“May Babaeng Naghihintay sa Akin,” ni Walt Whitman

salin ng “A Woman Waits for Me,” ni Walt Whitman.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

May Babaeng Naghihintay sa Akin

May babaeng naghihintay sa akin—taglay niya ang lahat, walang pagkukulang,
Ngunit kulang ang lahat, kung wala ang pagtatalik, o kaya’y kung kulang
ang umedad ng tamang lalaki.

Taglay ng sex ang lahat,
mga láwas, kaluluwa, pruweba, puresa, delikadesa, resulta, promulgasyon,
awit, utos, kalusugan, dangal, hiwagang maternal, gatas na seminal;
Lahat ng pag-asa, benepisyo, handog,
Lahat ng silakbo, pag-ibig, kagandahan, tuwa ng lupain,
Lahat ng gobyerno, hukom, diyos, sinundang tao ng lupain,
Bihag sila ng sex, bilang bahagi ng sarili, at ng katwiran ng sarili.

Di nahihiya, ang lalaking kilala ko at kinikilala ay batid ang linamnam ng sex,
Di nahihiya, ang babaeng batid ko at kinikilala ay tanggap ang taglay niya.

Ngayon ay lalayô ako sa mga walang tinag na babae,
Makikipisan ako sa kaniyang naghihintay sa akin, at sa mga babaeng
maiinit ang dugo at sapat para sa akin;
Nakikita kong nauunawaan nila ako, at hindi ako itinatakwil;
Nakikita kong karapat-dapat sila sa akin—ako ang magiging malakas na bana
ng mga babaeng ito.

Sila ay hindi mababà kaysa akin,
Nasunog ang kanilang mukha sa maningning na araw at hihip ng simoy,
Taglay ng kanilang lamán ang matandang dibinong lambot at tatag,
Alam nilang lumangoy, gumaod, sumakay, mambuno, tumudla, tumakbo,
sumapol, umatras, sumulong, sumalungat, ipagtanggol ang sarili,
Sila ang sukdulang bunga ng sariling pagpapagal—sila ay panatag, malinaw,
hawak ang sarili.

Hahatakin ko kayong palapit sa akin, o mga babae!
Hindi ko kayo mapawawalan, gagawa ako ng mabuti sa inyo,
Ako ay para sa inyo, at kayo ay para sa akin, hindi lámang para sa akin,
bagkus sa kapakanan ng iba;
Nakabalot sa inyong paghimbing ang mga dakilang bayani at makata,
Ayaw nilang mapukaw sa hipo ng sinumang tao kundi sa akin lámang.

Tanging ako, o mga babae—Ako ang lumilikha ng sariling landas,
Ako ay mahigpit, matalas, malaki, at di-mabubuyo—ngunit mahal ko kayo,
Hindi ko kayo sasaktan nang higit sa kinakailangan ninyo,
Isinasalin ko ang mga bagay para magsimula ng mga anak na angkop
sa Mga Estadong Ito—idiniriin ko ang mababagal, magagaspang na láman,
Inihanda ang sarili sa magaganap—nakinig ako sa mga panambitan,
Hindi ako makaaatras hangga’t hindi nailalagak ang matagal nang naipon
sa aking kalooban.

Sa pamamagitan ninyo ay naipaaagos ko ang mga sinikil na ilog ng sarili,
Ibinabalabal ko sa inyo ang laksang taong darating,
Sa inyo ay pinasisibol ko ang pinakamamahal sa akin at sa America,
Ang mga patak na dinalisay mula sa inyo ay lalagong mabagsik at atletikong
dalaga, bagong artista, musiko, at mang-aawit,
Ang mga sanggol na ipinagbuntis ninyo ay magsisilang din ng kanilang anak,
Hihingin ko ang mga perpektong tao mula sa aking mga ginugol na pag-ibig,
Inaasahan ko na magsasanib-sanib sila, gaya ng pagsasanib natin ngayon,
Bibilangin ko ang mga bunga ng rumaragasang ulan ng mga ito,
gaya ng pagbilang sa mga bunga ng rumaragasang ulang bigay ko ngayon,
Hahanapin ko ang mapag-arugang sibol mula sa pagsilang, búhay, kamatayan,
inmortalidad, na mapagkandili kong itinatanim ngayon.

Mag-iwan ng puna

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.