Kampanya at Halalan

Sa larangan ng politika, ang lahat ay mabubuksan at magagamit bilang kasangkapan upang makamit ang anumang lunggati ng politiko.

Natural ang bakbakan sa politika, at kahit ang pagpatay sa mga tagasuporta ng isang politiko ay maaasahan kung umiiral sa isang pook ang kultura ng sandatahang dahas. Hindi inaasahan sa politika ang pagiging santo o martir ng isang kandidato, lalo sa eleksiyon, at walang kinalaman ang relihiyon sa kaniyang husay ng pagiging estadista. Ang pagiging santo ay higit na makiling sa relihiyon at moralidad; at kung ang kabanalan ang magiging sukatan ng pamumuno, ang pamumuno ay mistulang ehemplo ng matayog na pagsisinungaling. Hindi rin inaasahan sa politika kung mula sa mahirap ang kandidato, dahil ang pagiging mahirap ang lalong magpapagunita ng masaklap at kaawa-awang buhay ng mga botante. Kahit ang kasarian ay walang kinalaman sa politika dahil sa oras na mahalal sa posisyon ang isang kandidato ay kailangang simulang pagsilbihan niya ang pangkalahatang kabutihan ng buong bayan nang walang pagtatangi sa isang kasariang kaniyang pinagmulan.

May itinuturo ang kampanya sa eleksiyon. Ito ay kung paano kikilatisin ang politikong karapat-dapat magwagi at pamunuan ang bayan. Ngunit mahirap magawa ito, dahil malimit nauulapan ng propaganda ang kampanya, at imbes na magtalo nang makatwiran ang mga kandidato ay nauuwi kung minsan sa pagbabatuhan ng putik at maaanghang na punang karapat-dapat lamang sa kubeta o imburnal. Ang pagpapakilala ng mga politiko sa pamamagitan ng polyeto ay waring paglilista ng mahabang resume. Parang nag-aaplay ng trabaho ang bawat politiko, at ang botante sa isang iglap ay nagkakaroon ng kapangyarihang maging employer na makapamimili kung sino ang dapat hirangin sa posisyong pampamahalaan. Itinuturo rin ng kampanya sa eleksiyon ang pagbabalik sa nakaraang dayaan, ang tinaguriang “dagdag-bawas,” at ang taguring ito ay nagbabanta ngayon kahit de-makina na ang halalan.

Ibinubunyag ng eleksiyon kahit ang mga balatkayong kandidato, at ang mga kandidatong ito, na lumalahok para sa anumang kapakanan ng isang politiko, ay taktikang naganap noong unang panahon at paulit-ulit pa ring nagaganap magpahangga ngayon.  Ang mga balatkayong kandidato ay maaaring pambasag ng boto ng kalaban; o kaya’y para palitawin na may kalaban ang isang politiko na ang totoo’y ayaw namang magpatalo o bumaba sa puwesto. May ibang balatkayong kandidato na tumatakbo sa eleksiyon—na kahit batid na matatalo ay ginagawa pa rin yaon—upang magpakilala sa mga botante at testingin ang agos ng opinyon para sa susunod pang eleksiyon. Ang sukdulan ng balatkayong kandidato ay nasa pang-uuyam, na naghahain ng kandidatura sa Comelec upang uyamin mismo ang proseso ng halalan at libakin ang estado ng mga manghahalal. Ngunit nasa demokratikong bansa tayo, at malaya ang sinuman na ihayag kahit ang kaniyang angking katangahan o kabaliwan.

Ang isang pampolitikang posisyon, halimbawa na ang pagkapangulo, ay natural na targetin ng sinumang matindi ang ambisyon. Hindi lamang simbolikong kapangyarihan ang pagwawagi sa halalan; kaugnay din iyon ng kapangyarihang pangkabuhayan at pribilehiyong panlipunang maibibigay lamang sa bukod-tanging nilalang. At upang maganap yaon, kinakailangan ang buong buhay na paghahanda. Magsisimula ito sa pagbubuo ng karera sa serbisyo publiko, pag-iipon ng pondo, pagtataguyod ng network ng institusyon at tao, at iba pa. Ang persona ng politiko ang pinakaiingatan, dahil sa kisapmata’y maaaring madungisan ang kaniyang maningning na karera at pulutin siya sa kangkungan pagkaraan.

Mapapansin na sa proseso ng kampanya kumikiling ang timbangan sa halalan. Ang buong proseso ay lunan ng tunggalian at interogasyon, at mahalaga kung anong pananaw ang mangingibabaw na posibleng paniwalaan ng mga tao. Mabigat ang tungkuling gagampanan ng mga propagandista at komentarista, dahil maaaring makapagpakiling sila sa opinyon ng taumbayan. Maaaring makatulong kung matangkad, makisig, matalino, at mayaman ang kandidato; ngunit maraming may gayong katangian ang nabibigo pa rin sa bandang huli kung hindi niya kayang hulihin ang guniguni ng taumbayan. At magagawa lamang ito ng politiko kung gagamitin niya ang wika at diskurso ng taumbayan.

Sa halalang ito, napakahalaga ang paggamit ng wikang Filipino sa buong proseso ng kampanya. Wika ang natitirang hiblang makapag-uugnay sa kandidato at sa mga botante. At hindi dapat isantabi lamang ito ng mga politiko. Sinumang kandidato na mabisang makagagamit ng Filipino sa pakikipagtalastasan sa taumbayan ay inaasahang magwawagi. Pinatunayan na ito ni Pang. Joseph Ejercito Estrada noon, at maaaring maulit sa halalan ngayong taon.

3 Tugon

  1. Mr. Añonuevo, ang aming thesis ay tungkol sa infomercial ng mga kandidato… Napansin naming napakagaling at tunay na eksperto ang istratehiya niyo sa pagsulat…

    Maaari ba naming isama ang ibang impormasyon ninyo sa aming thesis? Nangangako kami na isasama ang inyong pangalan bilang author ng naturang impormasyon at bilang pag-galang na din sa inyo…

    Maraming salamat sa malamang impormasyon…

    • Pumapayag ako, Charlene, at natutuwa ako at kahit paano’y marunong kayong sumipi sa akda ng iba. Ipagpatuloy ninyo ang saliksik, at magsulat para sa ikamumulat ng mga Filipino.

      • Maraming Salamat po…:) Pagpalain nawa kayo ng ating Tagapagligtas…

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: