis na kaparaanan.

iv
Itinuro ko ang láwas at sinabing Ang luma na ito? Kasusuot ko lang nito.

v
Kakainin mo ba iyan? Tanong ko sa ina ko, at itinuro si ama
Na nakaupo sa hapag, at namumuwalan sa pulang mansanas.

vi
Habang lumalaki ang katawan ko, dumarami ang mga kandadong silid, at higit na marami ang lalaking sumasapit nang may mga susi. Hindi nagpilit si Anwar na pumaloob, iniisip ko pa rin kung ano ang mabubuksan niya sa loob ko. Dumating si Basil at nagbantulot sa pintuan sa loob ng tatlong taon. Si Johnny na asul ang paningin ay dumating na may bag na puno ng kagamitang ginamit din niya sa ibang babae: isang ipit, isang bote ng kloroks, isang patalim, at isang botelya ng Vaseline. Binigkas ni Yusuf ang ngalan ng Maykapal sa butas ng susian, at walang sinumang tumugon. Nagmakaawa ang iba, ang ilan ay inakyat ang gilid ng aking katawan at hinahanap ang bintana, ang ilan ay nagsabing sila’y paparating ngunit hindi dumating.

vii.
Ituro dito sa manyika kung saan ka hinipo, sabi nila.
Sabi ko, Hindi ako mukhang manyika, para akong bahay.
Sabi nila, Ipakita mo sa amin doon sa bahay.

Gaya nito: dalawang daliri sa bote ng ube
Gaya nito: isang siko ng tubo sa paliguan
Gaya nito: isang kamay sa loob ng drower.

viii.
Dapat kong sabihin sa iyo ang aking unang minahal, na nakatagpo ng bitag na lagusan  . . sa ilalim ng kaliwang suso ko siyam na taon na ang nakararaan, nahulog doon, at hindi na siya nakita pang muli. Pana-panahong nararamdaman ko ang may kung anong gumagapang sa aking hita. Nagpakilala sana siya, at pakakawalan ko siya. Umaasa akong hindi niya makakabunggo ang iba, ang mga nawawalang bata mulang maliliit na nayon, na may kaaya-ayang nanay, na gumagawa ng masasamang bagay, at nangaglaho sa laberinto ng aking buhok. Hinarap ko sila nang maayos, binigyan ng isang hiwa ng tinapay, at kung sinusuwerte sila, isang piraso ng prutas. Maliban kay .Johnny na asul ang mga mata, na sinundot ang aking kandado at gumapang papaloob. Sutil na bata, nakakadena sa silong ng aking mga pangamba, nagpatugtog ako ng .musika upang mabura siya nang ganap.

ix
Tok tok.
Sino iyan?
Wala sinuman.

x
Sa mga parti, itinuturo ko ang aking katawan at sinasabing, Dito dumarating ang pag-ibig para mamatay. Halina, pumasok, at pumanatag dito sa tahanan. Matatawa ang lahat, at iniisip na ako’y nagbibiro lámang.

“Ang mga Lobo,” ni Ghassan Zaqtan

Salin ng “Wolves” ni Ghassan Zaqtan ng Palestine
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Ang mga Lóbo

Ang paglisan ng mga ibon sa kaniyang puso
Ay iniiwang puti ang kapatagan
Na ang kuwento ay puti
At ang pagtulog ay puti
At ang katahimikan ang íkon ng tumatawag.

Sisibol ang halakhak ng buhangin pagbukas ng pinto
Mula sa anggulo ng sindak, ang awit
Para sa matinding taglamig, at ang mga tinig
Ng mga umalis noong nakalipas ay lulundag
Gaya ng mga tipaklong
Kapag binuksan ang pinto.

Hintay, hintay nang sandali
Para pawiin ang luha kahit sandali
Nasa ating bakás
Ang walang patumanggang hinagpis
At ang seramikong ibon. . .
At tingnan pagdaka ang mga kuwintas sa kisame.

Bakit hindi mo patayin ang mga ilaw
O kaya’y pumanatag na maupo

At titigan ang mga prutas sa sahig?

Sumasaid sa katahimikan ang tinig mo sa aking silid
Ang kahimitikan ng mga kaldero
Ang katahimikan ng mga estante
Ang katahimikan ng pagsusulat
Ang katahimikan ng kaligtasan
. . . . . . . . . . . na tinitipon ko nang kung ilang taon
. . . . . . . . . . . nang may tiyaga ng táong mag-isa
. . . . . . . . . . . sa kaniyang hardin sa buong tag-araw
. . . . . . . . . . . o siyang nagpapanumbalik ng pagkawala
Ang pagkawala
Na hindi humihinto.

 

“Pag-ibig,” ni Czeslaw Milosz

Salin ng tula ni Czeslaw Milosz ng Poland.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Pag-íbig

Ang pag-íbig ay ang pagkatútong tingnán ang saríli
Sa paraáng sinisípat ang malalayòng bágay
Dáhil isá ka lámang sa napakaráming nilaláng.
Sinúmang níta nang gayón ay napagágalíng ang pusò,
Nang hindî nababatíd, mulâ sa sarì-sarìng sakít—
Wiwikàin ng íbon at punòngkáhoy sa kaniyá: Kaibígan.

Pagdáka’y íbig niyáng gamítin ang saríli at mga bágay
Pára makatindíg ang mga itó sa ningníng ng kaganápan.
Hindî mahalagá kung batíd niyá ang kaniyáng inihaháin.
Sinumáng magsilbí nang mahúsay ay hindî láging naaarók.

“Isang Pagkakamali Lámang,” ni Eugenio Montale

Salin ng “È solo un vizio,” ni Eugenio Montale ng Italy.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Isang Pagkakamali Lámang

Bumabangon ang payaso gaya ng mga makata
Mayayabang na burukrata
Metikulosong tagapagbalita
Ikaw na siyang tagapaghatid ng sagisag:
Ang tagapagdalá ng mga hukbong humina.
Ang pagkamakata ay hindi  na maipagmamalaki.
Ito ay isang pagkakamali lámang ng kalikasan.
Ang pamatok na dapat pasanin
Nang may pagkasindak.

“Awit sa Trapik,” ni Roberto T. Añonuevo

Kung makadadapo ang eroplano sa tuktok
Ng gusali,
Ano, giliw ko, ang sasabihin sa aking pagdating?
Walang imposible sa pagsisinungaling,
Dahil bawal ang trapik
.  .  .  .  .  .  .  .  .  .  .  .   .  .  .  .  .  . . . . . sa himpapawid.

. . . . . . . . Ang mga lansangan ay paradahan ng sasakyan,
. . . . . . . . Ang mga bangketa ay basketbolan o pamilihan,
. . . . . . . . Ang mga ilog ay baradong alkantarilya’t kanal.
Kailangan ang sopistikadong biyahe,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Mulang Mindanaw hanggang Luzon,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .Mulang Palawan hanggang Sorsogon,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Mulang Visayas hanggang Hong Kong.
Ilang kilometrong sawa ang dapat na riles
Para sa mga bagong bagon ng tren?
. . . . . . . . Ilang talampakan ang dapat maging lalim
Para sa sabwey ng mga daga, biyahero, at tekas?
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Anak ng huweteng kung sisihin ang bus,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Anak ng puta kung murahin ang dyip o motor,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Anak ng teteng kung mangotong ang pulis
Na nagtatago sa ilalim ng tulay.

Naglalakad ako sa riles, naglalakad ako sa bilis
. . . . . . . . . . . Ng metro ng taxi, naglalakad ako dahil kulang
Ang pasensiya’t pamasahe.
. . . . . . . . . . .  ..  . . . . . . Ngunit dahil mahal kita, Lungsod ng Adik,
. . . . . . . . . . .  ..  . Dahil mahal ko ang iyong batong puso’t heneral,
. . . . . . . . . . .  ..  . Dahil mahal ko ang iyong puspos na batong napulbos,
Lumilipad din ako gaya ng polusyon, lumalangoy
ako gaya ng polusyon, tumatakbo akong matamis na lason

para sa iyong kabunyian.

Nangangarap akong makasasakay sa isang drone,
. . . . . . . . . . . . .  . . At kahit gabi’y mababaliw sa mga kislap ng ilaw
Ng mga gusali’t bahay, ng mga kotse’t poste.
. . . . . . . . . . . . . . . . Ilang taon ang malalagas sa aking buhay
Para sa paghihintay ng masasakyan pauwi?
Ganito rin ba ang pakiramdam sa loob ng bartolina?

Pumapasok ako sa trapik na hayop ang lupit:

Umuuwi ako para matulog, at gigising muli para matrapik.

Ngunit dahil kailangan kong kumayod,
. . . . . . . . . . . .. . . . . . .  . . .  . . . . . . . . . .  kumain,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . . . . . . . . . at kumantot,
Para sa aking pamilya’t pamilyar na papel,
Gagayahin ko si Tupak Shabu,
Adik ako sa iyo, Lungsod ng Adik sa lintik na trapik.
. . . . . . . . . . Dumating man ang katok ng aking pilipisan,
. . . . . . . . . . Dumating man ang tokhang na hindi inaasahan,
. . . . . . . . . . Dumating man ang pumapakyung diktador.
Sasalubungin kita ng yakap at halik, Mahal,
Sapagkat ang zombie ay para na ring
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .. . . .  .. . . . . . . . . .inmortal.

“Sa Ilalim ng Talón,” ni Jerry Martien

Salin ng “Below the Falls,” ni Jerry Martien ng United States of America.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Sa Ilálim ng Talón

para kay Wyn Tucker (1940–1997)

Malálim ang tubigán at gáya ng iyóng lángit
Ay makapág-iisíp kang tagós ang títig mo ríto.

May láyak at banlík sa únang ulán ng talón.
Ang anínag lungtìang paligò ng dáhumpálay.

Doon sa nagtátagpô ang símoy na langháp mo
Ay sumásalamín ang túbig sa iyóng búhay.

Ang malínaw, malambót na balát ay kumíkilapsáw,
nangangatál, at binábalì ang liwánag

Sa kahabàan ng likód ng dumadáloy na láwas
Na nilálanguyán ng maráming katawán sa ibabâ.

Umaálon at tumatáog na tíla ang Maykapál
Ay higít na malálim sa tuód o batóng nasa púsod.

Hindî ang puság ng gaya ng biyâ o malipúto—
Ang dáloy na hindî nagmamadalî’ bagkús panátag.

Tumataás mulâ sa malalakás na labúsaw ng láwas
Hinihíntay ang ulán pára pag-ugnayín ang talón.

Dumaráting nang maráhan ang paglikô,
Dumaráting sa anyô ng laláki at babáe.

Sapát na sariwà para magíng matabâ ang salmón
Na nilutò mo kagabí pára pagsalúhan sa hapúnan.

Sapát ang gúlang pára magíng batóng tinapákan
Mo na mínsang pinákuluán gaya ng pútik.

Naglahò ang kináng-dágat ng laláki.
Hindî ganáp na ílog ang babáe.

Báwat isá’y umaáhon sa lungtîng tisàng álon
Banáyad na gumugúlong at bumábalikwás

Upáng matamó ang anyô nitó
Sa lángit at lupà at sa iyó

At sa iyóng espirítung paningín
At sa iyóng mga matá ng lamán

Doón sa madulás, nalaspág na batuhán
Sa paanán ng talón

Iniíwan nitó ang limbág ng ílog dragón—
Pangá at matá, hásang at palikpík at buntót—

Úpang ipamálas sa kaluluwá mo ang landás
At doón sa báwat mayumìng likông kaydalî

Lumulubóg sa púsod ng lungtîng káilalíman
Ngayóng lalangóy ang pusò mo magpákaílanmán.

Grays Falls, Trinity River

“Natatanging Babae,” ni Maya Angelou

Salin ng “Phenomenal Woman,” ni Maya Angelou ng United States of America.
Salin eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Natatanging Babae

Nagtataká ang magagandang babae kung nahan ang aking lihim.
Hindi ako kyut o may katawang kasukat ng fashonistang modelo.
Ngunit kapag nagsimula akong magsalita sa kanila,
Akala nila’y nagsisinungaling lámang ako.
Sasabihin ko,
Naroon ang lihim sa abót ng aking mga kamay,
Sa lapad ng aking balakang,
Sa imbay ng aking hakbang,
Sa hubog ng aking labì.
Babae ako
Natatangi.
Natatanging babae,
Iyan ako.

Pumapasok ako sa silid
Nang panatag ayon sa ibig mo,
At sa isang lalaki,
Ang mga kasama niya’y tumitindig
O lumuluhod
At pinalilibutan nila ako,
Gaya ng pugad ng mga pukyot.
Sasabihin ko,
Naroon sa alab ng aking mga mata,
At sa kislap ng aking mga ngipin,
At sa kembot ng aking baywang,
At sa tuwa ng aking mga paa.
Babae ako
Natatangi.
Natatanging babae,
Iyan ako.

Humahangà ang mga lalaki
Kung ano ang nakikita nila sa akin.
Labis silang nagsisikap
Ngunit hindi nila mahipò
Ang hiwaga ng aking kalooban.
Kapag sinubok kong ipakita sa kanila,
Sasabihin nilang hindi pa rin nila makita.
Sasabihin ko,
Naroon sa arko ng aking likod,
Sa araw ng aking ngiti,
Sa taglay ng aking dibdib,
Sa yumi ng aking estilo.
Babae ako
Natatangi.
Natatanging babae,
Iyan ako.

Ngayon mo mauunawaan
Kung bakit hindi yumuyukod ang aking ulo.
Hindi ko kailangang sumigaw o magtatalón
O magsalita nang malakas.
Kapag nasilayan mo akong nagdaraan,
Dapat mong ipagmalaki iyon.
Sasabihin ko,
Naroon sa lagitik ng aking takong,
Sa kulot ng aking buhok,
Sa palad ng aking kamay,
Sa pangangailangan para sa aking kalinga.
Dahil ako’y babae
Natatangi.
Natatanging babae,
Iyan ako.