Salita ng Taon 2009

“Bayani” ang isa sa mahahalagang Salita ng Taon 2009, at ito ay kinakatawan ng gaya ni Efren Peñaflorida na kinilala ng CNN. Si Peñaflorida ang nagpakilala ng edukasyon sa pamamagitan ng kariton, at sa pagsugpo sa kultura ng tambay at maton na malaganap umano sa kaniyang lugar. Kahanga-hanga ang pagwawagi ni Peñaflorida, samantalang ibinubunyag ang kahinaan ng pamahalaang ito na maglaan ng sapat na pondo, tauhan, at pasilidad sa mga dukhang estudyante upang makapag-aral at makatapos ng pormal na edukasyon.

Kung ang target ng kariton ay malikom ang mga kabataan palayo sa kultura ng maton at tambay ay magandang proyekto. Panandalian ang ganitong proyekto, dahil ang mga gumigimik na kabataan ay karaniwang sa gabi naglalakwatsa kung hindi man nagtatrabaho; at kung gumising ay halos tanghalian na. Ang target ng pangkat ni Peñaflorida ay mahihinuhang nasa edad 9–12 taon, at ang kariton ay naghahain ng oportunidad upang magbasa ng aklat, kumutingting ng laruan, magpalunas ng mumunting sugat, at magbigay ng payo na maaaring may kaugnayan sa pagkatao at pamilya.

Ang edukasyon sa pamamagitan ng kariton ay pangarap na dapat iangat sa mataas na antas. Maaaring sa susunod na panahon ay hindi na malalaking paaralan ang kailangan, kundi maliliit na sangay ng paaralang tumutugon sa pangangailangan ng mga kabataan at pamayanan. Sinusuri kahit ang mga inilalakong aklat at babasahin, dahil kung ang mga teksbuk at babasahing patakbuhin lamang ang makikita sa kariton ay magsisilbing tulay pa ang kariton sa pagpapalaganap ng mga basurang kaisipan. Inaasahang matuturuan din ang mga bata na magtaglay ng kasanayan, at ang kasanayang ito, panandalian man o pangmatagalan nilang magagamit, ay dapat alinsunod sa hinihingi ng kanilang pamumuhay.

Nagbibigay ng pag-asa ang kariton sa mga dukhang kabataang salat sa oportunidad na makapag-aral. Subalit makapagbibigay din ang kariton ng balighong pag-asa kung ang edukasyon ay mananatiling nasa antas na pangkalye lamang, at hindi na maitutuloy tungo sa higit na kapaki-pakinabang na paraan. Nagtuturo ng sigasig ang kariton kung paano dapat aktibong kumilos ang pamahalaang ito para tugunan ang pangangailangan sa edukasyon. Ngunit nagbibigay din ito ng halimbawa kung paano iaasa sa kariton ang edukasyong hindi makasasabay sa mabibilis na pagbabago sa lansangan at lipunan. Ang kariton ay dapat sipatin na isang hakbang pasulong, at kung hindi ito tuloy-tuloy na maisusulong tungo sa matataas na larang, ang edukasyon ay mauuwi sa pagiging panakip-butas lamang.

Maiuugnay din ang salitang “bayani” sa pangalan ni Manny Pacquiao. Ngunit ang pagkabayani ni Pacquiao ay nasa personal na antas, at siya bilang sagisag ng bayan ay ginagamit sa pakikipagbakbakan na ang ultimong tagumpay ay nasa pagpapabuwal ng kalaban sa pamamagitan ng suntok at pagkakamit ng pitong titulo sa pitong timbang na dibisyon.  Sa puntong ito, ang pagkabayani ni Pacquiao ay masisipat na pang-isahan lamang, at lumalawak lamang ang pakahulugan dahil sa pagkasangkapan kay Pacquiao bilang sagisag ng Filipinong nakikipagsapalaran sa ibayong dagat. Inaangkin si Pacquiao ng taumbayan na pandaigdigan ang kalibre at husay bilang atleta, at ang ganitong pagpapahalaga ang nagpapanibago sa sagisag kay Pacquiao mulang personal tungong panlipunang konsepto ng bayan.

Maiuugnay din ang salitang “bayani” sa naganap na masaker sa Maguindanao. Pinatay ang 57 katao ng mga pinaghihinalaang bataan ng pamilya Ampatuan, at may kaugnayan ito sa politika. Ang mga tao na ibig sumalungat sa Ampatuan sa pamamagitan ng mapayapang pamamaraan ay maituturing na bayani, dahil ang sakripisyo nila ng buhay ay sa layong makamit ang kalayaan, katarungan, kapayapaan, at kaunlaran sa Maguindanao nang higit sa kayang itakda ng buong lipi ng Ampatuan. Sa pagkakataong ito, ang konsepto ng “bayani” ay hindi lamang pang-isahang tao, gaya ng kay Peñaflorida o Pacquiao at alinsunod sa pananaw ng mga Amerikano. Ang bayani ay pangmaramihan, gaya ng mauugat sa salitang “bayan” mula sa “bayan+i”. Binuksan ng masaker sa Maguindanao ang iba pang kaugnay na usapin, gaya ng pag-iimbak ng armas, pagtatatag ng mga pribadong sandatahang hukbo, monopolyo sa kapangyarihan ng isang pamilya sa pamahalaang lokal at negosyo, pakikipagbakbakan sa mga separatistang MILF, at pagpapataw muli ng Batas Militar sa buong lalawigan. Sa pagkakataong ito, ang konsepto ng “bayani” ay lumalampas na sa hanggahan ng Maguindanao, at umuukilkil sa kamalayan ng buong bansa. Hinihimok ng panahon na gumising ang taumbayan sa malaong pananahimik, at wakasan ang paghahari ng dahas at kasakiman ng iilang tao lamang.

Lumutang ang salitang “bayani” nang may magpanukalang gawing pambansang bayani si Pang. Corazon Aquino nang yumao ito. Marami ang nagpasalamat kay Aquino bilang pangulo, at ibinandila ng mga dambuhalang network ng telebisyon, radyo, at pahayagan ang pakikibaka niyang matamo ang “demokrasya” sa Filipinas. Ngunit ang pagkabayani ni Aquino ay umuungos sa ambag ng taumbayan sa gaya ng Aklasang Bayan sa EDSA. Hindi magtatagal ang halina ni Aquino, at ang pinakasukdol ng kaniyang paggamit sa lakas ng taumbayan ay mabibigo nang sumuporta siya sa pagpapanatili ng base militar ng Estados Unidos sa Subic at Clark, o kaya’y sa kahinaang pahupain ang galit ng taumbayan nang paslangin sa Mendiola ang may 13 magsasaka at masugatan ang 80 kataong humihingi ng reporma sa lupa. Mabibigong maipasa sa senado ang bagong tratadong militar ukol sa base; at iiral ang usapin sa asyenda Luisita na halimbawa ng pagpapahalaga sa repormang agraryo. At magbabalik lamang muli si Aquino upang makilahok sa ibang pampolitikang usapin, gaya ng malawakang pandaraya sa halalan at pagtuligsa sa malawakang korupsiyon sa pamahalaan noong administrasyon nina pangulong Fidel Ramos, Joseph Ejercito Estrada, at Gloria Macapagal Arroyo.

Pinakamagandang halimbawa ng “bayani” ang masisilayan sa nakaraang mga bagyong gaya ng Ondoy at Pepeng na humagupit sa bansa. Ang malawakang pagkasalantang dulot ng pagbaha, pagguho ng mga lupa, at pag-ulan ng siyam-siyam ay gumising sa taumbayan para tulungan ang kapuwa Filipinong nasa bingit ng panganib o kamatayan. Pambihira ang pagbabalikatan ng mga tao mulang artista at politiko hanggang mga karaniwang tao; ang paghahatid ng mga serbisyo, pagkain, gamot, at iba pang kaugnay na kagamitan; ang pagbubukas ng mga tahanan at gusali; ang pagsasalusalo para mairaos ang gutom at sakit ng mga bakwet at sawimpalad. Maraming Filipino ang nagboluntaryo sa iba’t ibang paraan, hindi alintana kung wala mang salapi, ang mahalaga’y maipaabot kahit ang munting serbisyo na makatutulong sa pagtitindig muli sa buhay ng mga nasalanta.

Ang konsepto ng bayani ay dapat muling isaalang-alang ngayon. Ang bayani ay hindi dapat makulong sa iilang tao lamang; ang bayani ay dapat matuon sa buong bayan. Ang “bayani” ang iminumungkahi kong maging Salita ng Taon ngayong 2009.

4 Tugon

  1. Sir Bobby, magandang araw po…

    Hingi lang po sana ako ng mga paliwanag hinggil sa pagkaka iba at saan gagamitin ang mga salitang

    1. ng at nang
    2. daw at raw
    3.roon at doon
    4. at iba pang mga katulad nito.

    Salamat po

    Rey

    • Mahaba ang paliwanag sa iyong tanong at hindi magandang sagutin dito dahil walang kinalaman sa paksang aking tinalakay. Maaari mong sangguniin ang Gabay sa Editing sa Wikang Filipino (2004) na ginawa ng UP Sentro ng Wikang Filipino at lahat ng iyong tanong ay nasagot na roon. Sasagutin ko rin ang iyong tanong sa mga susunod na talakay ko rito sa Alimbukad.

  2. Sumasang-ayon po ako sa inyong panukala. Isang mahalagang konsepto/salita ang “bayani” lalo na sa panahon ngayong nahaharap pa rin tayo sa mga suliranin hinggil sa paghahanap ng katarungan para sa mga pinaslang sa Maguindanao at ang pagtataguyod din ng kaunlaran para sa ating bansa

  3. Magandang mungkahi yan sir Bob pero hindi patok na salita ang “bayani” kung ang pag-uusapan ay ang popular na pamantayan. Mahalagang criterion kasi sa pagpili ng “salita ng taon” ang dalas ng banggit, sa trimedia. Lalung-lalo na sa mga blogs (tag clouds).

    Sabi nga sa Sawikaan:

    Maaaring ituring na Salita ng Taon ang isang salita, bago man o luma, na nakapukaw sa pambansang guniguni o nakaapekto nang malaki sa mga usaping pampolitika, panlipunan, pang-ekonomiya, at iba pang aspekto ng buhay-Filipino sa loob ng nakaraang isa o dalawang taon. Hindi man sabihin, isang salita ito na naging popular o karaniwan at makabuluhang ginagamit ng mga mamamayan sa iba’t ibang antas ng pagtukoy at pag-unawa sa kanilang mga pansarili at panlipunang karanasan. Isang mahalagang dagdag ang Salita ng Taon sa bokabularyo ng bayan at karapat-dapat na magkaroon ng espasyo sa pambansang wika at diksiyonaryo. Sa madali’t salita, maaaring kilalaning Salita ng Taon ang anumang salita na:

    · Bagong imbento

    · Bagong hiram mula sa katutubo o banyagang wika

    · Luma ngunit may bagong kahulugan

    · Patay na salitang muling binuhay

    Naalala ko pa noong 2001-2002, naging penomenal noon ang issue ng Erap impeachment at ang pangunahing personalidad noon ay si Chavit singson, na nagChavit sa pangulo sa maraming anomalya. Bukambibig ng bayan ang salitang chavit, na mabilis namang naidagdag sa bokabularyong pinoy.

    Sa taong ito, iminumungkahi kong maging salita ng taon ang “Ampatuan”. Bilang utak ng pinakamarahas na election-related killings sa kasaysayan, at pinakamalagim na bangungot sa larangan ng pamamahayag, naging instant hit ang pangalan Ampatuan, na katugma ng Saddam, sa apat na sulok ng bayan. May biruan pa nga sa Facebook na nagtatampok sa malikhaing pag-gamit ng nasabing salita. Bilang pandiwa: Inutos ni Gloria na iampatuan ang mga rebelde sa Maguindanao. Bilang pang-uri: ampatuang ina. Bilang pangngalan: Itakwil natin ang ampatuan sa ating puso. Pero nagbibiro lang ako. Hindi pa rin makapapantay ang Ampatuan, sa kabila ng kanilang yaman at kapangyarihan, sa mas malakas na padrino ni Santino: si Bro.

    Ang nagsindi nitong ilaw, walang iba kundi si Bro. Salamat sa liwanag nya, muling magkakakulay ang pasko. Sino pa ba ang hindi nakarinig nito? Si Wilma Galvante nga at si Herman Moreno ay nahuling nagduduweto sa himig ng awit na ito, Christmas Station ID ng channel 2.

    Kaninang madaling araw nga lang, sa homily ng pari, ilang beses nyang nabanggit si Bro. Nahihirapan siguro siyang ibenta si Jesus, kaya mas mahusay nga naman na irepackage sya sa tulong ni Santino, at ng multimedia.
    Pwera kay Bro, meron pa akong ibang kandidato:

    Unlitext
    Unlicall
    Unli

    Unli in the Philippines.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: