Hustisya at Kahirapan sa Nobela ni Valeriano Hernandez Peña

Isa sa mga nobelang Tagalog ang Miminsan Akong Umibig: Kasaysayan ng Mag-inang Mahirap (1905) ni Valeriano Hernandez Peña na masasabing pinagpigaan ng mga iyaking nobelang komersiyal, nobelang komiks, at telenobela sa kasalukuyan. Ngunit taliwas sa dapat asahan, ang nobela ni Hernandez Peña ay hitik sa sapin-saping pangyayaring may hibo ng realismo, na nagpapamalas ng kuwento sa loob ng mga kuwento, at ang wakas ay hindi nangangako ng maalwang bukas. Nililinang sa akda ni Hernandez Peña ang konsepto ng “hustisya” sa iba’t ibang paraan, at maiuugnay ito sa pananaw sa kahirapang hindi lamang madarama sa pisikal na antas bagkus maging sa moral at emosyonal na antas.

Bubuksan ang salaysay sa tagpo ng mag-inang Pilar at Aling Munda sa loob ng tahanan. Si Aling Munda’y naratay sa pagkakasakit, at si Pilar ay nagbulay-bulay na handa niyang ipagbili ang katawan mailigtas lamang ang ina. Sinikap ni Pilar na kumuha ng itlog na ulam ng kaniyang ina, ngunit nabigo siya dahil dinakip ng mga tulisang pinamumunuan ni Ulupong. Samantala, ang kaniyang nobyong si Alberto ay hinanap siya sa kagubatan, hanggang makilala si Halimaw na pagkaraan ay tutulong sa kaniyang mapalaya si Pilar. Napatay ni Pilar si Ulupong nang gahasain nito, at si Limbas na may makamasang loob at pumalit sa punong tulisan ay kinupkop si Pilar para paalagaan ang dalawang anak na babae, hanggang makatalastasan si Halimaw na nagbunga para mapalaya ang magkasintahan.

Nang pauwi na ang magkasintahan ay hinarang naman sila ng mga guwardiya sibil at kuwadriyero, at ikinulong sa paratang na pawang mga bandido, dahil malaganap ang pananalakay ng mga tulisan. Upang mapalaya si Pilar, sinuhulan ni Juan ang huwes. Sinuyo rin niya si Pilar para kunwa’y maging alila, at maging tagapangalaga ng mga anak nila ni Binday na may sakit,  ngunit mabubunyag pagkaraan ang maitim na pagnanasa ni Juan na gahasain ang dilag. Makatatakas si Pilar sa lahat ng pakana, ngunit mabibilanggo nang matagal si Alberto dahil kay Juan.

Maninibugho si Alberto sa dilag; at si Alberto ay makatatakas sa bilangguan para sumapi sa himagsikan. Sa dulo na nobela’y susulat si Pilar kay Alberto upang ipamalas ang sukdulang pagmamahal sa nobyo, at magbabalik si Alberto sa kanilang nayon subalit mapipikot ni Julia dahil nabuntis siya nang di-inaasahan ng binata. Magpapatiwakal si Alberto at si Julia ay masasawi sa pagsisilang ng sanggol. Samantala, makukulong din si Juan nang madakip sa sugalan at manlaban sa awtoridad; kakalingain ni Pilar ang dalawang anak ni Limbas sa ikalawang pagkakataon, at mabibilanggo muli ang dalaga nang harangin ng mga guwardiya sibil subalit palalayain ng punong bayan. Mabubunyag ang panloloko ni Kapitan Martin Makapagal na humamig ng mga lupain ng ama ni Aling Munda, at ang pagpipilit na palagdain ni Kapitan Manuel Marasigan si Aling Munda ng papeles para ganap na maangkin ang lupaing dapat manahin ni Pilar. Sa huli’y makakasal sina Pilar at Juan bilang pagtanaw ng utang ng loob. Ngunit daramdamin ito ni Pilar, hanggang atakihin sa puso.

Pambihirang realidad ang nilikha ni Hernandez Peña at ito ay mababanaagan sa pagdaloy ng inhustisya sa magkakaibang henerasyon, at matingkad na halimbawa ang panloloko at pandurusta nina Kapitan Martin at Kapitan Manuel, na kapuwa nagmula sa magkaibang panahon, sa buhay at mag-anak ni Pilar. Kaugnay ng kahirapan ang pagkakapiit, at matutunghayan ito sa pisikal na bilangguang pinaglagakan kina Alberto at Pilar na dinakip ng mga guwardiya sibil at kuwadriyero; ang bilangguan sa piling ng mga tulisan; ang bilangguan sa tahanan ng mayamang mag-asawang Juan at Binday; ang bilangguan na inihahain nina Kapitan Martin at Kapitan Manuel; at ang matalinghagang bilangguan sa puso ni Alberto na naghahanap ng paglaya sa tulong ni Pilar na ibinalanggo naman ng pananalig na mahango sa kahirapan sa tulong ni Juan. Sa nobela ni Hernandez Peña, ang kahirapan ay may ugat. Ang kahirapan ay sanhi ng pagkontrol sa anyo ng produksiyon; at ang pagkontrol ay sa mga sandata, salapi, hanapbuhay, at hukuman. Titindi pa ito kung isasaalang-alang na ang kahirapan ay pag-angkin ng puri ng babae at pagkakait ng laya sa kaniyang kasintahang magsama sila. Kung sisipatin si Pilar bilang arketipo ng “ina,” si Pilar ay ina sa matalinghagang paraan na ibig ilugso ang puri ng mananakop; bagaman si Pilar ay hindi pa ganap na “ina” sa pisikal na antas ay maituturing pa ring “ina” sa mga anak ni Limbas at sa mga anak ni Juan. Sa paglulugar ng arketipo ng ina sa nobela, si Pilar ay maaaring sumagisag sa lahat ng pagpupunyagi, mulang paglaya sa kahirapan at pambubusabos hanggang pagkalinga sa magulang, bata, at kasintahan, hanggang pagkakamit muli ng kaginhawang maikakabit kahit sa sagisag na Inang Bayan.

Kung pag-aaralan naman ang estruktura ng nobela, maaaring hatiin sa apat na yugto ang salaysay: una, ang pagdakip ng mga tulisan kay Pilar at pagsaklolo ni Alberto na pawang magbubunyag sa doble-karang katangian ng panunulisan; ikalawa, ang pagdakip ng mga guwardiya sibil at kuwadriyero kina Pilar at Alberto at ang balighong pagpapalaya ni Juan kapalit ng seksuwal na pabor; at ikatlo, ang panloloko at pagkulimbat ng mga lupaing pag-aari ng ninuno ni Pilar at ang pagkakabunyag ng lihim nina Kapitan Manuel at Kapitan Martin, bukod sa pagkakakulong at pananaig ni Juan; at ikaapat, ang pagtatagis ng mga pananaw ni Julia at ni Pilar na pawang napaibig kay Alberto, at ang karupukan ng kalooban ni Alberto na namamangka sa dalawang ilog. Sa apat na yugtong ito, ipamamalas ang wagas na pagmamahal ni Pilar sa kaniyang kasintahan, ang pagsalungat sa puwersang nangingibabaw sa lipunan kahit sa antas ng damdamin, at ang malalim na pagpapahalaga sa kaniyang mga magulang, lalo na kay Aling Munda.

Kailangang basahin muli ang buhay ni Pilar sa ibang anggulo. Kahit ang paraan ng pagsasalaysay ng awtor ay kailangang isailalim sa masinop na pagsusuri, nang sa gayon ay mapawi, kahit kaunti, ang kawalang-katarungan sa pagbasa sa mga akda ng batikang mangangathang Tagalog sa ngalan ni Valeriano Hernandez Peña.

13 Tugon

  1. Siya po ba ang Ama ng nobelang Filipino? Ang nagsulat ng Nena at Neneng?

    • Si Valeriano Hernandez Peña ang awtor ng nobelang Si Nena at si Neneng (1905), at isa sa maituturing na naghawan ng landas sa pagsulat ng nobelang Tagalog. Ngunit hindi ko siya ituturing na “Ama ng nobelang Filipino” dahil kung may ama ay tiyak na hahanapin ang “Ina ng nobelang Filipino” na ikayayamot ng mga feminista.

  2. Gayon po, sa mga turo noong hayskul sinasabing siya ang “Ama ng Nobelang Filipino” dahil sa kaniyang akda bagamat walang katibayan na makapagsasabi nito. Sa kontekstong feminista, hindi naman po sana mamasamain ito sa halip ay dapat pa nga pong bigyang-halaga ang nobelang Filipino. Kahit po wala pang matatawag na “Ina ng Nobelang Filipino”, lubos po akong umaasa na magkakaroon nito sa lalong madaling panahon sa tulong na din po ng ating mga Filipinang manunulat.

    Sa buong Asya, sinasabing hindi gaano nahihilig ang ating mga kababayan sa pagbabasa kung ikukumpara sa India. Parehas lamang po naman na developing country ang Filipinas at India. Sa katunayan, noong nagtungo ang NBDB kasama si Ginoong Jose “Butch” Dalisay, ang kaniyang saloobin ay ganito. Kaya daw po higit na madami ang mga nagwawaging manunulat na Indian sa Man Asian Literary Prize Award ay dahil dito. Pinapahalagahan ng mga Indian ang panitikan. Sana po magkaroon ang ating pamahalaan ng proyekto para bigyang-halaga ang pagsusulat at pagbabasa. Ang edukasyon pa rin po ang susi ng ating bayan at nasa kabataan ang pag-asa. Bella esparanza de la patri mia!

  3. Translation:

    In the teachings in the secondary education, Valeriano Hernandez Peña is noted to be the “Father of the Philippine Novel” because of his work, “Nena at Neneng.” Even if there is no evidence as to the claims, still he has made history. In the feminist context, it is not to be wronged instead, it must be recognized for the Filipino novel to have its place in world literature. Even if there is not yet the “Mother of the Filipino Novel”, I am hopeful there is going to be with the help of the Filipino writers as soon as possible.

    In Asia, it is said our fellow Filipinos are not into reading as compared to India. It is the same situation with these developing country Philippines and India. In fact, when Mr. Jose “Butch” Dalisay Jr. went to have a lecture in our PHILLIT class, he shared the same awareness. This is the reason there are more Indian writers winning the Man Asian Literary Prize Award that year he mentioned and took part. More Indian appreciate reading and writing books than Filipinos. I do hope our government would be spearheading a project to prove we are to be part of world literature. Education is still the key of our children and the youth is the hope of Fatherland. Bella esparanza de la patria mia!

    • Walang pasubali na malaki ang ambag ni Valeriano Hernandez Peña sa larangan ng nobelang Tagalog. Ngunit hindi ako pabor sa taguri na “Father of Philippine Novel” dahil ang pakahulugan noon ng nobela sa panahon ni Hernandez Peña ay ibang-iba sa pakahulugan ng nobela sa ngayon. Noong unang dekada ng siglo 20, ang “novelang Tagalog” ay sumasaklaw kahit sa tulang pasalaysay na hibong pakasaysayan ang pagdulog, at halos sumunod sa mga sinaunang awit o korido.

      Maikli rin ang tradisyon natin ng pagsulat ng nobela, at inamin nga ni Iñigo Ed. Regalado, na hiniram natin ang anyong ito sa mga Europeo at pagkaraan sa mga Amerikano.

      Walang batayan ang paghahambing sa India at Filipinas. Napakalaki ng populasyon ng India, kompara sa Filipinas. Kung pareho sana ang salalayan ng paghahambing ay papayag akong mapagbasa nga ang mga India. Kung marami mang magwagi ng Man Asian Literary Prize na Indian, ito ay marahil may kaugnayan din sa merkado ng mga aklat.

  4. Hindi po sa gayon. Talaga pong sinabi iyon ni Sir Butch at talagang hindi pa po ganoon ang tinatawag nating “passion for reading” ng mga Filipino. Hindi naman po nararapat ikumpara ang populasyon ng ating bansa sa India, ang higit na nakapagpapabagabag ay ang hindi natin pagtangkilik sa gawang Filipino. Ang aklat na gawa ng isang Filipinong manunulat ay binabasa lamang ng iilan. Sana po magkaroon ng pagkakataong mabasa pa ang marami hindi lamang dito sa Filipinas, maging sa ibang bansa.
    Ang Man Asian Literary Prize ay ang Nobel ng Asya. Masasabi ko pong ito ay karangalan para sa mga tulad nila Sir Butch Dalisay Jr., Sir Mario Miclat at Sir Miguel Syjuco. Naghandog po sila ng karangalan para higit tayong mabigyan ng pag-asa at pagkakataong mabasa at makasulat pa.
    Ang nobela ay akdang pampanitikan na maaaring iba ang pakahulugan ayon sa kasaysayan. Isa lamang po ang alam kong batayan nito, ang isang ganap na nobelista ay makapagsusulat ng isang ganap na nobela.
    Ang awit at korido ay tulang pasalaysay noong panahong Espanyol. Sa panahon ni Balagtas, ito po ang pamoso bagamat hindi po ito nobela. Hindi po nararapat na ang tula ay mapagkamalang nobela. Iba po talaga ang nobela sa tula kahit may pagkakatulad. Ang hambingan ay nakabatay din sa ating kasalukuyan hindi lamang sa nakaraan.
    Sa peministang pananaw na tulad ni Miss Becky Añonuevo, naniniwala po kaming kaya natin ang nobela lalo’t matutulungan nito ang mga kababaihan tulad ng isang liham ni Rizal sa mga taga-Malolos. BAGO ANG BABAE, ang manunulat ay isang tao. Nasa sinapupunan niya ang libro.

  5. ano pong aral nito?

    • Ikaw na ang magbasa, at mag-isip.

      • pwedeng kayo po nalang ang magsabi kung ano ang ung moral lesson niya?

      • Hindi puwede, iha.

  6. Buti po sa panahong ito ay may nakaka-alala pa sa mga naiambag na sining ng aming lolo.. Salamat po..

    • Kung totoong lolo mo si Valeriano Hernandez Peña ay nawa’y pangalagaan mo ang mga natitira pa niyang akdang maaaring nasa kamay pa ng iyong mga kaanak.

  7. Noong 1991, sinulat ko ang aking doctoral dissertation sa UST tungkol sa Mag-inang Mahirap ni Valeriano Hernandez Pena. Natutuwa ako at mayroon pa ring naaakit sa kanyang akda kahit mahigit nang 100 taon ang lumipas. Salamat po!

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: