Advertisements

Inisip ang Bayan ko’t Nagbalik ako sa Punongkahoy

Inisip ang Bayan ko’t Nagbalik ako sa Punongkahoy

Salin ng tulang tuluyan ni Karol Wojtyla (Papa Juan Pablo II) mulang Poland.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mulang Filipinas.

1.
Sumibol ang punongkahoy ng karunungan ng mabuti at masama sa pasigan ng ating lupain. Kasama natin ay lumago ito sa paglipas ng mga siglo; tumayog itong Simbahan sa pamamagitan ng mga ugat ng ating konsiyensiya.

Pinasan natin ang mga prutas, mabigat ngunit nakapagpapalakas. Naramdaman natin ang punongkahoy na yumayabong, gayunman ay nanatiling nakabaon nang malalim sa isang patse ng lupa ang mga ugat nito. Inihayag ng kasaysayan ang mga pakikibaka ng ating konsiyensiya. Pumipintig ang tagumpay sa loob ng saray nito, at ang kabiguan. Hindi tinatakpan ng kasaysayan ang mga ito, bagkus hinahayang tumingkad.

Kaya ba ng kasaysayang dumaloy pasalungat sa agos ng konsiyensiya?

2.
Saang direksiyon nagsanga ang punongkahoy? Aling direksiyon ang sinusundan ng konsiyensiya? Walang kilalang hanggahan ang punongkahoy ng karunungan.

Ang tanging hanggahan ay ang Pagdating na magbibigkis sa isang lawas ang mga pakikibaka ng konsiyensiya at ang mga misteryo ng kasaysayan: paghuhunusin nito ang punongkahoy ng karunungan tungo sa Matang-tubig ng Buhay, na patuloy dumadaluyong.

Subalit bawat araw ay naghahatid ng parehong pagkakahati-hati sa bawat diwa at kilos, at sa pagkakahating ito’y ang Simbahan ng konsiyensiya ay tumataas mula sa mga ugat ng kasaysayan.

3.
Huwag nawa nating maiwala ang linaw na nakikita ng paningin, na pinaglilitawan ng mga pangyayari, at naglaho sa di-masukat na tore na batid ng tao kung saan siya patutungo. Tanging ang pag-ibig ang talaro ng tadhana.

Huwag na nating dagdagan ang saklaw ng anino.

Hayaang ang sinag ng liwanag ay umalimbukad sa mga puso at tumanglaw sa gitna ng karimlan ng mga salinlahi. Hayaang ang sinag ay tumagos sa ating karupukan.

Hindi dapat nating payagan ang kahinaan.

4.
Mahina ang bayan na tumatanggap ng kabiguan, at nalimot na ipinadanas iyon upang magbantay hanggang pagsapit ng oras nito. At ang mga oras ay patuloy na nagbabalik sa dakilang orasan ng kasaysayan.

Ito, ang liturhiya ng kasaysayan. Ang pagbabantay ay salita ng Panginoon at ang salita ng Bayan, na patuloy nating tinatanggap nang panibago. Lumilipas ang sandali sa salmo ng walang humpay na kumbersiyon: kumikilos tayo tungo sa pakikilahok sa Ewkaristiya ng mga daigdig.

5.
Sa iyo, daigdig, kami ay bumababa upang palawakin ang iyong saklaw sa lahat ng tao, ikaw na mundo ng aming mga kabiguan at tagumpay; sa lahat ng puso’y bumabangon ka bilang misteryo ng paskuwa.

Daigdig, palagi kang magiging bahagi ng aming panahon. Sa kabila ng panahong ito, at sa pagkatuto ng bagong pag-asa, maglalakbay kami sa bagong daigdig.

At ibabantayog ka namin, daigdig ng sinauna, bilang bunga ng pag-ibig ng mga salinlahi na hinigtan ang poot.

Advertisements

Antígona, ni Claribel Alegría

Antígona

Salin ng tulang “Antígona” ni Claribel Alegría mulang El Salvador.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mulang Filipinas.

Ililibing ko ang aking kapatid
kahit katumbas ito ng aking kamatayan
nang di-alintana ang mga batas
ng tunggalian.
Nagkamali ng akala si Creon
na iiwan ko ang bangkay
para pagpistahan ng mga buwitre.
Pinahiran ko ng langis ang mga braso
nang may poot
at buong tatag
upang silaban ang mga sigâ
na lalamon sa kaniyang katawan.
Nagkamali ng akala si Creon
na kaming mga babae’y mahihina
ang loob, hindi nanlalason ng isip
o kaya’y tumatakbo palayo sa panganib.
Ililibing ko ang aking kapatid
nang walang takot,
at buong pagmamahal.

Panggabing Palahaw, ni Xavier Villaurrutia

Salin ng “Nocturno Grito” ni Xavier Villaurrutia.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Panggabing Palahaw, ni Xavier Villaurrutia

Kinikilabutan ako sa aking tinig
at hinahanap ang sariling anino.

Akin ba ang aninong dumaraan,
at walang katawan—iyon ba’y akin?
O ang boses na naligaw, at gumagala
Sa mga lansangan para manunog?

Anong boses, anino, at panaginip
ang dapat ko pang mapangarap
ang magiging tinig, anino, panaginip
na pawang ninakaw nila mula sa akin?

Upang marinig ang sirit ng dugo
mula sa mga saradong puso,
dapat ko bang idiit ang tainga
sa dibdib, gaya ng mga daliri sa pulso?

Mahuhungkag ang aking dibdib
at mababagbag ang aking loob;
At ang mga kamay na duduro’y
ang pitlag ng malalamig na marmol.