Ang Sining ng Anlowagi

Unti-unting nabubura sa gunita ang salitang “anlowagi,” bagaman nananatili sa malalayong lalawigan, at ang humalili ay ang popular ngunit hiram na salita sa Espanyol. Kabilang ang “anlowagi” sa mga sinaunang Tagalog na itinutumbas sa salitang “karpintero,” ayon sa Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar. Ang salita ay binaybay noon sa paraan ng pagbaybay ng Espanyol, “anlouagui” na maaaring maghunos na pandiwa kapag nilapian ng unlaping \mag-\, samantalang tumutukoy din sa bagay na ginagawa, halimbawa sa salitang “pinag-aanlowagihan.” Ipinapahiwatig naman ang lugar ng gawaan kapag nilapian ng hulaping \-han\, ang anlowagi, gaya ng sa “anlowagihan.”

Ang “anlowagi,” na sa kasalukuyang panahon ay binabaybay na “anlowage,” “anluwage,” “anloagi,” “alwagi,”  at iba pa, ay kumitid ang pakahalugan kung babalikan ang mga kasalukuyang diksiyonaryo at tesawro, at ikinakabit na lamang sa mga gumagawa ng muwebles na yari sa kawayan, yantok, at nipa, gaya ng papag, dulang, duyan, at kubol. Ang kapalaran ng anlowagi ay parang naging kapalaran ng “panday,” na noong sinaunang panahon ay hindi lamang sumasakop sa paggawa ng metalikong bagay bagkus kahit sa paggawa ng bahay, muwebles, at iba pang kasangkapan sa karpinterya at agrikultura.

Makapangyarihan ang hulagway ng anlowagi sapagkat ikinakabit sa kaniya ang naging kapalaran ni Hesus sa Bagong Tipan, na naging Kristo pagkaraan, at isinakripisyo ang sarili para sa kaligtasan ng sambayanan.

Maituturing na sining ang pag-aanlowagi, at gaya sa paggawa ng tula, ay nangangailangan ng sapat na plano ng arkitekto at siyentipikong gabay ng inhinyero, bukod sa tumpak na pagsasakatuparan ng karpintero at peon. Kung paniniwalaan ang batikang eskultor na gaya ni Jerusalino “Jerry” Araos, dapat alamin kahit ang uri at tanda ng kahoy, saka sundin ang mga linya ng himaymay sa pagtabas, pag-ukit at pagbuli, upang ang likás na kariktan ng kahoy ay lumitaw at maikubli ang panghihimasok ng tao sa kalikasan. Upang maisagawa ang masining na pag-aanlowagi, kinakailangan ang mga kasangkapan at pagsasanay sa panig ng anlowagi.

Sa paggawa ng tula, ang plano ay panloob na disenyo na binubuo sa isip at isinasalin sa papel ng makata. Nakasalalay sa plano ang magiging daloy, lohika, at wakas ng tula. Upang maging kapani-paniwala ang tagpuan at persona, ang plano ay dapat naglalatag ng mga hulagway at pahiwatig na sa unang malas ay payak, ngunit kapag pinagtambal-tambal at pinagbulayan nang matagal ay nagbubunyag ng kagila-gilalas na kabatiran. Ang pag-urirat ng plano ay higit na kailangan ng makata imbes ng mambabasa, dahil ang mambabasa ay malimit na natatangay ng damdamin imbes na lohika sa pagbasa. Ihalimbawa natin ang piyesang “Anluwage” ni Alvin Capili Ursua, na nagwagi ng titulong “Makata ng Taon” sa Talaang Ginto ngayong 2012.

Ang obra ni Ursua ay binubuo ng tatlong saknong, na ang maiikling una at ikatlong  saknong ay iniipit ang ikalawang mahabang saknong. Walang sukat at tugma, ang tula ay nagtatangka wari sa eksperimento ng tuluyan, na ang tagapagsalaysay ay nakauunawa sa katauhan ng anlowagi. Ang tagapagsalaysay, na may omnisyenteng pag-iral, ang susi sa pag-unawa ng tula. Kung sisipatin mula sa labas ng tula, ang tagapagsalaysay ay puwedeng basahin na tagapagbunyag sa katauhan ng pambihirang anlowagi (tingnan, taludtod 101-102), alinsunod sa kumbensiyonal at di-kumbensiyonal niyang pagkakakilala, at ang anlowagi ay nakasalalay ang kapalaran sa punto de bista ng tagapagsalaysay. Kung sisipatin mula sa loob, ang anlowagi—na ipinakilala ng tagapagsalaysay—ay umaangkas sa realidad na maaaring timbangin ang sining batay sa mga kinatalogong salita, hulagway, at pangyayaring buhat pa rin sa pananaw ng malikhaing tagapagsalaysay na nakikisimpatya sa kapalaran ng anlowagi. Sa loob ng tula, ang husay ng tagapagsalaysay ay puwedeng suriin alinsunod sa ginawa niyang rendisyon sa buhay ng anlowagi. Ngunit sa labas ng tula, ang anlowagi ay maaaring kabitan ng mga pahiwatig at interpretasyon, kahit yaon ay malayo sa hinagap ng tagapagsalaysay.

Kung ang inilarawang anlowagi ay hindi karaniwang anlowagi, ayon sa tagapagsalaysay, ano ang mga katangian niya para masabing higit siya sa karaniwan? Maaaring balikan ang tula na binubuo ng 125 taludtod, at pigain sa mga sumusunod:

1. Umuwing pagod ang dukhang anlowagi mula sa pagawaan.
2. Mapagtiiis ang anlowagi pagsapit sa bahay kahit mahirap.
3. Ang katatagan ng anlowagi ay kawangis ng munting bahay na matibay anuman ang simoy ng panahon.
4. Ang anlowagi ay mapagmahal sa kaniyang pamilya.
5. Ang anlowagi ay inuuna ang tungkulin sa bayan kaysa pamilya kapag may sakuna.
6. Hindi mapagsamantala ni mapanira ang anlowagi.
7. Ang anlowagi ay pagpapatuloy sa henerasyon ng pagiging anlowagi ng kaniyang ama.
8. Mahina na ang pisikal na katawan, bukod sa nasisiraan ng loob, ang anlowagi.

Hindi payak ang paglalarawan sa anlowagi, dahil ang tagapagsalaysay ay nagpapasok ng kaniyang saloobin hinggil sa naturang tao. Mapapansin ito sa mga sumusunod na taludtod:

1. Ang anlowagi ay lunan ng tunggalian at himagsikan sa pagsapit ng modernisasyon (taludtod 17-18).
2. Ang tagapagsalaysay, na may kolektibong tinig, ay posibleng kaanak ng anlowagi ngunit muslak wari sa paghihirap nito (taludtod 21-31).
3. Ipinaaalam wari ng tagapagsalaysay na may tungkulin ang anlowagi sa lipunan, at maipapalagay na pagpapasan ng krus gaya ng ibang dukha (taludtod 40-42).
4. Iniisip ng tagapagsalaysay na maaaring nagbubulay din ang anlowagi sa rebolusyon na nagaganap sa kabila ng kabundukang tanaw nito (taludtod 59-61).
5. May namumuong poot sa loob ng anlowagi ngunit hindi malinaw kung bakit at ano ang ugat nito (taludtod 66-69).
6. Ang anlowagi ay inihambing sa makata na puspos ng damdamin at masatsat (taludtod 70-74).
7. Layon ng anlowagi na komponihin ang lahat ng sirang bagay, ngunit ang kaniyang sakiting katawan ay nabigong paginhawahin ng lipunan (taludtod 105-110).
8. Nananawagan ang tagapagsalaysay sa anlowagi na huwag mawalan ng pag-asa, manalig na ang daloy ng kasaysayan ay panig sa mga dukha, at maisiwalat sa darating na panahon ang mga lihim ng pagpupunyagi ng anlowagi (taludtod 113-125).

Kung sisipatin mula sa labas, ang tula ay nagsisikap na ipakita ang de-kahong paglalarawan ng pakikibaka ng isang tradisyonal na anlowagi na inabutan ng modernisasyon sa lipunan. Salát ang anlowagi sa bukál ng yaman na makaiimpluwensiya sa produksiyon ng mga bagay sa lipunan, at ang anlowagi ay nananatiling munting piyesa sa dambuhalang mekanismong nagpapaandar ng matalinghagang makina. Ngunit kung sisipatin sa loob, ang tula ay malaki ang pagkukulang upang maitanghal ang katangian at kasaysayan ng anlowagi na dumanas ng deshumanisasyon at humaharap ngayon sa napipintong rebolusyon sa kahirapan. Higit na mapapansin ang panghihimasok ng tagapagsalaysay— na puwedeng ipagpalagay na matalik sa anlowagi—sa agos ng salaysay o paglalarawan at pilít ang paglalahok ng mga diwaing magbibigay ng katwiran sa pag-aaklas.

Nakapanghihinayang na ang obra ni Ursua ay masatsat at waring hindi gawa ng anlowagi bagkus ng bagitong peon. Ang madulaing tagpo na binuksan sa unang taludtod, na ipinahihiwatig ng langay-langayan, at inulit sa pangwakas na taludtod, ay lumalaylay. Ito ay dahil ang umuwing anlowagi ay nakulong sa deskripsiyon sa loob ng bahay, at upang makawala sa naturang tagpo ay kinakailangang manghimasok at magbigay ng saloobin ang tagapagsalaysay. Ngunit ang gayong taktika ang sumiki rin sa tagapagsalaysay, na nagbulalas ng kabatirang katulad ng sa kabataang aktibista na nakipamuhay sa pamayanan (tingnan, taludtod 40-51).

Mapahuhusay pa ang akda ni Ursua kung susubuking tabasin ang mga taludtod, pungusin ang walang saysay na kabulaklakan, at linangin ang tagapagsalita sa tula. Maimumungkahing gumawa ng krokis si Ursua, at mula roon ay mailalatag niya ang disenyo ng kaniyang tula: mulang pagkamulat sa abang kalagayan hanggang pag-aaklas na indibidwal o kolektibo hanggang pagbubuo ng bagong tahanan na ang mga kasapi ay lumalasap ng pantay-pantay na karapatan.

Mahalaga ang pangmaramihang tinig na tagapagsalaysay—na dapat isaalang-alang muli ng makata—dahil ito ang magbubunyag sa katauhan, kamalayan, desisyon, at pagkilos ng anlowagi. Bago sumapit sa yugto ng pag-asa, ang anlowagi ay dapat makita sa kaniyang sarili at kaligiran ang mga pahiwatig na magbibigay sa kaniya ng lakas ng loob upang maniwala sa kinabukasan. Hindi makapagbibigay ng pag-asa ang sakiting katawan; maliban na lamang kung ang iba pang anlowagi o kaanak o kaibigan ng anlowagi ay mabubuksan ang kamalayan sa abang kalagayan ng buhay-anlowagi na magtutulak sa kanila upang mag-aklas. Kung magagawa iyon ni Ursua sa kaniyang tula, maitatampok ang kaniyang anlowagi nang tapat at hindi romantisado, at maipamamalas sa masining na paraan, nang walang pangamba anuman ang ideolohiya o politikang kinaaaniban.

24 Tugon

  1. saan po ba mahahanap ang kopya ng mga nagwagi sa Talaang Ginto ngayong taon?

    • Maaari kang humingi ng kopya sa Komisyon sa Wikang Filipino. Hanapin lamang si G. Jess Ferrer.

      • Maraming salamat po.

      • Walang anuman, Reynel.

  2. Ano po ba ang maimumungkahi n’yo sa isang baguhang makata para maiwasang maging sampay-bakod?

    • Pag-aralang maigi ang sining ng pagtula, at pagkaraan, huwag matakot magkamali sa pagsagap ng daigdig.

      • Malaking tulong po sa akin ang mungkahi ninyo. Matanong ko lang po, mas makabubuti po bang maging pihikan ang isang makata sa mga isusulat niya para lalong maiwasan ang pagkakamali ng mga nauna?

      • Maaaring tulaan ng makata ang alinmang bagay; ngunit kung paano niya ito gagawin ay doon papasok ang pagkapihikan— kung ang pagkapihikan ay ikakabit sa sensibilidad at kasinupan ng pagsusulat.

  3. Ganoon nga po ang tinutukoy ko. Ano naman pong estetika o teorya ang sa tingin n’yo po’y makakatulong para lalo pang mapayabong ang Panulaang Filipino, bukod sa makakatulong pa po ito ng malaki sa paglinang ng Panulaang Bikol at iba pang taal na Panulaan?

    • Magkaiba ang estetika at ang teorya, at anuman ang gamitin mo ay dapat gamitin nang maláy at hindi ala-tsamba. Lahat ng teorya ay makatutulong sa panulaang Filipino sa kabuuan, at sa panulaang Bikol sa partikular. Samantala, ang estetika ay matutuklas sa pagsuyod sa lahat ng tulang nalathala, at nanatili sa gunita sa panig ng tradisyong pabigkas. Pana-panahon ay may naitatakdang kumbensiyon, at mula sa kumbensiyon ay makasusubok ang sinumang manunulat na lumihis dito upang tumuklas ng maaari niyang landas.

  4. Pagpaumanhinan po ang tinataglay kong prehuwisyo at salamat po dahil nabigyan n’yo ng puna ang aking kamalian. Matanong ko lang po ulit, may kopya pa po ba ng librong Balagtasismo versus Modernismo ang nabibili ngayon sa mga bookstore?

    • Hindi ko alam kung mayroon pa sa National Bookstore, ngunit makapagtatanong ka sa Ateneo de Manila University Press. Tiyak na may natitira pang kopya ang AdMU Press.

  5. Maraming salamat po.

  6. Ano po ba ang pagkakaiba ng kolektibong tinig sa sari-saring tinig?

    • Tumutukoy ang kolektibong tinig sa kabuuan ng mga tinig, samantalang ang sari-saring tinig ay magkakabukod at maaaring nagsasalungatan kung hindi man nagsasanib o nagsusuhayan.

      Sa isang tula, ang kolektibong tinig ay mapapansin sa persona o tauhan, halimbawa, kung paano nagsasalita ito na parang kabuuan ng mga manggagawa sa daigdig, o kalipunan ng mga babae sa isang pamayanan.

      Ang sari-saring tinig ay maaaring mabatid, halimbawa, kung ang persona ay nagpapamalas ng iba’t ibang tinig ng manggagawa, mulang eskirol hanggang kawani hanggang tagapangasiwa, na pawang nagpapamalas ng katangian, at kung gayon ay maaaring magsalungatan at hindi magmula sa iisang hanay lamang.

    • Tumutukoy ang kolektibong tinig sa kabuuan ng mga tinig, samantalang ang sari-saring tinig ay magkakabukod at maaaring nagsasalungatan kung hindi man nagsasanib o nagsusuhayan.

      Sa isang tula, ang kolektibong tinig ay mapapansin sa persona o tauhan, halimbawa, kung paano nagsasalita ito na parang kabuuan ng mga manggagawa sa daigdig, o kalipunan ng mga babae sa isang pamayanan.

      Ang sari-saring tinig ay maaaring mabatid, halimbawa, kung ang persona ay nagpapamalas ng iba’t ibang tinig ng manggagawa, mulang eskirol hanggang kawani hanggang tagapangasiwa, na pawang nagpapamalas ng katangian, at kung gayon ay maaaring magsalungatan at hindi magmula sa iisang hanay lamang.

  7. Muli, maraming salamat po sa inyong pagtugon.

  8. Ano po Sir ang haluang panauhan sa tula gayundin po ang pangmaramihang tinig, at kung may likas na kaibhan ba ito o pagkakapareho sa kolektibong tinig?

    • Ang tula ay maaaring magkaroon ng isang persona, ngunit ang personang ito ay maaaring may kaugnay na iba pang persona, gaya ng ginawa ni Rio Alma sa kaniyang mala-epikong “Huling Hudhud.” Sa tula ni Rio Alma, may tatlong persona: si Rizal, si Aliguyon, at ang kabataang maipapalagay na alagad ng sining.

      Ang maramihang tinig ay tumutukoy sa persona na maaaring nagmula sa isang hanay o pangkat na hindi lamang isa ang nagsasalita bagkus marami. Samantalang ang kolektibong tinig ay maaaring magmula sa mahigit isang persona at sanligan [background] na pawang nagsasalita hinggil sa isang bagay o paksa.

  9. Daghang salamat po.

    • Walang anuman, Dodong.

  10. Ano naman po ang kahulugan ng estetika? Medyo naguguluhan pa rin po ako sa ibang artikulong nababasa ko.

    • May kaugnayan ang estetika sa “kariktan,” gaya sa pakahulugan ni Iñigo Ed. Regalado, at nagtatanghal ng panlasa at sensibilidad sa loob ng tula. Mababatid ang estetika kapag inihanay na ang mga tula, at pinag-aralan ang namamayaning kumbensiyong nabuo sa panig nila. Minsan, ang estetika ay ipinapanukala sa isang takdang panahon, upang kumatawan sa nangingibabaw na kalakaran at kaisipan.

  11. Daghang salamat po ulit.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: