SAWIKAAN at Wikang Pambansa

Mainit na tinangkilik ng mga akademiko, estudyante, editor, manunulat, at iba pang may malasakit sa wika ang nakaraang SAWIKAAN 2010 na ginanap noong nakaraang linggo sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. May 250 kalahok mulang hilaga hanggang timog ng Filipinas ang nakiisa, at nagpalitan ng kuro-kuro kung paano mapayayaman ang wikang Filipino. Ang Sawikaan ang isa sa mga tanyag na pambansang kumperensiya na isinusulong ng Filipinas Institute of Translation Inc. (FIT) tuwing taon.

Nagwaging Salita ng Taon ang “jejemon” na ipinagtanggol ni Dr. Rolando Tolentino at pinili ng mga hurado mula sa lupong binuo ng FIT. Napili sa ikalawang puwesto ang “ondoy” na ipinakilala ni Jayson Petras at pumangatlo ang “korkor” ni Schedar Jocson at “tarpo” ni Jelson Capilos. Samantala’y tumanggap ng People’s Choice Award ang “tarpo” mula sa buong kapulungan ng mga delegado.

Batay sa napagpasiyahan sa serye ng mga pulong ng FIT, ang Salita ng Taon ay “maaaring bagong likha; bagong hiram mula sa katutubo o banyagang wika; luma ngunit may bagong kahulugan; at patay na salitang muling binuhay.”

Ang mga panukalang salita ng taon ay dumaraan sa proseso ng pagpili mula sa kalipunan ng mga salitang tinanggap ng Filipinas Institute of Translation, Inc. (FIT). Bawat salita ay inuusisa ang etimolohiya o pinagmulan nito; ang mga tiyak na gamit nito sa pangungusap at bahagi ng pangungusap; at ang mga pangangatwiran kung bakit dapat kilalanin yaon bilang salita ng taon.

Pagpapasiyahan ng Lupong Tagapagpaganap ng FIT kung aling salita ang karapat-dapat na tanghaling nominado para sa Salita ng Taon.

Pagkaraan, ang napiling nominadong salita ay gagawan ng isang ganap na papel na magpapaliwanag kung bakit dapat itampok iyong Salita ng Taon.

Ang mga isinumiteng papel hinggil sa Salita ng Taon ay susuriin ng mga editor at magbibigay sila ng mga mungkahi kung paano mapahuhusay pang lalo ang nilalaman, balangkas, at talakay nito. Ang binagong papel ang siya ngayong ihahain sa kapulungan ng mga delegado at pagpapasiyahang muli ng Lupong Tagapagpaganap ng FIT.

Ang magwawaging Salita ng Taon ay ibinabatay sa “lawak ng pananaliksik, bigat ng mga patunay, at linaw ng paglalahad at pangangatwiran.” Ang mga delegado sa kumperensiya ay binibigyan din ng pagkakataon na pumili kung anong salita ang karapat-dapat magwagi, at dapat magkamit ng People’s Choice Award.

Kabilang sa mga nominadong salita ang “load” nina Christine Marie Magpile at Geraldine Uy-Escolar;  “ampatuan” ni Vladimeir Gonzales;  “emo” ni Anna Mariette Dy;  “namumutbol” ni Joselito delos Reyes; “ “spam,” ni Genaro Gojo Cruz;  “solb” ni John Enrico Torralba; at “unli,” ni April Perez.

Mahalaga ang SAWIKAAN dahil ito ang nagsisilbing talyer ng wika sa buong kapuluan. Ang mga kalahok ay malayang makapag-ambag ng mga mungkahi at puna kung paano ipakakahulugan ang mga salita; at naisasaalang-alang kahit ang usaping pangkultura at kaligirang pinagmulan ng salita. Ang sinulat na papel ng isang kalahok, halimbawa, ay maaaring dumaan sa masusing rebisyon, alinsunod sa mga mungkahi ng tagapayo, editor, at buong kapulungan ng mga delegado.

Kabilang sa mga panauhing tagapanayam si Dr. Jaime Caro na ipinaliwanag ang impluwensiya ng teknolohiya sa paghubog ng makabagong Filipino; at si Dr. Jesus Federico Hernandez, na nagpaliwanag ng impluwensiya ng mga bakla sa paghubog ng makabagong Filipino.

Pinakamabigat ang tampok na panayam ni Dr. Zeus Salazar hinggil sa pagpapayaman ng wika, alinsunod sa diskursong pangkasaysayan, at maaaring sumaklaw sa isang semestre sa kolehiyo. Inilugar niya ang panghihiram ng salita ng Filipino sa mga wikang banyaga at paglikha ng neolohismo alinsunod sa aniya’y “dambuhalang pagkakahating pangkalinangan sa kasaysayan ng bansa.” Namamayani ngayon ang Ingles at Inglesero sa estado, ekonomiya, edukasyon, at kulturang poskolonyal sa loob ng lipunang Filipino. At nagsimula ito nang magwagi ang pangkat ni Emilio Aguinaldo sa Kudeta sa Tejeros (1897) laban sa Himagsikan ng 1896 ni Andres Bonifacio.

Nang mamayani ang Ingles, ani Salazar, ang mga institusyong pampolitika, pang-ekonomiya, pangkultura, at iba pa ay isinalalay sa Ingles. Uminog sa Ingles ang mga transaksiyon at komunikasyon. Maibibilang dito ang batasan, hukuman, edukasyon, agham, inhinyeriya, moda, musika, tanghalan, kalakalan, at iba pa. Ginamit ang Ingles bilang midyum ng komunikasyon, at ito ang nagbukod sa mga elitista at sa mga karaniwang mamamayan.

Lumubha pa aniya ang sitwasyon nang makipagpatintero ang mga Filipinong intelektuwal sa Estados Unidos at iba pang bansang Anglophone sa pag-aakalang makikinabang sa magandang kabuhayang ipinangangako ng mananakop. Ang ilang nangabigo ay nagkaroon ng nostalhiya sa Filipinas. Samantalang ang ibang nagtagumpay makapasok sa akademya ng Estados Unidos at iba pang bansang Anglophone ay nagpaulan ng batikos sa Filipinas, partikular sa mga “suliraning etnolingguwistiko” o dili kaya sa mga wikang “inaaapi” umano ng Tagalog.

Ipinanukala ni Salazar na matatalakay ang panghihiram ng wika sa dalawang antas: una, sa sosyolingguwistiko o panlipunang antas; at ikalawa, sa pang-lingguwistikang antas ng bilingguwalismo. Walang hanggahan umano ang paglikha ng mga kataga [neolohismo]. Lipunan lamang ang nagtatakda ng hanggahan batay sa mga taglay nitong “kaisipan hinggil sa seksuwalidad, moralidad, panlasa, a iba.” Bagaman naitatakda ng diksiyonaryo ang hanggahan ng panghihiram, lalabagin at lalabagin umano ito ng mga gumagamit ng wika sa pasulat man o pabigkas na pamamaraan.

Iminungkahi ni Salazar ang pagbubuo ng Akademya sa Wika, gaya ng Académie Française, na binubuo ng mga tanyag na gumagamit ng wika sa iba’t ibang larang at aktibidad sa bansa. Mabubuo ng nasabing akademya ang isang saligang diksiyonaryo at Ensiklopedyang Filipino sa sariling wika. Magpapakita umano ito ng kabihasnang natamo ng Filipinas sa kasalukuyan, at sa maaaring makamit pa sa hinaharap.

Kabilang sa mga tumulong sa SAWIKAAN si Dr. Emerlinda R. Roman, pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas; Dr. Sergio S. Cao, Tsanselor ng UP Diliman; Lirio Sandoval, pangulo ng Book Development Association of the Philippines; Atty. Andrea Pasion-Flores ng National Book Development Board; Departamento ng Edukasyon; Komisyon sa Wikang Filipino; Adarna House; at Nestle Philippines.

Ang SAWIKAAN ay itinaguyod ng Filipinas Institute of Translation, Inc., UP Sentro ng Wikang Filipino-Diliman, Anvil Publishing, Inc., at Kolehiyo ng Arte at Literatura, UP Diliman.

4 Tugon

  1. Sir, the ethnolinguistic problem mentioned needs to be explained. While the Philippine academe maintains that such a problem exists not, for many people, especially from the provinces, this ethnolinguistic problem is an immense reality. Furthermore, those academics (the ones abroad) are not condemning the oppression of native Filipino languages by Tagalog; they are condemning the oppression of native Filipino languages by the systems running in our country.
    Students, including those in the early levels of elementary education, are being reprimanded, e.g., rebuked, fined, given a grade deduction, for speaking their native tongues in school, both in the classroom and in the school premises. They are also not taught in their native tongues– this is a violation of their right and is anti-educational development as proven by many researches. Prithee, sir, tell us if these are not symptoms/evidences of the existence of an ethnolinguistic problem (the problem is not necessarily confined to non-Tagalog tongues) in our country?

    • Sasagutin kita, Eugene Carmelo, ngunit kailangan mo munang isalin iyan sa Filipino. Kailangang matuto kang gumamit ng Filipino bilang wika ng komunikasyon ng mga Filipino, at nang maunawaan ng mga Filipino.

      Hindi Ingles ang makapagsasalba sa Filipinas, gaya ng inaakala ng mga akademikong nakikipagpatintero sa Estados Unidos at mga bansang Anglophone, ani nga Dr. Zeus Salazar. At ang etnolingguwistikong pinoproblema ng nasabing akademiko ay nakabatay sa pagkakapook nila sa ibayong dagat, at pagtanaw mula sa labas ng Filipinas.

  2. Ang nasabing problemang etnolinggwistiko ay kailangang ipaliwanag. Kahit pa sabihin ng academia na walang ganyang problema, para sa maraming tao, lalo na sa mga probinsya, ang problemang etnolinggwistikong ito ay isang malaking realidad. Isa pa, hindi kinukundena ng mga akademiko (iyong mga nasa abroad) ang pang-aapi ng Tagalog sa mga katutubong wika ng mga Filipino; kinukundena nila ang pang-aapi ng mga sistemang nagpapatakbo sa bansa sa mga katutubong wika ng mga Filipino.
    Ang mga mag-aaral, pati mga nasa unang lebel ng edukasyong elementarya, ay pinaparusahan, halimbawa, pinagagalitan, minumulta, kinakaltasan ang grado, dahil lamang nagsalita sila sa kanilang katutubong wika, sa klasrum man o sa mga premise ng paaralan. Hindi rin sila tinuturuan sa kanilang mga kinagisnang wika- isa itong paglabag sa kanilang karapatan at anti-educational development sang-ayon sa maraming saliksik. Ginoo, sabihin ninyo kung ang mga ito ay hindi sintomas/ebidensya ng pagkakaroon ng ating bansa ng problemang etnolinggwistiko (hindi limitado ang problema sa mga wikang di-Tagalog).

    • Kung dumalo ka sa kumperensiya ng SAWIKAAN, naunawaan mo sana kung saan nagmumula ang paliwanag ni Dr. Zeus Salazar. Ang “problemang etnolingguwistiko” na binabanggit mo ang pinoproblema ng gaya nina Aurelio Agcaoili at Jose Dacudao (at ng mga alipures nila sa DILA at SOLFED) na ang pananaw ay nagmumula sa labas na Filipinas at ang karanasan ay nakapook sa ibayong dagat.

      Dapat mo munang linawin kung ano ang problemang lingguwistiko na iyong tinutukoy. Ano ang realidad sa mga lalawigan na iyong binanggit? Na dominado ng Ingles ang mga wika sa rehiyon, at siyang pumapatay din sa Filipino? Kung iyan ang tinutukoy mo ay tama ka, iho. Kung Ingles ang ginagamit na midyum ng komunikasyon at transaksiyon sa mahahalagang sangay ng pamahalaan, gaya ng edukasyon, hukuman, batasan, tagapagpaganap, at negosyo, ang Ingles na ito ang nagpapatiwalag sa mayorya sa mga Filipino palayo sa kanilang awtoridad at pamunuan.

      Binanggit mo na hindi “kinokondena ng mga akademiko (iyong nasa abroad) ang pang-aapi ng Tagalog sa mga katutubong wika ng mga Filipino” ngunit ganito ang paratang ng gaya nina Agcaoili at Dacudao sampu ng kanilang alipures at kakutsabang demagogo na ni ayaw kilalanin ang malaganap na wikang Filipino.

      Kung sadyang kinokondena nila ang “pang-aapi ng mga sistemang nagpapatakbo sa mga katutubong wika ng mga Filipino” ay dapat sila ang nangunguna sa pagpapalaganap ng wikang pambansang Filipino na sinusuhayan ng mga wika sa rehiyon upang mabuwag ang gahum ng Ingles. Ngunit hindi. Sa nakaraang kumperensiya ng multilingguwalismo kamakailan sa Ateneo de Manila University, ang ginamit na wika ng mga tagapanayam ay Ingles, at ni hindi ginamit ang Filipino o kaya’y ang ibang wika sa Filipinas!

      Kailangang magsimula ang pagbabago kahit sa hanay ng DILA at SOLFED.

      Binanggit mo rin na ang “mga mag-aaral pati mga nasa unang lebel ng edukasyong elementarya, ay pinaparusahan, halimbawa, pinagagalitan, minumulta, kinakaltasan ang grado, dahil lamang nagsalita sila sa kanilang katutubong wika, sa klasrum man o sa mga premise ng paaralan.” Ngunit hindi mo binanggit kung ano ang wika ng pagtuturo, at sino at saan ito nagaganap. Sa aking pagkakaalam, panahon pa ito ng kopong-kopong, at ito’y sarili kong karanasan noong ako’y bata pa, na ang pinarurusahan ay ang mga batang hindi makapagsalita ng Ingles. Pinipilit noon ang mga bata na magsalita, magsulat, at magbasa sa Ingles kahit ang pinagmulan nila ay ibang-iba sa karanasan ng Estados Unidos o ng mga bansang Anglophone.

      Noon pa man, ginagamit ng mga guro ang mga katutubong wika kahit sa pagpapaliwanag ng mga konseptong matatagpuan sa agham, matematika, at panitikan dahil kung purong Ingles ang gagamitin ay mabibigo sila sa kanilang pagtuturo. Nakatutulong din ang Filipino sa mga katutubong wika, dahil ang Filipino ay hindi nalalayo sa mga wikang lalawiganin, kompara sa Ingles na nasa dulong polo ang layo sa Filipino. Ang problema lamang ay walang nagpopondo sa mga sangguniang aklat na ang wika’y nakaayon sa wika ng mga Filipino. Mas pipiliin ng pamahalaan na bumili ng aklat na nasa wikang Ingles nang makatipid sa produksiyon, kahit ang kapalit ay pagkaalipin ng isip ng mga batang mag-aaral.

      Ang realidad sa Filipinas ay Ingles pa rin ang dominanteng wika sa pamahalaan, edukasyon, negosyo, batasan, at hukuman, ngunit ang wikang ito ay nabigong humuli sa guniguni ng taumbayan. Nagkakaroon ng malaking pagkakabukod ang mga pinuno at awtoridad palayo sa kanilang dapat pagsilbihang mga mamamayan. Mabuti na lamang at dumating ngayon si Pang. Noynoy Aquino na handang magsalita sa Filipino para maunawaan ng milyon-milyong karaniwang Filipino alinsunod sa diskurso at wika ng mga Filipino.

      Paminsan-minsan ay dumalo ka sa SAWIKAAN. Sayang ang iyong talino, Eugene Carmelo, kung magpapauto ka sa DILA at SOLFED na walang inatupag kundi kondenahin ang Filipino para maipalaganap ang Ingles sa Filipinas, samantalang ginagamit ang isyu ng multilingguwalismo para sa pagsusulong ng kani-kanilang pampolitikang balak.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: