Ang Musika, ni Chard deNiord

salin ng tulang tuluyan sa Ingles ni Chard deNiord.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang Musika

Kung mga nota sa ilog ang isda, hindi kailanman magkakapareho ang awit, kahit manatili ang tubigan. Mali si Heraklitus. Ang agos ang galaw ang lahat. Hipuin ang mananayaw habang umiikot at mananatili siyang mananayaw. Kaya ba may awit na hindi napatutugtog dahil ang isda ay malimit lumalangoy sa paraang itinatakwil ang notasyon? Kung hihinto ang mga nota ngayon sa kinalalagyan nito, makabubuo ba iyon ng awit? Patuloy bang lumalangoy, samakatwid, ang mga ito tungo sa himig? Kung gayon, masasabing ang anumang awit ay maagap na nakababatid ng kawan ng mga isda sa iba’t ibang lalim, ang kagyat at likas na pagtutumbas para sa komposisyon, ang awit-plapla, ang awit-apahap, ang awit-lapulapu. Ngunit isip ang kasalungat ng ilog, ani Ginoong Tsu. Hindi iyon awit sa ilalim ng rabaw na ipinapahiwatig ng isda, dahil ang mga awit na iyon ay hindi umiral kailanman, ngunit nakapirming matitining na nota sa rabaw na nakadikit sa dahon, sa baras. Ang musikang dinig natin ay pinatutugtog ng mga musikong alam ang kaibhan ng diwain at ng notang talaan. Kaya mali si Kepler hinggil sa mga espera, at si Scriabin hinggil sa espektro, at si David hinggil sa mga buról. Tanging ang isip ang nakapagbubulay nito. Tanging ang isip ang makawawasak ng pananahimik nito sa pamamagitan ng simponiya.

"Si Hylas at ang mga Nimpa," ni John William Waterhouse, 1896.

"Si Hylas at ang mga Nimpa," ni John William Waterhouse, 1896.

Advertisements

Zero at Liham ni Tomas Tranströmer

salin ng dalawang tulang tuluyan ni Tomas Tranströmer.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Lampas Zero

Tayo’y nasa pista na tinanggihan tayo. Sa wakas, hinubad ng pista ang balatkayo nito at inilantad ang totoo: isang himpilan ng tren, dambuhalang malamig na estatwa na nakaupo sa ulop. May tsok na kahig-manok sa mga pinto ng bagon.

Hindi dapat sabihin, ngunit labis ang dahas na sinikil dito. Kaya ang mga tampok ay mabibigat. Kaya napakahirap makita ang ibang bagay na pawang umiiral din: ang bumabandang sinag ng araw na tumatagos sa dingding ng bahay at naglalandas sa mga di-malay na gubat ng kumukutitap na mukha. Isang teksto sa Bibliya na nakaligtaang isulat: “Lumapit sa akin, dahil hitik ako ng mga kontradiksiyon, gaya mo.”

Magtatrabaho ako bukas sa ibang lungsod. Sasalibad ako sa madaling-araw na bughaw—itim na silindro. Sasaklaw ang Apulón sa nagyeyelong lupain. Nakatayo ang mga bata sa piling ng tahimik na madla, naghihintay ng pampaaralang bus. Ang mga bata na ni hindi man lamang naipagdarasal. Marahang humahaba ang liwanag, gaya ng ating buhok.

Sagot sa Liham

Sa ibabang bahagi ng kahon, natagpuan ko ang liham na dumating sa unang pagkakataon may dalawampu’t anim na taon na ang nakalilipas. Ang liham na isinulat nang may pagkaligalig, at patuloy na pumipintig nang sumapit ito sa ikalawang pagkakataon.

May limang bintana ang bahay; apat sa mga ito ang pinaglalagusan ng sinag nang maningning at pirmi. Ang ikalimang bintana’y nakaharap sa makulimlim na langit at kulog at kidlat. Nakatayo ako sa harap ng ikalimang bintana. Ang liham.

Minsan, may malalim na guwang na humahati sa Martes at Miyerkoles, ngunit ang dalawampu’t anim na taon ay maaaring kisapmatang lumipas. Hindi tuwid na linya ang panahon, bagkus laberinto. At kung hihilig ka sa pader, sa tumpak na puwesto, mauulinig mo ang nagmamadaling yabag at tinig. Maririnig mo ang sariling lumalampas sa kabilang panig.

Nasagot ba ang naturang liham? Hindi ko na matandaan, dahil napakatagal na iyon. Patuloy na umaagos ang di-mabilang na hanggahan ng mga alon. Patuloy na pumipintig kada segundo ang puso, gaya ng palaka sa tigmak na damuhan sa isang gabi ng Agosto.

Nangagtipon ang mga di-nasasagot na liham, tulad ng kulot-kulot na ulap na nagbabadya ng unos. Pinakukulimlim nito ang sinag ng araw. Isang araw ay tutugon ako. Isang araw kapag patay na ako, at malayang ilatag ang mga naiisip. O kaya’y napakalayo rito, at handa na muling tuklasin ang sarili. Nang sumapit ako kamakailan ay naglakad ako sa malawak na lungsod. Doon sa Ika-25 Kalye, sa mahanging kalye ng nagsasayawang basura. Ako na naibigang maglakad at makihalubilo sa madla. Ang titik T sa walang hanggang lawas ng teksto.

"Babaeng oriental," ni Luis Ricardo Falero.

"Babaeng oriental," (1896?) ni Luis Ricardo Falero. Oleo sa kambas.

Misericordia

Aklatan ito ng mga pakikipagsapalaran, at ikaw bilang panauhin, ay malayang maglakbay nang may buntot, bagwis, at sungay. Ipagpalagay na isa itong eskinita, at sa tula ni Teo Antonio ay maghuhunos kang estudyante na kung hindi nagmamarakulyo sa mundo ay umiibig sa kalapati na dumarapo sa sahig ng hatinggabi. Lumakad ka, at madaraanan ang huntahan ng mga eskolar ng bayan; makiusyoso, at ang matutunghayan ay dalawang tambay na nagsusunog ng kilay sa ahedres. Maaaring malikmata lamang ito, wiwikain mo. Habang lumalaon, mabubulag ka ng mga ilaw ng sasakyan. Sisingit sa iyong gunita ang diyabolikong lungsod ni Mike Bigornia para tugunin mo ng isang malanding sipol kung hindi man malulutong na pakyu. Matutulig ka sa musika at bulyawan ng mag-anak na nagdiriwang sa kanilang gutom at hinanakit. Aakitin ka ng mga bilbord para managinip na isa kang modelo ng alahas o pabango. Ipasasakay mo sa simoy ang katwiran ng kalinisan. Humipo ka sa kanan ay malalaglag ang mga pahina o larawan. Humilig ka sa kaliwa ay matitigmak sa sipon o luha ang balikat. Maaakit ka sa yakap ng karimlan. Magugutom ka sa mga umagang kumakalam ang ulirat. Tatangkain mong umimbulog, subalit ang kakatwa’y para kang saranggola na nasalalak sa antena at kawad. Hihingi ka ng tulong. At maya-maya’y magdaratingan ang mga lasing na maton. Saka mo maririnig ang isa sa kanilang lumpeng intelektuwal na tangan ang tirador at bubulong-bulong. Mapapapikit ka, at nanaising matunaw na allid sa sinag ng liwayway.

“Misericordia,” tulang tuluyan © ni Roberto T. Añonuevo. 14 Oktubre 2011.
"Ang Natutulog na Hitana" (La Bohemienne endormie), oleo sa kambas ni Henri Rousseau, 1897.

"Ang Natutulog na Hitana" (La Bohemienne endormie), oleo sa kambas ni Henri Rousseau, 1897

Sa Gabi, ni Franz Kafka

salin ng tulang tuluyan ni Franz Kafka.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

. . . . . . Ganap na naglaho sa magdamag.
. . . . . . Tulad ng tao na napatungo para magbulay, kaya ganap na nawala sa gabi.
. . . . . . Tulog na ang mga tao sa paligid.
. . . . . . O nagtutulog-tulugan lamang sila, muslak na nililinlang ang sarili, na kunwa’y nahihimbing sa mga bahay, sa mga ligtas na higaan, sa lilim ng matibay na bubong, nakahilata o nakahalukipkip, nakabalot sa mga kobrekama, sa mga kumot; ang totoo’y nangagtipon sila gaya noong una pa man at naganap muli sa napakalayong rehiyon, ang kampong lantád, di-mabilang na tao, isang hukbo, ang sambayan, sa balabal ng malamig na langit sa malamig na lupain, nagsitumbahan sa kinatitirikan, nakasapo ang noo sa mga braso, nakatitig sa sahig, marahang humihinga.
. . . . . . At nagmamasid kang isa sa mga taliba, at matutuklasang ang kasunod ay tangan ang nagliliyab na pamatpat mula sa talaksan ng mga kahoy na katabi mo.
. . . . . . Bakit ka nakatanaw?
. . . . . . Kailangang may magmasid, sabi nito.
. . . . . . Kailangang may tao na naririyan.

Nimpang nahihimbing (1645), pintura sa oleo ni Jan Gerritsz van Bronckhorst.

Nimpang nahihimbing (1645), pintura sa oleo ni Jan Gerritsz van Bronckhorst.

Tahanan ng mga Bituin, ni Toshio Nakae

salin ng tulang tuluyan ni Toshio Nakae.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Tahanan ng mga Bituin

Naitatag sa kung saang sulok ng himpapawid ang bahay nang walang tulong ng sinumang klasikong disenyador o abanggardistang arkitekto.

Naitindig ang bahay nang walang tunog ng palo ng martilyo ni garalgal ng makinang tagapaghalo ng kongkreto.

Ni walang bakod ni pader o lupain, ang mga bagay at gastusin ay maringal na nilulustay sa malayo.

Tigang, di-maliparang uwak na hardin ng gabi. Munti, hungkag, walang lupaing baláy. Wala kundi ang mala-kristal na bunga ng mga buntong-hininga, ipinagbabawal, walang bubong, walang haligi, walang bakal na balangkas. Malamig, malamig na walang saysay.

Mga kristal na hugis-bahay ng di-mabilang na katal ng buntong-hininga. Ibinukod sa iba at walang landas, bumubuo ng lungsod ang mga ito.

Hindi mamuhay sa gayong bahay sa naturang lungsod, huwag mamahinga sa gayong bahay, bagkus magngalit sa gayong tirahan, mapoot lamang, ang buhay ay kailangan sa Hiroshima at Nagasaki. Kailangan ang buhay sa Auschwitz at Stalingrad.

Ngunit iyon ang lungsod na walang panauhin. Ang bahay na iyon. Ang bahay na tanging ang mga bituin ang umiiral, ang tahanan ng mga buntong-hininga ng mga tao.

Tila singaw iyong maglalaho sa ngitngit. Ang tahanang maringal na umaantig ng ilusyon, gaya ng ginagawa ng mapusyaw, mapusyaw na panaginip sa sukdol ng nauupos na pag-asa.

"Elehiya" (1899) oleo sa kambas ni William Adolphe Bouguereau.

"Elehiya" (1899) oleo sa kambas ni William Adolphe Bouguereau.