Layò ng Sinta, ni Johann Wolfgang von Goethe

Salin ng “Nähe des Geliebten,” ni Johann Wolfgang von Goethe ng Alemanya.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Layò ng Sinta

Naiisip kita kapag kumikislap sa dagat
ang sinag sa hapon;
Naiisip kita kapag sa ilog lumalatag
ang buwan ng hálon.

Nakikita kita sa alimbukay ng alabok
sa dulong tagaytay,
sa bawat magdamag na ang manlalakbay ay takót
tumawid ng taytay.

Naririnig kita sa mga alon na tahimik,
taog man o káti.
Gumagala ako sa kahuyan at nakikinig
sa payapang kási.

Kapiling mo ako. At gaano  ka man kalayò,
wari ko’y malapit.
Magbibigay kahit ang araw sa tala’t lalahò,
nang ika’y sumapit.

Advertisements

Binaklas ko sa isip ang iyong pangalan, ni Humberto Ak’abal

Salin ng “Saqué de mi cabeza tu nombre,” ni Humberto Ak’abal mula sa Guatemala.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Binaklas ko sa isip ang iyong pangalan

Binaklas ko sa isip ang iyong pangalan
at sadyang iniligaw sa kabundukan.

Tinangay iyon ng amihan
at natagpuan ang bagnos
sa pagitan ng mga bangin.

Sinimulan kong lumimot.

Walang ano-ano’y
bumulusok iyon sa mga buról
at tumalbog pabalik:

unti-unting pinaawit iyon ng ulan-banak
at sumapit sa akin ang pangalan mong umiiyak.

Lamanlupa, ni Aloysius Bertrand

salin ng “Scarbo” ni Aloysius Bertrand ng France.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Lamanlupa

“Panginoon ko, sa oras ng aking kamatayan, ibigay sa akin ang mga dasal ng pari, ang linong sudaryo, ang ataul na pino, at maayos, tuyot na pook.”

Mga Ama Namin ng Heneral

“Mamatay ka mang pinatawad o isinumpa,” bulong ng Tiyanak sa tainga ko nang gabing iyon, “ang sudaryo mo’y magiging sápot, at ibibilot ko sa iyo ang gagamba!”

“Hayaan mo naman,” sabat ko, habang namumula ang mga mata sa kaiiyak, “na ang maging balabal ko’y nangangatal na dahong ang lundo’y iduduyan ng dayaray ng lawa.”

“Hindi!” singhal ng nang-uuyam na tiyanak, “magiging pakain ka sa uwang na gumagapang pagsapit ng takipsilim upang manghuli ng mga bangaw na binulag ng papalubog na araw!”

Napahagulgol ako’t lumuha nang labis, saka tumugon nang mapait: “Marahil ay higit na ibig mo ang tarantulang kasinghaba ng trompa ng elepante ang pangil na sasaid sa akin.”

“Palubagin mo ang iyong sarili,” singit niya, “dahil ang magiging kumot mo’y ang batikan at ginintuang balát ng ahas, na ibabálot ko sa iyo gaya sa ibang binurong bangkay.”

“At mula sa madilim na kripta ni San Benigno, ililibing ka namin nang patayo at nakasingit sa isang pader, upang marinig mo nang buong lugod ang iyakan ng mga munting bata sa Limbo.”

 

Mga Tala

[1] Tumutukoy ang San Benigno sa matandang monasteryo sa bayan ng Djon, Burgundy sa France.
[2] Ginamit sa salin ang panumbas na “lamanlupa” sa “Scarbo” na isang munting demonyo o kawaksi ni Satanas.

Tulisan, ni Vladimir Lugovskoy

Salin ng “Basmach,” ni Vladimir Lugovskoy (Vladimir Alexandrovich Lugovsky) ng Russia, at batay sa bersiyong Ingles ni Gordon McVay.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Tulisan

Lumutang ang usok ng sigarilyo’t
. . . . . . . . paikid na pumaitaas nang makapal.
Nabaliko sa mga pader
. . . . . . . . ang bakuran ng mga banyagang riple.
Nakatungó,
. . . . . . . . at bahagyang umubó,
. . . . . . . . . . . . . . . . bumungad si Igan-Berdy,
. . . . . . . . na hinihimas ang masinsing balbas
. . . . . . . . . . . . . . . sa gitna ng ulop ng tabako.
Isang kopa ng lungting tsaa,
. . . . . . . . . . . . . . . . na pampalubag-kaluluwa,
. . . . . . . . ang lumapnos sa dila ng tulisan
. . . . . . . . . . . . . . . . nang matapang ang amoy.
Nang mabangga
. . . . . . . ng kaniyang puntera
. . . . . . . . . .ang kartutso sa tabi ng silya niya’y
itinaas ng nanginginig, matatabang daliri
. . . . . . . . ang kopa para itagay.
Ang trigo sa labas ng bintana’y
. . . . . . . . kumikinang, tila naglalagablab,
. . . . . . . . . . . . . habang ang drayber ng traktora
. . . . . ay inasinta siya nang walang kurap.
Walong araw na walang tulog sa kabundukan
. . . . . . . . ay tinugis niya ang mga bakás ng tulisan
. . . . . . . . . . .at sa ikasiyam na araw ay natagpuan
. . . . . . . . sa wakas si Igan-Berdy.
Tinulig sa putok ng mga baril
. . . . . . . . . . .ang ilahas na tainga ng gubat,
ang mga obrero ng Estadong Bukirin ng Dangara
. . . . . . . . ay nabihag ang mga nagsipag-aklas.
Nahilo ang drayber ng traktora,
. . . . . . subalit matatag at kalmado ang kaniyang kamay
. . . . . . . . . . .habang tinutungga ni Igan-Berdy
. . . . . . . . ang malapot, mabangong inumin.
Sumenyas si Igan-Berdy,
. . . . . . . . at nagsimulang magsalita,
. . . . . . . . . . . .at dumagundong ang kaniyang pahayag,
. . . . . . . . samantalang hinihigit ang balikat.
Ikinalugod niya, sambit niya,
. . . . . . . . . . . . . .ang pakikipagkasundo
. . . . . . . . sa mga komandanteng Sobyet—
. . . . . . . . . . . . mga bituin ng makapangyarihang bayan.
Hindi siya nagnakaw ni nangulimbat,
. . . . . . . . nakihamok siya nang tapát sa labanan.
Hindi siya pumaslang ninuman,
. . . . . . . . o nandambong sa gitna ng magdamag.
Tulad ng tuktok ng Gissar,
. . . . . . . . . . . . . ang kaniyang kalooban ay dalisay,
. . . . . . . . at wala siyang minasaker o binaldang
. . . . . . . . . . . . . . .mga dalagang Kabataang Komunista.
Malimit niyang maisip ang sumuko,
. . . . . . . . ngunit wala siyang pagkakataon.
Natiis niya ang limang mahirap na bakbakan—
. . . . . . . . . . . . . . at ngayon ang sandali ng pagbabago.
Gaya ng manlalakbay
. . . . . . . . na naghahanap ng tubig,
. . . . . . . . . . . .naghahayag ng malungkot na karanasan,
. . . . . . . . ang kaniyang tigang na puso’y umaasam
. . . . . . . . . . . . . .sa kalinga ng makapangyarihang Sobyet.
Ang katatagan ng gahum ng Sobyet
. . . . . . . . . . . . ay masaganang piging
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . para sa matatapang ang loob.
Si Igan-Berdy ay tanyag
. . . . . . . .  . . . . na tagapagkampanya, at hindi alipin.
“Ang tuwid kong mga bala
. . . . . . . . ay umulan sa rabaw ng lupain.
Biniyak ko ang katawan ng mga kaaway
. . . . . . . . . . . . . . mulang ulo hanggang bayag.
Ibinahagi ko nang patas sa aking mga tauhan
. . . . . . . . ang yaman ng inyong bukirin.
Binitay ko ang gurong walang dinidiyos
. . . . . . . . . . . . dahil sa pagtangging magsabi ng Amen.
Dumadaloy sa aking mga ugat
. . . . . . . . ang alingawngaw ng tagumpay sa digma.
Kaya mahigpit na makipagkamay at makipagkasundo
. . . . . . . . . . . . . na handog ni Igan-Berdy!”
Ngunit ang aming bihasang komandante
. . . . . . . . . . . . . . . . ay ganap na nakabawi.
Sa tulong ng isang interpreter
. . . . . . . . ay marahan niyang sinimulang magsiyasat.
At isang babae ang lumabas sa bakuran
. . . . . . . . at naghain ng kanin
. . . . . . . . . . . . . . . . na nasa mangkok. . .
Maingat siyang inasinta
. . . . . . . . ng aming nakayukong drayber ng traktora.
Kailangan nitong iwasang mabiso
. . . . . . . . mula sa sinag ng araw,
. . . . . . . . . . . sa dumadalaw na antok,
. . . . . . . . . . . . . . . . at sa lumalaganap na usok.
Kailangan niyang subaybayan ang bawat galaw
. . . . . . . . ng leeg ng bandidong mahusay magwika.
Bahagyang tumiklop ang leeg
. . . . . . . . . . . . . . . . bago muling umunat.
Walang latoy na pumitlag ang dugo
. . . . . . . . sa ilalim ng maitim na balát.
At ang drayber ng traktora ay pumalatak,
. . . . . . . . matatag
. . . . . . . . . . . . . . . . gaya ng kapalaran:
Wala siyang nasilayang mortal na kapuwa
. . . . . . . . bagkus isang bola ng poot.
Para sa lahat ng ani na kaniyang sinalanta,
. . . . para sa mga guho at  pagkawasak,
. . . . . . . . .waring isa lamang munting ganting kasiya-siya
. . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . ang leeg
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .. . . . . . . . ni Igan-Berdy.

 

Mga Tala

[1] Ang orihinal na pamagat sa wikang Ruso ay “Basmach.” Ang mga Basmachi ay mga pangkat ng kontra-Boshevik na bandido sa gitnang Asya noong panahon ng Digmaang Sibil.
[2] Si Igan-Berdy ay isang makasaysayang tao.
[3] Ang kabundukan at tagaytay ng Gissar ay matatagpuan sa gitnang Asya, hilaga ng Dushanbe sa Turkmenistan.

Kumindat sa akin ang mapang-akit na kalungkutan, ni Adélia Prado

Salin ng “A Tristeza Cortesã me Pisca os Olhos,” ni Adélia Prado mula sa Brazil.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Kumindat sa Akin ang Mapang-akit na Kalungkutan

Tinatanaw ko ang pinakamalungkot na bagay,
na kapag natagpuan ay hindi na maiwawaksing muli,
dahil susundan nito ako nang higit na matapat
kaysa áso, ang multo ng áso, ang pighating di-maisasatitik.
May tatlo akong mapagpipilian: una, ang isang lalaki,
na buháy pa’y pinalalapit ako sa gilid ng kaniyang kama
at bubulong nang marahan: “Ipagdasal mo akong makatulog, ha?”
O, napanaginip kong pinapalo ang munting bata. Hinataw
nang hinataw ko siya hanggang maagnas ang aking braso
at siya’y maging mangitim-ngitim. Hinablig ko pa siya muli
at humalakhak siya, ni wala man lang poot, at pinagtawanan
akong pumapalo sa kaniya.
Ang huli, at ako na mismo ang lumikha ng angking hilakbot,
ay pumalahaw sa gitna ng gabi hanggang madaling-araw
at hindi na nagbalik, at nakatutulig ang sirena, at ang tinig
niya’y sa tao.
Kung hindi pa sapat iyan ay subukin na lámang ito:
Binuhat ko ang aking anak na lalaki nang sapo ang maselan
niyang ari, at hinagkan ko siya sa pisngi.

Paruparo, ni Chinua Achebe

salin ng “Butterfly,” ni Chinua Achebe  (Albert Chinualumogu Achebe) ng Nigeria.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Paruparo

Ang bilis ay karahasan
Ang gahum ay karahasan
Ang bigat ay karahasan

Hinahanap ng paruparo ang kaligtasan
sa gaan, sa kawalang-bigat, sa umaalong lipad

Ngunit sa sangandaan, na ang batikang sinag
mula sa mga punongkahoy ay bumabalatay
sa bagong haywey, nagtatagpo ang ating mga pook

Sumasapit akong sapat ang kargada para sa dalawa
At ang mayuming paruparo ay inihahain
ang sarili bilang matingkad, dilawang handog
sa rabaw ng aking matigas, de-silikong kalasag.

Pangontra sa Dalamhati at Mga Katwiran, ni Shawqi Shafiq

salin ng mga tula ni Shawqi Shafiq ng Yemen, batay sa salin sa Ingles ni Sinan Antoon.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Mga Ehersisyong Pangontra sa Dalamhati

Hagurin ang singsing ng puso
hagurin nang lubos
upang mapawi ang mga alabok ng panlulumo
Maingat na haguring muli
upang kumintab ang dingding ng pagkalimot
o
gumuhit ng bilog, ipaloob ang isa o dalawang
kalapati at masdan ang pagpagaspas (kung sakali)
Itatanong mo: Paano kung mawasak ang bilog?
Paano kung lumipad ang kalapati?
o kung nababagabag ako sa ingay ng pagaspas?
Wiwikain ko sa iyo: burahin ang bilog
hanggang maglaho ang mga bakas nito
at lagyan ng namumukadkad na babae
imbes na kalapati
upang makapaghiganti
sa napakainit mong paupahang bahay
na lumalamon sa iyong bibig.

Mga Katwiran

1. Panlasa

Hindi na ako kumain matapos
tayong magniig kahapon
nang hindi maglaho ang tamis
mo sa aking bibig.

2. Kislap

Kumislap sa karimlan ang tuhod,
na sapat na dahilan upang mayanig
ang ibon.

3.  Sariwa

Nang umupo siya sa duyan,
nadama niya ang kakaibang lambot
hindi niya batid na siya’y nakaluklok
sa sariwang kandungan

4. Kaganapan

May tatlong lalaking
iginuguhit sa loob ng silid
ang hulagway ng babae.
Nang matapos ang larawan,
ang silid ay natigalgal.

5. Pagkain

Napakarami ang puso sa basurahan
piraso ng tinapay
plastik
at mayroon ding hapunan
para sa impormanteng nagbabalatkayong
baliw.

6. Tagpo

Nang namahinga sa mesa ang kamay ko’y
natanaw niyon ang nagngangalit na suso.
Kinausap ng kamay ang dibdib,
sinikap itong pakalmahin, ngunit nagngalit.
Tumindig ang aking kamay upang ituro
ang pasensiya subalit pinaputok ng dibdib
ang damit, saka lumabas upang kagatin
ang panginorin ng aking kamay
Nang mabigong maitaboy ng kamay yaon,
tumindig ang kamay upang hagkan
ang kamao ng dibdib.

Bulaklak at Digmaan, ni Mammad Araz

Salin ng “The Flower which Appeared in the Wrong Season” at “If There Were No War” mula sa orihinal na wikang Azeri ni Mammad Araz ng Azerbaijan, at batay sa bersiyong Ingles ni Betty Blair.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Bulaklak na Sumibol sa Maling Panahon

Hindi ko pipigilan ang sarili
Kung walang mga patakaran, walang kaugalian.
Hindi ako magtitimpi kung ang mga batang
Tinatawag akong “Ama!” ay hindi hahadlang sa akin.

May karapatan kang mapoot sa akin.
Ano ang magagawa ko?
Ang buhay ay walang ikalawang tagsibol.
Hindi bukás para sa lahat ang mansiyon ng pag-ibig.

Kahawig ka ngayon ng isang bulaklak
Na sumibol nang wala sa panahon sa lilim ng niyebe.
Kung hindi kita pipitasin, dadapurakin ka ng unos.
Kung pipitasin kita, maluluoy ka sa aking mga palad, Mahal.

 

Kung Walang Digmaan

Kung walang digmaan,
Makapagtatayo tayo ng tulay mulang Mundo hanggang Mars
At tutunawin ang mga sandata sa dambuhalang hurno.

Kung walang digmaan,
Ang ani ng laksang taon ay sisibol sa isang araw.
Maihahatid ng mga siyentista ang buwan at bituin sa Mundo.

Ihahayag ng mga mata ng heneral ang ganito:
“Magiging tagapangulo ako sa munting nayon
Kung walang digmaan.”

Kung walang digmaan,
Maiiwasan natin ang wala sa panahong kamatayan
At babagal ang pagputi ng ating mga buhok.

Kung walang digmaan,
Wala tayong haharaping
Dalamhati o kaya’y paghihiwalay.

Kung walang digmaan,
Ang bala ng sangkatauhan ay ang salita nito,
At ang salita ng sangkatauhan ay magiging pagmamahal.

Mga Salita, ni Erich Fried

salin ng “Worte” ni Erich Fried mula sa Austria
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas

Mga Salita

Kapag napagod ang aking mga salita at nahubdan ng mga pantig
at nagsimulang tipahin ng sariling makinilya ang mumunting mali,
kapag nais kong humimbing at ayaw nang mamulat sa pighating
nagaganap sa daigdig at sa mga bagay na di maiiwasan araw-araw,

biglang magsisimula kung saan ang salita at banayad na hihimig
at walang ano-ano’y magbibihis ang mabababaw na kuro-kuro
at maghahanap ng iba pang kurong nabibilaukan sa kung anong
hindi malunok at ngayon ay nagmamasid sa paligid, at hahawakan
saka aalalayan ang mababaw na kuro at magsasabing: Halika

at pagdaka’y lilipad ang ilang pagod na salita
at ang ilang mali ang pagkakatipa’y pagtatawanan ang sarili
kapiling man ang buong diwa o walang kuwentang haka
mula sa atay ng London doon sa karagatan at kapatagan
at kabundukan, paulit-ulit at lampas sa parehong pook

At kapag bumaba ka sa hagdan ng iyong hardin nang umaga
at huminto at pansinin at masdan ito nang marubdob
matutunghayan ang mga salitang namamahinga
o pumapagaspas o giniginaw o kung minsan ay wala sa lugar
subalit tunay na nagagalak kapag kapiling ka nila.