Advertisements

Abogasya at panitikan

Binabati ng Alimbukad ang dalawang tao na nakapasa sa pambansang pagsusulit sa larangan ng batas at abogasya ngayong taon, at sila ay walang iba kundi sina  Mary Grace C. Panganiban-Mendoza at Jose Y. Dalisay III. Nawa’y lumawig ang kanilang karera sa pagiging abogado o hukom sa darating na panahon, at makatulong sa taumbayan sa paghahatid ng katarungan at kaayusan sa lipunan. Inaasahan ko ring makakatuwang sila ng mga manunulat sa pagtatanggol sa mga karapatang-isip at akdang pampanitikan.

Hinuhulaan kong babaha ng alak diyan sa Bulakan, aahon sa mga palaisdaan ang mga plapla, sugpo, at talaba, at magpapapista ang aking kaibigan at makatang oragon na si Gil Mendoza.

Advertisements

Destiyero at Digmaan, ni Hassan Najmi

salin ng mga tula ni Hassan Najmi mula sa Morocco.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang Destiyero

para kay Abbas

Mga palad nila’y pawang ataul
At ang mga ulo’y salakot ng malalayong ulap.
At sa kanilang likod ay naroon ang panahon
Na walang mga paso ng bulaklak
O mga sandata
na pawang naiwan nila kung saan.
At ang pag-alis ay siya ring pagbabalik
Bagaman hindi na sila magbabalik pa.

Ang Digmaan

Hinanap ko ang ligtas na pook
para sa halimuyak ng aking ina
At itinago ang rosas sa aking dugo.

Tahimik na sumapit
ang aking ina sa aking panaginip.
Hinagkan niya ang aking noo
at nag-iwan ng asin sa ilalim ng unan.

Sumagitsit sa langit ang elektrisidad.
At ang lupain ay sumisibol
sa dugo ng isang martir.

Nasilayan ko ang mukha ni ina.
Nakita ko iyon sa tren na dumaan
kanina na sakay ang mga bangkay.

Maliit na Babae

Sa maunos na gabi’y umiyak siyang nakatayo.
Gaya ng walang patid na ulan siya’y lumuha.
Ipinako ko ang mga mata doon sa aklat.
Hindi ko pinahid ang kaniyang mga luha.
Bago ako humiga para matulog,
lumitaw siya sa dulong kabanata ng nobela.
Upang hindi na siya umiyak pa,
ipininid ko ang aklat, at tinakpan ng unan ang ulo.

2K Mall

Salamangka ng dila, pasukin ang laberinto ng pahiwatig na ang kanan ay kaliwa, at ang kaliwa ay mananatiling kaliwa. Ilabas ang mga salita mula sa bulsa, pagtagni-tagniin, ilatag sa sahig, at hayaang ang tanikala ng mga pakahulugan ay kusang magpundar ng mga batas at pamantayan. Masdan ang bahaghari ng mga damit, ulam, at laruan. Maglaro sa katauhan at ikubli ang hulagway sa kurtina ng mga anino. Lumakad upang tumuklas; lumakad upang maligaw. Tagpuan ng inaapi, ito rin ang tambayan ng tarantado’t sungyaw. Anuman ang piliin, lumakad kahit nakapikit at lumayo sa ekosistema ng panaginip. Banatin ang mga buto at litid habang umaandar ang elektronikong salawal, umulinig sa mga tinig na nasa eskaparate at tindahan, tumugon sa mga tanong, umiling o tumango ayon sa itinitibok ng layaw o libog, humandang matalisod at madapa, at kung sakali’t mapangudngod ay ingatan ang dila. Sapagkat ang dila ang magliligtas sa iyo, at magsasabi: Ako ang Simula at Ako ang Wakas! Ikaw na nagtataglay ng katotohanan ay malayang maghain ng kasinungalingan, gaya ng itinatadhana ng demokrasya at posmodernong sining, upang kahit paano, kahit sandali, ay maunawaan ko mula sa magagarang pasilyo at pader, ang diskurso ng tuwid, dalisay, at apoy.

“2K Mall,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo, 13 Pebrero 2012.

Mulang Tagasalin tungong Makata

Mulang Tagasalin tungong Makata

Para kay Pablo Neruda, 1904–1973

Tanging mga salita ang naiwan ngayon. Humimlay
. . . . . . . . . . .  . . ang mga ito gaya ng mga libingan,
o batong Andes na wakas ng lungtiang palumpong.
Wala akong lakas ng loob na bakbakin
ang mahabang listahan ng iyong tuwa, na isinasalit
ang bakal nito at pelus, ang lahat ng halamanan
at kalansay ng butanding ng iyong piniling baybayin.
Labis ang naisulat na pag-asa, na ang bawat taludtod
ay hinihigit ang buhay sa pagsasaad na, bawat tipan
ay nagwawakas sa pag-asam ng kasunod na tagpo.
Ang marahan, malalim mong tinig ang mahalaga,
itinatampok ang buháy na Chile sa pag-iral,
na ang tula ay tinapay, ang mga aklat ay piging.
Tahimik sila ngayon, at walang tinag sa estante.
Hindi ko maarok ang kumukulog nilang katahimikan,
ang dalamhati ng nangamamatay sa Chile at taglay mo,
ang kamatayan na siyang isang tiyak na pagsasalin.

salin ng “Translator to Poet,” ni Alastair Reid.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.