ABAKADA at Sining

Lumalawak ang pagtanaw sa sining, kahit malimit nagiging esklusibo ito sa malalamig na silid. Gaya ng matutunghayan ngayon, ang mga obra maestra ay lumalapit sa publiko imbes na kabaligtaran ang maganap. Humahabol ang sining sa mga tao, na parang ang sining ay bukod na diskursong abanse sa diskursong dating batid ng publiko. Ang naturang sining, itanghal man sa orihinal o reproduksiyon, at gamitan ng samot-saring midyum at pamamaraan, ay naitatakda ang pamantayan ng estetikang kaugnay ng pambihirang kaisipan at sensibilidad sa isang tiyak na panahon—na pagkaraan ay magiging kumbensiyon ng pagkaunawa sa “totoo, mabuti, maganda.”

Kapag sumapit at lumaganap ang kumbensiyon ng paglikha, ang mga alagad ng sining ay maaaring mabagabag kung hindi man mayamot, hanggang madama nila ang paghihimagsik, sa walang kalatoy-latoy na kaligiran. Kailangan nilang isapuso ang mga mata ng pinya, at tumanaw sa anggulong magsisilang ng kahanga-hangang larawan ang sinag, dilim, kislot, at kurap. Muli silang magpapanukala ng bagong pamantayan, gagambalain ang estado at galeríya, at kumbaga sa kusinero’y mag-iisip ng kakatwa kung hindi man sariwang panlasa na makagigitla sa publiko’t patrong nagsawa na sa resiping mabilisan at komersiyal.

Lumalampas sa sinaunang alpabetong Tagalog ang sining, sapagkat ang dakilang akda o obra ay tumatangging maikahon sa kategoríya. Bagaman sa unang malas ay maiisip na katumbas ng A ang dibuho ng pintor, at katumbas ng B ang ukit sa kahoy ng eskultor, o katumbas ng S ang indak ng mananayaw at katha ng manunulat, ang sining ay hindi magwawakas sa Y dahil ang sining, kapag natunton ang sukdulan nito, ay likás na tumatalam at kumbaga sa agimat ay nagbabalik sa pagiging karaniwan. Ang sining ay posibleng magpanukala ng titik O na walang simula o wakas, o kaya’y Z na sumusuway sa tuwid na landas at katwiran.

Ang alpabetong Filipino, o ang pinagbatayan nito, ang Tagalog, ay maituturing din na sining ng kapuluan na sa paglipas ng panahon ay nagkaroon ng natatanging dalumat, gamit, at rikit na maipagmamalaki nating mga Filipino. Sinabi kong sining dahil malikhaing ginagamit ito mulang pagpapangalan ng bagyo at sanggol hanggang pagtatakda ng direktoryo ng telepono at indeks ng mga paksa. Ngunit higit pa rito, ang alpabeto ay bumubuo sa kasaysayan ng ating karanasan at guniguni, at nagiging epektibo hangga’t walang sawa tayo sa pag-imbento ng mga salita, pahiwatig, at pakahulugan. Ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), na itinatag sa bisa ng Saligang Batas 1987 at Batas Republika Blg. 7104, ay nagsisikap ngayong likumin ang mga taal na salita sa iba’t ibang rehiyon at nang maitala ang mga ito para sa kapakinabangan ng mga susunod na henerasyon. Sinisikap ding paunlarin ng KWF ang ortograpiyang Filipino, at ortograpiya ng iba pang wikang panrehiyon, na pawang magiging gabay ng mga Filipino sa pagsulat at pagkatha.

Mayaman ang imbakan ng mga salita ng Filipino, at patutunayan ito ng iba’t ibang diksiyonaryo, tumbasan, at tesawro na pawang nalikha at patuloy na nililikha magpahangga ngayon. Mula sa mga salita ay naitataguyod ang pamayanan at merkado; natatawid ang mga sagabal sa dagat at bundok; natutuklas ang mga gamot sa sakit at ugat ng langis; naitatatag ang nasyon at napaguguho ang imperyo; at nasisilayan ang galaktikong kural ng mga hayop sa himpapawid. Nasa ating wika ang sining, ngunit dahil madalas tayong nakikinig sa tibok ng banyaga ay natitiwalag tayo kahit sa sariling konsepto ng ating paglikha sa diyos bilang tao at Filipino.

Tangkilikin natin ang sining na likha ng mga Filipino, na ngayon ay itinatanghal ng Metropolitan Museum of Manila sa SM Megamall, at magsimula tayo sa pagbasa ng ABAKADA ng Sining. Tiyak kong masasanay tayo at masasabik habang lumalaon sa pagtunghay, at ang kasabikang ito ay inaasahan kong magdudulot ng ibayong hámon at sigasig sa ating lahat upang lumikha ng kagila-gilalas na epiko ng pambansang sining—na maipagmamalaki saanmang dako ng mundo.

(Binasa ni KWF Direktor Heneral Roberto T. Añonuevo sa pagbubukas ng “ABAKADA ng Sining: The Alphabet of Art in the MET Collection,” noong 21 Setyembre 2011, sa Atrium, SM Megamall, Mandaluyong City.)

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: