Kritikastrong Tanaw ni Tomas F. Agulto sa Panulaang Filipino

Virgilio S. Almario alyas Rio Alma, kuha ni Phillip Kimpo Jr

Virgilio S. Almario alyas Rio Alma, kuha ni Phillip Kimpo Jr

Nagiging makulay ang pagpapahalaga sa pagtula ng isang makata alinsunod sa pagbasa na ipinapataw dito ng mga kritiko o kritikastro. Ang kritiko ay maaaring kumasangkapan sa mga pagdulog at teorya ng pagbasa, at sa gayong paraan, ay nagiging tulay siya ng teksto tungo sa mambabasa. Sa pamamagitan ng paggamit ng lente ng pagbasa, ang tula ay nasisipat sa iba’t ibang anggulo, bagaman hindi masasabing isang pagtanaw lamang ang tama kompara sa ibang pagtanaw. Ngunit sa ibang pagkakataon, ang kritiko ay hindi lamang tulay bagkus tagapagtanggol o tagatuligsa ng tula, at dito papasok kung sino at ano ang kaniyang pinapanigan. Sa madali’t salita, ang kritiko ay hindi newtral sa ilang pagkakataon, dahil maaaring nauulapan ang kaniyang isip ng prehuwisyo at saliwang pagtanaw, maigiit lamang ang katumpakan ng isang akda.

Higit na mabigat ang kaso ng kritikastro kompara sa kritiko. Ang kritikastro—na inangking salita sa Tagalog mula sa Espanyol na “criticastro” at maidaragdag sa “criticon” ng Espanyol at “malabiga” ng Tagalog—ay malimit mamintas o pumuna sa mga tula o katha nang walang matibay na pagdulog o lente ng pagbasa, samantalang inihahayag nang walang hunos-dili ang kamangmangan. Subalit higit pa rito, ang pag-aaral sa tula o katha ay inililihis sa personal na búhay ng makata o mangangatha, at ito ang tinatasa alinsunod sa halagahang pangmoral, pang-etika, pampolitika, pang-ideolohiya, at iba pang kaugnay na bagay. Makitid ang pananaw ng kritikastro, bukod sa paimbabaw at marahas. Mainipin at mababaw, ang pukol ng puna ng kritikastro ay nakabatay sa maiikling pasaring imbes na malalimang pagsasaliksik o makatwirang pagtatasa, at kung uuriin nang maigi ay hindi makapapasa sa mahigpit na pag-aaral na hinihingi sa tula o katha upang maunawaan ang salimuot o bighani nito. Prominenteng halimbawa ng kritikastro sa panitikan ang gaya ni Tomas F. Agulto.

Sumulat ng kilometrikong puna si Agulto na pinamagatang “Ebololusyonistang Panitikan para sa Kabataang Manunulat na Tatanghaling National Artist Bukas” sa kaniyang blog ngunit ang naturang akda ay hindi teorya sa panitikan bagkus mahabang monologong naghihinagpis sa mga tinagurian niyang “naghahari-harian” sa panulaang Filipinas. Ang mga tao na naghahari sa panitikang Filipinas ang dapat umanong sisihin sa pagpapakalat ng virus sa kaisipan ng madla sa pamamagitan ng mga salita. Ani Agulto:

Dahil masyadong malawak ang polusyon sa kalinangang Finoy—para masapol ang paksa ng dumi sa ating paniniwala at kaasalan sa buhay— isesentro ko na lang ito sa literatura at partikular sa panulaan—at sa kamandag ng impluwensiya ng makata bilang ahente o mersenaryo ng polusyon. Binibigyan natin ng kaukulang pansin laluna [sic] ang mga Imperyalistang Mananagalog sa akademya.

Ang makata, manunulat, ebanghelista, at kabilang ang mga “Imperyalistang Mananagalog sa akademya,” ang sinisisi ni Agulto na tagapagpalaganap ng virus na sumisira sa isip ng madla. Heto pa ang kuro ni Agulto:

Ang mapaminsalang virus ay naisasalin hindi sa nakabukang sugat— hindi sa hininga—hindi sa laway o halik, kundi sa salita. Naipapasa sa pamamagitan ng misa, book launching, bookstore, akademya, simposyum, workshop, balagtasan, panayam at lumalagos sa massmedia— at sa mga komperensiyang panliteratura— laluna [sic] ang mga timpalak, grant, publikasyon. At ang mabisang tagapagkalat ng mikrobyo ay mga ebanghelista, manunulat at makata.

Hindi orihinal na idea ang binanggit ni Agulto at matagal na itong ipinaliwanag ni Richard Dawkins na umurirat sa bisa ng meme na matutunghayan sa aklat na The Selfish Gene (1976). Ngunit kung ang virus na tinutukoy ni Dawkins ay may kakayahang magbago ng anyo saka pumapaloob sa diwa o kalooban ng mga salinlahi, at lumaganap sa sari-saring paraan, salát naman ang paliwanag ni Agulto hinggil sa “mikrobyo” o “bacteria” o “virus” na pangkaisipan. Sa termino pa lang ni Agulto ay mahihinuhang iisa ang tabas ng “mikrobyo,” “bacteria,” at “virus” bagaman malaki ang pagkakaiba nito sa lárang ng agham at medisina.

Inihalimbawa ni Agulto si Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario na tagapagpakalat ng mikrobyo sa panulaang Filipinas. Ngunit ang tuligsa ni Agulto ay hindi tumitingki sa buong lawas ng tula at poetikang binuo ni Almario sa mahabang panahon, bagkus sumesentro sa pagiging loyalista nito sa yumaong Pang. Ferdinand E. Marcos. Ang pagiging “loyalista” ni Almario ang kasalanang mortal niya, ito ang mapipiga sa akda ni Agulto, bagaman maitatangi ang katauhan ni Rio Alma bilang makata, sa Virgilio S. Almario bilang partisano ng kilusang lihim noong dekada 1970 o bilang kasangkot sa rehimeng Marcos. Sinuhayan pa ni Agulto ang kaniyang opinyon sa pagsipi kina Gelacio Guillermo at Reuel Molina Aguila na kapuwa kasapi ng kilusang lihim at dating kapanalig ni Almario. Ngunit hindi inilugar ni Agulto ang pagsipi niya sa dalawa niyang kaibigan, lalo kay Guillermo. Sinisipat ni Guillermo si Almario bilang dating partisanong tumalikod sa simulain ng kilusan, at maituturing na kontra-rebolusyon sa sipat ng rebolusyonaryong kilusan, at ang pagtalikod na ito ay may implikasyon sa magiging karera ni Rio Alma bilang makata sa mga sumunod na taon.

Tumitingkad ang karera ni Rio Alma dahil mabulas din ang isa pang katauhan ni Almario bilang alagad ng sining at pinuno ng mga manunulat sa dating Philippine Writers League na naging Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Pasimuno si Almario noon sa pagpapalago ng kasapian ng mga manunulat na Filipino, at magbubunga ito ng paglalabas ng sari-saring publikasyon at pagbubunsod ng mga kumperensiya para maitanghal ang husay ng mga manunulat at mahasa ang mga ito sa paglalabas ng matitinong akda. Ang ganitong hakbangin ni Almario ay hindi maituturing na pansarili, dahil kaugnay nito ang patuloy na pakikibaka at mataas na bisyon upang mapayabong ang panitikang Filipino samantalang nililinang ang wikang Filipino. Magagawa ito ni Almario sa tulong ng kaniyang mga kaibigang nakikilahok sa pagtataguyod ng gayong diwain nang higit sa maitatakda ng programa ng kilusang lihim; o kaya’y sa samahang pinagpapala ng biyaya ni San Miguel.

Nang patalsikin sa kilusang lihim si Almario ay magbabago nang husto ang kaniyang pagtula, at masisilayan ito sa paghuhunos ng linyadong Peregrinasyon (1970) at Doktrinang Anakpawis (1978) tungo sa pagpapalawak ng tanaw sa mga aklat na Retrato at Rekwerdo (1984); Palipad-Hangin (1985); (A)lamat at (H)istorya (1986); at Kanton Para sa Limang Pandama (1987).  Patatalsikin din si Almario sa GAT (Galian sa Arte at Tula), bagaman si Almario ang pundador ng naturang kasapian, sanhi ng mga pagkakaiba ng panlasa sa politika. Itatayo ni Almario ang LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo), at kahit ang mga unang kasapi nito ay dumanas ng intoleransiya sa ilang kasapi ng GAT dahil nagkataong nasa ilalim ng pangangasiwa ni Almario. Ngunit ang Rio Alma bilang makata ay magpapatuloy sa paglalabas ng mga aklat ng tula, na ang ganap na distilasyon ng mga kaisipang makabansa ay matutunghayan sa gaya ng Mga Retaso ng Liwanag (1990) at Muli, Sa Kandungan ng Lupa (1994). Ipinaliwanag ko na ito sa nauna kong akdang nagpapahalaga sa mga tula at poetika ni Rio Alma sa mahabang panahon.

Marahas bukod sa baluktot ang paglalahad ni Agulto hinggil sa kasaysayan. Aniya:

Buo ang dokumento ng gyera-patani sa hanay ng mga makabayang manunulat. Pinatindi ang polarisasyong ito ng sektor sa arte at literatura na kinakatawan ng grupong Rio Alma Versus Galian sa Arte at Tula bago at pagkatapos ng Edsa I— pero ang tawag ni Almario sa mga sumabak ay mga welgista sa Edsa.

Bago pa namatay ang GAT, nag-organisa agad si Rio Alma ng bagong pangkat pampanitikan na tatawagin niyang LIRA— (at biro nga sa akin ni Mike Bigornia noong nabubuhay pa—Liga ni Rio Alma). Ngunit sa opisyal na ngalan ay Linangan sa Arte Retorika at Awit [sic, Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo]. Sa LIRA magsasama-samang muli ang mga manunulat na barkada at tagahanga ni Rio Alma lalo na mula sa hanay ng kabataan sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas. At itutuloy ng UMPIL ang krusadang pampanitikan. Makokopo ng pangkat ni Rio Alma ang mga kontes at publikasyon. Sa Palanca, UP, NCCA, Aklat Adarna, Anvil Publishing, at mga coffe table book mula kung saan-saang ahensya ng gobyerno. May proyekto silang texttula at ang isang proyekto ng UMPIL— TULAAN SA TREN ay nagplano silang pag-usapan sa mansion-bakasyunan ng National Security Adviser Chavit Singson, kung saan kaaya-ayang magmiting pagkat malawak ang mansion-zoo kung saan pwede silang mag-obserba ng mababangis na hayop sa loob ng tahanan ng kanilang padrinong pulitiko.

May polarisasyon bang naganap sa hanay ng mga makata at manunulat, gaya ng ibig ipahiwatig ni Agulto? Wala, at ito ay kung pagbabatayan ang mga aklat at simulain ng dalawang pangkat. Nagkataon lamang na higit na masigasig ang LIRA sa lingguhan nitong palihan, bumagyo man at may rilim, samantalang ang GAT ay naupos dahil sa pag-aaway mismo ng mga kasapi nito. Hindi totoong tinalikuran ng LIRA ang pagsulat ng mga “tulang nakikisangkot” at sa halip ay inanyuan pa iyon ng higit na maselang pagdulog sa pananalinghaga at pamamaraan. At kahit ang LIRA ay walang taguyod ng kilusang lihim ay nagpasimuno ito sa mumunting pamamaraan upang mapasigla ang panitikang Filipino sa pamamagitan ng pagkatha, paglilimbag, pagsasalin, pagtatanghal, pakikipagpalihan, at pakikipagtalakayan sa iba’t ibang pangkat na sari-sari ang paniniwala o kulay. Ang ganitong pagsisikap ng LIRA ay may tangkilik ni Almario na bukod sa nagbibigay noon ng libreng palihan at nagpapatoma pa sa kaniyang natitirang kaibigan.

Totoong magwawagi ang mga kabataang makata at mangangathang tinuruan ni Almario sa mga timpalak pampanitikan at mabibigyan ng oportunidad na mailathala. Ngunit ang pagwawagi na ito ay hindi mababansagang “niluto” ni Almario dahil walang kapasidad si Almario na gawin iyon sa mahabang panahon. Nagkataon lamang na marunong tumuklas ng talento si Almario, at kumbaga’y nahuhulaan niya ang mga tao na may natatanging talentong nangangailangan lamang ng mahigpit na pagtuturo at paggabay. Ginawa ito ni Almario hindi bilang programang ang inaasahang resulta’y pananagumpay sa larangan ng politikang pampanitikan, bagkus sa pananagumpay ng panitikang Filipinas sa kabuuan. Sa aking mga pagdalo sa palihan ng LIRA, walang tuwirang dikta si Almario kung anong uri ng pagtula ang nararapat sundin. Malaya ang sinuman na isulat ang ibig niya. Gayunman, inaasahan sa LIRA ang mahigpit na pagpapahalaga sa kasiningan ng tula o akda, na kung iaangkop sa nilalaman nito’y higit na magtatampok ng makukulay na guniguni ng makata. Ipamamalas din ng LIRA ang pambihirang sigasig nito sa pagsusulat, na hindi masasabayan kahit ng matatandang tinale ng GAT. Kung babalikan ang winika ni Agulto, ang pananagumpay ng pangkat ni Almario sa larangan ng panitikan ay isang kontra-rebolusyon; ngunit masasabing kontra-rebolusyon lamang ito sa makitid, kumbensiyonal, at programadong mando ng kilusang lihim na ginagamit lamang ang tula o panitikan bilang kasangkapang pampolitika imbes na mahalagang bahagi ng sining.

Nakatiwarik yata si Agulto habang sinusulat ang kaniyang akda, at kung saan-saan sumusuot ang kaniyang talakay para pangatwiranan ang sinasabi niyang “makaagham na pagdulog” sa panitikan. Isinaad niyang “Kailangang sumabay ang Pinoy sa lohika ng kulturang ebolusyunista, siyentipiko, produktibo at makatao,” ngunit ang kaniyang paliwanag ay salát sa pruweba, at hilaw na hiram sa akda ni C.P. Snow at iba pang ebolusyonistang panlipunan, bukod sa malinaw na argumentum ad hominem sa mga binanatan niyang mga manunulat, gaya nina Zeus Salazar, Virgilio S. Almario, at Roberto T. Añonuevo, samantalang nanlilibak sa iba  habang binabanggit sina Lualhati Bautista, Pete Lacaba, at Bob Ong. Walang maaasahang pagbubunyag sa “virus na pangkaisipan” na ipinalaganap sa pamamagitan ng tula o poetika ang matutuhayan sa mababaw na kritika ni Agulto, at nabigyan sana ng pagkakataon na maurirat kung karapat-dapat ngang pag-aralan ang mga tula ng gaya nina Rio Alma at Añonuevo. May kalayaan ang sinuman na ihayag ang kaniyang opinyon, saliwa man o mababaw. Subalit pana-panahon ay kailangan itong ituwid; at kalusin ang dapat kalusin dahil sa pagpapalaganap ng basurang kaisipang nagkukunwang “makaagham, realista, at natural na pagdulog” sa panitikang ipinangangalandakan ng kagalang-galang, kataas-taasang makatang Tomas F. Agulto.

19 Tugon

  1. Kung naghahanap ang alimbukad ng teoryang pampanitikan, hindi naglalako ang kuntra krusada, ito’y paglalahad ng opinyon tungkol sa kultura at literatura; kung may hinahawakang awtoridad ang alimbukad para bigyang lisensiya kung paano susulat at tutula ang isang tao, pakilathala po lamang at suriin namin kung puwede kaming magpalada ng aplikasyon.

    Pero maramot po sa pagtitiwala sa opionyon ng ibang tao si G. Anonuevo laluna’t tungkol sa panulaan ni Rio Alma – yung mga hurado ng Nobel, pinagdudahan niyang walang kakayahan at pasensiyang basahin ang lawas/walas, parakela/parelake/ ng talinghaga ng kanyang kandidato, Ang totoo, sabi pa ni anonuevo, pati mga kritikong Pinoy ay daig ng kanyang anak dahil inienjoy ang tula ni Rio Alma. Mas elegante ang panlasa sa tula ng mag-amang Anonuevo kaysa mga kritikong tulad ni Gelacio Guillermo at iba pang kriticastro – wag na pong ibilang si tomagulto

    • Hindi ko sinasagkaan ang anumang opinyon mo, Tom Agulto. Ngunit ang opinyon ay dapat malinaw at matatag ang pinagbabatayan, at hindi humahangga sa paninirang puri lamang. Kung may problemang personal ka kay Virgilio S. Almario ay kayo ang makalulutas niyan. At matuto kang magsuri ng mga tula alinsunod sa parametro ng panitikan at hindi sa politika ng kabalbalan.

      Ang problema sa iyo ay lagi mong binabaluktot ang aking mga salita, at ipinipilit mo ang opinyong hindi sa akin nagmula. Basahin mong muli ang aking mga akda nang matauhan ka sa iyong pinaggagawa.

  2. taob dito ang bakbakang pacquiao-mayweather.🙂

    pero pwera biro ho, hangang hanga ako sa tapang ng inyong loob at talas ng mga salita. sa tuwing napapadako ako sa alimbukad man o sa kuntrakrusada, lumalawak din ang aking persepsyon sa panitikan, lipunan, at pagka-Pilipino.

  3. Nakakapangamba kasi yung kanyang pahayag na ang mga patimpalak gaya ng Palanca,publikasyon, grant at iba pang may kaugnayan sa literatura sa Pilipinas ay may monopolyo o kontrolado ng iilan?

    • Walang batayan ang paratang na kontrolado ng iilang tao ang pagwawagi sa Palanca, grant, at iba pang bagay, gaya ng pahayag ni Tomas Agulto. Nagkakatalo ang lahat sa husay ng mga akda at manuskritong isininusumite sa lupon ng kritikong pipili ng kung anong akda ang karapat-dapat magwagi. Kahit sa Palanca ay bakbakan at mainitan ang pagtatalo kung sino ang pipiliing magwawagi. At hindi lulusot basta-basta ang padri-padrino kung sadyang marupok ang isang akda.

  4. maganda po itong senyales na nagkakaroon ng diyalogo mula sa mgkabilang panig, kuntra krusada at alimbukad. nawa’y maging bukas tayo sa diyalektikong proseso.

    bagamat nakapalaki ng kontribusyon ng institusyon sa larangan ng pagsulat, nawa’y maging bukas din ito sa mga ideyang nagmumula sa labas ng bakod nito.

    baguhan ako sa pagsusulat ngunit ayokong makulong sa parametro ng institusyon. kaya ayoko nang pumasok sa bakod nito. may sarili akong hangarin ng magpahayag ng ideya at sapat na yon. hindi man pumasa sa panlasa ng akademya, ok lng basta ang mahalaga “nairaos” ang paghahatid ng opinyon.

    ngunit kung magkaroon ng inisyatiba ang mga nasa taas at magbukas ng pag-uusap, aba, magandang balita ‘yun.

    ngunit kapakipakinabang din ang magbasa ng mga diyalogong tulad nito dahil may napupulot talaga akong aral mula sa magkabilang panig.

    • tama ka dyan.🙂

  5. pakisipi ang eksaktong sinasabi mo, bobby na may paratang akong ” kontrolado ng iilang tao ang panitikan” ang natatandaan ko: “nakokopo ninyo ang mga timpalak at institusyon” wala yata akong sinabing “kontrolado”. Hindi ba pinatutunayan mo rin na mas marami kayong nananalo sa mga kontes, hindi ko inaangalan yan. Yan ang totoo : nakokopo hindi kontrolado, magkaiba ang ibig sabihin nyan.

    gusto kong ulitin na nasasalin ang virus sa mga timpalak, balagtasan etc… opinyon ko yan, at inilalathala ko rin ang opinyon mo. halimbawa ay ang pagbanggit mo ng kawalang tiwala sa mga myembro ng Nobel at mga kritiko sa panulaang pinoy kung paano uunwain ang malalim na panulaan ni Rio Alma.

    Ok na enjoyin nyong mag-ama ang mga tulang gusto ninyong enjoyin. Hindi ko naman kayo pinipigil. Ang sabi ko iba-iba ang panlasa ng bawat tao.

    • Hindi newtral na salita ang pagkakagamit mo ng “nakokopo” at mahihiwatigan ito kung isasaalang-alang ang pagkakagamit sa buong pangungusap at talata mo. Kung babalikan ang Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles (1972) ni Jose Villa Panganiban, tumutukoy ang “kopo” na mula sa Espanyol na “copo” na singkahulugan ng “lahatan,” “monopolisado, at “lagóm”. Sa UP Diksyonaryong Filipino (2001), ang “kopo” na ginamit na pandiwa ay nangangahulugang “kuhaning lahat, gaya ng sa sugal.” Kung isasaalang-alang ang pagkakagamit mo ng “kopo” ay kargado ng pahiwatig, at ang pahiwatig na ito ay “kontrolado ng iilang tao” ang mga timpalak, grant, at iba pang kaugnay na bagay hinggil sa panitikan.

      Mahirap maunawaan ng mga hurado sa Nobel ang lalim ng mga tula at pananalinghaga ni Rio Alma kung ang gagamiting pamantayan ay lenteng mula sa banyaga. Ito ang mahuhugot sa aking akda. Ang ibig kong iparating ay kinakailangan ang masusing pagsusuri sa mga tula ni Rio Alma at kritika ni Virgilio S. Almario alinsunod sa punto de bista ng mga Filipino, at alinsunod sa diskurso nito, na mahirap matagpuan sa kasalukuyang lupon ng Premyo Nobel para sa panitikan.

      Mahilig kang magpasaring, ngunit ang iyong mga salita’y hindi mo mapanindigan. Palisin mo muna ang prehuwisyo sa iyong isip, saka mo basahin muli ang aking mga akda.

    • Ginoong Agulto, mawalang-galang na pero pareho lang naman kayo ni Bobby na “nakokopo ang mga timpalak at institusyon.” Kunwari ka pa e dati ka rin namang nakikipaghimasan ng bayag sa mga taga-GAT. At para namang malinis ang GAT, e me peryod nga na di manalo-nalo sa palanca ang mga hindi taga-GAT.

      Tibak-tibakan ka lang naman. Wag mo nang idawit sina Gelas dito at baka isuka ka lang nila. Wag ka nang makisakay sa kritisismong di mo naman kayang dalin. Pumirma ka rin ng suporta kay Marcos dati di ba?

      Pwe.

  6. “May proyekto silang texttula at ang isang proyekto ng UMPIL— TULAAN SA TREN ay nagplano silang pag-usapan sa mansion-bakasyunan ng National Security Adviser Chavit Singson, kung saan kaaya-ayang magmiting pagkat malawak ang mansion-zoo kung saan pwede silang mag-obserba ng mababangis na hayop sa loob ng tahanan ng kanilang padrinong pulitiko.”

    –Saan kaya napulot ang impormasyong ito? Qualified libel ito, kung itatanggi ng UMPIL. Kita ang malisya.

    • Magkaiba ang proyektong Textula (at ang tinutukoy marahil ay ang Dalitext na inisponsor ng NCCA, at isinagawa ng UP Institute of Creative Writing sa tulong ng UMPIL) noong 2003 at ang TULAAN SA TREN. Ang TULAAN SA TREN ay binuo at ipinatupad ng National Book Development Board (NBDB) sa ayuda ng Light Rail Transit Authority (LRTA). Walang kinalaman ang UMPIL sa TULAAN SA TREN.

      Pambihira ang paratang na ito ni Tomas F. Agulto. Sa aking pagkakaalam ay hindi nagpunta ang mga direktor ng UMPIL sa mansiyon ni Chavit Singson sa Ilocos Sur para lang sa textula. Hindi ko naman alam ang panig ng NBDB, at kung totoo mang nagpulong ang mga opisyal nito sa mansiyon ni Singson ay tiyak kong masasagot agad ni NBDB Executive Director Andrea Pasion-Flores.

      Tama ka, John. May malisya, at idaragdag kong may kamandag, ang bintang ni Agulto laban sa UMPIL.

  7. wala akong pinapanigan ngunit tila may problema sa literaturang pinoy. kung magiging bukas lang sana tau sa pagbabago…

    …marami pa sanang magagandang ideya magmumula sa labas ng parametrong itinakda ng institusyon. sa tingin ko’y uunlad ang larangang ito ng sining kung atin tong papapasukin.

    kung mananatili tau sa pamantayan. matutulad tau sa tubig sa kanal na di umuusad at binabahayan na lamang ng kiti-kiti. walang hanggan ang kayang languyin ng pagkamalikhain ngunit ang hugis ay nakukulong sa apat na sulok ng lawak.

    • Walang problema sa literaturang Filipino, dahil ang literaturang Filipino ay patuloy na lumalago habang lumalaon; ang problema ay maaaring nasa ugnayan ng mga manunulat. Maaaring magmula rin ang problema sa pagsagap sa panitikan—sakali’t magkaiba ang diskurso ng manunulat at ng madlang mambabasa.

      May pamantayan ang panitikan—na hindi maitatakda basta-basta ng institusyon—at ito ay mahahango sa mga akdang nasulat noong sinaunang panahon. Nabubuo ang kumbensiyon sa paglipas ng panahon, at pana-panahong binabasag ito ng mga manunulat na maaaring nakayayanig sa kaayusang panlipunang karaniwan nating batid.

      • paano po kung ang gawa ni G. Agulto ay isang hakbang upang basagin uli ito? Ano naman ang magiging reaksyon ng institusyon? Di po ba dapat ay maging bukas tau sa salungat na tesis upang umunlad? Sa tingin ko’y may punto ang ipinaglalaban nya.

        At paano rin kaming mga baguhan at estilong barbaro. makapasa kaya ang bangag ngunit malaya nming literatura sa inyong pamantayan? kung hindi man masaya na rin kaming magsusulat sa labas ng bakod ng inyong institusyon.

      • Ang retorikang tanong mo ay walang sagot, at hindi ako magpapanukala ng sagot sa tinutukoy mong institusyon. Hinggil sa tanong na pagiging “bukás” ng institusyon upang umunlad ay may punto. Ngunit kung babalikan ang akda ni Tomas Agulto at ang mga tugon ko ay walang kinalaman yaon sa pagiging sarado ng institusyong gaya ng UMPIL (Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas).

        Gaya ng aking nasabi na, may pamantayang nililingon ang mga manunulat, at ang pamantayang ito ay nakabatay sa mga dakilang gawa na nasulat noong nakalipas na panahon. Bagaman ang bawat henerasyon ay may naitatakdang “kadakilaan” o “kahusayan” ng pagsusulat, ito ay maaaring magbago alinsunod sa pagpapahalaga ng mga tao na bumabasa o gumagamit nito.

        Kung baguhan kang manunulat ay hindi ka makatatakas na balikan ang nakaraang panitikan at magpakadalubhasa sa pagggamit ng wika. Malaki ang maitutulong nito upang humusay ka sa pagsusulat, at hindi sapat ang pagtataglay lamang ng “makamasang karanasan.” Mula sa panitikan at wika ay mahuhubog ang ating sensibilidad, at kabilang na rito kahit ang sensibilidad sa pinakamababaw na paraan.

      • ang tinutukoy nyo po bang “nakaraang panitikan” ay ang katutubong literatura na iniluwal ng alibata o ang literaturang pinasimulan ni Balagtas?

        kung ako kase ang papipiliin, mas kakatigan ko ang katutubong literaturang isinulat sa dahon at kawayan na nangabulok. dahil ito’y malaya, nakaugat sa kalikasan at kilala ang sarili, mga bagay na nakaligtaan ni Balagtas.

        noon kaseng napakinggan ko ang lirikong gawa ng mga katutubong Tagbanua dito sa amin ay humanga ako sa husay at pagpapahalaga nila sa nakagisnang eksistensiya. ipinakita rin nila kung paano nila harapin ang pakikipagniig ng modernong mundo.

        pasensiya na po’t ako’y matanong. di ko pa lubos maunawaan ang sitwasyon…

      • Tinutukoy ko ang mga pasulat na panitikan, at isa lamang si Balagtas na nagtaas ng pamantayan sa panitikang pasulat sa Tagalog. Kung maalam ka sa Tagbanua ay kinakailangang maitala iyan, kung hindi’y maglalaho lamang iyan kapag binukbok ang mga kawayan o nangamatay ang sinumang nakatatanda ng katutubong panitikan.

        Hindi naman makatwirang ihambing ang akda ni Balagtas sa akda ng mga makatang Tagbanua, dahil magkaiba ang kanilang pinanggagalingan at estetikang silbi sa lipunan. Ang mga akda o tula ni Balagtas ay dapat sipatin alinsunod sa paglago ng panitikang Tagalog, at kung paanong ang banyagang padron ay ginamit upang maitanghal ang mga halagahang Tagalog sa pananaw at wika ng mga Tagalog. Gayundin, ang mga akda o tulang Tagbanua ay dapat masusing pinag-aaralan at itinatala, upang mabatid ang lalim at lawak ng imahinasyon ng mga makatang Tagbanua sa paglipas ng panahon; at para mabatid kung lumago nga ito o naging estatiko dahil sa pagkaligta o pagkawala ng mga susunod na Tagbanuang makata.

  8. tama, hindi maitatakwil ang tradisyon sa kabila ng pagragasa ng modernong panahon ito’y kailangan sa patuloy na paglusog ng sariling panitikan. ang institusyon na kagaya ng UMPIL ay kumakatawan ng tradisyon at ang sinumang ibig maghawan ng landas ay dapat ugatin ang tradisyon kasabay ng pagsagap ng mga kabaguhan sa paligid. hayaang magsalpukan ang iba’t ibang panig sa kapakinabangan ng mga nagmamasid ngunit hayaang mamayani ang tama. walang puwang sa literatura ang kitid at babaw ng mga alagad nito. binabati ko kapwa sina tom agulto at roberto anonuevo sa tagisan ng kanilang mga pahayag at natututo kaming mga nag-aaral ng panitikang Filipino.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: