“Tula mula sa Bilangguan,” ni Mohammed al-Ajami

salin ng “Poem from a Prison Cell” ni Mohammed al-Ajami ng Qatar.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Tula mula sa Bilangguan

Mohammed al-Ajami

Ang isipan ko ba o ang aking loob ang naglaho
sa inyo, o lupaing Arabe, ang baláy ng aking mga kaaway?
Kung binihag ninyo ang aming isip sa batas at katwiran
kung iginalang ninyo ang aming kuro-kuro,
marahil ay kikipilin ninyo rin ang aking puso
Sino ako? Huwag itanong ang mga araw ukol sa akin—
Ako’y walang silbi kundi maging bilanggo
sa isang nakabukod na selda
Ito ang aking bansa, ang pandarahas ang tanging
umaagaw ng aming mga karapatan
Dito, ang kamangmangan ang nagtatadhana
ng aming mga paniniwala
Dito, ang taumbayan ay walang tinig, at hindi
maisatitik ang wika ng panunuligsa
Bayan ko, kung ang kaliwanagan ay humihingi
ng patawad, hindi ako hihinto sa paghingi ng tawad
Sabihin sa inyong mga anak, sa silangan at kanluran,
—at patuloy na sabihin sa kanila, hanggang
ang mga ibon ay awitin yaon sa mga sanga—
na ang mga mamamayang walang kuro-kuro
ay tila kawan ng mga hayop na nauuhaw
ngunit walang kamalay-malay sa karatig na oasis
Ipaglaban ang inyong mga pananalig: ito ang paraan
kung paano sumakay ng kabayo at humawak ng sandata
laban sa pinunong ang hangad ay mang-api
at hinuhubog ang inyong katahimikan
sa ngalan at katwiran ng kawalang-katarungan
Sabihin sa kanila, na ako, suwail, masigasig
ay walang kaparis sa aking tagumpay at kabiguan
Maaaring dinungisan ng panahon ang aking dangal
ngunit hindi madali para sa panahon na itali ako
Panginoon ng mga dukha, sino kayo kung ihahambing
sa mga kaharian ng taumbayan ng Ibn Ad
sa Iram, na lungsod ng mga haligi,
na winika ng Maykapal sa kaniyang Paghuhukom?
Hindi ka naging matapat, mapagbalatkayong propeta
bagaman ikaw, gaya ni Hesus, ay nagsalita sa sabsaban
Sinugatan mo ang katotohanan, at ang aking magiting
na pagsunod ay yumao, at nagdamit ng itiman
Paanong aasahan ang pagsunod
kung sumisigaw ka ng kawalang-katarungan?
Kung susundin ka namin, ano ang mangyayari
sa aming prinsipyo?
Kung kami’y magdarasal, sino ang aming pagdarasalan?
Sa Diyos, o sa mga alagad ng Diyos?

Walang puwang ang birtud kapag may pang-aapi
walang puwang ang bisyo sa landas ng katarungan
Sinumang nagkasala at nanlinlang ng taumbayan
ay hindi magagawang patnubayan sila
Kung walang pagkiling ang kasaysayan, sasabihin nito
kung paano mo hinanap ang kadakilaan sa poot
Humayo at maging miserable, bagaman tayo
ay hindi kailanman naging magkaaway
Iniiwasan ko ang poot, at sinasalungat lámang
ang karapat-dapat maging mga kaaway
Kung tatanungin ako makalipas ang masayang araw
sa okasyong nararapat ang mga salita ng pagmamalaki,
gugunitain ko ang kasaysayan, at magwiwika:
Noong bilanggo ako sa sariling bansa
nang itinanikala mo ang aking mga galang-galangan
kasaysayan ang nagbigay ng lakas at kumpiyansa
sa akin
Ang mga nakahihiyang tanikalang ito
ay kapangyarihan sa aking mga kamay, hindi gahum
para sa kanilang nangibabaw sa akin
Marahang ginigising ako ng mga pinto at bantay
tuwing nakakatulog ako nang napakatagal
Hindi mithi bagkus tákot
ang nagtutulak sa aking itanong ito, ang pangamba
na ang aking mga kaaway ay makita ang aking kahinaan
kapag ako’y humimbing .  .  .
bagaman hindi ko na batid
kung nakapinid ang aking paningin,
habang ako’y nananatiling gising na gising.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: