Taya ng Panahon, ni Luis Vicente de Aguinaga

Salin ng “Pronóstico del tiempo” ni Luis Vicente de Aguinaga.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Taya ng Panahon

Talos ko ang lihim ng mga bagay.
Hindi ako nabuksan ng mga susi ng kamatayan
O nakipag-usap sa mga anghel o estatwa,
Ngunit nauunawaan ko ang mga sanaw
At ang repleksiyon ng mukha sa gayong tubigan
At iwasang tagurian ang mga ito sa parehong paraan
Dahil hindi matitighaw ang parehong uhaw.

Ang mga sanga ng naranha
Ang mga kamay sa orasan ng prutas.

Bagaman totoo, na hindi ko alam ang lahat
Ng kaso ng mga sanaw at repleksiyon.
Lumilipas ang panahon
Nang wala ako sa tabi, nang walang hinto:
Nauuna sa tubig at sa mga bato
Natutuklasan ko na lamang ang lihim,
Ang mga nasa loob at nasa likod.
Ang ilang bagay, gaya ng nasabi ko:
Alam kong sasablay din ako.
Ang orasan, gaya ng punongkahoy, ay yuyuko,
Pananatilihin ang mga banayad at ilahas.
Sa kabila ng lahat, mag-uusap ang anghel
At ang estatwa, titingala sa langit,
At huhulaan nang kusa,
Ang pagsapit ng ulan, buhawi o kulog.

Advertisements

Sa Bintana, ni Carl Sandburg

Salin ng tulang “At a Window” ni Carl Sandburg.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Sa Bintana

Itulot sa akin ang gutom,
O mga bathala na nakaupo at nag-uutos
Sa daigdig.
Itulot sa akin ang gutom, kirot, kasalatán,
Ibilibid ako sa kahihiyan at kabiguan;
Mula sa inyong mga ginto’t tanyag na pinto’y
Ibigay sa akin ang sukdol, nakapanlulumong gutom!

Ngunit iwan sa akin ang kaunting pagmamahal,
Ang tinig na magwiwika pagsapit ng takipsilim,
Ang kamay na hahaplos kapag madilim ang silid
At babasag sa mahahabang pangungulila.
Sa dapithapon, na ang mga hulagway
Ay pinalalabo ang paglubog ng araw,
Isang munting lagalag, kanluraning bituin
Ang lumitaw mula sa nagbabanyuhay na dilim.
Hayaan akong lumapit sa bintana,
Tanawin mula roon ang araw, ang anyubog ng hapon,
At hintayin at alamin ang pagbabalik
Ng aking munting minamahal.

Hubad at Sulat ni Judith Taylor

salin ng mga tula sa Ingles ni Judith Taylor.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Hubad

Tinuyot ng mga pagkawala, kami’y naglakbay para maabot ang tubig,
. . .. . . . ang baybayin niya, ang aking baybayin.
Ang kuwintas ng kaniyang hininga, ang sinturon ng mga pawis: ang mga paglikom
. . . . . . . upang talikdan ang pagkawala.
Na tinumbasan sa halaga ng pagkawala.
Bakit ang gayong kaningning, kainit na ilaw ay nagpapasikip ng silid?
Nagkunwari akong interesado sa atin ang mga anghel.
Nang dumilat ako’y saka nabatid kung paanong lunukin ko ang pagkasintunado,
. . . . . . na naghahatid tungo sa isang uri ng kawalan.
Hindi ko alam kung sinunod ko ang tunay na hiling ng aking puso.
Aling puso?      Aling puso?      Kailan?

May Sulat Siya

Nais kong maging magkaugnay ang lahat ng bagay sa lohikong uniberso.
Subuking ihimig ang hinaharap bago sumambulat na parang salamin.
Marahil ay payak ang lihim: hayaang ibanda ng salamin ang anumang nariyan.
Dumidila sa pampang ang alon ng pasipiko, umaalingawngaw ang mga uwak.
Ang liwayway, ang bawat bagay sa aking sangay na nagpapaalala,
. . . . . . ay muling lumilitaw.
Nananatiling pinilikan ang mga madaling-araw at sadyang enigmatiko.
Sasapit ang panahong magsisimula ang mundo na hubugin ang matigas mong ulo.

Naiwang Hulagway

Nagbubunyag ng kawalang kulay ang silid kapag niretratuhan.
Binuksan niya ang diksiyonaryo’t nabasa ang salitang Norwego.
At itinuring itong orakulo, habang umuulan ng niyebe sa labas.
Nabalisa ang kaniyang mukha sa salamin, nalito sa alingawngaw.
Sa nakaraang tagpo, hindi ba tinawag nila siya na “tsikadora”?
Pinunit ng simoy-panaginip ang tuktok ng mga palma, halos pawasak.
Namumuhay nang mag-isa ang tsikadora habang di-makali ang siglo.
Ang kaniyang silid, simputi ng itlog, ay tahimik na bagyo ng yelo.

Babaeng lumiliham, ni Carl Larsson, 1906.
Babaeng lumiliham, guhit sa tubig-kulay ni Carl Larsson. 68 cm x 100 cm. 1906. Matatagpuan sa Thielska galleriet, Stockholm, Sweden.

Langit at Lihim ni Carlos Drummond de Andrade

salin ng dalawang tula ni Carlos Drummond de Andrade.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Pighati sa Langit

May oras ng pighati sa langit.
Matinding oras na sakop ng duda ang mga kaluluwa.
Bakit ko nilikha ang mundo? naisip ng Diyos,
At ang mga sagot: Hindi ko alam.
Sumalungat sa kaniya ang mga anghel.
Nangalagas ang kanilang balahibo.

Lahat ng ipotesis: grasya, eternidad, pag-ibig
ay bumabagsak. Pawang balahibo lamang iyan.

Isa pang balahibo at mawawasak ang langit.
Napakatahimik, ni walang kaluskos na nagsasabi
ng sandali sa pagitan ng lahat at wala.
Ibig sabihin, ang kalungkutan ng Bathala.

Lihim

Mabibigo kang ihayag ang panulaan.
Manatiling walang tinag sa iyong sulok.
Huwag umibig.

Nauulinig ko na may barilan
Na abot ng ating mga katawan.
Himagsikan ba iyon o pagmamahal?
Huwag umimik.

Lahat ay posible, ako lamang ang imposible.
Umaapaw sa mga isda ang dagat
Na parang naglalakad lamang sa lansangan.
Huwag magwika.

Ipagpalagay na ang anghel ng lagablab
ay sumaklaw sa mukha ng daigdig
at ang mga isinakripisyong tao
ay humiling ng kapatawaran.
Huwag magmakaawa.

Lilith, pintura ni John Collier.

Lilith, pintura ni John Collier. Dominyo ng publiko.