Oyayi ng Taglagas, ni Jules Laforgue

salin ng “Berceuse d’automne,” ni Jules Laforgue.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Taglagas na, taglagas, at sila’y nasa tabi ng sigâ ng tsimenea. Paalam, makapangyarihang araw, lungting mga dahon, langit na bughaw! Humahampas sa bintana ang ulan, at ang simoy ay tumataghoy nang paos sa monotonong awit.  O bihisan ng Abril, ang kasiyahan ng búhay, paalam! Tanging sa paglapit sa apoy maririnig ang  tikatik ng ulan, at kung minsan sa paghawi ng kortina, upang silipin kung ang langit ay may bahid ng abo, kung ang kalye ay malimit hitik sa mumunting sanaw. At mapapasalampak sila, samantalang unti-unting nababato ang isa sa kanila.  O desperadong hangin sa malawak na kahuyan, na ang dilawang mga dahon ay umaalimpuyo sa makutim na ipuipo habang kapiling ang mga liham ng pag-ibig at layak ng pugad, tangayin ang maririkit na araw sa iyong mahahabang bugso, ang taglamig ay walang hanggan, at ang lahat ng bagay ay nagwakas na, nagwakas.

Advertisements

Magwawakas sa Paliparan ang Daigdig

Magwawakas sa Paliparan ang Daigdig

Magwawakas sa paliparan ang daigdig
at ang mga sundalo’y nakatanod
sa lalapag na eroplanong karga
ang mabibigat na bagahe at kalungkutan.
Isang alkalde ang dumating, ngunit ang dinig mo’y
nagliliyab ang Gaza at kubkob ang Kurdistan.
Wala akong kakilala sa mga sumasalubong,
ngunit inaakala nila na ako ang kanilang
Kapalaran.
Malaya nilang isiping panauhin ako sa Dipolog
o Dapitan, at bilang panauhing maringal
ay nakatakdang magtalumpati sa harap
ng mga estudyante’t pista ng mga wika.
Nangangatal ang aking mga kamay,
gaya ng pira-pirasong memorya ng ibang lupain,
at masiglang nagkukuwento ang abrodista
sa sinapit niyang pagtakas doon sa Syria.
Wala akong maisip, walang tulang masindihan,
at aaliwin ang sarili sa mga dumaraang
motorsiklo, huni ng mga ibon, at sipol ng simoy.
Kailangan kong maunawaan ang paglalakbay
sa mahahabang dalampasigan,
at sakali’t magutom ay susubukin ang dila
sa inihaw na talaba, kinilaw na tanigi,
at alimangong iniaalay ang sarili sa kusina.
Magwawakas sa paliparan ang daigdig
at nagugunita kitang kinakatas ang taludtod
ni Samah Sabawi o Mahmoud Darwish
habang pinupulbos ang malayo mong lungsod.
Subalit ang mga guho ng bahay at masjid
ay mahimalang itinitindig ng iyong sugatang isip
samantalang bumabalot ang karimlan
dito sa dalampasigang aking kinatatayuan.
Maalinsangan ngayong gabi, at wari ko,
maghuhubad ang buwan sa gitna ng tubigan
upang itangis ang napakailap na kasarinlan.

Roberto T. Añonuevo, 17 Agosto 2014

Higad sa Hapag, ni Robert Bly

Salin ng “Caterpillar on a Desk,” ni Robert Bly
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Higad sa Hapag

Nang angatin ko ang tasa ng kape’y napansin ko ang isang higad na gumagapang sa pilyego ng mga selyong nagkakahalaga ng diyes sentimos. Kasing-itim ng kahong de-tsino ang ulo. Karugtong niyon ang siyam na akordiyong malalambot, na umiindayog at kahawig ng maumbok na kabundukan. Nakatindig sa balikat nito ang wari’y ilang hibla ng sepilyong panlinis ng botelya. Nang kunin ko ang pilyego ng mga selyo’y gumapang nang gumapang ang higad sa gilid ng papel, at nakita ko ang mga paa nito: tatlong pares sa ilalim ng ulo, apat na pares ng espongha sa ilalim ng gitnang katawan, at dalawang dulong pares sa hulihang bahagi, na mala-rosas na hita ng tuta. Umaangat ang higad habang naglalakad, anim na pares ng paang walang sayad sa selyo, at kumakaway sa hangin! Ang isa sa pares ng esponghang paa, at ang dulong dalawang pares sa buntot, ang nakadikit nang alanganin. Unang araw noon ng Setyembre. Madaling tanggapin ng tao ang kaniyang kabiguan—o dahil lumipas na ang kabaliwan ng tag-araw? Napapansin ng tao ang karaniwang lupa, na nilait nang may lambing noong Hulyo, habang naghahanda siya sa pang-araw-araw na trabaho, at magsimulang gumamit ng mga selyo.

Para sa mga Tirano ng Daigdig, ni Abo Al Qassim

Salin ng tulang “To the tyrants of the world” na sinulat sa wikang Arabe ni Abo Al Qassim Al Shabbi mula sa Tunisia.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Para sa mga Tirano ng Daigdig

Kayong mga tiranong mapang-api
Kayong mapagmahal sa karimlan
Kayong mga kaaway ng búhay
Inuyam ninyo ang mga walang malay na sugatan
at tigmak ng kanilang dugo ang inyong palad
Naglalakad kayo habang winawasak ang halina
ng pag-iral ng bawat nilalang at lumalago
ang uhay ng pighati sa mga bukid nila’t bayan
Huwag mabulag sa bukál, sa maaliwalas na langit,
sa sinag ng umaga
sapagkat ang dagim, ang kidlat-kulog-dagudog
ay sasapit sa inyo mula sa panginorin
Mag-ingat sapagkat may apoy sa ilalim ng abo
na magpapasupling ng mga tinik
at magpapahinog ng mga sugat
Pinugot ninyo ang mga ulo ng ibang tao
at pinitas ang mga bulaklak ng pag-asa
saka diniligan ng dugo at luha ang lupain
hanggang sukdulan itong malangô
Tatangayin kayo ng agos ng duguang ilog
at palalagablabin ng nag-aapoy ng bagyó.

Mga Manlalakbay, ni Conceição Lima

Salin ng “Vijantes” sa wikang Portuges ni Conceição Lima mula sa Democratic Republic of São Tomé and Príncipe.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Mga Manlalakbay

Taglay nila ang mga dapithapon at lansangan;
Nasasambit nila dahil sa uhaw sa panginorin:

“Kanino at saan ka ba nagmula?
Sino-sino ang iyong kababayan?”

Sa ganiyang paraan ipinagkait ng aking lola
Ang isang baso ng tubig sa sumapit na biyahero.

Mga Baha, ni Euphrase Kezilahabi

Salin ng “Mafuriko” na nasa wikang Swahili ni Euphrase Kezilahabi mula sa Tanzania.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Mga Bahâ

Isusulat ko ang awit sa mga pakpak ng langaw,
at hayaang lumipad ang musika habang pumapagaspas
ang mga ito nang ganap mapakinggan ng lahat.
Aawitin ko ang panulaan ng kabulukan
sa mga sugat ng mga magsasaka
at sa mga nanàng nagmumula sa kanilang pagpapawis.
Isusulat ko sa mga pakpak ng mga insekto
ang lahat ng bagay na umiimbulog kung saan,
sa mga guhit-guhit ng zebra,
at sa mga tainga ng elepante,
sa mga pader ng kubeta, opisina at silid-aralan,
sa bubungan ng bahay, sa dingding ng pamahalaan,
sa mga balabal at kamiseta.
Ito ang awit na aking isusulat:
Nasa panganib ang matatandang bahay sa lambak
na babahain ngayong taon;
nangasisilikas na ang mga tao mula sa peligro;
nangawasak ang mga kable ng koryente—
at kung dati’y may ilaw ngayon naman ay madilim.
Anung uri ang mga baha ngayong taon!
Tumumba ang isang huklubang punongkahoy
sa gilid ng aming gigiray-giray na barumbarong.
Hindi kami makatulog kapag humahagunot ang hangin.
Araw-araw naming tinitiningnan ang mga ugat,
ang marurupok na dingding ng aming tahanan,
at ang mga sangang dapat tapyasin mula sa bungéd.
Nagsisilbing babala ngayong taon ang mga baha.
At wiwikain namin sa aming mga apo’t apo sa tuhod:
Nangabuwal ang maraming punongkahoy
noong nakalipas na panahon,
subalit ang mga bahâ ngayong taon
ang nagbabantang lumipol sa ating lahat.

Rosas, Toro, at Gabi, ni Zakariyya Mohammed

salin ng “The Rose and the Bull” at “Night,” ni Zakariyya Mohammed ng Palestine.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Rosas at Toro

Itim ang rosas kapag gabi

Sa gabi, ang torong itim
ay lumilipad palayo sa rosas
Itinutusok nito sa balát
ang dalawang sungay na pilak

Itim ang rosas kapag gabi
Tumutulo sa mga sungay nito
ang dugong lumigwak
mula sa kawawang nagdaraan

Sa gabi, ang rosas ay itim

Ngunit kapag may araw,
ang itim na toro ng rosas
ay isa lamang aninong
nakabalatay para tambangan

Kayâ mag-ingat
kapag pumitas ng rosas
Mag-ingat

Magdala ng patalim
nang malapit sa puso
upang paslangin
ang naturang toro

na nakahimlay
nang buong araw
at nakatiklop na mga talulot
sa pinakapuso ng rosas

* * *

Gabi

Pinaaalimbukad ng gabi ang makamandag na bulaklak
Tumatagos iyon sa buong kalangitan
gaya ng tinturang humalo sa tubig

Pinabubuka ng magdamag ang bulaklak nito
para sa mga solitaryong hindi makatulog
na nangadarapa sa bawat paghakbang

Bumabálot sa lungsod ang gabi
tulad ng mga walang bahay na tao na lumalabas
mula sa masisikip na pasilyo at silong

Pinabubukad ng gabi ang makamandag nitong bulaklak
habang ang sindak ay gumugulong sa hagdan
gaya ng pakwan
Digmaan

ang digmaan ay nasa panginorin, itaga mo sa bato
Kumukulo ang gulo

Inalagaan ko ang aking mga bangungot
at pinalago gaya ng mga ulap

Mula sa balabal ng karimlan
ay nakararating ang pabatid—

mga tsismis ng mga mandaragit at eroplano
metalikong isda at artilyeriya

Pinatibay ko ang aking moog
na gumuguho sa aking harapan

Napipinto sa amin ang sakuna
ng mga bato, tinik, at wasak na lupain.

Tanging ang hindi matitinag na araw
ang nakaaalam kung gaano katagal

kung gaano karahas, kung gaano kalupit
ang aming magiging digmaan

Tanging ang araw
ang makapagsasabi

kung paanong ang lagablab ng apoy
ay nakasusunog sa gilid ng kalawakan