“Tagpô ng Págnanása,” ni James McAuley

Salin ng “Landscape of Lust,” ni James McAuley  ng Commonwealth of Australia.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika Filipinas.

Tagpô ng Págnanása

May sariling bayan itong pagnanasa
Na hinihimlayan nitong magsing-irog
Ang lungtiang súsong-buról na úmásang
Mahipò ng bughaw at sukdulang ulop
At ang pinilipit na sangang katawan
Ay gaya ng ngiting lakas na tinaglay.

Naghunos halakhak ang tahás na gúlat
Sanhi’y alkimiya ng likás na batis,
Habang kumukulog sa gitna ng dagat;
Batotoy sa bato na kapit na kapit
Ang mga katawan nating magkasumping
Hindi nangangamba’t walang pinapansin.

Ang labis na lugod ay biglang lulusong,
Pagdaka’y aáhong kaylamyos ng ngitî
Upang muling hagkan ang labÌ at utóng.
Kay Vega’y sumimoy ang munting balanì
Dahil nakatabi ang bagting ni Lira
Saká inaawit ang bawal na kanta.

Sa silid ng nayon, na dukhâ ang anyo,
Itinirik wari ang bulawang tukod
Tulad ni Apollo sa tabi ng pintô
Tayo ang gagawa ng bahay at bakod
May kalyuhing palad na sanáy sa búhay
Bubungkalin natin ang pintíg ng lináng.

Advertisements

“Ang Pamilihan sa California,” ni Allen Ginsberg

Salin ng “A Supermarket ni California,” in Allen Ginsberg ng United States of America.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika Filipinas.

Ang Pamilihan sa California

Ano ang iisipin ko ngayong gabi sa iyo, Walt Whitman, pag tinahak ang mga eskinita sa lilim ng mga punongkahoy nang hilo sa maláy na maláy na pagtanaw sa bilog na buwan?
. . . . . . . Sa gutóm kong kapaguran, at paghahanap ng mga hulagwáy, pumasok ako sa pamilihang neon ng prutas, habang nangangarap ng iyong listahan!
. . . . . . . Anung peras at anung malaanino! Mga pamilyang namimili sa gabí! Mga pasilyong hitik sa mga bána! Mga misis sa mga abokado, mga sanggol sa mga kamatis!—at ikaw, García Lorca, ano ang ginagawa mo sa mga pakwan?

. . . . . . . Nakita kita, Walt Whitman, walang anak, malungkuting huklubang pagpag, nanunundot ng mga karne sa pridyider at nakamasid sa mga batà ng tindahan.
. . . . . . . Nakita kitang nagtatanong sa bawat isa: Sino ang pumatay sa karneng baboy? Magkano ang mga saging? Ikaw ba ang aking Anghel?
. . . . . . . Naglabas-masok ako sa makikinang na salansan ng mga delatang bumubuntot sa iyo, at sa aking haraya’y sinusundan ng mga tiktik sa pamilihan.
. . . . . . . Tinahak natin ang mga bukás na pasilyo sa ating nakagiliwang pag-iisa at tinikman ang mga alkatsopas, inaari ang bawat nagyeyelong linamnam, at umiiwas sa kahera.

. . . . . . . Saan ka pupunta, Walt Whitman? Ipipinid ang mga pinto sa loob ng isang oras. Saan nakaturò ang balbas mo ngayong gabi?
. . . . . . . (Hinipò ko ang iyong aklat at nangarap ng ating pakikipagsapalaran sa palengke at nadama’y pagkaabsurdo.)
. . . . . . . Maglalakad ba tayo nang buong gabi sa mga hungkag na kalye? Nagdaragdag ng lilim sa dilim ang mga punongkahoy, pinapatáy ang mga ilaw sa mga bahay, at kapuwa táyo malulungkot.
. . . . . . . Maglalagalag ba tayong nangangarap ng naglahong America ng pag-ibig nang lampas sa mga bughaw na kotse sa mga lansangan, na tahanan ng ating tahimik na dampâ?
. . . . . . . Ay, mahal kong ama, pithô, malamlám na huklubang gurò, anong uri ng America ang taglay mo nang sumuko si Kharón sa paggaod at dumaong ka sa maulop na pasigan, at nakatindig na tinititigan ang bangkâ na nilalamon ng maitim na tubigan ng Leteo?

*Hindi nasunod ang pagkakahanay ng mga taludtod, sapagkat hindi ko alam ang disenyo ng WordPress para sa indensiyon ng mga salita.

“Kapag tináya ko ang orasang batid ang tamang panahon,” ni William Shakespeare

Salin ng Soneto 12 “When I do count the clock that tells the time” ni William Shakespeare ng England, United Kingdom
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika Filipinas.

Kapag tináya ko ang orasang batid ang tamang panahon

Kapag tináya ko ang orasang batid ang tamang panahon
At nagwakas naman ang tapang ng araw sa sindak ng gabi;
Kapag nakita kong pumusyaw ang lila paglampas sa sukdol
Naghari ang itim imbes pinilakang may puti ang tabi;
Kapag nangalagas, naluoy ang dahon ng punong malabay
Na dáting lumilim sa kawan ng hayop at ibon sa gubat;
At tiklis na lámang ang dating halamang lungti noong araw
At naging pabigat sa suhay kabaong  na uban ang balbas;
Saka ang ganda mo ay nasok sa isip na baka maglahò
At ikaw ay ganap mabulok paglipas ng mga sandalî;
Dahil kahit yaong mahal at marikit ay kusang guguhô;
Kaybilis mamatay, at kaybilis naman ang iba’y magharì.
At wala ni isang hahadlang sa karit nitong kamatayan
Maliban sa supling na sa iyong puso ay alab ng tápang.

“Sumapit ang araw nang ako’y nalungkot,” ni Dante Alighieri

Sumapit ang araw nang ako’y nalungkot

salin ng “Un dì venne a me Melanconia,” ni Dante Alighieri ng Republika Italyana.

salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika Filipinas.

. . . . . . . . . . . . . . . . .     Sa ika-9 ng Hunyo 1290

Sumapit ang araw nang ako’y nalungkot
At sabi ng Lungkot, “Sasamahan kita.”
Wari ko’y pumasok ang pait at kirot
Sa aking kanlungan upang makiisa.

At suminghal ako, “Magsilayas kayo!”
At sumagot sila nang paligoy-ligoy,
At kung mangatwiran ay tila Griyego.
Tahimik ang Irog na dumating noon,

Suot niya’y itim, kay-rikit na damit.
Ang sumbrerong itim ay nakip sa buhok
At luha’y dumaloy sa pisnging namurok.

Ano ba ang sanhi’t masikip ang loob?
At tumugon siya, “Pighati’y dinibdib
Dahil ang mahal ta’y yumao palangit.”

“Awit para sa dalagang marikit, na papalabás ng bayan noong tagsibol,” ni John Dryden

Salin ng tulang “Song to a Fair Young Lady, going out of the Town in the Spring,” ni John Dryden, ng United Kingdom of Great Britain and Northern Ireland
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Awit para sa dalagang marikit, na papalabás ng bayan noong tagsibol

Huwag mong itanong kung biglang bumagal ang pamumukadkad
ng mga bulaklak sa kaydilim-dilim na bagong tagsibol;
Kung bakit nalimot ng ibong masatsat ang kaniyang awit,
at binabaligtad ng bagyong niyebe ang inog ng taon.
Wala na si Kloris; heto ang tadhanang ngayon ay naglaang
gawin ang Tagsibol upang itong dilag ay mágkatahánan.

Wala na si Kloris, ang mahal na dilag ngunit anung lupit;
ni hindi man lamang pumukol ng sulyap na taglay ang awa:
Binatang umibig ay iniwan niyang ang loob ay punit
upang humagulgol, upang lalong umasam, yumaong may luha:
Ay, paano bagang ang magandang titig ay kayang tiising
Magdulot ng sugat na di magagamot ng mga habilin.

Diyos ng pag-ibig, bakit ka lumikha ng mukhang ang anyo
ay káyang utusan ang lahat ng puso anuman ang sanhi;
na handang sakupin nitong relihiyon kahit pa mabigo;
at muling baguhin ang panuto’t batas na likha ng lahi?
Saan mo dinalá yaong kapangyarihan nang unang panahon,
patawarin siya’y ang higit na dapat mangibabaw ngayon.

Pagsapit ni Kloris sa loob ng templo ay nangagsihiyaw
ang madlang bumuntot, humiyaw sa labis na paghangang ganap;
Káya niyang muling buhayin ang bangkay mula sa libingan,
Ibalik ang búhay ng patáy maliban sa akin pong palad.
Tanging ako lámang ang likhang Pag-ibig na naging biktima
Upang mailigtas sa mga panganib ang sambayang sinta.

“Mga Tanong mula sa Manggagawang Nagbabása,” ni Bertolt Brecht

Salin ng “Fragen eines lesenden Arbeiters,” ni Bertolt Brecht ng Alemanya.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo, at ibinatay sa salin sa Ingles ni Michael Hamburger at nalathala sa Bertolt Brecht, Poems 1913-1956 (1976).

Mga Tanong mula sa Manggagawang Nagbabása

Sino ang nagtatag ng Tebas na may pitong lagusan?
Matatagpuan sa mga aklat ang pangalan ng mga hari.
Hinakot ba ng mga hari ang mga tipak ng bato?
Maraming ulit winasak ang Babilonya.
Sino ang nagtayô nito nang maraming ulit?
Saang mga tahanan ng ginintuang Lima namuhay
ang mga manggagawa?
Saan nagtungo ang mga mason noong gabing
Natapos ang Dambuhalang Moog ng Tsina?
Hitik sa matatagumpay na arko ang dakilang Roma.
Sino ang nagtindig ng mga ito? Kaninong balikat
Sumampa ang mga Cesar? Ang Bizancio, na pinuri
Sa mga awit, ay mga palasyo ba para sa mga residente?
Kahit sa maalamat na Atlantis, nang gabing lamunin ito
Ng dagat, humihiyaw sa mga alipin ang mga nalulunod.

Ang kabataang Alejandro Magno ay sinakop ang India.
Nag-iisa ba siya nang matamo ang gayon?

Nilupig ni Cesar ang mga Galo.
Siya ba’y walang kasama ni isang kusinero?
Lumuha si Felipe ng España nang magapi
ang armada niya. Siyá lámang ba ang humagulgol?
Nagwagi si Frederick Segundo sa Pitong Taóng Digmaan.
Sino-sino pa ang nangibabaw?

Bawat pahina ay isang tagumpay.
Sino-sino ang nagluto sa pista ng mga nanalo?
Bawat dekada ay nagluluwal ng dakilang tao.
Sino ang nagbayad sa mga gastusin?

Napakaraming ulat ang dapat gawin.
Napakaraming tanong ang dapat sagutin.

Ibig kong sumáma sa minamahal ko, ni Bertolt Brecht

Salin ng tulang “Ich will mit dem gehen, den ich liebe” ni Bertolt Brecht ng Alemanya.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ibig kong sumáma sa minamahal ko

Ibig kong sumáma sa minamahal ko.
Ibig kong itaya ang anumang hiyas.
Ibig kong iwaksi ang wika ng bait.
Ibig kong tumuloy di man niya nais.
Ibig kong sumáma sa minamahal ko.

Bertolt Brecht