Panukalang Pagbabago sa Komisyon sa Wikang Filipino

Sa halos dalawang taon kong panunungkulan sa Komisyon sa Wikang Filipino, masasabi ko nang kinakailangan nito ang malaliman at malawakang pagbabago upang maging epektibong kasangkapan ng Tanggapan ng Pangulo sa pagsusulong ng mga patakaran at programang pangwika. Nais ko ang pagbabago; ngunit kahit ikaw ang direktor heneral o direktor IV ng KWF ay hindi ka basta makapagpapatupad ng pagbabago nang walang pahintulot ng Lupon ng mga Komisyoner. Kinakailangan ang pagsang-ayon ng Lupon ng mga Komisyoner, dahil ang KWF ay maibibilang na Komisyong Konstitusyonal at kumikilos bilang lawas kolehiyado [collegial body].

Nakalulungkot isiping nabigo ang KWF ng kalukuyang panahon na isagawa ang mga itinatadhana ng batas. Walang malinaw na pambansang patakarang nabuo ang Lupon ng mga Komisyoner sa ilalim ng pamumuno ni Kom. Jose Laderas Santos, at ang ganitong pangyayari’y patutunayan ng mga rekord sa opisina. Nagmungkahi ako ng mga programang pangwika na puwedeng isaalang-alang ng lupon, ngunit ang tinig ng butihing Punong Kom. Santos ay waring nakapangyayari sa lahat at hindi ang lawas kolehiyado. Ang pagbubuo ng mga patakaran at programa ay dapat nakaayon sa saliksik at pag-aaral, ngunit dahil hindi naman ginagampanan ng KWF ang tungkuling magsaliksik hinggil sa Filipino at iba pang wika, umaasa na lamang ang KWF sa mga saliksik ng ibang pangkat at nagpapasiya alinsunod sa anumang itatakda ng pambansang pamahalaan.

Kaya napakahirap hingan ang KWF ng katumbas na opinyon na magtataguyod ng Mother-tongue based Multilingual Education (MTB-MLE) bilang pamalit sa dating bilingguwal na edukasyong itinatadhana ng Saligang Batas 1987 at sinegundahan ng DECS Order Blg. 52, s. 1987 na may petsang 21 Mayo 1987. Pumasok ang KWF sa patakarang MTB-MLE ng Kagawaran ng Edukasyon (at siyang isinusulong ni dating sinibak na Punong Kom. Ricardo Ma. Nolasco at ipinagpatuloy ni Punong Kom. Santos) nang walang malinaw na parametro ng paglahok. Naging parang utusan ang KWF na gumawa lamang ng mga ortograpiya sa 12 pangunahing wika mula sa buong kapuluan; nagrepaso ng ilang teksbuk na itinataguyod ng DepEd at binigyan ng imprimatur ang mga ito kung kinakailangan; at nakilahok sa mga panrehiyon at pambansang seminar. Ngunit hindi iyon sapat, at hindi sapat ang maging pasibo sa usaping pangwika.

Ideal ang MTB-MLE dahil sinisikap nitong turuan ang bata alinsunod sa wikang kinagisnan nito. Gayunman, hindi isinaalang-alang ng mga tagapagtaguyod ng MTB-MLE ang ibang balakid, gaya ng iba’t iba ang wikang kinagisnan ng mga bata na tinipon sa isang silid-aralan at kinakailangang maging polyglot ang guro; na dapat rebisahin ang kurikulum upang umayon sa MTB-MLE at K-12; na kulang ang materyales sa pagtuturo at hindi sapat ang mga pagsasanay sa guro; at kung ang lingguwa prangka, na gaya ng Filipino, ay gagamitin kung sakali’t may pagtatalo kung sa aling wika ituturo ang mga asignatura. Sa ganitong pangyayari, ang KWF sa ayuda ng DepEd ay dapat nagsasagawa ng mga saliksik upang maisaalang-alang sa pagsasakatuparan ng bagong patakarang pangwika at pang-edukasyon, alinsunod sa panrehiyong bisyon sa antas ng ASEAN, kung hindi man Asya-Pasipiko.

Kinakailangang magbalik ang KWF sa seryoso at dibdibang pananaliksik.

Nakasaad sa Batas Republika Blg. 7104, Sek. 14-c na tungkulin ng KWF na “magsagawa ng pananaliksik o makipagkontrata para maisulong ang pananaliksik at iba pang pag-aaral upang maipalaganap ang ebolusyon, pag-unlad, pagpapayaman at estandarisasyon ng Filipino at iba pang wika sa Filipinas.” Ang nagaganap sa KWF ay hinihingan na lamang nito ng mga manuskrito ang mga Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino (PSWF), gaya ng antolohiya ng mga kuwento o tula at diksiyonaryo, at ang mga ito ay ilalathala ng KWF para maibenta at maipalaganap sa rehiyon. Mahilig ding magpaseminar ang KWF, sa basbas ng gaya nina Punong Kom. Santos, Kom. Carmelita Abdurahman, Kom. Concepcion Luis, at Kom. Bernard Macinas na kung lilimiin nang maigi ay hindi nakatutulong nang malaki sa panig ng mga guro. Pinakabagong pinagkakaabalan ng apat na butihing komisyoner ang “Pagpapaunlad ng Kamalayan at Kasanayan sa Paghahanda ng Pananaliksik at mga Kagamitang Panturo sa Wika at Panitikan Salig sa K to 12 Kurikulum” na binalak sakupin ang buong Filipinas sa pamamagitan ng PSWF ng KWF sa bawat rehiyon. Direktor ng Seminar si G. Robinson K. Cedre (na kung hindi ako nagkakamali’y isang taluhang kandidato sa halalan ng pagkakonsehal noong 2010 sa Lungsod San Pablo, Laguna) at direktang nakikipag-ugnayan kina Kom. Santos at Kom. Abdurahman. Ang problema’y isinagawa ang naturang seminar nang walang basbas ng Lupon ng mga Komisyoner ng KWF; ni hindi pinaharap sa Lupon ang direktor ng seminar na si Cedre; at hindi ipinaalam sa Direktor Heneral ang serye ng seminar bagaman ang Direktor Heneral ang dapat sumusubaybay sa gayong gawain. Lumiham din sina Cedre at Kom. Santos upang humingi ng endosong memoradum at adbaysori kay DepEd Kalihim Armin A. Luistro sa pamamagitan ni Dr. Yolanda S. Quijano. Sa naturang pangyayari, mababatid na sina Kom. Santos at Kom. Abdurahman ay kumikilos nang walang pahintulot ng lawas kolehiyado, at ito ay malaking kasalanan sa batas kung isasaalang-alang na ang KWF ay isang komisyong konstitusyonal at hindi ordinaryong ahensiya ng gobyerno. Bukod pa rito, lumalampas sa itinakdang tungkulin ang mga butihing komisyoner sapagkat gumaganap sila bilang direktang tagapagpatupad at kalahok ng proyekto, bukod sa sila rin ang tagapagbuo at tagapagpatibay ng nasabing proyektong popondohan ng KWF– at ang ganitong gawi ay tandisang paglabag sa itinatadhana ng Batas Republika Blg. 7104.

Bagaman maipupuwing na walang kakayahan sa ngayon ang KWF na magsagawa, halimbawa ng malawakang sarbey o saliksik pangwika sa iba’t ibang lugar kung hindi man sa buong kapuluan, maaaring kumuha ito ng serbisyo ng ibang ahensiyang magsasagawa ng saliksik para sa KWF. Ang ganitong pagtatambal ay nakasaad sa Batas Republika Blg. 7104, Sek. 14-g, na nagbibigay kapangyarihan sa KWF na “tawagan ang alinmang kagawaran, kawanihan, opisina, ahensiya o instrumentalidad ng Gobyerno o alinmang pribadong entidad, institusyon o organisasyon para sa kooperasyon at tulong sa pagsasakatuparan ng mga gawain, tungkulin, at responsabilidad nito.” Kabilang sa gayong gawain ang “pagtitipon ng mga akda para sa posibleng paglalahok sa multilingguwal na diksiyonaryo. . . .” Sa kaso ng pagkuha ng serbisyo ni G. Cedre na mula umano sa Trends & Techniques Resource Center and Training Services, ang grupo ni Cedre ay hindi umano nakarehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC), ayon sa pinakabagong makinang panghanap [search engine] nito. Maaaring nagkakamali ang aparato ng SEC, ngunit kung totoong ilegal ang ahensiya ni Cedre ay puwede siyang managot sa batas, kasama sina Kom. Santos at Kom. Abdurahman na pawang nagpahintulot at tumulong kay Cedre. Mapanganib ang ganitong pangyayari, dahil nalalagay sa alanganin ang KWF kung sakali’t mapatunayang walang sapat na papeles at legal na personalidad ang Trends & Techniques Resource Center and Training Services ni Cedre para makipagkontrata sa KWF. Nagagamit ni Cedre ang mga PSWF ng KWF, sa tulong at pahintulot nina Punong Kom. Santos at Kom. Abdurahman, na posibleng ikapahiya kahit ng DepEd, bukod pa sa pangyayaring ang pagsasagawa ng seminar pangwika at pampanitikan ay dapat hinihigpitan upang maiwasan ang pagpapakalat ng katangahan sa hanay ng mga guro at estudyante.

Masakit amining nagkulang ang KWF. Ngunit kung nagkulang man ang KWF ay dapat siyasatin ang mga ginagawa ng gaya nina Punong Kom. Santos at Kom. Abdurahman. Ang KWF ay dapat umigpaw sa impunidad at medyokridad, bukod sa handang harapin ang mga hamon sa pagpapalaganap ng Filipino at iba pang wikang panrehiyon sa matalino at siyentipikong pamamaraan. Bagaman may kalayaan ang grupo ni Cedre na makipag-ugnayan sa KWF, at ang KWF ay may karapatang kumuha ng serbisyo ng mga lehitimong pribadong organisasyon, ang tambalan ng grupo ni Cedre at nina Kom. Santos at Kom. Abdurahman ay makapag-iiwan ng maraming tanong, lalo’t hindi matunog ang ilang pangalan ng mga ispiker sa naturang seminar at mapagdududahan ang legalidad ng Trends & Techniques Resouce Center and Training Services.

Upang maging epektibo ang KWF, napapanahon nang repasuhin ang limang sangay nito, na kinabibilangan ng Sangay ng Pagsasalin, Sangay ng Impormasyon at Publikasyon, Sangay ng Lingguwistika, Sangay ng Leksikograpiya, at Sangay Pampangasiwaan. Labis na naging makapangyarihan ang Sangay Pampangasiwaan na halos lumukob sa apat na iba pang sangay, gayong ang Sangay Pampangasiwaan ang dapat na sumusuporta lamang sa mga gawain ng apat na pangunahing sangay. Makabubuting isaayos ang paglalagay ng mga kawani, upang ang isang tao ay hindi mapunta sa isang posisyon na malayo sa kaniyang kurso o disiplinang pinagkadalubhasaan sa unibersidad. Makatutulong nang malaki sa KWF kung ito ay mapapasukan ng ibang matatalino’t masisigasig na tauhan at opisyal mula sa pribadong sektor, upang mapalitan ng bagong dugo ang tumatandang hanay nito.

Ang pagpapanibago sa hanay ng mga kawani at opisyal ay dapat iugnay din sa pagpapanibago ng pisikal na estruktura ng gusali ng KWF. Ang tanggapan ng KWF ay hindi angkop para sa gawaing pampananaliksik, sapagkat napakasikip ng tanggapan para sa mga kawani nito. Luma at baryotiko ang mga kompiyuter at aparato nito, at kahit ang planong modernisasyon at kompiyuterisasyon ng KWF ay hindi maisagawa sapagkat nababagahe dahil sa mismong latag ng mga dibisyon, bukod sa hindi masugpo ang problema ng daga. Upang maibalik ang dating ringal ng KWF, at mahimok ang mga kawani nito na magtrabaho nang may sigasig at alab, maimumungkahing baguhin din ang gusali ng KWF at lumipat sa higit na ligtas, maluwag, at maaliwalas na lugar na umaangkop sa gawaing pananaliksik.

Higit sa lahat, kinakailangang isaayos ang pagpapatakbo ng PSWF sa bawat rehiyon, at gamitin ito alinsunod sa dapat na mandato ng Saligang Batas. Ang PSWF ay maaaring makatulong sa debolusyon ng kapangyarihan ng KWF at magamit ang naturang sangay sa pananaliksik at pagpapatibay ng network sa malalayong rehiyon. Magagamit din itong lunan upang makapagpalitan ng saliksik at tuklas ang bawat rehiyon, at sa tumpak na koordinasyon ng KWF ay maipapalaganap ang mga saliksik sa pamamagitan ng research exchange. Nakapanghihinayang na ginagamit lamang sa ngayon ang PSWF para sa mga seminar o kumperensiya, ngunit kung ang seminar o kumperensiyang ito ay epektibo at tumutugon sa pangangailangan ng mga guro at superbisor sa rehiyon ay masasagot lamang ng mga kalahok.

Bago maisagawa ang panloob na estruktura ng KWF, kailangang simulan din ang reoryentasyon ng mga itinalagang komisyoner. Ang bawat komisyoner ay inaasahang kumatawan sa isang pangunahing wika (at disiplina) sa isang rehiyon, bagaman ang teritoryong saklaw ng wika ay hindi esklusibo lamang sa isang pook. Halimbawa, bagaman ang Ilokano ay malaganap sa hilaga ng Filipinas, ang Ilokano ay unti-unti na ring sumasakop sa Visayas at Mindanao, at maging sa ibayong dagat, gaya sa Estados Unidos, Saudi Arabia, China, at Awstralya. Ang isang komisyoner ay dapat kumakatawan din sa isang partikular na disiplina, gaya ng edukasyon, agrikultura, at batas, upang sa gayon ay mapayayaman ang mga wika at maipapasok sa mga dominyo ng kapangyarihan, gaya sa hukuman, akademya, negosyo, at telekomunikasyon.

Nakasalalay naman ang mga gawain ng mga komisyoner sa “Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad ng Batas Republika Blg. 7104.” Ang problema sa KWF ay hindi sinusunod ang naturang mga tuntunin at regulasyon, at nananatiling hanggang papel lamang ito sa tatlong butihing komisyoner na ganap ang panahon ng panunungkulan. Ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng KWF ay napapanahon nang rebisahin; panahon na ring enmiyendahan ang buong Batas Republika Blg. 7104, na inakda ni Sen. Edgardo Angara, nang sa gayon ay makaagapay ito sa nagbabagong panahon; at mahigpit na ipatupad ng magiging bagong pamunuan ng KWF. Masakit sabihing ang panahon ng administrasyon ni Punong Kom. Santos ang Madilim na Panahon [Dark Ages] sa yugto ng KWF; ngunit ito ang katotohanan. Ang KWF ay naging kasangkapang pampolitika noong administrasyon ng Pang. Gloria Macapagal-Arroyo, nagpasibol ng kapabayaan kung hindi man katiwalian, at ang bunga nito ay inaani ngayon ng mga tauhan at opisyal ng KWF. Kung ganito ang loob ng KWF, paano ito makabuluhang makapag-aambag sa larang ng pambansang patakarang pangwika, at siyang masasandigan ng Tanggapan ng Pangulo?

Kung ang pangulo ng bansa ang direktang may kapangyarihan sa KWF, dahil ang KWF ay nasa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo, napapanahon nang manghimasok ang pangulo sa KWF. Ito ay sapagkat ang wikang Filipino ang “imbakan o pintungan ng kultura at kasaysayan ng bansa,” ayon na rin sa Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario. Tanging wika lamang ang makapaghahatid ng mahahalagang impormasyon mula sa Tanggapan ng Pangulo tungo sa malalayong pamayanan, at makapagpapataas ng diskurso ng dalawang panig. Kung tototohanin ng Pang. Benigno S. Aquino III ang kaniyang pangako, ang pagpapanibago sa KWF ay hindi imposible. Dapat ibalik sa tuwid na landas ang KWF, at ibasura nang ganap ang utak wangwang na nagpabulok sa institusyong dating itinaguyod ng mga dakilang manunulat, lingguwista, at estadista ng nakaraang panahon. Sa ganitong paraan, higit na makapagsisilbi ang KWF sa taumbayan, at magiging episyenteng kabalikat ng pamahalaan, imbes na ang KWF ang pinagsisilbihan ng mga mamamayan.

Advertisements

Nayon ng Niyebe, ni Yasunari Kawabata

Nobela ni Yasunari Kawabata. Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa bersiyong Ingles ni Edward G. Seidensticker at inilathala ng Berkley Publishing Corporation. Hindi ganap na tapos ang salin sa Filipino, at itutuloy lamang ito ng tagasalin kapag may limanlibong mambabasa ng Alimbukad ang magsasabing dapat ituloy ang pagsasalin sa Filipino.

UNANG BAHAGI

NAGLAGOS ang tren sa mahabang túnel papaloob sa nayon ng niyebe. Maputi ang lupain sa tanglaw ng kalangitan ng gabi. Bumatak ang tren sa may senyas na hinto.

Ang babaeng nakaupo sa kabilang panig ng kotse ay dumating at binuksan ang bintana sa harap ni Shimamura. Pumasok ang malamig na simoy sa sasakyan. Dumukwang palabas ng bintana, ang batang babae’y tinawag ang maestro ng estasyon na para bang napakalayo nito.

Marahang lumakad sa niyebe ang maestro ng estasyon habang tangan ang linterna. Nakatabing sa kaniyang mukha hanggang ilong ang sablay, at ang laylayan ng kaniyang sombrero ay nakatakip sa mga tainga.

Hay, napakalamig, naisip ni Shimamura.  Nakakálat mula rito hanggang taluktok ng nagsayelong bundok ang mabababà, mala-baraks na gusali, na posibleng maging dormitoryo ng daambakal. Nalaglag ang puti ng niyebe sa karimlan bago sumapit sa kanila.

“Kumusta ka,” sigaw ng bata. “Ako si Yoko.”

“Yoko, pabalik ka na ba? Lumalamig na muli.”

“Nagpunta pala ang kapatid ko para magtrabaho dito. Salamat sa lahat ng ginawa mo.”

“Nakakalungkot naman. Hindi ito ang lugar para sa batang lalaki.”

“Hindi pa siya tigulang. Matuturuan mo siya kung ano ang mga dapat matutuhan, hindi ba?”

“A, mabuti naman ang kaniyang ginagawa. Magiging abala kami mula ngayon, lalo’t umuulan ng niyebe. Noong nakaraang taon, nabalam ang mga tren dahil matindi ang buhos ng niyebe’t nagkaroon ng mga pagguho. Walang nagawa ang buong nayon kundi ipagluto ang mga pasahero.”

“Tingnan mo naman ang makakapal na damit. Lumiham ang kapatid ko at sinabing hindi pa nga siya nagsusuot ng suweter.”

“Hindi ako naiinitan hangga’t walang suot na apat na patong. Nag-iinuman ang mga kabataan kapag nagsimulang lumamig, saka mo na lamang mababatid na nakahiga na sila sa kama at nilalagnat.” Ikinaway niya ang kaniyang linterna doon sa mga dormitoryo.

“Umiinom ba kapatid ko?”

“Hindi ko alam.”

“Pauwi ka na, hindi ba?”

“May kaunting aksidente ako kamakailan. Kumukunsulta ako sa doktor.”

“Dapat maging mas maingat ka.”

Ang maestro ng estasyon, na may abrigo sa ibabaw ng kimono, ay lumingon na tila ibig putulin ang malayelong usapan. “Mag-ingat ka,” palingon niyang sabi.

“Narito ba ang kapatid ko?” tinanaw ni Yoko ang platapormang hitik  sa niyebe. “Tingnan mo kung nagpapakabait siya.” Napakarikit ng boses at tumitimo nang may lungkot. Sa tinis nito’y waring bumabalik na alingawngaw sa maniyebeng gabi.

Nakasandal pa sa bintana ang dalagita nang lumisan sa estasyon ang tren. “Sabihin mo sa kapatid ko na umuwi kapag may bakasyon siya,” aniya sa maestro ng estasyon, na naglalakad sa kahabaan ng riles.

“Oo, sasabihin ko!” tugon ng lalaki.

Ipininid ni Yoko ang bintana at idinampi ang kaniyang mga kamay sa namumulang mga pisngi.

Tatlong niyebeng pang-araro ang naghihintay ng matitinding buhos ng niyebe sa Hanggahang Bundok. Mayroong de-koryenteng aparato na nagbibigay ng babala sa pagguho ng niyebe sa hilaga at timog na lagusan ng túnel. Limang libong manggagawa ay nakahanda para pawiin ang niyebe, at dalawang libong kabataang lalaki mula sa mga boluntaryong kagawaran ng pamatay-sunog ang pinakilos kung kinakailangan.

Magtatrabaho ang kapatid ni Yoko sa himpilan ng tren na hindi maglalaon ay matatabunan ng niyebe, at ang gayong katotohanan ang nagbigay-daan upang maging kaakit-akit ang dalagita kay Shimamura.

“Ang dalagita” ay may kakatwang gawi na nagpapahiwatig na hindi pa siya kasal. Hindi nakatitiyak si Shimamura kung ano ang relasyon nito sa lalaking kasáma. Para silang mag-asawa kung kumilos. Ngunit malinaw na sakitin ang lalaki, at ang sakit ay nagpapaikli ng distansiya sa pagitan ng lalaki at babae. Habang nagiging tapat ang pag-aalaga, lalong nagmumukhang mag-asawa ang dalawa. Ang dalagitang nag-aalaga ng lalaking higit ang edad sa kaniya, na waring kabataang ina, ay mapagkakamalang esposa ng lalaki kapag sisipatin mula sa malayo.

Subalit sa isip ni Shimamura’y ibinukod na niya ang dalagita palayo sa lalaki at naghakang sa kabuuang anyo at kilos ng babae’y hindi pa ito nakakasal. Sa gayong katagal na pagtitig ni Shimamura’y tila naulapan ng emosyon ang kaniyang bait.

Tatlong oras na ang lumipas. Tinitigan ni Shimamura, sanhi ng pagkabato, ang kaniyang kaliwang kamay, habang ang hintuturo’y binabaluktot saka iniuunat nang paulit-ulit. Waring ang kamay na ito ang tanging buháy at may kagyat na alaala ng babaeng kakatagpuin niya. Habang sinisikap niyang aninawin ang malinaw na hulagway ng babae’y lalo lamang siyang binibigo ng kaniyang memorya, at palayo nang palayo ang babae, hanggang wala nang masilayan si Shimamura. Sa gitna ng gayong kalabuan, isang kamay lamang, partikular ang hintuturo, ang waring mamasa-masa sa dampi ng dilag, at humihila kay Shimamura mula sa malayo at palapit sa babae. Animo’y nanibago, tinakpan niya ng mga kamay ang kaniyang mukha, saka mabilis na gumuhit ng linya sa nagsahalumigmig na bintana. Lumutang sa harap niya ang mata ng babae. Halos mapasigaw si Shimamura. Ngunit nananaginip lamang siya, at nang mahimasmasan ay nakita na repleksiyon lamang ng dalagitang nasa kabilang panig sa bintana. Lumalatag na ang karimlam sa labas ng bahay, at binuksan ang mga ilaw sa tren, saka pinaghunos na salamin ang bintana. Mahalumigmig ang bintana sanhi ng singaw, hanggang gumuhit siya ng linya pahaba.

Kakatwang marikit ang isang mata; ngunit nagkukunwang pagál na manlalakbay at idinikit ang mukha sa bintana para tumanaw sa labas, pinawi ni Shimamura ang halumigmig sa kabuuan ng salamin.

Marahang lumiyad ang dalagita, at tiningnan pababa ang lalaking nasa harap niya. Nadama ni Shimamura na ang pamumuo ng kaniyang lakas sa balikat at nagpapakita ng balasik sa kaniyang mga mata ay tanda ng sigasig na hindi nagpakurap sa kaniya. Humimlay ang lalaki nang nakatukod ang ulo sa bintana at nakatiklop ang mga tuhod paharap sa dalagita. Tersera klaseng kotse lamang iyon. Hindi naman tuwirang pasalungat ang pares kay Shimamura, ngunit isang upuan ang pagitan pasulong, at ang ulo ng lalaki’y matatanaw sa salaming bintana nang hanggang sa antas ng tainga.

Yamang ang babae ay pasalungat ang puwesto sa kasamang lalaki, nasisilayan nang tuwid ni Shimamura ang dilag. Nang sumakay ang dalawa sa tren, gayunman, may kung anong lamig na tumimo hinggil sa kariktan ng babae na nagpagitla kay Shimamura; at nang bawiin niya nang mabilis ang sulyap saka tumungo, nakita ni Shimamura ang ulingang mga daliri ng lalaking nakahawak sa dilag. Nakaaasiwa na wari na sumulyap pa sa kanilang kinalalagyan.

Nagpapahiwatig ng seguridad ang mukha ng lalaki na bumabanda sa salamin, at ang kapanatagang dulot nito ay nagbigay ng puwang kay Shimamura na ituon ang titig sa dibdib ng dalagita. Nagbigay ng balanse at armonya ang kahinaan ng lalaki sa dalawang pigura. Isang dulo ng kaniyang bandana ay nagsilbing unan, at ang kabilang dulo naman ay mahigpit na nakatakip sa kaniyang bibig gaya ng maskara at nakalapat sa pisngi. Paminsan-minsan itong nahuhulog o dumadausdos sa ilong, at bago pa niya maiparamdam ang pagkainis ay marahang isinasaayos iyon ng dilag. Awtomatikong naulit nang naulit ang proseso, at halos mawalan ng pasensiya si Shimamura na nakasasaksi sa pangyayari. Sasayad paminsan-minsan sa sahig ang nabuksang amerikanang nakabalot sa mga paa ng lalaki at malalaglag, na mabilis hahatakin pabalik ng dalagita. Para bang ganap na likás, na manhid ang dalawa sa espasyo, at nakatadhanang magpakalayo-layo. Para kay Shimamura, wala nang maitutumbas sa kirot na hatid ng tagpo ng tunay na kalungkutan. Parang pagmamasid lamang yaon ng tagpo sa panaginip—at walang dudang likha iyon ng kaniyang kakatwang salamin.

Sa pusod ng salamin ay gumagalaw ang panggabing tanawin, at ang salamin at ibinabalik nitong mga pigura ay gaya ng umaandar na rolyo ng pelikulang magkakapatong. Hindi magkaugnay ang mga pigura at ang sanligan, ngunit ang mga pigurang malinaw at di-mahahawakan, at ang sanligan, ay kumukutim sa paglaganap ng karimlan, magkasabay na natutunaw sa simbolikong daigdaig na malayo sa tunay na daigdig. Kapag ang liwanag ay lumitaw sa pagitan ng mga bundok at magpaningning ng mukha ng dalagita, madarama ni Shimamura na lumalaki ang kaniyang dibdig sa mahirap masambit na kagandahan.

Tangay ng kalangitan sa tuktok ng bundok ang mga bakás ng pula ng takipsilim. Malilinaw ang hugis sa kalayuan, ngunit ang monotonong tanawin ng kabundukan, na hindi maaninag sa kung ilang milya, ay waring lalong hindi mabanaagan dahil sa pagpusyaw ng mga bakás ng kulay. Walang anuman doon ang makapupukaw ng pansin, at tila umaagos yaon sa malawak, walang hubog na emosyon. Ito ay dahil lumulutang doon ang mukha ng dalagita. Tinabingan ng mukha, ang panggabing tanawin ay gumalaw ayon sa krokis nito. Animo’y malinaw ang mukha, ngunit sadya nga bang malinaw? Namalikmata si Shimamura at inisip na ang panggabing tanawin ay dumaraan sa harap ng mukha, at nagpatuloy ang agos upang ipabatid sa kaniya na hindi iyon humihinto.

Mahina ang liwanag sa loob ng tren, at ang repleksiyon ay hindi sinlinaw ng makikita sa salamin. Nalimutan ni Shimamura na sa salamin siya nakatanaw dahil wala roong silaw. Ang mukha ng dalagita’y tila nasa agos ng panggabing kabundukan sa labas.

Pagdaka’y tumapat sa mukha ang sinag. Hindi labis na malakas ang repleksiyon sa salamin upang sapawan ang liwanag sa labas, o hindi napakatingkad ng liwanag upang padilimin ang repleksiyon. Bumalatay ang liwanag sa mukha, subalit hindi upang patingkarin iyon. Malayo, malamig na liwanag niyon. Habang tinatangay nito ang mumunting sinag papaloob sa balintataw ng dalagita, na ang mata at liwanag ay magkapatong sa isa’t isa, ang mata ay naghunos sa kakatwang butil ng kariktan ng fosforesensiya sa dagat ng panggabing kabundukan.

Walang paraan para mabatid ni Yoko na tinititigan siya. Nakatuon ang kaniyang pansin sa maysakit sa lalaki; at kahit tumingin siya kay Shimamura, hindi niya makikita ang kaniyang repleksiyon, at hindi niya mapapansin ang lalaking tumatanaw palabas ng bintana.

Hindi pumasok sa hinagap ni Shimamura na masagwang tumitig sa babae nang matagal at palihim. Walang duda iyon dahil hinatak siya ng di-tunay, labas sa mundong kapangyarihan ng kaniyang salamin sa panggabing tanawin

Nang tawagin ng dalagita ang maestro ng estasyon, sa kilos na nagpapahiwatig ng pagkasabik, nakita marahil ni Shimamura na higit sa lahat, parang tauhan sa sinauna’t romantikong kuwento ang dilag.

Madilim ang bintana nang huminto sila sa himpilan. Kumupas ang bighani ng salamin sa kumukupas na tanawin. Naroon pa rin ang mukha ni Yoko, ngunit sa kabila ng mainit nitong pagtulong, naisip ni Shimamura na may mababanaagang kalamigan ang gayong babae. Hindi pinunasan ni Shimamura ang bintana nang magkahalumigmig muli ito.

Nagulat siya nang pagkaraan ng kalahating oras, si Yoko at ang lalaki’y bumaba ng tren sa parehong estasyon na binabaan niya. Luminga-linga siya na parang mabubulid kung saan, ngunit ang malamig na simoy sa plataporma ay nagdulot ng pagkapahiya sa kaniya sa pagiging bastos sa tren. Tinawid niya ang riles sa harap ng lokomotora nang walang lingon-lingon.

Ang lalaki, na nakahawak sa balikat ni Yoko, ay pababa na sana sa riles mula sa plataporma na kasalungat na panig nang bilang itinaas ng kawani ng estasyon ang kamay upang pigilin sila.

Isang mahabang tren ang lumuwa mula sa karimlan at tumabing sa kanilang harap.

GANAP NA HANDA sa taglamig at mapagkakamalang bombero ang porter mula sa posada. May takip ang magkabila niyang tainga at nakasuot siya ng bota. Ang babaeng nagmamasid  sa riles mula sa hintayang-silid ay nakasuot ng asul na kapa na may kaputsa na nakatakip sa ulo.

Si Shimamura, na mainit-init pa mulang tren, ay hindi nakatitiyak kung gaano kalamig ang paligid. Ito ang kaniyang unang karanasan sa nayong tinatabunan ng niyebe kapag taglamig, at nakadama siya ng pagkasindak.

“Sinlamig ba ang lahat gaya niyan?”

“Handa kami sa taglamig. Karaniwang malamig sa gabing maaliwalas pagkatapos umulan ng niyebe. Siguro’y lampas sa mababang temperatura ang lamig ngayon.”

“Ito ba ang mababang temperaturang nakapagpapayelo?” Sumulyap si Shimamura sa maninipis na kalambano sa kahabaan ng mga alero habang papasakay ng taksi. Ang puti ng niyebe ay nagpalalim ng tingin sa mga alero, na para bang lumubog ang lahat sa lupa.

“Iba ang lamig dito, bagaman madali iyang makita. Iba ang pakiramdam kapag may hinipo kang anong bagay.”

“Noong nakaraang taon umabot sa zero ang lamig.”

“”Gaano karaming niyebe?”

“Karaniwang nasa pito o walong talampakan; at minsan naman ay umaabot sa labindalawa hanggang labintatlong talampakan.”

“Bubuhos ba ang makakapal na niyebe mula ngayon?”

“Nagsisimula pa lang ang buhos ng niyebe. May isang talampakan na ang taas ng yelo, pero natunaw nang kaunti.”

“Natutunaw na, hindi ba?

“Baka magkaroon tayo ng matinding buhos ng niyebe sa anumang oras?”

Simula iyon ng Disyembre.

Nagbara ang ilong ni Shimamura dahil sa sipon; ngunit lumuwag iyon sa kalagitnaan ng kaniyang ulong lantad sa malamig na simoy,  at pagkaraan ay tumulo na parang hinuhugasan ang isang bagay.

“Nariyan pa ba ang dalagitang namumuhay kasama ng kaniyang guro sa musika?”

“Narito pa siya. Hindi mo ba siya nakita sa estasyon? Nakasuot siya ng matingkad na asul na kapa!”

“A, siya ba iyon? Baka matawagan natin siya mamaya.”

“Ngayong gabi?”

“Oo, ngayong gabi.”

“Narinig kong ang anak na lalaki ng guro ng musika ay nagbalik na sakay ng tren. Naroon ang babae para salubungin siya.”

Ang maysakit na lalaking nakita niya noong gabi sa salamin, kung gayon, ang anak ng guro ng musika na ang bahay ay nagkataong tinitirahan ng babaeng dinalaw ni Shimamura.

Waring gumapang ang koryente sa kaniyang katawan, ngunit inisip na ang gayong pagtitiyap ay hindi bukod-tangi. Nagulat pa nga siya sa sarili dahil hindi labis nasorpresa.

Bumukal sa kalooban ni Shimamura ang tanong, malinaw na para bang nakatayo siya sa harap ng lalaki: May namamagitan ba, may naganap ba, sa babae na natandaan niyang dinampian ng kamay ng lalaki, at ang babae na taglay ang matang pinakislap ng liwanag mula sa bundok? O hindi niya mapalis ang bighani ng panggabing tanawin na bumanda sa salamin? Nagbulay siya kung ang daloy ng tanawin ang simbolikong paglipas ng panahon.

ANG POSADANG may mainit na bukál ay kakaunti ang mga bisita ilang linggo bago magsimula ang panahon ng pag-eski; nang umahon sa paliligo sa bukál si Shimamura ay waring tulóg na ang lahat. Bahagyang kumatal ang mga salaming pinto tuwing hahakbang siya sa lumulundong pasilyo. Sa duluhan, na paliko sa opisina, nakita niya ang matangkad na hulagway ng babae, na sumasayad sa sahig ang malamig na laylayan ng palda habang naglalakad.

Napaigtad siya nang makita ang mahabang palda. Naging geisha na ba ang dalaga? Hindi lumapit ang babae kay Shimamura, ni hindi tumungo nang bahagya upang makikila. Mula sa malayo’y nabanaagan niya ang anyong buháy at seryoso. Humangos siya palapit sa babae, ngunit ni wala silang winika sa isa’t isa nang magkatabi na. Ngumiti ang babae na may makakapal, mapuputing pulbos ng geisha. Pagdaka’y napaluha siya, at ang dalawa’y lumakad nang tahimik papaloob sa silid ni Shimamura.

Anuman ang naganap sa pagitan nila, hindi sumulat si Shimamura sa babae, o dumalaw man lamang sa kaniya, o nagpadala ng mga patnubay sa sayaw na dati niyang ipinangako. Naiwan ang dilag na nag-aakalang pinagtawanan siya ni Shimamura, at kinalimutan siya. Iyon dapat ang simula na humingi ng tawad o pang-unawa ang lalaki, ngunit habang naglalakad sila, nang hindi sumusulyap sa isa’t isa, naramdaman ng lalaking may puwang pa rin sa siya sa puso ng babae at muling angkinin ang dating nawala. Alam ng binatang kung magsasalita siya’y lalo lamang mabubunyag ang kakulangan ng kaniyang katapatan. Nagapi ng babae, lumakad si Shimamura na balabal ang malambot na kaligayahan. Sa paanan ng hagdan, maliksi niyang idinampi ang kaniyang kamao sa mata ng dilag, at tanging ang hintuturo ang nakaunat.

“Ito ang nagpapagunita sa iyo sa lahat.”

“Talaga?” Kinuyom ng dilag ang daliri at parang ibig na niyang iakyat ang lalaki sa itaas na silid.

Binitiwan ng babae ang kamay ng lalaki nang sumapit sa kotatsu sa silid nito, at biglang namula ang kaniyang noo hanggang lalamunan. Upang maikubli ang pagkalito, muli niyang hinawakan ang kamay ng lalaki.

“Hindi ang kanang kamay,” ani lalaki. “Ito.” Patulak na idinikit ang kanang kamay sa kotatsu upang painitin iyon, at muling idinampi ang kaliwang kamay na nakaunat ang hintuturo.

“Alam ko.” Napahagikgik ang babae na panatag ang mukha. Ibinuka niya ang kaniyang palad, at idinampi sa pisngi. “Ito ang nagpapaalala sa akin?”

“Ang lamig! Hindi pa yata ako nakahipo ng ganitong kalamig na buhok!”

“May niyebe ba sa Tokyo?”

“Natatandaan mo ba ang sinabi mo noon? Nagkakamali ka. Bakit magpupunta sa gayong lugar ang isang tao kung Disyembre?”

LUMIPAS na ang panganib ng pagguho ng mga yelo, at sumapit ang panahon ng pag-akyat sa mga bundok sa lungting tagsibol.

Maglalaho sa mesa ang mga bagong sibol sa kasalukuyan.

Si Shimamura, na namumuhay sa paglulustay ng panahon, ay natalos na bigo siyang maging tapat sa sarili, at malimit naglalakwatsa nang mag-isa sa kabundukan upang mapanumbalik ang anumang butil ng kaakuhan. Bumaba siya sa nayong may mainit na bukál makalipas ang pitong araw sa Hanggahan ng Kabundukan. Humiling siya na magkaroon ng geisha. Sa kasamaang palad, may pagdiriwang sa araw na iyon upang pasinayàan ang bagong daan, sabi ng kasambahay. Napakasigla ng selebrasyon kaya kahit sakupin ang pinagsamang bodega ng kapuyo at teatro, ang labindalawa o labintatlong geisha ay labis-labis ang pinagkakaabalahan. Baka dumating ang dalagitang naninirahan sa bahay ng guro ng musika. Tumutulong minsan ang dalagita sa mga parti, ngunit umuuwi kaagad makaraang makasayaw nang isa o dalawang tugtugin. Nag-usisa si Shimamura kaya ikinuwento ng kasambahay ang hinggil sa dalagitang nasa bahay ng guro ng musika: ang samisen at ang guro sa sayaw ay naninirahan sa piling ng dalagita na hindi geisha ngunit inaatasang tumulong sa malalaking parti. Dahil walang kabataang aprentis na geisha sa bayan, bukod sa karamihan sa mga lokal na geisha ay piniling hindi sumayaw, ang mga serbisyo ng dalagita ay higit na mahal. Halos hindi makarating nang mag-isa ang dalagita para aliwin ang panauhin sa posada, gayunman ay hindi siya ganap na matatawag na amatyur—ito ang kuwento ng kasambahay sa pangkalahatang pangyayari.

Kakatwang kuwento, ani Shimamura, at iwinaksi yaon sa isip. Makalipas ang isa o higit pang oras, ang babae na kasama ng guro ng musika’y pumasok sa silid kapiling ang kasambahay. Tumindig nang tuwid si Shimamura. Akmang paalis na ang kasambahay nang tawagin ito ng babae.

Ang anyo na ipinamalas ng babae’y kay-linis at kay-sariwa. Wari ni Shimamura’y malinis kahit ang gatlang sa pagitan ng mga hinlalaki sa paa ng dalaga.  Sobrang linis kaya naisip ni Shimamura kung hindi ba siya namamalikmata lamang mula sa pagtanaw sa madaling-araw ng tag-araw sa kabundukan.

May kung anong gawi sa kaniyang pananamit na nagpapahiwatig ng pagiging geisha, ngunit wala siyang mahabang kasuotang pang-geisha. Bagkus ay suot ng dilag ang malambot, walang linyang kimonong pantag-araw na nagtatampok ng masinop na kagandahang-asal. Mukhang mahal ang obi, na bumabagay sa kimono, at sa wari niya’y may bahid ng lungkot.

Marahang umalis ang kasambahay nang magsimulang mag-usap ang dalawa. Hindi tiyak ng babae ang mga pangalan ng mga bundok na matatanaw mula sa posada; at yamang hindi nais uminom ng alak ni Shimamura sa piling ng geisha, isinalaysay na lamang ng dilag ang kaniyang nakaraan sa kapani-paniwalang paraan. Isinilang ang dalaga sa nayon ng niyebe, ngunit siya’y ipinagkasundong maging geisha sa Tokyo. Nakatagpo umano niya ang patron na nagbayad ng lahat ng kaniyang pagkakautang,  at nagpanukalang gawin siya nitong guro ng sayaw, subalit namatay ang lalaki makalipas ang isa at kalahating taon. Nang sumapit sa yugtong kung ano ang naganap pagkaraan niyon, na kuwentong matalik sa kaniya, nagbantulot ang babae na ibunyag ang kaniyang mga lihim. Sabi ng dilag ay disinuwebe lamang siya. Pakiwari naman ni Shimamura’y beynte uno o beynte dos, at dahil ipinalagay na nagsasabi nang tapat ang babae, ang kabatiran na mas matanda ito sa dapat sanang edad ay nagpaluwag ng loob ng binata sa unang pagkakataon hinggil sa inaasahang pakikiharap sa geisha. Nang pag-usapan nila ang Kabuki, natuklasan ni Shimamura na higit na maraming alam ang babae kaysa sa kaniya hinggil sa mga aktor at estilo. Maalab magsalita ang babae, at waring sabik na sabik siyang may makinig sa kaniya makaraang ipiit, at nagsimulang ipakita ang gaán na nagbubunyag na siya’y babae mula sa mga aliwang silid. At waring alam ng dilag ang lahat ng dapat mabatid sa mga lalaki. Itinuring namang baguhan ni Shimamura ang babae, at pagkaraan ng isang linggo sa mga bundok at ni walang kausap, nadama na lamang niya ang pangungulila sa isang kaibigan. Pakikipagkaibigan lamang sa babae ang nadama ni Shimamura kaysa iba pang iba pang bagay. Ang tugon niya sa mga bundok ay umaabot hanggang sa pagtakip sa kaniya.

Nang patungo sa paliguan ang babae noong sumunod na hapon ay nakaligtaan nito ang kaniyang tuwalya at sabon sa bulwagan at nagbalik saka pumasok doon upang kausapin si Shimamura.

Ni hindi pa siya nakauupo nang hiniling ni Shimamura sa kaniya na tumawag ng geisha.

“Tumawag ng geisha?”

“Alam mo ang ibig kong sabihin.”

“Hindi ako nagpunta rito para tanungin mo nang ganiyan.” Mabilis siyang tumayo at nagtungo sa may bintana, namumula ang mukha, habang nakatingin sa mga bundok. “Walang ganiyang babae rito.”

“Huwag kang loka.”

“Iyan ang totoo.” Bumalikwas saka humarap ang babae kay Shimamura at umupo sa may pasamano.”Walang sinumang makapipilit sa geisha na gawin ang ayaw niyang gawin. Nasa kapasiyahan ng geisha ang lahat. Iyan ang serbisyong hindi maibibigay ng posada. Humayo ka, at subuking tumawag at kausapin mo siya, kung gusto mo!”

“Itawag mo naman ako ng isang geisha.”

“Bakit mo ako inaasahang gawin  iyan?”

Iniisip kita bilang kaibigan. Kaya naman bumait na ako.”

“At ito ang tinatawag mong kaibigan?” Nahatak ng gawi ni Shimamura, ang dalaga’y tila naging kaakit-akit na anyong bata.  Ngunit pagkaraan ay sumigaw: “Hindi ba maganda na iniisip mong mauutusan mo ako nang ganiyan?”

Ano ang dapat kasabikan? Napakasigla ko makaraan ang dalawang linggo sa kabundukan. Lagi na lamang mali ang naiisip ko. Ni hindi ako makaupo rito para kausapin ka sa paraang gusto ko.”

Nanahimik ang babae, saka ipinako sa sahig ang paningin. . . .

Pambansang Kumperensiya sa Wika, Bida ang K-12 at Salita ng Taon

Ngayong Setyembre 2012, halos kalahating taon na ang implementasyon ng bagong programa sa edukasyon sa Pilipinas na binansagang K-12.Siguradong gusto nang malaman ng mga guro, administrador at magulang kung ano na ang nangyayari sa mga layunin ng programa batay sa mga repormang nangyari sa mga eskuwelahan, sa paggawa ng mga materyal panturo, at maging sa pagtuturo ng Filipino. Mangyari’y isa sa mga pangunahing isyu sa K-12 ang pagpapahalaga sa inang wika, o unang wika ng mag-aaral, at ang kaugnayan nito sa Filipino, ang pambansang wika.

Tatalakayin ng mga eksperto at praktisyoner sa edukasyon ang mga usapin kaugnay ng K-12 sa “Pambansang Kumperensiya sa Wika” na gaganapin sa Leong Hall, Ateneo de Manila University sa 20-22 Setyembre 2012 sa pagtataguyod ng Filipinas Institute of Translation.

Sa unang araw ng kumperensiya, tatalakayin ang papel ng wikang Filipino sa bagong programang pang-edukasyon. Magsasalita ang mga respetadong edukador, administrador at mga tagatangkilik ng isyu hinggil sa kabuluhan ng Filipino sa programang K-12, reporma sa Filipino bilang asignatura, at mga hamon sa larang ng paggawa ng mga bagong materyal pang-edukasyon. Makakatulong ng malaki ang mga panimulang pagtatasa sa pagpapabuti sa bagong programa.

Pagtutuunan din sa kumperensiyang “Sawikaan”ang pagtukoy ng bagong “salita ng taon.” Lalahok ang mga batang akademiko, lingguwista, at mananaliksik sa pagtataguyod ng mga salitang “level-up,”  “wang-wang,” “trending,” “SALN,” “impeachment,” “pagpag,” “fish kill,” “palusot,” “pick-up line,” “wagas,” “android,” “wi-fi,”at iba pang popular na salita para maitanghal na “salita ng taon.” Ang mga tagapanood at mga kasapi ng inampalan ang pipili kung alin ang karapat-dapat magwagi batay sa husay ng saliksik, patunay at pangangatwiran, at sa ganda ng pagkakasulat at presentasyon ng papel.

Itinataguyod ang kumperensiya ng Filipinas Institute of Translation, Inc. (FIT) sa pakikipagtulungan sa Wika ng Agham at Kultura (WIKA),  National Commission for Culture and the Arts (NCCA), Ateneo de Manila University (AdMU), Commission on Higher Education (CHED), at ng Department of Education (DepEd).

Para sa kompletong detalye, mag-email sa fitsawikaan2012@gmail.com o tumawag sa 547-1860 o  sa 09237395248.

Sa ngalan ng Ama

Magsisimula ang salinlahi, at ikaw ang tagapaghatid ng binhing mula sa kaitaasan. Sasambahin ng daigdig ang salita mo, ang salitang ang totoo’y inusal ko’t inagaw mula sa bibig mo, ngunit mabibigong maunawaan ang pahiwatig at kaisipang magpaparami ng mga tao. Lalago ang iyong kayamanan, gaya ng itinanim na punongkahoy at aklat, at inaasahan mong likás lamang sa amin ang magnasa sa materyal nang higit sa kailangan. Galante kang magpupundar ng mga bahay sa dumaraming demonyito’t anghel. Ikaw ang sentro, na may puwersang sentripetal na magpapainog sa mga planeta, gayunman ay ipapaubaya sa kabiyak ang liwanag sa loob ng tahanan. Kahit hindi naisin, sisibol sa iyong hapag ang sutil na bunso na susuway sa utos o payo. Magdadabog siya’t aangil kapag hindi nasunod ang layaw, ngunit dahil taglay mo ang pasensiya ng tigulang ay gagamitin ang sinturon upang ipaunawa ang bisa ng latay at hagupit. Pailalim na tititig sa iyo ang anak, at isasadula niya ang musmos na tigreng gumagagad sa madudugong pangangaso. Maisasaloob niya ang gutom at ang tadhana ng pagtindig sa sariling mga paa, hanggang ang kagubatan o lungsod ay maipatong niya sa rabaw ng kaniyang palad o kamao. Matutuklasan niya ang dungis sa mukha kapag pinahid ng bisig ang pisngi; at ang dungis na ito na matagal nang isinusumbat sa ninuno ay hindi pala kasalanan bagkus isang anyo ng pagpupugay. Matututuhan niyang patawarin ang daigdig, at pagtawanan ang sarili, na para bang pagtanggap sa walang katuparang pag-asa. Titingalain niya ako bilang kapatid, at mananakop kami ng ibang lupain at tubigan kahit sa guniguni, at magiging ama rin balang araw, handang ipagmalaki ang ngalan mo ngayon at magpakailanman.

“Sa ngalan ng Ama,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo © 2012.

 

Pabungkál-bantáng

Humaharap ang bangka sa iyo upang tanggapin ang wakas, na ang habagat o lindol ay maghahatid ng sakuna samantalang sinisikap mag-uwi ng mga isda sa dalampasigan ang pangkat magdaragat. Ano ang silbi ng layag o timon, kung ang umaasam sa iyong kaligtasan ay kabiyak na hinaharang ng pader ng ulan? Naiwan sa laot ang tinig ng lumba-lumba’t balilan, at marahil dahil sa gutom ay naisip mong awit iyon ng sirenang tumataghoy. Lumingon ka at tiyak malulunod. Tumingala ka at nilamon ng ulap o ulop ang paraluman. Pumikit ka at magdasal. Pumikit ka at kung sakali’t maluha ay malalasahan ang alat na katumbas ng di-maliparang uwak na gamba sa kawalan.

(“Pabungkál-batáng,” tulang tuluyan © ni Roberto T. Añonuevo. 2012.)