Advertisements

Awit ng Sugat, ni Farrokh Tamimi

salin ng tatlong tula ng makatang Iranian Farrokh Tamimi.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

TAGLAGAS

Hungkag ang pugad ng mga uwak
na nasa sangang tuyot ng ubaning sikomoro.
Sa himpapawid,
dalawang satin-tinta ang pumatak.

BUHAY

Hiniwa ko ang gabi
sa labaha ng umaga
at isinabit ang araw
sa bulawang kuwadro
sa nabiyak na pader
ng kalendaryo ng buhay.

AWIT NG SUGAT

Pumasok sa bintana ang simoy
na sakay ang huni ng mga kanaryo
ng kapitbahay at aking narinig.
Sugatan ang huni ng mga kanaryo
na nakakulong sa mga hawla,
at nanatili nang matagal sa lalamunan
ng ibon ang luma’t maantak na kirot.

Ikinuwadro sa semento at bakal ng lungsod,
malayo sa kariktan ng bukid, parang, at burol,
pinahalagahan namin ang awit ng bilanggo.

Advertisements

Ang Babaeng Minamahal ko, ni Hafez

salin ng tula ng makatang Iranian na si Hafez (Khwāja Šamsu d-Dīn Muḥammad Hāfez-e Šīrāzī).
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa saling Ingles ni Daniel Ladinsky.

ANG BABAENG MINAMAHAL KO

Dahil ang Babaeng minamahal ko ay nabubuhay
Sa  kaloob-looban mo,

Lumalapit ako sa katawan mo sa anyo ng mga salita
Hangga’t makakaya ko—

At iniisip kita sa lahat ng oras, mahal kong peregrina.

Dahil ang tao na iniibig ko ay sumasama sa iyo
Saan ka man magtungo,
Si Hafez ay palaging nasa tabi mo.

Kung uupo ka sa tabi ko, manlalakbay,
Ikaw na may busilak na sinag mula sa maraming
Bato-balani,

Mapipigil ng labi ko ang humangos sa iyo at dampian
Ang namumula mong pisngi,

Ngunit ang aking mga mata’y mabibigong ikubli
Ang kabigha-bighaning katotohanan kung sino
Ka nga ba talaga.

Ang Maganda na aking sinasamba
Ay nagtirik ng kaniyang Maharlikang Silungan
Sa loob mo,

Kaya malimit kong idirikit ang aking puso
Nang matalik sa iyong kaluluwa
Hangga’t aking makakaya.

Baalbek, ni Nadia Tueni

salin ng tula ng makatang Lebanes Nadia Tueni (na isinilang sa pangalang Nadia Hamadeh).
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa saling Ingles ni Samuel Hazo.

BAALBEK

Kapag sinalpok ng sinag ng araw ang tuod,
At namukadkad ang buwan,
Batid ng mga landas ng Baalbek
Ang kabughawan ng mga sayaw;
Nababalot ng katahimikan ang mga bagay
Na animo’y pinahiran ng langis.
Ang mga bato at uniberso ay nagbubunyag
Ng mga lihim.
Sumasakay ng kabayo ang mga gunita,
Waring mabibigat na nakabaluting kabalyero
Na kinakaladkad ang mga dasal at diyos
Pababa sa mga lansangan.
Umaahon ang gabi mula sa madilim na selda,
Tulad ng buwitre mula sa maputing paghimbing.
Mag-uulap ang Heliopolis na maunos.
Sa paanan ng bawat ng haligi’y sumasabog
Ang natutulog na bituin at magliliwanag
Sa katanghaliang-tapat.
Kumikinang ang wika nito, may-sa arkitektura
Ang mga galaw,
Ang Baalbek ay handog mula sa mga pamana
Ng daigdig.

Mga haligi ng Baalbek. Retrato mula sa Wikimedia Commons.

Mga haligi ng Baalbek. Retrato mula sa Wikimedia Commons.

Taglagas Ngayon, ni Mihai Eminescu

TAGLAGAS NGAYON

salin ng tula ni Mihai Eminescu.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Taglagas ngayon, kalat sa lupa ang mga dahon,
At naiiwan ang mga hamog sa may bintana;
Nagbabasa ka ng lumang liham na kupas, sira,
at binalikan ang iyong búhay minsan pa noon.

Sa munting bagay ay nalugod kang maglustay-oras
At nayayamot kung lumagitik sa may salamin;
Kung nagyeyelo sa labas-bahay, mas nanaising
Nabí sa siga saka payapang lubos-mangarap.

Umupo ako sa aking silya nang nakatitig
Sa apoy nitong lumang salaysay at adang reyna;
Sa paligid ko’y may singaw-ulop na lumalamig.

At kumaluskos ang mga sutlang nukaw sa akin,
Habang ang yabag na mararahan ay papalapit . . .
At tinakpan mo ng yelong kamay itong paningin.

Guhit ni Gustave Dore. Dominyo ng publiko.

Guhit ni Gustave Dore. Dominyo ng publiko.

Kalungkutan, ni Rainer Maria Rilke

salin ng “Die Einsamkeit” (1902)  ni Rainer Maria Rilke.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

KALUNGKUTAN

Ang pagkakalayo at pangungulila ay gaya ng ulan.
Umaalimuom ito sa gabi mula sa pusod ng dagat,
mula sa kapatagan, dalisdis at ilang, inaakyat nito
ang langit, na siya nitong sinaunang tahanan.
At kung aalis na sa langit, saka papatak sa lungsod.

Umuulan sa ating piling sa mga sandaling tikatik
ang oras kapag humaharap ang mga daan sa liwayway,
at kapag ang dalawang lawas ay walang natagpuan,
nangabigo at nanlulumo, at nagpapagulong-gulong;
at kapag ang dalawang tao na nasusuklam sa bawat isa
ay kailangang matulog nang magkasiping sa isang kama—

iyan ang yugtong sumasagap ng mga ilog ang lungkot.

Magdaragat at Isda, ni Alis Balbierius

salin ng mga tula ng makatang Lithuanian Alis Balbierius.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

MAGDARAGAT SA TABERNA

Lumalalim nang lumalalim ang kopa: naging dagat ito,
. . . . . . na walang matatanaw na baybayin.
Kung ikaw ay gaya ng baroto, magaan kang makapaglalayag
sa pulahan, sumasayaw na lalim, na ang bulawang
araw ay nakapinta sa layag mo at ang tunay na araw
. . . . . . ay nasa iyong ulunan.
Nasaan ang mga paglipad, ang maririkit na sayaw sa kambas
ni Matisse? Ang mga pagdama’y nababasag na yelo,
habang ang kopa ng alak ay gaya ng angkla, ipinapako
. . . . . . ka sa ibabaw ng mesa ng taberna.
At hinggil sa dagat, naroroon lamang ang asul sa mga balintataw
. . . . . . ng matandang magdaragat.
Hindi na lamang bagyo ang naghahari sa kaniya tuwing gabi sa kama,
. . . . . . bagkus ang ulilang alak na hindi bumabagsak ang halaga.

KALISKIS-ISDA

Ang aklat ng mangingisda: ang mga kaliskis ng isda.
Mula sa dagat, mula sa lawa, mula sa batis ng mga ilog.
Ang kaliskis ay singsing na marka sa punongkahoy:
nakasulat doon ang talambuhay ng isang isdang taglay
ang mga kuwentong-buhay ng lahat ng isda ng daigdig:
ang mga taon, taglamig at tag-araw, ang bawat sandali.
Tandaan: bawat isda ay marangal, nabubuhay na nilalang.
Kung hindi ka nagugutom, huwag pumatay ng isda:
iyan ang mensahe na nakasulat sa bawat kaliskis mahigit
ilang milyong taon na ang nakalilipas.

DAAMBAYAN

Sa pagdagdag ng bilis, lumalabo ang mga mukha sa walang-
. . . . . . anyo, di-kilalang lawak.
Ang mga tanawin ay naghunos na mga larawang ipininta
. . . . . . ng kung sinong baliw na pintor, na may mga kulay
. . . . . . na marumi at ang mga linya ay tungo sa walang hanggan.
Sino ang nariyan upang tingnan nang panatag ang puno, bato, tao?
Ang daambayan ng sibilisasyon ang pinakamapanganib
. . . . . . na narkotikong matatamo ng tao.
Pagmumuni, linaw ng isip: ito ang mga estatikong bagay
. . . . . . na marapat ilahok sa Pulang Aklat.
Totoo ba na isinumpa tayo na humarurot nang mabilis,
. . . . . . pabilis nang pabilis, hanggang tayo’y maglaho?
Pakaunti nang pakaunti ang mga tao na may tapang lumundag
. . . . . . sa daambayan tungo sa walang tinag, basâ sa hamog
. . . . . . na damuhan sa gilid ng lansagan.

Simula ng Pag-ibig, ni Jason Montana

salin ng tulang “Love Beginning” ni Jason Montana.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

SIMULA NG PAG-IBIG

Ngayong umaga’y umimbulog ang pulang banog
upang tingnan ang iyong pag-akyat sa kubling bagnos.

Samantala, umaawit ako sa mga ganitong tarik
ng pagmamahal na sumisibol sa Ifugaw na langit.

Naglaho ang maiitim na pangkat ng mga rebelde,
at muling lumitaw ang malilinaw na bukal sa tabi

ng lupain upang magtipon bilang paglalagom
ng daan-daang ilog ng mga masang nagugutom.

Ang Partido ay nasa gitna ng gayong pakikibaka.
Umuulan ng pinilakang anyo ng kamalayang masa

upang dumaloy nang masinop sa bawat payyo,
sa bawat hamlet,  sa mga tao tungo sa bagong hukbo.

Ang saluysoy ng mga batis sa loob ng mga gubat
ay babala sa bulók na rehimeng ito ay babagsak.

Dumarating ang mga taganayon para sa pulong-bayan.
Nabubuo ang mga sirkulo sa lilim ng tatlong bahay.

Ipinapasa ang bilot para sa mga ngangang ngunguyain,
at sasapit ang dambuhalang banog upang lumilim.