Sa ngalan ng Ama

Magsisimula ang salinlahi, at ikaw ang tagapaghatid ng binhing mula sa kaitaasan. Sasambahin ng daigdig ang salita mo, ang salitang ang totoo’y inusal ko’t inagaw mula sa bibig mo, ngunit mabibigong maunawaan ang pahiwatig at kaisipang magpaparami ng mga tao. Lalago ang iyong kayamanan, gaya ng itinanim na punongkahoy at aklat, at inaasahan mong likás lamang sa amin ang magnasa sa materyal nang higit sa kailangan. Galante kang magpupundar ng mga bahay sa dumaraming demonyito’t anghel. Ikaw ang sentro, na may puwersang sentripetal na magpapainog sa mga planeta, gayunman ay ipapaubaya sa kabiyak ang liwanag sa loob ng tahanan. Kahit hindi naisin, sisibol sa iyong hapag ang sutil na bunso na susuway sa utos o payo. Magdadabog siya’t aangil kapag hindi nasunod ang layaw, ngunit dahil taglay mo ang pasensiya ng tigulang ay gagamitin ang sinturon upang ipaunawa ang bisa ng latay at hagupit. Pailalim na tititig sa iyo ang anak, at isasadula niya ang musmos na tigreng gumagagad sa madudugong pangangaso. Maisasaloob niya ang gutom at ang tadhana ng pagtindig sa sariling mga paa, hanggang ang kagubatan o lungsod ay maipatong niya sa rabaw ng kaniyang palad o kamao. Matutuklasan niya ang dungis sa mukha kapag pinahid ng bisig ang pisngi; at ang dungis na ito na matagal nang isinusumbat sa ninuno ay hindi pala kasalanan bagkus isang anyo ng pagpupugay. Matututuhan niyang patawarin ang daigdig, at pagtawanan ang sarili, na para bang pagtanggap sa walang katuparang pag-asa. Titingalain niya ako bilang kapatid, at mananakop kami ng ibang lupain at tubigan kahit sa guniguni, at magiging ama rin balang araw, handang ipagmalaki ang ngalan mo ngayon at magpakailanman.

“Sa ngalan ng Ama,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo © 2012.

 

7 Tugon

  1. Sir, may kopya pa po ba ng librong “Prosang Itim” ni Mike Bigornia, kung meron pa po, saan po kaya maaaring makabili? Salamat po Sir.

    • Ang alam ko ay sa Anvil Publishing Inc. makabibili ng sipi.

  2. Sir Bob, may kopya na po ako ng bagong aklat-tula niyo. Ang husay ng mga imahe’t semiotika ng mga tula sa loob ng Alimpuyo sa Takipsilim. At mukhang masusundan kaagad ang koleksiyon. Pagbati!

    • Salamat, kaibigan, ngunit sa aking palagay ay hindi ko na kayang ulitin pa ang naturang aklat. Kung gagawa man ako ay ibang-iba na, at hindi imposible kung mangarap ng isang epiko.

  3. Sir Bob, Aabangan ko po ang epiko o ang susunod na koleksiyon ng aklat-tula mo. Kelan po ilulunsad ang Alimpuyo sa Takipsilim, para makadalo ako at mapapirmahan ang kopya ng aklat-tula. Gusto ko rin sana magpabasa sa iyo ng aking mga akda/tula kung may panahon pa po kayo. Ingat po palagi. Maraming salamat! – Glenn Ford B. Tolentino

    • Wala pang tiyak na petsa, ngunit baka sa Nobyembre ang booklaunch. Okay lang ang magpabasa ng tula, basta may basbas ni San Miguel.

  4. Sige po, yun pa rin ba ang numero mo sa celfon? Sasadyain na lamang kita. O, baka po pwede kayo maupo sa lingguhan workshop namin sa Angono, Rizal. Maraming salamat. Basbasan nawa tayo ni San Miguel nang walang humpay na tagay at tagumpay.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: